Lawiswis Ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-01 ng Disyembre 2023
Larawan kuha ni G. Jay Javier, shooting ng pelikula sa Fort Santiago.
Madalas kong biruin mga kaibigan at kakilala lalo na sa social media na magtanong kung anoang “long weekend”? Mula kasi nang maging pari ako, nilimot ko na ang salitang weekend dahil sa mga araw nito – Sabado at Linggo – ang aming gawain at gampanin sa simbahan. Inaasahan kami ng mga tao na makakasama nila tuwing weekend kaya naman lahat ng pagtitipon sa pamilya at mga kaibigan ay tinatapat namin sa ordinaryong araw upang ako ay makadalo.
Ngunit kung tutuusin, wala naman talagang weekend dahil hindi naman natatapos o nagwawakas – end – ang sanlinggo. Kaisipang Amerikano ang weekend kaya meron silang bukambibig na TGIF, Thank God It’s Friday na kung kailan natatapos o nagwawakas (end) lahat ng trabaho at opisina upang maglibang ng Sabado at Linggo, weekend. Pagkatapos ng weekend, kayod muli mula Lunes hanggang Biyernes.
Sa kabilang dako para sa ating mga Kristiyano, ang Linggo ang unang araw ng sanlinggo at hindi ito nagwawakas ng Biyernes o Sabado. Tingnan ninyong mabuti: Linggo, Lunes, Martes, Miyerkules, Huwebes, Biyernes, Sabado, Linggo ulit!
Ulit lang nang ulit ang isang linggo kada araw ng Linggo, ang Araw ng Panginoon o Dies Domini sa wikang Latin kung kailan tayo obligadong magsimba bilang alaala at pagpapaging-ganap ng Misterio Pascua ng Panginoong Jesus, ang kanyang pagpapakasakit, pagkamatay at muling pagkabuhay.
Iyan ang buhay din natin na ang kaganapan ay sa Langit na wala nang wakas kungdi buhay na walang hanggan. Ito ang dahilan mayroon tayong tinatawag na octaves of Christmas at Easter, ang walong-araw ng Kapaskuhan ng Pagsilang at ng Pagkabuhay muli ni Jesus.
Oo nga at mayroong pitong araw sa isang linggo, ngunit ipinakikita sa atin lalo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay ni Jesus ang walang hanggang buhay sa ikawalong araw na pumapatak na Linggo palagi, ang Divine Mercy Sunday. Kung Pasko ng Pagsilang, papatak ito palagi ng Dakilang Kapistahan ni Maria, Ina ng Diyos ng Enero Primero na siyang ating ipinagdiriwang at hindi Bagong Taon kasi nga po Unang Linggo ng Adbiyento ang ating bagong taon sa Simbahan.
Tumpak din naman at may katotohanan ang awitin nina John, Paul, George at Ringo ng Beatles na “eight days a week, I lo—-ve you! Eight days a week, I lo—-ve you!
Snapshot mula sa post ni Kier Ofrasio sa Facebook, 30 Nobyembre 2023.
Kaya naman isang malaking kalokohan at kabaliwan itong naisipan noong panahon ni PGMA na ilipat mga piyesta opisyal sa Biyernes o Lunes upang magkaroon ng long weekend. Para daw sa ekonomiya. Sa madaling sabi, para sa pera.
Kuwarta. Kuwarta. At kuwarta pa rin ang usapan, hindi ba?
Nasaan na ang pagsasariwa ng diwa ng mga piyesta upisyal natin bilang isang sambayanan?
Pati ba naman kaarawan o kamatayan ng mga bayani natin na matapos maghandog ng buhay sa atin ay dadayain pa rin natin upang pagkakitaan?
Fer, fer! For real!
Bukod sa materyalismo, mayroon ding masamang implikasyon itong long weekend na ito sa ating moralidad at iyan ay ang kawalan natin ng matiyagang paghihintay – ang pagpapasensiya.
Lahat advanced sa atin. Hindi tayo makapaghintay sa araw ng suweldo. Kaya, vale dito, vale doon. Loan dito, loan doon. At hindi biro ang dami ng mga kababayan nating nasira ang buhay dahil sa pagkaubos ng kabuhayan nang malulong sa maling pag-gamit ng credit cards kung saan totoong-totoo ang kasabihang, “buy now, suffer later”. Kaya, heto ngayon, pati piyesta upisyal ina-advance natin!
Maaring nagkasiyahan tayo sa long weekend ngunit, lubos nga ba ating katuwaan at kagalakan? Napagyaman ba nito ating katauhan at mga ugnayan? O, nabaon lang tayo sa utang lalo ng kahangalan?
Larawan ng walang galawang trapik sa McArthur Highway mula sa Facebook ni Kier Ofrasio, 30 Nobyembre 2023.
Katawa-tawa tayong mga Pinoy simula nang mauso long weekend. Sa haba at tagal ng ating lockdown noong pandemya, long weekend pa rin sigaw natin?
Dapat siguro baguhin na ating taguring na Juan dela Cruz at gawing Juan Tamad.
O, Juan Tanga gaya nang naranasan noong a-trenta nang isara ng mga magagaling ang Monumento. Winalanghiya mga maralita at manggagawa na ipinaglaban ni Gat. Andres Bonifacio noong himagsikan na siyang dahilan kaya ating ipinagdiriwang kanyang kapanganakan noong ika-30 ng Nobyembre 1863.
