Huli ka!
Mga salitang
kinatatakutan,
hangga't maari ay
iniiwasan,
tinatakasan,
tinatakbuhan dahil sa
tiyak na kapahamakan.
Ngunit mayroong
bukod tanging pagkakataon
ang salitang "huli ka" ay
katuwa-tuwa,
dala ay galak
hindi takot at pangamba
bagkus kaluwagan
at kasaganaan.
Larawan kuha ni G. Jim Marpa, 2018.
Pagkatapos ni Jesus magsalita ay sinabi niya kay Simon, “Pumalaot kayo at ihulog ang mga lambat upang manghuli.” Sumagot si Simon, “Guro, magdamag po kaming nagpagod at wala kaming nahuli! Ngunit dahil sa sinabi ninyo, ihuhulog ko ang mga lambat.” Gayon nga ang ginawa nila at sa dami ng kanilang huli ay halos magkansisira kanilang mga lambat.
Lucas 5:4-6
Ano nga ba nangyari
magdamag wala silang huli
nagkubli ba mga isda
sa dilim ng gabi?
Paano ang nangyari nang
si Jesus ay nagsabi,
mga isda ay dumaiti
mga bangka napuno ng huli?
Araw-araw
dumarating si Jesus
sa buhay natin
upang tayo ay hulihin:
hindi upang pagdusahin
sa mga pagkakasala natin
bagkus upang lubusin
mga pagpapala niya sa atin.
Larawan kuha ng may-akda, 2018.
Kasabihan ng matatanda
sa bibig nahuhuli ang isda,
ngunit sinabi ni Jesus
sa bibig ng Diyos nagmumula
tunay na pagkain sa atin nagpapala
lahat ng pagpapagal at pagsisikap natin
makabuluhan mayroon mang kabiguan
hindi mahuhuli ang Diyos sa kanyang kabutihan!
Parating abangan pagdaraan ni Jesus
pakinggan kanyang panawagan
at kung siya ay ating matagpuan
sana'y ating iwanan ang lahat
upang siya ay masundan
pamamalakaya sa sanlibutan
hindi mo pagsisihan, buhay na walang hanggan
tiyak makakamtan ngayon pa lamang!
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-04 ng Pebrero 2022
Larawan mula sa Catholic News Agency.
Napag-isipan ko lang naman
hindi upang pagtawanan
kungdi upang makita iba pang
kahulugan ng kapistahan ng ating
pinagpipitaganang San Blas,
patron ng mga may sakit
sa leeg at lalamunan
matapos niyang masagip
sa kamatayan batang natinik
ang lalamunan.
Sa aking pagkakaalam,
tinik sa lalamunan nalulunasan
ng sino mang suhi nang isilang;
ngunit bago ninyo ako pagtawanan
ibig ko sanang inyo ring tingnan
hindi ba't tayo ay nabibilaukan,
nahihirinan, at natitinik sa lalamunan
kapag pilit nating sinusubo, nilulunok
higit sa kaya nating kainin,
pilit inaangkin maski hindi atin?
Pagmasdan at pagnilayan
leeg at lalamunan na pinapagaling
ni San Blas ang siyang bahagi
sa pagitan ng ulo at katawan kaya
marahil ang nalalaman ng isipan at
ang nararamdaman ng puso at kalooban
hindi magsalakupan dahil nababarahan
ng kamunduhan leeg at lalamunan
kaya katotohanan at kabutihan
hindi natin masundan at mapanindigan!
Ito rin ang karanasang inilalarawan
sa Banal na Kasulatan tungkol kay
Haring Herodes nang kanyang mabalitaan
mga himala ni Hesus sa pag-aakalang
nabuhay mag-uli si Juan Bautista na
kanyang pinapugatan ng ulo
dahil lamang sa sumpang binitiwan;
nahirinan siya sa kapangyarihan
at kapalaluan, kaya di kalaunan, gumawa
din ng sariling multong kinatakutan!
Bihag ng kasalanan
kaya si Herodes ay naguguluhan,
nalilito at hindi magawa ang kabutihan,
naliligalig sa mga ginawang kabuktutan
nang marinig ang Mabuting Balita
ni Hesus sa tanan;
ganyan din tayo kadalasan:
gumagawa ng sariling multo na katatakutan
nililibang sarili sa kasalanan, kunwa'y
kayang lampasan pinagdaraanan.
