Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-17 ng Enero 2020

Lahat ay nagimbal nang pumutok bulkan ng Taal: nagdarasal, nagninilay kahulugan at mga aral na sa atin sana'y gumabay.
Isang katiyakang ating mapananaligan hindi kaparusahan pagsabog ng bulkan na batay sa kaayusang tinakda noon pa man nitong kalikasan sa karunungan ng Poong Maykapal.
Gayon pa man, mahalaga nating mapaglimi-limihan kung ano baga mga aral sa atin ay inuusal nitong pagsabog ng bulkang Taal.

Una kong napagtanto laganap na pagkalat ng abo mula nang pumutok ang Taal upang ipaala-ala sa ating mga tao ating pinagmulan at hahantungan.
Iyon nga lang sa inyong pakundangan bakit nga ba yaring mga kinauukulan pati na rin sambayanan tila baga mga isipan walang laman kungdi abo lamang?
Kanya-kanyang bidahan kinabukasan mayroong ibig magpaulan upang abo ay mahugasan habang isa pang kasamahang hunghang sa batasan nagmungkahing imbestigahan diumano'y kapabayaan ng mga nagbabantay sa bulkan.

Iyan unang aral ng bulkang Taal: huwag nang ihalal mga upisyal na hangal na walang ibang kayang gawin kungdi samsamin kaban ng bayan at palitan pangalan ng mga lansangan.
Ngayon ibig nilang pakialaman gawain ng mga nasa agham matapos pabayaan at bawasan pondong kinakailangan sakaling mayroong mga di inaasahang kalamidad.
Mas makakapal pa sila sa abo ng Taal masangsang pa kanilang amoy sa asupre mga salot ng lipunan, mga upisyal na walang pakialam maliban dilaan sino mang nasa Malakanyang na lihis din takbo ng isipan kahit may kaguluhan.

Larawan ng kagandahan at kaayusan sa kanyang katahimikan itong bulkan sa loob ng lawa ng Taal na ngayo'y kay hirap na ring masilayaan dahil sa mga gusaling nagtataasan sa daanan ng Tagaytay.
Marahil isang hinaing at pinag-aalburoto ng Taal ating kawalang galang sa kanya sampu ng buong kalikasan na ating winawasak at sinalaula.
Gayon din mga nagkabitak-bitak na lupa waring nagsasaad malaon nang mga pitak sa ating mga kapatiran maging kaisahan sa Inang Kalikasan.
Kung sakali mang puputok at sasabog ng tuluyan yaring bulkan ng Taal nawa'y walang mapahamak sino man ngunit aral niya ating matutuhan at matandaan.