Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog, Parokya ni San Juan Apostol at Ebanghelista, Bagbaguin, Santa Maria, Bulacan
Martes, Ika-5 Linggo ng Kuwaresma, 31 Marso 2020
Bilang 21:4-9 ><)))*> +++ <*(((>< Juan 8:21-30
Ang eskultura ng ginawang ahas na tanso ni Moises sa tikin sa lugar kung saan mismo nangyari na ngayon nasa pangangalaga ng mga Paring Franciscano sa Jordan. Larawan kuha ng may-akda, Mayo 2019.
Batay sa salaysay ng aklat ng buhay
nainip mga Israelita sa paglalakbay sa ilang
nang sila ay dumaing, nagreklamo
kay Moises ng ganito:
"Kami ba'y inialis mo sa Egipto
upang patayin na ilang na ito?
Wala kaming makain ni mainom!
Sawa na kami sa walang kwentang pagkaing ito."
Bakit nga ba hindi na naubos
ating mga reklamo
lalo na kapag mayroong krisis
walang mintis yaring mga bibig
walang hanggang daing
tila hindi aabutin, napakamainipin
nakakasakit na ng damdamin
pati Diyos sinusubok, hinahamon natin?
Kung inyong mapapansin
yung talagang walang makain
hindi na makuhang dumaing
tanging isipin saan hahanapin
kanilang isasaing, lakas ay iipunin
sa pagbabaka-sakaling dinggin
dalanging tulong dumating
kanilang hahatiin at titipirin.
Ang masakit na kapansin-pansin
ngayong panahon ng COVID-19
marami sa mga daing ng daing
sa Facebook pinararating!
Akala mo walang makain
bakit nasa harapan ng computer screen?
Katulad nilang nagmamagaling
ibang natulungan may reklamo pa rin!
Magandang pagkakataon
kaloob nitong COVID-19 sa ating panahon
mabuksan puso at kalooban sa katotohanan
"Hindi lamang sa tinapay nabubuhay ang tao"
na kung uunahin natin si Kristo
makikilala natin bawat kapwa tao
ka-patid at ka-putol na dapat bahaginan
ano man mayroon ako.
Madalas sa maraming reklamo
puso ay sinarahan, pinanlalabuan ang isipan
bibig ang laging binubuksan, hindi mawalan ng laman
pinababayaan kaluluwa at kalooban
tiyan lamang nilalagyan
kaya walang kahulugan ni katuturan
ano mang karanasan hindi mapagyaman
kaunting hirap at tiisin, puro daing at hinaing.