Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-25 ng Disyembre 2020
Larawan kuha ni G. Marc Angelo Nicolas Carpio, Pasko 2020 sa aming parokya.
Pasko na naman.
Yan palaging sambit ng karamihan
minsan hindi maintindihan
palaging inaabangan
pero kapag nariyan na
parang tinatabangan
inaayawan
maski kinaiinisan.
Kapag natutuwa, nakangiti mga labi sabay sabi, "(Yehey!) Pasko na namann!!!" Pero kung nagagalit, mata'y nanglilisik: "Pasko na naman!?!" Kapag nagtataka, nagugulat, mabilis pagbigkas, sa dulo umiigkas "Pasko na naman???" At kung walang pakialam, malamlam mukha, halos ibulong "Pasko na naman."
Larawan kuha ni G. Marc Angelo Nicolas Carpio, Pasko 2020 sa aming parokya.
Iisang pangungusap
nababago dating
kung saan ang diin
kung bigkasin
batay sa damdamin
nababago ibig sabihin
ngunit kahulagan
at aral nananatili pa rin.
Hindi maililihim sa likod ng mga katagang "na naman" nararamdaman panghihinayang, pagsisi tila mayroong gustong aminin; ang iba naman pilit walang kibit dahil sa sakit at pait na sinapit kunwa'y walang pakialam Pasko kinakalimutan.
Larawan kuha ni G. Marc Angelo Nicolas Carpio, Pasko 2020 sa aming parokya.
Pasko ay higit pa sa petsa
pera, damit at mga regalo
magarbong pagsasalo-salo;
Pasko ay pagparito sa mundo
ng Diyos na nagkatawang-tao
pangalan ay Jesu-Kristo
upang iligtas tayo
mahango sa pagkakasala.
Mababago pagbigkas pagbati ng "Maligayang Pasko" ngunit kahulugan mananatili magpakailanman ang pag-ibig na walang hanggan ng Diyos na atin unang nagmahal gumawa ng paraan kaya sumilang sa sabsaban sa ilalim ng malaking kadiliman Kanyang Anak upang tayo samahan, damayan!
Larawan kuha ni G. Marc Angelo Nicolas Carpio, Pasko 2020 sa aming parokya.
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-07 ng Disyembre 2020
Larawan kuha ni Bb. Jonna S. De Guzman, Parokya ni San Juan Apostol at Ebanghelista, Bagbaguin, Santa Maria, Bulacan (05 Disyembre 2020).
(Una itong nilathala ika-28 ng Nobyembre 2018 at ngayon ay isina-ayos kaugnay ng mga nangyayari tulad ng COVID-19.)
Bakit nga ba tayo sabik sa Pasko,
ano ating inaabangan
at palagi tayong mayroong countdown?
Kung ang Pasko ay isang petsa lang,
bakit hindi na lang tayo magbilangan
Bagong Taon pa lamang?
Balikan ating mga karanasan
ng mga Paskong nagdaan, paano tayo natigilan
Kapag nagkaubusan ng pagkai’t mga pamaskong pinaghandaan.
Ito nga lang ba ang dahilan at kahulugan ng Kapaskuhan?
Lahat ng kaabalahanan at kapaguran sa paghihintay
Di malaman kung napasaan?
Diwa ng Pasko, sa puso sumisilang
araw-araw itong maipagdiriwang
pananahan ni Hesus sa ating kalooban.
Ang Pasko ay isang kaganapan
nang ang Diyos ay makialam
sa ating mga kaguluhan:
Kanyang pinunan
ating kakulangan
Binigyang saysay
buhay nating walang kabuluhan
upang tayong sinilang sa kasalanan,
magkaroon ng kabanalan.
Sa panahong ito ng pandemya
maraming problema
sana ating makita
sumapit ang Pasko
sa panahong magulo din
balot ng kadiliman
buong kapaligiran.
Si Hesus
wala na sa sabsaban
kungdi naroon sa ating puso
at kalooban na siyang pinagmumulan
ng bawat kaguluhan;
Mamuhay tayo’ng lagi sa Kanyang kapanatilihan
Upang ngayon pa lamang ay maranasan hatid Niyang kagalakan
Kesa ito’y abangan at malibang sa pagbibilang ng petsa at buwan.
