Lawiswis Ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-22 ng Pebrero 2024
Larawan kuha ni Stefano Rellandini ng Reuters sa Manila Cathedral, Enero 15, 2015. Binatikos at binash (dapat lang) ng mga netizens mga pari noong Misa ni Papa Francisco sa Manila Cathedral nang mapansing walang tigil nilang pagkuha ng mga video at larawan, di alintana kasagraduhan ng Banal na Misa.
Ang demonyong cellphone palaging nasa loob ng simbahan hindi upang magsimba o manalangin kungdi upang tayo ay linlangin mawala tuon at pansin sa Diyos na lingid sa atin, unti-unti na nating ipinagpapalit sa demonyong cellphone na halos sambahin natin!
At iyan ang pinakamalupit na panunukso sa atin ngayon ng demonyong cellphone na ating pahalagahan mismo sa loob ng simbahan habang nagdiriwang ng Banal na Misa at iba pang mga Sakramento gaya ng pag-iisang dibdib ng mga magsing-ibig!
Isang kalapastanganan hindi namamalayan ng karamihan sa kanya-kanyang katuwiran gaya ng emergency, importanteng text o tawag na inaabangan, higit sa lahat, remembrance ng pagdiriwang: nakalimutan dahilan ng paqsisimba pagpapahayag ng pananampalataya sa Diyos na hindi tayo pababayaan kailanman; kung gayon, bakit hindi maiwanan sa tahanan o patayin man lamang o i-silent sa bag at bulsa ang demonyong cellphone?
Hindi man natin aminin ang demonyong cellphone ang pinapanginoon, pinagkakatiwalaan ng karamihan kaysa Diyos at kapwa-tao natin kaya pilit pa ring dadalhin, gagamitin sa pagsisimba at pananalangin!
Kung tunay ngang Diyos ang pinanaligan habang ating pamilya at mga kaibigan ang pinahahalagahan, bakit hinahayaang mahalinhan ating buong pansin ng pag-atupag sa demonyong cellphone tangan natin?
Pagmasdan sa mga kasalan sa halip ating maranasan kahulugan ng pagdiriwang, kagandahan at busilak ng lahat, asahan aagaw ng eksena demonyong cellphone kahit mayroong mga retratista naatasang kunan at ingatan makasaysayang pagtataling-puso kung saan tayo inanyayahan upang ipanalangin na pagtibayin pagmamahalan haggang kamatayan na ating tuluyang nakalimutan matapos tayo ay nalibang at nalinlang ng demonyong cellphone.
Sa bingit ng kamatayan naroon ating "last temptation" ng demonyo sa anyo pa rin ay cellphone upang sa halip na ipanalangin naghihingalong mahal natin, demonyong cellphone pa rin sa kahuli-hulihan ang hawak habang kinukunan huling sandali ng pagpanaw Diyos na ating kaligtasan, tinalikuran!
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-21 ng Pebrero 2024
Larawan mula sa forbes.com, 2019.
Ang demonyong cellphone tukso at ugat ng pagkakasala sa maraming pagkakataon; mga chismis, maling impormasyon kinakalat agad namang kinakagat ng marami sa pag-iisip at pang-unawa ay salat.
Ang demonyong cellphone hindi mabitiwan hindi maiwanan palaging iniingatan mga tinatagong lihim larawan at kahalayan ng huwad nating katauhan.
Ang demonyong cellphone istorbo at pang-gulo panginoong hindi mapahindian napakalaking kawalan kung hindi matandaan saan naiwanan, katinuan nawala nang tuluyan.
Ang demonyong cellphone winawasak ating katahimikan nawala na rin ating kapanatagan sa halip maghatid ng kaisahan pagkakahiwa-hiwalay bunga sa maraming karanasan pinalitan pamilya at kaibigan.
Ang demonyong cellphone lahat na lang ibinunyag wala nang pitagan ni paggalang sa kasagraduhan ng bawat nilalang ultimo kasamaan nakabuyangyang, pinagpipistahan.
Ang demonyong cellphone palagi nang namamagitan sa ating mga ugnayan atin nang nakalimutan damhin kapanatilihan pinalitan nitong malamig na kasangkapan pintig ng kalooban.
Sa panahong ito ng Kuwaresma iwanan at bitiwan ang cellphone dumedemonyo, nagpapagulo sa buhay nating mga tao; manahimik katulad ni Kristo sa ilang nitong ating buhay upang Siya ay makaniig at marinig Kanyang tinig ika'y iniibig!
Ang painting na “Temptation in the Wilderness” ni Briton Riviere (1840-1920) mula sa commons.wikimedia.org.
Lawiswis Ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II Kapistahan ng Pagbabalik-loob ni San Pablo, Ika-25 ng Enero, 2024 Gawa ng mga Apostol 22:3-16 ><}}}*> + ><}}}*> + ><}}}*> Marcos 16:15-18
Painting ng “The Conversion of St. Paul” ni Luca Giordano noong 1690 mula sa wikipedia.org.
“Magbago ka na!” Iyan ang mga salitang madalas nating marinig at sinasabi sa mga tao na alam nating mayroong masamang pag-uugali at gawain. Madalas bitiwan mga salitang iyan tuwing Bagong Taon at mga Mahal na Araw.
Ngunit, maari nga ba talagang magbago ng pag-uugali o ng pagkatao ang sino man? Ibig bang sabihin yung dating iyakin magiging bungisngis o dating madaldal magiging tahimik? Iyon bang matapang kapag nagbago magiging duwag o dating palaban magiging walang kibo at imik?
Kung isasalin sa sariling wika natin ang salitang “conversion”, nagpapahiwatig ito ng pagbabago tulad ng na-convert sa ibang relihiyon o sa ibang anyo o gamit. Ngunit sa bawat pagbabago, mayroong higit na malalim na nababago na hindi namang ibig sabihin ay nag-iiba o naging different.
Kasi iyong sinasabing conversion ni San Pablo o ng sino pa mang tao ay hindi naman pagbabago ng pagkatao kung tutuusin; sa bawat conversion, hindi naman nababago ating pagkatao talaga kungdi ating puso na naroon sa ating kalooban.
Kaya tinatawag itong pagbabalik-loob, di lamang pagbabagong-buhay.
Binabalikan natin ang Diyos na nananahan sa puso natin, doon sa kalooban natin.
Higit na malalim at makahulugang isalin ang conversion sa katagang “pagbabalik-loob” dahil ang totoo naman ay bumabalik tayo sa Diyos na naroon sa loob ng ating sarili.
Dito ipinakikita rin na likas tayong mabuti sapagkat mula tayo sa Diyos na mismong Kabutihan. Kailangang pagsisihan mga kasalanan, talikuran at talikdan kasamaan na siyang mga balakid sa ano mang pagbabalik-loob at saka pa lamang mababago ating pamumuhay.