Tinawag ni Hesus ang Labindalawa, at sinugong dala-dalawa. Binigyan ng kapangyarihang magpalayas ng masasamang espiritu, at pinagbilinan: “Sa inyong paglalakbay, huwag kayong magdala ng anuman, maliban sa tungkod. Ni pagkain, balutan, salapi sa inyong lukbutan o bihisan, ay huwag kayong magdala. Ngunit magsuot kayo ng panyapak.”
Marcos 6:7-9
Iyan ang bilin ng Panginoon
na sinikap sundin ni San Blas
na siya namang tinanggihan
ni Haring Herodes at mga kagaya niya
hanggang sa kasalukuyan, di alintana
pagdarahop ng karamihan,
nagpapasasa sa kapangyarihan
at karangyaan hanggang sa mahirinan,
nakalimutan na ang tunay na kayamanan
ay sa Diyos lamang matatagpuan!
Lawiswis Ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-02 ng Pebrero 2022
Kapistahan ng Paghahandog kay Jesus sa Templo
Malakias 3:1-4 ><}}}}*> Hebreo 2:14-18 ><}}}}*> Lucas 2:22-40
Larawan mula sa crossroadinitiative.com.
Ngayon ang ika-40 araw mula ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoong Hesus sa Bethlehem, Kapistahan ng Paghahandog sa Kanya sa Templo ng kanyang mga magulang na sina Maria at Jose.
Bukod tangi lamang itong salaysay na matatagpuan sa ebanghelyo ni San Lucas sapagkat ibig niyang ipakita noon sa kanyang mga mambabasa at mga taga-sunod na pumarito si Hesus para sa lahat ng tao, hindi lamang sa mga Hudyo.
Una itong pinagdiwang ng mga Kristiyano sa Jerusalem at lumaganap sa Silangan noong taong 500 kung saan ito tinawag sa wikang Griyego na “Ypapante” na ibig sabihi’y ang “Pagtatagpo” nina Hesus at ng dalawang matanda sa templo na sina Simeon at Anna.
Mula Silangan, umabot ang pagdiriwang na ito sa Europa na nakilala bilang kapistahan din ng Paglilinis ni Maria o “Purification of Mary”. Sa France, nagkaroon ng seremonyas ang mga Kristiyano ng pagbabasbas at pagsisindi ng mga kandila bago pumasok ng simbahan bilang pagkilala kay Hesus na tanglaw ng mundo ayon sa pahayag ni Simeon sa templo, “Liwanag itong tatanglaw sa mga Hentil, At magbibigay-karangalan sa iyong bayang Israel” (Luc. 2:32).
Kaya nang makarating sa Roma ang tradisyong ito noong taong 800, ito rin ang ginawang seremonya ni Papa Sergio I kaya tinagurian itong Candelaria (kandila). Makalipas ang mahigit isang libong taon noong 1962 sa Vatican II, ibinalik sa tunay na pangalan ito bilang Kapistahan ng Paghahandog sa Templo ngunit pinanatili ng mga obispo ang tradisyon ng pagbabasbas at pagsisindi ng mga kandila upang ipakita na si Hesus ang tunay na liwanag sa mundo sa aakay sa atin pabalik sa Diyos.
Kuha ni G. Cristian Pasion, Pasko ng Pagkabuhay, 2021.
Mahalaga na ating mapagnilayang muli at makita sa panahong ito na si Hesus ang tanging liwanag sa ating buhay na tumatanglaw sa gitna ng maraming artipisyal na mga ilaw, mga ilaw na ang binibigyang liwanag ay mga tao at kung sinu-sinong ibig na maging sikat o ibig kilalanin.
Ito yaong mga artipisyal na ilaw ng mga kamera at media na ang pinakikita o ang tinatampok bilang “highlight” ay mga karangyaan, kapangyarihan, katanyagan at mga kapalaluan sa mundo.
Inaanyayahan tayo ng kapistahang ito na tularan sina Simeon at Anna na inabangan buong buhay nila si Hesus na siyang tunay na liwanag ng ating buhay na dapat din nating hanapin, lapitan at sundan.
