Pakikiramay at paglalamay bilang pagpapala

Lawiswis Ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-24 ng Mayo 2023
Larawan kuha ng may-akda, Jesuit Cemetery sa Sacred Heart Novitiate, Novaliches, Quezon City, 21 Marso 2023.

Bago pa man ako naging pari ay madalas ko nang naririnig ang tanong ng karamihan na bakit nga ba tayo nagkikita-kita lamang kung mayroong namamatay? Bakit nga ba hindi tayo magkita-kita ng madalas habang buhay pa upang ipahayag ating pagmamahal sa kaibigan o kamag-anak kesa yung sila ay patay na?

Bakas sa mga katanungang ito ang malungkot na katotohanan ng buhay lalo na sa mga nagkaka-edad tulad ko. Minsan naroon din ang panghihinayang at pagiging-guilty na kung bakit nga ba hindi tayo nagsasama-sama habang malakas at buhay pa mga yumaong mahal natin sa buhay?

Pero ang nakakatawa sa ganitong mga usapan ay ang katotohanan na pagkaraan ng ilang buwan o taon, magkikita-kita muli tayo pa ring magkakamag-anak at magkakaibigan sa susunod na lamayan nang hindi pa rin nagkasama-sama habang mga buhay pa!

Ano nangyari? Hindi na nga ba tayo natuto sa aral ng mga naunang yumao, na magsama-sama habang buhay at malakas?

Sa aking palagay ay hindi naman sa hindi na tayo natuto kungdi ang totoo, higit pa ring mainam ang magkita-kita sa lamayan kesa saan pa mang pagtitipon dahil sa ilang mas malalim na kadahilanan.

“Kaunting panahon na lamang at hindi na ako makikita ng sanlibutan. Ngunit ako’y makikita ninyo; sapagkat mabubuhay ako, at mabubuhay rin kayo. Malalaman ninyo sa araw na yaon na ako’y sumasa-Ama, kayo’y sumasaakin, at ako’y sumasainyo.”

Juan 14:19-20
Larawan kuha ng may-akda, Jesuit Cemetery sa Sacred Heart Novitiate, Novaliches, Quezon City, 21 Marso 2023.

Una, sa ating pakikiramay buhay ang pinararangalan at hindi ang kamatayan. Nakikiramay tayo upang ipagdiwang mabuting pamumuhay at magandang pakikisama ng yumao. Wika nga sa amin sa Bulacan, ang lamay lang ang hindi ipinag-iimbita. Ito ang sukatan ng kabutihan ng isang tao na siya ay parangalan hanggang magkapuyatan. Ito ang dahilan kung bakit paulit-ulit sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad na maging handa palagi dahil hindi natin alam ang oras ng ating pagpanaw. Alalaong-baga, mamuhay tayo sa kabutihan.

Isa sa mga paborito kong pelikula ay ang The Last Samurai ni Tom Cruise. Sa huling bahagi ng pelikula bago siya bumalik ng Amerika, namaalam siya sa batang emperador ng Hapon na nagsabi sa kanya, “Tell me how did my samurai die.” Sumagot si Tom Cruise, “I will not tell you how he died but I will tell you how he lived.”

Kaya nga sa lamayan hindi naman pinag-uusapan kung ano at paanong namatay kungdi paanong namuhay ang mahal nating pumanaw. Narito ang malaking kaibahan ng mga pagtitipon ng buhay gaya ng mga handaan at party na nauuwi lamang sa kainan, inuman, at tawanan o kantahan hanggang magkalasingan at di matunawan sa kabusugan. Minsan nauuwi pa sa away mga ito.