Katulad ni San Pablo, sino man sa atin na makatagpo sa liwanag ng Diyos, nagiging maliwanag ang lahat kayat atin nang hahangarin ang Diyos na lamang at kanyang kalooban. Nananatili ating katauhan at pag-uugali ngunit naiiba direksiyon at pokus.
Kapansin-pansin na bawat nagkakasala wika nga ay malayo ang loob sa Diyos na ibig sabihin ay “ayaw sa Diyos” gaya ng ating pakahulugan tuwing sinasabing “malayo ang loob”. Ang nagbabalik-loob ay lumalapit, nagbabalik-loob at pumapaloob sa Diyos.
Pangangaral ni San Pablo sa Areopagus sa Athens (larawan mula sa wikipedia.org).
Isang magandang paalala sa ating lahat itong Kapistahan ng Pagbabalik-loob ni San Pablo na hindi malayo at hindi rin mahirap maabot, bumalik sa Diyos sa pamamagitan ni Kristo Jesus. Maari itong mangyari sa gitna mismo ng ating sira at maruming sarili.
Hindi nabago pagkatao at pag-uugali ni San Pablo kung tutuusin: nanatili pa rin siyang masugid, matapang at masigasig. Nabago lamang ang direksiyon at pokus o tuon ng kanyang pag-uugali at pagkatao. At siya pa rin iyon. Inamin niya sa ating unang pagbasa ngayon na siya ay “isang Judio, ipinanganak sa Tarso ng Cilicia ngunit lumaki rin sa Jerusalem. Nag-aral kay Gamaliel at buong higpit na tinuruan sa Kautusuan ng mga ninuno at masugid na naglilingkod sa Diyos” (Gawa 22:3).
Nanatiling masugid sa Diyos si San Pablo ngunit naiba na ang batayan na dati ay sa mga Kautusan at tradisyon ngunit sa kanyang pagbabalik-loob, si Jesu-Kristo na ang batayan ng kanyang pananampalataya. Personal niyang naranasan si Jesus kaya gayon na lamang kanyang pagiging masugid na alagad. Sinasabing kung hindi siya nadakip at nakulong hanggang sa patayin marahil ay umabot siya sa Africa sa pagpapalaganap ng Mabuting Balita.
Hindi rin nabawasan kanyang tapang; bagkus pa nga ay higit pa siyang tumapang. Lahat ng hirap tiniis niya at hinarap gaya ng pambubugbog sa kanila, ma-shipwreck sa isla, mabilanggo ng ilang ulit at ni minsan hindi umatras sa mga balitaktakan at paliwanagan sa mga Judio at maging kay San Pedro ay kanyang kayang salungatin at pagsabihan kung kinakailangan.
Gayon na lamang ang malasakit ni San Pablo sa Panginoong Jesu-Kristo at kanyang Mabuting Balita kaya naman sabay ang pagdiriwang ng kanilang Dakilang Kapistahan ni San Pedro tuwing ika-29 ng Hunyo dahil magkapantay kanilang kahalagahan sa pagpapatatag, pamumuno at pagpapalaganap ng pananampalataya at Simbahan.
Ordinasyon sa pagka-diyakano sa Katedral sa Malolos, ika-12 ng Hunyo 2019.
Alalaong-baga, katulad ni San Pablo, ano man ating pagkatao at pag-uugali siya pa ring mga dahilan kaya tayo tinatawag ng Panginoon upang maglingkod sa kanya; ililihis at ihihilig lamang niya mga ito ayon sa kanyang panukala at kalooban.
Kaming mga pari kapag inordenahan ay ganoon pa rin naman pagkatao at pag-uugali ngunit nababago direksiyon at tuon sa bagong estado ng buhay at misyon.
Gayun din ang mga mag-asawa. Lalabas at lalabas tunay na pagkatao at pag-uugali ngunit hindi iyon mga sagwil upang lumago at lumalim sila sa pagmamahalan at pagsasama bilang mag-asawa.
Wika nga sa Inggles, “God does not call the qualified; he qualifies the call.” Maraming pagkakataon tinatawag tayo ng Diyos maglingkod sa kanya di dahil sa tayo ay magagaling at mahusay; madalas nagugulat pa tayo na mismong ating kapintasan at kakulangan ang ginagamit ng Diyos para tayo maging mabisa sa pagtupad sa kanyang tawag.
Madalas at hindi naman maaalis na sumablay pa rin tayo at sumulpot paulit-ulit dating pag-uugali. Kaya naman isang proseso na nagpapatuloy, hindi natatapos ang pagbabalik-loob sa Diyos. Araw-araw tinatawagan tayong magbalik-loob.
Larawan kuha ni G. Jim Marpa sa Dabaw, 15 Enero 2024.
Gaya ni San Pablo nang siya ay ma-bad trip kay Juan Marcos na iniwan sila ni Bernabe sa una nilang pagmimisyon. Batay sa kasulatan, ibig pagbigayn pa ni San Bernabe na muling isama si Juan Marcos sa pangalawang pagmimisyon nila ngunit mariin ang pagtanggi at pagtutol ni San Pablo kaya’t sila ay naghiwalay ng landas bagamat nanatili silang mga alagad ni Kristo. Sa bandang huli naman ay nagkapatawaran sila.
Ganoon din tayo, hindi ba? Walang perfect. Ang mahalaga araw-araw nagbabalik-loob tayo sa Diyos dahil araw-araw lumiligwak din tayo sa ating maling pag-uugali at mahunang pagkatao.
Higit sa lahat, sa ating patuloy na pagbabalik-loob, doon lamang magiging maliwanag sa ating ang kalooban ng Diyos na palagi nating inaalam sapagkat batid nating ito ang pinakamabuti para sa atin. Ang kalooban ng Diyos ang magtuturo sa atin ng tamang landas na tatahakin upang ating buhay ay maging ganap at kasiya-siya.
Subalit kadalasan tayo ay nabibigo, naguguluhan kung ano ang kalooban ng Diyos dahil akala natin para itong tanong na isang pindot ay malalaman kaagad ang sagot tulad ng sa Google. Mahirap mabatid kalooban ng Diyos kung tayo ay malayo sa kanya dahil sa mga kasalanan. Kaya tulad ni San Pablo, idalangin natin sa Ama sa pamamagitan ni Jesu-Kristong Anak niya na magpatuloy tayo sa pagbabalik-loob upang manatili tayong nakapaloob sa Diyos. Amen. San Pablo, ipanalangin mo kami!
Kapatid. Mula sa salitang ugat na "patid" ibig sabihi'y putol at hiwalay, nag-iisa at walang buhay ni saysay; sa unlaping -ka, nababago kahulugan, nagkakaroon ng kasama nabubuo ugnayan di lamang sa pamilya at tahanan kungdi saanmang samahan.
Kapatid. Ito ang tawagan natin sa isa't-isa na pinagbubuklod di lamang ng dugo kungdi higit sa lahat ng puso at isipan na kung mawawala ang ka-patid, nawawala katuturan at saysay nitong buhay kaya lahat handang ialay habang may buhay.
