Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-11 ng Nobyembre 2019
Larawan mula sa Google.
Madalas ilarawan itong dakilang kawal ng Diyos si San Martin ng Tours sa France hinahati kanyang kapa upang bihisan dukhang matanda nakasalubong sa daan.
Kinagabihan kanyang napanaginipan Panginoong Hesus sa kanyang paanan tangan-tangan kapang ipinahiram sa matandang tinulungan.
Ito ang katuparan ng Ebanghelyong sa atin ibinalita mismo ni Hesus na ano man ang ating gawin sa kapwa natin siyang ginagawa din natin sa kanyang Panginoon natin.
Kapilya ng Santisimo Sakramento sa UP-Diliman. Kuha ni Bb. JJ Jimeno ng GMA7 News, 2019.
Kay gandang pagnilayan isa pang aral nitong kapa ni Martin na Banal: lingid sa kaalaman ng karamihan, dito rin nagmula kataga ng pook na munting dasalan.
Sinasabi sa kasaysayan, noong bagong Kristiyano si Martin kanyang iniiwan mga tauhan para manalangin sa kagubatan; hinuhubad kanyang kapa upang makapanalangin ng taimtiman.
Kaya tuwing siya ay hahanapin, tanging tutuntunin saan nakasampay o nakalagay hinubad niyang kapa, na kanilang tinuring sa wikang Frances na "chapelle" na naging chapel, o kapilya sa wika natin.
Ang “Ecce Homo” ni Murillo. Larawan mula sa Google.
Hindi ba natin pansin itong Panginoong Hesus natin nang siya ay dumating sa atin hinubad kanyang pagkadiyos upang makatulad natin, matubos sa mga pagkakasala natin?
Hari ng mga hari, tunay na makapangyarihan ngunit nang nilibak sinuutan ng purpurang kapa, pinutungan ng koronang tinik at hindi umimik hanggang makamit kaligtasan natin.
Kay sarap pagbulaybulayan halimbawang iniwan sa atin nitong si San Martin: ating kapa ng kapangyarihan at pangalan ating hubarin upang ang Diyos ay ating makamit at siya ay makatulad natin.
Yaman rin lang naumpisahan ko nang balikan natutunan sa pagdidilig ng mga halaman, narito naman aking kinamumuhian sa nilalang na luntian.
Hindi ko malilimutan noon sa aking kabataan nang ako'y mapagalitan ni inay nang pagmuntikanan ko nang maluray alaga niyang halaman kailan ko lamang nagustuhan.
Tuwing aking dinidiligan aming mga halaman palagi kong iniiwasan maski mawiligan mga cactus dahil aming napag-aralan namumuhay mga ito sa disyerto kahit walang ulan.
Hindi ako nahiwagaan sa naturang katangian bagkus aking pinagtakhan bakit ang cactus inalagaan di naman pala kailangang diligan bukod sa di kakitaan ng kagandahan?
Doon nagsimula itong aking kalokohan o kademonyuhan, wika ng aking ina nang unti-unti kong hiwaan berdeng laman iniiwasan mga tinik na nakatirik gamit bago kong laseta na nabili sa bangketa pagkagaling sa eskuwela.
"Ano ngayon iyong laban?", pahibang kong binulungan itong cactus na aking sinaktan habang pinagmamasdan mga dagta tila baga luha ng halamang nasugatan.
Nang ako'y kinagalitan ng aking inang, iisa lamang kanyang tanong at wala akong naitugon: "Inaano ka nitong halaman, bakit mo ginawan ng ganyan?"
Pagkaraan ng mahabang panahon akala ko'y nakalimutan ko na 'yon ilang pagkakataon kalooban marahil ng Panginoon sa aking pagdarasal at pagninilay sumasagi sa aking atensiyon halamang wala akong pakialam noon.
Katulad ng kanyang mumunting tinik nakasalubsob na tumitirik, sumasagitsit ang sakit sa aki'y cactus nagtatanong, ibig makasumpong maliwanag kong tugon: "Hindi mo ba ako kayang tanggapin, kilalanin at mahalin sa ganang aking sarili?"
Sa cactus din nasasalamin karunungan at kabutihan ng Diyos natin lahat ng nilikha niya sadyang mabuti magkakaiba man ng uri at itsura lahat tumanggap ng kanyang hininga nakikibahagi sa buhay niyang nakabibighani.
