Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-5 ng Enero 2021

Maraming pagkakataon mas nakakikilabot mas nakakatakot maniwala sa Diyos kesa multo dahil ang Diyos totoong totoo, samantala ang multo nasa guni-guni mo lang ito.
Nasubukan mo na bang manalangin ng taimtim habang ang lahat sa iyo ay pagkadilim-dilim? Para kang isang baliw nagsusumamo sa Diyos sa iyong mga hiling at hinaing ngunit parang di ka naman Niya pansin?
O kaya naman kung minsan sa iyong karanasan tila wala nang maasahan ang lahat ika'y iniwanan at wala ka nang ibang patutunguhan maliban sa Siya na lang ang panaligan parang suntok sa buwan kung ikaw ma'y mapagbibigyan?
Hindi ba't sa kahuli-hulihan Diyos parating nariyan nasa tabi mo lamang hindi ka naman Niya iniiwan ika'y sinusubukan lamang habang ginagawan Niya ng paraan iyong maselang na katayuan hindi magluluwat, tiyak na malalampasan?
Mahirap talagang ipaliwanag yaring hiwaga ng ating buhay na sa Diyos lamang nakasalalay; kahit anong sablay minsa'y wala kang kamalay-malay puno pa rin ito ng maraming kulay dahil tunay na tunay ang Diyos sa atin nakikipamuhay!
Kaya manalig ka na sa Diyos tuwina maski hindi mo Siya nakikita marami ka pang lalong makikita di lamang sa iyong mga mata kungdi pati sa kaluluwa hiwaga at katotohanang di maaarok kaya nakakatakot kasi... damang-dama mo Siya dahil katabi mo na pala! (At magulat ka pa!)

*Tingnan din naunang tula, https://lordmychef.com/2020/06/18/ang-tunay-na-nakakikilabot/.