Yaman rin lang naumpisahan ko nang balikan natutunan sa pagdidilig ng mga halaman, narito naman aking kinamumuhian sa nilalang na luntian.
Hindi ko malilimutan noon sa aking kabataan nang ako'y mapagalitan ni inay nang pagmuntikanan ko nang maluray alaga niyang halaman kailan ko lamang nagustuhan.
Tuwing aking dinidiligan aming mga halaman palagi kong iniiwasan maski mawiligan mga cactus dahil aming napag-aralan namumuhay mga ito sa disyerto kahit walang ulan.
Hindi ako nahiwagaan sa naturang katangian bagkus aking pinagtakhan bakit ang cactus inalagaan di naman pala kailangang diligan bukod sa di kakitaan ng kagandahan?
Doon nagsimula itong aking kalokohan o kademonyuhan, wika ng aking ina nang unti-unti kong hiwaan berdeng laman iniiwasan mga tinik na nakatirik gamit bago kong laseta na nabili sa bangketa pagkagaling sa eskuwela.
"Ano ngayon iyong laban?", pahibang kong binulungan itong cactus na aking sinaktan habang pinagmamasdan mga dagta tila baga luha ng halamang nasugatan.
Nang ako'y kinagalitan ng aking inang, iisa lamang kanyang tanong at wala akong naitugon: "Inaano ka nitong halaman, bakit mo ginawan ng ganyan?"
Pagkaraan ng mahabang panahon akala ko'y nakalimutan ko na 'yon ilang pagkakataon kalooban marahil ng Panginoon sa aking pagdarasal at pagninilay sumasagi sa aking atensiyon halamang wala akong pakialam noon.
Katulad ng kanyang mumunting tinik nakasalubsob na tumitirik, sumasagitsit ang sakit sa aki'y cactus nagtatanong, ibig makasumpong maliwanag kong tugon: "Hindi mo ba ako kayang tanggapin, kilalanin at mahalin sa ganang aking sarili?"
Sa cactus din nasasalamin karunungan at kabutihan ng Diyos natin lahat ng nilikha niya sadyang mabuti magkakaiba man ng uri at itsura lahat tumanggap ng kanyang hininga nakikibahagi sa buhay niyang nakabibighani.
Paalala ng cactus sa atin tanggapin bawat isa sa atin hindi sagwil pagkakaiba-iba natin bagkus marahil ito magpapabuti sa atin upang buksan kalooban natin sa maraming inihahaing pagkakataon itong buhay natin.