Aral ng COVID-19, VII: katahimikan higit na kailangan

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-18 ng Agosto 2020
Larawan kuha ni G. Jim Marpa, 2018.
Noong aking kabataan
aking natutunan sa mga harutan
naming magpipinsan at magkakaibigan
habang nakapila sa poso na iniigiban 
ang baldeng walang lamang
ang siyang pinaka-maingay.
Ngayon sa aking katandaan
higit kong naunawaan yaring katotohanan
habang nagninilay sa gitna ng lockdown
na siya ngang tunay mga taong maiingay
karamihan sanga-sanga kanilang mga dila
pinagsasasabi'y walang katotohanan o kabuluhan.
Hindi nila batid sa pag-iisip nilang makitid
katahimikan ay hindi kawalan kungdi kapunuan 
pinakikinggan bawat pintig, dinarama maski ang kalma
tinitimbang ano mang katotohanan at kabuluhan 
upang pagkaabalahan, pag-usapan
kung hindi man ay kalimutan at isantabi na lamang.
Larawan kuha ng may-akda, talon sa Taiwan, Enero 2019.
Sa pakikipag-talastasan ng Diyos
masdan lagi itong pinangungnahan ng katahimikan:
sa Matandang Tipan matatagpuan 
bago likhain ng Diyos ang sanlibutan,
walang ano man kungdi dilim at katahimikan
saka lamang Siya nagsalita upang lahat ay malikha;
doon sa Bagong Tipan ganito rin ang napagnilayan
ni San Juan bago si Hesus ay isinilang:
aniya, sa pasimula naroon na ang Salita
kasama ng Salita ang Diyos
 sa Kanya nalikha ang lahat
at naging tao ang Salita
 tinawag na Kristo
humango sa makasalanang tao.
Hindi natin kailanman mauunawaan
mga salita ng Diyos na makapangyarihan
kung hindi tayo handang manahimik
 upang sa Kanya ay makinig;
noong si Hesus ay isinilang
 tatlumpung taon ang binilang
bago Siya napakinggan
pagkaraang binyagan sa Jordan
 maliban nang Siya ay matagpuan
 sa templo nakikipagtalastasan
 noong Kanyang kamusmusan;
gayun pa man sa Kanyang pangangaral
madalas Siya ay manahimik at magdasal
kaya lahat namamangha sa kanyang salita pati gawa.
Saanman mayroong katahimikan
pagtitiwala tiyak matatagpuan;
at kung saan man walang katahimikan
bukod sa maingay, walang kaayusan.
Magandang pagkakataon ngayong lockdown
pagsikapan, huwag katakautan ang katahimikan
dahil dito nalalantad, nakakatagpo ang katotohanan
na palagi nating tinatakasan, iniiwasan
kung kaya ang kalayaan hindi nating makamtan;
sa katahimikan lahat pinakikinggan -
sariling kalooban, kapwa at Diyos maging kalikasan
tungo sa pagmamahalan, kaisahan, at kaganapan ng buhay.
Larawan kuha ni Bb. Ria De Vera, bukang liwayway sa aming parokya, Abril 2020.

Aral ng COVID 19, VI: disiplina ang gamot sa sakit natin

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-11 ng Agosto 2020
Larawan kuha ni Bb. Anne Ramos, Abril 2020
Habang tumatagal itong quarantine 
lalong ipinakikita hindi COVID-19
ang kalaban natin kungdi ating sarili din;
matagal nang sakit na hindi kayang gamutin
nakaugat nang malalim sa katauhan natin
kawalan ng disiplina kay hirap sugpuin.
Sa gitna ng kawalan ng maaasahan
sa pamahalaang abala sa kapalaluan
ayaw pakinggan mga paraan ng nakakaalam
disiplina nating mga mamamayan
ang pinaka-mabisang sanggalang
laban sa virus na galing sa Wuhan.
Tingnan, pag-aralan, at tularan
pamamaraan ng mga bansa kung saan
paglaganap ng COVID-19 ay nalabanan
laging matatagpuan dalawang bagay magkasabay:
mahusay at magaling na pamahalaan
disiplinadong mga mamamayan.
Masunurin ang turing sa taong may disiplina
na nagmula sa wikang Griyego na discipulos,
taga-sunod o alagad; sa wikang Latin, 
dalawang kataga ang pinagsama
"ob audire" na ibig sabihin "makinig na maigi"
kaya sa Inggles "obedient" ang isang masunurin.

