Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-07 ng Disyembre 2020
Larawan kuha ni Bb. Jonna S. De Guzman, Parokya ni San Juan Apostol at Ebanghelista, Bagbaguin, Santa Maria, Bulacan (05 Disyembre 2020).
(Una itong nilathala ika-28 ng Nobyembre 2018 at ngayon ay isina-ayos kaugnay ng mga nangyayari tulad ng COVID-19.)
Bakit nga ba tayo sabik sa Pasko,
ano ating inaabangan
at palagi tayong mayroong countdown?
Kung ang Pasko ay isang petsa lang,
bakit hindi na lang tayo magbilangan
Bagong Taon pa lamang?
Balikan ating mga karanasan
ng mga Paskong nagdaan, paano tayo natigilan
Kapag nagkaubusan ng pagkai’t mga pamaskong pinaghandaan.
Ito nga lang ba ang dahilan at kahulugan ng Kapaskuhan?
Lahat ng kaabalahanan at kapaguran sa paghihintay
Di malaman kung napasaan?
Diwa ng Pasko, sa puso sumisilang
araw-araw itong maipagdiriwang
pananahan ni Hesus sa ating kalooban.
Ang Pasko ay isang kaganapan
nang ang Diyos ay makialam
sa ating mga kaguluhan:
Kanyang pinunan
ating kakulangan
Binigyang saysay
buhay nating walang kabuluhan
upang tayong sinilang sa kasalanan,
magkaroon ng kabanalan.
Sa panahong ito ng pandemya
maraming problema
sana ating makita
sumapit ang Pasko
sa panahong magulo din
balot ng kadiliman
buong kapaligiran.
Si Hesus
wala na sa sabsaban
kungdi naroon sa ating puso
at kalooban na siyang pinagmumulan
ng bawat kaguluhan;
Mamuhay tayo’ng lagi sa Kanyang kapanatilihan
Upang ngayon pa lamang ay maranasan hatid Niyang kagalakan
Kesa ito’y abangan at malibang sa pagbibilang ng petsa at buwan.