Patapos

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-06 ng Nobyembre 2023
Larawan kuha ng may akda, bahagi ng Tarlac sa Central Luzon Link Expressway, 19 Hulyo 2023.
Natitiyak ko kay dami
ninyong kuwento sa araw na ito
matapos ang mahabang
"long weekend";
mula halalan 
hanggang Undas
inyong pinag-uusapan,
magagandang tanawin 
at pasyalang pinuntahan,
masasarap at malinamnam
na pagkaing natikman
habang binabalik-balikan
mga alaala
at gunita kapiling
mga minamahal natin.
Nguni't 
hindi ba ninyo napansin
bakit kay huhusay natin
kapag mga bagay-bagay
ay papatapos
at magwawakas na rin?
Kung kailan patapos
na bakasyon, 
ibig mo ay extension 
dahil saka pa lamang
nararamdaman ang samahan;
kay hirap magpaalam
inaasam oras ay madagdagan
kahit kaunting sandali lang
huwag nang tigilan
kuwentuhan at tawanan;
kung kailan uwian na
saka matatagpuan 
maganda at bagong
tanawin, pakiramdam
laging bitin.
Ngunit kung tutuusin,
buhay ay laging bitin
lahat ay paulit-ulit
na simulain dahil
walang natatapos
walang nagwawakas din.
Alalahanin turo
ng matatanda sa atin
huwag magsasalita
ng tapos dahil kung ating
susuriin, sa pag-alis
at paglisan natin,
tayo ma'y dumarating;
maging sa kamatayan
pananaw nati'y hindi wakas
kungdi simula ng buhay 
na walang hanggan
kaya naman kapag mayroong
pumanaw, mga huling araw
nila ay puro habilin,
buhay ay kay husay.
Kaya alalahanin
bagaman ang wakas ay
nagbabadya palagi,
pagbutihin bawat sandali
upang sa bawat katapusan
mabakas mas magandang bukas!
Larawan kuha ng may-akda mula sa OLFU-Quezon City, Enero 2023.

Sobra na, tama na!

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-26 ng Setyembre 2023
Larawan mula sa redditt.com ng iskulturang pinamagatang “Love” ni Ukrainian artist Alexander Milov naglalarawan ng inner child sa bawat isa sa atin na ibig palaging makipag-ugnayan sa kapwa.

Hindi po tungkol sa pulitika ang aking lathalain kungdi ukol sa tila lumalabis nang pagkahumaling ng mga tao sa computer at mga makabagong teknolohiya. Sa aking palagay ay sumusobra na pagsaklaw ng teknolihiya sa ating buhay at nawawala na ating pagkatao. Hindi ako magtataka na bukas makalawa, magkakatotoo na nga yata yung dating ipinangangamba na pananakop ng mga robot sa ating buhay o mismo sa ating mga tao!

Ang katotohanan po ay tumigil na akong kumain sa mga fastfood restaurant hindi dahil sa magastos at unhealthy nilang pagkain at inumin kungdi ang mga nakaka-inis na sisteng kailangang pa akong umorder nang nagpipindot sa mga screen nila ng kakanin gayong may mga crew naman sila.

Minsan pauwi ako mula sa pagmimisa sa lamay sa patay sa Bulacan. Hindi ako gaanong nakakain kaya dumaan ako sa McDonald’s sa Nlex Drive and Dine. Ayokong mag-drive thru para doon na rin makapagpahinga ng konti sabay pagpag na rin maski hindi ako naniniwala doon.

Sising-sisi ako at dumaan pa ako doon; sana nga pala ay nag-drive thru na lang ako kasi naman ay ganito po ang nangyari.

Larawan mula sa news.abs-cbn.com

Pagpasok ko sa McDonald’s doon ay tumambad sa akin ang mga higanteng screen na doon daw oorder. Kasinglaki ni Ronald McDonald yung mga screen pero hindi sila friendly kasi natakot ako. Aminado akong tanga at walang alam sa mga iyon. Hindi po ako techie. Kahit naka-iPhone ako, inaamin kong hindi ko pa rin alam hanggang ngayon kung paano ito gamitin. Di ko naintidihan yang mga hacks na iyan.

