Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-20 ng Nobyembre 2020
“Ecce Homo” ni Murillo, mula sa wikipediacommons.com.
"Utos ng hari
hindi mababali!"
Iyan ang kasabihang
ating kinalakhan
tumutukoy sa kapangyarihan
ng sino mang naghahari
o naghahari-harian
sa lansangan o tahanan
tanggapan at paaralan
maging sa simbahan
kung saan ang pari ---
O kay laking sawi!---
para ding hari...
Bawat utos,
ano man magustuhan
hindi maaring ipagpaliban,
ipagpipilitan upang makamtan;
parurusahan sino man
lumiban sa utos
na batas ang katumbas!
Nguni't
ito nga ba ang tamang gawi
ng sino mang hari
na ituring kanyang pag-aari
parang mga aliping nagapi
kanyang nasasakupan
at pinaghaharian?
Masdan
mga salitang binitiwan
ng Hari ng mga hari
at ating Dakilang Pari:
"Ito ang dahilan
kung bakit ako ipinanganak
at naparito sa sanlibutan:
upang magsalita
ng katotohanan"
na "ang Diyos ay pag-ibig"
naparito "upang maglingkod
hindi upang paglingkuran".
Iyan sana ating tandaan
katangian
ni Kristo Hesus
Hari ng sanlibutan
SINUSUNOD
hindi NASUSUNOD,
sinusundan, tinutularan
sa kanyang kabutihan.
Kaya kung si Hesus
nga ang ating Hari
Siya ang ating tularan
sa pagmamahal at kabutihan
huwag sirain yaring kaisahan sa sangkatauhan
dahil ano man gawin o ipagkait sa maliliit
siyang Kanyang pagsusulit sa pagbabalik!