Tapos na ang Pasko?

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-03 ng Enero 2020

Belen sa Pambansang Dambana ng Birhen ng Carmel, Lungsod Quezon, 30 Disyembre 2019.

Ikalawa ng Enero
binati ko ng “Maligayang Pasko”
magandang kahera ng paradahan sa Trinoma.

Ngumiti at bumati
sabi ng binibini, “Happy New Year!
Tapos na po ang Pasko”
kanyang nawika mula sa munti niyang bintana.

Nagpaliwanag ako
habang binibilang niya aking bayad:
“Miss hindi pa tapos ang Pasko;
kaya may bagong taon sinilang kasi si Kristo.”

Bakita nga ba tayo ganito
turing sa Pasko isang petsa sa kalendaryo
kaya pagsapit na Enero a-primero
akala’y tapos na ito?

Sana’y ating mapagtanto
na isang kuwentong nagpapatuloy
sa pamumuhay nating mga Kristiyano
itong Pasko nang ang Diyos ay maging tao.

Kapag ang Pasko ay tinuring nating
isang bilang lamang ng mga araw at buwan
maski ilang libong taon pa iyan –
pagsusuma at pagtutuos lamang hahantungan.

Magkano napamaskuhan o
mayroon bang Christmas bonus diyan
mga katanungan pumapailanlang
pagsapit ng Kapaskuhan sa karamihan.

Diwa at kahulugan ng pagsilang
ni Hesus tiyak malilimutan
kapag sarili lamang ating tiningnan
kaya ating minamadali pati pagbati ng happy new year muli.

Hanaping muli si Kristo sa Pasko
at tiyak ating matatanto
di natatapos pagdiriwang na ito
na kailangan nating ihatid palagi si Kristo sa ating mundo!

Nasaan na mga liham ng ating samahan?

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-13 ng Nobyembre 2019

Photo by Noelle Otto on Pexels.com
Nasaan na mga liham
ng ating mga samahan
at pagkakaibigan
na ngayo'y napalitan
ng maramihang balanang
kaisipan at mga larawan
pati katatawanan?
Walang umiiral na ugnayan
bagkus mga palitan
at pasahan na lamang
ng sari-saring nararanasan
at nararamdaman;
mabuti kung iyong masasakyan
maski mga kababawan.
Iba pa rin 
ang karanasang
mararamdaman
na higit mapagyayaman
ng sino mang sumusulat
at tumatanggap ng liham
mula kay Mister Postman.
Maraming kabutihan
at mga kagandahan
ginagawa nating usapan
sa pamamagitan ng internet
kagaya ng e-mail,
messenger at viber
na sadya namang super ang bilis.
Photo by Roman Koval on Pexels.com
Ngunit kailanman
hindi kayang palitan
ng mga makabagong
pagsusulatan
ating kinagawiang
mga liham
na laging kinasasabikan, inaabangan.
Hindi agad binubuksan
mga kamay pinupunasan
at baka marumihan
mamantsahan
tinanggap na liham
mula sa kanino man
na turing ay isang kaibigan.
Itong pagsusulat
maging pagtanggap ng liham
maituturing nating
ritwal ng ating pagkakaibigan:
walang minamadali
bawat sandali kinakandili
pilit pinanatili sana'y kapiling kang lagi.
Nakakahinayang itong kaugalian
ng pagliham napalitan,
pati ating pagkakaibigan,
mga ugnayan tila nakalimutan;
balikan mga lumang liham nasaan
hindi ba't nakatago, iniingatan
upang basahin, sariwain, palalimin ating samahan?
Photo by Suzy Hazelwood on Pexels.com