Wala akong nagawa kungdi sumunod sa crew na naka-ngiti naman. Binasa ko instructions. Pindot dito, pindot doon. Ewan ko. Naghalo na rin siguro gutom at katangahan, pabalik-balik ako sa simula at hindi maka-order. Mayroon akong nakasabay na engot din at lumapit sa amin yung guwardiya upang tulungan kami. Nawalan na ako ng ganang kumain sa inis sa screen, sa sarili ko na rin, at sa pamunuan ng McDonald’s. Bakit hindi na lang kinuha order ko kesa pinahirapan pa ako doon sa electronic counter na yun?

Bakit kailangang pilitin ang lahat na gumamit ng computer para sa pag-order? Hindi ba naiisip ng mga fastfood na ito na mayroong mga taong hindi pa rin gamay at handa sa gayong uri ng transsaksiyon? Ang pinaka-ayoko sa sisteng ito ng modernisasyon na ang lahat ay automated at computerized ay nawawala ang ating “pagkatao”, iyon bang human touch at humanness ika sa Inggles.

Larawan mula sa NLEX.

Sa expressway ay mauunawaan ko pa dahil upang mapabilis ang biyahe, mainam ang RFID. Ngunit may mga pagkakataon na hindi ako nagmamadali na pagkaraan ng nakakapagod na pagmamaneho sa trapik, ang ibig ko lang ay mayroong makitang isang kapwa-tao. Yung bang madama lang yung “warmth of another human person” ay malaking bagay na rin upang mapawi pagod at stress, na para bang nagsasabing hindi ka nag-iisa. Noong dati ay nakakausap ko pa ng kaunti mga teller sa Nlex sa paniniwala na makapagpasaya lang ako ng isa pang nilalang na maaring bigat na bigat sa problema. Ngayon, wala na yung koneksiyon na iyon kaya hindi kataka-taka, marami sa atin ang disconnected sa isa’t-isa maging sa sarili! Kaya sabog maraming tao ngayon. Siguro kung maibabalik lang natin marami nang nawalang human interaction, mababawasan yang mga road rage sa lansangan.

Isang nakakamiss para sa akin ang magpunta sa bangko at pumila, makahunta ilang mga tao doong kakilala pati na ang manager at magagandang teller. Iyon ang wala sa electronic banking. Totoong convenient at mabilis ang pagbabangko gamit ang cellphone o computer ngunit napaka-impersonal! Iyon na ba ang mahalaga sa atin ngayon, kaginhawahan kesa ugnayan sa kapwa tao?

Pakikipag-ugnayan ang layon ng komunikasyon. Para sa akin, ang pinakamagandang paglalahad ng kahulugan ng komunikasyon ay mula sa Pastoral Instruction na Communio et Progressio sa pagpapatupad ng dokumento ng Vatican II sa social communication na Inter Mirifica:

Communication is more than the expression of ideas and the indication of emotion. At its most profound level it is the giving of self in love. Christ’s communication was, in fact, spirit and life.

Communio et Progessio, #11

Sa lahat ng nilalang ng Diyos, tao lamang ang kanyang binahaginan ng kanyang kapangyarihang makipagtalastasan o komunikasyon. Ang aso ay tumatahol, pusa nagme-meow at ang baboy ay nag-o-oink-oink. Ngunit ang tao, nagsasalita, nangungusap. Naiintindihan, nauunawaan. At kapag nangyari iyon, nagkakaroon ng ugnayan at kaisahan. Communication, tapos communion.

Hindi ito nangyayari sa computer. Manapa, madalas pakiwari ko ay inuulol tayo ng mga ito! Ano kalokohan yung alam mo namang AI (artificial intelligence) o robot ang “kausap” mo tapos sasagot ka sa kahon na “I am not a robot”? At, mantakin mong utusan ka ng Waze o Google map na pakiwari mas alam niya lahat kesa iyo?