Paalala ng cactus sa atin tanggapin bawat isa sa atin hindi sagwil pagkakaiba-iba natin bagkus marahil ito magpapabuti sa atin upang buksan kalooban natin sa maraming inihahaing pagkakataon itong buhay natin.
Lawiswis Ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-04 ng Nobyembre 2019
Mga lumot sa Malagos Gardens, Davao City, Agosto 2017.
Mula pa sa aking pagkabata naroon na aking pagkabighani sa mga lumot na tila baga may naghahabi mumunting alpombra sa mga gilid at tabi-tabi.
Hindi gaanong naabot ng liwanag mga mumunting halaman ang lumot mahiwagang sumusulpot maski sa mga sulok madaling lumalaganap waring sila'y mga nalimot.
Kay lamig sa paningin itong mga lumot kung susuriin tila baga nagpapahiwatig himig ng lilim at dilim, tinig ng mahalumigmig.
Mga lumot sa St. Paul Spirituality Center, Alfonso, Cavite. Setyembre 25, 2019.
Kamakailan ko lamang napagtanto aral na ibig ipaabot marahil ng mga lumot sa atin na laging nalulungkot, nakasimangot lalo na't kung ating buhay ay masalimuot.
Paalala marahil sa atin ng mga lumot hindi man maabot at mabaanaagang lubos ng sikat ng araw, sa lilim ng kadiliman maaaninag pa rin busilak na luntian.
Katotohanan at ganda nitong ating buhay bumubukal saan man ilagay ng Maykapal pahalagahan, pangalagaan dahil walang kapantay paalala ng lumot huwag sanang malimot.
Patak-dugo at lumot, St. Paul Spiritality Center, Alfonso, Cavite. Setyembre 25, 2019.
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-29 ng Oktubre 2019
Tula na aking hinalaw sa “The Portal of the Mystery of Hope” ng makatang Pranses na si Charles Peguy (pe-gi). Bagamat hindi siya debotong Katoliko, nang maglaon malaki ang naging impluwensiya sa kanya ng Katolisismo hanggang sa siya ay mamatay noong 1914 sa Villeroy, France.
Sa tatlong pangunahing birtud nating taglay mula sa Kanyang mapagpalang kamay sinabi ng Diyos: "Pag-Asa ang aking pinaka-paborito" sapagkat ito lamang aniya ang "nakasosorpresa" sa kanya.
Paliwanag ng Diyos, hindi siya nasosorpresa sa Pananampalataya dahil sa kanyang kaningningang taglay aba'y bulag at manhid lamang ang sa Kanya'y hindi magkamalay!
Hindi rin Siya aniya nasosorpresa sa Pag-ibig sapagkat maliban na lamang kung sing-tigas ng bato ang puso ng tao at hindi pa sila magmamahalan sila na aniya pinaka-aba at kaawa-awa sa lahat ng kanyang nilalang.
Ngunit itong Pag-Asa ay kakaiba Diyos ay laging nasosorpresa dito nakikita kapangyarihan ng kanyang grasya para mga tao ay umasa pa kahit wala nang nakikita!
Alalahanin sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Roma: "ang pag-asa ay hindi pag-asa kapag nakikita na ang inaasahan. Sapagkat sino ang aasa sa nakikita na?"
Kakaiba sa pagiging positibo ang Pag-Asa dahil nakabatay ito sa mga nakikitang palatandaan o mga senyales upang mahulaan at matanawan tinatantiyang kalalabasan ng isang inaasam.
Optimistic ang tao na umaasa gaganda panahon o iigi sitwasyon batay sa mga indikasyon na kanyang nakikita; ngunit ang taong umaasa batid niya mas lalala pa mga bagay at sitwasyon, mas malamang hindi na iigi pa.
Ito ang kaibahan at kaibayuhan nitong Pag-Asa na kahit talo na at wala nang nakikita kumpiyansa sa Diyos ay di nawawala.
Sa ating panahon ng social media kung saan ang lahat ay nakikita at ipinakikita, kitang-kita pa rin ang katotohanang mga dakilang bagay sa buhay ay mula sa mga hindi nakikita.