Kung baga sa Inggles, iyon ang “the short of long weekend, an exercise in futility. And stupidity.” Sana magwakas na gawaing ito na dati naman ay wala sa ating kamalayan. Salamuch po!
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-12 ng Setyembre 2023
Larawan kuha ni G. Cristian Pasion, Bihilya ng Pasko ng Pagkabuhay 2022, Pambansang
Noong bata ako buong akala ko ang paglalamay at pakikiramay ay iisa. Alalaong-baga, kapag may lamayan, mayroong namatay at paraan iyon ng pakikiramay. E hindi pala ganun!
Sa aking pagtanda at pagkamulat sa wika, higit sa lahat sa buhay na palaging kaakibat pagkamulat din sa kamatayan, napagtanto ko na bagaman magkaiba ang lamay at ramay, malalim at matalik ang ugnayan ng dalawang kataga.
Ang paglalamay ay pagpupuyat, tulad ng pagsusunog ng kilay o pag-aaral sa gabi. Maari din itong hindi pagtulog sa magdamag upang matapos ang isang proyekto at gawain. Naglalamay din bilang bahagi ng gampanin at tungkulin tulad ng mga nagtatrabaho ng pang-gabi o graveyard shift gaya ng mga pulis, mamamahayag, drayber, mga viajero at mga nasa call center.
Maraming pagkakataon sa paglalamay ikaw ay may kasamang nagpupuyat upang tulungan na tapusin ang gawain o gampanan ang tungkulin. Sa paglalamay, palaging mayroong kasama upang tulungan tayong malampasan ano mang pagsubok na pinagdaraanan. Doon nagsasalapungan ang dalawang kataga ng lamay at ramay: sa gitna ng kadiliman ng gabi, mayroong maasahang kasamang nakikibahagi at nakikiisa sa pagdurusan at hirap na pinagdaraanan.
Larawan kuha ni G. Jay Javier, Tayabas, Quezon, 13 Agosto 2023.
Napakaganda ng larawang sinasaad ng lamay at ramay – ang kadiliman ng gabi. Sa bibliya, ang gabi at kadiliman ay sumasagisag sa kapangyarihan ng kasamaan.
Ipinanganak si Jesus sa pinakamadilim na gabi ng buong taon, mula Disyembre 23 hanggang 25. Malinaw na pagpapahayag ito ng pakikiramay ng Diyos sa kadiliman ng ating buhay. Doon siya palaging dumarating kung tutuusin.
Huwag nating pag-alinlanganan katotohanang ito na muli nating natunghayan noong Huling Hapunan ng Panginoon na naganap sa pagtatakip-silim ng Huwebes Santo. Kinagabihan si Jesus ay nanalangin sa halamanan ng Getsemani ngunit tinulugan ng tatlong malalapit na mga alagad. Huli na ang lahat nang sila ay magising nang dumating si Judas Iskariote, isa sa kanilang mga kasamahan na nagkanulo kay Jesus sa kadiliman ng gabi.
Anong saklap na walang karamay si Jesus sa paglalamay na iyon na nagpatuloy sa kanyang paglilitis sa Sanhedrin kung saan naman tatlong ulit siyang tinatwa ni Simon Pedro habang nasa labas ng tahahan ng punong pari. Kaya nga kung sakali man tayo ay nasa napakadilim na yugto ng buhay at tila nag-iisa, alalahaning si Jesus ay ating kapiling, nakikiramay sa atin dahil siya ang naunang nakaranas na maglamay ng walang karamay! Kanya itong binago at tiniyak na hindi na mauulit kanino man upang siya ay makaramay sa bawat lamay ng ating buhay nang siya ay muling mabuhay, nagtagumpay sa kamatayan at kasamaan sa gitna rin ng kadiliman ng gabi.
larawan kuha ni G. Cristian Pasion, Bihilya ng Pasko ng Pagkabuhay 2021.
Kamakailan ay dumadalas aking pagmimisa sa mga lamayan ng mga yumaong mga kamag-anak at kaibigan. Noon pa man lagi nang nasasambit ng mga kaibigan bakit nga ba hindi tayo magkita-kita habang buhay pa kesa naman doon na lamang palagi nabubuo pamilya at barkada sa lamayan ng namamatay?
Tama rin naman kanilang bukambibig sa mga lamayan. Ano pa ang saysay ng pagsasama-sama gayong nawala na at pumanaw ang mahal sa buhay?
Ngunit kamakailan ay napagnilayan ko rin na tama lamang na magkita-kita tayo sa mga lamayan upang ipahayag ating pakikiramay dahil naroon tayo hindi lamang upang makidalamhati kungdi magpuri at magpasalamat din sa isang yumao. Wika nga ng marami, lamay lamang ang hindi ipinangungumbida kasi doon masusukat tunay na kabutihan ng isang tao sa kanyang pagpanaw: kung marami ang naglamay at nakiramay, ibig sabihin, mabuti siyang tao, mapakisama, laging karamay noong nabubuhay pa.
Napagtanto ko ito sa nakakatawang pagkakataon; kundangan kasi, bilang mula sa mga sinaunang panahon, para sa akin ang pakikiramay ay dapat seryoso. Malungkot nga dapat at nakikidalamhati. Hirap na hirap ako noong matanggap ang picture taking sa lamayan! Iskandalo kung baga sa akin ang magpose at picture-taking sa lamayan, lalo na sa tabi ng labi ng yumao. Paano ka namang ngingiti e mayroong ngang patay at namatayan?
Larawan kyha ng may akda, 2018.
