Aral ng anino ni Kristo

Lawiswis Ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, ika-07 ng Abril 2020

Minsan sa aking pananalangin sa takip-silim
hindi kaagad namalayan sa gitna ng dilim
nakamasid pala sa akin
si Kristong nakabitin nang
sa krus namatay para sa atin.


Nang siya ay aking tingalain
ako'y namangha sa tanawin
sa kanyang mga anino
sa akin ay nagpapaalala
huwag mangamba, kasama siya tuwina.


Noong mga bata pa tayo
itong ating mga anino
ang siyang lagi nating kalaro
dahil lagi tayong sinasabayan
kailanman hindi tayo iniwan.


Kaya naman nang aking pagmasdan
larawan nina San Juan at Birheng Mahal
sa magkabilang pagitan ng krus na pinagpakuan
ni Hesus na ating katubusan
kakaiba ang aking naramdaman:


Katiyakang hindi iiwanan
kapag ako'y laging nasa kanyang paanan
nananalangin, nananampalataya
handa na siya ay tularan at sundan
lahat ay iwanan alang-alang sa pagkakaibigan.

Pamilya natin sa COVID-19

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-01 ng Abril 2020
Pamangkin.
Ibig sabihin ay "para namang akin":
mga anak ng iyong kapatid
kaya para mo na ring
anak sila kung ituring.

Pinsan.
Ibig sabihin ay "kapisan"
sa higaan o sa banig
doon sa bahay na matanda
dahil magkakapatid inyong mga magulang.

Kapatid.
Ibig sabihin ay "kadugtong" 
na kung wala ang isa 
ikaw ay "patid"
at tiyak nag-iisa.

Kabutihan din sa COVID-19
mayroon tayong quarantine
kaya't asikasuhin pamilya natin
linangin at buhayin
pagsasamahang nakalimutan na yata natin.

Ang walang katapusang pagdaing

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog, Parokya ni San Juan Apostol at Ebanghelista, Bagbaguin, Santa Maria, Bulacan

Martes, Ika-5 Linggo ng Kuwaresma, 31 Marso 2020

Bilang 21:4-9 ><)))*> +++ <*(((>< Juan 8:21-30

Ang eskultura ng ginawang ahas na tanso ni Moises sa tikin sa lugar kung saan mismo nangyari na ngayon nasa pangangalaga ng mga Paring Franciscano sa Jordan. Larawan kuha ng may-akda, Mayo 2019.
Batay sa salaysay ng aklat ng buhay
nainip mga Israelita sa paglalakbay sa ilang
nang sila ay dumaing, nagreklamo
kay Moises ng ganito:
"Kami ba'y inialis mo sa Egipto
upang patayin na ilang na ito?
Wala kaming makain ni mainom!
Sawa na kami sa walang kwentang pagkaing ito."
Bakit nga ba hindi na naubos 
ating mga reklamo
lalo na kapag mayroong krisis
walang mintis yaring mga bibig
walang hanggang daing
tila hindi aabutin, napakamainipin
nakakasakit na ng damdamin
pati Diyos sinusubok, hinahamon natin?
Kung inyong mapapansin 
yung talagang walang makain
hindi na makuhang dumaing
tanging isipin saan hahanapin
kanilang isasaing, lakas ay iipunin
sa pagbabaka-sakaling dinggin
dalanging tulong dumating
kanilang hahatiin at titipirin.
Ang masakit na kapansin-pansin
ngayong panahon ng COVID-19 
marami sa mga daing ng daing
sa Facebook pinararating!
Akala mo walang makain
bakit nasa harapan ng computer screen?
Katulad nilang nagmamagaling
ibang natulungan may reklamo pa rin!
Magandang pagkakataon 
kaloob nitong COVID-19 sa ating panahon
mabuksan puso at kalooban sa katotohanan 
"Hindi lamang sa tinapay nabubuhay ang tao" 
na kung uunahin natin si Kristo
makikilala natin bawat kapwa tao
ka-patid at ka-putol na dapat bahaginan 
ano man mayroon ako.
Madalas sa maraming reklamo
puso ay sinarahan, pinanlalabuan ang isipan
bibig ang laging binubuksan, hindi mawalan ng laman 
pinababayaan kaluluwa at kalooban 
tiyan lamang nilalagyan
kaya walang kahulugan ni katuturan
ano mang karanasan hindi mapagyaman
kaunting hirap at tiisin, puro daing at hinaing.