Kapatid. Turingan at diwa di kayang mapatid kahit ng kamatayan dahil ugnayan magpapatuloy magpakailanman di kayang putulin o tabunan ng libingan dahil batid natin sa pagpanaw buhay di nagwawakas samahan at ugnayan nananatiling wagas.
Kapatid. Kaputol. Ng sarili. Ng buhay. Ng mithiin at adhika. Kadugtong ng tuwa pati ng luha tunay na pagpapala ng Diyos na may likha sa ating mga kapatid at kaibigan upang tayo ay samahan, alalayan, at abangan sakali man maunang pumanaw upang maging ating pisi at lubid sa langit na hindi mapapatid.
Rest in peace, Dindo (larawan kuha ng kanyang ika-60 kaarawan, Marso 09, 2018).
Paalam, aking kinakapatid Fernando "Dindo" R. Alberto Jr.; ikumusta mo ako sa langit sa mga pumanaw nating idolo sa musika, kami na lamang ni Toby magdiriwang ng birthday tuwing Marso dito habang kayo at ang Ninong magkasama na sa buhay na walang hanggan.
Lawiswis Ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-12 ng Enero 2024 Homilya sa Kasal ng Inaanak ko sa binyag, Lorenz, kay Charmaine Simbahan ni San Agustin, Intramuros, Maynila
Larawan kuha ng may-akda, 2019.
Sigurado ako na alam na ninyong lahat, lalo na ng mga Gen Z dito, iyong trending sa social media na post ng isang dilag nang malaman niyang 299-pesos ang halaga ng engagement ring na binigay sa kanya ng boyfriend niya ng walong taon na nabili sa Shopee.
Kasing ingay ng mga paputok ng Bagong Taon ang talakayan noon sa social media hanggang sa naging isang katatawanan o meme ang naturang post gaya ng halos lahat ng nagiging viral. Sari-sari ang mga kuro-kuro at pananaw ng mga netizens, mahuhusay ang kanilang paglalahad, seryoso man o pabiro. Mayroong mga kumampi sa babae habang ang ilan naman ay naghusga sa kanya at sa boyfriend niya.
Hindi ko naman nasundan ang post na iyan. Katunayan, inalam ko lamang iyon kamakailan upang pagnilayan para sa homilya ko sa inyong kasal ngayong hapong ito, Lorenz at Charmaine.
At ito lang masasabi ko sa inyo: ang pag-aasawa ay tungkol sa kuwento ng pag-ibig, hindi ng kuwenta sa mga naibigay, materyal man o espiritwal.
Larawan mula sa YouTube.com
Maliwanag sa ating ebanghelyo na ang pag-aasawa ay kuwento ng pag-ibig ng Diyos sa atin. Maniwala kayo Lorenz at Charmaine, Diyos ang nagtakda ng araw na ito ng inyong kasal. Hindi kahapon o bukas, at hindi rin noong isang taon gaya ng una ninyong plano. Iyan ang sinabi sa atin ni San Pablo sa Unang Pagbasa:
“Kung ang Diyos ay panig sa atin, sino ang laban sa atin? Walang makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos – pag-ibig na ipinadama niya sa atin sa pamamagitan ni Cristo Jesus na ating Panginoon.”
Roma 8:31, 39
Higit sa lahat, batid ninyong pareho sa inyong kuwento ng buhay kung paanong ang Diyos ang kumilos upang sa kabila ng magkaiba ninyong mga karanasan, pinagtagpo pa rin kayo ng Diyos, pinapanatili at higit sa lahat, ngayon ay pinagbubuklod sa Sakramento ng Kasal ngayong hapon.
Sa tuwing pinag-uusapan ninyo ang inyong kuwento ng buhay, palaging naroon din ang inyong kuwento ng pag-ibig maging sa iba’t ibang karanasan – matatamis at mapapait minsa’y mapakla at maisim marahil pero sa kabuuan, masarap ang inyong kuwento, hindi ba? Ilang beses ba kayong nag-away… at nagbati pa rin?
Humanga nga ako sa inyo pareho, lalo na sa iyo Lorenz. Ipinagmamalaki ko na inaanak kita kasi ikaw pala ay dakilang mangingibig. Hindi mo alintana ang nakaraan ni Charmaine. Katulad mo ay si San Jose nang lalo mo pang minahal si Charmaine at ang mga mahal niya! Wala sa iyo ang nakaraang kuwento ng buhay ni Charmaine dahil ang pinahalagahan mo ay ang kuwentong hinahabi ninyong pareho ngayon. Bihira na iyan at maliwanag na ito ay kuwento ng pag-ibig ng Diyos sa inyo.
Paghanga at pagkabighani naman aking naramdaman sa iyo, Charmaine. Higit sa iyong kagandahan Charmaine ay ang busilak ng iyong puso at budhi. Wala kang inilihim kay Lorenz. Naging totoo ka sa kanya mula simula. Higit sa lahat, naging bukas ang isip at puso mo sa kabila ng iyong unang karanasan upang pagbigyan ang umibig muli. At hindi ka nabigo.
Kaya nga Lorenz at Charmaine, ipagpatuloy ninyo ang kuwento ng inyong pag-ibig sa isa’t isa na mula sa Diyos.
Larawan kuha ng may-akda, 2017 sa Israel.
Kapag mahal mo ang isang tao, lagi mong kinakausap. Marami kang kuwento. At handa kang makinig kahit paulit-ulit ang kuwento kasi mahal mo siya. At kung mahal ninyo ang Diyos, palagi din kayong makikipag-kuwentuhan sa kanya sa pagdarasal at pagsisimba.
Palagi ninyong isama sa buhay ninyo tulad sa araw na ito ang Diyos na pumili sa inyo. Wika ng Panginoong Jesus sa ating ebanghelyo, “Manatili kayo sa aking pag-ibig upang makahati kayo sa kagalakan ko at malubos ang inyong kagalakan” (Jn.15:9, 11).
Hindi pagkukuwenta ang pag-aasawa. Hindi lamang pera at mga gastos ang kinukuwenta. Huwag na huwag ninyong gagawing mag-asawa ang magkuwentahan ng inyong naibigay o tinanggap na ano pa man sapagkat ang pag-aasawa ay hindi paligsahan o kompetisyon ng mga naibigay at naidulot. Hindi ito labanan ng sino ang higit na nagmamahal. Kaya, huwag kayong magkukwentahan, magbibilangan ng pagkukulang o ng pagpupuno sa isa’t-isa.
Basta magmahal lang kayo ng magmahal nang hindi humahanap ng kapalit dahil ang pag-aasawa ay ang pagbibigay ng buong sarili sa kabiyak upang mapanatili inyong kabuuan.
Paano ba nalalaman ng mga bata kung magkaaway ang tatay at nanay?