Nakatutuwang isipin kung paanong itinuro sa akin ng teknolohiya ang malalim na kahulugan ng pakikiramay sa paglalamay. Na ito ay higit sa lahat pagdiriwang ng buhay, pagpupugay at pasasalamat sa magandang samahan na ating tinitiyak na magpapatuloy pumanaw man ating kaibigan at kamag-anakan. Ang ating pakikiramay ay hindi lamang pagpadarama ng pakikiisa sa dalamhati kungdi pagtiyak ng pagkakaisang ito sa pagmamahal, pasasalamat at pag-alala tuwina sa isang pumanaw at kanilang mga naulila.
Mainam pa rin makadaupang-palad mga kamag-anak at kaibigan habang nabubuhay ngunit hindi pa rin huli ang lahat na sakali man dala ng maraming kadahilanan tayo ay makiramay tuwing mayroon lamay dahil ang totoo’y buhay pa rin ating ipinagdiriwang. Ito ang dahilan kaya ating tawag sa pumapanaw ay hindi namatay kungdi sumakabilang buhay. Balang araw siya ring ating hantungang lahat kung saan ang lamay at ramay ay iisang katotohanan na lamang na kung tawagi’y, pag-ibig.
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-20 ng Hulyo, 2023
Larawan kuha ng may-akda, Pater Noster Church sa Jerusalem, Israel, Mayo 2019.
Noong batang pari pa ako sa isang parokya sa Malolos, tinanong ko mga matatanda na nagrorosaryo araw-araw, “Bakit po kayo nagmamadali sa pagdarasal at kaagad-agad kayong sumasagot hindi pa tapos unang bahagi ng Ama Namin at Aba Ginoong Maria?”
Sa mga lumaki sa probinsiya na tulad ko, alam ninyo aking tinutukoy. Iyon bang papatapos pa lamang mga salitang “sunding ang loob mo dito sa lupa para nang…” biglang sasagot yung kabilang grupo ng matatanda ng “bigyan mo kami ng kakanin sa araw-araw”.
Nagsasalakupan (merge) ang wakas at simula ng dalawang bahagi ng Ama Namin at Aba Ginoong Maria kaya madalas ay nakatatawa o nakaaaliw pakinggan. Lalo naman ang kanilang dahilan – anila, iyon daw ay upang hindi makasingit ang demonyo sa kanilang pagdarasal!
Naalala ko ang kuwentong ito nang mangyari ang paglapastangan noong isang linggo sa ating panalanging Ama Namin sa isang drag concert ng mga LGBTQ+. Sa aking pakiwari ay iyon nga ang nangyari – nasingitan tayo ng demonyo sa pamamagitan ng tanging panalanging itinuro mismo ng Panginoong Jesus sa atin na kung tawagin ay “the Lord’s Prayer.”
At huwag nating hanapin ang demonyo o kasamaan doon sa iba kungdi mismo sa ating mga sarili lalo na kaming mga pari at obispo ng Simbahan, ang tinaguriang mga ama natin. Malaki ang aming pagkukulang bilang mga pari at obispo sa nangyaring paglapastangang ito sa Ama Namin.
Pagmasdan mga pangyayari na matalinghaga rin.
Unang-unang ang nakapagtataka na gawing malaking isyu naming mga pari at ng ilang Obispo kung ano dapat ang posisyon ng mga kamay ng mga mananampalataya o layko sa pagdarasal at pag-awit ng Ama Namin sa loob ng Banal na Misa.
Bakit ito naging usapin gayong mayroon namang nakasaad sa aklat ng pagmimisa na “Ilalahad ng pari ang kanyang mga kamay at ipahahayag niya kaisa ng lahat” ang Ama Namin?
Hindi ba sapat ang nakatakda sa liturhiya at mga aklat? Kaya hindi maiwasan puna ng maraming tao sa aming mga pari na para daw wala kaming natutunan ni alam sa kabila ng maraming taon sa seminaryo. Juicecolored. Sabi nga ni Shakespeare, “much ado about nothing.”
Ikalawa ay ang nakalulungkot na naging tugon ng mga Obispo natin: sa halip na panghawakan at panindigan ang sinasaad ng alituntunin, mas pinili nilang magkaroon ng interpretasyon ng batas. Naliwanagan ba mga tao? Sa palagay ko po ay hindi. Lalo silang naguluhan dahil hanggang ngayon mayroon pa ring nagtatanong.
Hindi ko kinakalaban kapasyahan ng mga Obispo natin. Sila ang mga ama natin sa Simbahan ngunit ibig kong ihayag ang aking kabiguan na hindi nila pinanindigan ang sinasaad ng batas na pari lamang ang maglalahad ng kanyang mga kamay sa Ama Namin. Walang kulang sa batas at sakto lang. Sa ginawa ng CBCP, nadagdagan ang batas ng kanilang sariling interpretasyon na kung tutuusin din naman ay malagihay. Nagtatanong ang mga tao kung ano ang dapat, sa kanilang pahayag ay para nang sinabi nilang “bahala kayo kung ano gusto ninyo kasi wala namang sinasabi ang batas na masama ang ilahad ang mga kamay.”
Diyan ako hindi mapalagay dahil ano ang susunod na isyu? Pagpalakpak na talamak na rin sa mga pagdiriwang ng Misa na nawala na ang kasagraduhan. Para nang concert, showbiz parang That’s Entertainment! Pansinin maraming pari pati na mga choir, sakristan, lektor at eucharistic lay minister na puro pasikat ginagawa sa Misa. Natabunan at nawala na si Kristo!
