Ang masamang simoy ng hangin tuwing Pasko

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-06 ng Disyembre 2023
Larawan kuha ng may akda sa Dau, Mabalacat, Pampanga noong Nobyembre 2022.

Huwag sanang masamain itong aking lathalain tungkol sa isang hindi magandang gawain tuwing panahon ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoong Jesus nating mahal. Totoong sa panahong ito na malamig ang simoy ng hangin at dama ang tuwa at kagalakan ng lahat saanman ngunit mayroong ilan na hindi maganda ang mga nasa loobin at damdamin.

Tunay nga na ang diwa ng Pasko ay ang pagbibigay ng dakilang handog ng Diyos sa atin ng Kanyang Bugtong na Anak kung kaya tayo man ay tinatawagang magbahagi ng biyaya at pagpapala Niya sa ating kapwa; ngunit, hindi nangangahulugang sasamantalahin natin ang panghihingi kaninuman. Hindi naman malaking bahagi ng Kapaskuhan ang panghihingi kumpara sa gampaning magbigay at magbahagi.

Gayun din naman, sakaling tayo ay manghihingi, ito ay dapat sa diwa pa rin ng ginawang pagbibigay ng Diyos ng Kanyang Anak sa atin. Alalaong baga, lagi nating isaalang-alang ang pagmamahal o charity sa tuwing tayo ay hihingi. At mamamasko. Magbigay man o manghingi, Pasko man o hindi, dapat si Kristo ang batayan ng ating gawain.

Dalawang bagay ang ibig kong ibahagi.

Larawan kuha ng may akda sa Dau, Mabalacat, Pampanga noong Nobyembre 2022.

Una ay dapat nating alalahanin na kusa ang pagbibigay at pagbabahagi. Huwag tayong namimilit sa panghihingi. Mayroong mga iba na kung makahingi at mamasko ay parang may pinatago. Higit sa lahat, akala mo obligasyon ng lahat ng hingian ay magbigay!

Minsan nakita ko post ng isang kaibigan naninirahan sa Canada. Tahasan niyang sinabi sa kanyang post sa Facebook na huwag na siyang anyayahan maging “friend” kasi malulungkot lang sila. Paliwanag ng kaibigan ko palagi na lang daw kasunod ng pag-anyaya sa kanya sa Facebook ay, “mare, pahiram naman…”

Juice colored! Akala ko ako lang ang ginaganoon! At lalong nagulat ang kaibigan ko na pati daw ba ako ay hinihingian? E oo ika ko. Gusto pa nga ng iba ay G-cash e wala naman akong ganun.

Larawan kuha ng may akda sa Dau, Mabalacat, Pampanga noong Nobyembre 2022.

Hindi lahat ng tao ay nakaluluwag sa buhay. At kung sakali mang sila ay nakaririwasa, hindi ito dahilan para sila ay hingan. At hingan ng hingan.

Aaminin ko sa inyo na talamak ito sa mga taong-simbahan na wala nang ginawa kungdi manghingi nang manghingi.

Tanungin ninyo kung ano kanilang naibigay pati ng kanilang pari, wala. Ni panahon hindi makapagbigay, ni ayaw magmisa, hindi mahagilap at kung makahingi, wagas. At may presyo pa!

Higit sa lahat, yung iba nananakot pa kung hindi magbibigay ay baka daw “malasin”. Sila na rin ang sumalungat sa turo na walag suwerte suwerte sa pananampalataya dahil lahat ay pagpapala.

Pakaisipin din sana natin ngayong panahon ng Kapaskuhan lalo na marahil ay mayroong “favorite charity” o mga sadyang binabahaginan at tinutulungan ang marami nating mga kababayan lalo na yaong mga nakaluluwag sa kabuhayan. Maging ang Panginoong Jesus ay hindi naman pinagbigyan ang lahat ng lumapit sa kanya noon.

Larawan kuha ng may akda sa Dau, Mabalacat, Pampanga noong Nobyembre 2022.

Ikalawa, maging magalang sa panghihingi. Nakalulungkot kasi na maraming tao ngayon ang hindi na yata marunong mahiya sa panghihingi. Wala man lamang pagpipitagan. Gaya nga ng daing ng kaibigan ko, akala mo makikipag-kaibigan pero iba pala ang layon.

Ito yung mga text na bitin tulad ng “Pare…” o kaya ay “mare”. Sinasabi ko yan maski sa mga kakilala ko. Huwag na huwag kayong magtetext ng bitin. Yun bang akala mo mayroong masamang nangyari kaya ikaw naman biglang titingin sabay text ulit ng humihingi ng pabor.

Pasensiya na po. Ang tawag doon ay “kawalan ng modo.” Kabastusan.

Laganap ang sisteng ito sa internet lalo na noong 2020 nang kasagsagan ng COVID pandemic at lockdown. Noong Kapaskuhan noon, mayroong nagtanong sa akin na tama daw ba iyong gawain ng ilang inaanak na namamasko at sinasabing i-Gcash na lang kanilang aguinaldo?

Sabi ko ay hindi. Iyon ika ko ay kawalan ng paggalang. Pang-aabuso. Walang pinagkaiba sa holdap.

Larawan kuha ng may akda sa Dau, Mabalacat, Pampanga noong Nobyembre 2022.

Muli, walang obligasyon ang sino man na magbigay at magregalo kanino man kahit kailan. Kusa ang pagreregalo. Higit sa lahat, ang regalo ay tanda ng pagkatao ng nagbigay. Kung ipipilit ang panghihingi ng tulong o abuloy o regalo, samakatwid, kinalimutan ang pagkatao ng hinihingian.

At iyan ang mabahong simoy ng Pasko.

Pumarito si Kristo at nagkatawang-tao katulad natin upang ipakita sa atin ang ating dangal bilang tao. Na ang daan sa pagiging katulad ng Diyos na banal ay sa pagpapakatao. Kung ang tuon ng pansin ngayong Pasko ay ang regalo, abuloy, o tulong na makakamit, ibig sabihin wala ang diwa ni Kristo sa nanghihingi.

Ituring na lang silang mga tulisan o mga mapagsamantala sa pagkakataon. At sana ay maimulat din sa tunay na diwa ng Pasko, ng pagbibigay at panghihingi. Simple lang naman ang paanyaya ng Diyos sa atin na ibahagi si Kristo araw-araw sa ating pagmamahal at paglilingkod ano mang panahon. Higit sa mga pera at bagay na kaloob ay ang sariling pagkatao. Nawa ay maging makabuluhan at kaaya-aya ang inyong Kapaskuhan!

Ang kalabisan (at katatawanan)ng long weekend

Lawiswis Ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-01 ng Disyembre 2023
Larawan kuha ni G. Jay Javier, shooting ng pelikula sa Fort Santiago.