Ang ibig ko lang sabihin ay ito: sa patay mayroon ding kainan at inuman kung minsan pero iba ang lalim ng usapan at kuwentuhan. Lalong higit ng pagsasalo-salo – walang nagbabalot! – kasi iba ang level ng pagtitipon sa lamayan. Mayroong rubdob. Nahirapan lang ako sa isang bagay na sadyang makabago at hirap pa rin akong tanggapin. Ang pagpapakuha ng litrato sa mga lamayan. Mula pagkabata kasi aking nagisnan ay seryoso ang lamayan at dahil noon ay wala pang mga camera phone kaya asiwa ako na pumorma o mag-pose sabay ngiti kasama mga naulila sa tabi ng mga labi ng giliw na pumanaw. Maliban doon, ito ang unang kagandahan at biyaya ng pakikiramay at paglalamay – ito ay pagdiriwang ng buhay hindi ng kamatayan.

Larawan kuha ng may-akda, Jesuit Cemetery sa Sacred Heart Novitiate, Novaliches, Quezon City, 21 Marso 2023.

Ikalawang biyaya ng pakikiramay at paglalamay sa patay ay ang pagpapahayag ng patuloy nating pagmamahal at pagpapahalaga sa ating ugnayan hindi lamang sa pumanaw kungdi pati sa kanyang mga naulila. Hindi lamang tayo nakikibahagi sa kanilang dalamhati na siyang kahulugan ng pakikiramay o pagdamay, kungdi higit sa lahat ay ang ating pagtitiyak sa kanila na kahit wala na ang giliw nating pumanaw, nananatili pa rin tayong kamag-anak at kaibigan.

Pinakamasakit na bahagi ng pagmamahal ang paghihiwalay, pansamantala man o pang-magpakailanman tulad ng kamatayan. Isa itong katotohanang ating naranasang lahat dahil walang permanente sa buhay na ito. Darating at darating ang sandali na tayo ay mahihiwalay sa ating minamahal kapag ang mga anak ay nagsipag-kolehiyo o kapag sila ay nagsipag-asawa upang bumuo ng sariling pamilya. At ang pinaka-masakit sa lahat ng paghihiwalay, ang pagpanaw ng mahal sa buhay.

Gayon pa man, naroon sa kamatayan ang pinakamatinding hamon ng pagmamahal na ating ipinahahayag at ipinadarama sa pakikiramay. Alalaong-baga kapag tayo pumupunta sa lamayan, ating pinagtitibay sa kanilang naulila ang ating ugnayan, na tayo ay magkakamag-anak pa rin, magkakaibigan pa rin. Kahit mawala ang isang kamag-anak o pamilya at kaibigan, hindi mawawala ating ugnayan. Sama-sama pa rin tayo hanggang sa kabilang buhay kung saan magiging ganap at lubos ating mga ugnayan sa Diyos kay Kristo Jesus.

Kitang-kita ang ugnayang ito na hindi kayang putulin ng kamatayan sa paraan ng ating pagpapaalam. Walang nagsasabing “aalis na ako” o “lalayas na ako” maliban kung siya ay galit. Kapag tayo nagpapaalam saan man, ating sinasabi palagi ay “mauuna na po ako” gayong wala namang susunod sa ating pag-alis. Atin ding sinasabi bilang pamamaalam ang “tutuloy na po ako” e lumalabas nga ang isang nagpapaalam paanong tutuloy?!

Ang mga ito ay tanda ng pagtimo sa ating katauhan ng katotohanan ng kamatayan at buhay na walang hanggan. Sinasabi nating mauuna na ako dahil batid natin lahat ang katotohanan na una-una lang sa kamatayan. Gayon din ang pagsasabi ng tutuloy na ako tuwing nagpapaalam kasi isa lang ating hahantungang lahat, ang buhay na walang hanggan sa piling ng Diyos sa kalangitan.

Larawan kuha ng may-akda, Bolinao, Pangasinan, 19 Abril 2022.