May isang tao noon sa Jerusalem, ang pangala’y Simeon. Matapat at malapit sa Diyos ang lalaking ito at naghihintay sa katubusan ng Israel. Sumasakanya ang Espiritu Santo na nagpahayag sa kanya na hindi siya mamamatay hangga’t hindi niya nakikita ang Mesiyas na ipinangako ng Panginoon.
Lucas 2:25-26
Bukod sa tanging si San Lucas lamang ang may kuwento ng tagpong ito, mayroon din siyang ginamit na kataga na hindi ginamit ng sinumang manunulat ng Bagong Tipan o maging ng alin mang aklat sa buong Bibliya.
Ito yung salitang naglalarawan kay Simeon bilang , “malapit sa Diyos” na sa Inggles ay “devout”.
Alam na natin yung salitang “righteous” o “matapat” na ginamit din ni San Mateo upang ilarawan si San Jose bilang taong matuwid o banal na tumutupad sa mga batas at alituntunin ng kanilang relihiyon.
Ngunit iyong “malapit” o “devout” sa Inggles o “deboto” sa pangkaraniwang pananalita, tanging si San Lucas lamang ang gumamit niyon sa buong Bibliya. Apat na ulit niya itong ginamit: minsan sa ebanghelyo na ating napakinggan at tatlong ulit sa ikalawang aklat niyang sinulat, Gawa ng mga Apostol.
Mas maliwanag ito sa Inggles nang tawagin ni San Lukas ang mga Hudyong pumunta sa Jerusalem noong Pentecostes bilang mga “devout Jews” o “mga taong palasamba sa Diyos” (Gawa 2:5); tinawag din niyang mga “devout men” o “mga taong may takot sa Diyos” yaong mga naglibing sa ating unang Martir na si San Esteban (Gawa 8:2); at sa pagsasalaysay ni San Pablo ng kanyang pagbabalik-loob, ginamit na salita muli ni San Lucas sa kanyang kuwento upang ilarawan si Ananias bilang “a devout observer of the law” o “taong may takot sa Diyos” (Gawa 22:12).
Alalaong-baga, para kay San Lucas, ang isang “devout” na tao, o wika nga natin deboto ay isang taong malapit sa Diyos dahil siya ay mayroong takot sa Diyos kaya tumutupad sa Kanyang mga utos! Hindi lamang sila matapat o faithful kungdi mayroong malinis na puso at laging handang tumupad ng buong tapang sa kalooban ng Diyos.
Kaya nga sa ating mga Pinoy, ang deboto ay taong malapit, yaong mayroong matalik na ugnayan sa Diyos at sa kapwa!
Sila yaong mga kaibigang maaasahan, mayroong sariling kusa at hindi naghihintay na pagsabihan pa kung ano ang gagawain. Mayroong sariling-palo katulad nina Simeon at Anna na kusang naghihintay, lumalapit sa Diyos at Panginoon.
“Presentation at the Temple” painting ng Italian Renaissance artist Andrea Mantegna noong 1455; hawak ni Mari ang Banal na Sanggol habang si San Jose naman sa gitna ay nakatingin kay Simeon na mayroong balbas na puti. Larawan buhat sa wikipedia.org.
Nadadalisay ang ating pagiging malapit sa Diyos sa isang buhay-panalangin na kung saan mayroong disiplina sa pagdarasal na hindi lamang mga salitang inuusal ng bibig kungdi sinasapuso.
Masdan paanong sinabi ni San Lucas sina Simeon at Anna na palaging nasa templo nananalangin. Higit sa lahat, ang pananalangin ay kaisahan sa Diyos kaya nabatid kaagad ng dalawang matanda na dumating na si Hesus sa pag-uudyok sa kanila ng Espiritu Santo.
Katulad din yan ng pagkakaroon ng matalik na kaibigan: palagi kayong nag-uusap, nagbabahaginan at nag-uunawaan kaya mayroong kaisahan.
Ang pagiging malapit sa Diyos o deboto ay hindi lamang pagaalaga at pagkolekta ng mga imahen at aklat dasalan kungdi pumapaloob sa kalooban ng Diyos na siyang sinasabi ni propeta Malakias sa unang pagbasa na biglang darating ang Panginoon sa kanyang templo na siyang ating mga sarili.
Gayun din naman, ang taong malapit sa Diyos palaging malapit sa kapwa, lalo na sa mga maliliit at nahihirapan sa buhay gaya ng mga may-sakit at kapansanan. Pagmasdan paanong kinilala ni Simeon mga magulang ni Hesus sina Maria at Jose. Binigyan niya ng halaga kanyang mga kapwa-tao hindi lamang ang Panginoong Hesus.
