Krus ang pintuan sa langit

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-21 ng Marso 2024
Ikalawang Huling Wika ni Jesus sa Krus
Larawan kuha ng may-akda sa Mirador Jesuit Retreat House sa Baguio City, Agosto 2023.

Ang ikalawang wika ni Jesus sa Krus:

Tinuya siya ng isa sa mga salaring nakabitin, at ang sabi, “Hindi ba ikaw ang Mesias? Iligtas mo ang iyong sarili, pati na kami!” Ngunit pinagsabihan siya ng kanyang kasama, “Hindi ka ba natatakot sa Diyos? Ikaw may pinarurusahang tulad niya! Matuwid lamang na tayo’y parusahan nang ganito dahil sa ating mga ginawa; ngunit ang taong ito’y walang ginawang masama.” At sinabi niya, “JESUS ALALAHANIN MO AKO KAPAG NAGHAHARI KA NA.” Sumagot si Jesus, “SINASABI KO SA IYO: NGAYON DI’Y ISASAMA KITA SA PARAISO.”

Lukas 23:39-43

Muli ay ating namnamin ikalawang wika ni Jesus doon sa Krus pagkapako sa kanya. Nauna niyang sinambit ay kapatawaran; ngayon naman kanya itong sinundan ng pangako ng langit o paraiso.

At iyon ay agad-agad na, ora mismo! Wika nga ng mga bata, “now na”! Hindi mamaya pagkamatay nila ni Jesus o sa Linggo sa kanyang pagkabuhay. Malinaw na sinabi ni Jesus kay Dimas, “SINASABI KO SA IYO: NGAYON DI’Y ISASAMA KITA SA PARAISO.”

Tantuin ninyo mga ginigiliw ko na sa ebanghelyo ayon kay San Lukas, namutawi lamang sa mga labi ni Jesus ang pangakong ito ng paraiso noong siya ay nakabayubay sa krus at hirap na hirap. Wala siyang pinangakuan ng langit nang siya ay malaya at malakas na nakakagalaw, naglilibot at nangangaral.

Alalaong-baga, pumapasok tayo sa langit kasama si Jesus sa sandaling kasama din niya tayong nagtitiis, nagdurusa, nagpapakasakit dahil sa pagmamahal doon sa Krus!

Ang krus ang pintuan papasok sa langit o paraiso.

Madalas naiisip natin kapag nabanggit o narinig ang katagang langit at paraiso ay kagalakan, kawalan ng hirap at dusa. Basta masarap at maayos sa pakiramdam, langit iyon sa atin. Kaya mga addict noon at ngayon kapag sila ay sabog at nasa good trip, iyon ay “heaven” dahil wala silang nadaramang problema at hirap sa buhay.

Larawan kuha ng may akda, 2023.

Kaya hindi rin kataka-taka na ang gamot nating laging binibili ay pain killer – konting sakit ng ulo o kasu-kasuan, naka-Alaxan kaagad. Noong dati ay mayroong shampoo na “no more tears” dahil walang hilam sa mata.

Gayon ang pananaw natin sa langit. At tumpak naman iyon kaya nga sa pagbabasbas ng labi ng mga yumao, dinarasal ng pari, “Sa paraiso magkikitang muli tayo. Samahan ka ng mga Santo, kahit mayroong nauuna, tayo rin ay magsasama-sama upang lagi tayong lumigaya sa piling ng Diyos Ama. Amen.”

Nagmula ang salitang paraiso sa katagang paradiso na tumutukoy sa kaloob-loobang silid ng hari ng Persia (Iran ngayon) kung saan tanging mga pinagkakatiwalaang tao lamang ang maaring makapasok kasama ang royal family. Kaya nang isalin sa wikang Griyego ang mga aklat ng Bibliya, hiniram ang katagang paradiso ng mga taga-Persia at naging paraiso upang tukuyin ang langit na tahanan ng Diyos na higit pa sa sino mang hari sa mundo.

Ngunit, katulad ng silid na paradiso ng hari ng Persia, hindi lahat ay basta-basta na lamang makakapasok ng paraiso. Alalahanin nang magkasala sina Eba at Adan, pinalayas sila ng Diyos at mula noon ay nasara ang paraiso; muli itong nabuksan kay Kristo nang sagipin niya tayo doon sa krus na nagbunga sa pagwawalang-sala sa ating mga makasalanan. Dahil sa krus ni Jesus, tayo ay naging karapat-dapat patuluyin sa paraiso. Sa tuwing ating tinatanggap ang krus ni Kristo, tayo ay nagiging tapat sa Diyos sa pamamagitan ng pagmamahal at paglilingkod sa kapwa. Noon din tayo pumapasok ng paraiso.

Sa panahong ito na wala nang hanap ang karamihan kungdi sarap at kaluguran, ipinaaalala sa atin ni Jesus sa ikalawang wika na ibig niya tayong makapiling ngayon din sa paraiso kung tayo ay mananatiling kasama niya sa pagtitiis at pagpapakasakit sa ngalan ng pag-ibig sa Diyos at kapwa.

Sa panahong ito na dinidiyos masyado ang katawan at sarili upang maging malusog, malakas at kung maari ay manatiling bata at mura ang edad, pinapaalala ni Jesus sa kanyang ikalawang huling wika sa krus na sino mang nasa banig ng karamdaman pati na yaong mayroong kapansanan ay unti-unti na ring pumapasok ng langit ngayon din sa kanilang tinitiis na hirap at sakit.

Sa panahong ito na lahat ay pinadadali at hanggat maari iniiwasan ano mang hirap at dusa, pinapaalala ni Jesus sa kanyang ikalawang huling wika na sa ating pagsusumakit sa maraming tiisin at pasanin sa buhay na ito, noon din tayo pumapasok sa paraiso kahit na kadalasan ito ay nagtatagal sa paghihintay.

Larawan kuha ng may-akda, 2018.

Noong pandemic, natutunan natin na hindi lahat ng tinuturing ng mundo na negatibo ay masama kasi noong mga panahong iyon, iisa ating dasal tuwing tayo ay sasailalim ng COVID test na sana ay “negative” tayo, hindi ba? Noon natutunan natin yung negative ay positive. At iyon mismo ang kahulugan ng krus ni Kristo!

Para sa atin, ano mang mahirap, masakit tulad ng krus ay negatibo ngunit kung tutuusin, ang krus ay hugis positibo o “plus sign” (+) at hindi minus (-); kaya, ano mang hirap at pagtitiis sinasagisag ng krus ay mabuti dahil hindi ito nakakabawas bagkus nakapagdaragdag sa ating pagkatao na naghahatid sa atin sa kaganapan at paglago. Sa suma total, eka nga, sa paraiso!

Ang mga tiisin at pagsubok sa buhay ang nagpapatibay at nagpapabuti sa atin upang maging karapat-dapat makapasok sa paraiso at makapanahan ang Haring magpakailanman – ngayon din, ora mismo, now na!

Kaya, manalangin tayo:

Panginoong Jesus,
bago pa man dumating
lahat nitong aming tiisin
at pasanin sa buhay,
nauna ka sa aming
nagtiis at nagpasan
ng krus noong Biyernes Santo;
nauna kang nagpakasakit
at namatay noon sa Krus
dahil sa pagmamahal sa amin;
kaya, patatagin mo ako sa aking
katapatan at pananampalataya
sa Iyo upang manatiling kaisa mo
sa krus ng kalbaryo ng buhay
upang ngayon din
Ikaw ay aking makapiling,
makasama sa Paraiso.
Amen.

Ang kasalanang hindi natin alam

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-20 ng Marso 2024
Unang Huling Wika ni Jesus sa Krus
Larawan kuha ng may-akda, 2019.

Ang Unang Wika ni Jesus:

Nang dumating sila sa dakong tinatawag na Bungo, ipinako nila sa krus si Jesus. Ipinako rin ang dalawang salarin, isa sa gawing kanan at isa sa gawing kaliwa. Sinabi ni Jesus, “Ama, patawarin mo sila, sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa.” At nagsapalaran sila upang malaman kung alin sa kanyang kasuutan ang mapupunta sa isa’t isa.