Kaya siguro maraming high blood din ngayon kasi nga kapag sumablay mga teknolohiyang ito lalo na ang mahinang signal, tapos na lahat ng usapan. Sa gayon, walang napagkakayarian, walang napagkakasunduan kaya wala ring kaisahan.

Ito rin ang hindi ko magustuhan sa ipinagmamalaki ng dati kong upisina at network, iyong kailang AI-sportscasters.

larawan mula sa gmanetwork.com.

Heto na yata ang rurok ng kalabisan sa pagkamaliw ng karamihan sa teknolohiya. Unang tanong natin dito ay ano po ba ang turing ng mga kumpanyang gumagamit nito sa kanilang mga taga-tangkilik? Tayo ba ay pinahahalagahan pa nila at ipinauubaya na lamang tayo sa mga robot?

Higit sa maraming mahuhusay na tagapagbalita, sa ganang akin walang puwang sa newscast o ano mang uri ng pagbabalita ang mga AI dahil ang komunikasyon ay ugnayan. Communication is a relationship, lalo na balita at isports. Kahit na maperfect pa ang teknolohiyang iyan, hindi mapapalitan at di dapat mapalitan ang tao sa pakikipag-ugnayan sa kapwa tao.

Ikalawa, ano ang dahilan para magkaroon ng AI na sportscaster? Magmalaki? Magyabang? Ano pa kaya gusto ng GMA-7 gayong wala na silang kalaban?

At dapat nilang asikasuhin ay mabigyan tayo ng buhay na mga programa, coverage na umaantig sa aming pagkatao, kayang hipuin kaibuturan ng aming sarili upang madama tuwa at lungkot ng bawat tagumpay at kabiguan saan mang larangan ng buhay. Maramdaman nating hindi tayo nag-iisa sa pag-aasam ng tagumpay at kaunlaran dahil mayroong kaming mga kalakbay sa biyaheng ito ng buhay. Iyon ang kahulugahan ng integrated news – buo. Paanong naging integrated news kung hindi naman tao ang sportscaster nila? Hindi ba doon pa lamang ay sira na ang kabuuan? Sila ba ay mayroong puso para ituring na Kapuso?

Ang kailangan ay isang kapwa na makakasama sa buhay lalo na sa media. Sa Inggles, tawag doon ay companion. Mula sa dalawang salitang Latin, cum na ibig sabihi’y with o kasama at panis na kahulugan ay bread o tinapay; sa literal na salin, ang companioncum panis – ay kahati sa tinapay. “Someone you break bread with.” Ang tinapay naman ay tanda ng ating sarili, ng ating buhay. .

Samakatwid, ang companion o kasama ay isang kapwa na nagbabahagi ng kanyang sarili sa kapwa upang mabuhay din. Iyan ang dangal at karangalan ng pagbabalita na sadya namang maipagmamalaki ng GMA News mula marami nilang mahuhusay na newscasters at reporters. Kaya lahat ay nalungkot nang pumanaw si G. Mike Enriquez na naging bahagi ng buhay ng maraming kababayan natin sa kanyang estilo ng pagbabalita. Taong-tao siya, ika nga.

Larawan kuha ng may-akda, Our Lady of Fatima University, Valenzuela City, 13 Setyembre 2023.

Kaya rin naman sa Banal na Misa, ang tawag doon ay Banal na Komunyon, ang pagbabahagi at pagtanggap sa Katawan ni Kristo sa anyo ng tinapay. Nakiisa sa atin si Jesus sa lahat ng bagay sa ating katauhan liban sa kasalanan tulad ng gutom at uhaw, lungkot at hapis, kabiguan maging sakit at kamatayan upang makabahagi niya tayo sa kanyang buhay at tagumpay.