Iyan ang nakasosorpresa sa Pag-Asa, kahit wala ka nang nakikita kitang-kita Kita pa rin Panginoon namin kaya aking hiling ako'y lagi mong sorpresahin!
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-28 ng Oktubre 2019
Mula sa Google.
Todos los Santos na naman at kay laking kabaligtaran naka-ugalian ng karamihan ipagdiwang mga aswang at katatakutan sa halip na mga banal at kanilang kabutihan.
Dati-rati nama'y hindi laganap sa ating kapuluan banyagang kaugalian pagdiriwang ng Halloween na nasira tunay na kahulugan sa kaisipan ng mga makamundong taga-kanluran.
Halloween ang taguring na nagmula sa pinagsamang "hallowed evening" na kahuluga'y "gabi ng mga banal" ngunit pilit binabalikan ng mga hangal maling paniniwala noon pa napasinungalingan.
Akala ng mga paganong Druids ng Scotland at Wales sa Bretanya noong unang-una lumilitaw sa lupa tuwing katapuasan ng Oktubre mga impakto at masasamang espiritu upang makabihag ng mga tao.
Nagdaramit sila at nag-aayos na nakakatakot parang multo, kamukha ng mga lamang lupa sa paniniwalang malilito mga impakto na sila'y kasamahan kampon ng kadiliman at kasamaan kaya sila iniiwan at hindi sinasaktan.
Maraming Kristiyano hindi ito nalalaman ni nauunawaan nakalimutan pangunahing katotohanan ating pinananaligan nang pumarito si Hesu Kristo, kanya nang tinalo kapangyarihan ng demonyo nang pumaroon siya sa dako ng mga yumao.
Nang mabuhay mag-uli ang Panginoong Hesu Kristo napanibago niya buong sangnilikha higit sa lahat, muli nating nakamukha Diyos Ama sa ati'y lumikha, tiniyak ating tahahanan sa piling niya sa kalangitan.
Bakit nga ba ikaw, Kristiyano ang siya pa ngayong lito at sadyong lilo mas ibig pag makamukha mga impakto at demonyo nakukuha pa ninyong matuwa at ikagalak mga anak ninyong mukhang tiyanak?!
Akala ba ninyo demonyo ang mga nalilito sa inyong pagbibihis at pag-aanyong multo? Hindi ba ninyo batid kayo ang nalilinlang sa pagdaramit at pag-aayos ng hunghang at magtataka pa kayo asal ng inyong anak parang animal?
Madalas kay hirap unawain mga gawi natin na katakutan kabutihan at katuwaan ang kasamaan; sadya nga bang atin nakalimutan dakilang karangalang tayo'y nilalang katulad at kawangis ng mabuting Maykapal?
Diyos ang kamukha natin kanyang liwanag sana'y mabanaagan din sa atin upang maghatid ng kagalakang bumubukal sa malinis at magandang kalooban lipos ng kabanguhan ng kabutihan at kadalisayan.
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-22 ng Oktubre 2019
San Juan Apostol at Ebanghelista, Patron ng Bayan ng Diyos sa Bagbaguin, Santa Maria, Bulacan. Larawan ay kuha ni Bb. Jo Villafuerte, Pistang Pasasalamat 22 Setyembre 2019.
Minamahal naming Patron na Banal, Juan Apostol at Ebanghelista po ang inyong ngalan ngayo'y aming ipinagdiriwang sa buong Simbahan dalawang bagong Banal, kapwa pastol ng kawan, nang manungkula'y pangalan mo ang hiniram.
Nauna'y si San Juan Beinte-tres nang sa kanyang katandaan tulad mo, sinikap maging makabuluhan at buhay na palatandaan ng Diyos ang Inang Simbahan sa gitna ng makabagong panahon nang kanyang simulan ang Ikalawang Konsilyo sa Vatican.
Kasabay niyang tinanghal bilang Banal ang tinaguriang Dakilang San Juan-Pablo Ikalawa labis na pagtitiis ang kinamit sa kanyang sakit, krus ay sinapit, katulad mo’y naging malapit sa Ina ni Hesus kaya’t “Totus Tuus” ang kanyang awit.
Itulot mo aming Mahal na San Juan Apostol at Ebanghelista, kaming iyong mga anak sana’y matularan pinagsikapan ng dalawang bagong San Juan: pamilya’t sambayanan mabuklod sa kaisahan katulad ng dalangin ni Hesus sa Huling Hapunan. AMEN.