Mga guyang ginto sa piling natin

Lawiswis Ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-26 ng Marso 2020

Eksena hango sa pelikulang “The Ten Commandments” noong 1956.
Tinuturing ng mga Hudyo
ang pagsamba ng kanilang ninuno 
sa guyang ginto 
ang pinaka-nakakahiyang yugto
sa kanilang kasaysayan 
nang talikuran nila sa ilang
butihing Diyos hanap katapatan lamang.
Mula noon hanggang ngayon
guyang ginto ang naging larawan
na siyang kumakatawan sa ating 
mga sinasambang diyos-diyusan:
salapi at kayamanan, 
kapangyarihan at katanyagan,
lahat iiwan, tatalikuran makamit lamang.
Hindi ako kumibo noong una
kahit napupuno ng nag-aalimpuyo
na galit at ngitngit sa mga balitang sumisingit 
mga VIP para sa kakaunting testing kit;
ngunit nang itong si Koko Pimentel
hindi nagpigil, di napasupil
ako ma'y kumulo ang dugo sa gigil.
Di niya inalintana mahawahan
mga karamihan ng sakit na di pa maunawaan
siya pa ngayon ang nangangatuwiran 
sa kanyang kapabayaan at kapalaluan
pakiwari siya ay tama at kawawa
kaya sa kanya ang madla
nagalit halos siya ay isumpa.
Ito ang malungkot na katotohanan
nalantad sa isang iglap ng kapabayaan, 
kahangalan at kayabangan
silang mga halal at makapangyarihan
sa taumbayan walang pakialam
sila na mismo ang guyang ginto
na ibig sila ang sambahin at paglingkuran!
Kaya nga aking mga kababayan
huwag kalilimutan mga taksil ng bayan
huwag nang ibalik sa luklukan
dahil ngayon pa lamang ay nagkasubukan
sa oras ng kagipitan tayo ay kanilang iniwan
hindi dapat pagkatiwalaan
sapagkat sila'y mga propetang bulaan.
Larawan mula sa Chabad.org

Countdown sa Pasko sa gitna ng COVID-19 lockdown

Lawiswis ng Salita, Miyerkules, Dakilang Kapistahan ng Pagbabalita ng Pagsilang ni Hesus, 25 Marso 2020

Isaias 7:10-14; 8:10 +++ Hebreo 10:4-10 +++ Lukas 1:26-38

Painting ng Pagbabalita ng Anghel kay Maria ng Pagsilang ni Hesus sa harapan ng Basilica ng Annunciation sa Nazareth, Israel. Larawan kuha ng may-akda, Mayo 2017.

Wala akong kahilig-hilig sa ano mang countdown ngunit kagabi sa aking pagninilay ng Dakilang Kapistahan ng Pagbabalita kay Maria ng Pagsilang ng Mesiyas, bigla ko naisip siyam na buwan na lamang mula ngayon ay Pasko na ng Pagsilang!

Kaya… Merry Christmas sa inyong lahat ngayon pa lamang!

Naisip ko tama lang isipin na natin ngayon siyam na buwan bago ang Pasko ng Pagsilang sa gitna ng lockdown sanhi ng COVID-19 upang magbago ating kamalayan sa Christmas countdown sapagkat higit pa sa petsa ang Disyembre 25 — ito ay isang kaganapan o “event” wika nga sa Inggles na nangangahulugan din ng “fulfillment” o kabuuan.

Ang Pasko ay si Hesu-Kristo, ang Diyos Anak na nagkatawang-tao!

Sinasabi na maraming binabago sa buhay ang COVID-19 at una na rito ang “back to basics” tulad ng paghuhugas ng mga kamay palagi, pagsasama-sama ng pamilya, at taimtim na pananalangin.

At isa sa mgapangunahing basic ng buhay ay ang Diyos na nagkatawang-tao, si Hesus. Dapat nating mapagtanto muli na bagaman dumating na si Hesus 2000 taon na nakalipas, patuloy pa rin siyang dumarating sa piling natin at muling darating sa wakas ng panahon.

Paglibot ng Santisimo Sakramento sa Parokya ni San Juan Apostol at Ebanghelista, Bagbaguin, Santa Maria, Bulacan noong 22 Marso 2020. Larawan kuha ni Bb. Ria De Vera

Si Kristo ay dumating, dumarating, at darating sa tao na bukas ang puso at kalooban

Isang mabuting halimbawa ang ipinakita sa atin ng Mahal na Birheng Maria nang ibalita sa kanya ng Anghel Gabriel ang mabuting balita ng pagsilang niya kay Hesus na ating Tagapagligtas. Tatlong bagay ang ating nakikita rito.