Larawan kuha ng may-akda, 2019.
Kapag hindi sila nag-uusap. Kapag ang mag-asawa o mag-irog o maging magkakaibigan ay hindi nag-uusap ni hindi nagkikibuan, ibig sabihin mayroong tampuhan o alitan. Walang pag-ibig, walang ugnayan, walang usapan.
Kaya nga kapag nag-away ang mag-asawa, sino ang dapat maunang bumati o kumibo? Sabi ng iba yung daw lalake kasi lalake ang una palagi. Akala ko ba ay ladies first? Sabi ng ilan, kung sino daw may kasalanan. E, may aamin ba sa mag-asawa kung sino may kasalanan?
Ang tumpak na kasagutan ay kung sino mayroong higit na pagmamahal, siyang maunang kumibo at bumati dahil ang pag-aasawa ay paninindigang piliin na mahalin at mahalin pa rin araw-araw ang kanyang kabiyak sa kabila ng lahat. Kaya palaging maganda ang kuwento ng pag-ibig, hindi nagwawakas, nagpapatuloy hanggang kamatayan.
Aabangan namin at ipapanalangin inyong kuwento ng pag-ibig, Lorenz at Charmaine. Mabuhay kayo!
The Lord Is My Chef Daily Recipe for the Soul by Fr. Nicanor F. Lalog II Monday, Solemnity of Mary, Mother of God, 01 January 2024 Numbers 6:22-27 ><]]]]'> Galatians 4:4-7 ><]]]]'> Luke 2:16-21
Photo from Tetra Images/Getty Images, mosaic of Virgin Mary and Jesus in the Haghia Sophia, Istanbul, Turkey.
Just like this Christmas, we start our new year reflection with another song, also controversial for some Catholics in the US, composed by two Protestant songwriters in 1994 that had become a hit this 2023 following a cover by Pentatonix.
The song is Mary Did You Know with these following lines that say:
Mary, did you know that your baby boy Would one day walk on water? Mary, did you know that your baby boy Would save our sons and daughters? Did you know that your baby boy Has come to make you new? This child that you delivered, will soon deliver you
Before Vatican II, January first being the octave of Christmas was the feast of the Holy Name of Jesus when he was circumcised and given with that name as instructed by the angel both to Mary and to Joseph.
Yes, Mary was not totally unaware, that she knew some things about Jesus, his identity as Son of God, as the Savior and Messiah. But, she knew nothing really in particular or details like what the song says in Mary Did You Know that is why we find it so appropriate in today’s celebration of the Solemnity of Mary, Mother of God.
Photo by author, St. Scholastica Retreat Center, Baguio City, August 2023.
The only thing Mary clearly knew about her child born on Christmas Day was the name to be given him, Jesus which means “God saves”. Aside from that, there was nothing else she knew.
She never knew how Jesus would die, that he would be betrayed by one of his own apostles. She never knew Jesus would perform all those miracles like feeding thousands of people from five loaves of bread or healing the sick, restoring sight of the blind, or bringing back to life the dead.
Mary did not know Jesus would walk on water nor change water into wine. All she knew was Jesus is the Messiah. And she believed with all her heart that she followed him all throughout his ministry until his death on the Cross, one of the only three followers of Jesus who remained with him when the rest fled.
After the Ascension, Mary remained with the Apostles in praying and serving, being present with them during the coming of the Holy Spirit on Pentecost day.
Like the Blessed Mother Mary when Jesus was born, we know nothing at all of what will really happen to us this 2024. It is totally useless and insane – even sinful – to consult fortune tellers and go with all those superstitious practices every new year to make it a favorable and auspicious one for us.
Photo by author, Sacred Heart Novitiate, Novaliches, QC, March 2023.
Hence, we celebrate every January first not the New Year but the Motherhood of Mary to commemorate the Blessed Virgin’s role in cooperating with God’s plan in putting into action the mystery of salvation in the Incarnation of his Son Jesus Christ.
Like Mary as modern disciples of Christ, we are called first to cultivate within us that intimacy with Christ, of immersing ourselves in his words in a prayer life reflected in our lives. Luke said it perfectly:
And Mary kept all these things, reflecting on them in her heart.
Luke 2:19
It was not the first time that Mary “kept” things and words in her heart. First was at the Annunciation when she simply yes said to the angel and then at the Presentation when Simeon spoke of the coming mission of Jesus and her own suffering too as a consequence.
Mary remained silent and kept all those words in her heart. And when Jesus was 12 years old after he was lost and later found in the temple, Mary did not understand his words but simply kept them in her heart, reflecting very well on their meanings, trying to find God’s will and her role to play in the mission of Jesus.
“The Finding of the Savior at the Temple” painting by William Holman Hunt (1860) from en.wikipedia.org.
I love that expression of Luke, of Mary reflecting in her heart. In this age of modern technology like cellphones, we have forgotten the fact that our hearts are the best and most reliable “memory bank” in the world.
Instead of keeping pictures and videos and voices in our phones and other gadgets including iclouds, let us keep things in our hearts by savoring our experiences, reflecting on their meanings that will surely enrich us as persons and most of all as disciples of Christ.
No matter how big are the storage capacities of our gadgets, they are all prone to corruption and lost. But those stored in our hearts are guaranteed to stay, even if our brain cells suffer short circuits due to Alzheimer’s and other disorders that impair our memory because what can never be erased nor deleted in us are the memories of being loved.
We will never know everything in life ahead but we can all be assured we are loved by God. The more we experience Jesus Christ like Mary, the more we find God indeed is our loving Father – Abba as St. Paul said in the second reading. Again, please forgive me, for mentioning the movie Firefly.
From GMA Films & GMA Public Affairs.
Yesterday in the Feast of the Holy Family, I reflected on how the child named Tonton became the Christ-figure in that movie who showed the light of life and love to his three co-journeyers to the fantasy island; today let us reflect on his mother Elay played by Ms. Alessandra de Rossi.
After seeing her performance in Firefly, I am now convinced Ms. Rossi is in indeed an actress. A very good one.
I first saw her in the comedy romance Kita Kita about ten years ago maybe. In Firefly, Ms. Rossi’s performance was truly impressive that one could feel her presence in the whole story even in those parts of her narrations. It is amazing how the movie remained faithful to the story line and graphics of the award-winning children’s story book that made it so appealing.
Like Mary, Elay did not know everything from the very start, especially after she had killed in self-defense her abusive husband in their former home in the island when Tonton was still a child (sorry). They went to Tondo to begin anew in her life with Tonton in a place I believe we used to call when I was still a reporter as Isla Puting Bato, a protruding land into Manila Bay and home to thousands of informal settlers – the poorest of the poor who could not even afford electricity.
The genius and artistry of the film is found in how in the dark realities of the life of Elay and Tonton – she stricken with breast cancer, so poor in the slum area while he a favorite of the bullies – still looked so light, so promising not only with the great cinematography and effects but most of all of that deeply ingrained love of mother to her child.
