Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, 04 Oktubre 2019
Mula sa Be Like Francis Page sa Facebook.
Minsan daw ay nagimbal kaibigang Kardinal ni San Francicso na banal nang kanyang malaman dukha nilang pamumuhay na sa kanyang palagay labis na kahirapan hindi naman dapat nilang pagdaanan.
Katuwirang ipinaliwanag ni San Francisco kay Kardinal Hugolino kay gandang pagnilayan sa malalim nitong kahulugan: "kung tayo'y maraming kayamanan," aniya ng ating banal "kakailangan din natin mga sandata upang mga ito'y ipaglaban at pangalagaan."
Sa kanyang isipan at banal na kalooban, ang pag-ibig ay namamatay kapag tao'y nagkamal maraming ari-arian; hanapin kanyang paliwanag kung masasagot kanyang mga katanungan na tila bugtong di lamang sa isipan kungdi pati na rin sa puso at kalooban:
"Mapagnanakawan mo ba na tao na walang ano man? Maari mo bang gutumin ang nag-aayuno? Mayroon ka bang sisirain sa taong namumuhi sa parangal at pagkilala? Ano nga ba magagawa sa taong aba at dukha?"
Para kay San Francisco ang mga dukha ang tunay na malaya kayang ipaubaya lahat pati sarili sa Bathala upang makagawa ng kabutihan sa kapwa na siyang simula ng ating kapatiran at ugnayan pati sa kalikasan.
Mula sa Reuters.
Sa ating panahon ngayon karukhaan ay pinag-uusapan batay sa kawalan ng ari-arian na kabaligtaran ng kung ano mayroon ang mayayaman na kadalasan mga bagay nabibilang at nabibili gaya ng kapangyarihan.
Ngunit kung ating pagninilayan ano mang mayroon ang mayaman ay wala pa rin o "NOTHING" kung Inglesin natin dahil ang higit na mahahalaga ay hindi nakikita ni nabibili o nabibilang gaya ng pera at iba pang kayamanan.
Gayun din naman hindi masasabi ng sino man na siya ay dukha at "walang wala" ika nga dahil kung tutuusin natin ang lahat ay palaging mayroon pa rin o "SOMETHING" kung Inglesin din natin.
Harinawa'y mapagtanto natin sa pagdiriwang ng kapistahan ni San Francisco na butihin ito mismong buhay natin ay dakilang kayamanan na dapat ipagpasalamat natin sa karukhaan ng loobing maialay gaya ng Panginoon Hesus natin.
Ang Krus ng kapilya ng San Damiano na isinaayos ni San Francisco batay sa tinig na kanyang narinig habang nananalangin doon.