Una ang kanyang pagiging bukas palagi sa salita at kalooban ng Diyos.

Kapag pingninilayan ko ang tagpong ito ng ebanghelyo ayon kay San Lukas, palagi ko naiisip na mas malamang nananalangin noon ang Birheng Maria.

Kaya paulit-ulit ko na sinasabi sa inyo mga ginigiliw ko, lalo na mga magulang na gamitin ang pagkakataong ito ng lockdown na ituro muli ang mga dasal na nakalimutan na ng mga bata. Higit sa lahat, magdasal ng sama-sama tulad ng pagrorosaryo. Mamyang alas-7:00 ng gabi, sabay-sabay tayo sa buong daigdig makiisa sa panawagan ni Papa Francisco na dasalin ang “Ama namin” kontra sa COVID-19.

Tanging sa pananalangin lamang natin mapapakinggang tunay ang kalooban ng Diyos sa atin.

Ikalawa ang pagtanggap ng Mahal na Birheng Maria sa salita at kalooban ng Diyos.

Hindi sasapat ang pananalangin lamang; kung hindi rin naman pumayag si Maria sa hiling ng Diyos na maging Ina ni Hesus, wala ring Pasko at hanggang ngayon marahil inaabangan pa natin ang Kristo.

Katulad ng Mahal na Birheng Maria, nawa tayo man ay pumayag at sumang-ayon sa hinihiling sa atin ng Diyos. Gaya ni Maria, masabi rin natin ang matamis na pananalita niya sa anghel matapos mapakinggan ang mabuting balita, “Maganap na nawa sa aking ang iyong mga sinabi” (Lk.1:38).

Ikatlo, pinangatawanan ni Maria ang kanyang “Oo” o “Opo” sa Panginoon.

Masdan mabuti ang huling talata ng ebanghelyo sa araw na ito: “At iniwan siya ng anghel” (Lk.1:39).

Tingnan ninyo ang lahat ng nasusulat sa Bagong Tipan: wala nang ibang pagkakataon na ang anghel ay nakipag-usap pa muli kay Maria! Kay San Jose at mga Apostol tulad ni San Pedro, ilang ulit nagpakita ang anghel upang liwanagin mga gawain nila. Nguni’t si Maria pagkaraan nito ay naiwan nang mag-isa sa kanyang matibay na pananampalataya sa Diyos!

Ang tanging sigurado lang si Maria ay ang pangalang ibibgay sa kanyang sanggol na Hesus. Maliban dito ay pawang pagtitiwala at pananalig ang umiral kay Maria na naging tapat sa pagsunod sa Diyos hanggang sa mapako sa Krus si Hesus. Kaya naman sa kanya unang nagpakita si Hesus na muling nabuhay sapagkat si Maria ang unang tunay at lubos na nanalig sa kanya, sa salita at sa gawa.

Ang lugar kung saan binati ng anghel si Maria na ngayon ay nasa ilalim ng Basilica ng Annunciation sa Nazareth. Larawan ay kuha ng may-akda, Mayo 2019.

Hamon ng Ebanghelyo

Nakakatuwa ang maraming balita ng mga taong nagsasakripisyo, naglalaan ng sarili para sa kapwa sa gitna ng pandemiyang COVID-19. Una na sa kanila ang mga tinaguriang frontliners na health workers – mga duktor, nars, med tech, at lahat ng naglilingkod sa mga pagamutan.

Kahapon ay naikuwento ko sa inyo isang tindero ng saging na hindi nagtaas ng presyo bilang tulong niya sa lockdown na umiiral.

Kaibayo naman nito ang napakalungkot at masakit – at nakakapikon! – na mga balita ng mga mapagsamantalang tao sa gitna ng krisis.

Unang-una na ang mga halal na upisyal ng bayan sampu ng kanilang mga pamilya na nagpa-VIP treatment para sa COVID testing. Gayun din iba pang upisyal ng bansa na hanggang ngayon ang inaatupag ay sariling kapakanan habang buong bayan ay nagdurusa.