Kaya hindi rin kataka-taka minsan kung kailan pumanaw at nawala na ang isang mahal sa buhay saka lumalalim ating ugnayan. Iyan ang ikatlong biyaya ng pakikiramay at paglalamay, ang pananatili ng pag-ibig. Higit nating nadarama lalim ng ating pagmamahal kanino man kapag siya ay pumanaw na. Ito yung hiwaga ng aral ni Jesus sa bundok, “Mapapalad ang mga nahahapis, sapagkat aaliwin sila ng Diyos” (Mt.5:4).

Mapapalad ang nahahapis dahil una, sila ay nagmamahal. Sabi ni San Agustin, kaya tayo umiiyak kapag namatay ang isang mahal sa buhay kasi tayo ay nagmamahal. Masakit ang mawalan at hindi na makita ang isang minamahal.

Higit sa lahat, mapapalad ang nahahapis dahil silay ay minahal. Iyon ang pinaka-masakit sa pagmamahal. Matapos maranasan ikaw ay mahalin, saka naman siya mawawala sa piling. Ngunit iyon din ang pagpapala. Kaya masakit mamamatayn kasi nga tayo ay minahal. Sabi ng isang makata, “kung ikaw ay mayroong pagmamahal, ikaw ay pinagpala; kung ikaw ay minahal, ikaw ay hinipo ng Diyos.” Tuwing tayo ay nakikiramay, naglalamay, ating ipinahahayag ating pagmamahal gayun din ang biyaya na tayo ay minahal ng pumanaw.

Tama si San Pablo na sa kahuli-hulihan, lahat ay maglalaho at tanging pag-ibig lang ang mananatili (1Cor. 13:13). Gayon din ang inawit ni Bb. Cookie Chua sa Paglisan.

Kung ang lahat ay may katapusan
Itong paglalakbay ay makakarating din sa paroroonan
At sa iyong paglisan, ang tanging pabaon ko
Ay pag-ibig
Ay pag-ibig
Ay pag-ibig

Manatili sa pag-ibig ni Kristo! Amen. Salamuch po.

Larawan kuha ng may-akda, Bolinao, Pangasinan, 19 Abril 2022.

Kailan ako tunay nagmamahal?

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-03 ng Nobyembre 2020
Larawan kuha ng may-akda, gayak ng aming parokya, Nob. 1-2, 2020.
Madalas aking ipinapalagay
bilang bahagi ng buhay 
itong pagmamahal
ako nama'y nakagaganap,
nakatutugon sa hamon.
Nguni't ano nga ba talaga
ang magmahal at kailan ako
tunay na nagmamahal?
Napakadali na maging mabuti 
sa iba, magtimpi ng sarili,
magparaya at magpalampas;
mahabag at maawa na kusang 
tutulo ang luha,
umakay at sumabay sa mahihina,
magmalasakit maski sa walang sakit.
Kailan nga ba
ako tunay na nagmamahal,
tanong ko sa sarili noon pa man;
maski mga kaibigan
mga pinapayuhan
sa simbahan
o saan pa man
iyan ang palaging katanungan
na ano mang kasagutan
ay siyang buod at kabuuang
kahulugan ng pagmamahal
di lamang ng mga magkasintahan
o magsing-ibig
kungdi ng sino mang nilalang
ng Diyos na pag-ibig.
Noon ay
palagi kong sinasabi
mula sa limitado kong karanasan
na aking inihahabi,
pinagtatagpi-tagpi
sa mga napag-aralan
at napagnilayan
na tunay ka lamang nagmamahal
kapag ika'y nasasaktan
dahil kung wala ka nang nararamdaman
mas malamang
pusong bato
ang nariyan sa iyong dibdib,
di lamang manhid
kungdi patay at malamig.
Hindi natapos
aking pag-aasam
malaman at maranasan
kung kailan nga ako
tunay nagmamahal;
maraming karanasan
aking pang dinaraanan
dahan-dahan, unti-unti
naliliwanagan na
tunay akong nagmamahal
di lamang kapag ako'y nasasaktan
kungdi dama ko man
aking kawalan
sa kakayahang ibsan maliban samahan
kapatid kong nahihirapan.
Tunay akong nagmamahal
kung aking pipiliing mahalin
ang iba kesa akin;
 hindi na daraing
kungdi sasarilinin
at aangkinin pati tiisin
mga iyak at hinaing
ng ginigiliw
 at kung maari ay pasanin
kanilang mga dalahin.
Sa kahuli-hulihan
batayan pa rin ng pagmamahal
ang masaktan --- kung hanggang saan,
hanggang kailan doon malalaman
yaring lalim at kadalisayan.
Larawan kuha ng mga may-akda, gayak ng altar ng parokya, Nob.1-2, 2020.

