Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-09 ng Hulyo, 2020
Larawan kuha ni G. Jay Javier, 2020.
Kapansin-pansin
mula nang dumating sa atin
itong COVID-19:
pairalin at palaganapin ba naman
kabobohan at katangahan
kaya't karahasan at kasamaan
unang naranasan at nasaksihan
ng mga mamamayan
kesa ang karamdaman.
Alalahanin paanong maliitin
ng mga upisyal banta ng COVID-19:
nahiyang patigilin pagdating
ng mga dayuhan sa atin
patriotism daw ang pairalin
uminom ng maraming vitamin,
resistensiya palakasin,
nagbanta pa ang magaling
kanya raw itong sasampalin?
Nang ang virus ay kumalat
sumambulat kapabayaan at kawalan
ng ano mang plano nitong pamahalaan
datos ng mga bilang ng nahawahan
hanggang ngayon walang kaliwanagan;
halos walang pinatunguhan mahabang lockdown
ekonomiyang pinahahalagahan
pilit binubuksan habang sarado naman
mga isipan ng mga hunghang, mamamayan nahirapan.
Social distancing pinagdiriinan
sa atin na parang alipin
hindi nila alintana ang kaba
ng mawalan ng kikitain at pagkain;
kay hirap bang isipin
face mask ay hubarin
kung ika'y kakain o mayroong iinumin?
Wala silang ibang gustong gawain
kungdi sisihin ng sisihin pati na rin mga dolphin!
Napakaraming pinahihirapan, pinagmamalupitan
hanggang humantong sa kamatayan ng ilan
pagdiriinan ng mga patakaran
gayong silang nasa kapangyarihan
ang palaging lumalabag
walang kahihiyang nangangatuwiran
upang pagtakpan kanilang kapalaluan
kaya hindi maramdaman kanilang slogan
"we heal as one" na malayo sa katotohanan.
Itong kabobohan at katangahan
uri ng kasamaan, pinagmumulan ng kasalanan
parang isang sakit na asymptomatic:
hindi alam o ayaw malaman
na mayroong karamdaman kaya nagkakahawahan;
at ang masaklap na katotohanan
akala ng mga sunud-sunurang karamihan
karunungan, kahusayan kanilang nasasaksihan
gayong pare-pareho lang silang walang nalalaman!
Magkaiba ang tanga
at mahina ang isipan;
nahahasa, napapatalim
mapurol na isip ngunit ang katangahan
ay kalagayan na kung saan
biyaya ng isipan ay sinasayang, pinababayaan
dahil sa katamaran at kasakiman
sariling kaluguran at kapakanan lang pinahahalagahan
walang pakialam kung mayroong masaktan o mahirapan.
Kung ating pagninilayan
ang mga santo at santa ang mga tunay
na marurunong dahil sa kanilang kaisipan
walang nanaig kungdi kabutihan;
wala sa pinag-aralan ang karunungan
kungdi sa busilak ng kalooban
kaya naman huwag nang pagtakhan
itong mga puno ng kasamaan
ay puro katangahan at kahangalan!
Mga larawan kasama na yaong sa itaas ay mga kuha ni G. Raffy Tima ng GMA-7 News, Abril 2020.