Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-21 ng Agosto, 2022

Agosto 21, 2022. Ganito rin noong Agosto 21, 1983. May kakaibang pakiramdam. Mayroong nangyayari. Mayroong nangyari. At mayroong mangyayari. Pero, sayang. Matatagalan na yata na mayroon pang muling mangyari na gayong uri ng kabayanihang limutin ang sarili para sa bayan; sayang, bakit natin pinabayaan rurok ng kasaysayan upang muling ilugmok sa kadiliman? Gayon nga yata ating kapalaran, tulad ng ugoy ng duyan itong kasaysayan; hindi ko maiwasan maramdamam ni Simoun sa El Filibusterismo na hindi ko na nga yata maabutan pagbubukang-liwayway ng Inang Bayan kaya sa mga nalalabing panahon nitong kadiliman, maging munting liwanag upang aking mabuksan mga mata at kamalayan ng kabataan sa katotohanan; higit sa lahat, huwag nang asahan mga karamihan tularan si Ninoy talikuran sariling kapakanan para sa bayan. At magbakasakaling mayroong muling matauhan sa awa at biyaya ng Diyos na siyang hantungan ng lahat ng kasaysayan.
“Sinasabi ko sa inyo ang mga bagay na ito upang makahati kayo sa kagalakan ko at malubos ang inyuong kagalakan. Ito ang aking utos: mag-ibigan kayo gaya ng pag-ibig ko sa inyo. Walang pag-ibig na hihigit pa sa pag-ibig ng isang taong nag-aalay ng kanyang buhay para sa kanyang mga kaibigan.”
Ang Panginoong Jesus noong Huling Hapunan, Juan 15:11-13