Madalas kong biruin mga kaibigan at kakilala lalo na sa social media na magtanong kung ano ang “long weekend”? Mula kasi nang maging pari ako, nilimot ko na ang salitang weekend dahil sa mga araw nito – Sabado at Linggo – ang aming gawain at gampanin sa simbahan. Inaasahan kami ng mga tao na makakasama nila tuwing weekend kaya naman lahat ng pagtitipon sa pamilya at mga kaibigan ay tinatapat namin sa ordinaryong araw upang ako ay makadalo.

Ngunit kung tutuusin, wala naman talagang weekend dahil hindi naman natatapos o nagwawakas – end – ang sanlinggo. Kaisipang Amerikano ang weekend kaya meron silang bukambibig na TGIF, Thank God It’s Friday na kung kailan natatapos o nagwawakas (end) lahat ng trabaho at opisina upang maglibang ng Sabado at Linggo, weekend. Pagkatapos ng weekend, kayod muli mula Lunes hanggang Biyernes.

Sa kabilang dako para sa ating mga Kristiyano, ang Linggo ang unang araw ng sanlinggo at hindi ito nagwawakas ng Biyernes o Sabado. Tingnan ninyong mabuti: Linggo, Lunes, Martes, Miyerkules, Huwebes, Biyernes, Sabado, Linggo ulit!

Ulit lang nang ulit ang isang linggo kada araw ng Linggo, ang Araw ng Panginoon o Dies Domini sa wikang Latin kung kailan tayo obligadong magsimba bilang alaala at pagpapaging-ganap ng Misterio Pascua ng Panginoong Jesus, ang kanyang pagpapakasakit, pagkamatay at muling pagkabuhay.

Iyan ang buhay din natin na ang kaganapan ay sa Langit na wala nang wakas kungdi buhay na walang hanggan. Ito ang dahilan mayroon tayong tinatawag na octaves of Christmas at Easter, ang walong-araw ng Kapaskuhan ng Pagsilang at ng Pagkabuhay muli ni Jesus.

Oo nga at mayroong pitong araw sa isang linggo, ngunit ipinakikita sa atin lalo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay ni Jesus ang walang hanggang buhay sa ikawalong araw na pumapatak na Linggo palagi, ang Divine Mercy Sunday. Kung Pasko ng Pagsilang, papatak ito palagi ng Dakilang Kapistahan ni Maria, Ina ng Diyos ng Enero Primero na siyang ating ipinagdiriwang at hindi Bagong Taon kasi nga po Unang Linggo ng Adbiyento ang ating bagong taon sa Simbahan.

Tumpak din naman at may katotohanan ang awitin nina John, Paul, George at Ringo ng Beatles na “eight days a week, I lo—-ve you! Eight days a week, I lo—-ve you!

Snapshot mula sa post ni Kier Ofrasio sa Facebook, 30 Nobyembre 2023.

Kaya naman isang malaking kalokohan at kabaliwan itong naisipan noong panahon ni PGMA na ilipat mga piyesta opisyal sa Biyernes o Lunes upang magkaroon ng long weekend. Para daw sa ekonomiya. Sa madaling sabi, para sa pera.

Kuwarta. Kuwarta. At kuwarta pa rin ang usapan, hindi ba?

Nasaan na ang pagsasariwa ng diwa ng mga piyesta upisyal natin bilang isang sambayanan?

Pati ba naman kaarawan o kamatayan ng mga bayani natin na matapos maghandog ng buhay sa atin ay dadayain pa rin natin upang pagkakitaan?

Fer, fer! For real!

Bukod sa materyalismo, mayroon ding masamang implikasyon itong long weekend na ito sa ating moralidad at iyan ay ang kawalan natin ng matiyagang paghihintay – ang pagpapasensiya.

Lahat advanced sa atin. Hindi tayo makapaghintay sa araw ng suweldo. Kaya, vale dito, vale doon. Loan dito, loan doon. At hindi biro ang dami ng mga kababayan nating nasira ang buhay dahil sa pagkaubos ng kabuhayan nang malulong sa maling pag-gamit ng credit cards kung saan totoong-totoo ang kasabihang, “buy now, suffer later”. Kaya, heto ngayon, pati piyesta upisyal ina-advance natin!

Maaring nagkasiyahan tayo sa long weekend ngunit, lubos nga ba ating katuwaan at kagalakan? Napagyaman ba nito ating katauhan at mga ugnayan? O, nabaon lang tayo sa utang lalo ng kahangalan?

Larawan ng walang galawang trapik sa McArthur Highway mula sa Facebook ni Kier Ofrasio, 30 Nobyembre 2023.

Katawa-tawa tayong mga Pinoy simula nang mauso long weekend. Sa haba at tagal ng ating lockdown noong pandemya, long weekend pa rin sigaw natin?

Dapat siguro baguhin na ating taguring na Juan dela Cruz at gawing Juan Tamad.

O, Juan Tanga gaya nang naranasan noong a-trenta nang isara ng mga magagaling ang Monumento. Winalanghiya mga maralita at manggagawa na ipinaglaban ni Gat. Andres Bonifacio noong himagsikan na siyang dahilan kaya ating ipinagdiriwang kanyang kapanganakan noong ika-30 ng Nobyembre 1863.

Kung baga sa Inggles, iyon ang “the short of long weekend, an exercise in futility. And stupidity.” Sana magwakas na gawaing ito na dati naman ay wala sa ating kamalayan. Salamuch po!

Kristong Hari ng sanlibutan, tunay nga ba nasasalamin natin?

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-28 ng Nobyembre 2023

Habang naghahanda para sa Dakilang Kapistahan ng Kristong Hari ng Sanlibutan noong Linggo (26 Nobyembre 2023), pabalik-balik sa aking gunita at alaala ang unang taon ng COVID-19 pandemic kasi noong mga panahong iyon, tunay na tunay nga si Jesus ang Hari nating lahat.

Marahil dahil sa takot at kawalan ng katiyakan noong mga panahon iyon na kay daming namamatay sa COVID at wala pang gamot na lunas maging mga bakuna, sadyang sa Diyos lamang kumakapit ang karamihan.

Hindi ko malimutan mga larawang ito noon sa dati kong parokya na mga tao ay lumuluhod sa kalsada sa pagdaraan ng paglilibot namin ng Santisimo Sakramento noong Dakilang Kapistahan ng Kristong Hari noog Nobyembre ng 2020.

Marubdob ang mga eksena noon at damang dama talaga pagpipitagan ng mga tao sa Santisimo Sakramento.

Sinimulan namin ito noong unang Linggo ng lockdown, ika-22 ng Marso 2020 na ikalimang linggo ng Kuwaresma. Tandang tanda ko iyon kasi birthday ko rin ang araw ng Linggong iyon.