Walang ganyang umiiral sa mga AI na ito at computerization ng mga sistema sa ating buhay. Sana ay isaalang-alang ito ng mga negosyante at umuugit sa mga industriya lalo na sa media. Ang masakit na katotohanan kasi ay kunwari ay kaunlaran at kadalian o convenience ang kanilang dahilan (para kanino?) kungdi kitang kita naman, pera lang ang suma total. Sa gayon, sa landas na ito ng pagiging impersonal na kalakaran ng maraming bagay gamit ang teknolohiya, unti unti rin tayong nade-dehumanize, nawawala katauhan. Kapag nawala ang katauhan, ano ang pumapalit? Alam na natin iyan. Salamuch po.

Lamay, Ramay

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-12 ng Setyembre 2023
Larawan kuha ni G. Cristian Pasion, Bihilya ng Pasko ng Pagkabuhay 2022, Pambansang

Noong bata ako buong akala ko ang paglalamay at pakikiramay ay iisa. Alalaong-baga, kapag may lamayan, mayroong namatay at paraan iyon ng pakikiramay. E hindi pala ganun!

Sa aking pagtanda at pagkamulat sa wika, higit sa lahat sa buhay na palaging kaakibat pagkamulat din sa kamatayan, napagtanto ko na bagaman magkaiba ang lamay at ramay, malalim at matalik ang ugnayan ng dalawang kataga.

Ang paglalamay ay pagpupuyat, tulad ng pagsusunog ng kilay o pag-aaral sa gabi. Maari din itong hindi pagtulog sa magdamag upang matapos ang isang proyekto at gawain. Naglalamay din bilang bahagi ng gampanin at tungkulin tulad ng mga nagtatrabaho ng pang-gabi o graveyard shift gaya ng mga pulis, mamamahayag, drayber, mga viajero at mga nasa call center.

Maraming pagkakataon sa paglalamay ikaw ay may kasamang nagpupuyat upang tulungan na tapusin ang gawain o gampanan ang tungkulin. Sa paglalamay, palaging mayroong kasama upang tulungan tayong malampasan ano mang pagsubok na pinagdaraanan. Doon nagsasalapungan ang dalawang kataga ng lamay at ramay: sa gitna ng kadiliman ng gabi, mayroong maasahang kasamang nakikibahagi at nakikiisa sa pagdurusan at hirap na pinagdaraanan.

Larawan kuha ni G. Jay Javier, Tayabas, Quezon, 13 Agosto 2023.

Napakaganda ng larawang sinasaad ng lamay at ramay – ang kadiliman ng gabi. Sa bibliya, ang gabi at kadiliman ay sumasagisag sa kapangyarihan ng kasamaan.

Ipinanganak si Jesus sa pinakamadilim na gabi ng buong taon, mula Disyembre 23 hanggang 25. Malinaw na pagpapahayag ito ng pakikiramay ng Diyos sa kadiliman ng ating buhay. Doon siya palaging dumarating kung tutuusin.

Huwag nating pag-alinlanganan katotohanang ito na muli nating natunghayan noong Huling Hapunan ng Panginoon na naganap sa pagtatakip-silim ng Huwebes Santo. Kinagabihan si Jesus ay nanalangin sa halamanan ng Getsemani ngunit tinulugan ng tatlong malalapit na mga alagad. Huli na ang lahat nang sila ay magising nang dumating si Judas Iskariote, isa sa kanilang mga kasamahan na nagkanulo kay Jesus sa kadiliman ng gabi.

Anong saklap na walang karamay si Jesus sa paglalamay na iyon na nagpatuloy sa kanyang paglilitis sa Sanhedrin kung saan naman tatlong ulit siyang tinatwa ni Simon Pedro habang nasa labas ng tahahan ng punong pari. Kaya nga kung sakali man tayo ay nasa napakadilim na yugto ng buhay at tila nag-iisa, alalahaning si Jesus ay ating kapiling, nakikiramay sa atin dahil siya ang naunang nakaranas na maglamay ng walang karamay! Kanya itong binago at tiniyak na hindi na mauulit kanino man upang siya ay makaramay sa bawat lamay ng ating buhay nang siya ay muling mabuhay, nagtagumpay sa kamatayan at kasamaan sa gitna rin ng kadiliman ng gabi.

larawan kuha ni G. Cristian Pasion, Bihilya ng Pasko ng Pagkabuhay 2021.