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-01 ng Disyembre 2020
Larawan kuha ng may-akda, Unang Linggo ng Adbiyento, 29 Nobyembre 2020.
Tuloy pa rin ang Pasko
sa gitna ng COVID-19
maski na kaunti
at mahina
taginting ng mga kaha
dahil walang regalong
iintindihin
bibilhin o sale na susugurin;
simbahan sana ang tunguhin
upang manalangin
at linisin
puso at kalooban
para kay Kristong
darating.
Tuloy pa rin ang Pasko
sa gitna ng COVID-19
at sana'y wala nang umawit
ng mga huwad na caroling
na paksa ay pag-ibig
na sinungaling
puro lamang damdamin;
nang si Kristo ay dumating
ipinadama Niya sa atin
tunay na pag-ibig
handang hubarin
at limutin ang sarili
upang maging katulad
at samahan maski mahirap mahalin.
Larawan kuha ng mga may-akda, Unang Linggo ng Adbiyento, 29 Nobyembre 2020.
Tuloy pa rin ang Pasko
sa gitna ng COVID-19
kahit kakaunti
ang pagkaing nakahain
sa mesa ng noche buena;
mas masarap pa sa quezo de bola
ating mga kuwento at alaala
ng mga pinagsamahan
sa nakaraan
na nagpapalakas
nagpapatibay
sa ating buhay
na siyang ating gabay
patungo sa bukang liwayway.
Tuloy pa rin ang Pasko
sa gitna ng COVID-19
mayroon mang quarantine
at social distancing;
ang mahalaga'y
patawarin nagkasala sa atin,
alisin na mga tampo
hinanakit, pait at galit
pati na pakla at asim
sa bibig at damdamin
upang malasap muli
at namnamin
sarap ng kahulugan
nitong buhay natin!
Tuloy pa rin ang Pasko
ngayong COVID-19
balot man ng kadiliman
itong ating buhay
katulad ng gabing kulimlim
mas maliwanag mga bituwin
nagniningning, parang nakangiti
sa ati'y nakatingin;
sa tuwing puso at kalooban
ay ating binubuksan
upang mahalin at paglingkuran
kapwa nangangailangan
Panginoong Hesus ay sumisilang,
Pasko ay tunay na ipinagdiriwang
kaligtasan nararanasan
lahat ng hirap nalalampasan
Diyos sa ati'y nananahan
tayo ang kanyang sabsaban
pagkain pinagsasaluhan
tungo sa buhay na walang hanggan.
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-20 ng Nobyembre 2020
Larawan kuha ng may-akda, 2019.
Labing-tatlong taon na akong pari nang ako ay maging kura paroko sa unang pagkakataon dito sa Parokya ni San Juan Apostol at Ebanghelista sa Bagbaguin, Santa Maria, Bulacan noong 2011. Dapat sana’y anim na taon lamang ang aking panunungkulan nguni’t dahil sa maraming pangayari na ang pinakahuli ay COVID-19, halos abutin na ako ng sampung taon dito hanggang sa paglilipatan sa 2021.
Wala akong pinagsisihan at pinanghihinayangan sapagkat tunay napagyaman ang aking pagkatao at pagkapari sa parokyang ito sa loob ng siyam na taon. At maipagmamalaki ko na maganda at mabuti ang parokyang ito sapagka’t kumbinsido ako na bawat parokya bilang bayan ng Diyos ay biyaya ng Diyos.
Unang aral sa parokya:
pangalawa sa Diyos ay mahalin
at pagmalasakitan ng mga tao kanilang parokya.
Wala akong mga karanasan at kaalaman sa buhay parokya bilang pari nang dumating dito nguni’t unti-unti sa pananalangin at pagninilay, aking natutuhan ang maraming bagay. Una na rito ang tungkulin ng mga tao pangalawa sa pag-ibig at katapatan sa Diyos ay ang pagmamahal at malasakit sa kanilang parokya na kinabibilangan.
Ang mga pari ay dumarating at umaalis, palipat-lipat ng mga parokya nguni’t ang mga tao ang naiiwan at nananatili sa kanilang parokya. Kaya dapat lamang sila ang higit na bigyan pahalagahan sa ano mang usapin ukol sa kanilang katipunan bilang mga alagad ng Panginoon.