San Juan Ebanghelista, ipanalangin mo kami. San Juan Beinte-tres, ipanalangin mo kami. San Juan-Pablo Ikalawa, ipanalangin mo kami.
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, 07 Oktubre 2019
Larawan ay kuha ni Rdo. P. Gerry Pascual sa Basilica of the National Shrine of the Immaculate Conception, Washington, DC, 09 Setyembre 2017 .
Maraming salamat, mahal naming Ina, Birheng Maria sa iyong pagsama sa amin tuwina ngayong inaala-ala iyong himala sa pakikipag-digma ng mga Kastila sa Look ng Lepanto dinarasal iyong Santo Rosario.
Kay sarap namnamin damang-dama namin sa bawat butil ng Rosario pakikiisa mo sa amin upang higit naming sundin butihin mong anak at Panginoon namin na siyang kapanatilihan ng Diyos sa piling amin.
Dahil kay Kristo Hesus na isinilang mo sa amin, Panginoong Diyos naging kapiling namin palaging dumarating maging sa gitna ng mga unos at sigwa nitong karagatan ng buhay namin tumatawag para kami ay sagipin.
Mula sa panganib ng karagatan at latian hanggang sa katihan kailanman ay hindi kami iniwan ni Kristo Hesus na iyong isinilang upang kami ay pangunahan pabalik sa aming tahanan doon sa kalangitan ikaw ngayon nakapisan.
Maraming salamat Mahal naming Ina Birheng Maria nawa amin kang matularan si Hesus ay masundan sa nakakatakot na karagatan at kapanatagan ng kapatagan kanyang mukha sa ami'y mabanaagan kami rin mismo maging misteryo ng iyong Santo Rosario.
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, 04 Oktubre 2019
Mula sa Be Like Francis Page sa Facebook.
Minsan daw ay nagimbal kaibigang Kardinal ni San Francicso na banal nang kanyang malaman dukha nilang pamumuhay na sa kanyang palagay labis na kahirapan hindi naman dapat nilang pagdaanan.
Katuwirang ipinaliwanag ni San Francisco kay Kardinal Hugolino kay gandang pagnilayan sa malalim nitong kahulugan: "kung tayo'y maraming kayamanan," aniya ng ating banal "kakailangan din natin mga sandata upang mga ito'y ipaglaban at pangalagaan."
Sa kanyang isipan at banal na kalooban, ang pag-ibig ay namamatay kapag tao'y nagkamal maraming ari-arian; hanapin kanyang paliwanag kung masasagot kanyang mga katanungan na tila bugtong di lamang sa isipan kungdi pati na rin sa puso at kalooban:
"Mapagnanakawan mo ba na tao na walang ano man? Maari mo bang gutumin ang nag-aayuno? Mayroon ka bang sisirain sa taong namumuhi sa parangal at pagkilala? Ano nga ba magagawa sa taong aba at dukha?"
Para kay San Francisco ang mga dukha ang tunay na malaya kayang ipaubaya lahat pati sarili sa Bathala upang makagawa ng kabutihan sa kapwa na siyang simula ng ating kapatiran at ugnayan pati sa kalikasan.
Mula sa Reuters.
Sa ating panahon ngayon karukhaan ay pinag-uusapan batay sa kawalan ng ari-arian na kabaligtaran ng kung ano mayroon ang mayayaman na kadalasan mga bagay nabibilang at nabibili gaya ng kapangyarihan.
Ngunit kung ating pagninilayan ano mang mayroon ang mayaman ay wala pa rin o "NOTHING" kung Inglesin natin dahil ang higit na mahahalaga ay hindi nakikita ni nabibili o nabibilang gaya ng pera at iba pang kayamanan.
Gayun din naman hindi masasabi ng sino man na siya ay dukha at "walang wala" ika nga dahil kung tutuusin natin ang lahat ay palaging mayroon pa rin o "SOMETHING" kung Inglesin din natin.
Harinawa'y mapagtanto natin sa pagdiriwang ng kapistahan ni San Francisco na butihin ito mismong buhay natin ay dakilang kayamanan na dapat ipagpasalamat natin sa karukhaan ng loobing maialay gaya ng Panginoon Hesus natin.