Ang taong may disiplina
 masunurin sa tuwina
laging nakikinig sa mga sasabihin
upang kanyang tuparin 
mga ipinagbibilin
 ano mang atas na kanyang gawain.
Kung ating lilimihin lalim
ng kahulugan ng disiplina
ito rin ang siyang dahilan
upang ating matutuhan
kahalagahan ng pagtitiyaga
at paghihintay na atin nang tinalikuran.
Pagkaraan ng mahigit limang buwan
lahat na lamang sa atin ay dinaraan 
sa paspasan, pag-aagawan, at pagdarayaan
kaya hanggang ngayon wala tayong patunguhan;
kung bawat mamamayan mayroong disiplina
baka sakali tinablan ng kahihiyan mga kinauukulan
wala na silang dahilan sa kanilang kapabayaan 
dahil sila unang nagkulang sa disiplinang kinakailangan
hindi nila tayo maaring sisihin 
nagkulang sa pagsugpo sa COVID-19.
Larawan kuha ni Bb. Anne Ramos, Marso 2020.

Aral ng COVID-19, V: ang dapat dasalin, pagbabago natin

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-06 ng Agosto 2020
Larawan kuha ni Ezra Acayan ng Getty Images, Marso 2020.
Sa ating pananalangin,
turo ng Panginoong Hesus sa atin,
bago pa man kayo humiling,
batid na ito ng Diyos nating mahabagin;
at kung kayo ay mananalangin, wika Niya,
inyong sabihin:  Ama namin...
Gayong batid pala ng Diyos kailangan natin,
tanong ng iba, bakit tayo mananalangin pa sa Kanya?
At ito ang hindi nalalaman ng karamihan
mahalagang katotohanang dapat tandaan:
sa pananalangin ang pinakamahalaga ay
mabatid natin ibig ng Diyos mula sa atin!
Kaya naman sa tagal nitong COVID-19
sa dami ng ating panalangin, tiyak noon pa man din
alam na ng Diyos kailangan upang wakasan
pandemyang malagim na bumabalot sa atin
kumitil at nagpatigil sa takbo ng buhay natin
dulot sa lahat ay hirap maging sa iba ay hilahil.
Marahil kailangan na nating baguhin
ating panalangin sa panahong ito ng COVID-19
sapagkat wala sa gamot at medisina
sa mga botelya at siringgilya ang sa atin magpapagaling
kungdi sa pagpapanibago nitong puso at kalooban natin
na siyang laging ibig naman ng Diyos mula sa atin.
Sa gitna nitong quarantine nabuking
masasamang pag-uugali maging mga gawi natin
na sa gitna ng kagipitan at kahirapan
marami pa rin ang nagsamantala
naging sakim at makasarili
ibig ang lahat ay kamkamin, kabigin at angkinin.
Pandaraya at panggugulang, hindi patas sa mga patakaran
marami sa pamahalaan at katungkulan naghari-harian
mga inaakalang kalaban hinigpitan
malayang pamamahayag pinigilan
mga karapatan at dangal ng mamamayan
niyurakan at tinapakan, lalo na mga walang pinanghahawakan.
Larawan kuha ni Bb. Anne Ramos, Marso 2020.
Kaya aking bayan 
ating pag-isipan at pagnilayan
batid ng Diyos ating pangangailangan
ngunit hindi Niya ito kaagad pagbibigyan
dahil tanging paraan sa pagsugpo sa salot na ito
naroroon sa ating mga puso, wala sa nguso.
Harapin natin hindi ang COVID-19
kungdi ating sarili at pag-uugali na dapat gamutin
sa mga sakit na naglalayo sa Diyos at kapwa natin;
karunungang kinakailangan ibinigay na ng Diyos
noon pa man upang solusyunan virus mula Wuhan
tangi Niyang kahilingan mamuhay tayo sa kabutihan at katuwiran.
Mahigit limang buwan na tayong nagdarasal
ugali at asal nati'y makapal pa rin sa kasamaan
kaya marahil lalo pang magtatagal 
pagdurusa sa pandemyang ito na nag-ugat 
 buhat sa puso ng tao na kung di magbabago
uulit at uulit sa iba't ibang anyo.