Makita o makilala?

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-29 ng Oktubre 2020
Larawan mula sa catholicnewsagency.com.
Sa pagdiriwang ng kapistahan
ni San Judas Tadeo kahapon
may isang magandang tagpo 
na kay inam nating balikan
upang pagnilayan
kanyang tanong kay Jesus
noong Huling Hapunan:
"Panginoon, 
bakit po sa amin lamang kayo
magpapakilala nang lubusan
at hindi sa sanlibutan?" (Jn.14:22)
Mahiwaga at matalinhaga
ang tugon ng Panginoon:
"Ang umiibig sa akin ay tutupad
ng aking salita;
iibigin siya ng aking Ama,
at kami'y sasakanya at
mananahan sa kanya." (Jn.14:23)
Bakit nga ba hindi na lamang
magpakita si Jesus sa lahat upang 
mawala na pagaaalinlangan,
at iba pang mga katanungan?
Maski naman magpakita si Jesus 
marahil wala pa ring maniniwala 
hangga't hindi natin siya nakikilala
sa mukha ng bawat kapwa: 
hindi bagay o gamit si Jesus
na basta-basta lamang nakikita 
ng ating mga mata ---
Siya ay Persona: 
makikilala lamang 
ng isang pusong bukas
handang tumanggap
at tularan Kanyang pagmamahal
upang Kanyang panahanan
tungo sa personal na ugnayan.
Photo by Pixabay on Pexels.com
Hanggang ngayon ito pa rin
ang ating tanong sa ating panahon
at bakit nga kaya nagkagayon?
Tuwing magkokomunyon
"Amen" ang ating tinutugon
bago tanggapin
Katawan ng Panginoon
na marahil atin ngang nakikita
nguni't hindi nakikilala
dahil puso ay ipininid
naging manhid
sa daing ng bawat kapatid?
Ang Diyos ay pag-ibig
na siyang Kanyang larawan
at wangis sa atin Kanyang ipinaris;
kung pag-ibig ay ating inalis,
ang lahat sa atin ay malilihis
makita man natin si Jesus di natin Siya makikilala!

Larawan ay kuha ni Lucas Jackson ng Reuters ginamit sa The Economist, 2019.

Panalangin ng umiibig

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-01 ng Oktubre 2020
Huwebes, Paggunita kay Santa Teresita ng Sanggol Na Si Hesus
Job 19:21-27     >><)))*>  +  <*(((><<     Lukas 10:1-12
Larawan kuha ng may-akda, 01 Oktubre 2019.
O Diyos Ama naming mapagmahal,
Ikaw ay pag-ibig 
kaya kami ay umiibig 
dahil ikaw ang sa amin ang unang umibig;
Parang ang hirap dasalin
at gayahin dalangin ni Santa Teresita
na maging pag ibig sa gitna nitong 
Simbahang iniibig.
Nguni't kung susuriin 
tunay ang kanyang hiling
na dapat din naming asamin
dahil itong pag-ibig ang nag-uugnay
sa lahat sa aming buhay
at kung hindi lahat ay mamamatay.
Katulad ni Job sa unang pagbasa,
tangi naming inaasam ikaw O Diyos 
ay “mamasdan at mukhaang makikita
Ng sariling mga mata at di ng sinumang iba;
Ang puso ko’y nanabik na mamasdan kita” (Job 19:26-27)
upang Iyong pag-ibig maihatid
sa daigdig nasa gitna ng maraming pagkaligalig
nalilito, nagugulo kanino mananalig at sasandig;
Unawain nawa namin turo ni Jesus (Lk.10:2)
aming hilingin sa Iyo na magpadala ng manggagawa
sa maraming anihin:  hindi pagkain, salapi o gamit
ang mahalaga naming kamtin 
kungdi kapwa na makakapiling
at magmamahal sa amin.
AMEN.
Larawan kuha ng may-akda, 2019.

