Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-01 ng Disyembre 2020
Larawan kuha ng may-akda, Unang Linggo ng Adbiyento, 29 Nobyembre 2020.
Tuloy pa rin ang Pasko
sa gitna ng COVID-19
maski na kaunti
at mahina
taginting ng mga kaha
dahil walang regalong
iintindihin
bibilhin o sale na susugurin;
simbahan sana ang tunguhin
upang manalangin
at linisin
puso at kalooban
para kay Kristong
darating.
Tuloy pa rin ang Pasko
sa gitna ng COVID-19
at sana'y wala nang umawit
ng mga huwad na caroling
na paksa ay pag-ibig
na sinungaling
puro lamang damdamin;
nang si Kristo ay dumating
ipinadama Niya sa atin
tunay na pag-ibig
handang hubarin
at limutin ang sarili
upang maging katulad
at samahan maski mahirap mahalin.
Larawan kuha ng mga may-akda, Unang Linggo ng Adbiyento, 29 Nobyembre 2020.
Tuloy pa rin ang Pasko
sa gitna ng COVID-19
kahit kakaunti
ang pagkaing nakahain
sa mesa ng noche buena;
mas masarap pa sa quezo de bola
ating mga kuwento at alaala
ng mga pinagsamahan
sa nakaraan
na nagpapalakas
nagpapatibay
sa ating buhay
na siyang ating gabay
patungo sa bukang liwayway.
Tuloy pa rin ang Pasko
sa gitna ng COVID-19
mayroon mang quarantine
at social distancing;
ang mahalaga'y
patawarin nagkasala sa atin,
alisin na mga tampo
hinanakit, pait at galit
pati na pakla at asim
sa bibig at damdamin
upang malasap muli
at namnamin
sarap ng kahulugan
nitong buhay natin!
Tuloy pa rin ang Pasko
ngayong COVID-19
balot man ng kadiliman
itong ating buhay
katulad ng gabing kulimlim
mas maliwanag mga bituwin
nagniningning, parang nakangiti
sa ati'y nakatingin;
sa tuwing puso at kalooban
ay ating binubuksan
upang mahalin at paglingkuran
kapwa nangangailangan
Panginoong Hesus ay sumisilang,
Pasko ay tunay na ipinagdiriwang
kaligtasan nararanasan
lahat ng hirap nalalampasan
Diyos sa ati'y nananahan
tayo ang kanyang sabsaban
pagkain pinagsasaluhan
tungo sa buhay na walang hanggan.