Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, 10 Nobyembre 2020

Ang problema sa mabait - hindi iyong daga at mga bubwit - kungdi mga tao nating pinipilit ituring na mabubuti pinupuring lagi dahil lahat sa kanila ay maaari: lahat pinapayagan, pinalalampas kahit malayo sa katuwiran. Laging tandaan malaking kaibhan ng mabuti sa mabait dahil mas malamang ang mabait hindi makatarungan hindi patas tumingin, kung tumimbang palaging kulang.
Ang problema sa "mabait" ayaw makapanakit damdami't isipan kaya hinahayaan mga kalabisan, sinasabing pagbigyan mga panlalamang nakakalimutan ang katarungan; ibig nila sila'y kagiliwan walang imik sa mga kamalian di alintana kanilang tinatapakan dangal at paninindigan ng mga makatuwiran.
Ang problema sa mabait sa simula lamang kaakit-akit paglaon napapanis, nabubulok sinasabing "nasisiraan ng bait" - bait ay pansamantala likha ng ating isip minsa'y mapanlinlang sakim at sarili ang ipinipilit; kaibayo nito ang kabutihan na bumubukal mula sa kalooban kung saan nanahan ang Diyos na tanging mabuti: mapagpatawad, mapagbigay hindi humahanay sa kasalanan at kasamaan dahil Siya ang kabanalan.
*Tingnan din naunang tula, “Magkaiba ang Mabait at Mabuti”, https://lordmychef.com/2019/07/20/magkaiba-ang-mabait-at-mabuti/
