Lawiswis Ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-24 ng Agosto 2020
Larawan kuha ng may-akda sa Pulilan, Bulacan, Enero 2020.
Ang sabi nila
buhay ay parang isang pelikula
tayong lahat ang bida at artista;
kaya lalo nang malaking pelikula
at tiyak patok sa takilya
pelikula ng ating republika!
Siyempre, lahat ay pabida
gusto umeksena
hindi lang sa Palasyo at Kongreso
pati na rin sa mga paseo basta matao.
Ang nakakatawa pero bumebenta
lalo na sa mga tanga
mga artista nagpipilit sa pulitika
mga pulitiko umaarte, nagpapabebe!
Dating pelikula ng ating republika
makasaysayan at makahulugan
maituturing na isang sining
nababanaagan maningning na liwanag
katulad din ng pinilakang tabing
kapupulutan ng mga ginintuang aral
mga talastasan at eksena
mula sa mga aninong gumagalaw;
nang magdeklara ng Martial Law
nagsimula rin ang kasalaulaan
ng pamahalaan maging sa sinehan
kung saan mga hubad na katawan
pinagpipistahan, kunwari'y film festival
ang totoo ay karnabal.
Nagwakas din at nagsara ang tabing
ng malagim na yugto ng kasaysayan natin
bagong simula ang dokyu ng EDSA
kinalaunan naging trahedya
pelikula ng republika, naging telenovela at komedya
nang maupo tunay na artista ng masa,
nagreyna sa media at chika
puro artista, kaya dumagsa na rin sila
naging zarzuela pelikula ng ating republika
naglabo-labo at moro-moro, gumulo nang gumulo
kaya heto tayo horror na nakakatakot
nakapangingilabot kadiliman
at kasamaang bumabalot parang bangungot
hugot sa isang eksena ng pelikula na sana'y matapos na.
Ngunit kung titingnan
mga pelikulang horror walang laman
puro kabobohan at katangahan
dinaraan lang sa gulatan
hanggang maging katatawanan.
Hindi ba't ganyang-ganyan
ating lipunan at pamahalaan
isang malaking pelikulang katatakutan
na puro kabalastugan at kahangalan?
Kaya aking payong kaibigan,
sa susunod na halalan
tanggihan, huwag nang pagbigyan
mga artista sa pulitika,
mga pulitiko na payaso!
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-30 ng Hulyo, 2020
Hindi normal sa gitna nitong pandemya
mayroong mga nagpapasasa sa kayamanan
at luho sa katawan habang karamihan
naghihikahos at pilit idinaraos bawat araw
maski mamalimos dahil kabuhayan nila ay naubos.
Hindi normal sa gitna nitong pandemya
nakukuha ng iba na matuwa at magsaya
kapag mga kumpanya ay naipasara o nagsara
gayong ito ang panahon kay hirap kumita
di nila alintana pighati at dalamhati ng masawi.
Hindi normal sa gitna nitong pandemya
sariling kapakanan inaatupag ng mga congressman
lahat ng panggugulang at kabalastugan
naiisipan habang buong bayan nahihirapan
ni walang masakyan sa pupuntahan at uuwian.
Hindi normal sa gitna nitong pandemya
na daanin sa biro at masasakit na salita
patutsada laban sa kapwa maging maralita
na bantad sa banta ng gutom at kamatayan
simula umaga hanggang makatulugan na lang..
Hindi normal sa gitna nitong pandemya
kawalan ng katarungan kung saan
ang mga makapangyarihan di kakitaan ng
kabutihan at pagka-uliran sa pagsunod sa mga
patakaran habang mga nasasakupan pinarurusahan.
Hindi normal kahit walang pandemya
ano pa mang katuwiran sabihin ninuman
ito ang panahon ng new normal dahil hindi
kailanman nababago ang normal
na siyang pamantayan ng kalakaran.
Kaya inyo nang tigilan
pagturing sa umiiral na takbo ng buhay
sa gitna ng pandemya bilang "new normal"
dahil ang karamihan kailanman
ay hindi pa man naranasan tinuturing nating
normal na pamumuhay;
sa tuwing ating ginigiit itong "new normal"
lalo nang nababaon, nagigipit at naiipit mga maliliit.