Ang tunay na kaibigang matalik ay yaong naglalapit sa atin sa Diyos at kabutihan, hindi kasalanan at kapahamakan. Nakakatagpo natin si Hesus sa ating mga kapwa tao gaya ng sinasabi ng may-akda ng sulat sa mga Hebreo na ating napakinggan.
Higit sa lahat, ang taong malapit sa Diyos o isang deboto ay puno ng tuwa at kagalakan. Damang-dama ang tuwa at galak nina Simeon at Anna nang makatagpo at makalong si Hesus na sa sobrang tuwa nila sila’y handa nang mamatay.
Iyon ang tunay na palatandaan ng malapit at nakatagpo sa Diyos: puno ng tuwa na anuman ang sapitin sa buhay, hindi niya alintana ang mga takot at pangamba, maging kamatayan sapagkat ito ang maghahatid sa tunay na paglapit at pagbuklod sa Ama kay Kristo Hesus. Amen.
Larawan kuha ng may-akda, Santo Niño Exhibit sa katedral ng Malolos, Enero 2022.
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II
Miyerkules, Paggunita kina San Timoteo at San Tito, mga Obispo, 26 Enero 2022
2 Timoteo 1:1-8 ><}}}}*> + ><}}}}*> + ><}}}}*> Lucas 10:1-9
Tatlong taon bago nagsimula ang pandemya noong 2017, naanyayahan ako na pangunahan ang pananalangin sa “retirement ceremony” ng kaibigan na dati ring kasamahan sa trabaho.
Nakatutuwa pala na makita at makausap muli mga dating kasamahan maging mga naging “bossing” namin na dati’y aming iniilagan dahil baka kami masabon. Ganoon pala ang magka-edad, ang pumalo sa 50 anyos pataas, pare-pareho kaming nakasalamin at malalabo mga mata, mapuputi ang mga buhok at bago kumain, umiinom ng iba’t ibang mga gamot.
At ang mga usapan, puro “noong araw”!
Kaya naman hindi maiwasan magkumparahan sa bagong henerasyon at isang nakatatanda na retiree dati naming boss ang nagsabi, “bakit kaya mga bata ngayon maski 40 anyos na, bata pa rin?”
Napagnilay ako ng katanungang iyon at habang nagkakasiyahan kami sa mga alaala ng aming kabataan, naalala ko ang mga kuwentuhan namin noon kasi ay bihirang-bihira mapag-usapan ang Diyos at mga tungkol sa Kanya gaya ng pagsisimba at mga paksang espiritwal maliban lamang na ako ay kanilang tatanungin lalo na kapag nasa lamayan.
Kaya nawika ko sa aking sarili “marahil kaya bata pa rin mga bata ngayon maski 40 anyos na” dahil nagkulang kaming nakatatanda, ang mga magulang at mga lolo at lola ngayon sa pagdiriin ng pangangaral at pagsasabuhay ng pananampalataya.
Pansinin po natin si San Pablo paano niya itinuring sina San Timoteo at San Tito bilang kanyang mga anak habang ipinagdiinan ang kanilang pagkamulat sa pananampalataya: “Hindi ko malilimutan ang tapat mong pananampalataya, katulad ng pananampalataya ng iyong Lola Loida at ni Eunice na iyong ina. Natitiyak kong taglay mo pa ngayon ang pananampalatayang iyon. Dahil dito, ipinaalala ko sa iyo na maging masigasig ka sa pagtupad sa tungkuling tinanggap mo sa Diyos nang ipatong ko ang aking mga kamay sa ulo mo. Sapagkat hindi espiritu ng kaduwagan ang ibinigay sa atin ng Diyos kundi Espiritu ng kapangyarihan, pag-ibig, at pagpipigil ng sarili” (1Tim.1:5-7).
Larawan kuha ni G. Jim Marpa, 2017.
Hindi ba nakakahiyang isipin na sa ngayon, ang mag-igib at maglinis ng bahay ay pawang mga “reality games” na lang sa telebisyon gayong ganito ang ating buhay noon?