Kaya naman tungkuling din naming mga kura paroko na unang ituro sa mga tao ang pagmamahal at pagmamalasakit nila sa kailang sariling parokya, lalo’t higit sa kanilang patron at mga kaugalian kung ang mga ito naman ay tunay na naunawaan at nasa katuwiran.
Isinasaad sa Vatican II lalo’t higit sa “Gaudium et Spes” ang pangangalaga sa kalinangan ng bawat lunan sapagkat doon nangungusap at naramdaman ng mga tao ang pagparito ng Panginoong Hesu-Kristo.
Malaking trahedya kapag nakalimutan ang mayamang kasaysayan at mga tradisyon ng isang bayan alang-alang sa mga kung anu-anong naiisipang gimik at kaartehan gaya ng sari-saring debosyon na umuusbong na wala namang pinag-ugatan sa karanasan ng mga tao.
Maliwanag wala doon ang Panginoong Diyos na palaging nagpapakilala sa isang pamayanan, hindi lamang sa iilan lalo na kung ito ang nagiging sanhi ng pagkakawatak-watak sa halip na kaisahan.
Larawan kuha ng may-akda, Marso 2020.
Ang ating Patron ng Parokya,
gabay sa buhay dito sa lupa
hanggang sa kabila.
Isang bagay na nagpatingkad nito sa akin ang sariling karanasan ng aking Lola Cedeng na tiyahin ng aking Ina. Siya ang kauna-unahang may-sakit na aking dinasalan at pinahiran ng Banal na Langis matapos mag-comatose ilang linggo pagkaraan ng aking ordenasyon noong Abril 1998.
Akala noon ng aking Ina at kanyang mga kapatid ay magtutuluy-tuloy na sa kamatayan ang Lola Cedeng kaya dagli nilang inihanda lahat ng gagamitin sa libing – damit, kabaong, sementeryo nguni’t gaya ng kasabihan, humahaba pa raw ang buhay ng may sakit kapag pinaghahandaan kanyang kamatayan.
Pagkaraan nga ng isang linggo ay nagkamalay ang Lola Cedeng at tumagal pa ang buhay ng limang taon!
Dagli ko siyang dinalaw at ang unang hiniling niya sa akin ay ipanalangin siya kay San Martin ng Tours, ang patron namin sa bayan ng Bukawe (dalawa lang kaming bayan sa Pilipinas na ang patron ay si San Martin ng Tours;Taal sa Batangas ang isa pa na mas nauna).
At ito ang dahilan ng kanyang kahilingan: isinaysay sa akin ni Lola Cedeng kung paano sa kanyang NDE o “near death experience” habang naglalakad sa madilim na kalsada nang kanyang makita na dumarating si San Martin ng Tours nakasakay ng kabayo.
Sinabi raw sa kanya ni San Martin, “Cedeng… bumalik ka na sa Bunlo (ang aming baranggay). Nagkamali lamang at hindi mo pa oras,” aniya.
Pagkasabi daw niyon ay kaagad tumalikod si San Martin at umalis habang siya naman daw ay natigilan, iniisip paano siya nakilala ni San Martin?
Maya maya daw ay bumalik si San Martin at tinanong niya, “Hindi po ba kayo si San Martin ng Tours? Paano po ninyo ako nakilala at nalaman aking pangalan at tirahan?”
“Paanong hindi kita makikilala Cedeng,” paliwanag daw sa kanya ni San Martin, “hindi ba’t palagi kang nagsisimba sa Bukawe tuwing pista ng Mahal na Krus sa Wawa at sa akin tuwing Nobyembre onse? Sigue, umuwi ka na.”
Noon din daw ay natuwa ang aking Lola Cedeng, tumalikod at nagulat na lamang siya paano siya napunta sa Mt. Carmel Hospital!
Larawan mula sa Facebook ng Parokya ni San Martin ng Tours, Bocaue, Bulacan.
Naniniwala ako sa kuwento ng aking Lola Cedeng dahil pagkalipas ng limang taon, pagkaraan ng kanyang kaarawan noong ika-29 ng Hunyo 2003 bago sumapit ang Pista ng Krus sa Wawa noong ika-03 ng Hulyo ng taong iyon, siya ay aking dinalaw at mismong sa harap ko nalagutan ng hininga at pumanaw.