Ang paboritong birtud ng Diyos

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-29 ng Oktubre 2019

Tula na aking hinalaw sa “The Portal of the Mystery of Hope” ng makatang Pranses na si Charles Peguy (pe-gi). Bagamat hindi siya debotong Katoliko, nang maglaon malaki ang naging impluwensiya sa kanya ng Katolisismo hanggang sa siya ay mamatay noong 1914 sa Villeroy, France.
Sa tatlong pangunahing birtud nating taglay
mula sa Kanyang mapagpalang kamay
sinabi ng Diyos: "Pag-Asa ang aking pinaka-paborito"
sapagkat ito lamang aniya ang "nakasosorpresa" sa kanya.
Paliwanag ng Diyos, 
hindi siya nasosorpresa sa Pananampalataya
dahil sa kanyang kaningningang taglay
aba'y bulag at manhid lamang ang sa Kanya'y hindi magkamalay!
Hindi rin Siya aniya nasosorpresa sa Pag-ibig 
sapagkat maliban na lamang kung sing-tigas ng bato
ang puso ng tao at hindi pa sila magmamahalan
sila na aniya pinaka-aba at kaawa-awa sa lahat ng kanyang nilalang.
Ngunit itong Pag-Asa ay kakaiba
Diyos ay laging nasosorpresa
dito nakikita kapangyarihan ng kanyang grasya
para mga tao ay umasa pa kahit wala nang nakikita!
Alalahanin sulat ni Apostol San Pablo 
sa mga taga-Roma: "ang pag-asa ay hindi pag-asa
kapag nakikita na ang inaasahan.
Sapagkat sino ang aasa sa nakikita na?"
Kakaiba sa pagiging positibo ang Pag-Asa
dahil nakabatay ito sa mga nakikitang palatandaan
o mga senyales upang mahulaan at matanawan
tinatantiyang kalalabasan ng isang inaasam.
Optimistic ang tao na umaasa gaganda panahon
o iigi sitwasyon batay sa mga indikasyon na kanyang nakikita;
ngunit ang taong umaasa batid niya mas lalala pa
mga bagay at sitwasyon, mas malamang hindi na iigi pa.
Ito ang kaibahan at kaibayuhan
nitong Pag-Asa na kahit talo na
at wala nang nakikita
kumpiyansa sa Diyos ay di nawawala.
Sa ating panahon ng social media
kung saan ang lahat ay nakikita at ipinakikita,
kitang-kita pa rin ang katotohanang
mga dakilang bagay sa buhay ay mula sa mga hindi nakikita.
Iyan ang nakasosorpresa sa Pag-Asa,
kahit wala ka nang nakikita
kitang-kita Kita pa rin Panginoon namin
kaya aking hiling ako'y lagi mong sorpresahin!
Photo by Essow Kedelina on Pexels.com

	

Ang ating kamukha

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-28 ng Oktubre 2019

Mula sa Google.
Todos los Santos na naman
at kay laking kabaligtaran
naka-ugalian ng karamihan
ipagdiwang mga aswang at katatakutan
sa halip na mga banal at kanilang kabutihan.
Dati-rati nama'y hindi laganap
sa ating kapuluan banyagang kaugalian
pagdiriwang ng Halloween na nasira
tunay na kahulugan sa kaisipan ng mga
makamundong taga-kanluran.
Halloween ang taguring na nagmula sa 
pinagsamang "hallowed evening"
na kahuluga'y "gabi ng mga banal"
ngunit pilit binabalikan ng mga hangal
maling paniniwala noon pa napasinungalingan.
Akala ng mga paganong Druids 
ng Scotland at Wales sa Bretanya noong unang-una
lumilitaw sa lupa tuwing katapuasan ng Oktubre
mga impakto at masasamang espiritu
upang makabihag ng mga tao.
Nagdaramit sila at nag-aayos na nakakatakot
parang multo, kamukha ng mga lamang lupa
sa paniniwalang malilito mga impakto na sila'y kasamahan
kampon ng kadiliman at kasamaan
kaya sila iniiwan at hindi sinasaktan.
Photo by Pixabay on Pexels.com
Maraming Kristiyano hindi ito nalalaman ni nauunawaan
nakalimutan pangunahing katotohanan ating pinananaligan
nang pumarito si Hesu Kristo, kanya nang tinalo
kapangyarihan ng demonyo
nang pumaroon siya sa dako ng mga yumao.
Nang mabuhay mag-uli ang Panginoong Hesu Kristo
napanibago niya buong sangnilikha
higit sa lahat, muli nating nakamukha
Diyos Ama sa ati'y lumikha,
tiniyak ating tahahanan sa piling niya sa kalangitan.
Bakit nga ba ikaw, Kristiyano
ang siya pa ngayong lito at sadyong lilo
mas ibig pag makamukha mga impakto at demonyo
nakukuha pa ninyong matuwa at ikagalak
mga anak ninyong mukhang tiyanak?!
Akala ba ninyo demonyo ang mga nalilito 
sa inyong pagbibihis at pag-aanyong multo?
Hindi ba ninyo batid kayo ang nalilinlang
sa pagdaramit at pag-aayos ng hunghang
at magtataka pa kayo asal ng inyong anak parang animal?
Madalas kay hirap unawain mga gawi natin 
na katakutan kabutihan at katuwaan ang kasamaan;
sadya nga bang atin nakalimutan
dakilang karangalang tayo'y nilalang
katulad at kawangis ng mabuting Maykapal?
Diyos ang kamukha natin
kanyang liwanag sana'y mabanaagan din sa atin
upang maghatid ng kagalakang bumubukal
sa malinis at magandang kalooban
lipos ng kabanguhan ng kabutihan at kadalisayan.