Sila ang mga makabagong Haring Acaz na noon ay kunwari tumangging humingi ng palatandaan mula sa Diyos kung tunay niyang ililigtas ang Israel. Ang totoo, nakipag-alyansa na si Haring Acaz sa mga katabing bansa laban sa Assyria gayong kabilin-bilinan sa kanya ni Propeta Isaias na magtiwala sa Diyos lamang. Batid ng Diyos ang katotohanan at kunwari’y tiwala si Haring Acaz sa kanya!

Kahapon sinabi ng Punong Ministro ng Italya na siyang bagong sentro ng COVID-19 na lahat ay nagawa na nila sa lupang ibabaw laban sa pandemiyang ito; inamin niyang wala na silang maaring takbuhan ng tulong kungdi ang Diyos sa langit.

Alalahanin natin na hindi sapat ang basta manalangin.

Katulad ni Maria, atin nawa maisabuhay ang pagiging bukas palagi sa Diyos sa pakikinig sa kanyang tinig at higit sa lahat, pagsang-ayon dito at paninindigan sa pamamagitan ng ating mabubuting gawa.

Manalangin tayo:

Larawan kuha ni Bb. Anne Ramos, 22 Marso 2020, paglibot ng Santisimo Sakramento sa Parokya ni San Juan Apostol at Ebanghelista, Bagbaguin, Santa Maria, Bulacan.

O Diyos Ama naming mapagmahal, kami ay nagpapasalamat sa pagbibigay mo sa amin sa iyong Anak, ang Panginoong Hesu-Kristo na siyang aming kaligtasan lalo’t higit sa panahong ito ng COVID-19.

Buksan po ninyo aming puso at kalooban katulad ni Maria upang manahan din sa amin si Hesus, gawin niyang luklukan ang aming mga puso at kalooban.

Bigyan mo rin kami ng tapang at pananampalataya tulad ni Mari upang lahat ng aming sasabihin at gagawin ay pawang nilalayon at kalooban ng Panginoong Hesus.

Maging matatag nawa kami tulad ni Maria na samahan si Hesus hanggang paanan ng Krus upang mapanindigan kanyang kalooban sa kapangyarihan ng Espiritu Santo. Amen.

Kaarawan sa gitna ng COVID-19 lockdown

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-23 ng Marso 2020
Larawan kuha ni Bb. Ria De Vera, Parokya ni San Juan Apostol at Ebanghelista, Bagbaguin, Santa Maria, Bulacan (22 Marso 2020).
Kahapon aking ipinagdiwang
ika-limamput-limang taon
ng kapanganakan sa 
gitna nitong lockdown.
Wala akong inaasahang pagdiriwang
o ano mang kasiyahan maski walang lockdown
dahil hindi ko naman nakagisnan 
mga gayong handaan sa aking kaarawan.
Mula kabataan lagi akong nagka-countdown
kinagabihan ng bisperas ng aking kaarawan
at saka mananalangin, magpapasalamat
sa Poong Maykapal sa buhay niyang kaloob.
Subalit aaminin ko rin
napakalungkot sa akin 
na dahil sa COVID-19 
walang nakapiling sa misa at pananalangin.
Larawan kuha ni Bb. Ria De Vera, Parokya ni San Juan Apostol at Ebanghelista, Bagbaguin, Santa Maria, Bulacan (22 Marso 2020).
Matapos Banal na Oras namin
Banal na Sakramento inilibot sa parokya namin
noon ko nadama lambing at pagmamahal
ng Panginoon Hesus tumawag sa akin.
Habang tangan kanyang sisidlan
aking binubulong mga panalangin
sa kawan kanyang pinagkatiwala sa akin
nawa maligtas sa sakit sanhi nitong COVID-19.
Pagkagaling Purok ng Fatima
ibig ko sanang maglakad sa Balutan
ngunit biglang pumatak mga ulan
anong ganda ng aking nasilayan!
Mahiwagang bahag-hari
tumambad sa aming harapan
busilak ng magagandang kulay
naghatid ng aliw at katuwaan.
Larawan kuha ni Bb. Anne Ramos, Parokya ni San Juan Apostol at Ebanghelista, Bagbaguin, Santa Maria, Bulacan (22 Marso 2020).
Sa aking pagyuko, 
bumukal sa aking puso 
kakaibang katuwaan naramdaman 
sadyang napaka hirap ilarawan. 
Alam ninyo yung karanasan
minsan-minsan wala tayong alinlangan 
sa isang iglap ating nalalaman katotohanan
ngunit kulang, walang sasapat na salita man lamang?  
Tila baga sa aki'y nawika
waring nagpapaalala Panginoong Maylikha
tipan kanyang iniwan pagkaraan
ng delubyo at ulan:
Higit pa sa makulay na bahag-hari sa kalangitan
kahawig na larawan iniwan, katiyakang hindi tayo pababayaan
ating mamamasdan sa simbahan at tahanan 
Krus pinagpakuan ni Hesus, sa atin nagtawid sa kaligtasan!
Parokya ni San Juan Apostol at Ebanghelista, 2019.