Kamakailan ay dumadalas aking pagmimisa sa mga lamayan ng mga yumaong mga kamag-anak at kaibigan. Noon pa man lagi nang nasasambit ng mga kaibigan bakit nga ba hindi tayo magkita-kita habang buhay pa kesa naman doon na lamang palagi nabubuo pamilya at barkada sa lamayan ng namamatay?

Tama rin naman kanilang bukambibig sa mga lamayan. Ano pa ang saysay ng pagsasama-sama gayong nawala na at pumanaw ang mahal sa buhay?

Ngunit kamakailan ay napagnilayan ko rin na tama lamang na magkita-kita tayo sa mga lamayan upang ipahayag ating pakikiramay dahil naroon tayo hindi lamang upang makidalamhati kungdi magpuri at magpasalamat din sa isang yumao. Wika nga ng marami, lamay lamang ang hindi ipinangungumbida kasi doon masusukat tunay na kabutihan ng isang tao sa kanyang pagpanaw: kung marami ang naglamay at nakiramay, ibig sabihin, mabuti siyang tao, mapakisama, laging karamay noong nabubuhay pa.

Napagtanto ko ito sa nakakatawang pagkakataon; kundangan kasi, bilang mula sa mga sinaunang panahon, para sa akin ang pakikiramay ay dapat seryoso. Malungkot nga dapat at nakikidalamhati. Hirap na hirap ako noong matanggap ang picture taking sa lamayan! Iskandalo kung baga sa akin ang magpose at picture-taking sa lamayan, lalo na sa tabi ng labi ng yumao. Paano ka namang ngingiti e mayroong ngang patay at namatayan?

Larawan kyha ng may akda, 2018.

Nakatutuwang isipin kung paanong itinuro sa akin ng teknolohiya ang malalim na kahulugan ng pakikiramay sa paglalamay. Na ito ay higit sa lahat pagdiriwang ng buhay, pagpupugay at pasasalamat sa magandang samahan na ating tinitiyak na magpapatuloy pumanaw man ating kaibigan at kamag-anakan. Ang ating pakikiramay ay hindi lamang pagpadarama ng pakikiisa sa dalamhati kungdi pagtiyak ng pagkakaisang ito sa pagmamahal, pasasalamat at pag-alala tuwina sa isang pumanaw at kanilang mga naulila.

Mainam pa rin makadaupang-palad mga kamag-anak at kaibigan habang nabubuhay ngunit hindi pa rin huli ang lahat na sakali man dala ng maraming kadahilanan tayo ay makiramay tuwing mayroon lamay dahil ang totoo’y buhay pa rin ating ipinagdiriwang. Ito ang dahilan kaya ating tawag sa pumapanaw ay hindi namatay kungdi sumakabilang buhay. Balang araw siya ring ating hantungang lahat kung saan ang lamay at ramay ay iisang katotohanan na lamang na kung tawagi’y, pag-ibig.