Hindi normal ang new normal

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-30 ng Hulyo, 2020
Hindi normal sa gitna nitong pandemya
mayroong mga nagpapasasa sa kayamanan
at luho sa katawan habang karamihan 
naghihikahos at pilit idinaraos bawat araw 
maski mamalimos dahil kabuhayan nila ay naubos.
Hindi normal sa gitna nitong pandemya
nakukuha ng iba na matuwa at magsaya
kapag mga kumpanya ay naipasara o nagsara
gayong ito ang panahon kay hirap kumita
di nila alintana pighati at dalamhati ng masawi.
Hindi normal sa gitna nitong pandemya
sariling kapakanan inaatupag ng mga congressman
lahat ng panggugulang at kabalastugan
naiisipan habang buong bayan nahihirapan
ni walang masakyan sa pupuntahan at uuwian.
Hindi normal sa gitna nitong pandemya
na daanin sa biro at masasakit na salita
patutsada laban sa kapwa maging maralita 
na bantad sa banta ng gutom at kamatayan
simula umaga hanggang makatulugan na lang..
Hindi normal sa gitna nitong pandemya
kawalan ng katarungan kung saan
ang mga makapangyarihan di kakitaan ng 
kabutihan at pagka-uliran sa pagsunod sa mga
patakaran habang mga nasasakupan pinarurusahan.
Hindi normal kahit walang pandemya
ano pa mang katuwiran sabihin ninuman
ito ang panahon ng new normal dahil hindi
kailanman nababago ang normal
na siyang pamantayan ng kalakaran.
Kaya inyo nang tigilan
pagturing sa umiiral na takbo ng buhay
sa gitna ng pandemya bilang "new normal"
dahil ang karamihan kailanman 
ay hindi pa man naranasan tinuturing nating
normal na pamumuhay; 
sa tuwing ating ginigiit itong "new normal" 
lalo nang nababaon, nagigipit at naiipit mga maliliit.
Baguhin mga pananaw at kaisipan
ng umiiral na sitwasyon upang mapabuti
kalagayan ng mga kinalimutan ng lipunan
ngayon natagpuan kanilang dangal at kahalagahan.
Huwag nating hintaying dumating ang panahon
masahol pa sa sinapit natin ngayon 
na kung kailan sadyang kakalusin ang salop 
na ating napuno ng kalabisan
ng kawalan natin ng pakialam sa mga maling umiiral
sa ating lipunan at pamahalaan, simbahan at pamayanan
lalot higit sa ating tahanan at puso't kalooban.

*Mga larawan sa itaas ay mula kay G. Raffy Tima ng GMA-7 News maliban sa una at huling larawan na mula sa GMA News.

Pitumpung alagad… nino?