Salamat po, Birhen ng Santo Rosario

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, 07 Oktubre 2019

Larawan ay kuha ni Rdo. P. Gerry Pascual sa Basilica of the National Shrine of the Immaculate Conception, Washington, DC, 09 Setyembre 2017 .
Maraming salamat,
mahal naming Ina,
Birheng Maria sa iyong pagsama
sa amin tuwina
ngayong inaala-ala
iyong himala
sa pakikipag-digma ng mga Kastila
sa Look ng Lepanto
dinarasal iyong Santo Rosario.
Kay sarap namnamin
damang-dama namin
sa bawat butil ng Rosario
pakikiisa mo sa amin
upang higit naming sundin
butihin mong anak
at Panginoon namin
na siyang kapanatilihan
ng Diyos sa piling amin.
Dahil kay Kristo Hesus
na isinilang mo sa amin,
Panginoong Diyos naging kapiling namin
palaging dumarating
maging sa gitna
ng mga unos at sigwa
nitong karagatan
ng buhay namin
tumatawag para kami ay sagipin.
Mula sa panganib
ng karagatan at latian
hanggang sa katihan
kailanman ay hindi kami
iniwan ni Kristo Hesus
na iyong isinilang
upang kami ay pangunahan
pabalik sa aming tahanan
doon sa kalangitan ikaw ngayon nakapisan.
Maraming salamat
Mahal naming Ina
Birheng Maria
nawa amin kang matularan
si Hesus ay masundan
sa nakakatakot na karagatan
at kapanatagan ng kapatagan
kanyang mukha sa ami'y mabanaagan
kami rin mismo maging misteryo ng iyong Santo Rosario.

Ang mabuting balita ng karukhaan

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, 04 Oktubre 2019

Mula sa Be Like Francis Page sa Facebook.
Minsan daw ay nagimbal
kaibigang Kardinal ni San Francicso
na banal
nang kanyang malaman
dukha nilang pamumuhay
na sa kanyang palagay
labis na kahirapan hindi naman
dapat nilang pagdaanan.
Katuwirang ipinaliwanag
ni San Francisco kay Kardinal Hugolino
kay gandang pagnilayan
sa malalim nitong kahulugan:
"kung tayo'y maraming kayamanan,"
aniya ng ating banal
"kakailangan din natin mga sandata
upang mga ito'y ipaglaban at pangalagaan."
Sa kanyang isipan 
at banal na kalooban,
ang pag-ibig ay namamatay
kapag tao'y nagkamal maraming ari-arian;
hanapin kanyang paliwanag
kung masasagot kanyang mga katanungan
na tila bugtong di lamang sa isipan
kungdi pati na rin sa puso at kalooban:
"Mapagnanakawan mo ba
na tao na walang ano man?
Maari mo bang gutumin
ang nag-aayuno?
Mayroon ka bang sisirain
sa taong namumuhi
sa parangal at pagkilala?
Ano nga ba magagawa sa taong aba at dukha?"
Para kay San Francisco
ang mga dukha ang tunay na malaya
kayang ipaubaya lahat
pati sarili sa Bathala
upang makagawa
ng kabutihan sa kapwa
na siyang simula ng ating kapatiran
at ugnayan pati sa kalikasan.
Mula sa Reuters.
Sa ating panahon ngayon
karukhaan ay pinag-uusapan
batay sa kawalan
ng ari-arian na kabaligtaran
ng kung ano mayroon
ang mayayaman na kadalasan
mga bagay nabibilang
at nabibili gaya ng kapangyarihan.
Ngunit kung ating pagninilayan
ano mang mayroon ang mayaman
ay wala pa rin o "NOTHING"
kung Inglesin natin
dahil ang higit na mahahalaga
ay hindi nakikita
ni nabibili o nabibilang
gaya ng pera at iba pang kayamanan.
Gayun din naman
hindi masasabi ng sino man
na siya ay dukha
at "walang wala" ika nga
dahil kung tutuusin natin
ang lahat ay palaging mayroon pa rin
o "SOMETHING"
kung Inglesin din natin.
Harinawa'y mapagtanto natin
sa pagdiriwang ng kapistahan
ni San Francisco na butihin
ito mismong buhay natin
ay dakilang kayamanan
na dapat ipagpasalamat natin
sa karukhaan ng loobing maialay
gaya ng Panginoon Hesus natin.
Ang Krus ng kapilya ng San Damiano na isinaayos ni San Francisco batay sa tinig na kanyang narinig habang nananalangin doon.