Lukas 23:33-34

Kay sarap isipin at namnamin na ang kauna-unahang mga salita na sinabi ni Jesus nang ipako siya ay krus ay ang kapatawaran sa ating mga kasalanan. Hindi lamang doon sa mga mismong nagpako sa kanya sa krus kungdi sa ating lahat ngayon na patuloy pa rin siyang ipinapako sa krus “sapagkat hindi natin nalalaman ating ginagawa.”

Ano nga ba iyong sinasabi ni Jesus na patawarin “sapagkat hindi nila nalalaman kanilang ginagawa”?

Sa kaisipan ng mga Judio, ang “malaman” ay hindi lamang matanto ng kaisipan ano mang data o impormasyon kungdi galaw ng puso at kalooban na pumasok sa pakikipag-ugnayan. Ang malaman ay magkaroon ng ugnayan bilang kapwa-tao sa isa’t isa.

Nang sabihin ni Jesus na “Ama, patawarin mo sila, sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa”, ipinaaalala din niya sa ating lahat ang katotohanang dapat malaman natin na tayo ay magkakapatid sa kanya, iisang pamilya sa Diyos na ating Ama.

Sa tuwing sinisira natin ang ating mga ugnayan bilang magkakapatid, sa kada pagbale-wala natin sa bawat tao na tinuturing bilang kasangkapan at gamit para sa sariling kaluguran at kapakinabangan ng walang pag-galang at pagmamahal, doon tayo nagkakasala dahil pinuputol natin ating mga ugnayan.

Madalas, iyan ang hindi natin alam kapag ating inaabuso ating tungkulin at kapangyarihan na dapat ay pangalagaan kapakanan lalo ng mga maliliit at mahihina.

Nagkakasala tayo at hindi natin alam ating ginagawa kapag ating nilalapastangan ating mga magulang lalo na kapag matanda na at mahina o hindi makarinig; kapag sinasaktan ating mga kapatid sa masasakit na pananalita at ating pilit ibinababa kanilang pagkatao.

Larawan kuha nina Teresa at Luis sa Pexels.com

Hindi rin natin alam ating ginagawa sa tuwing tayo ay sumisira sa pangakong magmahal sa asawa at kasintahan, kapag tayo ay nagtataksil o nagbubunyag ng sikretong ipinagkatiwala sa atin at tayo ay nagiging plastik sa harap ng iba.

Pinakamasaklap sa mga hindi natin nalalaman ating ginagawang masama ay kapag nawalan tayo ng pag-asa at kumpiyansa sa mga mahal natin sa buhay kaya sila ay atin pinababayaan, ni hindi pinapansin o bigyang-halaga dahil sa paniwalang hindi na sila magbabago pa ng ugali o hindi na gagaling pa sa kanilang sakit at karamdaman lalo na kung matanda na at malapit nang mamatay.

Ngayong mga Mahal na Araw, isipin natin mga tao na ating nasaktan sa ating salita man o gawa dahil ating nalimutan o kinalimutan ituring kapatid at kapwa.

Sinu-sino din ang mga tao na nagpapasakit sa ating kalooban dahil hindi nalalaman kanilang ginagawa? Manalangin tayo:

Ipagpatawad po ninyo,
Panginoong Jesus
aking pagpapako sa iyo muli sa krus
sa tuwing hindi ko nalalaman
aking ginagawa,
kapag aking nililimot at tinatalikuran
itong pangunahing katotohanan
na igalang at mahalin bawat kapwa;
ipinapanalangin ko sa Iyong habag at awa
mga tao na aking sinaktan at tinalikuran
lalo na yaong mga binigay mo sa akin
tulad ng aking pamilya at kaibigan
at mga dapat pangalagaan;
ipinapanalangin ko rin sa Iyo,
O Jesus, yaong mga nanakit sa aking
damdamin, tumapak at yumurak
sa aking pagkatao na hanggang ngayon
aking pa ring ibig paghigantihan.
Panginoong Jesus,
huwag ko nawa malimutan
na kami ay magkakapatid,
magkakaugnay
sa iisang Ama
na siyang sinasagisag
ng Iyong Krus na Banal.
Amen.

Paalala ng Kuwaresma

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-06 ng Marso 2024
Larawan kuha ng may-akda, 2020.

Sa lahat ng panahon sa ating liturhiya ng Simbahan, bukod tangi ang Kuwaresma dahil ito lamang ang nagsisimula ng ordinaryong araw, ang Miyerkules ng Abo o Ash Wedensday at hindi araw ng Linggo.

Kapuna-puna ang nakaraang Ash Wednesday na pumatak ng Pebrero 14, Valentine’s Day na nangyari din noong 2018. Pinag-usapan ng marami sa social media kung alin ang pipiliing ipagdiwang, Valentine’s Day o Ash Wednesday?

Nakatutuwang isipin na marami pa rin ang sumagot sa survey na pipiliin nila ang mangilin sa araw ng pagpapahid ng abo kesa ang makipag-date sa Pebrero 14; iba ang ipinakita ng mga balita at ng social media kung saan panalo ang mga nagdiwang ng Araw ng mga Puso! At tila gayon nga ang nangyari o marahil, pinagsabay nating mga Pinoy ang dalawang pagdiriwang, di alintana mga panawagan ng Kuwaresma at Miyerkules ng Abo na manalangin, magtika ng mga sala, maglimos, at mag-ayuno.

Kaya nga taun-taon, ito ang laging tanong natin, ano nga ba ang kahalagahan ng Kuwaresma sa makabagong panahong ito na kung saan mga tao ay tila hindi na nag-aayuno, wala nang sakripisyo? Higit sa lahat, paunti nang paunti na mga nagsisimba.

Ang problema natin sa Pilipinas ay hindi pa naman katulad sa kanlurang Europa at hilagang Amerika na marami nang tao ang ayaw maniwala sa Diyos. Halos lahat pa rin ng mga tao sa ating bansa ay naniniwala sa Diyos ngunit naguguluhan marahil at hindi makita Kanyang kahalagahan at kaugnayan (relevance) sa buhay sa gitna ng makabagong panahon na wala nang hindi naiimbento at naso-solusyunan.  Bagama’t sasabihan ng marami naniniwala sila sa Diyos, mas tiwala kadalasan ang mga tao sa panahong ito sa agham at teknolohiya.

Narito tatlong bagay na binibigyang-diin sa panahon ng Kuwaresma na makatutulong sa ating matagpuan muli at maranasan katotohanan, kahalagahan at kaugnayan ng Diyos sa ating buhay sa gitna nitong makabagong panahon.

larawan kuha ni Walid Ahmad sa Pexels.com

Hindi lahat ay nakikita. Sa panahon ng Kuwaresma, pinag-aayuno din kung baga ang ating mga mata upang ituon ating pananaw at pansin sa ating kalooban at sa mga bagay na hindi nakikita, unang una na ang Diyos.

Kaya walang dekorasyon ang mga altar sa panahong ito, walang mga bulaklak at hangga’t maari wala ring mga halaman. “Bare” wika nga sa Inggles ang altar. Pagdating ng Biyernes Dolores bago mag-Linggo ng Palaspas, tinatakpan o binabalutan ng telang lila ang mga imahen at larawan sa simbahan sa gayon ding kadahilanan – upang tingnan natin mga mas malalim na katotohan ng ating buhay.

Sa panahong ito ng social media, lahat na lang ay ibig ipakita at ipangalandakan maski kasamaan, kabastusan, at kasalanan. Bakit nga ba nang magkasala sina Eba at Adan, sila ay nagtago dahil sa kahihiyan samantalang ngayon ipinagmamalaki pa ng ilan kanilang ginawang kasamaan?