Parang anak talaga ni Elay si Tonton sa Firefly kaya nakakaiyak.
From GMA Films & GMA Public Affairs.
She warned Tonton that in life, it is inevitable that separation could happen like death. But, what would keep us all together even after death is love. At the end of the film, when Tonton already an adult about to receive an award for his short story, a butterfly appeared, presumably his mother Elay. He then discarded of his prepared speech and spoke instead from his heart of the great love for him by his mother.
It is the kind of motherhood of Mary to Jesus and to us today, she still appearing to remind us of going back and being converted to her Son our Lord, of being faithful, of being loving.
In celebrating this Solemnity of Mary Mother of God at the start of the New Year, we are reminded to be like Mary to faithfully and lovingly bring forth Christ into this world so badly needed these days. In this celebration, may we imitate Mary in lovingly serving others, of being the face of God (first reading) especially to those who have never known him because they have never felt being loved at all.
Like Mary, we do not know what will happen this 2024 but we all know, and we are so sure, that God loves us that he had given us his Son Jesus Christ so that not one among us shall perish but gain eternal life. Amen. A blessed new year and still, a merry Christmas to you!
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-27 ng Disyembre 2023
Larawan mula sa Facebook, 23 Disyembre 2023 ng pagtutulungan ng Red Letter Christians at ng artist na si Kelly Latimore ng @kellylatimoreicons upang lumikha ng bagong larawang ito na pinamagatang “Christ in the Rubble” nagsasaad na kung sakaling ngayong panahon isinilang si Jesus, malamang siya ay ipinanganak sa gitna ng mga durog na bato sanhi ng digmaan doon sa Gaza.
Maligayang Pasko!
Tayo raw mga Pilipino ang mayroong pinaka-tumpak na pagbati sa panahong ito dahil sinasaad ng salitang “pasko” ang buong katotohanan ng hiwaga ng pagkakatawang-tao (Incarnation) ng Diyos Anak na si Jesu-Kristo.
Mula sa wikang Hebreo na pesar o pesach na kahulugan ay “pagtawid”, ito ay pascua sa wikang Kastila na atin ding ginagamit na ugat ng Pasko at pasch naman sa Inggles.
Una natin itong natunghayan sa Matandang Tipan, sa Aklat ng Exodus nang itawid ng Diyos sa pamumuno ni Moises ang mga Israelita mula Egipto patungong lupang pangako. Iyon ang larawang paulit-ulit na tinutukoy sa ating kasaysayan ng pagliligtas, sumasagisag sa pagtawid mula sa kaalipinan patungo sa kalayaan, pagtawid mula kadiliman patungo sa liwanag, pagtawid mula kasalanan tungo sa kapatawaran, at higit sa lahat, pagtawid mula kaparusahan tungo sa kaligtasan.
Iyon din ang batayan ng tinutukoy na misteryo paskuwa o ng ating pananampalataya kay Kristo-Jesus na ating ipinahahayag tuwina sa Banal na Misa, “si Kristo ay namatay, si Kristo ay muling nabuhay, si Kristo ay babalik sa wakas ng panahon!“
Larawan kuha ng may-akda, 2021.
Tumpak at ayon ang ating pagbati na Maligayang Pasko dahil nagsimula ang misteryo paskuwa ni Jesus nang Siya ay ipaglihi at isinilang ng Mahala na Birheng Maria sa Bethlehem mahigit 2000 tao na nakalilipas.
Sa pagkakatawang-tao ni Jesus, Siya ay tumawid mula sa kawalang-hanggan (eternity) tungo sa mayroong hanggan (temporal) dito sa lupa; mula sa kanyang ganap na pag-iral taglay ang lahat ng kapangyarihan tungo sa limitado niyang pagkatao tulad ng pagiging mahina at mahuna lalo na sa pagiging sanggol at bata. Kasama na doon ang kailangan Niyang mag-aral lumakad, magsulat, magbasa at magsalita na kung tutuusin ay alam Niya ang lahat.
Taong-tao talaga si Jesus bagamat hindi nawala ni nabawasan Kanyang pagka-Diyos sa Kanyang pagkakatawang-tao kaya lahat ng ating mga karanasan bilang tao ay Kanya ring naranasan maliban ang kasalanan at magkasala. Siya man ay nagutom, nauhaw, nahapis at tumangis nang mamatay ang kaibigan Niyang si Lazaro, nahabag sa mga tao mga may sakit at balo. Wika nga ni Papa Benedicto XVI na malapit na nating ipag-ibis luksa sa katapusan, ang Diyos na ganap na kung tutuusin ay hindi nahihirapan ni nasasaktan ay pinili na makiisa sa hirap at sakit nating mga tao pamamagitan ng pagkakatawang-tao ni Jesu-Kristo (Spe Salvi, #39).
Napaka-ganda at husay ng paglalahad ni San Pablo sa pagtawid o paskuwa na ito ni Jesus na kanyang tinaguriang kenosis, ang paghuhubad ni Jesus ng Kanyang pagka-Diyos bagamat para sa akin mas angkop ang salin na “pagsasaid” dahil sinimot ni Jesus ang lahat ng sa Kanya para sa atin doon sa Kanyang pagkakatawang-tao na ang rurok ay doon sa Krus.
Larawan kuha ng may-akda, Baguio City, Agosto 2023.
Magpakababa kayo tulad ni Cristo Jesus: Na bagamat siya’y Diyos, hindi nagpilit na manatiling kapantay ng Diyos, Bagkus hinubad niya ang lahat ng katangian ng pagka-Diyos, nagkatawang-tao at namuhay na isang alipin. Nang maging tao, siya’y nagpakababa at naging masunurin hanggang kamatayan, oo, hanggang kamatayan sa krus.
Filipos 2:5-8
Naalala ko isang araw ng Pasko noong bata ako nang kami ay papaalis patungo sa mga Nanay at kapatid ng aking ama sa Maynila, masungit ang panahon at maulan. Hindi ko matanggap na umuulan at masama ang panahon sa araw ng Pasko kaya tinanong ko aking ina, “Bakit po ganun, birthday ni Jesus may ulan, may bagyo? E hindi ba God Siya? Di ba Niya puwede ipahinto mga ulan sa birthday Niya?”
Di ko matandaan sagot ng mommy ko pero malamang hindi malayo sa luku-luko at gago!
Nang magka-isip na ako, natutuhan ko sa mga pagbabasa na sa maraming pagkakataon mayroong mga bagyo at kalamidad, digmaan at kung anu-ano pang mga sigalot at paghihirap na nangyari kasaysayan tuwing Pasko.
Tayo man mismo, marahil sa ating personal na buhay, maraming pagkakataon na tayo ay lumuluha, nanlulumo, hapis na hapis sa buhay sa ilang mga masasakit na karanasan sa araw ng Pasko. Kaya marami sa ating habang tumatanda nasasabing para lamang sa mga bata ang Pasko na masaya.