Photo by Pixabay on Pexels.com

Mga gawa-gawa nating multo

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-09 ng Agosto 2023
Larawan kuha ng may-akda, mga puno ng balite sa Sacred Heart Novitiate, Novaliches, QC, 21 Marso 2023.
*Isang tula aking kinatha batay sa mga pagbasa at kapistahan
ngayong ika-siyam ng Agosto, 
Aklat ng mga Bilang 13:31-14:1, 26-29, 34-35 
at Mateo 15:21-28.
Itong ating wika
kay yaman ng mga salita
binibigkas pa lamang ng
dila naroon na sa puso
at isip ang kanyang diwa.
Halimbawa ang kasabihang
gumawa ka ng multo
na iyo ring kinatatakutan
na siya namang totoong-totoo!
Katulad nito isa pang kasabihan
para kang kumuha ng 
bato na pinukpok sa ulo.
Madalas sa ating karanasan,
tayo may kagagawan
kaya tayo nahihirapan;
Diyos ay tinatanggihang
sundin at pagkatiwalaan
katulad ng karanasan 
doon sa ilang nang gumawa
ng usapang mahirap sakupin
lupaing binibigay ni Yahweh
dahil anila mga higante naninirahan
doon, animo sila'y parang
mga tipaklong lamang.
Nagalit ang Diyos
sa kanyang bayan kaya
dinagdagan isang taon
kada araw ng kanilang paglalakbay
na puno ng pagrereklamo at
pagbubulungan upang umabot
ng apatnapung taon
sila doon sa ilang bago pumasok
sa kanilang lupang pangako,
ginawa nilang multo
naging totoo
sila mga naperwisyo!
Larawan kuha ng may-akda, mga puno ng balite sa Sacred Heart Novitiate, Novaliches, QC, 21 Marso 2023.
Anu-ano
 mga gawa mong multo
 at halimaw sa iyo nananakot
parang bangungot
maski ikaw ay gising?
Mga guni-guni
huwag linangin
bagkus manalig kay Kristo
lagi nating kapiling
lalo sa mga ilang na lupain
siya ay ating salubungin
at sambahin!
Pagmasdan
at pagnilayan pananalig
at tibay ng dibdib
ng babaeng Cananea,
pagano ngunit nagsumamo
kay Kristo upang palayasin
demonyong umaali
sa anak na babae;
sinubok ng Panginoon
kanyang pagpupursigi
hanggang makumbinsi at pinuri
matibay niyang pananampalataya!
Kay laking kabalintunaan
na sa ating panahong tinaguriang
makabago, lahat naiimbento
ngunit isip pa rin ng tao
ay litong-lito;
gumagawa pa rin ng 
maraming multo
ilan ay nagkakatotoo,
lumalason sa isipan
mga kasamaan at kasalanan
takot mahirapan kaya Krus
tinatalikuran.
Ito ang pinabulaanan ni
Santa Teresa Benedicta dela Cruz;
isinilang na Hudyo sa pangalang Edith Stein
tumalikod sa Diyos sa sobrang dunong
di naglaon, bumalik sa Panginoon,
nagpabinyag sa Katoliko
at pumasok sa monasteryo;
namatay kasama mga kababayan
niyang Hudyo sa gas chamber ng
mga Nazi hanggang sa huli 
pinanindigan Krus ni Kristo
kay inam nating huwaran
sa kasalukuyan na marami pa ring
kinatatakutan lalo na ang pag-gawa
ng kabutihan!
Sta. Teresa Benedicta dela Cruz,
Ipanalangin mo kami!
Larawan kuha ng may-akda, Bgy. Bahong, La Trinidad, Benguet, 12 Hulyo 2023

Ang pangit sa pagrereklamo

Lawiswis Ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-07 ng Agosto 2023
Larawan kuha ni Dra. Mylene A. Santos, MD, sa France, 2022.

Matapos nating pagnilayan kaibahan ng reklamo at hinaing, ngayon ay masinsinang suriin natin ang sama at kabuktutan – ang kapangitan – nitong pagrereklamo. Bukod sa sinasadya itong pag-isipan upang manipulahin mga tao maging Diyos, ang masaklap na mukha ng pagrereklamo ay naroon ito palagi sa mga taong malalapit sa atin tulad ng pamilya at kaibigan.

Sina Miriam at Aaron ay nag-usap laban kay Moises tungkol sa asawa niyang taga-Cus. And sabi nila, “Si Moises lamang ba ang kinausap ni Yahweh? Hindi ba’t tayo man?” Hindi kaila kay Yahweh ang usapan nilang ito.

