Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-17 ng Setyembre 2019
Relasyon at ugnayan hindi emosyon at damdamin ang sabi natin na pangunahin turo sa atin ng talinhaga ng alibughang anak.
Kay gandang larawan ng Diyos ang nakintal sa ating puso't isipan nang ilahad ng mahabaging ama sa dalawang anak niya na sila ay iisang pamilya, binibigkis ng buhay na mula sa kanya.
Ano mang kasalanan ay mapapatawad maging kamatayan ay malalampasan nitong habag at awa ng Diyos na ibinuhos kay Kristo Hesus para sa ating mga alibughang anak niya.
Ganyan ang habag at awa ng Diyos bilang Ama na dumadaloy din mula sa kanyang pagiging ina nang mawika niya, "hindi kita malilimutan kailanman katulad ng isang ina sa kanyang anak na mula sa kanyang sinapupunan."
Para sa kanilang kaisipan, ang habag at awa ay "hesed" --- damdaming napaka-lalim gaya ng pag-ibig nagpapahiwatig ng maka-amang katapatan at pananalig.
Nagmumula ito sa sinapupunan o "raham" --- yaong matris ng kababaihan na siyang kanlungan ng simula ng buhay, lundo ng katuwaan pagsapit ng kagampan kapag napawi mga agam-agam, pagsilang ng bagong buhay.
Kapag umiiral habag at awa sa ating buhay doon tayo buong-buo sa pagkatao nagiging ganap at banal tulad ng Diyos puno ng buhay at pagmamahal.
Kaya't kapag mga patayan ay naglipana at pagkitil sa buhay ang nakikitang paraan upang lunasan maraming kasalanan at kasamaan nasisira ating kapatiran, di maglalaon, tayo ang mababaon.