Habang hinihintay ko aking mga tiyo at tiya na tumawag ng duktor, kaagad ako nag-alay ng Misa sa tabi niya.
Pagkaraan pa ng ilang panahon mula noon nang aking mapagtanto mga kahulugan niyon, na kung paano si San Martin ng Tours ang gumabay sa aking Lola Cedeng habang nabubuhay, siya marahil din ang umalalay sa isang Bukaweñong tunay patungo sa buhay na walang hanggan.
Iyan ang kahalagahan ng mga Patron natin sa parokya. Sila ang ating mga tagapamagitan sa Diyos. Sila ang ating mga gabay at patnubay sa buhay hanggang kamatayan.
Kung saan marubdob ang pagmamahal at malasakit sa patron ng parokya, palaging buhay ang pananampalataya. Sino mang pari mapunta roon sa kabila ng kanilang maraming kapintasan maging kakulangan, palaging buhay ang parokya sapagkat sila’y nakasandig sa Diyos at hindi sa kung sinu-sinong tao lamang.
Gayon din naman, wala sa mga gusaling bato at kung anu-anong gawain matatagpuan ang buhay ng parokya kungdi sa buhay na pamimintuho sa patron nila na nagbubuklod sa kanila bilang isang bayan ng Diyos, mga alagad ni Kristo na nagmamahal at nagmamalasakit sa bawat isa.
Sa panahong ito ng pandemya, nawa higit nating makita wala sa karangyaan at luho ng simbahan at mga pagdiriwang ang diwa ng parokya kungdi sa pagiging payak at bukas palagi sa galaw ng Banal na Espiritu patungo sa higit na makabuluhang katipunan ng mga alagad ni Kristo. Amen.
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-20 ng Nobyembre 2020
“Ecce Homo” ni Murillo, mula sa wikipediacommons.com.
"Utos ng hari
hindi mababali!"
Iyan ang kasabihang
ating kinalakhan
tumutukoy sa kapangyarihan
ng sino mang naghahari
o naghahari-harian
sa lansangan o tahanan
tanggapan at paaralan
maging sa simbahan
kung saan ang pari ---
O kay laking sawi!---
para ding hari...
Bawat utos,
ano man magustuhan
hindi maaring ipagpaliban,
ipagpipilitan upang makamtan;
parurusahan sino man
lumiban sa utos
na batas ang katumbas!
Nguni't
ito nga ba ang tamang gawi
ng sino mang hari
na ituring kanyang pag-aari
parang mga aliping nagapi
kanyang nasasakupan
at pinaghaharian?
Masdan
mga salitang binitiwan
ng Hari ng mga hari
at ating Dakilang Pari:
"Ito ang dahilan
kung bakit ako ipinanganak
at naparito sa sanlibutan:
upang magsalita
ng katotohanan"
na "ang Diyos ay pag-ibig"
naparito "upang maglingkod
hindi upang paglingkuran".
Iyan sana ating tandaan
katangian
ni Kristo Hesus
Hari ng sanlibutan
SINUSUNOD
hindi NASUSUNOD,
sinusundan, tinutularan
sa kanyang kabutihan.
Kaya kung si Hesus
nga ang ating Hari
Siya ang ating tularan
sa pagmamahal at kabutihan
huwag sirain yaring kaisahan sa sangkatauhan
dahil ano man gawin o ipagkait sa maliliit
siyang Kanyang pagsusulit sa pagbabalik!
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-18 ng Nobyembre 2020
Larawan kuha ni G. Jim Marpa, 2019.
"Walang kuwenta"
madalas masambit ng matatanda
sa maraming bagay noong araw
panahon pa ni Kopong-Kopong
kung sino man iyon...
"Walang kuwenta"
ay walang suma,
walang halaga,
walang kabuluhan
kaya hindi na binibilang.
Nguni't kung ating
tutuusin
lahat sa buhay natin
ay mahalaga kaya
mayroong kuwenta ang bawat isa.