Totoong walang sinasabi saan man sa mga aklat, sa mga turo at tradisyon ng Simbahan na ipinagbabawal ang paglalahad ng mga kamay ng mga layko sa pagdarasal ng Ama Namin.
Ngunit hindi rin naman nangangahulugang maari o puwede at tama na rin iyong gawin dahil simple lang sinasabi ng aklat, pari ang nakalahad ang mga kamay. Tapos.
Magtiwala tayo sa salita, sa alituntunin ng liturhiya tulad ng sinasaad sa ebanghelyo noong Linggo nang ilabas ng CBCP ang paliwanag sa naturang usapin. Kay gandang balikan ang talinghaga ng maghahasik na ukol sa kapangyarihan ng salita ng Diyos at kahalagahan ng pakikinig at pagsunod dito na nangangailangan ng pagtitiwala at kababaang-loob natin natin. Lalo namin!
Sa ganang akin, pinanghawakan at pinanindigan sana ng mga Obispo ang sinasaad sa aklat upang lalo itong mag-ugat at lumago.
Ikatlo, ang talinghaga at laro ng tadhana. Tingnan habang abala – at aligaga ilang mga pari at obispo na pangunahan pati paglathala na nakatakda pa sa ika-16 ng Hulyo 2023 ng kalatas sa simpleng bagay ng posisyon ng kamay ng mga tao sa pagdarasal ng Ama Namin ay saka nangyari ang drag concert.
Ang masakit sa lahat, walang diyosesis at obispo kaagad naglabas ng opisyal na pahayag sa nangyaring paglapastangan sa Ama Namin maliban makaraan ang ilang araw na lamang na pawang mga bantilawan din, kasi nga, mas pinahalagahan nila kanilang paliwanag sa posisyon ng kamay ng mga tao sa pagdarasal nito.
Pagmasdan na tayo sa simbahan ay naroon pa rin sa posisyon ng kamay ang usapin habang yaong mga lumapastangan sa Ama Namin ay nasa kanta at sayaw na? Paurong ang asenso, eka nga. Hindi nila binago ang titik pero kanilang pamamaraan ng pagdarasal ay sadyang mali at hindi tama ngunit, gahibla na lamang ng buhok ang pagkakaiba ng drag qeen na si Pura at ng mga tao na ibig ilahad ang kamay sa pagdarasal ng Ama Namin – parehong nasa larangan ng interpretasyon! Sasabihin ng iba na malayong-malayo iyon pero, paka-ingat tayo dahil baka doon mapadpad ang pagbibigay-laya sa mga tao na ilahad mga kamay sa Ama Namin. Hindi ba ito rin ay binhi na maaring lumago sa higit na malaking pagkakaligaw at pagkakamali balang araw? Gaya ng nasabi ko na, hindi magtatagal isasabatas na rin pagpalakpak sa loob ng Misa na talamak na ngang nangyayari.
Totoo na mayroong higit na mahalagang mga bagay dapat talakayin at pagnilayan kesa sa ginawang drag performance ng Ama Namin tulad ng mga palalang sitwasyon ng kawalan natin ng moralidad sa bansa tulad ng pikit-mata nating paghaya sa EJK noon, ang patuloy na paghahalal sa mga bugok at bulok na pulitiko at marami pang iba.
Subalit, gayon din sana naging pamantayan ng CBCP sa pagtalakay ng posisyon ng kamay sa pagdarasal ng Ama Namin. Ito ang mabigat sa mga lumabas na paliwanag at pagninilay na sadyang tama at magaganda: isang bahagi lang ng kuwento ating sinaysay.
Aminin natin malaking pagkukulang nating mga pari at obispo ng Simbahan bilang mga ama ng sambayanan.
Aminin natin sadyang nagkulang tayo sa ating mga tungkulin at naging abala sa maraming bagay at nakalimutan pinakamahalaga, ang Diyos mismo na hanggang ngayon siyang hangad ng lahat. Hindi pa ba tumitimo sa atin ang bigat ng tunay na isyu, ang panalanging Ama Namin na saklaw at tungkulin nating mga pari at Obispo? Malayo na nga siguro tayo sa paghahayag, pagtuturo at pagsasabuhay ng salita ng Diyos.
Bukod sa mga oras na ginugugol sa mga maliliit na bagay gaya ng posisyon ng kamay sa Ama Namin, matagal nang maraming interpretasyon mga ama natin sa Simbahan sa mga nangyayari sa ating kapaligiran. Ang mga tahasang pamumulitika sa mga nagdaang halalan na kahit mga kandidatong umaayon sa diborsiyo, abortion at contraceptives, at same sex union ay inendorso. Higit sa lahat, ang pagbubulag-bulagan ng maraming obispo at pari sa kalabisan ng ilang sa amin na namumuhay taliwas sa halimbawa ni Kristo. Marami sa aming mga pari at obispo ang hindi kapulutan ng halimbawa ng karukhaan at kababaang-loob, langong-lango sa kapangyarihan at katanyagan, malayong-malayo sa mga tao maliban sa mga makapangyarihan, mayayaman, at mababango. Wala na kaming pinag-usapan maski sa loob ng Misa kungdi kolekta, pinagandang pangalan ng pera, kwarta at salapi!