Baguhin mga pananaw at kaisipan
ng umiiral na sitwasyon upang mapabuti
kalagayan ng mga kinalimutan ng lipunan
ngayon natagpuan kanilang dangal at kahalagahan.
Huwag nating hintaying dumating ang panahon
masahol pa sa sinapit natin ngayon
na kung kailan sadyang kakalusin ang salop
na ating napuno ng kalabisan
ng kawalan natin ng pakialam sa mga maling umiiral
sa ating lipunan at pamahalaan, simbahan at pamayanan
lalot higit sa ating tahanan at puso't kalooban.
*Mga larawan sa itaas ay mula kay G. Raffy Tima ng GMA-7 News maliban sa una at huling larawan na mula sa GMA News.
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-16 ng Hunyo 2020
Larawan kuha ng may-akda sa Pulilan, Bulacan, Enero 2020.
Minsan aking napanaginipan
matalik kong kaibigan
aming binalikan
mga bukid aming nilakaran
noong aming kabataan;
nagtungo rin kami sa simbahan
doon sa kabayanan
at umistambay pagkaraan
para magkuwentuhan sa Krus na Daan.
Hiniling ko sa kanya
ako'y isama sa kanyang bahay-pahingahan
doon sa bukid ngunit tinanggihan
pinauwi at binilinan tulungan
maraming nangangailangan
lalo na aming mga kaibigan.
Sa aking pagtayo at paghayo
siyang gising ko naman
at natanto
matagal nang yumao
kaibigan ko.
Larawan kuha ng may-akda sa Assumption Sabbath, Baguio City, Enero 2018.
Maliwanag sa akin
kahulugan ng napanaginipan
dahil kung minsan
ako ay nahihirapan at nabibigatan
sa mga pasan-pasan
at tila naman walang ibang maasahan
bukod sa wala ring pakialam
kaya di maiwasan mag-asam
na mawala na lamang
at sumakabilang buhay.
Ngunit hindi iyon ang solusyon
hindi rin kalooban ng Panginoon
na mayroong nilalayon
dapat nating bigyan ng tuon;
mga hirap at pagod
konsumisyon at ilusyon
bahagi ng ating misyon
bigay at dinadalisay ng Panginoon
kaya't magtiyaga, Siya ay ating abangan
at tiyak matatagpuan, Kanyang tutulungan.
“Screenshot” ng palad ng isang mag-aaral sa Dr. Yanga’s Colleges Inc. na nagsulat ng mga aral napakinggan niya kay G. Michael Yanga, Pangulo ng naturang paaralan, 2019.
Madalas tayo ang nagtatanong
sa Panginoon ng direksiyon
ngunit paano kung Siya mismo
sa atin naman ang magtanong
sa kalagitnaan ng ating misyon
"Bakit ka narito?" gaya noong
paghintayin Niya si Elias sa yungib ng Horeb
matapos Siyang mangusap
sa banayad na tinig ng hangin;
kay sarap namnamin at damhin
dahil tuwing tayo tatanungin
nitong Panginoon natin,
ibig sabihin Siya ay ating kapiling!
Ano man iyong gampanin
ngayong quarantine ay pagyamanin
palaging unahin na ang Diyos ay hintayin
dahil tiyak na Siya ay darating
hanggang matapos itong COVID-19
pangako Niyang kaligtasan at kaganapan
Kanyang tutuparin!
Lawiswis Ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, ika-07 ng Abril 2020
Minsan sa aking pananalangin sa takip-silim
hindi kaagad namalayan sa gitna ng dilim
nakamasid pala sa akin
si Kristong nakabitin nang
sa krus namatay para sa atin.
Nang siya ay aking tingalain
ako'y namangha sa tanawin
sa kanyang mga anino
sa akin ay nagpapaalala
huwag mangamba, kasama siya tuwina.
Noong mga bata pa tayo
itong ating mga anino
ang siyang lagi nating kalaro
dahil lagi tayong sinasabayan
kailanman hindi tayo iniwan.
Kaya naman nang aking pagmasdan
larawan nina San Juan at Birheng Mahal
sa magkabilang pagitan ng krus na pinagpakuan
ni Hesus na ating katubusan
kakaiba ang aking naramdaman:
Katiyakang hindi iiwanan
kapag ako'y laging nasa kanyang paanan
nananalangin, nananampalataya
handa na siya ay tularan at sundan
lahat ay iwanan alang-alang sa pagkakaibigan.