	

Ang buhay na puro palabas, walang laman at kahulugan

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog, 30 Setyembre 2019

Photo by Pixabay on Pexels.com

Para sa henerasyon ngayon
wala sa kanilang isipang puntahan
ni pasyalan mga perya at karnabal ng kabukiran;
katawa-tawa at walang kuwenta sa kanila
ang sumakay sa tsubibo at ruweda,
panoorin mga salamangkero at payaso
at mas gusto maglaro ng mga video.
Mga dambuhalang kahon ng sapatos
na ginawang pamilihan,
tinaguriang mall naging pasyalan
kung saan natatagpuan pinagtatawanang
perya at karnabal ng kabukiran
naging sosyal na pasyalan
ng mga kabataan.
Ngunit hindi alintana, lingid sa mga mata
higit katawa-tawa mga pormahan at pasiklaban
masahol pa sa mga peryaan at karnabal
ating kalagayan nang mismo ating buhay
naging isang malaking palabas na lamang
mistulang mga salamangkero at payaso na rin tayo
inaasam-asam ay palakpakan at hangaan.
Saan man pumunta ay kapuna-puna
tila ang lahat nang-aagaw pansin
ibig sa kanya lamang nakatingin
kaya anu-ano gagawin, iba-iba sasabihin
pananamit at asta di mawari
ngunit kung susuriin, agad mabubuking
parang ampaw, wala kungdi hangin.
Hindi na ba natin napapansin
nangyayari sa atin saan man tumingin
tila lahat nagiging palabas na lamang
walang laman ni kahulugan mga pinagtutuunan;
nahan ang kadluan ng karunungan
at kabutihan na pinabayaang matuyuan
maubusan ng katangiang kapitag-pitagan?
Walang nasasagwaan ni kinikilabutan 
pangangalandakan ng kapalaluan at kawalang kabuluhan
loob kinalimutan, panlabas pinahalagahan
perya at karnabal di na nga pinupuntahan
dahil tayo na mismo ang katatawanan!
Hindi ba natin alam iyan ang malagim na katotohanan
dapat tayong kabahan kung di sumasagi sa ating kalooban?

Ugat at batayan ng pinuno

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog, 26 Setyembre 2019

Larawan kuha ni G. Jim Marpa sa Carigara, Leyte, Setyembre 2019.




Kay sarap pagmasdan 
at maliliman lalo na sa gitna ng kainitan
ng matayog na puno
may malalabay na sanga
mga dahong luntian.
Mainam ding pagnilayan
talinghagang nababalot nitong larawan
mga kahulugan at kaugnayan
ng mga kataga na puno at pinuno
sa punong kahoy din naka-ugat.
Husay ng ano mang puno
ng tahanan at pamayanan,
tanggapan at paaralan,
simbahan at pamahalaan
natatagpuan sa kabuuan, walang kasiraan.
"Integrity" sa Inggles
hiniram sa wikang Latin, "integer" at "integritas"
na kahuluga'y "intact" o buo:
nakakabit, sama-sama
hindi sabog at kalat-kalat.
Ito ang tinaguriang integrity:
karangalan dahil buo ang pagkatao
nababakas sa kanya larawan at wangis
ng Lumikha na Siyang pinagmumulan
at pinag-uugatan ng ating katauhan at karangalan.
Sa isang pinuno, ito ang batayan
at ugat ng kanyang pamumuno
buo at hindi wasak, may kaisahan
kanyang iniisip, sinasabi at ginagawa
kaya siya ay buo at mayroon karangalan.
Malalaman natin kung tunay
at hindi huwad ating pinuno
kapag kanyang katauhan
ihalintulad sa punong kahoy
upang matukoy kanyang karangalan.
Malalim ba kanyang pagkakaugat 
sa katotohanan at kabutihan
hindi pumapanig at di mabubuwal
ng kasinungalingan?
Matuwid at matayog ba kanyang
mga pananaw at inaasam,
sinisikap matanawan, masundan
kaliwanagan ng katotohanan at katuwiran?
Nagsasanga hindi ang dila
kungdi mga bisig upang abutin
di lamang langit kungdi iba pang sanga
upang lumabay at liliman sino mang kumakanlong?
Katulad ng puno ng kahoy
ikababagsak o ikatatayog ng
sino mang puno ng sambahayan,
pamayanan, pamahalaan, at simbahan
ay nasa kayang kabuuan o karangalan bilang nilalang.