Masakit po sabihin na kung ang isang pangungusap sa Aklat ng Pagmimisa na “Ilalahad ng pari ang kanyang mga kamay at ipahahayag niya kaisa ng lahat” ang Ama Namin ay hindi natin napanghawakan at napanindigan, paano pa yaong mga salita sa Banal na Kasulatan? Sa mga bulto-bultong dokumento nagsasabing tayo ay Simbahan ng mga aba at maralita?
Suriin po natin ang lahat ng panig. Lalo na ating mga sarili ng buong kababaang-loob sa liwanag ni Kristo na ating Panginoon na siyang “daan at katotohanan at buhay”. Una siyang natatagpuan sa kanyang mga salita dahil siya nga ang Salita na naging tao na naroon palagi sa Santisimo Sakramento ng simbahan. Ito sana ang aming tingnan at pagnilayan bilang mga pari at obispo sa gitna ng mga pangyayaring paglapastangan sa Ama Namin ng isang drag concert at ang usapin ng paano dasalin panalanging itinuro ng Panginoon natin. Nasaan na nga ba si Kristo sa aming mga pari at obispo? Nagdarasal pa rin ba tayo na mga pari at obispo?
Salamat po sa pagbabasa. Kung sakaling nakatulong, pagyamanin; kung hindi naman, kalimutan at huwag na ninyong pansinin.
Lawiswis Ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-21 ng Hunyo 2023
Larawan kuha ni G. Jim Marpa, 2018.
Nakatutuwang isipin noong araw na isa sa mga madalas naming sabihing magpipinsan at magkakalaro ay ang mga salitang “sirit na” at “bulaga”! Sirit kapag ikaw ay suko na sa palaisipan ng bugtungan habang bulaga naman ang pang-gulat lalo na sa mga sanggol at bata.
Wala na sigurong mas-shunga pa sa akin sa showbiz na hindi alam ang mga bagay-bagay na ito bunsod ng pamamaalam nina Tito, Vic, at Joey sa producer ng “Eat Bulaga” na TAPE Productions pagkaraan ng ilang linggo ding mga usap-usapan at intrigahan. Ako man ay nagtanung-tanong sa mga pamangkin at kaibigan kung ano ba iyong mga usapan sa social media tungkol sa “Eat Bulaga” at sina TVJ.
Nakatutuwa sa mga bata. Pero kung sa takbo ng mga usapan at paksa ngayon, nakakatawa at nakakaawa – pathetic ang sabi ng mga burgis – na mula pa noong katapusan ng Mayo hanggang ngayon, mula Aparri hanggang Jolo, umiikot ang buhay sa ating bansa sa “longest running noontime show” na “Eat Bulaga.”
Nakakatawa.
Hindi nakatutuwa.
At nakakaawa nga sa ating bansa, sa ating lahat.
Juice colored, wala na ba ibang mahalaga sa ating mga Pilipino kungdi mga katatawan nina TVJ at kanilang Dabarkads?
Hindi ko kinukuwestiyon kahalagahan ng paglilibang at pag-aaliw natin subalit, araw-araw na lamang mula Lunes hanggang Sabado?
Ano nga ba naging impact ng Eat Bulaga sa lipunang Pilipino maliban sa naaliw, naiyak, at pansamantalang naibsan mga paghihirap ng ilang kababayan? Marahil marami ring nabigyan ng pagkakataon lumago sa kanilang buhay nguni’t nabago ba antas ng ating tingin at pahalaga sa sarili at kapwa habang pikit-mata at nagbibingi-bingihang pinalalampas natin ilang mga eksena, karakter at pananalita alang-alang sa kasiyahan at katatawanan.
Wala po akong TV set dahil hindi naman ako mahilig manood maliban ng mga balita at dokumentaryo. Minsan-minsan ay nakakapanood ako ng “Eat Bulaga” at iba pang mga katulad na programa. Napapahanga din naman ako sa kanilang pagmumulat sa mga kababayan nating Pilipino sa ilang bagay ngunit sa tingin ko ay mas maraming hindi mabuti at kaaya-aya.
Isa sa mga hindi ko magustuhan sa mga palabas na iyan ay ang tila pinaglalaruan ang mga tao, ang kanilang kamang-mangan, karukahaan at sa maraming pagkakataon, pagkababae ng marami nating ate. Siya nga pala…
Akalain ba ninyo na noong May 31, 2023 nang kumalas mula sa TAPE ang TVJ bilang hosts ng “Eat Bulaga” matapos silang hindi payagang umere ng live, iyon din ang ika-38 taon ng pagpapakamatay ni Pepsi Paloma, May 31, 1985? Kung inyong matatandaan, inakusahan ni Pepsi Paloma sina Vic Sotto, Joey De leon at Ritchie d’Horsie ng diumano’y pang-aabuso sa kanya sa isang hotel noong June 21, 1982.
Minsan ang buhay nga naman ay mapagbiro at matalinghaga. At ganyan ang sitwasyon nitong mga noontime at iba pang variety shows, matalinghaga tulad ng tanong na kung alin ang nauna, itlog o manok?
Tama na sumusunod lamang ang telebisyon sa pintig ng mga mamamayan, sa sitwasyon ng lipunan. Alalaong-baga, sinasalamin ng telebisyon maging ng sining ang kinalalagyan nilang lipunan sa bawat panahon. Sabi ng marami, dahil sa TVJ at “Eat Bulaga” na ginaya ng maraming iba pa, nabigyan ng pagkakilala at tinig ang masang Pilipino. Tama rin naman. Hirap maka-relate noon sa mga burgis na hosts ng “Student Canteen”.
Totoo iyon at mabuti. Kaya lang, kulang.