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-17 ng Enero 2020
Larawan mula sa Inquirer.net, 12 Enero 2019
Lahat ay nagimbal
nang pumutok bulkan ng Taal:
nagdarasal, nagninilay
kahulugan at mga aral
na sa atin sana'y gumabay.
Isang katiyakang ating mapananaligan
hindi kaparusahan pagsabog ng bulkan
na batay sa kaayusang tinakda
noon pa man nitong kalikasan
sa karunungan ng Poong Maykapal.
Gayon pa man,
mahalaga nating mapaglimi-limihan
kung ano baga mga aral
sa atin ay inuusal nitong
pagsabog ng bulkang Taal.
Larawan ay kuha ni G. Raffy Tima ng GMA-7 News, 12 Enero 2020.
Una kong napagtanto
laganap na pagkalat ng abo
mula nang pumutok ang Taal
upang ipaala-ala sa ating mga tao
ating pinagmulan at hahantungan.
Iyon nga lang
sa inyong pakundangan
bakit nga ba yaring mga kinauukulan
pati na rin sambayanan
tila baga mga isipan walang laman kungdi abo lamang?
Kanya-kanyang bidahan kinabukasan
mayroong ibig magpaulan upang abo ay mahugasan
habang isa pang kasamahang hunghang sa batasan
nagmungkahing imbestigahan diumano'y
kapabayaan ng mga nagbabantay sa bulkan.
Natuyot nang islang kinaroonan ng bulkang Taal. Larawan ay kuha ni G. Raffy Tima ng GMA-7 News, 15 Enero 2020.
Iyan unang aral ng bulkang Taal:
huwag nang ihalal mga upisyal na hangal
na walang ibang kayang gawin kungdi
samsamin kaban ng bayan at palitan
pangalan ng mga lansangan.
Ngayon ibig nilang pakialaman
gawain ng mga nasa agham
matapos pabayaan at bawasan
pondong kinakailangan
sakaling mayroong mga di inaasahang kalamidad.
Mas makakapal pa sila sa abo ng Taal
masangsang pa kanilang amoy sa asupre
mga salot ng lipunan, mga upisyal na walang pakialam
maliban dilaan sino mang nasa Malakanyang
na lihis din takbo ng isipan kahit may kaguluhan.
Mapayapang tanawin ng Taal bagama’t umuusok pa rin. Larawan kuha ni G. Raffy Tima ng GMA-7 News, 17 Enero 2020.
Larawan ng kagandahan at kaayusan
sa kanyang katahimikan itong bulkan
sa loob ng lawa ng Taal na ngayo'y
kay hirap na ring masilayaan
dahil sa mga gusaling nagtataasan sa daanan ng Tagaytay.
Marahil isang hinaing
at pinag-aalburoto ng Taal
ating kawalang galang sa kanya
sampu ng buong kalikasan
na ating winawasak at sinalaula.
Gayon din mga nagkabitak-bitak
na lupa waring nagsasaad
malaon nang mga pitak
sa ating mga kapatiran
maging kaisahan sa Inang Kalikasan.
Kung sakali mang
puputok at sasabog ng tuluyan
yaring bulkan ng Taal
nawa'y walang mapahamak sino man
ngunit aral niya ating matutuhan at matandaan.
Lawiswis Ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-21 ng Setyembre 2019
Larawan kuha ni G. Chester Ocampo sa Catanduanes, Abril 2019.
Isang gabi pagkaraang magdasal at magnilay kinailangang pansinin at sagutin isang nagtext sa akin: kanyang tanong ay napakalalim bumaon din sa aking loobin.
Aniya'y, "bakit nagkaganito ang buhay namin?" isang tanong tumimo sa akin marahil ilang ulit din sa inyo dumating nakaka-praning, ang hirap sagutin bagkus maraming katanungan pa rin.
Ang hirap naman kasi sa atin kapag maganda buhay natin dinaraanang landasin ayaw suriin sa pag-aakalang kasiyahan magpapatuloy pa rin hindi alintana lahat lilipas din.