Panalangin upang tuklasin pagpapala sa bawat pagkakataon

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-25 ng Setyembre 2020
Larawan kuha ng may-akda sa Jerusalem, Mayo 2019.
Tunay na tunay ang iyong mga pananalita
Ama naming mapagmahal sa Aklat ng Mangangaral:
"Ang lahat ng pangyayari sa daigdig ay nagaganap
sa panahong iyong itinakda; 
Iniangkop mo ang lahat ng bagay sa kapanahunan.
Binigyan mo ang tao ng pagnanasang alamin ang bukas
ngunit hindi mo siya binigyan ng pagkaunawa 
sa iyong mga ginawa mula pasimula hanggang wakas." (3:1, 11)
Nakamamanghang isipin 
bakit nga ba tuwing kami ay mananalangin
saksakan kami ng pagka-inipin 
ngunit tuwing kami sa iyo ay hihiling
paglipas ng oras sa pananalangin di namin pansin?
Ito marahil ang paglalarawan ng iyong kaganapan
na hindi ka kayang saklawan ng aming panahon at lunan
dahil hindi lamang ikaw ang sa amin lumalang
kungdi sapagkat sa iyong pag-iral ikaw ay pagmamahal
walang bukas at kahapon, ang lahat ay ngayon.
Itulot po ninyo, O Panginoon
ikaw ay aming tuklasin at sundin sa iyong pagdating
sa bawat sandali at pagkakataon sa aming buhay ngayon
na madalas hindi namin kaagad maunawaan iyong nilalayon
dahil ika'y walang hanggan gayong kami ay pana-panahon;
magtiwala nawa kaming lagi sa iyong pag-ibig
upang kung sakali man kami ay wala sa panahon ng pagkabig
sa iyo lamang kami manalig at lahat ay madaraig!
AMEN.

Pag-ibig: ang tanging sagutin at kaloob sa buhay natin

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-09 ng Setyembre, 2020
Larawan kuha ni G. Jim Marpa, 2019.
Kay ganda ng paalala
ni San Pablo sa mga taga-Roma
na hanggang ngayon sa ating panahon 
gawin nating tuntunin:
"Huwag kayong magkaroon ng sagutin
kaninuman, liban sa saguting tayo'y mag-ibigan...
Ang umiibig ay hindi gumagawa ng masama kaninuman,
kaya't ang pag-ibig ang kabuuan ng kautusan." 
(Roma 13:8, 10)
Ano nga ba ang sagutin natin sa bawat isa?
Hindi ba ano mang sagutin ay pagkaka-utang din?
Kung gayon, 
tayong lahat ay mayroong tungkulin
at sagutin na bayaran pagkakautang natin
na walang dili iba kungdi pag-ibig pa rin!
Sa lahat naman ng sagutin at bayarin
pag-ibig ang pinakamamahalin at mainam utangin;
hindi tulad ng salapi, pag-ibig ng Diyos ay hindi tinitingi
walang tinatangi, hindi na kailangan pang humingi
kahit ikaw ay mabaon at hindi makaahon
sagot palagi ng ating Panginoon!
Kaya si Hesus pumarito noon
upang tubusin sangla ng pagkakautang natin
sa pag-ibig ng Ama na tinalikuran at tinanggihan
ng mga unang magulang natin;
Sa Kanyang kabutihang-loob
sa atin ay ipinagkaloob buhay Niyang handog.
Pag-ibig ang siyang pumupuno sa atin
siya ring nagpapairal sa atin
dahil ang mabuhay ay umibig;
sino mang hindi umiibig ay patay
parang naglalakad na kalansay
hungkag at walang laman, puso at kalooban.
Kaya naman sumasama ating loob
kapag minamahal natin ay walang utang na loob
dahil pag-ibig ang tanging nasa ating loob;
kapag pag-ibig ay hindi sinuob
upang humalimuyak gaya ng insenso at bulaklak,
ito'y nakukulob, umaantong, sa kamatayan humahantong.
Katulad ang pag-ibig ng tubig sa ilog
mahirap masundan pinagmumulan at patutunguhan
ngunit iyon ang kagandahan at kainaman
habang tayo'y patuloy sa pag-ibig, dumadaloy, umaagos
hindi ito nasasaid dahil ang Diyos ay pag-ibig
at walang hanggan na Siyang ating hantungan at kaganapan.