At dahil walang nakapagsimba sa pagsasara ng mga simbahan noon, minabuti kong ilibot ang Santisimo Sakramento ng hapong iyon upang masilayan man lamang ng mga tao si Jesus, madama nilang buhay ang Panginoon at kaisa sila sa pagtitiis sa gitna ng pandemic.

Hiniram ko ang F-150 truck ng aming kapit-bahay. Hindi ko pinalagyan ng gayak ang truck maliban sa puting mantel sa bubong nito kung saan aking pinatong ang malaki naming monstrance. Nagsuot ako ng kapa at numeral veil habang mga kasama ko naman ay dala ang munting mga bell para magpaalala sa pagdaraan ng Santisimo.

Pinayagan kami ng aming Barangay chairman si Kuya Rejie Ramos sa paglilibot ng Santisimo at pinasama ang kanilang patrol kung saan sumakay ang aming mga social communications volunteer na Bb. Ria De Vera at Bb. Anne Ramos na silang may kuha ng lahat ng larawan noon hanggang sa aking pag-alis at paglipat ng assignment noong Pebrero 2021.

Nakakaiyak makita noon mga tao, bata at matanda, lumuluhod sa kalsada. Ang iba ay may sindi pang kandila at talagang inabangan paglilibot namin na aming inanunsiyo sa Facebook page ng parokya noong umaga sa aming online Mass.

Pati mga nakasakay sa mga sasakyan nagpupugay noon sa Santisimo Sakramento.

Nang maglaon, marami sa mga tahanan ang naglagay na ng mga munting altar sa harap ng bahay tuwing araw ng Linggo sa paglilibot namin ng Santisimo Sakramento.

Napakasarap balikan mga araw na iyon na bagama’t parang wakas na ng panahon o Parousia dahil sa takot sa salot ng COVID-19, buhay ang pananampalataya ng mga tao dahil nadama ng lahat kapanatilihan ng Diyos kay Jesu-Kristong Panginoon natin.

Katunayan, noong unang Linggo ng aming paglilibot ng Santisimo Sakramento, umulan ng kaunti nang kami ay papunta na sa huling sitio ng aming munting parokya. Nagtanong aking mga kasamahan, sina Pipoy na driver at Oliver na aking alalay kung itutuloy pa namin ang paglilibot. Sabi ko ay “oo”.

Pagkasagot ko noon ay isang bahag-hari ang tumambad sa amin kaya’t kami’y kinilabutan at naiyak sa eksena. Noon ko naramdaman ang Panginoon tinitiyak sa akin bilang kura noon na hindi niya kami pababayaan.

At tunay nga, hindi niya kami – tayong lahat- pinabayaan.

Kaya noong Biyernes, ika-24 ng Nobyembre 2023, napagnilayan ko sa mga pagbasa kung paanong itinalaga muli ni Judas Macabeo ang templo ng Jerusalem matapos nilang matalo at mapalayas ang mananakop na si Hariong Antiochos Epiphanes habang ang ebanghelyo noon ay ang tungkol sa paglilinis ni Jesus ng templo.

Bakit wala tayong pagdiriwang sa pagwawakas o panghihina ng epekto ng COVID-19? (https://lordmychef.com/2023/11/24/if-covid-is-over/)

Nakalulungkot isipin na matapos dinggin ng Diyos ating mga panalangin noong kasagsagan ng pandemya, tila nakalimutan na natin Siya. Kakaunti pa rin nagsisimba sa mga parokya at nahirati ang marami sa online Mass.

Walang pagdiriwang ni kapistahan ang Simbahan sa pagbabalik sa “normal” na buhay buhat nang mawala o manghina ang virus ng COVID.

At ang pinamakamasaklap sa lahat, hindi na yata si Jesus ang naghahari sa ating buhay ngayon.

Balik sa dating gawi ang maraming mga tao.

At nakakahiyang sabihin, hindi na nalampasan ng mga tao at pati ilang mga pari katamaran noong pandemic.

Nakakahiyang aminin na pagkaraan ng araw-araw na panawagan sa Facebook noong isang linggo na lumuhod at magbigay-galang kay Kristong Hari na nasa Banal na Sakramento mga tao, maraming mga pari noong Linggo ang kinatamaran magsuot na nararapat na damit tulad ng kapa at numeral veil. At pagkatapos, sasabihin, isisigaw, Mabuhay ang Kristong Hari?

Hindi pa lubusang tapos ang COVID, pero, ibang-iba na katayuan natin ngayon. Malayang muli nakakagalaw, walang face mask maliban sa ilang piling lugar tulad ng pagamutan. Ang tanong ngayong huling linggo ng ating kalendaryo sa Simbahan ay, si Jesus pa rin ba ang haring ating kinikilala, sinusunod at pinararangalan sa ating buhay, maging sa salita at mga gawa?

Nasasalamin ba natin si Kristong Hari sa ating mga sarili, lalo na kaming mga pari Niya?

Si Ned at si San Martin ng Tours

Lawiswis Ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-15 ng Nobyembre 2023

Ang kauna-unahang may sakit na aking pinahiran ng Banal na Langis ay ang tiyahin ng aking ina na kung tawagin namin ay Ned. Ayon sa nanay ng aming ina na Ate ng Ned, utal daw kasi ang dalawang nauna niyang anak at hindi masabi ang Nana Cedeng (o Chedeng), ang palayaw ng kanyang tunay na pangalang Mercedes.

Kaya, naging Ned na ang nagisnang tawag ng mga mommy ko at pati na kaming magpipinsan na kanyang mga apo. Walang anak ang Ned dahil maaga siyang nabiyuda nang magka-cancer ang kanyang kabiyak na siyang tunay na taga-Bocaue, Bulacan. Mula sa Aliaga, Nueva Ecija ang mga lola ko sa panig ng aking ina na mula sa angkan ng mga Bocobo.

Nang ako ay magdiriwang ng aking Primera Misa Solemne bilang bagong orden na pari noong ika-26 ng Abril 1998, hindi na nakapaglalakad ang Ned kaya bago kami magprusisyon, siya ay aking dinalaw at pinahiran ng Langis ng Maysakit. Pagkaraan ng ilang Linggo, sinugod siya sa ospital dahil sa stroke at nag-comatose kaya kinailangang ipasok sa ICU. Hindi naman siya kaagad namatay tulad ng iba kong pinahiran ng Langis ng Maysakit….

Pagkaraan ng isang linggo, inilipat na siya ng regular na silid at aking dinalaw. Hindi naapektuhan ng stroke ang kanyang pananalita. Tumingin siya ng matagal sa akin at pagkaraan ay hiniling na lumapit sa kanya.

“Mayroon akong ikukuwento sa iyo, Father, pero hindi ko alam kung ikaw ay maniniwala” sabi niya sa akin. Hinagod ko kanyang noo gaya ng ginawa niya sa akin noong ako ay natigdas nang bata pa. “Ano po inyong sasabihin?”, tanong ko sa kanya.