Larawan kuha ni G. Jim Marpa, 2018.
Sa aking pananaw, sinamantala nila at ng iba pang mga palabas sa telebisyon ang kahinaan ng mga tao. Hindi nahimok ang mga Pilipino ng pagmamahal sa bansa, pagpapahalaga sa kalikasan, pagsisikap mapabuti ang kanilang buhay at paghahasa ng kaisipan at karunungan sa pamamagitan ng edukasyon. Ang lahat ay dinaan sa biruan at katatawanan maging kalokohan.
At naaliw naman ang bayan. Kaya hindi rin kataka-taka ilang ulit nahalal bilang senador si G. Tito Sotto na tanging dahilan ay ang kanyang pagiging komedyante at host ng “Eat Bulaga”. Ang malala, ginaya siya ng ibang artista na sumabak na rin sa pulitika na tanging kuwalipikasyon ay sikat. Kaya hayun, naging karnabal at perya ating Kongreso na puno ng mga mambabatas na pulpolotiko, artista, at ilang mga sadyang sira ulo o basag ang pula. Lahat dinaan sa entertainment kaya ang ating bansa ay malaking showbiz ngayon. Pati na rin simbahan!
Simple lang naman ibig kong sabihin. Sana pagsikapan ng mga nasa media lumago at lumalim pagkatao ng mga manonood upang mabuksan kanilang kamalayan sa mga higit na mahahalagang bagay sa buhay.
Sinabi ni Jesus sa mga tao, “Sa halip, mag-impok kayo ng kayamanan sa langit; doo’y walang naninirang insekto at kalawang, at walang nakakapasok na magnanakaw. Sapagkat kung saan naroroon ang iyong kayamanan, naroroon din ang iyong puso.”
Mateo 6:20-21
Totoo sinasabi na mahirap ang buhay at dapat ngang pagaanin. Ngunit hindi lamang mga tawanan at sayawan, biruan at harutan. Pagkatapos maaliw at tumawa, maski manalo ng ilang halaga ng pera, naroon pa rin problema ng mga tao. At kung susuriin, dumarami pa problema ng mga tao sa halip na mabawasan dahil sa mga noontime shows na ito. Yung iba nga nagkakagalit na at nag-aaway dahil sa lipatan na iyan ng mga noontime shows at hosts.
Hindi rin totoo sinasabi ng ilan na itong nangyayaring lipatan ng mga hosts at noontime shows ay makakabuti sa mga tao dahil anila magkakaroon ng higit na mainam at magandang programa. Sa tingin ko ay hindi iyon mangyayari dahil istasyon lang ng TV ang nababago, lumilipat lang mga shows at hosts. Sila pa ring mga artista dala kanilang mga dating gimik at patawa na sa kahuli-hulihan, iisang katotohanan ang nangingibabaw sa lahat ng ito – kuwarta, salapi, at pera.
Iyan ang tunay na bugtong nitong “Eat Bulaga”, TVJ kasama kanilang Dabarkads pati na rin ang It’s Showtime ni Vice Ganda: Sino ngayon ang natatawa at katawa-tawa?
The Lord Is My Chef Daily Recipe for the Soul by Fr. Nicanor F. Lalog II
Monday in the Tenth Week of Ordinary Time, Philippine Independence Day, 12 June 2023
2 Corinthians 1:1-7 ><))))*> + ><))))*> + ><))))*> Matthew 5: 1-12
Sunrise at Atok, Benguet by Ms. Jo Villafuerte, 01 September 2019.
Glory and praise to you,
God our loving Father
for this gift of Independence Day;
forgive us for the many times
we have taken it for granted,
when we waste all opportunities
to love and serve our blessed
Motherland.
Blessed are the meek, for they will inherit the land.
Matthew 5:5
Help us to be "meek" or better,
be "gentle to inherit the land"
by having that inner strength within us
to stand for what is true and just,
for what is good and holy
by first being a good citizen
of this country so hurt,
so forgotten by its own people
since the beginning.
Dearest Jesus,
fill us with encouragement
to never lose hope for our country,
to inspire more people to love
our blessed Motherland by
choosing the right persons to lead us,
those willing to suffer and sacrifice
for the sake of the least and marginalized
and most especially,
to care for this only country we got
you have blessed abundantly
up to future generations of
Filipinos serving fellow Filipinos.
Amen.
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-05 ng Hunyo 2023
Hindi mabuti
ang mabait.
Malaki kaibahan
ng mabait sa mabuti;
akala ng marami
sila ay magkatulad
ngunit kung susuriin
sila na rin ang nagsasabi
kabaitan ay kaluwagan,
lahat pinapayagan
pati na rin kasamaan;
madalas tinuturing
ng karamihan kabaligtaran
ng mabait ay mahigpit
na nagpapatupad ng tama
at wasto ayon sa prinsipyo,
naaayon sa patakaran at kaayusan
na inaayawan ng mga
nasa kadiliman
upang maitago kanilang
kabuktutan
at kasamaan.
Inyong tingnan
kaisipan ng karamihan:
sasabihin nila mas
mainam ang mabait
kesa mahigpit,
lahat maipipilit
kahit katuwiran ay pilipit;
at ang mapait
kung sakaling iyong
igigiit kabutihan
at kaayusan,
ikaw ay pag-iinitan
upang kampihan
tinuturing nilang mabait
sa kanila ay sunud-sunuran
walang paninindigan
lahat pinagbibigyan
at pinapayagan
manatili lang sila
sa kapangyarihan!