Mahal na Puso ni Hesus para sa daigdig na wala nang puso

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-19 ng Hunyo 2020
Napakahirap isipin
masakit tanggapin
sinapit maraming 
kababayan natin
na hanggang ngayon
hindi pa rin nakakauwi
upang sariling pamilya'y
makapiling.
Pinakamasakit nilang
dinanas na sila'y ituring
kaiba sa atin; matagal na 
hindi pinansin
walang nakabatid
sa kanilang mga hinaing
hanggang sa bumantad na lamang
sila sa ating paningin sa TV screen.
Matay ko mang isipin
sa panahon ito ng COVID-19
marami pa rin sa atin
hindi lang sumpungin
pag-uugali'y karimarimarim
salita'y matatalim
nakakasakit ng damdamin
wala na bang buting angkin?
Sa panahong ito ng pandemya
na ang banta ng kamatayan ay tunay na tunay
kabiyak o kapatid, kaibigan o kasamahan
o sino pa man ay tila nalilimutang
kapwa ring nahihirapan, nabibigatan
sa halip na tulungan, iniiwanan;
sa halip na kalooban ay pagaanin
ito'y sinasaktan pati na rin katawan.
Kapistahan ng Kamahal-Mahalang Puso ni Hesus; larawan kuha ni G. Gelo Nicolas Carpio, 19 Hunyo 2020.
Kaya aking dalangin
sana'y tupdin ng Panginoong Hesus 
ating hiling gawin ang mga puso natin
katulad ng kanyang Puso, 
maamo at mahabagin
puno ng kanyang pag-ibig
bawat tibok ay tigib
ng kabutihan Niyang angkin.
Mabuti pa ang puno ng saging
madalas na biro natin: may puso kesa atin!
Sana'y alisin Mo, Hesus, pusong bato namin
palitan ng pusong laman sa Iyo nakalaan
huwag naming panghinayangang kabutihan Mo'y ipamigay
huwag rin kaming maghintay ng Iyong sukling ibibigay
bagkus ay magmahal nang magmahal
hanggang kami'y mamatay at sa Iyong piling mahimlay.

*Mga larawan sa “collage” sa itaas ay mula kay G. Raffy Tima ng GMA News; ang nasa gitna na larawang ng imaheng bato ni Hesus ay mula Google.