Bilang 12:1-2
Larawan kuha ng may-akda sa San Juan, La Union, 24 Hulyo 2023.

Ito ang masakit na katotohanan sa pagrereklamo: ang mga unang-unang nagrereklamo laban sa atin palagi yung pinakamalapit sa atin, iyong mga taong inaasahan natin na sana higit nakaka-unawa sa atin, na sana ang mga tagapagtanggol at kakampi natin, mga nagmamahal sa atin.

Kahapon sa unang pagbasa ating natunghayan paanong nagreklamo mga Israelita laban kay Moises nang sila ay nahirapan at nagutom sa ilang. Dinig na dinig ni Moises kanilang mga reklamo kaya siya ay naghinaing sa Diyos. Dapat sana sina Aaron at Miriam na mga kapatid niya ang dumamay sa kanya subalit sa ating pagbasa ngayon, sumama pa sila sa pagrereklamo laban kay Moises!

At hindi lamang iyon! Nang-intriga pa ang magkapatid laban sa kanilang kapatid. Ginawang isyu nina Aaron at Miriam ang taga-Cus na asawa ni Moises na si Zipporah. Ating napagnilayan kung paanong sa pagrereklamo mayroon palaging panunumbat, panunukat at paghahamon sa mga inirereklamong tao kungdi pati sa Panginoong Diyos tulad sa tagpong ito (https://lordmychef.com/2023/08/07/masama-magreklamo-pananalangin-ang-dumaing/).

Alam naman nina Aaron at Miriam bakit nakapag-asawa si Moises ng hindi Judio dahil nga siya ay tumakas at nagtago sa ilang matapos niyang mapatay isang bantay na Egipsiyo. Sa pagkakataong ito, kanila ring kinukuwestiyon nila pagkatao ni Moises na kapatid nila.

Higit sa lahat, dito ating nakita ang pangit at mabahong katotohanan ng pagrereklamo na bunsod ng simpleng inggit. Tingnan kung paanong kayang wasakin ng pagka-inggit ating pagiging magkakapatid at pamilya!

Nagngingitngit sa inggit sina Aaron at Miriam laban kay Moises at maging kay Yahweh dahil hindi sila makabida sa mga tao. Ibig nilang umepal sa mga tao. Sa mga susunod na kabanata, ganito rin ang kuwento ng mga kalalakihang nainggit sa mga hinirang na propeta ni Yahwen sa ilang. Katulad ni Miriam, sila ma’y pinarusahan ng Diyos.

Larawan kuha ng may-akda sa San Juan, La Union, 25 Hulyo 2023.

Dapat nating matanggap na bawat isa sa atin ay mayroong gampaning papel at misyon sa buhay mula sa Diyos. Huwag nating sukatin o kuwentahin uri ng ating gampanin sapagkat walang maliit o malaking bagay sa Diyos. Ang pinaka-mahalaga sa kanya ay ang ating katapatan sa kanyang iniatas na gawain at misyon. Kung ang ibig ng Diyos na papel natin sa mundo ay tagapagpatay ng ilaw o taga-kaway ng munting bandila tuwing dumaraan ang tren sa crossing, iyon na iyon! Ang ningning at kahalagahan ng bawat gawain ay nakabatay sa Diyos at hindi sa ano pa mang sukatan o pamantayan ng tao. Kaya sa halip mainggit, ating pagbutihin mga gawain natin.

Sa ebanghelyo sa araw na ito ating natunghayan si Simon Pedro “umepal” kay Jesus na naglakad sa ibabaw ng tubig nang hilingin niyang palapitan din siya doon ng Panginoon. At pinagbigyan naman siya ni Jesus ngunit nang maramdaman ni Pedro ang malalakas na hangin, unti-unti siyang lumubog dahil sa takot kaya napasigaw siya sa paghingi ng saklolo kay Jesus.