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-15 ng Hulyo 2020
Sa gitna nitong mga balita
sa garapal at walang kahihiyang
ginawa ng pitumpung mambabatas
na nagkait ng prangkisa sa Kapamilya
aking naalala sa Banal na Bibliya
kuwento ni San Lucas na ebanghelista
nang ang Panginoong Hesus humirang noon 
pitumpung alagad o pitumput-dalawa 
na sinugo Niya ng dala-dalawa 
sa bawat pook at bayan na patutunguhan Niya.
Sinabi Niya sa kanila
"Sagana ang aanihin, ngunit kakaunti
ang mga manggagawa... Humayo kayo!
Sinusugo ko kayong parang mga kordero
sa gitna ng mga asong-gubat.
Huwag na kayong magdala ng lukbutan,
supot, o panyapak.  Huwag na kayong titigil
sa daan upang makipagbatian kaninuman.
Pagpasok ninyo sa alinmang bahay,
batiin ninyo ng kapayapaan;
Manatili kayo sa inyong tinutuluyan, 
huwag kayong magpalipat-lipat ng bahay.
Pagalingin ang mga may karamdaman
sa bawat bayan na inyong pupuntahan 
mga taumbayan ay sabihang nalalapit na 
ang paghahari ng Diyos sa tanan." 
Inyong tingnan sa Banal na Kasulatan
ito ay malalaman, matatagpuan sa Lucas 10:1-12
kahanga-hangang misyon ng pitumpung alagad
ng ating Panginoon noong unang panahon
hatid sa tao pag-asa at pag-ahon;
inyong tingnan ngayon mga pahayagan
pakinggan mga balita ng labis na kasamaan
kawalan ng kahihiyan ni pakundangan
nitong pitumpung nilalang 
turing sa sarili at mga kasamahan "kagalang-galang"?
Sila ma'y pinahayo, sinugo
ng pinapanginoon nilang Poncio Pilato
asal nila masahol pa sa asong-gubat
kaayusan at kapayapaan tinapakan
at niyurakan ng kanilang kapalaluan;
sa bawat halalan pangako paglilingkuran
nasasakupan agad namang tinatalikuran
palipat-lipat ng kakampihan kung saan makikinabang 
sa sama-samang pagsamsam sa kaban ng bayan;
kunwari'y mabuti ang kalooban 
kaban-kabang bigas pinamimigay
milyung-milyong kapalit naman ang dinudugas;
kunwari'y malasakit para sa may-sakit
pakilala sa lahat ay kuya na tila kapamilya
pati turo ng Diyos sinasalaula
manang mana sa kanyang ama.
Sa pagsusugo ni Hesus sa pitumpung alagad Niya
binigay din Kanyang babala 
Araw ng Paghuhukom malapit na;
kaya sana itong pitumpung kongresista 
pati na kanilang mga kasama
mabatid ang usapin ay hindi lang prangkisa
kungdi kanilang pagmamalabis;
huwag ninyong punuin ang salop
dahil ang Diyos Siyang kakalos
at baka sapitin ninyo ay kalunus-lunos.

Isang tula para sa ating Kapamilya

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-11 ng Hulyo 2020
Kaya pala himpapawirin nagdilim
bandang alas-tres pa man din
oras ng kanilang patayin
doon sa Krus nakabitin
si Hesus na Panginoon natin
nang kanyang sabihin
katotohanang hindi maatim
ng mga tao na ang puso ay ubod ng itim.
Bandang hapon ko na rin napagtagni-tagni
pangyayari bago magtanghali
nasunog matandang simbahan
ng Sto. Niño sa Pandacan
kabila ng Malacañang:
hindi ba nabuwang Haring Herodes
nang marinig niya balitang sumilang
Banal na Sanggol kaya mga bata pinagpapaslang?
Hindi ko nga malaman
sino nga ba aking tatangisan ---
apatnaput-dalawang binawian ng buhay
nitong COVID-19 na tunay na kalaban
o mga Kapamilya na tinanggihan kanilang 
prangkisa ng mga hunghang 
na tuta at alepores ng bagong Herodes
na walang malay gawin kungdi lahat ay patayin.
Bayan kong ginigiliw
bakit nga ba kung minsan
ang hirap mong mahalin?
Hindi mo pansin panloloko
ng mga matsing?
Aking dalangin
sana ikaw ay magising
o mahimasmasan iyong pagkalasing!
Matatala sa ating kasaysayan
pangalawang Biyernes Santo sa taong ito
ang ika-sampu ng Hulyo, dalawang libo dalawampu;
pinagluluksa natin hindi lamang
pagpatay sa prangkisa ng ating Kapamilya
kungdi pati na rin pagyurak sa ating dangal bilang tao
maging sa mga sandigan ng ating sambayanan.
Umasa at mananalig tayo kay Kristo
sa pagsapit ng Pasko ng Pagkabuhay;
bagaman ito'y natatagalan, hindi kailanman 
natalo ng kadiliman ang liwanag,
o ng kasinungalingan ang katotohanan,
kung tayo ay lilingon sa slogan noon:
"Ako ang simula" ng pagbabago 
dahil kung tinalo nila tayo kahapon sa boto, 
bukas talo sila sa ating boto!

Aral ng COVID-19, IV: nakakahawang katangahan!