Bakit nagkaganito buhay natin?

Lawiswis Ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-21 ng Setyembre 2019

Larawan kuha ni G. Chester Ocampo sa Catanduanes, Abril 2019.



Isang gabi pagkaraang magdasal at magnilay
kinailangang pansinin at sagutin
isang nagtext sa akin:
kanyang tanong ay napakalalim
bumaon din sa aking loobin.
Aniya'y, "bakit nagkaganito ang buhay namin?"
isang tanong tumimo sa akin
marahil ilang ulit din sa inyo dumating
nakaka-praning, ang hirap sagutin
bagkus maraming katanungan pa rin.
Ang hirap naman kasi sa atin
kapag maganda buhay natin
dinaraanang landasin ayaw suriin
sa pag-aakalang kasiyahan magpapatuloy pa rin
hindi alintana lahat lilipas din.
Kapag ito ang naitatanong natin
mas malamang mga salarin
ng suliraning kinalalagyan natin
tiyak hanggang ngayon ay mga tulog at lasing pa rin
hindi kayang aminin ni tanggapin kanilang pagkukulang din.
Kaya kung ikaw ay nagtatanong
"bakit nagkanito buhay natin?"
tiyak ikaw ay gising at higit na mapalad pa rin
iyong maaapuhap balang araw dahilan
nitong hantungang hindi para sa atin.
Mga taong nagpapasakit sa atin
kadalasan maraming sugat at sakit na dalahin
sadyang kaawa-awa kung tutuusin
ni hindi nila batid bakit nagkanito buhay natin
sigaw ng kanilang loobin sila'y pansinin at saklolohan natin!
Larawan kuha ni G. Chester Ocampo sa Catanduanes, Abril 2019.

Relasyon, hindi emosyon – 2

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-17 ng Setyembre 2019
Relasyon at ugnayan
hindi emosyon at damdamin
ang sabi natin na pangunahin turo sa atin
ng talinhaga ng alibughang anak.
Kay gandang larawan ng Diyos
ang nakintal sa ating puso't isipan
nang ilahad ng mahabaging ama sa dalawang anak niya
na sila ay iisang pamilya, binibigkis ng buhay na mula sa kanya.
Ano mang kasalanan ay mapapatawad
maging kamatayan ay malalampasan
nitong habag at awa ng Diyos na ibinuhos
kay Kristo Hesus para sa ating mga alibughang anak niya.
Ganyan ang habag at awa ng Diyos bilang Ama
na dumadaloy din mula sa kanyang pagiging ina
nang mawika niya, "hindi kita malilimutan kailanman
katulad ng isang ina sa kanyang anak na mula sa kanyang sinapupunan."
Para sa kanilang kaisipan, 
ang habag at awa ay "hesed" ---
damdaming napaka-lalim gaya ng pag-ibig
nagpapahiwatig ng maka-amang katapatan at pananalig.
Nagmumula ito sa sinapupunan o "raham" ---
yaong matris ng kababaihan na siyang kanlungan
ng simula ng buhay, lundo ng katuwaan pagsapit ng kagampan
kapag napawi mga agam-agam, pagsilang ng bagong buhay.
Kapag umiiral habag at awa sa ating buhay
doon tayo buong-buo sa pagkatao
nagiging ganap at banal tulad ng Diyos
puno ng buhay at pagmamahal.
Kaya't kapag mga patayan ay naglipana
at pagkitil sa buhay ang nakikitang paraan
upang lunasan maraming kasalanan at kasamaan
nasisira ating kapatiran, di maglalaon, tayo ang mababaon.