Ang Krus ng kapilya ng San Damiano na isinaayos ni San Francisco batay sa tinig na kanyang narinig habang nananalangin doon.
Para sa henerasyon ngayon wala sa kanilang isipang puntahan ni pasyalan mga perya at karnabal ng kabukiran; katawa-tawa at walang kuwenta sa kanila ang sumakay sa tsubibo at ruweda, panoorin mga salamangkero at payaso at mas gusto maglaro ng mga video.
Mga dambuhalang kahon ng sapatos na ginawang pamilihan, tinaguriang mall naging pasyalan kung saan natatagpuan pinagtatawanang perya at karnabal ng kabukiran naging sosyal na pasyalan ng mga kabataan.
Ngunit hindi alintana, lingid sa mga mata higit katawa-tawa mga pormahan at pasiklaban masahol pa sa mga peryaan at karnabal ating kalagayan nang mismo ating buhay naging isang malaking palabas na lamang mistulang mga salamangkero at payaso na rin tayo inaasam-asam ay palakpakan at hangaan.
Saan man pumunta ay kapuna-puna tila ang lahat nang-aagaw pansin ibig sa kanya lamang nakatingin kaya anu-ano gagawin, iba-iba sasabihin pananamit at asta di mawari ngunit kung susuriin, agad mabubuking parang ampaw, wala kungdi hangin.
Hindi na ba natin napapansin nangyayari sa atin saan man tumingin tila lahat nagiging palabas na lamang walang laman ni kahulugan mga pinagtutuunan; nahan ang kadluan ng karunungan at kabutihan na pinabayaang matuyuan maubusan ng katangiang kapitag-pitagan?
Walang nasasagwaan ni kinikilabutan pangangalandakan ng kapalaluan at kawalang kabuluhan loob kinalimutan, panlabas pinahalagahan perya at karnabal di na nga pinupuntahan dahil tayo na mismo ang katatawanan! Hindi ba natin alam iyan ang malagim na katotohanan dapat tayong kabahan kung di sumasagi sa ating kalooban?
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog, 26 Setyembre 2019
Larawan kuha ni G. Jim Marpa sa Carigara, Leyte, Setyembre 2019.
Kay sarap pagmasdan at maliliman lalo na sa gitna ng kainitan ng matayog na puno may malalabay na sanga mga dahong luntian.
Mainam ding pagnilayan talinghagang nababalot nitong larawan mga kahulugan at kaugnayan ng mga kataga na puno at pinuno sa punong kahoy din naka-ugat.
Husay ng ano mang puno ng tahanan at pamayanan, tanggapan at paaralan, simbahan at pamahalaan natatagpuan sa kabuuan, walang kasiraan.
"Integrity" sa Inggles hiniram sa wikang Latin, "integer" at "integritas" na kahuluga'y "intact" o buo: nakakabit, sama-sama hindi sabog at kalat-kalat.
Ito ang tinaguriang integrity: karangalan dahil buo ang pagkatao nababakas sa kanya larawan at wangis ng Lumikha na Siyang pinagmumulan at pinag-uugatan ng ating katauhan at karangalan.
Sa isang pinuno, ito ang batayan at ugat ng kanyang pamumuno buo at hindi wasak, may kaisahan kanyang iniisip, sinasabi at ginagawa kaya siya ay buo at mayroon karangalan.
Malalaman natin kung tunay at hindi huwad ating pinuno kapag kanyang katauhan ihalintulad sa punong kahoy upang matukoy kanyang karangalan.
Malalim ba kanyang pagkakaugat sa katotohanan at kabutihan hindi pumapanig at di mabubuwal ng kasinungalingan?
Matuwid at matayog ba kanyang mga pananaw at inaasam, sinisikap matanawan, masundan kaliwanagan ng katotohanan at katuwiran?
Nagsasanga hindi ang dila kungdi mga bisig upang abutin di lamang langit kungdi iba pang sanga upang lumabay at liliman sino mang kumakanlong?
Katulad ng puno ng kahoy ikababagsak o ikatatayog ng sino mang puno ng sambahayan, pamayanan, pamahalaan, at simbahan ay nasa kayang kabuuan o karangalan bilang nilalang.