Larawan kuha ni shy sol sa Pexels.com

Hindi lahat ng bagay sa buhay na ito ay nakikita at lalo din namang hindi lahat dapat ay ipakita. Wika nga ng Munting Prinsipe o Little Prince ni Antoine de St. Exupery, “What is essential is invisible to the eye; it is only with the heart that one can truly see.”

Lahat na lamang sa mundo ngayon ay palabas, showbiz na showbiz ang dating upang ipagyabang mga kayang kainin at bilhin, puntahan at gawin.  Ngunit, sadya bang nagbibigay ng kaganapan at katuwaan mga iyon?  Hindi ba mas masarap pa ring namnamin mga sandali nating kapiling ang mahal sa buhay? Kung tutuusin nga, kadalasan o palagi, yaong mga bagay na natatago at hindi nakikita ang siyang pinakamakahulugan, pinakamainam sa buhay.

Katulad ng Diyos: “Walang taong nakakita sa Diyos kailanman, ngunit kung tayo’y nag-iibigan, nasa atin siya at nagiging ganap sa atin ang kanyang pag-ibig” (1 Jn. 4:12).

Sa buhay, mas mainam pa rin yung simple at nakukubli, mayroong pa ring misteryo o hiwaga na natatago kaya ang lahat ay nagtataka. At minsan-minsan ay namamangha.

Larawan kuha ni Skyler Ewing sa Pexels.com

Hindi lahat ay minamadali. Kaya tinatawag na Kuwaresma ang panahong ito ng paghahanda sa Panahon ng Pasko ng Pagkabuhay ay dahil sa bilang na kuwarenta o apatnapung araw mula Miyerkules ng Abo haggang Sabado bisperas ng Palaspas (bagama’t di naman eksakto palagi) na kung tutuusin ay limang Linggo bago ang mga Mahal na Araw. Samakatwid, mayroong paghihintay dahil kailangang makabuo muna ng apatnapung araw o limang linggo.

Ito ang isang bagay na nawawala na sa mundo ngayon, ang paghihintay. Lahat mainipin kaya siguro maiinit ang ulo ng lahat na ultimo mga bata ay stressed out. Minamadali ang lahat na hindi malaman ano at sino nga ba ang hinahabol natin. Lahat ay instant – hindi lang kape at noodles pati pagkakaibigan, pag-aasawa at pagkakaroon ng baby!

Dahil sa teknolohiya, pilit na minamanipula ng tao ngayon ang panahon na madalas ay minamadali kaya marami ang hindi na maranasan ang Diyos pati sariling pagkatao at mga kapwa-tao sa pagmamadali. Hindi kataka-taka, nawawala na rin mga mabubuting ugali ng paghihintay, pagtitiyaga, pagtitimpi at pagpipigil.

Ang lahat na pangyayari sa daigdig ay nagaganap sa panahong itinakda ng Diyos. Ang panahon ng pagsilang at panahon ng pagkamatay; Ang panahon ng pagtatanim at panahon ng pagbunot ng tanim… Ano ang mapapala ng tao sa kanyang ginagawa? Alam ko na ang itinakda ng Diyos sa tao. Iniangkop niya ang lahat ng bagay sa kapanahunan. Ang tao’y binigyan niya ng pagnanasang alamin ang bukas ngunit hindi binigyan ng pakaunawa sa ginawa ng Diyos mula sa pasimula hanggang sa wakas.

Ang Mangangaral (Qoheleth) 3:1-2, 9-11

Minsan-minsa’y matutunan nating maghintay, magrelax o mag-chill wika nga ng mga kabataan. Masyado na tayong abala sa mga bagay-bagay kaya hindi natin napapansin, namamalayan ang Diyos na nagmamahal sa atin ay kapiling natin. Ang Diyos kabaligtaran natin: maski buong buhay natin hinihintay niya tayong lumapit sa kanyang muli sakaling magpasya tayong iwanan ating mga kasalanan at maling pamumuhay upang sa kanya maranasan ang kapanatagan at kapaypaan. Tinuturuan tayo ng panahon ng Kuwaresma na tumigil at manatili sandali sa buhay, maghintay sa Diyos at kanyang biyayang nakalaan para sa atin.

Larawan kuha ni Natalie Bond sa Pexels.com

Katahimikan. Sa lahat ng mahahalagang aspekto ng Kuwaresma, ito ang pinakamahalaga sapagkat hindi tayo makapagdarasal, makapagninilay, o magsisi sa ating mga kasalanan ng walang katahimikan. Bahagi ng paghihintay ang pananahimik.

Naalala ko noong bata kami tuwing bakasyon sa halamanan ng aming Lola. Maraming tutubi noon at lahat kaming magpipinsan ang unahan sa paghuli habang nag-aasaran sa kantang “tutubi tutubi huwag magpahuli sa batang mapanghi!”

Wala ka talagang mahuhuling tutubi kapag ika’y malikot at maingay ngunit sa sandaling ikaw ay pumirmi at manahimik, kusa pang lalapit ang mailap na tutubi.

Iyon ang buhay, iyon ang Kuwaresma. Manahimik tayo upang higit nating mapakinggan ating sariling kalooban na madalas hindi natin pinakikinggan dahil bantad na bantad tayo sa iba’t ibang tinig at ingay sa atin nagdidikta ng nararapat. Kaya madalas tayong lito kasi sarili natin di natin pinapansin. Gayon din naman, sa sobrang pakikinig sa mga sabi-sabi, nag-aaway away tayo kasi hindi nating pinakikinggan kapwa natin. Ang pananahimik ay hindi pagiging bingi kungdi pakikinig na mabuti; ang katahimikan ay hindi kawalan kungdi kapunuan na kahit pinakamahinang tinig ay sinisikap nating pakinggan.

Larawan mula Pixabay on Pexels.com

Tanging mga tao na kayang manahimik ang tunay na nagtitiwala sapagkat ang katahimikan ang tahanan at lunan ng pagtitiwala. Kaya ito rin ang tinig at wika ng Diyos. Sa ating pananahimik, tayo ay nagtitiwala, naghihintay maski wala tayong nakikita dahil batid natin kumikilos ang Diyos ng tahimik.

Kapag magulung-magulo ang ating buhay, tumigil tayo at manahimik. Pakinggan at higit sa lahat damhin ang sarili at buong kapaligiran upang maranasan kaganapan at katotohanan ng buhay mula sa Diyos na kadalasan ay tahimik na nangungusap sa atin. Madalas sa buhay natin, ang Diyos iyong pinakamahinang tinig na pilit bumubulong-bulong mula sa ating puso. Sikaping tumigil at manahimik, iyon ang pakinggan at sundin at tiyak, ikaw ay pagpapalain.

Sana ay huwag palampasin pagkakataon ng Kuwaresma upang Diyos ay maranasang muli at masimulan natin ugnayang kanyang matagal nang ibig para sa atin. Salamat po.

Manalangin tayo…

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-28 ng Pebrero 2024
Larawan kuha ni G. Red Santiago ng kanyang anak, Enero 2020, Bagbaguin, Sta. Maria, Bulacan.

Pangunahing hiling ng mga tao sa aming mga pari ay panalangin, na sila ay ipagdasal sa kanilang iba’t-ibang mga pangangailangan. Ito ay dahil inaasahan – at dapat lamang – na kaming mga pari ay palaging nananalangin.

Kaugnay nito ay madalas din silang magtanong paanong magdasal at marami pang iba’t-ibang bagay ukol sa pananalangin. Kaya sa diwa ng panahon ng Kuwaresma kung kailan tayo hinihikayat linangin ating pananalangin, narito ilang mga pagmumuni-muni ko tungkol sa pagdarasal na aking napagtanto at natutunan mula nang pumasok ako ng seminaryo noong 1991 hanggang sa maging pari ng 1998 hanggang sa ngayon.


Una, walang maituturing na dalubhasa o eksperto sa pagdarasal. Tunay nga sinabi ni San Pablo, “tinutulungan tayo ng Espiritu sa ating kahinaan. Hindi tayo marunong manalangin nang wasto, kaya’t ang Espiritu ang lumuluhog para sa atin, sa paraang di magagawa ng pananalita” (Rom. 8:26).