Walang
walang kuwenta
sa mundong ito
dahil sa kahuli-hulihan
ang lahat ay kukuwentahin
upang tingnan
kung tayo ay sapat o
kulang sa timbang
batay sa ipinagkatiwala
ng Diyos na biyaya sa atin.
Hindi mahalaga kung
marami o kakaunti
binigay Niya sa atin
dahil iisa pa rin
ang pagsusuma
na Kanyang gagawin:
naging tapat ba tayo
sa atas Niyang gampanin
palaguin, pagyamanin
kaloob Niyang bigay sa atin?
Mapalad
ang aliping tapat,
pinagyaman, pinalago
kanyang buhay at talento
sa langit kanyang makakapiling
itong Panginoon natin!
Ngunit sa aba
na sinayang ang lahat
sa paghuhukom
siya ay titimbangin
at kung kukulangin
magngangalit mga ngipin
sa walang hanggang apoy
siya susunugin.
Pagyamanin
biyaya sa atin
ng Panginoong butihin
na siyang puhunan
din natin
sa buhay pang darating!
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, 10 Nobyembre 2020
Larawan kuha ng may-akda, Kuwaresma 2019.
Ang problema sa mabait -
hindi iyong daga at mga bubwit -
kungdi mga tao nating pinipilit
ituring na mabubuti
pinupuring lagi
dahil lahat sa kanila ay maaari:
lahat pinapayagan, pinalalampas
kahit malayo sa katuwiran.
Laging tandaan malaking kaibhan
ng mabuti sa mabait
dahil mas malamang ang mabait
hindi makatarungan
hindi patas tumingin,
kung tumimbang
palaging kulang.
Ang problema sa "mabait"
ayaw makapanakit
damdami't isipan
kaya hinahayaan
mga kalabisan,
sinasabing pagbigyan
mga panlalamang
nakakalimutan
ang katarungan;
ibig nila sila'y kagiliwan
walang imik sa mga kamalian
di alintana
kanilang tinatapakan
dangal at paninindigan
ng mga makatuwiran.
Ang problema sa mabait
sa simula lamang kaakit-akit
paglaon napapanis, nabubulok
sinasabing "nasisiraan ng bait" -
bait ay pansamantala
likha ng ating isip
minsa'y mapanlinlang
sakim at sarili ang ipinipilit;
kaibayo nito ang kabutihan
na bumubukal mula sa kalooban
kung saan nanahan
ang Diyos na tanging mabuti:
mapagpatawad, mapagbigay
hindi humahanay sa kasalanan
at kasamaan dahil Siya ang kabanalan.
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-05 ng Nobyembre 2020
Larawan kuha ni G. Jay Javier, Quiapo, 2020.
Madalas ating buhay
puno ng hiwaga
hindi mo malaman
kung ika'y nilalaro ng tadhana;
simpleng palaisipan
malalim ang kahulugan
habang mayroon namang
bugtong kay hirap dugtungan
upang masaklot
kanyang nilalaman.
Ina ng aking kaibigan noon
pinayuhan ng duktor
maselan na operasyon
gugugol mahigit isang milyon;
tumanggi sila kahit na mayroon
dahil kanilang ina
lampas ochenta na noon!
Kasabay ng panahong iyon
nagkasakit kaibigang kabataan
kailangan din ng operasyon
wala pang kalahating milyon
ngunit dahil walang ipon
hindi malaman
paano magkakaroon.
Madalas sakit ng maliliit
maraming gamot at solusyon
problema nila'y walang pantustos
habang mga nakaririwasa
maraming pang-gastos
sakit naman nila'y walang
gamot ni solusyon!
Sawimpalad
ito'y itinuring hanggang ngayon
bilang bugtong at palaisipan
kaya nanatiling pinagninilayan
sa halip na tukuying
hamon ng sitwasyon
aksiyon ang dapat na tugon!
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-03 ng Nobyembre 2020
Larawan kuha ng may-akda, gayak ng aming parokya, Nob. 1-2, 2020.
Madalas aking ipinapalagay
bilang bahagi ng buhay
itong pagmamahal
ako nama'y nakagaganap,
nakatutugon sa hamon.
Nguni't ano nga ba talaga
ang magmahal at kailan ako
tunay na nagmamahal?