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-09 ng Hulyo, 2020 
Larawan kuha ni G. Jay Javier, 2020.
Kapansin-pansin
mula nang dumating sa atin
itong COVID-19:
pairalin at palaganapin ba naman
kabobohan at katangahan
kaya't karahasan at kasamaan 
unang naranasan at nasaksihan
ng mga mamamayan 
kesa ang karamdaman.
Alalahanin paanong maliitin
ng mga upisyal banta ng COVID-19:
nahiyang patigilin pagdating 
ng mga dayuhan sa atin
patriotism daw ang pairalin
uminom ng maraming vitamin,
resistensiya palakasin,
nagbanta pa ang magaling
kanya raw itong sasampalin?
Nang ang virus ay kumalat
sumambulat kapabayaan at kawalan
ng ano mang plano nitong pamahalaan
datos ng mga bilang ng nahawahan
hanggang ngayon walang kaliwanagan;
halos walang pinatunguhan mahabang lockdown 
ekonomiyang pinahahalagahan
pilit binubuksan habang sarado naman
mga isipan ng mga hunghang, mamamayan nahirapan. 
Social distancing pinagdiriinan
sa atin na parang alipin
hindi nila alintana ang kaba
ng mawalan ng kikitain at pagkain;
kay hirap bang isipin 
face mask ay hubarin
kung ika'y kakain o mayroong iinumin?
Wala silang ibang gustong gawain
kungdi sisihin ng sisihin pati na rin mga dolphin!
Napakaraming pinahihirapan, pinagmamalupitan 
hanggang humantong sa kamatayan ng ilan
pagdiriinan ng mga patakaran
gayong silang nasa kapangyarihan
ang palaging lumalabag
walang kahihiyang nangangatuwiran
upang pagtakpan kanilang kapalaluan
kaya hindi maramdaman kanilang slogan
"we heal as one" na malayo sa katotohanan.
Itong kabobohan at katangahan
uri ng kasamaan, pinagmumulan ng kasalanan
parang isang sakit na asymptomatic:
hindi alam o ayaw malaman 
na mayroong karamdaman kaya nagkakahawahan;
at ang masaklap na katotohanan 
akala ng mga sunud-sunurang karamihan 
karunungan, kahusayan kanilang nasasaksihan
gayong pare-pareho lang silang walang nalalaman!

Magkaiba ang tanga
at mahina ang isipan;
nahahasa, napapatalim 
mapurol na isip ngunit ang katangahan
ay kalagayan na kung saan 
biyaya ng isipan ay sinasayang, pinababayaan
dahil sa katamaran at kasakiman
sariling kaluguran at kapakanan lang pinahahalagahan
walang pakialam kung mayroong masaktan o mahirapan.
Kung ating pagninilayan
ang mga santo at santa ang mga tunay
na marurunong dahil sa kanilang kaisipan
walang nanaig kungdi kabutihan;
wala sa pinag-aralan ang karunungan
kungdi sa busilak ng kalooban
kaya naman huwag nang pagtakhan
itong mga puno ng kasamaan
ay puro katangahan at kahangalan!
Mga larawan kasama na yaong sa itaas ay mga kuha ni G. Raffy Tima ng GMA-7 News, Abril 2020.

Nasa Diyos ang awa, nasa tao ang gawa

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-23 ng Hunyo 2020
Larawan kuha ng may-akda sa Marcos Highway pababa ng Baguio, 2019.
Isang kasabihang
ating kinalakhan
at pinananaligan
dahil sa katotohan:
"Nasa Diyos ang awa,
nasa tao ang gawa."
Sa paglipas ng panahon
napansin ko na mayrooon
tila kulang, hindi sang-ayon
tuon at tugon sa nilalayon
nitong kasabihang kinamulatan noon
na kailangang liwanagin ngayon.
Larawan kuha ng may-akda, Katedral ng Malolos, 2019.
Paano kung ang tao
gumawa nang gumawa
sa buong pag-asa
sa kanya ang Diyos ay maaawa
gayong kanyang mga ginagawa
hindi naman sang-ayon ang Bathala?
Kay rami nang binuhos na panahon
lakas at talino ngunit hindi nagkagayon
planong nilalayon
kaya luhaang bubulong
luluhod at didipa sa Panginoon
tapunan siya ng awa sa madaling panahon.
Larawan kuha ng may-akda, Tam-Awan, Baguio City, 2019.
Hindi maikakaila 
walang hindi magagawa
ang Mabathalang Awa ng Diyos
ngunit ito nga iyong hindi nating alintana
sa marami nating ginawa
ang Diyos ay nabale-wala.
Kaya nga hindi ba dapat
bago pa man tao ay gumawa
sa Diyos maunang humingi ng Kanyang awa
upang mabatid ano ibig Niyang ipagawa?
Ito ang diwa nitong ating kasabihan kung saan nauuna
tuwina "nasa Diyos ang awa", saka pa lamang "nasa tao ang gawa"! 