Hindi ba nakakabahala na parang malaking balita ngayon yung makarinig ng mga tao na nagsusumakit sa pagsisikap na maging mabuti at marangal sa buhay at gawain?
Bakit mangha-mangha mga tao ngayon sa mga kuwento ng pagmamalasakitan ng pamilya at magkakaibigan gayong dapat naman ganoon talaga tayo sa buhay?
Hindi kaya masyadong na-spoil mga henerasyon ngayon, lahat ng kanilang hilig ay ibinigay ng mga magulang at lolo at lola di alintana masamang epekto sa gawi at pag-uugali ng mga bata? At dahil nga “napanis” o na-spoil ang mga bata, pati ang disiplina ng buhay espiritwal gaya ng pagdarasal at pagsisimba ay napabayaan.
Opo, disiplina ang pagdarasal at pagsisimba. Kapag pinabayaan mga ito at nawala sa mga tao, wala na tayong igagalang na kapwa o lugar man lamang at pagkakataon dahil maski Diyos at simbahan hindi na kayang igalang pa.
Nananatili hanggang ngayon lalo sa ating nakatatanda at di lamang sa mga bata ang misyon ni Hesus kaya siya humirang pa ng pitumpu’t dalawang mga alagad na kanyang sinugo na mauna sa kanya (Luc.10:1-9).
Larawan kuha ni G. Jim Marpa, 2019.
Tayo ang mga iyon sa panahong ito, tayong mga nakatatanda na dapat puno ng alab para sa Panginoon at Kanyang mabuting balita na hatid sa lahat na sa panahong ito ay litong-lito maski na sagana sa mga bagay na materyal.
Tayo ang inaasahan ni Hesus na gagabay sa maraming naliligaw ng landas, lalo na mga kabataan na ibig siluin at lapain ng mga nagkalat na “asong-gubat” sa gitna ng saganang anihin.
Tayo ang mga makabagong San Timoteo at San Tito, dalawang banal na nagparubdob ng alab para sa Diyos sa pagpapahayag nila noon sa salita at gawa na “Nalalapit na ang paghahari ng Diyos sa inyo” (Luc. 10:9) dahil sila rin mismong dalawa ay naranasan ang sigasig sa pananampalataya ng kanilang mga magulang at ninuno noon. Amen.
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-6 ng Disyembre 2021
Larawan kuha ng may-akda sa San Fernando, Pampanga, 18 Nobyembre 2021.
Taun-taon,
halos lahat ng tao
nasasabik sa Pasko
palaging inaabangan
sa mga countdown.
Ngunit bakit nga ba
inaabangan natin ang Pasko?
Petsa lamang ba ito
at panahon na dumarating,
lumilipas din?
Kung gayon lang ang Pasko,
bakit hindi na lang tayo
magbilang ng araw
Bagong Taon pa man?
Higit sa petsa
at panahon ang Pasko
dahil ito ay ang Diyos na naging Tao;
ang Pasko ay si Hesu-Kristo
na sumilang noon sa mundo
at dumarating pa rin sa puso
ng bawat tao kaya't itong Pasko
ay isang katotohanan, isang kaganapan
nang ang Diyos ay makialam
at pumasok sa ating kaguluhan,
pinunan marami nating kakulangan,
pinawi mga kasalanan, pinalitan
ng kanyang kabanalan upang
buhay natin ay maging makabuluhan.
Sa panahon pa ring ito
ng pandemya, sana atin nang
mapagtanto ang Pasko
ay hindi tanong ng kung ANO
kungdi ng kung SINO inaabangan
na tanging si Hesu-Kristo,
dumarating hindi sa sabsaban
kungdi sa ating puso at kalooban
kung saan nagmumula ating mga
gulo at kadiliman; sikaping matagpuan
Kanyang bakas sa ating mga mukha
upang tayo'y makipag-kapwa at
maranasan Kanyang kapanatilihan
kesa tayo magbilang ng mga petsa at buwan.
Larawan kuha ng may-akda sa San Fernando, Pampanga, 18 Nobyembre 2021.
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-03 ng Disyembre 2021
Larawan kuha ng may-akda, 2018.