Ngunit hindi po iyan totoo! Batid natin sa ating mga karanasan na sa padaraan ng panahon, lumalalim ding pag-unawa nating sa Paso.
Larawan kuha ng may-akda, Setyembre 2023.
Balikan natin mga panahon ng ating pagsubok sa buhay lalo na sa panahon ng kapaskuhan, higit tayong namamangha at tiyak sasang-ayon ng lubos na tumpak nga ang bati nating mga Pinoy ng “Maligayang Pasko!” dahil mas malalim at makabuluhan ang pagdiriwang ito o ano pa mang selebrasyon sa buhay kapag ating napagdaanan at nalampasan mga hirap at sakit.
Ito ang kagandahan at katotohanan ng buhay natin na isang paulit-ulit na pasko, ng pagtawid at paglampas sa mga hirap at hilahil, pagbubulaanan sa ano mang sakbibi at pag-aaalinlangan ating ikinakakaba.
Hindi inalis ng Diyos ating hirap at sakit maging kamatayan bagkus tayo ay Kanyang sinamahan sa pagbibigay Niya sa atin ng Kanyang bugtong na Anak, ang Panginoong Jesu-Kristo na tumawid mula langit patungo dito sa atin sa lupa upang tayo naman Kanya ring maitawid patungong langit.
Kaya naman, pakiusap ko sa lahat na ipagpatuloy natin pagbati ng Maligayang Pasko hanggang ika-pito ng Enero 2024, ang Dakilang Kapistahan ng Pagpapakita o Epiphany ng Panginoon. Napakasama at malaking kahangalan na kay tagal inabangan ang Pasko na nagsisimula ng hapon ng ika-24 ng Disyembre at pagkatapos ng ika-25 ay biglang magbabatian ng Happy New Year!?
Kalokohan! At marahil, hindi naunawaan diwa ng Pasko. Mababaw at puro happy, happy gusto ng mga maraming tao, di batid ang diwa at lalim ng kahulugan ng Pasko na sa paglalagom ay iisang salita lamang: PAG-IBIG o PAGMAMAHAL. Ng Diyos sa atin.
Ano man ang mangyari sa buhay natin, sa ating mundo, hindi mapipigil ang Pasko, tuloy ang Pasko dahil kasama natin palagi si Kristo. At kung ikaw man ay mayroong pinagdaraanan, matuwa ka at magalak, ikaw ay nasa paskuwa – pasko – kasama, kaisa si Kristo! Amen.
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-06 ng Disyembre 2023
Larawan kuha ng may akda sa Dau, Mabalacat, Pampanga noong Nobyembre 2022.
Huwag sanang masamain itong aking lathalain tungkol sa isang hindi magandang gawain tuwing panahon ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoong Jesus nating mahal. Totoong sa panahong ito na malamig ang simoy ng hangin at dama ang tuwa at kagalakan ng lahat saanman ngunit mayroong ilan na hindi maganda ang mga nasa loobin at damdamin.
Tunay nga na ang diwa ng Pasko ay ang pagbibigay ng dakilang handog ng Diyos sa atin ng Kanyang Bugtong na Anak kung kaya tayo man ay tinatawagang magbahagi ng biyaya at pagpapala Niya sa ating kapwa; ngunit, hindi nangangahulugang sasamantalahin natin ang panghihingi kaninuman. Hindi naman malaking bahagi ng Kapaskuhan ang panghihingi kumpara sa gampaning magbigay at magbahagi.
Gayun din naman, sakaling tayo ay manghihingi, ito ay dapat sa diwa pa rin ng ginawang pagbibigay ng Diyos ng Kanyang Anak sa atin. Alalaong baga, lagi nating isaalang-alang ang pagmamahal o charity sa tuwing tayo ay hihingi. At mamamasko. Magbigay man o manghingi, Pasko man o hindi, dapat si Kristo ang batayan ng ating gawain.
Dalawang bagay ang ibig kong ibahagi.
Larawan kuha ng may akda sa Dau, Mabalacat, Pampanga noong Nobyembre 2022.
Una ay dapat nating alalahanin na kusa ang pagbibigay at pagbabahagi. Huwag tayong namimilit sa panghihingi. Mayroong mga iba na kung makahingi at mamasko ay parang may pinatago. Higit sa lahat, akala mo obligasyon ng lahat ng hingian ay magbigay!
Minsan nakita ko post ng isang kaibigan naninirahan sa Canada. Tahasan niyang sinabi sa kanyang post sa Facebook na huwag na siyang anyayahan maging “friend” kasi malulungkot lang sila. Paliwanag ng kaibigan ko palagi na lang daw kasunod ng pag-anyaya sa kanya sa Facebook ay, “mare, pahiram naman…”
Juice colored! Akala ko ako lang ang ginaganoon! At lalong nagulat ang kaibigan ko na pati daw ba ako ay hinihingian? E oo ika ko. Gusto pa nga ng iba ay G-cash e wala naman akong ganun.
Larawan kuha ng may akda sa Dau, Mabalacat, Pampanga noong Nobyembre 2022.
Hindi lahat ng tao ay nakaluluwag sa buhay. At kung sakali mang sila ay nakaririwasa, hindi ito dahilan para sila ay hingan. At hingan ng hingan.
Aaminin ko sa inyo na talamak ito sa mga taong-simbahan na wala nang ginawa kungdi manghingi nang manghingi.
Tanungin ninyo kung ano kanilang naibigay pati ng kanilang pari, wala. Ni panahon hindi makapagbigay, ni ayaw magmisa, hindi mahagilap at kung makahingi, wagas. At may presyo pa!
Higit sa lahat, yung iba nananakot pa kung hindi magbibigay ay baka daw “malasin”. Sila na rin ang sumalungat sa turo na walag suwerte suwerte sa pananampalataya dahil lahat ay pagpapala.
Pakaisipin din sana natin ngayong panahon ng Kapaskuhan lalo na marahil ay mayroong “favorite charity” o mga sadyang binabahaginan at tinutulungan ang marami nating mga kababayan lalo na yaong mga nakaluluwag sa kabuhayan. Maging ang Panginoong Jesus ay hindi naman pinagbigyan ang lahat ng lumapit sa kanya noon.
Larawan kuha ng may akda sa Dau, Mabalacat, Pampanga noong Nobyembre 2022.
Ikalawa, maging magalang sa panghihingi. Nakalulungkot kasi na maraming tao ngayon ang hindi na yata marunong mahiya sa panghihingi. Wala man lamang pagpipitagan. Gaya nga ng daing ng kaibigan ko, akala mo makikipag-kaibigan pero iba pala ang layon.