Wala sa pagkakampi-
kampihan ang kabutihan
di tulad ng kabaitan
naroon sa maling pakisamahan
ng mga bata-bata at alaga;
minsa'y nagsumbong si Juan
kay Jesus upang pigilan
nagpapalayas ng demonyo sa
kanyang pangalan na hindi nila
kasamahan; sila ay sinabihan
ng Panginoon na iyon ay hayaan
sa ginagawang kabutihan sapagkat
aniya, "ang di laban sa atin
ay panig sa atin" habang mariin
niya silang pinagbilinan
mabuti pang talian sa leeg
ng gilingan bato ang sino mang
sanhi ng katitisuran sa kasalanan
(Mk.10:38-42) na mas malamang,
siyang napakabait!
Hindi kalaunan
mahahayag kabulukan
at karumihan
ng mababait
na tawag sa mga bubwit
at daga huwag lang
makapambuwisit,
aamuin, uutuin
ngunit ang katotohanan
sila ay pinagdududahan
at pinaglalaruan lang din
ng akala nilang mga
kaibigan;
kitang-kita naman
kawalan nila ng paninindigan
kaya lahat pinapayagan
huwag lang masaling
hungkag nilang katauhan
sa palakpakan lamang
nasisiyahan.
Kaya nga,
paano nga ba ilalarawan
itong katotohanang
hindi natin matutunan
na magkaibang-magkaiba
ang mabait at mabuti;
pagmasdan kahit saan -
sa paaralan o tanggapan,
sa tahanan maging sa simbahan
palaging kinakampihan
at pinipili, nagugustuhan
ang mabait
kaya ganito ating larawan
bilang sambayanan:
asong kalye
sa lansangan
inaabangan halalan
hanap ay hindi
husay at kagalingan
kungdi kapakinabangan!
Larawan kuha ni Lauren DeCicca/Getty Images sa Laoag City, 08 Mayo 2022.
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-22 ng Nobyembre 2022
Larawan kuha ng may akda, 16 Nobyembre 2022 sa Pulilan, Bulacan.
Nakakatawang isipin
na palagi nating nararanasan
mga pagwawakas at katapusan
nguni't bakit lagi nating kinatatakutan?
Sa dapithapon naroon ang takipsilim,
ang lahat mababalot ng dilim
na kinasasabikan natin dahil
tapos na rin mga gawain at aralin;
batid natin, ano mang kuwento
maski Ang Probinsiyano
magwawakas din;
mahirap isipin, maski tanggapin
kapag mayroong mga gusali na gigibain
lalo't higit mga ugnayan at kapatiran
na puputulin at papatirin
dahil sa alitan at, kamatayan.
Mismo ang Panginoong Hesus
tumiyak sa atin lahat ay magwawakas
hindi upang tapusin kungdi
muling buuin buhay at mundo natin
na mas mainam kaysa dati.
Kaya huwag isandig sarili natin
sa mga bagay ng daigdig na maglalaho rin
katulad ng dapithapon at takipsilim
bagkus ay ating yakapin
bawat wakas na tiyak darating
upang salubungin pagbubukang-liwayway
ng bagong araw ng buhay, pag-asa
at pagpapanibago kay Hesu-Kristo
na sariling buhay man ay nagwakas din
doon sa Krus upang muling mabuhay
at mabuksan Paraiso para sa atin --
ang tunay na katiyakang nakalaan sa atin!
Larawan kuha ni Bb. Danna Hazel de Castro, Sagada, Mt. Province, 2017.
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-26 ng Setyembre 2022
Larawan mula sa bloomberg.com ng isang homeless sa New York habang dinaraos noon ang fashion week, 2019.
Sinabi ni Jesus sa mga Pariseo, “May isang mayamang nagdaramit nang mamahalin at saganang-sagana sa pagkain araw-araw. At may isang pulubing nagngangalang Lazaro, tadtad ng sugat, na nakalupasay sa may pintuan ng mayaman upang mamulot kahit mumong nahuhulog mula sa hapag ng mayaman. At doo’y nilalapitan siya ng aso at dinidilaan ang kanyang mga sugat.
Lukas 16:19-21
Alam na alam natin
ang talinghagang ito
na marahil isasaysay muli
sa atin ni Kristo
upang magising ating pagkatao,
makilala sinu-sino
mga tinutukoy
nitong kuwento
na walang iba kungdi tayo.
Tayo ang mayaman
sagana sa pagpapala di lamang
ng magagarang damit at gamit,
pagkain at inumin
kungdi ng biyaya ng buhay
handog ng Maykapal
na sawimpalad ay ating
sinasarili, manhid sa kapwa
sarili ang sa tuwina ay tama.
Mayaman tayo
sa mga pagpapala
ngunit hindi mabanaagan
ni masilayan aliwalas
nitong mukha, ipinagkakait
mga ngiti sa labi, hindi mabati
nakakasalubong upang mahawi
lambong ng kalungkutan,
mapawi pati mga sakbibi.
Ang tunay na mayaman
Diyos ang kayamanan
kanyang nababanaagan
sa mukha ng bawat kapwa
na kanyang pinahahalagahan
kesa sa gamit o kasangkapan;
hindi siya kailangang lapitan
ni daingan sapagkat dama niya
hirap at kapighatian ng nahihirapan.
Huwag tayong pakasigurado
na tayo ay mabuting tao
hindi tulad ng mayaman
sa talinghaga ni Kristo
sapagkat si Lazaro
ang taong pinakamalapit
sa iyo, nakalupasay,
nariyan lang sa tabi mo
nilalapitan ng aso maliban sa iyo.