Mahal na Puso ni Hesus para sa daigdig na wala nang puso

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-19 ng Hunyo 2020
Napakahirap isipin
masakit tanggapin
sinapit maraming 
kababayan natin
na hanggang ngayon
hindi pa rin nakakauwi
upang sariling pamilya'y
makapiling.
Pinakamasakit nilang
dinanas na sila'y ituring
kaiba sa atin; matagal na 
hindi pinansin
walang nakabatid
sa kanilang mga hinaing
hanggang sa bumantad na lamang
sila sa ating paningin sa TV screen.
Matay ko mang isipin
sa panahon ito ng COVID-19
marami pa rin sa atin
hindi lang sumpungin
pag-uugali'y karimarimarim
salita'y matatalim
nakakasakit ng damdamin
wala na bang buting angkin?
Sa panahong ito ng pandemya
na ang banta ng kamatayan ay tunay na tunay
kabiyak o kapatid, kaibigan o kasamahan
o sino pa man ay tila nalilimutang
kapwa ring nahihirapan, nabibigatan
sa halip na tulungan, iniiwanan;
sa halip na kalooban ay pagaanin
ito'y sinasaktan pati na rin katawan.
Kapistahan ng Kamahal-Mahalang Puso ni Hesus; larawan kuha ni G. Gelo Nicolas Carpio, 19 Hunyo 2020.
Kaya aking dalangin
sana'y tupdin ng Panginoong Hesus 
ating hiling gawin ang mga puso natin
katulad ng kanyang Puso, 
maamo at mahabagin
puno ng kanyang pag-ibig
bawat tibok ay tigib
ng kabutihan Niyang angkin.
Mabuti pa ang puno ng saging
madalas na biro natin: may puso kesa atin!
Sana'y alisin Mo, Hesus, pusong bato namin
palitan ng pusong laman sa Iyo nakalaan
huwag naming panghinayangang kabutihan Mo'y ipamigay
huwag rin kaming maghintay ng Iyong sukling ibibigay
bagkus ay magmahal nang magmahal
hanggang kami'y mamatay at sa Iyong piling mahimlay.

*Mga larawan sa “collage” sa itaas ay mula kay G. Raffy Tima ng GMA News; ang nasa gitna na larawang ng imaheng bato ni Hesus ay mula Google.

Ang tunay na nakakikilabot

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-18 ng Hunyo 2020
Nasubukan mo na bang 
manahimik
upang makinig
at makipag-niig
sa Diyos
na tanging ibig
ating kaganapan
at kagalakan?
Minsan kung kailan
hindi mo inaasahan
saka Siya mararanasan:
nangungusap, nagpaparamdam
lalo na kapag binabalikan
mga nakaraan ika'y 
nasaktan at nasugatan,
o nasiyahan at maraming natutunan.
At habang iyong ninanamnam
Kanyang kabutihan
kailanman hindi ka iniwan
pinabayaan o tinalikuran
saka daratal buong kalaliman
ang hindi maikakaila
mayroon ngang Diyos
sa atin nagmamahal!
At iyan ang higit 
nating mapapanaligang
katotohanan
higit nakakikilabot
kesa multo o ano pang kuwento;
dahil ang Diyos ay totoong-totoo
ngunit ang multo
doon lang sa guni-guni mo!
*Mga larawan kuha ng may-akda maliban sa takip-silim at bongavilla sa aming simbahan na parehong kuha ni G. Gelo Nicolas Carpio.