Pagkakataon… ng COVID-19

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-17 ng Marso 2020
Larawan ay kuha ni Angelo Nicolas Carpio ng krus ng aming parokya, Enero 2020.
Pagkakataon.
Ito ang kataga 
na tumimo sa akin 
mula sa Ebanghelyo ngayon.
Wika ng alipin sa kanyang panginoon
"bigyan ninyo ako ng pagkakataon
mabayaran mga utang sa inyo"
at siya nama'y pinagbigyan nito.
Ngunit nang masalubong
kapwa alipin may utang
hamak maliit kaysa kanya,
pinagkait pagkakataon bagkus ipinakulong.
Kaya nang siya ay sinumbong
sa kanilang panginoon
tinawag siyang "napakasama" dahil
pagkakataon binigay sa kanya, pinagkait sa iba.
Larawan kuha ng may-akda, Kuwaresma 2020.
Pagkakataon.
Ito ang kaloob sa atin ngayon
ng pagkukulong sa mga tahanan 
at maiwasan pagkalat nitong COVID-19.
Sa mahabang panahon
tinalikuran natin Panginoon
nang sariling pamilya binalewala
di pinansin, ang iba inaway natin.
Kay inam na pagkakataon
mabuklod mga pamilya ngayon
bilang isang tahanan at pamayanan
na pinagmulan noon ng ating simbahan.
Habang walang pasok
mga magulang at anak
balikan katesismong binaon 
unahin mga panalangin nilimot.
Basahin din at limihin
Banal na Kasulatan ating tinalikuran
sapagkat ito ang siyang gagabay
sa buhay natin sa gitna ng karimlan.
Kuha ng may-akda, Parokya ni San Juan Apostol at Ebanghelista, 2019.
Pagkakataon.
Marami tayong pinalampas noon
binalewala Panginoon at kapwa
kaya tayo ganito ngayon.
Hindi ito parusa ng Panginoon
kungdi kasalanan at pagkukulang
nating lahat sa mahabang panahon
Diyos at kapwa hindi natin nilingon.
Kaya ngayon sa gitna nitong hamon
kinakaharap natin sa pagkakataon
tama narinig kong nawika 
ng punong ministro doon sa Italya:
"Maghiwa-hiwalay muna tayo ngayon
upang mayakap ang isa't-isa sa kinabukasan"
kaya naman pagyamanin natin itong
pagkakataon makulong sa iisang bubong!

Kung ikaw…?

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-04 ng Marso 2020

Ang panunukso ng diyablo kay Hesus sa ilang, isang mosaic sa loob ng Basilika ni San Markos sa Venice, Italy. Larawan mula sa psephizo.com.
Palagi na lang kung 
ating titingnan
iisa lang napapakinggan
nang tuksuhin ng diyablo si Kristo: 
"Kung ika'y anak ng Diyos... 
gawin mong tinapay mga batong ito!"
"Kung ika'y anak ng Diyos...
magpatihulog ka mula taluktok ng templo!"
Puro "kung ika'y anak ng Diyos"
ang tukso ng diyablo kay Kristo
pati ng mga tao nang ipako siya sa Krus
patuyang hiniyawan, "Kung ikaw ang anak ng Diyos...!"
Larawan kuha ng may akda, gayak ng altar sa unang Linggo ng Kuwaresma, 01 Marso 2020, Parokya ni San Juan Apostol at Ebanghelista.
Ano kahulugan nito
sa ating mga tao?
Hindi ba ganito rin ang takbo
ng panunukso ng diyablo?
Sinisira ating pagkatao
tulad ni Kristo
upang tumalikod tayo
sa Diyos na tanging Absoluto sa mundo?
Ginugulo, nililito tayo ng diyablo
tanong niya ay "kung ikaw ang anak ng Diyos"
gayong ang totoo at sigurado tayo
taguri sa Diyos nati'y ,"Ako'y si Ako nga"!
Kuha ng may-akda, 01 Marso 2020.
Alalahanin huling tukso pa
ng diyablo kay Kristo
garapal at tahasang binigay 
buong mundo kung siya ay sasambahin nito.
Ganyan din tayo
kung hindi malilito ng diyablo
bibilhin niya tayo
sa presyo na nakagugulo.
Kung ating tutuusin
maliwanag naman lahat sa atin:
iisa lang ang Diyos na sasambahin
na tunay nagmamahal sa atin.
Larawan kuha ng may-akda, 01 Marso 2020.
Ito ang diwa ng pag-aayuno at sakripisyo
sa panahon ng Kuwaresma
sarili'y dinadalisay, ang ilang ay tinutunguhan
upang Diyos muling matagpuan at maranasan.
Sarili'y huwag nang pag-alinlanganan
tayo ay sinasamahan ni Hesus 
na dumaan din at nagtagumpay sa lahat ng
pagsubok at paghihirap (Hebreo 2:18).
Sa gitna ng kawalan ay ating katiyakan
at kaseguruhan sa Diyos Anak na sa sariling dugo 
ating kasalanan ay hinugasan
upang tayo ay mapabanal at malampasan mga kasamaan.