Si Lazaro ang nanay
at ginang ng tahanan
tadtad sa sugat ang katawan
mula sa paglapastangan
ng mga anak at panloloko
ng sariling esposo;
ang mga lola at lolo rin
si Lazaro na namumulot ng mumo
ng pansin at kalinga mula sa mga apo.
Kung minsan si Lazaro
yaong nagtatrabaho sa barko
o malayong dako ng mundo
gaya ni tatay o nanay, ate o kuya
nasaan man sila, tanging pamilya
ang nasa puso nila
hindi alintana kanilang
pagtitiis at pagpapagal
winawalwal ng kanilang minamahal.
Sino nga ba ako
sa talinghagang ito?
Ang mayaman na manhid
walang pakialam sa kapatid
o si Lazaro nagtitiis ng tahimik
walang imik sa kanyang sinapit
tanging sa Diyos nakakapit
nananalig sa Kanyang pagsagip
upang langit ay masapit!
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-25 ng Setyembre, 2022
Larawan kuha ng may-akda sa Pangasinan, Abril 2022.
Diyos Ama naming
mapagmahal,
kami ay ipag-adya
sa lahat ng kapahamakan
at mga kapinsalaan sa
pagdaraan ngayon ng
super-typhoon;
hindi namin mapigilang
maalaala malaking pagbaha
noong petsa Setyembre 26 din
ng taong 2009 nang manalasa ang
bagyong Ondoy; kaya't dalangin
namin ang paghupa nitong
napaka-sungit na panahon
kung tawagi'y super typhoon.
Sa mga sandaling ito
ng malalakas na buhos ng ulan
at walang tigil na paghampas
at pagbugso ng malalakas na
hangin, aming idinadalangin maliliit
naming mga kapatid, lalo't higit mga
naroon sa mga baybaying dagat at
malapit sa ilog, yaong mga walang
sariling tirahan, at mga nasa barong-
barong: sila nawa ay makalikas sa
mga ligtas na lugar hanggang
makalipas malalakas na ulan at hangin.
Ipinapanalangin namin mga
volunteers nasa rescue operations:
ingatan po ninyo sila sa lahat ng
kapahamakan, iligtas at pangalagaan
po Ninyo kanilang mga pamilya at
mahal sa buhay habang sila ay
abala sa paglilingkod sa mga mamamayang
apektado ng kalamidad; gayon din po
ang mga nasa iba't ibang sangay ng
pamahalaan at mga nasa media na kumakalap
ng mga balita upang magkaroon kami ng
tumpak na kalagayan ng mga nasalanta.
O Diyos naming makapangyarihan,
hindi man mapipigilan pananalasa ng
kalikasan, buksan at panibaguhin
aming mga kalooban upang kami
ay magdamayan, magtulungan
bilang iyong pinili at hinirang na
sambayanan; gayun din naman,
sana amin nang mapagtanto at
pangatawanan pangangalaga sa
kalikasan na aming pinabayaan
sanhi ng mga pansariling kaluguran.
Hinihiling naming ang lahat ng ito
sa ngalan ni Hesus na Iyong Anak at
aming Tagapagligtas,
sa kapangyarihan ng Espiritu Santo,
magpasawalang-hanggan.
Amen.
O mahal na Birheng Maria
aming Ina, kami ay iyong
ipanalangin at samahan,
liwanagan at tanglawan
paglalakbay sa gitna ng
kadiliman nitong buhay,
sa malakas na unos
kami ay magtiwala
tanging kaligtasa'y
kay Kristo lamang.
Amen.
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-21 ng Agosto, 2022
Larawan mula sa inquirer.net, 21 Agosto 2021.
Agosto 21, 2022.
Ganito rin noong Agosto 21, 1983.
May kakaibang pakiramdam.
Mayroong nangyayari.
Mayroong nangyari.
At mayroong mangyayari.
Pero, sayang.
Matatagalan na yata na
mayroon pang muling mangyari
na gayong uri ng kabayanihang
limutin ang sarili para sa bayan;
sayang, bakit natin pinabayaan
rurok ng kasaysayan
upang muling ilugmok sa kadiliman?
Gayon nga yata ating kapalaran,
tulad ng ugoy ng duyan itong kasaysayan;
hindi ko maiwasan maramdamam
ni Simoun sa El Filibusterismo
na hindi ko na nga yata maabutan
pagbubukang-liwayway ng Inang Bayan
kaya sa mga nalalabing panahon
nitong kadiliman, maging munting liwanag
upang aking mabuksan mga mata at
kamalayan ng kabataan sa katotohanan;
higit sa lahat,
huwag nang asahan mga karamihan
tularan si Ninoy
talikuran sariling kapakanan
para sa bayan.
At magbakasakaling mayroong
muling matauhan
sa awa at biyaya
ng Diyos na siyang hantungan
ng lahat ng kasaysayan.
“Sinasabi ko sa inyo ang mga bagay na ito upang makahati kayo sa kagalakan ko at malubos ang inyuong kagalakan. Ito ang aking utos: mag-ibigan kayo gaya ng pag-ibig ko sa inyo. Walang pag-ibig na hihigit pa sa pag-ibig ng isang taong nag-aalay ng kanyang buhay para sa kanyang mga kaibigan.”
Ang Panginoong Jesus noong Huling Hapunan, Juan 15:11-13