Larawan kuha ng may-akda, Our Lady of Fatima University, Valenzuela, Nobyembre 13, 2023.

Kaya naman totoo kasabihang sa oras na ikaw ay nanalangin, sinagot na rin ng Diyos iyong mga dasal kasi ikaw ay nagdarasal. Kapag tayo nagdasal, tumugon tayo sa Diyos tawag niyang makaisa Siya. Noong kami ay high school sa seminaryo, iyon unang tinuro sa amin ni Fr. Danny Delos Reyes, aming Rektor: “Prayer is talking to God who has always been speaking to man.” Kaya sa oras na tayo ay nagdasal, purihin ang Panginoon dahil tumalima tayo sa Kanya!

Higit itong totoo kapag ating binabasa at pinagninilayan ang Kanyang mga salita sa Banal na Kasulatan. Sa Banal na Kasulatan, personal nakikipag-usap sa atin ang Diyos gamit ang salita ng tao. Kaya sino mang ibig na tunay lumalim sa buhay panalanign at buhay espiritwal, kinakailangang magkaroon ng personal na bibliya at daily bible guide upang masundan mga pagbasa. Sabi ni San Geronimo, ang kamangmangan sa Banal na Kasulatan ay kamangmangan kay Kristo.”

Ikalawang katotohanang nabatid ko sa pagdarasal ay kaugnay nito: hindi tayo ang susukat at susuri ng ating pananalangin kungdi Diyos. Madalas kasi maranasan natin lalo na sa mga nagsisimula pa lamang manalangin na ikumpara ating mga pagdarasal sa bawat araw kapag ating sinasabi “bakit dati madali at magaan pakiramdam ko”, “bakit ngayon parang hirap ako magdasal” o “parang walang saysay aking pananalangin”.

Hindi madaraan sa damdamin o feelings ang pagdarasal.

Malaking pagkakamali na akalain nating mga oras na tayo ay tuwang-tuwang o masarap ang pakiramdam sa pagdarasal ay tama at wasto ang pananalangin na samakatwid ay kinasihan ng Diyos ating pagdarasal. Hindi po totoo iyan.

Magugulat pa tayo na ang katotohanan ay kabaligtaran niyan dahil kung kailan tayo hirap magdasal, mas malamang naroong tunay ang Diyos! Sabi ng aking Heswitang Spiritual Director noon sa Cebu si Fr. Shea, The most difficult prayer period is actually the most meritorious. Kapag tayo ay dumaranas ng hirap sa pagdarasal na kung tawagin ay “spiritual dryness” na parang hindi tayo pansin ng Diyos o kaya hirap lumapit sa kanya, ito ay palatandaan ng paglalim sa pananalangin. At maaring tanda ng pagkilos ng Diyos na tayo ay inaakay sa mas matalik na ugnayan sa Kanya sa larangan ng pagdarasal.

Larawan kuha ng may-akda, Oktubre 2022.

Ikatlo, ang pananalangin ay pakikipag-isa sa Diyos o communion. Kaya hindi naman mahalaga masabi natin lahat ng ibig natin sa Diyos kungdi higit na mahalaga ay ating mapakinggan sinasabi sa atin ng Diyos.

Kaya tayo nagdarasal hindi upang humingi ng humingi sa Diyos ng kung anu-ano kungdi upang Siya ay makaisa, malaman kanyang kalooban para sa atin. Kung tutuusin, hindi na nating kailangan pang humingi sa Diyos ng kung anu-ano dahil alam na niya pangangailangan natin.

Sapagkat alam na ng inyong Ama ang inyong kinakailangan bago pa ninyo hingin sa kanya. Ganito kayo manalangin: “Ama naming nasa langit…”

Mateo 6:8-9

Samakatwid, ang pananalangin ay upang higit nating makamit ang Diyos mismo! Siya ang dapat nating hangarin palagi sa pagdarasal, hindi mga bagay.

Kapag mahal mo sino mang tao, palagi mo siyang kinakausap, sinasamahan upang makapiling. Siya ang ibig mo, hindi gamit o pera o kayamanan niya. Ganoon din sa pananalangin – kung mahal nating tunay ang Diyos, mananalangin tayo palagi sa kanya upang sa tuwina Siya ay makapiling.

Larawan kuha ni Bb. JJ Jimeno sa Holy Sacrifice Parish, UP Diliman, QC, Mayo 2019.

Ikaapat, ang mga bumabagabag sa ating pagdarasal ay hindi tukso mula sa demonyo kungdi mas malamang, mga tulong at gabay ng Espiritu Santo tungo sa higit na mabungang pagdarasal.

Napansin ko iyan noong dati na kapag ako ay bagabag o aligaga sa pagdarasal, kung anu-anong pumapasok sa aking isipan, kadalasan ang mga iyon ay isyu sa aking sarili na pilit ko iniiwasan o binabale-wala; sa pagdarasal, lumalantad mga iyon na tila baga sinasabi ng Diyos sa atin, harapin mga isyu natin sa sarili bago Siya matatagpuan.

Hindi istorbo ang pagsagi ng sino mang kaaway sa iyong pagdarasal kungdi paanyaya na ayusin inyong di pagkakaunawaan. Kung palaging laman ng iyong isipan ay kahalayan o karangayaan o ano pa man, ang mga iyan ay isyu na dapat mong pagdasalan upang maharap at malunasan.

Hindi nating mararanasan ang Diyos nang lubusan sa pagdarasal habang tayo ay puno ng maraming bara sa espiritu at kaluluwa tulad ng mga tao na mayroon tayong problema, mga nararamdamang poot at galit, kahalayan at iba pang mga pagnanasa. Alisin muna mga bara sa ating espritu at kaluluwa, maginhawang dadaloy biyaya ng Espiritu Santo sa ating sarili at buhay.

At ikalima, ang pananalangin ay disiplina. Dahil ang pagdarasal ay pagpapahayag ng ating ugnayan at relasyon sa Diyos, kailangan nating maging tapat sa pakikipagtagpo sa Kanya.

Tulad ng mga magsing-ibig, magkaroon ng regularidad na pakikipagtagpo sa Diyos sa panalangin. Huwag humanap ng panahon bagkus gumawa ng panahon gaya ng ating gawi sa mahal natin sa buhay. Iyon ang nawika ng lobo sa Little Prince na kung regular silang magtatagpo tuwing alas-4:00 ng hapon, alas-3:30 pa lamang ng hapon aniya ay mananabik na siya!

Nasa ating sarili kung anong oras tayo makapagdarasal. Ang mahalaga ay kaya nating pangatawanan ano mang oras ating itakda para sa Panginoon.

Pati ang lunan din ay mainam na regular. Napansin ko ito nang maging pari ako, ilang ulit ako bumalik sa Jesuit Retreat House sa Cebu kung saan kami nag-30 day retreat noong 1995 bago magthird year sa theology. Pinilit kong magdasal sa ibang bahagi ng retreat house na hinangad kong pagdasalan noon pero hindi ako napalagay. Ngunit nang manalangin ako sa dating mga lugar na kung saan ako nagdasal noong 1995, sadya namang “mabunga” ika nga sa ilang ulit na balik ko doon noong 2002, 2003 at 2004. Ganoon din karanasan ko nang lumipat ako sa Sacred Heart Novitiate sa Novaliches para sa taunang personal retreat ko mula 2015.

Photo by Emre Kuzu on Pexels.com

Alalaong-baga, mayroon tayong isang “Bethel” tulad ni Jacob kung saan nagpakilala sa kanya ang Diyos nang tumatakas siya noon sa kanyang kapatid na si Esau (Gen. 28:10-22) at naiman na manatali doon hanggat hindi tayo inaaya ng Panginoon sa ibang lugar.

Hangga’t maari tungkol sa lunan ng pananalangin, piliin yaong tahimik at angkop sa pagdarasal tulad ng simbahan o adoration chapel kung saan maaring magdasal sa harapan ng Santisimo Sakramento.