Larawan kuha ni G. Bryan San Luis, Kapistahan ni San Martin ng Tours, Patron ng Bayan ng Bocaue, Bulacan, 11 Nobyembre 2023.

“Father… ako e namatay na. Ang natatandaan ko lang ay naglalakad ako mag-isa sa madilim na kalsada. Maya-maya may nakita akong liwanag at bigla mayroong sumalubong sa aking mama na naka-kabayong puti. Sinabi sa akin nung mama, ‘Cedeng, magbalik ka na ika… hindi mo pa oras.'”

Sabi ng Ned, kaagad naman siyang tumalikod at naglakad pabalik ngunit muli niyang nilingon yung mama na naka-kabayo. Tinanong daw niya, “Hindi ba kayo si San Martin ng Tours?” At sumagot naman daw yung mama na siya nga si San Martin ng Tours. “E paano po ninyo ako nakilalang si Cedeng?” tanong daw niya. Sumagot daw si San Martin, “Paanong hindi kita makikilala, Cedeng, e kada piyesta ng Mahal na Krus at kapistahan ko ay nagsisimba ka palagi sa Bocaue?” Nangiti raw si San Martin sa kanya at di na niya nalaman ang mga sumunod maliban sa makita sarili niya naroon na sa ospital.

Wala daw siyang pinagsabihan ng karanasang iyon maliban sa akin dahil ako ay pari. At muli niya akong tinanong, “naniniwala ka ba Father na pinabalik ako dito ni San Martin ng Tours?” Hinagod ko muli ang noo ng Ned at sinabi ko sa kanyang “Opo, naniniwala po ako sa inyo.”

Larawan kuha ni G. Bryan San Luis, si San Martin aming Patron kasama ang Mahal na Krus sa Wawa na amin ding ipinagpipista tuwing buwan ng Hulyo sakay ng pagoda sa Ilog ng Bocaue.

Tumagal pa ang Ned ng limang taon bago siya pumanaw noong ika-5 ng Hulyo, 2003. Mismong sa harap ko siya namatay nang siya ay aking dalawin matapos ako magmisa sa kapit-bahay niyang namatay.

Naku, kay laking isyu noon sa aming lugar ang pagkamatay ng Ned. Ako sinisisi ng matatanda kasi daw inuna kong puntahan ang patay bago ang buhay! Ewan ko sa kanila ngunit pagpapala ang aking naranasan at nakita sa pangyayari: nang malagutan ng hininga ang Ned sa harap ko, kaagad kong tinawag ang kanyang tagapag-alaga, pinahiran ko pa rin siya ng Banal na Langis, at nang matiyak na patay na siya, kaagad akong nagmisa mag-isa doon sa kanyang silid kasama malamig niyang bangkay. (Ewan ko ba. Dalawang pari na rin, parehong Monsignor, ang namatay sa harapan ko at sa pangangalaga ko.) .

Palagi ko ikinukuwento ang “near-death experience” na iyon ng aking Lola hindi lamang sa dahil kakaiba kungdi mayroong malalim na katotohanang inihahayag – ang pagmamahal sa ating parokya, ang pananalangin ng mga Banal sa atin at higit sa lahat, ang kahalagahan ng Banal na Misa na siyang “daluyan ng lahat ng biyaya at rurok ng buhay Kristiyano” ayon sa Vatican II. Wika ni San Juan Pablo II, sa Banal na Misa aniya ay mayroong cosmic reality

Nang magkaroon ako ng sariling parokya noong 2011, isa iyon sa mga una kong kinuwento sa mga tao upang ituro pagmamahal sa kanilang parokya. Ipinaliwanag ko sa kanilang ang mga Banal na mga Patron ng parokya ang unang nangangalaga sa mga mananampalataya, ang ating mga tagapagdasal doon sa langit, mga taga-pamagitan.

Larawan kuha ni G. Bryan San Luis, prusisyon noong Kapistahan ni San Martin ng Tours, Patron ng Bayan ng Bocaue, Bulacan, 11 Nobyembre 2023.

Naniniwala ako na si San Martin ng Tours ang sumalubong kay Ned kasi nga hindi pa naman niya oras, kaya wala pang paghuhukom na naganap sa kanya na tanging si Jesu-Kristo lang ang makagagawa.

Ang pinaka-gusto kong bahagi ng kanyang kuwento ay ang kanilang usapan kung paano nakilala ni San Martin ang aking Lola sa tunay niyang palayaw na Cedeng. At hindi Ned.

Ipinakikita nito sa atin ang kahalagahan ng pagsisimba tuwing Linggo at mga pistang pangilin sa simbahan lalo ngayon panahon na akala ng marami ay sapat na ang online Mass. Ang Banal na Misa ay “dress rehearsal” natin ng pagpasok sa Langit. Kay sarap isipin na bukod sa Panginoon at Mahal na Birheng Maria na sasalubong sa atin doon ay kasama din ang Patron ng ating Parokya na kinabibilangan natin. Nakalulungkot maraming tao ngayon ni hindi rin alam kung ano at saan kanilang parokya! Alalahanin mga nakita ni San Juan Ebanghelista sa langit habang siya ay nabubuhay pa upang isulat sa Aklat ng Pahayag:

At narinig ko ang isang tinig mula sa langit na nagsasabi, “Isulat mo ito: Mula ngayon, mapapalad ang naglilingkod sa Panginoon hanggang kamatayan!” “Tunay nga,” sabi ng Espiritu. Magpapahinga na sila sa kanilang pagpapagal; sapagkat susundan sila ng kanilang mga gawa.”

Pahayag 14:13

Anu-ano nga ba ating mga pinagkakaabalahanan sa buhay ngayon? Anu-ano ating pinag-gagawa na susundan tayo sa kabilang buhay upang ating ipagpatuloy? Kabutihan ba o kasamaan? Huwag nating sayangin pagkakataong ipinagkakaloob sa atin ng Diyos ngayon. Siya nawa.

San Martin ng Tours, ipanalangin mo kami.

Larawan mula sa flickr.com ng isang icon ni San Martin ng Tours hinahati kanyang kapa para sa isang pulubi.

