Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-23 ng Marso 2020
Larawan kuha ni Bb. Ria De Vera, Parokya ni San Juan Apostol at Ebanghelista, Bagbaguin, Santa Maria, Bulacan (22 Marso 2020).
Kahapon aking ipinagdiwang
ika-limamput-limang taon
ng kapanganakan sa
gitna nitong lockdown.
Wala akong inaasahang pagdiriwang
o ano mang kasiyahan maski walang lockdown
dahil hindi ko naman nakagisnan
mga gayong handaan sa aking kaarawan.
Mula kabataan lagi akong nagka-countdown
kinagabihan ng bisperas ng aking kaarawan
at saka mananalangin, magpapasalamat
sa Poong Maykapal sa buhay niyang kaloob.
Subalit aaminin ko rin
napakalungkot sa akin
na dahil sa COVID-19
walang nakapiling sa misa at pananalangin.
Larawan kuha ni Bb. Ria De Vera, Parokya ni San Juan Apostol at Ebanghelista, Bagbaguin, Santa Maria, Bulacan (22 Marso 2020).
Matapos Banal na Oras namin
Banal na Sakramento inilibot sa parokya namin
noon ko nadama lambing at pagmamahal
ng Panginoon Hesus tumawag sa akin.
Habang tangan kanyang sisidlan
aking binubulong mga panalangin
sa kawan kanyang pinagkatiwala sa akin
nawa maligtas sa sakit sanhi nitong COVID-19.
Pagkagaling Purok ng Fatima
ibig ko sanang maglakad sa Balutan
ngunit biglang pumatak mga ulan
anong ganda ng aking nasilayan!
Mahiwagang bahag-hari
tumambad sa aming harapan
busilak ng magagandang kulay
naghatid ng aliw at katuwaan.
Larawan kuha ni Bb. Anne Ramos, Parokya ni San Juan Apostol at Ebanghelista, Bagbaguin, Santa Maria, Bulacan (22 Marso 2020).
Sa aking pagyuko,
bumukal sa aking puso
kakaibang katuwaan naramdaman
sadyang napaka hirap ilarawan.
Alam ninyo yung karanasan
minsan-minsan wala tayong alinlangan
sa isang iglap ating nalalaman katotohanan
ngunit kulang, walang sasapat na salita man lamang?
Tila baga sa aki'y nawika
waring nagpapaalala Panginoong Maylikha
tipan kanyang iniwan pagkaraan
ng delubyo at ulan:
Higit pa sa makulay na bahag-hari sa kalangitan
kahawig na larawan iniwan, katiyakang hindi tayo pababayaan
ating mamamasdan sa simbahan at tahanan
Krus pinagpakuan ni Hesus, sa atin nagtawid sa kaligtasan!
Parokya ni San Juan Apostol at Ebanghelista, 2019.
❤🙏🏻
LikeLike