Bilang pangwakas, alalahaning palagi na personal nakikipag-ugnayan sa atin ang Diyos kaya personal din tayo tumugon sa Kanyang paanyayang makipag-ugnayan tulad ng ginagawa natin sa sino mang kapwa natin.

Sa lahat ng ugnayan mayroon tayo, bukod tanging ang sa Diyos ang pinakamabuti sa lahat dahil kailanman hindi Niya tayo iiwanan at tatalikuran. Diyos lang tanging nagmamahal sa atin ng tunay kaya binigay Niya sa Atin bugtong Niyang Anak na si Jesus na naglapit sa atin sa Kanya sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Sana nakatulong mga ito sa inyong pagdarasal. Kung hindi naman, ay huwag nang pansinin. Sumulat kayo sa akin dito o sa aking email para sa karagdagang mga katanungan o paliwanag (lordmychef@gmail.com).

Patuloy manalangin at yumabong sa Panginoon natin! Amen.

Ang demonyong cellphone, nasa loob ng simbahan!

Lawiswis Ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-22 ng Pebrero 2024
Larawan kuha ni Stefano Rellandini ng Reuters sa Manila Cathedral, Enero 15, 2015. Binatikos at binash (dapat lang) ng mga netizens mga pari noong Misa ni Papa Francisco sa Manila Cathedral nang mapansing walang tigil nilang pagkuha ng mga video at larawan, di alintana kasagraduhan ng Banal na Misa.
Ang demonyong cellphone
palaging nasa loob ng simbahan
hindi upang magsimba o manalangin
kungdi upang tayo ay linlangin
mawala tuon at pansin
sa Diyos na lingid sa atin,
unti-unti na nating ipinagpapalit
sa demonyong cellphone na halos
sambahin natin!
At iyan ang pinakamalupit 
na panunukso sa atin ngayon
ng demonyong cellphone
na ating pahalagahan mismo sa
loob ng simbahan
habang nagdiriwang
ng Banal na Misa at iba pang mga
Sakramento gaya ng pag-iisang dibdib
ng mga magsing-ibig!
Isang kalapastanganan
hindi namamalayan
ng karamihan sa kanya-kanyang
katuwiran gaya ng emergency,
importanteng text o tawag
na inaabangan, higit sa lahat,
remembrance ng pagdiriwang:
nakalimutan dahilan ng paqsisimba
pagpapahayag ng pananampalataya
sa Diyos na hindi tayo pababayaan
kailanman; kung gayon,
bakit hindi maiwanan sa tahanan
o patayin man lamang
o i-silent sa bag at bulsa
ang demonyong cellphone?
Hindi man natin aminin
ang demonyong cellphone ang
pinapanginoon,
pinagkakatiwalaan
ng karamihan kaysa Diyos
at kapwa-tao natin
kaya pilit pa ring dadalhin,
gagamitin sa pagsisimba
at pananalangin!
Kung tunay ngang 
Diyos ang pinanaligan
habang ating pamilya
at mga kaibigan
ang pinahahalagahan,
bakit hinahayaang
mahalinhan ating buong pansin
ng pag-atupag sa demonyong
cellphone tangan natin?
Pagmasdan sa mga kasalan
sa halip ating maranasan
kahulugan ng pagdiriwang,
kagandahan at busilak ng lahat,
asahan aagaw ng eksena
demonyong cellphone kahit
mayroong mga retratista
naatasang kunan at ingatan
makasaysayang pagtataling-puso
kung saan tayo inanyayahan
upang ipanalangin na pagtibayin
pagmamahalan haggang kamatayan
na ating tuluyang nakalimutan
matapos tayo ay nalibang at nalinlang
ng demonyong cellphone.
Sa bingit ng kamatayan
naroon ating "last temptation"
ng demonyo sa anyo pa rin ay cellphone
upang sa halip na ipanalangin
naghihingalong mahal natin,
demonyong cellphone pa rin
sa kahuli-hulihan ang hawak habang
kinukunan huling sandali ng pagpanaw
Diyos na ating kaligtasan, tinalikuran!
Larawan mula sa rappler.com, Ash Wednesday 2023.

Ang demonyong cellphone

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-21 ng Pebrero 2024
Larawan mula sa forbes.com, 2019.
Ang demonyong cellphone
tukso at ugat ng pagkakasala
sa maraming pagkakataon;
mga chismis, maling impormasyon
kinakalat agad namang kinakagat
ng marami sa pag-iisip
at pang-unawa ay salat.
Ang demonyong cellphone
hindi mabitiwan
hindi maiwanan
palaging iniingatan
mga tinatagong lihim
larawan at kahalayan
ng huwad nating katauhan.
Ang demonyong cellphone
istorbo at pang-gulo
panginoong hindi mapahindian
napakalaking kawalan
kung hindi matandaan
saan naiwanan,
katinuan nawala nang tuluyan.
Ang demonyong cellphone
winawasak ating katahimikan
nawala na rin ating kapanatagan
sa halip maghatid ng kaisahan
pagkakahiwa-hiwalay bunga
sa maraming karanasan
pinalitan pamilya at kaibigan.
Ang demonyong cellphone
lahat na lang ibinunyag
wala nang pitagan ni
paggalang sa kasagraduhan
ng bawat nilalang
ultimo kasamaan
nakabuyangyang, pinagpipistahan.
Ang demonyong cellphone
palagi nang namamagitan
sa ating mga ugnayan
atin nang nakalimutan
damhin kapanatilihan
pinalitan nitong malamig
na kasangkapan pintig ng kalooban.
Sa panahong ito ng Kuwaresma
iwanan at bitiwan ang cellphone
dumedemonyo, nagpapagulo
sa buhay nating mga tao;
manahimik katulad ni Kristo
sa ilang nitong ating buhay
upang Siya ay makaniig
at marinig Kanyang tinig
ika'y iniibig!


Ang painting na “Temptation in the Wilderness” ni Briton Riviere (1840-1920) mula sa commons.wikimedia.org.

Pagbabalik-loob vs. pagbabago

Lawiswis Ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II
Kapistahan ng Pagbabalik-loob ni San Pablo, Ika-25 ng Enero, 2024
Gawa ng mga Apostol 22:3-16 ><}}}*> + ><}}}*> + ><}}}*> Marcos 16:15-18
Painting ng “The Conversion of St. Paul” ni Luca Giordano noong 1690 mula sa wikipedia.org.

“Magbago ka na!” Iyan ang mga salitang madalas nating marinig at sinasabi sa mga tao na alam nating mayroong masamang pag-uugali at gawain. Madalas bitiwan mga salitang iyan tuwing Bagong Taon at mga Mahal na Araw.

Ngunit, maari nga ba talagang magbago ng pag-uugali o ng pagkatao ang sino man? Ibig bang sabihin yung dating iyakin magiging bungisngis o dating madaldal magiging tahimik? Iyon bang matapang kapag nagbago magiging duwag o dating palaban magiging walang kibo at imik?

Kung isasalin sa sariling wika natin ang salitang “conversion”, nagpapahiwatig ito ng pagbabago tulad ng na-convert sa ibang relihiyon o sa ibang anyo o gamit. Ngunit sa bawat pagbabago, mayroong higit na malalim na nababago na hindi namang ibig sabihin ay nag-iiba o naging different.

Kasi iyong sinasabing conversion ni San Pablo o ng sino pa mang tao ay hindi naman pagbabago ng pagkatao kung tutuusin; sa bawat conversion, hindi naman nababago ating pagkatao talaga kungdi ating puso na naroon sa ating kalooban. 

Kaya tinatawag itong pagbabalik-loob, di lamang pagbabagong-buhay. 

Binabalikan natin ang Diyos na nananahan sa puso natin, doon sa kalooban natin. 

Higit na malalim at makahulugang isalin ang conversion sa katagang “pagbabalik-loob” dahil ang totoo naman ay bumabalik tayo sa Diyos na naroon sa loob ng ating sarili. 