Patapos

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-06 ng Nobyembre 2023
Larawan kuha ng may akda, bahagi ng Tarlac sa Central Luzon Link Expressway, 19 Hulyo 2023.
Natitiyak ko kay dami
ninyong kuwento sa araw na ito
matapos ang mahabang
"long weekend";
mula halalan 
hanggang Undas
inyong pinag-uusapan,
magagandang tanawin 
at pasyalang pinuntahan,
masasarap at malinamnam
na pagkaing natikman
habang binabalik-balikan
mga alaala
at gunita kapiling
mga minamahal natin.
Nguni't 
hindi ba ninyo napansin
bakit kay huhusay natin
kapag mga bagay-bagay
ay papatapos
at magwawakas na rin?
Kung kailan patapos
na bakasyon, 
ibig mo ay extension 
dahil saka pa lamang
nararamdaman ang samahan;
kay hirap magpaalam
inaasam oras ay madagdagan
kahit kaunting sandali lang
huwag nang tigilan
kuwentuhan at tawanan;
kung kailan uwian na
saka matatagpuan 
maganda at bagong
tanawin, pakiramdam
laging bitin.
Ngunit kung tutuusin,
buhay ay laging bitin
lahat ay paulit-ulit
na simulain dahil
walang natatapos
walang nagwawakas din.
Alalahanin turo
ng matatanda sa atin
huwag magsasalita
ng tapos dahil kung ating
susuriin, sa pag-alis
at paglisan natin,
tayo ma'y dumarating;
maging sa kamatayan
pananaw nati'y hindi wakas
kungdi simula ng buhay 
na walang hanggan
kaya naman kapag mayroong
pumanaw, mga huling araw
nila ay puro habilin,
buhay ay kay husay.
Kaya alalahanin
bagaman ang wakas ay
nagbabadya palagi,
pagbutihin bawat sandali
upang sa bawat katapusan
mabakas mas magandang bukas!
Larawan kuha ng may-akda mula sa OLFU-Quezon City, Enero 2023.

Sobra na, tama na!

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-26 ng Setyembre 2023
Larawan mula sa redditt.com ng iskulturang pinamagatang “Love” ni Ukrainian artist Alexander Milov naglalarawan ng inner child sa bawat isa sa atin na ibig palaging makipag-ugnayan sa kapwa.

Hindi po tungkol sa pulitika ang aking lathalain kungdi ukol sa tila lumalabis nang pagkahumaling ng mga tao sa computer at mga makabagong teknolohiya. Sa aking palagay ay sumusobra na pagsaklaw ng teknolihiya sa ating buhay at nawawala na ating pagkatao. Hindi ako magtataka na bukas makalawa, magkakatotoo na nga yata yung dating ipinangangamba na pananakop ng mga robot sa ating buhay o mismo sa ating mga tao!

Ang katotohanan po ay tumigil na akong kumain sa mga fastfood restaurant hindi dahil sa magastos at unhealthy nilang pagkain at inumin kungdi ang mga nakaka-inis na sisteng kailangang pa akong umorder nang nagpipindot sa mga screen nila ng kakanin gayong may mga crew naman sila.

Minsan pauwi ako mula sa pagmimisa sa lamay sa patay sa Bulacan. Hindi ako gaanong nakakain kaya dumaan ako sa McDonald’s sa Nlex Drive and Dine. Ayokong mag-drive thru para doon na rin makapagpahinga ng konti sabay pagpag na rin maski hindi ako naniniwala doon.

Sising-sisi ako at dumaan pa ako doon; sana nga pala ay nag-drive thru na lang ako kasi naman ay ganito po ang nangyari.

Larawan mula sa news.abs-cbn.com

Pagpasok ko sa McDonald’s doon ay tumambad sa akin ang mga higanteng screen na doon daw oorder. Kasinglaki ni Ronald McDonald yung mga screen pero hindi sila friendly kasi natakot ako. Aminado akong tanga at walang alam sa mga iyon. Hindi po ako techie. Kahit naka-iPhone ako, inaamin kong hindi ko pa rin alam hanggang ngayon kung paano ito gamitin. Di ko naintidihan yang mga hacks na iyan.

Wala akong nagawa kungdi sumunod sa crew na naka-ngiti naman. Binasa ko instructions. Pindot dito, pindot doon. Ewan ko. Naghalo na rin siguro gutom at katangahan, pabalik-balik ako sa simula at hindi maka-order. Mayroon akong nakasabay na engot din at lumapit sa amin yung guwardiya upang tulungan kami. Nawalan na ako ng ganang kumain sa inis sa screen, sa sarili ko na rin, at sa pamunuan ng McDonald’s. Bakit hindi na lang kinuha order ko kesa pinahirapan pa ako doon sa electronic counter na yun?

Bakit kailangang pilitin ang lahat na gumamit ng computer para sa pag-order? Hindi ba naiisip ng mga fastfood na ito na mayroong mga taong hindi pa rin gamay at handa sa gayong uri ng transsaksiyon? Ang pinaka-ayoko sa sisteng ito ng modernisasyon na ang lahat ay automated at computerized ay nawawala ang ating “pagkatao”, iyon bang human touch at humanness ika sa Inggles.

Larawan mula sa NLEX.

Sa expressway ay mauunawaan ko pa dahil upang mapabilis ang biyahe, mainam ang RFID. Ngunit may mga pagkakataon na hindi ako nagmamadali na pagkaraan ng nakakapagod na pagmamaneho sa trapik, ang ibig ko lang ay mayroong makitang isang kapwa-tao. Yung bang madama lang yung “warmth of another human person” ay malaking bagay na rin upang mapawi pagod at stress, na para bang nagsasabing hindi ka nag-iisa. Noong dati ay nakakausap ko pa ng kaunti mga teller sa Nlex sa paniniwala na makapagpasaya lang ako ng isa pang nilalang na maaring bigat na bigat sa problema. Ngayon, wala na yung koneksiyon na iyon kaya hindi kataka-taka, marami sa atin ang disconnected sa isa’t-isa maging sa sarili! Kaya sabog maraming tao ngayon. Siguro kung maibabalik lang natin marami nang nawalang human interaction, mababawasan yang mga road rage sa lansangan.

Isang nakakamiss para sa akin ang magpunta sa bangko at pumila, makahunta ilang mga tao doong kakilala pati na ang manager at magagandang teller. Iyon ang wala sa electronic banking. Totoong convenient at mabilis ang pagbabangko gamit ang cellphone o computer ngunit napaka-impersonal! Iyon na ba ang mahalaga sa atin ngayon, kaginhawahan kesa ugnayan sa kapwa tao?

Pakikipag-ugnayan ang layon ng komunikasyon. Para sa akin, ang pinakamagandang paglalahad ng kahulugan ng komunikasyon ay mula sa Pastoral Instruction na Communio et Progressio sa pagpapatupad ng dokumento ng Vatican II sa social communication na Inter Mirifica:

Communication is more than the expression of ideas and the indication of emotion. At its most profound level it is the giving of self in love. Christ’s communication was, in fact, spirit and life.