Ito yung mga text na bitin tulad ng “Pare…” o kaya ay “mare”. Sinasabi ko yan maski sa mga kakilala ko. Huwag na huwag kayong magtetext ng bitin. Yun bang akala mo mayroong masamang nangyari kaya ikaw naman biglang titingin sabay text ulit ng humihingi ng pabor.
Pasensiya na po. Ang tawag doon ay “kawalan ng modo.” Kabastusan.
Laganap ang sisteng ito sa internet lalo na noong 2020 nang kasagsagan ng COVID pandemic at lockdown. Noong Kapaskuhan noon, mayroong nagtanong sa akin na tama daw ba iyong gawain ng ilang inaanak na namamasko at sinasabing i-Gcash na lang kanilang aguinaldo?
Sabi ko ay hindi. Iyon ika ko ay kawalan ng paggalang. Pang-aabuso. Walang pinagkaiba sa holdap.
Larawan kuha ng may akda sa Dau, Mabalacat, Pampanga noong Nobyembre 2022.
Muli, walang obligasyon ang sino man na magbigay at magregalo kanino man kahit kailan. Kusa ang pagreregalo. Higit sa lahat, ang regalo ay tanda ng pagkatao ng nagbigay. Kung ipipilit ang panghihingi ng tulong o abuloy o regalo, samakatwid, kinalimutan ang pagkatao ng hinihingian.
At iyan ang mabahong simoy ng Pasko.
Pumarito si Kristo at nagkatawang-tao katulad natin upang ipakita sa atin ang ating dangal bilang tao. Na ang daan sa pagiging katulad ng Diyos na banal ay sa pagpapakatao. Kung ang tuon ng pansin ngayong Pasko ay ang regalo, abuloy, o tulong na makakamit, ibig sabihin wala ang diwa ni Kristo sa nanghihingi.
Ituring na lang silang mga tulisan o mga mapagsamantala sa pagkakataon. At sana ay maimulat din sa tunay na diwa ng Pasko, ng pagbibigay at panghihingi. Simple lang naman ang paanyaya ng Diyos sa atin na ibahagi si Kristo araw-araw sa ating pagmamahal at paglilingkod ano mang panahon. Higit sa mga pera at bagay na kaloob ay ang sariling pagkatao. Nawa ay maging makabuluhan at kaaya-aya ang inyong Kapaskuhan!
Lawiswis Ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-01 ng Disyembre 2023
Larawan kuha ni G. Jay Javier, shooting ng pelikula sa Fort Santiago.
Madalas kong biruin mga kaibigan at kakilala lalo na sa social media na magtanong kung anoang “long weekend”? Mula kasi nang maging pari ako, nilimot ko na ang salitang weekend dahil sa mga araw nito – Sabado at Linggo – ang aming gawain at gampanin sa simbahan. Inaasahan kami ng mga tao na makakasama nila tuwing weekend kaya naman lahat ng pagtitipon sa pamilya at mga kaibigan ay tinatapat namin sa ordinaryong araw upang ako ay makadalo.
Ngunit kung tutuusin, wala naman talagang weekend dahil hindi naman natatapos o nagwawakas – end – ang sanlinggo. Kaisipang Amerikano ang weekend kaya meron silang bukambibig na TGIF, Thank God It’s Friday na kung kailan natatapos o nagwawakas (end) lahat ng trabaho at opisina upang maglibang ng Sabado at Linggo, weekend. Pagkatapos ng weekend, kayod muli mula Lunes hanggang Biyernes.
Sa kabilang dako para sa ating mga Kristiyano, ang Linggo ang unang araw ng sanlinggo at hindi ito nagwawakas ng Biyernes o Sabado. Tingnan ninyong mabuti: Linggo, Lunes, Martes, Miyerkules, Huwebes, Biyernes, Sabado, Linggo ulit!
Ulit lang nang ulit ang isang linggo kada araw ng Linggo, ang Araw ng Panginoon o Dies Domini sa wikang Latin kung kailan tayo obligadong magsimba bilang alaala at pagpapaging-ganap ng Misterio Pascua ng Panginoong Jesus, ang kanyang pagpapakasakit, pagkamatay at muling pagkabuhay.
Iyan ang buhay din natin na ang kaganapan ay sa Langit na wala nang wakas kungdi buhay na walang hanggan. Ito ang dahilan mayroon tayong tinatawag na octaves of Christmas at Easter, ang walong-araw ng Kapaskuhan ng Pagsilang at ng Pagkabuhay muli ni Jesus.
Oo nga at mayroong pitong araw sa isang linggo, ngunit ipinakikita sa atin lalo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay ni Jesus ang walang hanggang buhay sa ikawalong araw na pumapatak na Linggo palagi, ang Divine Mercy Sunday. Kung Pasko ng Pagsilang, papatak ito palagi ng Dakilang Kapistahan ni Maria, Ina ng Diyos ng Enero Primero na siyang ating ipinagdiriwang at hindi Bagong Taon kasi nga po Unang Linggo ng Adbiyento ang ating bagong taon sa Simbahan.
Tumpak din naman at may katotohanan ang awitin nina John, Paul, George at Ringo ng Beatles na “eight days a week, I lo—-ve you! Eight days a week, I lo—-ve you!
Snapshot mula sa post ni Kier Ofrasio sa Facebook, 30 Nobyembre 2023.
Kaya naman isang malaking kalokohan at kabaliwan itong naisipan noong panahon ni PGMA na ilipat mga piyesta opisyal sa Biyernes o Lunes upang magkaroon ng long weekend. Para daw sa ekonomiya. Sa madaling sabi, para sa pera.
Kuwarta. Kuwarta. At kuwarta pa rin ang usapan, hindi ba?
Nasaan na ang pagsasariwa ng diwa ng mga piyesta upisyal natin bilang isang sambayanan?
Pati ba naman kaarawan o kamatayan ng mga bayani natin na matapos maghandog ng buhay sa atin ay dadayain pa rin natin upang pagkakitaan?
Fer, fer! For real!
Bukod sa materyalismo, mayroon ding masamang implikasyon itong long weekend na ito sa ating moralidad at iyan ay ang kawalan natin ng matiyagang paghihintay – ang pagpapasensiya.
Lahat advanced sa atin. Hindi tayo makapaghintay sa araw ng suweldo. Kaya, vale dito, vale doon. Loan dito, loan doon. At hindi biro ang dami ng mga kababayan nating nasira ang buhay dahil sa pagkaubos ng kabuhayan nang malulong sa maling pag-gamit ng credit cards kung saan totoong-totoo ang kasabihang, “buy now, suffer later”. Kaya, heto ngayon, pati piyesta upisyal ina-advance natin!
Maaring nagkasiyahan tayo sa long weekend ngunit, lubos nga ba ating katuwaan at kagalakan? Napagyaman ba nito ating katauhan at mga ugnayan? O, nabaon lang tayo sa utang lalo ng kahangalan?
Larawan ng walang galawang trapik sa McArthur Highway mula sa Facebook ni Kier Ofrasio, 30 Nobyembre 2023.