Dito ipinakikita rin na likas tayong mabuti sapagkat mula tayo sa Diyos na mismong Kabutihan. Kailangang pagsisihan mga kasalanan, talikuran at talikdan kasamaan na siyang mga balakid sa ano mang pagbabalik-loob at saka pa lamang mababago ating pamumuhay. 

Katulad ni San Pablo, sino man sa atin na makatagpo sa liwanag ng Diyos, nagiging maliwanag ang lahat kayat atin nang hahangarin ang Diyos na lamang at kanyang kalooban. Nananatili ating katauhan at pag-uugali ngunit naiiba direksiyon at pokus. 

Kapansin-pansin na bawat nagkakasala wika nga ay malayo ang loob sa Diyos na ibig sabihin ay “ayaw sa Diyos” gaya ng ating pakahulugan tuwing sinasabing “malayo ang loob”. Ang nagbabalik-loob ay lumalapit, nagbabalik-loob at pumapaloob sa Diyos.

Pangangaral ni San Pablo sa Areopagus sa Athens (larawan mula sa wikipedia.org).

Isang magandang paalala sa ating lahat itong Kapistahan ng Pagbabalik-loob ni San Pablo na hindi malayo at hindi rin mahirap maabot, bumalik sa Diyos sa pamamagitan ni Kristo Jesus. Maari itong mangyari sa gitna mismo ng ating sira at maruming sarili.

Hindi nabago pagkatao at pag-uugali ni San Pablo kung tutuusin: nanatili pa rin siyang masugid, matapang at masigasig. Nabago lamang ang direksiyon at pokus o tuon ng kanyang pag-uugali at pagkatao. At siya pa rin iyon. Inamin niya sa ating unang pagbasa ngayon na siya ay “isang Judio, ipinanganak sa Tarso ng Cilicia ngunit lumaki rin sa Jerusalem. Nag-aral kay Gamaliel at buong higpit na tinuruan sa Kautusuan ng mga ninuno at masugid na naglilingkod sa Diyos” (Gawa 22:3). 

Nanatiling masugid sa Diyos si San Pablo ngunit naiba na ang batayan na dati ay sa mga Kautusan at tradisyon ngunit sa kanyang pagbabalik-loob, si Jesu-Kristo na ang batayan ng kanyang pananampalataya. Personal niyang naranasan si Jesus kaya gayon na lamang kanyang pagiging masugid na alagad. Sinasabing kung hindi siya nadakip at nakulong hanggang sa patayin marahil ay umabot siya sa Africa sa pagpapalaganap ng Mabuting Balita.

Hindi rin nabawasan kanyang tapang; bagkus pa nga ay higit pa siyang tumapang. Lahat ng hirap tiniis niya at hinarap gaya ng pambubugbog sa kanila, ma-shipwreck sa isla, mabilanggo ng ilang ulit at ni minsan hindi umatras sa mga balitaktakan at paliwanagan sa mga Judio at maging kay San Pedro ay kanyang kayang salungatin at pagsabihan kung kinakailangan.

Gayon na lamang ang malasakit ni San Pablo sa Panginoong Jesu-Kristo at kanyang Mabuting Balita kaya naman sabay ang pagdiriwang ng kanilang Dakilang Kapistahan ni San Pedro tuwing ika-29 ng Hunyo dahil magkapantay kanilang kahalagahan sa pagpapatatag, pamumuno at pagpapalaganap ng pananampalataya at Simbahan.

Ordinasyon sa pagka-diyakano sa Katedral sa Malolos, ika-12 ng Hunyo 2019.

Alalaong-baga, katulad ni San Pablo, ano man ating pagkatao at pag-uugali siya pa ring mga dahilan kaya tayo tinatawag ng Panginoon upang maglingkod sa kanya; ililihis at ihihilig lamang niya mga ito ayon sa kanyang panukala at kalooban.

Kaming mga pari kapag inordenahan ay ganoon pa rin naman pagkatao at pag-uugali ngunit nababago direksiyon at tuon sa bagong estado ng buhay at misyon.

Gayun din ang mga mag-asawa. Lalabas at lalabas tunay na pagkatao at pag-uugali ngunit hindi iyon mga sagwil upang lumago at lumalim sila sa pagmamahalan at pagsasama bilang mag-asawa.

Wika nga sa Inggles, “God does not call the qualified; he qualifies the call.” Maraming pagkakataon tinatawag tayo ng Diyos maglingkod sa kanya di dahil sa tayo ay magagaling at mahusay; madalas nagugulat pa tayo na mismong ating kapintasan at kakulangan ang ginagamit ng Diyos para tayo maging mabisa sa pagtupad sa kanyang tawag.

Madalas at hindi naman maaalis na sumablay pa rin tayo at sumulpot paulit-ulit dating pag-uugali. Kaya naman isang proseso na nagpapatuloy, hindi natatapos ang pagbabalik-loob sa Diyos. Araw-araw tinatawagan tayong magbalik-loob.

Larawan kuha ni G. Jim Marpa sa Dabaw, 15 Enero 2024.

Gaya ni San Pablo nang siya ay ma-bad trip kay Juan Marcos na iniwan sila ni Bernabe sa una nilang pagmimisyon. Batay sa kasulatan, ibig pagbigayn pa ni San Bernabe na muling isama si Juan Marcos sa pangalawang pagmimisyon nila ngunit mariin ang pagtanggi at pagtutol ni San Pablo kaya’t sila ay naghiwalay ng landas bagamat nanatili silang mga alagad ni Kristo. Sa bandang huli naman ay nagkapatawaran sila.

Ganoon din tayo, hindi ba? Walang perfect. Ang mahalaga araw-araw nagbabalik-loob tayo sa Diyos dahil araw-araw lumiligwak din tayo sa ating maling pag-uugali at mahunang pagkatao. 

Higit sa lahat, sa ating patuloy na pagbabalik-loob, doon lamang magiging maliwanag sa ating ang kalooban ng Diyos na palagi nating inaalam sapagkat batid nating ito ang pinakamabuti para sa atin. Ang kalooban ng Diyos ang magtuturo sa atin ng tamang landas na tatahakin upang ating buhay ay maging ganap at kasiya-siya.

Subalit kadalasan tayo ay nabibigo, naguguluhan kung ano ang kalooban ng Diyos dahil akala natin para itong tanong na isang pindot ay malalaman kaagad ang sagot tulad ng sa Google. Mahirap mabatid kalooban ng Diyos kung tayo ay malayo sa kanya dahil sa mga kasalanan. Kaya tulad ni San Pablo, idalangin natin sa Ama sa pamamagitan ni Jesu-Kristong Anak niya na magpatuloy tayo sa pagbabalik-loob upang manatili tayong nakapaloob sa Diyos. Amen. San Pablo, ipanalangin mo kami!

Ka-patid

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-15 ng Enero 2024
Photo by Teresa & Luis on Pexels.com
Kapatid.
Mula sa salitang ugat
na "patid" ibig sabihi'y
putol at hiwalay,
nag-iisa at walang
buhay ni saysay;
sa unlaping -ka,
nababago kahulugan,
nagkakaroon ng kasama
nabubuo ugnayan
di lamang sa pamilya
at tahanan kungdi
saanmang samahan.
Kapatid.
Ito ang tawagan
natin sa isa't-isa
na pinagbubuklod di
lamang ng dugo
kungdi higit sa lahat
ng puso at isipan
na kung mawawala
ang ka-patid,
nawawala katuturan
at saysay nitong buhay
kaya lahat handang
ialay habang may buhay.
Kapatid.
Turingan at diwa
di kayang mapatid
kahit ng kamatayan
dahil ugnayan
magpapatuloy
magpakailanman
di kayang putulin
o tabunan ng libingan
dahil batid natin sa pagpanaw
buhay di nagwawakas
samahan at ugnayan
nananatiling wagas.
Kapatid.
Kaputol.
Ng sarili.
Ng buhay.
Ng mithiin at adhika.
Kadugtong
ng tuwa
pati ng luha
tunay na pagpapala
ng Diyos na may likha
sa ating mga kapatid
at kaibigan upang tayo
ay samahan,
alalayan,
at abangan
sakali man
maunang pumanaw
upang maging ating
pisi at lubid sa langit
na hindi mapapatid.
Rest in peace, Dindo (larawan kuha ng kanyang ika-60 kaarawan, Marso 09, 2018).
Paalam, aking kinakapatid
Fernando "Dindo" R. Alberto Jr.;
ikumusta mo ako sa langit
sa mga pumanaw nating
idolo sa musika,
kami na lamang ni
Toby magdiriwang ng birthday
tuwing Marso dito
habang kayo at ang Ninong
magkasama na
sa buhay na walang hanggan.