Communio et Progessio, #11

Sa lahat ng nilalang ng Diyos, tao lamang ang kanyang binahaginan ng kanyang kapangyarihang makipagtalastasan o komunikasyon. Ang aso ay tumatahol, pusa nagme-meow at ang baboy ay nag-o-oink-oink. Ngunit ang tao, nagsasalita, nangungusap. Naiintindihan, nauunawaan. At kapag nangyari iyon, nagkakaroon ng ugnayan at kaisahan. Communication, tapos communion.

Hindi ito nangyayari sa computer. Manapa, madalas pakiwari ko ay inuulol tayo ng mga ito! Ano kalokohan yung alam mo namang AI (artificial intelligence) o robot ang “kausap” mo tapos sasagot ka sa kahon na “I am not a robot”? At, mantakin mong utusan ka ng Waze o Google map na pakiwari mas alam niya lahat kesa iyo?

Kaya siguro maraming high blood din ngayon kasi nga kapag sumablay mga teknolohiyang ito lalo na ang mahinang signal, tapos na lahat ng usapan. Sa gayon, walang napagkakayarian, walang napagkakasunduan kaya wala ring kaisahan.

Ito rin ang hindi ko magustuhan sa ipinagmamalaki ng dati kong upisina at network, iyong kailang AI-sportscasters.

larawan mula sa gmanetwork.com.

Heto na yata ang rurok ng kalabisan sa pagkamaliw ng karamihan sa teknolohiya. Unang tanong natin dito ay ano po ba ang turing ng mga kumpanyang gumagamit nito sa kanilang mga taga-tangkilik? Tayo ba ay pinahahalagahan pa nila at ipinauubaya na lamang tayo sa mga robot?

Higit sa maraming mahuhusay na tagapagbalita, sa ganang akin walang puwang sa newscast o ano mang uri ng pagbabalita ang mga AI dahil ang komunikasyon ay ugnayan. Communication is a relationship, lalo na balita at isports. Kahit na maperfect pa ang teknolohiyang iyan, hindi mapapalitan at di dapat mapalitan ang tao sa pakikipag-ugnayan sa kapwa tao.

Ikalawa, ano ang dahilan para magkaroon ng AI na sportscaster? Magmalaki? Magyabang? Ano pa kaya gusto ng GMA-7 gayong wala na silang kalaban?

At dapat nilang asikasuhin ay mabigyan tayo ng buhay na mga programa, coverage na umaantig sa aming pagkatao, kayang hipuin kaibuturan ng aming sarili upang madama tuwa at lungkot ng bawat tagumpay at kabiguan saan mang larangan ng buhay. Maramdaman nating hindi tayo nag-iisa sa pag-aasam ng tagumpay at kaunlaran dahil mayroong kaming mga kalakbay sa biyaheng ito ng buhay. Iyon ang kahulugahan ng integrated news – buo. Paanong naging integrated news kung hindi naman tao ang sportscaster nila? Hindi ba doon pa lamang ay sira na ang kabuuan? Sila ba ay mayroong puso para ituring na Kapuso?

Ang kailangan ay isang kapwa na makakasama sa buhay lalo na sa media. Sa Inggles, tawag doon ay companion. Mula sa dalawang salitang Latin, cum na ibig sabihi’y with o kasama at panis na kahulugan ay bread o tinapay; sa literal na salin, ang companioncum panis – ay kahati sa tinapay. “Someone you break bread with.” Ang tinapay naman ay tanda ng ating sarili, ng ating buhay. .

Samakatwid, ang companion o kasama ay isang kapwa na nagbabahagi ng kanyang sarili sa kapwa upang mabuhay din. Iyan ang dangal at karangalan ng pagbabalita na sadya namang maipagmamalaki ng GMA News mula marami nilang mahuhusay na newscasters at reporters. Kaya lahat ay nalungkot nang pumanaw si G. Mike Enriquez na naging bahagi ng buhay ng maraming kababayan natin sa kanyang estilo ng pagbabalita. Taong-tao siya, ika nga.

Larawan kuha ng may-akda, Our Lady of Fatima University, Valenzuela City, 13 Setyembre 2023.

Kaya rin naman sa Banal na Misa, ang tawag doon ay Banal na Komunyon, ang pagbabahagi at pagtanggap sa Katawan ni Kristo sa anyo ng tinapay. Nakiisa sa atin si Jesus sa lahat ng bagay sa ating katauhan liban sa kasalanan tulad ng gutom at uhaw, lungkot at hapis, kabiguan maging sakit at kamatayan upang makabahagi niya tayo sa kanyang buhay at tagumpay.

Walang ganyang umiiral sa mga AI na ito at computerization ng mga sistema sa ating buhay. Sana ay isaalang-alang ito ng mga negosyante at umuugit sa mga industriya lalo na sa media. Ang masakit na katotohanan kasi ay kunwari ay kaunlaran at kadalian o convenience ang kanilang dahilan (para kanino?) kungdi kitang kita naman, pera lang ang suma total. Sa gayon, sa landas na ito ng pagiging impersonal na kalakaran ng maraming bagay gamit ang teknolohiya, unti unti rin tayong nade-dehumanize, nawawala katauhan. Kapag nawala ang katauhan, ano ang pumapalit? Alam na natin iyan. Salamuch po.

Lamay, Ramay

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-12 ng Setyembre 2023
Larawan kuha ni G. Cristian Pasion, Bihilya ng Pasko ng Pagkabuhay 2022, Pambansang

Noong bata ako buong akala ko ang paglalamay at pakikiramay ay iisa. Alalaong-baga, kapag may lamayan, mayroong namatay at paraan iyon ng pakikiramay. E hindi pala ganun!

Sa aking pagtanda at pagkamulat sa wika, higit sa lahat sa buhay na palaging kaakibat pagkamulat din sa kamatayan, napagtanto ko na bagaman magkaiba ang lamay at ramay, malalim at matalik ang ugnayan ng dalawang kataga.

Ang paglalamay ay pagpupuyat, tulad ng pagsusunog ng kilay o pag-aaral sa gabi. Maari din itong hindi pagtulog sa magdamag upang matapos ang isang proyekto at gawain. Naglalamay din bilang bahagi ng gampanin at tungkulin tulad ng mga nagtatrabaho ng pang-gabi o graveyard shift gaya ng mga pulis, mamamahayag, drayber, mga viajero at mga nasa call center.

Maraming pagkakataon sa paglalamay ikaw ay may kasamang nagpupuyat upang tulungan na tapusin ang gawain o gampanan ang tungkulin. Sa paglalamay, palaging mayroong kasama upang tulungan tayong malampasan ano mang pagsubok na pinagdaraanan. Doon nagsasalapungan ang dalawang kataga ng lamay at ramay: sa gitna ng kadiliman ng gabi, mayroong maasahang kasamang nakikibahagi at nakikiisa sa pagdurusan at hirap na pinagdaraanan.

Larawan kuha ni G. Jay Javier, Tayabas, Quezon, 13 Agosto 2023.