Bago ang lahat, pag-ibig

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-29 ng Mayo 2020

Sa gitna ng aking pananalangin
minsa'y sumagi kung maari
itong alaala o gunita ay himayin 
upang tukuyin at tuntunin
kailan nga ba nagsimula
tayo natutong manalig at sumandig
sa Panginoong Diyos natin?
Napaka-hirap alamin
simula ng pananampalataya natin
ngunit marahil kung ating tutuusin
bago ang lahat ay nalaman natin
unang naranasan higit sa lahat ay ang pag-ibig.
Ang Diyos ay pag-ibig
at kaya tayo nakapagmamahal 
ay dahil una Niya tayong minahal;
kaya nga pag-ibig ang suma total
ng lahat ng pag-iral sapagkat
ito rin ang wika at salita ng Diyos 
nang lahat ay kanyang likhain.
Bago nabuo kamalayan natin,
naroon muna karanasan ng pag-ibig
na siyang unang pintig sa atin ay umantig
sa sinapupunan ng ating ina
hanggang tayo ay isilang niya at lumago sa ating pamilya.
Bago tayo maniwala
nauna muna tayong minahal
kaya tayo ay nakapagmahal
at saka nanampalataya;
kung mahihimay man na parang hibla
ng isang tela itong ating buhay
natitiyak ko na sa bawat isa
ang tanging matitira 
na panghahawakan niya
ay yaong huling sinulid 
na hindi na kayang mapatid
sa atin nagdurugtong, naghahatid bilang magkakapatid.
Kaya palagi po ninyong ipabatid,
Panginoong Diyos ng pag-ibig
sa mga isipan naming makikitid at makalimutin
mga pagkakataon ng iyong bumabalong na pagmamahal
kailan ma'y hindi masasaid
habang bumubuhos sa bawat isa sa amin;
huwag namin itong sarilinin o ipunin
bagkus ipamahagi, ipadama sa kapwa namin.
Itong pag-ibig na ipinadama sa amin
ang siyang maaasahang katibayan
nagpapatunay mayroong Diyos na buhay at umiiral
na sa atin ay dumatal bago ang lahat, sa Kanyang pagmamahal.

“Kung Mamasukan Sa Atin Ang Diyos”

IMG_2434
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II
Ika-25 ng Pebrero 2019

 

Hanggang ngayo’y hindi ko pa rin mawari
Ang tagpo noon sa baybayin ng Lawa ng Genesaret
Nang ang makapangyarihan Hari ng mga hari
Humiram ng bangka kay Simon na isang hamak.

 

Sa aking pagbubulay-bulay sa tagpong iyon
Sumilay sa aking malay kung paano kaya
Itong Panginoon Hesus ay biglang mag-apply
Upang mamasukan sa atin bilang tauhan natin?

 

 
“Sir…o kaya’y ma’am” marahil ang bati Niyang marahan.
“Ibig ko po sanang mag-apply bilang inyong tauhan
Diyan sa inyong puso at kalooban
Na tila baga laging nabibigatan at sugatan.”

 

“Ang dami-rami mo nang naging mga bossing
Kaya mga utos di matalos pulos naman galos ang iyong tantos;
Subukan mo naman akong ika’y pagsilbihan
Diyan sa iyong puso at kalooban, di kita sasaktan, peksman.”

 

“Hindi ako magpapahinga maski ika’y kapusin ng hininga
Araw gabi ako ang iyong karamay sa lahat ng iyong away
Gagabay sa iyong mga pagpapasya at desisyon na agaw-buhay
Hindi kita bibigyan ng rason para dumaing o manghinayang.”

 

“Sa aking sasahurin, huwag nang alalahanin
Dahil isa lang naman ang aking hiling:
Pangakong ako lang ang iyong mamahalin at susundin
Asahan mo walang tigil na dating ng pag-ibig at pag-ibig pa rin.”

 

Ano pa ba ang ating mahihiling
Kung ganito ang mamamasukan sa atin?
Aba, ay atin nang tanggapin
Itong Panginoong Hesus na piniling maging ating alipin!

DSCF1078
Aming larawan noong Abril 2017 ng pag-iistasyon ng Krus sa Jerusalem patungo sa Simbahan ng Holy Sepulcher kung saan ipinako at muling nabuhay sa Hesus.  Isang napaka-gandang karanasan ng pag-ibig ng Diyos sa atin na madarama mo ng personalan sa Holy Land.