Pagkukuwento – di pagkukuwenta- ang pag-aasawa

Lawiswis Ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-12 ng Enero 2024
Homilya sa Kasal ng Inaanak ko sa binyag, Lorenz, kay Charmaine
Simbahan ni San Agustin, Intramuros, Maynila
Larawan kuha ng may-akda, 2019.

Sigurado ako na alam na ninyong lahat, lalo na ng mga Gen Z dito, iyong trending sa social media na post ng isang dilag nang malaman niyang 299-pesos ang halaga ng engagement ring na binigay sa kanya ng boyfriend niya ng walong taon na nabili sa Shopee.

Kasing ingay ng mga paputok ng Bagong Taon ang talakayan noon sa social media hanggang sa naging isang katatawanan o meme ang naturang post gaya ng halos lahat ng nagiging viral. Sari-sari ang mga kuro-kuro at pananaw ng mga netizens, mahuhusay ang kanilang paglalahad, seryoso man o pabiro. Mayroong mga kumampi sa babae habang ang ilan naman ay naghusga sa kanya at sa boyfriend niya.

Hindi ko naman nasundan ang post na iyan. Katunayan, inalam ko lamang iyon kamakailan upang pagnilayan para sa homilya ko sa inyong kasal ngayong hapong ito, Lorenz at Charmaine.

At ito lang masasabi ko sa inyo: ang pag-aasawa ay tungkol sa kuwento ng pag-ibig, hindi ng kuwenta sa mga naibigay, materyal man o espiritwal.

Larawan mula sa YouTube.com

Maliwanag sa ating ebanghelyo na ang pag-aasawa ay kuwento ng pag-ibig ng Diyos sa atin. Maniwala kayo Lorenz at Charmaine, Diyos ang nagtakda ng araw na ito ng inyong kasal. Hindi kahapon o bukas, at hindi rin noong isang taon gaya ng una ninyong plano. Iyan ang sinabi sa atin ni San Pablo sa Unang Pagbasa:

“Kung ang Diyos ay panig sa atin, sino ang laban sa atin? Walang makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos – pag-ibig na ipinadama niya sa atin sa pamamagitan ni Cristo Jesus na ating Panginoon.”

Roma 8:31, 39

Higit sa lahat, batid ninyong pareho sa inyong kuwento ng buhay kung paanong ang Diyos ang kumilos upang sa kabila ng magkaiba ninyong mga karanasan, pinagtagpo pa rin kayo ng Diyos, pinapanatili at higit sa lahat, ngayon ay pinagbubuklod sa Sakramento ng Kasal ngayong hapon.

Sa tuwing pinag-uusapan ninyo ang inyong kuwento ng buhay, palaging naroon din ang inyong kuwento ng pag-ibig maging sa iba’t ibang karanasan – matatamis at mapapait minsa’y mapakla at maisim marahil pero sa kabuuan, masarap ang inyong kuwento, hindi ba? Ilang beses ba kayong nag-away… at nagbati pa rin?

Humanga nga ako sa inyo pareho, lalo na sa iyo Lorenz. Ipinagmamalaki ko na inaanak kita kasi ikaw pala ay dakilang mangingibig. Hindi mo alintana ang nakaraan ni Charmaine. Katulad mo ay si San Jose nang lalo mo pang minahal si Charmaine at ang mga mahal niya! Wala sa iyo ang nakaraang kuwento ng buhay ni Charmaine dahil ang pinahalagahan mo ay ang kuwentong hinahabi ninyong pareho ngayon. Bihira na iyan at maliwanag na ito ay kuwento ng pag-ibig ng Diyos sa inyo.

Paghanga at pagkabighani naman aking naramdaman sa iyo, Charmaine. Higit sa iyong kagandahan Charmaine ay ang busilak ng iyong puso at budhi. Wala kang inilihim kay Lorenz. Naging totoo ka sa kanya mula simula. Higit sa lahat, naging bukas ang isip at puso mo sa kabila ng iyong unang karanasan upang pagbigyan ang umibig muli. At hindi ka nabigo.

Kaya nga Lorenz at Charmaine, ipagpatuloy ninyo ang kuwento ng inyong pag-ibig sa isa’t isa na mula sa Diyos. 

Larawan kuha ng may-akda, 2017 sa Israel.

Kapag mahal mo ang isang tao, lagi mong kinakausap. Marami kang kuwento. At handa kang makinig kahit paulit-ulit ang kuwento kasi mahal mo siya. At kung mahal ninyo ang Diyos, palagi din kayong makikipag-kuwentuhan sa kanya sa pagdarasal at pagsisimba. 

Palagi ninyong isama sa buhay ninyo tulad sa araw na ito ang Diyos na pumili sa inyo. Wika ng Panginoong Jesus sa ating ebanghelyo, “Manatili kayo sa aking pag-ibig upang makahati kayo sa kagalakan ko at malubos ang inyong kagalakan” (Jn.15:9, 11). 

Hindi pagkukuwenta ang pag-aasawa. Hindi lamang pera at mga gastos ang kinukuwenta. Huwag na huwag ninyong gagawing mag-asawa ang magkuwentahan ng inyong naibigay o tinanggap na ano pa man sapagkat ang pag-aasawa ay hindi paligsahan o kompetisyon ng mga naibigay at naidulot. Hindi ito labanan ng sino ang higit na nagmamahal. Kaya, huwag kayong magkukwentahan, magbibilangan ng pagkukulang o ng pagpupuno sa isa’t-isa. 

Basta magmahal lang kayo ng magmahal nang hindi humahanap ng kapalit dahil ang pag-aasawa ay ang pagbibigay ng buong sarili sa kabiyak upang mapanatili inyong kabuuan. 

Paano ba nalalaman ng mga bata kung magkaaway ang tatay at nanay? 

Larawan kuha ng may-akda, 2019.

Kapag hindi sila nag-uusap. Kapag ang mag-asawa o mag-irog o maging magkakaibigan ay hindi nag-uusap ni hindi nagkikibuan, ibig sabihin mayroong tampuhan o alitan. Walang pag-ibig, walang ugnayan, walang usapan.

Kaya nga kapag nag-away ang mag-asawa, sino ang dapat maunang bumati o kumibo? Sabi ng iba yung daw lalake kasi lalake ang una palagi. Akala ko ba ay ladies first? Sabi ng ilan, kung sino daw may kasalanan. E, may aamin ba sa mag-asawa kung sino may kasalanan?

Ang tumpak na kasagutan ay kung sino mayroong higit na pagmamahal, siyang maunang kumibo at bumati dahil ang pag-aasawa ay paninindigang piliin na mahalin at mahalin pa rin araw-araw ang kanyang kabiyak sa kabila ng lahat. Kaya palaging maganda ang kuwento ng pag-ibig, hindi nagwawakas, nagpapatuloy hanggang kamatayan.

Aabangan namin at ipapanalangin inyong kuwento ng pag-ibig, Lorenz at Charmaine. Mabuhay kayo!

Ituloy pagbati ng Maligayang Pasko!

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-27 ng Disyembre 2023
Larawan mula sa Facebook, 23 Disyembre 2023 ng pagtutulungan ng Red Letter Christians at ng artist na si Kelly Latimore ng  @kellylatimoreicons upang lumikha ng bagong larawang ito na pinamagatang “Christ in the Rubble” nagsasaad na kung sakaling ngayong panahon isinilang si Jesus, malamang siya ay ipinanganak sa gitna ng mga durog na bato sanhi ng digmaan doon sa Gaza.