Napakaganda ng larawang sinasaad ng lamay at ramay – ang kadiliman ng gabi. Sa bibliya, ang gabi at kadiliman ay sumasagisag sa kapangyarihan ng kasamaan.

Ipinanganak si Jesus sa pinakamadilim na gabi ng buong taon, mula Disyembre 23 hanggang 25. Malinaw na pagpapahayag ito ng pakikiramay ng Diyos sa kadiliman ng ating buhay. Doon siya palaging dumarating kung tutuusin.

Huwag nating pag-alinlanganan katotohanang ito na muli nating natunghayan noong Huling Hapunan ng Panginoon na naganap sa pagtatakip-silim ng Huwebes Santo. Kinagabihan si Jesus ay nanalangin sa halamanan ng Getsemani ngunit tinulugan ng tatlong malalapit na mga alagad. Huli na ang lahat nang sila ay magising nang dumating si Judas Iskariote, isa sa kanilang mga kasamahan na nagkanulo kay Jesus sa kadiliman ng gabi.

Anong saklap na walang karamay si Jesus sa paglalamay na iyon na nagpatuloy sa kanyang paglilitis sa Sanhedrin kung saan naman tatlong ulit siyang tinatwa ni Simon Pedro habang nasa labas ng tahahan ng punong pari. Kaya nga kung sakali man tayo ay nasa napakadilim na yugto ng buhay at tila nag-iisa, alalahaning si Jesus ay ating kapiling, nakikiramay sa atin dahil siya ang naunang nakaranas na maglamay ng walang karamay! Kanya itong binago at tiniyak na hindi na mauulit kanino man upang siya ay makaramay sa bawat lamay ng ating buhay nang siya ay muling mabuhay, nagtagumpay sa kamatayan at kasamaan sa gitna rin ng kadiliman ng gabi.

larawan kuha ni G. Cristian Pasion, Bihilya ng Pasko ng Pagkabuhay 2021.

Kamakailan ay dumadalas aking pagmimisa sa mga lamayan ng mga yumaong mga kamag-anak at kaibigan. Noon pa man lagi nang nasasambit ng mga kaibigan bakit nga ba hindi tayo magkita-kita habang buhay pa kesa naman doon na lamang palagi nabubuo pamilya at barkada sa lamayan ng namamatay?

Tama rin naman kanilang bukambibig sa mga lamayan. Ano pa ang saysay ng pagsasama-sama gayong nawala na at pumanaw ang mahal sa buhay?

Ngunit kamakailan ay napagnilayan ko rin na tama lamang na magkita-kita tayo sa mga lamayan upang ipahayag ating pakikiramay dahil naroon tayo hindi lamang upang makidalamhati kungdi magpuri at magpasalamat din sa isang yumao. Wika nga ng marami, lamay lamang ang hindi ipinangungumbida kasi doon masusukat tunay na kabutihan ng isang tao sa kanyang pagpanaw: kung marami ang naglamay at nakiramay, ibig sabihin, mabuti siyang tao, mapakisama, laging karamay noong nabubuhay pa.

Napagtanto ko ito sa nakakatawang pagkakataon; kundangan kasi, bilang mula sa mga sinaunang panahon, para sa akin ang pakikiramay ay dapat seryoso. Malungkot nga dapat at nakikidalamhati. Hirap na hirap ako noong matanggap ang picture taking sa lamayan! Iskandalo kung baga sa akin ang magpose at picture-taking sa lamayan, lalo na sa tabi ng labi ng yumao. Paano ka namang ngingiti e mayroong ngang patay at namatayan?

Larawan kyha ng may akda, 2018.

Nakatutuwang isipin kung paanong itinuro sa akin ng teknolohiya ang malalim na kahulugan ng pakikiramay sa paglalamay. Na ito ay higit sa lahat pagdiriwang ng buhay, pagpupugay at pasasalamat sa magandang samahan na ating tinitiyak na magpapatuloy pumanaw man ating kaibigan at kamag-anakan. Ang ating pakikiramay ay hindi lamang pagpadarama ng pakikiisa sa dalamhati kungdi pagtiyak ng pagkakaisang ito sa pagmamahal, pasasalamat at pag-alala tuwina sa isang pumanaw at kanilang mga naulila.

Mainam pa rin makadaupang-palad mga kamag-anak at kaibigan habang nabubuhay ngunit hindi pa rin huli ang lahat na sakali man dala ng maraming kadahilanan tayo ay makiramay tuwing mayroon lamay dahil ang totoo’y buhay pa rin ating ipinagdiriwang. Ito ang dahilan kaya ating tawag sa pumapanaw ay hindi namatay kungdi sumakabilang buhay. Balang araw siya ring ating hantungang lahat kung saan ang lamay at ramay ay iisang katotohanan na lamang na kung tawagi’y, pag-ibig.

Photo by Pixabay on Pexels.com

Maria, Kaban ng Tipan

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-15 ng Agosto 2023
Larawan kuha ng may-akda, bukang-liwayway sa Camp John Hay, Baguio noong 12 Hulyo 2023.

Kamakailan ay naglathala ako dito sa aking blog na wala nang birthday pang ipinagdiriwang sa langit. Ito rin ang dahilan kaya tama ang mga tambay at tomador sa kanto sa kanilang awitin na “sa langit ay walang beer” kasi nga walang birthday sa langit!

Tunghayan aking paliwag, https://lordmychef.com/2023/07/26/may-birthday-pa-ba-sa-langit/.

Ito ang dahilan kaya ang kapistahan ng ating mga banal ay ipinagdiriwang sa kanilang araw ng kamatayan o kaya sa petsa kung kailan inilipat kanilang mga labi o bangkay. Ito rin ang dahilan kaya sa araw na ito, ika-15 ng Agosto ay ating ipinagdiriwang ang pag-aakyat sa langit sa Mahal na Birheng Maria bagamat hindi siya namatay na katulad ng ibang mga santo at santa o ng mga tao.

Ipinapahayag sa ating pananampalataya batay sa mga tradisyon at pagninilay, hindi dumanas ng “kamatayan” tulad ng ating nalalaman ang Birheng Maria. Sa ating kamalayan at kaalaman, nakakatakot ang kamatayan dahil ito ay mahirap, masakit at malagim. Iyan ay dahil sa ating kasalanan. Sabi ni San Agustin noon, kahit hindi nagkasala ang tao, daranas pa rin siya ng kamatayan ngunit hindi ito mahirap o masakit at malagim. Kumbaga, sa isang kisap-mata maaring mangyari ang kamatayan na walang kahirap-hirap.

Iyon ang dinanas ni Maria, nakatulog kaya sa Inggles ang tawag ay dormition of Mary.

Icon ng “Dormition” o Pagtulog ni Maria na iginuhit ni El Greco noong ika-16 na siglo mula sa en.wikipedia.org.