Katawa-tawa tayong mga Pinoy simula nang mauso long weekend. Sa haba at tagal ng ating lockdown noong pandemya, long weekend pa rin sigaw natin?
Dapat siguro baguhin na ating taguring na Juan dela Cruz at gawing Juan Tamad.
O, Juan Tanga gaya nang naranasan noong a-trenta nang isara ng mga magagaling ang Monumento. Winalanghiya mga maralita at manggagawa na ipinaglaban ni Gat. Andres Bonifacio noong himagsikan na siyang dahilan kaya ating ipinagdiriwang kanyang kapanganakan noong ika-30 ng Nobyembre 1863.
Kung baga sa Inggles, iyon ang “the short of long weekend, an exercise in futility. And stupidity.” Sana magwakas na gawaing ito na dati naman ay wala sa ating kamalayan. Salamuch po!
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-28 ng Nobyembre 2023
Habang naghahanda para sa Dakilang Kapistahan ng Kristong Hari ng Sanlibutan noong Linggo (26 Nobyembre 2023), pabalik-balik sa aking gunita at alaala ang unang taon ng COVID-19 pandemic kasi noong mga panahong iyon, tunay na tunay nga si Jesus ang Hari nating lahat.
Marahil dahil sa takot at kawalan ng katiyakan noong mga panahon iyon na kay daming namamatay sa COVID at wala pang gamot na lunas maging mga bakuna, sadyang sa Diyos lamang kumakapit ang karamihan.
Hindi ko malimutan mga larawang ito noon sa dati kong parokya na mga tao ay lumuluhod sa kalsada sa pagdaraan ng paglilibot namin ng Santisimo Sakramento noong Dakilang Kapistahan ng Kristong Hari noog Nobyembre ng 2020.
Marubdob ang mga eksena noon at damang dama talaga pagpipitagan ng mga tao sa Santisimo Sakramento.
Sinimulan namin ito noong unang Linggo ng lockdown, ika-22 ng Marso 2020 na ikalimang linggo ng Kuwaresma. Tandang tanda ko iyon kasi birthday ko rin ang araw ng Linggong iyon.
At dahil walang nakapagsimba sa pagsasara ng mga simbahan noon, minabuti kong ilibot ang Santisimo Sakramento ng hapong iyon upang masilayan man lamang ng mga tao si Jesus, madama nilang buhay ang Panginoon at kaisa sila sa pagtitiis sa gitna ng pandemic.
Hiniram ko ang F-150 truck ng aming kapit-bahay. Hindi ko pinalagyan ng gayak ang truck maliban sa puting mantel sa bubong nito kung saan aking pinatong ang malaki naming monstrance. Nagsuot ako ng kapa at numeral veil habang mga kasama ko naman ay dala ang munting mga bell para magpaalala sa pagdaraan ng Santisimo.
Pinayagan kami ng aming Barangay chairman si Kuya Rejie Ramos sa paglilibot ng Santisimo at pinasama ang kanilang patrol kung saan sumakay ang aming mga social communications volunteer na Bb. Ria De Vera at Bb. Anne Ramos na silang may kuha ng lahat ng larawan noon hanggang sa aking pag-alis at paglipat ng assignment noong Pebrero 2021.
Nakakaiyak makita noon mga tao, bata at matanda, lumuluhod sa kalsada. Ang iba ay may sindi pang kandila at talagang inabangan paglilibot namin na aming inanunsiyo sa Facebook page ng parokya noong umaga sa aming online Mass.
Pati mga nakasakay sa mga sasakyan nagpupugay noon sa Santisimo Sakramento.
Nang maglaon, marami sa mga tahanan ang naglagay na ng mga munting altar sa harap ng bahay tuwing araw ng Linggo sa paglilibot namin ng Santisimo Sakramento.
Napakasarap balikan mga araw na iyon na bagama’t parang wakas na ng panahon o Parousia dahil sa takot sa salot ng COVID-19, buhay ang pananampalataya ng mga tao dahil nadama ng lahat kapanatilihan ng Diyos kay Jesu-Kristong Panginoon natin.
Katunayan, noong unang Linggo ng aming paglilibot ng Santisimo Sakramento, umulan ng kaunti nang kami ay papunta na sa huling sitio ng aming munting parokya. Nagtanong aking mga kasamahan, sina Pipoy na driver at Oliver na aking alalay kung itutuloy pa namin ang paglilibot. Sabi ko ay “oo”.
Pagkasagot ko noon ay isang bahag-hari ang tumambad sa amin kaya’t kami’y kinilabutan at naiyak sa eksena. Noon ko naramdaman ang Panginoon tinitiyak sa akin bilang kura noon na hindi niya kami pababayaan.
At tunay nga, hindi niya kami – tayong lahat- pinabayaan.
Kaya noong Biyernes, ika-24 ng Nobyembre 2023, napagnilayan ko sa mga pagbasa kung paanong itinalaga muli ni Judas Macabeo ang templo ng Jerusalem matapos nilang matalo at mapalayas ang mananakop na si Hariong Antiochos Epiphanes habang ang ebanghelyo noon ay ang tungkol sa paglilinis ni Jesus ng templo.
Nakalulungkot isipin na matapos dinggin ng Diyos ating mga panalangin noong kasagsagan ng pandemya, tila nakalimutan na natin Siya. Kakaunti pa rin nagsisimba sa mga parokya at nahirati ang marami sa online Mass.
Walang pagdiriwang ni kapistahan ang Simbahan sa pagbabalik sa “normal” na buhay buhat nang mawala o manghina ang virus ng COVID.
At ang pinamakamasaklap sa lahat, hindi na yata si Jesus ang naghahari sa ating buhay ngayon.
Balik sa dating gawi ang maraming mga tao.
At nakakahiyang sabihin, hindi na nalampasan ng mga tao at pati ilang mga pari katamaran noong pandemic.
Nakakahiyang aminin na pagkaraan ng araw-araw na panawagan sa Facebook noong isang linggo na lumuhod at magbigay-galang kay Kristong Hari na nasa Banal na Sakramento mga tao, maraming mga pari noong Linggo ang kinatamaran magsuot na nararapat na damit tulad ng kapa at numeral veil. At pagkatapos, sasabihin, isisigaw, Mabuhay ang Kristong Hari?
Hindi pa lubusang tapos ang COVID, pero, ibang-iba na katayuan natin ngayon. Malayang muli nakakagalaw, walang face mask maliban sa ilang piling lugar tulad ng pagamutan. Ang tanong ngayong huling linggo ng ating kalendaryo sa Simbahan ay, si Jesus pa rin ba ang haring ating kinikilala, sinusunod at pinararangalan sa ating buhay, maging sa salita at mga gawa?
Nasasalamin ba natin si Kristong Hari sa ating mga sarili, lalo na kaming mga pari Niya?