Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-19 ng Hunyo 2020
Napakahirap isipin masakit tanggapin sinapit maraming kababayan natin na hanggang ngayon hindi pa rin nakakauwi upang sariling pamilya'y makapiling.
Pinakamasakit nilang dinanas na sila'y ituring kaiba sa atin; matagal na hindi pinansin walang nakabatid sa kanilang mga hinaing hanggang sa bumantad na lamang sila sa ating paningin sa TV screen.

Matay ko mang isipin sa panahon ito ng COVID-19 marami pa rin sa atin hindi lang sumpungin pag-uugali'y karimarimarim salita'y matatalim nakakasakit ng damdamin wala na bang buting angkin?
Sa panahong ito ng pandemya na ang banta ng kamatayan ay tunay na tunay kabiyak o kapatid, kaibigan o kasamahan o sino pa man ay tila nalilimutang kapwa ring nahihirapan, nabibigatan sa halip na tulungan, iniiwanan; sa halip na kalooban ay pagaanin ito'y sinasaktan pati na rin katawan.

Kaya aking dalangin sana'y tupdin ng Panginoong Hesus ating hiling gawin ang mga puso natin katulad ng kanyang Puso, maamo at mahabagin puno ng kanyang pag-ibig bawat tibok ay tigib ng kabutihan Niyang angkin.
Mabuti pa ang puno ng saging madalas na biro natin: may puso kesa atin! Sana'y alisin Mo, Hesus, pusong bato namin palitan ng pusong laman sa Iyo nakalaan huwag naming panghinayangang kabutihan Mo'y ipamigay huwag rin kaming maghintay ng Iyong sukling ibibigay bagkus ay magmahal nang magmahal hanggang kami'y mamatay at sa Iyong piling mahimlay.
*Mga larawan sa “collage” sa itaas ay mula kay G. Raffy Tima ng GMA News; ang nasa gitna na larawang ng imaheng bato ni Hesus ay mula Google.