Kapag ito ang naitatanong natin mas malamang mga salarin ng suliraning kinalalagyan natin tiyak hanggang ngayon ay mga tulog at lasing pa rin hindi kayang aminin ni tanggapin kanilang pagkukulang din.
Kaya kung ikaw ay nagtatanong "bakit nagkanito buhay natin?" tiyak ikaw ay gising at higit na mapalad pa rin iyong maaapuhap balang araw dahilan nitong hantungang hindi para sa atin.
Mga taong nagpapasakit sa atin kadalasan maraming sugat at sakit na dalahin sadyang kaawa-awa kung tutuusin ni hindi nila batid bakit nagkanito buhay natin sigaw ng kanilang loobin sila'y pansinin at saklolohan natin!
Larawan kuha ni G. Chester Ocampo sa Catanduanes, Abril 2019.
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, ika-01 ng Abril 2019
Sisihin aking mapaglarong isipan Dahil panahon ng halalan Paano nga kaya kung minsan Mabaligtad naman takbo nitong kwentuhan?
Mayroong magkakapatid Ang ama nila ay hindi maintindihan Hindi nila maramdaman Kung sila'y ganan niya na sobrang yabang.
Wala siyang hindi pinapatulan maging kababaihan man Dinaraan sa mararahas na usapan Pero kung maiipit sa mga salitang binitiwan Sasabihin niya na ang lahat ay biruan at kunwari lamang.
Humingi ng paumanhin nang murahin Santo Papa natin Ngunit nang ang Diyos ang kanyang lapastanganin Hindi na mailihim kanyang tililing at pagka halimaw na rin Nang ang lahat ay ibig patayin maging mga alagad ng Simbahan natin.
Kaibayo pagkakaiba niya sa lahat ng ama Na sa halip buhayin, lahat ay ibig niyang tokhangin Masasamang loob at mga makasalanan sa kanya ay walang kabuluhan Hindi niya alintana kanilang kahirapan dahilan ng kawalanghiyaan.
Sa talinghaga nagdalita ang alibughang anak Nagtika sa malaking pagkakasala saka nagbalik-loob; Kumpara sa ating nararanasan, matatagalan pa pagsadsad sa kailaliman Kaya kahambugan at kasinungalingan hindi matitigilan.
Mas mahirap pala kung ama ang siyang alibugha Dahil higit sa lahat bago maging ama ang sino man Kailangan siya muna kakitaan di lamang ng kahusayan at kagalingan Kungdi higit sa lahat ng kabutihan at katinuan.
Kung paano naluklok ang isang alibughang ama Madaling malalaman bagama't walang pupuntahan ating sisihan Mabuti pa'y tingnan ating kalooban sa sinapit nating kalagayan Di kaya dahil tayong mga anak ay alibughang puno ng pagkukulang?
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, ika-25 ng Marso 2019
Larawan mula sa Google.
Minsan ako'y nainip Walang maisip kaya nanaginip Sa pagbabaka-sakaling makamit Sari-saring mithi maging pagngingitngit.
Sa gitna ng aking mga lakbay-diwa Aking nabatid malaking pagkakaiba Nitong panaginip at pangarap Na tila baga ay iisa.
Kapag nananaginip Madalas isipa'y nasa himpapawirin Bahala na kung saan makarating Basta masiyahan kalooban natin.
Napakadaling managinip Dahil mga mata lamang ay ipipikit At dagliang sasagitsit Mga pantasyang katha ng isip.
Ang taong nangangarap o yaong may pangarap Malalim kanyang nilalayon at hinahangad sa hinaharap Inaapuhap kung paanong matutupad Kaganapan ng pangarap sa kinabukasan.
Sino mang nangangarap o basta mayroong pangarap Kanyang diwa ay tiyak na matalas Mga mata'y laging nakadilat at gising Handang abutin at tamuhin mga tanawing siya lamang nakatingin.
Nasasalamin sa buhay natin kung tutuusin Ang mas hilig gawin natin: Ang managinip at magising O mangarap at tupdin misyon natin.
Takip-silim sa Sabbath Reteat House ng mga madre ng Assumption, Baguio. Larawan ng may akda, Enero 2019. Ano ang pipiliin, m,anaginip o mangarap?