Napakadali na maging mabuti
sa iba, magtimpi ng sarili,
magparaya at magpalampas;
mahabag at maawa na kusang
tutulo ang luha,
umakay at sumabay sa mahihina,
magmalasakit maski sa walang sakit.
Kailan nga ba
ako tunay na nagmamahal,
tanong ko sa sarili noon pa man;
maski mga kaibigan
mga pinapayuhan
sa simbahan
o saan pa man
iyan ang palaging katanungan
na ano mang kasagutan
ay siyang buod at kabuuang
kahulugan ng pagmamahal
di lamang ng mga magkasintahan
o magsing-ibig
kungdi ng sino mang nilalang
ng Diyos na pag-ibig.
Noon ay
palagi kong sinasabi
mula sa limitado kong karanasan
na aking inihahabi,
pinagtatagpi-tagpi
sa mga napag-aralan
at napagnilayan
na tunay ka lamang nagmamahal
kapag ika'y nasasaktan
dahil kung wala ka nang nararamdaman
mas malamang
pusong bato
ang nariyan sa iyong dibdib,
di lamang manhid
kungdi patay at malamig.
Hindi natapos
aking pag-aasam
malaman at maranasan
kung kailan nga ako
tunay nagmamahal;
maraming karanasan
aking pang dinaraanan
dahan-dahan, unti-unti
naliliwanagan na
tunay akong nagmamahal
di lamang kapag ako'y nasasaktan
kungdi dama ko man
aking kawalan
sa kakayahang ibsan maliban samahan
kapatid kong nahihirapan.
Tunay akong nagmamahal
kung aking pipiliing mahalin
ang iba kesa akin;
hindi na daraing
kungdi sasarilinin
at aangkinin pati tiisin
mga iyak at hinaing
ng ginigiliw
at kung maari ay pasanin
kanilang mga dalahin.
Sa kahuli-hulihan
batayan pa rin ng pagmamahal
ang masaktan --- kung hanggang saan,
hanggang kailan doon malalaman
yaring lalim at kadalisayan.
Larawan kuha ng mga may-akda, gayak ng altar ng parokya, Nob.1-2, 2020.
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-29 ng Oktubre 2020
Larawan mula sa catholicnewsagency.com.
Sa pagdiriwang ng kapistahan
ni San Judas Tadeo kahapon
may isang magandang tagpo
na kay inam nating balikan
upang pagnilayan
kanyang tanong kay Jesus
noong Huling Hapunan:
"Panginoon,
bakit po sa amin lamang kayo
magpapakilala nang lubusan
at hindi sa sanlibutan?" (Jn.14:22)
Mahiwaga at matalinhaga
ang tugon ng Panginoon:
"Ang umiibig sa akin ay tutupad
ng aking salita;
iibigin siya ng aking Ama,
at kami'y sasakanya at
mananahan sa kanya." (Jn.14:23)
Bakit nga ba hindi na lamang
magpakita si Jesus sa lahat upang
mawala na pagaaalinlangan,
at iba pang mga katanungan?
Maski naman magpakita si Jesus
marahil wala pa ring maniniwala
hangga't hindi natin siya nakikilala
sa mukha ng bawat kapwa:
hindi bagay o gamit si Jesus
na basta-basta lamang nakikita
ng ating mga mata ---
Siya ay Persona:
makikilala lamang
ng isang pusong bukas
handang tumanggap
at tularan Kanyang pagmamahal
upang Kanyang panahanan
tungo sa personal na ugnayan.
Hanggang ngayon ito pa rin
ang ating tanong sa ating panahon
at bakit nga kaya nagkagayon?
Tuwing magkokomunyon
"Amen" ang ating tinutugon
bago tanggapin
Katawan ng Panginoon
na marahil atin ngang nakikita
nguni't hindi nakikilala
dahil puso ay ipininid
naging manhid
sa daing ng bawat kapatid?
Ang Diyos ay pag-ibig
na siyang Kanyang larawan
at wangis sa atin Kanyang ipinaris;
kung pag-ibig ay ating inalis,
ang lahat sa atin ay malilihis
makita man natin si Jesus di natin Siya makikilala!
Larawan ay kuha ni Lucas Jackson ng Reuters ginamit sa The Economist, 2019.