Kay sarap namnamin,
O Diyos Ama namin
paglalarawan ni San Lukas
ng panahon noong dumating
si San Juan Bautista sa ilang
upang ihanda daraanan ng
Panginoong darating:
Ikalabinlimang taon noon ng paghahari ni Emperador Tiberio. Si Poncio Pilato ang gobernador sa Judea, si Herodes ang tetrarka sa Galilea at ang kapatid naman niyang si Felipe, sa lupain ng Iturea at Traconite. Si Lisanias ang tetrarka sa Abilinia. Sina Anas at Caifas naman ang mga pinakapunong saserdote noon. Nang panahong iyon, nasa ilang si Juan na anak ni Zacarias. Dumating sa kanya ang salita ng Diyos…
Lucas 3:1-2
Dumating ka na sa amin, Panginoon,
sa panahong ito sa gitna ng social media
ng mga nakabibinging ingay
at mga sari-saring tanawin sa amin ay
umaaliw ngunit madalas ay sagwil
upang Ika'y makita at maranasan
kay Hesus na palaging dumarating
sa gitna ng kasaysayan ng daigdig
maging sa sariling buhay namin.
Nawa matularan namin si Juan Bautista
upang ilang ay puntahan, maglaan ng
panahon ng pananahimik upang
Iyong mga salita ay mapakinggan at
mapagnilayan, maranasan pananahan
Mo sa amin kay Kristo.
Itulot po ninyo, O Diyos,
sa liwanag ng Espiritu Santo
aming matularan si Juan doon sa ilang
aming maisigaw upang umalingawngaw
sa mundong nagbibingi-bingihan
sa Iyong mga panawagan na tuwirin
aming landas ng pamumuhay:
nawa'y masaid namin aming puso
at kalooban ng aming kapalaluan
at mga kasalanan upang mapunan
ng Iyong kababaang-loob, pag-ibig
at katarungan;
katulad ni Juan ay maging tinig nawa kami
ng katotohanan sa gitna ng pagpipilit ng
marami na bigyang katuwiran mga
kasinungalingan at kasalaulaan;
tambakan nawa namin bawat lambak
ng kababawan at kawalan ng kabuluhan
ng katuturan at kahulugan kay Kristo
lamang matatagpuan;
at higit sa lahat, nawa aming matibag
sa mabubuting gawa at halimbawa
mga bundok at burol ng aming
kayabangan at katanyagan,
maalis aming mga tarpaulin at ilawan
at tanging ikaw lamang O Diyos
ang aming matanawan, sundan,
at paglingkuran magpasawalang-
hanggan. Amen.
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-10 ng Nobyembre 2021
Larawan mula sa Parokya ni San Martin ng Tours sa Bocaue, Bulacan.
Mula pa sa aming kabataan
palaging nilalarawan kabutihan
ng Patron naming mahal
San Martin ng Tours sa France
kung paano niyang hinati
kanyang kapa upang damitan
at huwag malamigan dukhang
matanda nakasalubong sa daan.
Kinagabihan ay kanyang napanaginipan
Panginoong Jesus sa kanyang paanan
tangan-tangan kapang ibinigay sa
matandang tinulungan, kaganapan ng
kanyang katuruan na ano mang kabutihan
ang inyong gawin sa mga maliliit at
nahihirapan ay siya rin ninyong
ginagawa sa Kristo na sa atin nakipanahan.
Nguni't hindi lamang iyon ang hiwaga
ng kapa ng ating Patrong mahal
na dating kawal, sanay sa mga digmaan:
nang siya ay mabinyagan,
hinasa niya kanyang isipan upang matutunan
mga aral ng pananampalataya na kanyang
dinalisay sa taos-pusong pananalangin
kaya't lubos siyang napaangkin sa Panginoon natin.
Upang maging mataimtim
sa kanyang pananalangin,
nagtutungo si San Martin sa kagubatan
at hinuhubad suot niyang kapa upang
isampay at ibitin upang sakali man
siya ay kailanganin,
madali siyang tuntunin
tanging kapa niya ang hahanapin.
Mula sa "kapa" ni San Martin
na noo'y kawal sa France
nanggaling salita na "kapilya"
na mula sa "chapele" ng mga Pranses
na tumutukoy sa kanyang kapa na hinuhubad
tuwing nananalangin at ngayon gamit natin
sa munting pook-dalanginan upang tulad
ni San Martin taimtim din tayong makapanalangin.