Gayon din naman, sa kanyang pagtulog, iniakyat ng Diyos si Maria sa langit katawan at kaluluwa upang maging kauna-unahan sa mga nilalang na magtamo ng kaganapan ng pangako ni Jesus na muling mabubuhay ang mga namatay sa wakas ng panahon. Dahil hindi naman “namatay” si Maria kaya hindi rin naagnas o nawasak kanyang katawan kaya siya naman ay kaagad na ring iniakyat ng Diyos sa langit. Ito rin ang ating sasapitin na siyang ating inaasam-asam balang araw sa wakas ng panahon kapag tayo ay papasok din ng langit, katawan at kaluluwa.

Larawan kuha ni Fr. Gerry Pascual sa Santuario di Greccio, Rieti, Italy, 2019.

Kaya naman sa araw na ito ay ipinaalala sa ating ng Dakilang Kapistahan ng Pag-aakyat sa langit kay Maria na ang landas patungong langit ay nagsisimula dito sa lupang ibabaw.

Pagmasdan kung paano sa ating Ebanghelyo ating napakinggan ang pagdalaw ni Maria sa kanyang pinsang Elizabeth na tuwang-tuwang at nagpupuri sa kanyang pagpapalang tinanggap sa Diyos. Sa halip na papurihan din niya si Elizabeth, ang pinuri ni Maria ay ang Diyos sa pag-awit ng Magnificat.

At sinabi ni Maria, “Ang puso ko’y nagpupuri sa Panginoon, at nagagalak ang aking espiritu dahil sa Diyos na aking Tagapagligtas. Sapagkat nilingaop niya ang kanyang abang alipin! At mula ngayon, ako’y tatawaging mapalad ng lahat ng salinlahi.”

Lukas 1:46-48

Dito pa lamang atin nang makikita kung paanong sa buhay ng Mahal na Birheng Maria ay magkatali at hindi mapaghihiwalay kanyang tuwa at galak sa pagliligtas ng Diyos at ang kanyang hapis sa paanan ng Krus ni Jesus.

Si Maria ang una at pangunahing alagad ni Kristo sapagkat siya ang unang tumanggang at tumalima sa Salita na naging tao, si Jesus. Sa buong buhay niya, si Jesus ang kanyang dinala at binahagi sa lahat maging sa pagsisimula ng Inang Simbahan nang kasama si Maria ang mga apostol na nananalangin sa silid nang bumaba ang Espiritu Santo noong Pentekostes.

Kaya naman tinagurian din si Maria bilang Kaban ng Tipan o Ark of the Covenant dahil siya ang nagdala ng Diyos Anak sa kayang sinapupunan.

Matatandaan na noong nasa ilang ang mga Israelita, nagpagawa ang Diyos kay Moises ng kaban upang doon ilagak ang dalawang tapyas ng bato na kinasusulatan ng kanyang Sampung Utos. Itinatago noon sa tolda o kubol ang Kaban ng Tipan bilang tanda ng kapanatilihan ng Diyos. Tuwing papasok si Moises sa tolda kung saan naroon ang Kaban ng Tipan, bumababa ang ulap ng Diyos tanda na naroon siya sa tolda kausap si Moises. Tanging mga pari mula sa lahit ni Levi (kaya Levita ang tawa sa kanilang pari) lamang ang maaring magpasan ng Kaban ng Tipan ng Diyos.

Nang mayari ang templo ng Jerusalem, doon inilagak ang Kaban ng Tipan kaya naman hindi lamang kapitolyo ng mga Hudyo ang lungsod na ito kungdi ito rin ang gitna ng sandaigdigan at maging ng kalawakan sapagkat naroon ang Diyos sa templo sa Jerusalem. Nang mawasak ang templo ng Jerusalem, nawala na rin ang Kaban ng Tipan. Iyong “wailing wall of Jerusalem” na dinarasalan ng mga Hudyo at mga peregrinong Kristiyano ang natitirang labi ng bahagi ng templo na pinakamalapit sa pinaglagyan ng Kaban ng Tipan ng Diyos. Banal na lunan iyon sapagkat iyon ang pinakamalapit sa pinaglagyan ng Kaban.

Larawan kuha ng may-akda, Jerusalem, 2017.

Ngayong Dakilang Kapistahan ng Pag-aakyat kay Maria sa langit ay maganda ring balikan ang litanya ng Birheng Maria na nagsasabi sa kanya bilang “Kaban ng Tipan” na siya ring nakita ni Juan sa kanyang pangitain ukol sa mga magaganap sa wakas ng panahon.

Nabuksan ang templo ng Diyos sa langit, at nakita ko ang Kaban ng Tipan.

Pahayag 11:19

Nakakatawang isipin na mula sa Hollywood sa pelikulang Raiders of the Lost Ark kung saan bida si Harrison Ford bilang Prof. Indiana Jones, kalaban niya ang mga Aleman noong ikalawang digmaang pandaigdig sa paghahanap sa Kaban ng Tipan dahil sa paniniwalang ito ang pinaka-mabisang sandata sa lahat dahil sa angking kapangyarihan.

Hindi na natin kailangan pang hanapin iyon o ano mang anting-anting upang maging makapangyarihan. Tularan lamang natin si Maria sa pagiging kaban o lagakan ni Jesus sa ating pagkatao ay sapat na. Wala tayong hindi mapagtatagumpayanan kung ang Diyos ang nananahan sa ating katawan at katauhan.

“The Assumption of the Virgin” ng Italian Renaissance painter na si Titian, ginawa sa isang simbahan sa Venice noong 1518. Larawan mula sa wikidata.org.

Sa Banal na Misa ang Diyos ay ating napakikinggan sa kanyang mga salita ngunit ito ba ay ating naisasabuhay tulad ni Maria?

Sa Banal na Misa ating tinatanggap si Jesus, Katawan at Dugo sa Banal na Komunyon ngunit siya ba ang nababanaagan sa ating sarili at pamumuhay, salita at gawa?

Sa panahong ito na lumalayo na at binabale-wala ng maraming tao ang Diyos, maging paalala sa atin nawa na maging katulad ni Maria sa pagiging Kaban din ng Tipan ng Diyos, tagapagdala at tagapaghatid ni Jesus sa mga tao hindi lamang sa salita kungdi sa gawa.

Nawa sa ating pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ng Pag-aakyat sa Langit kay Maria, masalamin din sa atin ang inaasam-asam nating buhay na walang hanggan sa langit sa pamumuhay natin sa mapagmahal na paglilingkod lalo sa mga may-sakit at nahihirapan. Sila nawa ay mabuhayan ng loob na magwawakas din kanilang pagdurusa at balang araw makakamit buhay na walang hanggan sa tulong at panalangin ng ating Mahal na Ina si Maria. Amen.