Maligayang Pasko!

Tayo raw mga Pilipino ang mayroong pinaka-tumpak na pagbati sa panahong ito dahil sinasaad ng salitang “pasko” ang buong katotohanan ng hiwaga ng pagkakatawang-tao (Incarnation) ng Diyos Anak na si Jesu-Kristo.

Mula sa wikang Hebreo na pesar o pesach na kahulugan ay “pagtawid”, ito ay pascua sa wikang Kastila na atin ding ginagamit na ugat ng Pasko at pasch naman sa Inggles. 

Una natin itong natunghayan sa Matandang Tipan, sa Aklat ng Exodus nang itawid ng Diyos sa pamumuno ni Moises ang mga Israelita mula Egipto patungong lupang pangako. Iyon ang larawang paulit-ulit na tinutukoy sa ating kasaysayan ng pagliligtas, sumasagisag sa pagtawid mula sa kaalipinan patungo sa kalayaan, pagtawid mula kadiliman patungo sa liwanag, pagtawid mula kasalanan tungo sa kapatawaran, at higit sa lahat, pagtawid mula kaparusahan tungo sa kaligtasan. 

Iyon din ang batayan ng tinutukoy na misteryo paskuwa o ng ating pananampalataya kay Kristo-Jesus na ating ipinahahayag tuwina sa Banal na Misa, “si Kristo ay namatay, si Kristo ay muling nabuhay, si Kristo ay babalik sa wakas ng panahon!

Larawan kuha ng may-akda, 2021.

Tumpak at ayon ang ating pagbati na Maligayang Pasko dahil nagsimula ang misteryo paskuwa ni Jesus nang Siya ay ipaglihi at isinilang ng Mahala na Birheng Maria sa Bethlehem mahigit 2000 tao na nakalilipas.

Sa pagkakatawang-tao ni Jesus, Siya ay tumawid mula sa kawalang-hanggan (eternity) tungo sa mayroong hanggan (temporal) dito sa lupa; mula sa kanyang ganap na pag-iral taglay ang lahat ng kapangyarihan tungo sa limitado niyang pagkatao tulad ng pagiging mahina at mahuna lalo na sa pagiging sanggol at bata. Kasama na doon ang kailangan Niyang mag-aral lumakad, magsulat, magbasa at magsalita na kung tutuusin ay alam Niya ang lahat.

Taong-tao talaga si Jesus bagamat hindi nawala ni nabawasan Kanyang pagka-Diyos sa Kanyang pagkakatawang-tao kaya lahat ng ating mga karanasan bilang tao ay Kanya ring naranasan maliban ang kasalanan at magkasala. Siya man ay nagutom, nauhaw, nahapis at tumangis nang mamatay ang kaibigan Niyang si Lazaro, nahabag sa mga tao mga may sakit at balo. Wika nga ni Papa Benedicto XVI na malapit na nating ipag-ibis luksa sa katapusan, ang Diyos na ganap na kung tutuusin ay hindi nahihirapan ni nasasaktan ay pinili na makiisa sa hirap at sakit nating mga tao pamamagitan ng pagkakatawang-tao ni Jesu-Kristo (Spe Salvi, #39).

Napaka-ganda at husay ng paglalahad ni San Pablo sa pagtawid o paskuwa na ito ni Jesus na kanyang tinaguriang kenosis, ang paghuhubad ni Jesus ng Kanyang pagka-Diyos bagamat para sa akin mas angkop ang salin na “pagsasaid” dahil sinimot ni Jesus ang lahat ng sa Kanya para sa atin doon sa Kanyang pagkakatawang-tao na ang rurok ay doon sa Krus.

Larawan kuha ng may-akda, Baguio City, Agosto 2023.

Magpakababa kayo tulad ni Cristo Jesus: Na bagamat siya’y Diyos, hindi nagpilit na manatiling kapantay ng Diyos, Bagkus hinubad niya ang lahat ng katangian ng pagka-Diyos, nagkatawang-tao at namuhay na isang alipin. Nang maging tao, siya’y nagpakababa at naging masunurin hanggang kamatayan, oo, hanggang kamatayan sa krus.

Filipos 2:5-8

Naalala ko isang araw ng Pasko noong bata ako nang kami ay papaalis patungo sa mga Nanay at kapatid ng aking ama sa Maynila, masungit ang panahon at maulan. Hindi ko matanggap na umuulan at masama ang panahon sa araw ng Pasko kaya tinanong ko aking ina, “Bakit po ganun, birthday ni Jesus may ulan, may bagyo? E hindi ba God Siya? Di ba Niya puwede ipahinto mga ulan sa birthday Niya?”

Di ko matandaan sagot ng mommy ko pero malamang hindi malayo sa luku-luko at gago!

Nang magka-isip na ako, natutuhan ko sa mga pagbabasa na sa maraming pagkakataon mayroong mga bagyo at kalamidad, digmaan at kung anu-ano pang mga sigalot at paghihirap na nangyari kasaysayan tuwing Pasko. 

Tayo man mismo, marahil sa ating personal na buhay, maraming pagkakataon na tayo ay lumuluha, nanlulumo, hapis na hapis sa buhay sa ilang mga masasakit na karanasan sa araw ng Pasko. Kaya marami sa ating habang tumatanda nasasabing para lamang sa mga bata ang Pasko na masaya.

Ngunit hindi po iyan totoo! Batid natin sa ating mga karanasan na sa padaraan ng panahon, lumalalim ding pag-unawa nating sa Paso.

Larawan kuha ng may-akda, Setyembre 2023.

Balikan natin mga panahon ng ating pagsubok sa buhay lalo na sa panahon ng kapaskuhan, higit tayong namamangha at tiyak sasang-ayon ng lubos na tumpak nga ang bati nating mga Pinoy ng “Maligayang Pasko!” dahil mas malalim at makabuluhan ang pagdiriwang ito o ano pa mang selebrasyon sa buhay kapag ating napagdaanan at nalampasan mga hirap at sakit.

Ito ang kagandahan at katotohanan ng buhay natin na isang paulit-ulit na pasko, ng pagtawid at paglampas sa mga hirap at hilahil, pagbubulaanan sa ano mang sakbibi at pag-aaalinlangan ating ikinakakaba.

Hindi inalis ng Diyos ating hirap at sakit maging kamatayan bagkus tayo ay Kanyang sinamahan sa pagbibigay Niya sa atin ng Kanyang bugtong na Anak, ang Panginoong Jesu-Kristo na tumawid mula langit patungo dito sa atin sa lupa upang tayo naman Kanya ring maitawid patungong langit. 

Kaya naman, pakiusap ko sa lahat na ipagpatuloy natin pagbati ng Maligayang Pasko hanggang ika-pito ng Enero 2024, ang Dakilang Kapistahan ng Pagpapakita o Epiphany ng Panginoon. Napakasama at malaking kahangalan na kay tagal inabangan ang Pasko na nagsisimula ng hapon ng ika-24 ng Disyembre at pagkatapos ng ika-25 ay biglang magbabatian ng Happy New Year!?

Kalokohan! At marahil, hindi naunawaan diwa ng Pasko. Mababaw at puro happy, happy gusto ng mga maraming tao, di batid ang diwa at lalim ng kahulugan ng Pasko na sa paglalagom ay iisang salita lamang: PAG-IBIG o PAGMAMAHAL. Ng Diyos sa atin.

Ano man ang mangyari sa buhay natin, sa ating mundo, hindi mapipigil ang Pasko, tuloy ang Pasko dahil kasama natin palagi si Kristo. At kung ikaw man ay mayroong pinagdaraanan, matuwa ka at magalak, ikaw ay nasa paskuwa – pasko – kasama, kaisa si Kristo! Amen.

Larawan kuha ng may-akda, 2021.