Kay sarap pagnilayan at tularan
halimbawa ni San Martin ng Tours:
hinubad kanyang "kapa" ---
kapangyarihan at katanyagan
upang maramtan ng katauhan
ni Kristo-Jesus na "hinubad kanyang
pagiging katulad ng Diyos upang mamuhay
bilang alipin tulad natin" (Fil.2:7)!
Diyos Ama naming mapagmahal
ngayong Dakilang Kapistahan ng
Lahat ng mga Banal,
aming dasal ay higit naming maunawaan
kahulugan nitong pagdiriwang:
hindi katatakutan
o mga kababalaghan
at hiwagang nakamamangha
kungdi ang Iyong dakilang
adhika na kami ay Iyong makasama
at makaisa sa buhay na walang
hanggan.
Madalas aming nalilimutan
ito lang naman lagi din naming
dasal higit pa sa lahat ng mga
pangangailangan at inaasam-asam:
kung sakali mang dumating
oras na aming kinatatakutan
biglang kamatayan sa ano mang
paraan, O Diyos huwag mo kaming
kalilimutan sa hanay ng iyong mga Banal
upang Ika'y makapiling magpakailanman!
Kaya naman sa pagdiriwang
nitong todos los Santos
nawa aming mabatid
kahalagahan ng pamumuhay
na matuwid; ang kabanalan
ay hindi kawalan ng kasalanan
kungdi pagiging puspos
ng Iyong pagka-Diyos, nagsisikap
matupad banal mong kalooban
sa ilalim ng Iyong kaharian. Amen.
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-04 ng Oktubre 2021
Photo from FB/Be Like Francis, 2019.
Ngayong ating ginugunita
dakila nating pintakasi
San Francisco ng Assisi
huwaran ng kaisahan
sa kapwa at sangnilikha
nang kanyang tularan
Panginoong Hesus sa kabutihan
Mabuting Samaritano sa nangangailangan.
Sa buhay ni San Francisco
ating mababanaagan
paano niyang pinakisamahan
mga may sakit at nahihirapan
maging sarili niya kanyang tinalikuran
iniwan kayamanan, karangyaan
at karangalan upang ituring
kanyang pinsan ang kamatayan.
Malinaw kay San Francisco
"brother sun" at "sister moon"
ang tanong ay hindi kung
"sino ang aking kapwa?"
kungdi "ako ba ay nakikipag-kapwa?"
dahil tayong lahat ay iisa
at magkakaugnay sa Diyos ating Ama
sa pamamagitan ni Kristo na ating Kuya.
Kaya sana bago natin dasalin
kanyang panalangin na maging
daan ng kapayapaan
pabasbasan ating mga alagang
hayop at halaman,
ating munang tingnan at suriin
kaisahan natin sa Krus ni Hesus
na siyang nagligtas at nagpalaya sa atin!
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-13 ng Setyembre 2021
Larawan kuha ng may-akda, La Niña Maria sa Pambansang Dambana ng Fatima, Valenzuela, 07 Setyembre 2021.
Bisperas ng kaarawan
ng Mahal na Birheng Maria
matapos manalangin
bumati si Andrei ng
"Happy birthday, Mama Mary!"
sabay sabi sa kanyang mommy:
"Bibili ko sana siya ng cake
pero paano ako mapupunta
sa langit?"
Tunay ang sinabi
ng Panginoon noong dati:
mula sa mga labi ng bata
nahahabi karunungang
walang pagkukunwari;
pawang katotohanan
kay dali nilang bitiwan
nakakatuwa dahil puno ng karunungan
tila bugtong na palaisipan.
Madali namang malaman
kasagutan sa kanilang mga tanong
ngunit bakit nga ba ganoon
sa pagkakaroon ng gulang ng taon,
kamusmusan nati'y
nawawala, napapalitan
ng pagmamaang-maangan
kunwa'y hindi alam
pangunahing kaalaman sa buhay.
Katulad ng paano nga ba
pumunta sa langit?
Hindi natin masambit
gayong palagi nating
nilulungating masapit
dahil mayroong pagsusulit
at baka tayo sumabit
kaya hangga't maari
sa kasalukuyang buhay kumakapit.
Paano nga ba pumunta
sa langit?
Hindi ka naman mamatay
daglit
Ngunit ang turo ni Hesus
palagi niyang sambit,
limutin ang sarili, pasanin ating krus
kada araw at sa Kanya'y sumunod -
papuntang langit!