Para saan, daan sa kabukiran?

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-28 ng Pebrero 2020

Larawan kuha ng may-akda sa Pulilan, Bulacan, 25 Pebrero 2020.
Sa aming lalawigan 
na tinuturing luntian
maraming halamanan at kabukiran
unti-unti nang napapalitan yaring kalikasan.
Ako'y kinakabahan 
sa darating na kinabukasan
ating mga palabigasan wala nang laman
mga bata'y kumakalam sa gutom kanilang tiyan.
Ang sabi ng karamihan 
ito'y para sa kaunlaran
ngunit kung ating titingnan 
malayo sa katotohanan.
Doon pa rin sa Pulilan, Bulacan, 25 Pebrero 2020.
Kailangan daw ay kongkretong daan
upang mapabilis kalakalan 
nguni't paano naman
kung wala nang aanihan?
Repormang pangsakahan, tinalikuran
mga magsasaka tinatapakan 
lupaing ginawang daanan di binayaran 
presyo ng palay kulang at alangan!
Hindi masama ang kaunlaran
ngunit kung ang maliliit ay kinalilimutan
kapakanan nila ay pinababayaan
wala rin itong patutunguhan.
Doon pa rin sa Pulilan, Bulacan.
Hindi ba natin namamalayan
sa pagkawala ng ating mga kabukiran
kasabay nababaluktot ating katuwiran
pati katinuan at katarungan nasasalansang?
Buksan natin ating isipan
sa sasapiting pagkawasak at kawalan
kapag mga sakahan ating pinabayaan
hindi lamang tiyan mawawalan ng laman.
Sementuhin mo man maraming daan
ngunit sarado naman puso at kalooban
sa higit na malalim na mga katotohan
wala patutunguhan kungdi kapahamakan.
Doon pa rin sa Pulilan, Bulacan.

Trahedya ng EDSA o trahedya sa EDSA

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-24 ng Pebrero 2020
Mula sa Inquirer.net
Tuwing maiisip ko pangalang EDSA
ako ay naluluha at naaalala noong una
ang tuwa ng mapayapang pagbabago
nagmula sa makasaysayang kalsada.
Naluluha pa rin ako ngayon
tuwing masasambit pangalang EDSA
ngunit mayroon na parating sumasagitsit
mula sa langit lungkot at pait sa ating sinapit. 
Masakit para sa amin na noon pa ma'y
tumutol sa mga ulol at hibang na K-B-L
ngunit pagkaraan ng EDSA,
mga halimaw din pala aming nakasama!
Inuna kanilang mga hacienda
makinarya sa pulitika
reporma anila sa ekonomiya
pagkakanya-kanya lang din naman pala.
Ano nga ba talaga nangyari 
noong Pebrero mil-nueve-ochenta'y-sais?
Trahedya ng EDSA o
Trahedya sa EDSA?
Kung maari sana'y pakinggan nating muli
hindi tinig ko o ng kung sinu-sinong 
magkomentaryong pilosopo o lalo naman
pinagsasabi ng sino mang pulitiko at relihiyoso!
Bawat isa sana ay magtika
dahil alin mang trahedya - ng EDSA o sa EDSA -
ay iisa:  Panginoong Diyos na siyang kumilos noon, 
ating tinalikuran at kinalimutan ngayon! 
Mula sa Google.