Madali kasing makita ang ganda ng tanawing naglalakad sa ibabaw ng tubig o masarap siguro maranasan ikaw ay ginagalang ng lahat katulad ni Moises. Pero, iyon na ba lahat?

Hindi natin alintana mga likas na problema at hirap nakaatang sa kanya-kanyang balikat sa bawat tungkulin sa buhay at sa pamilya, sa opisina at sa pamayanan, o kahit saan man. Katulad ni Pedro nang maramdaman niya napakalakas na hangin nang maglakad sa ibabaw ng tubig katulad ni Jesus kaya natakot siya. Hindi lamang ganoon ang magreklamo at mainggit sa mga tao na ating hinahangaan o tinitingala.

Larawan ni Sto. Domingo mula sa Google.

Ngayong ika-walo ng Agosto ay paggunita kay Sto. Domingo, tagapagtatag ng Order of Preachers (OP) na tinaguriang mga Dominicano.

Batay sa mga kuwento noong ipagbuntis siya ng kanyang ina, nanaginip ito ng aso na tumatakbong may kagat-kagat na sulo, paikot-ikot sa madidilim na kalsada dahil gabi. Saan man magtungo ang naturang aso ay naghahatid siya ng liwanag dahil sa sulo sa kanyang kagat-kagat sa bibig.

Alalaong-baga, ipinalagay na ang sanggol niyang isisilang ay maghahatid ng liwanag sa buong daigdig katulad ng aso sa panaginip kaya pinangalanan siyang Domingo o Dominic na mula sa Domini Canes sa wikang Latin na ibig sabihin ay “Aso ng Panginoon”. At iyon nga ang nangyari sa buhay ni Sto. Domingo: siya at ang kanyang mga taga-sunod mula noon hanggang ngayon sa pamamagitan ng pagtuturo ay naghahatid ng liwanag ni Kristo sa daigdig na balot ng kadiliman ng kasamaan at kasalanan.

Hilingin natin kay Sto. Domingo tayo ay kanyang ipanalanging maliwanagan ating mga sarili upang mapawi lalo’t higit mga dilim ng inggit at pagrereklamo na bumabalot sa atin. Amen.

Masama magreklamo, pananalangin ang dumaing

Lawiswis Ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-7 ng Agosto 2023
Larawan kuha ng may-akda, takipsilim sa Tagaytay, ika-8 ng Pebrero 2023.

Madalas maitanong sa akin ng mga tao kung kasalanan daw ba, o masama, ang magreklamo sa Diyos? Bago sila sagutin, lagi kong hiling na liwanagin muna kung sila ba ay nagrereklamo o dumaraing sa Diyos?

Malaki pagkakaiba ng dalawang salitang ito na tila magkapareho lalo na kung ating uugatin ang kanilang pinagmulang wika na Latin, Pranses, Kastila at Inggles. Marahil dahil sa pagsasalin-salin ng mga salitang reklamo at daing, naiba kanilang kahulugan kaya mahalaga nating maunawaan upang makatulong sa ating wastong pakikipag-ugnayan sa isa’t-isa at sa Panginoong Diyos.

Hindi po ako dalubhasa sa linguistika o pag-aaral ng mga wika ngunit ibig ko na pagnilayan ang pagkakaiba ng reklamo at daing mula sa kanilang pinagmumulan o pinagbubuhatan. Ang reklamo ay mula sa isipan habang ang daing ay buhat sa puso at kaibuturan ng kalooban. Sa pagkakaibang ito ng kanilang pinagmumulan natin makikita kanilang kasamaan at kabutihan.

Larawan kuha ng may-akda mula sa Jordan tanawin ang ilang ng Israel noong Mayo 2019.

Masama ang pagrereklamo dahil ito ay sinasadya o wilfull sa Inggles. Mayroong malisya at masamang paglalayon bunsod ng maling pag-gamit ng kaisipan o intellect na kung saan pinangingibabawan ito ng kasamaan.

Sa pagrereklamo, mayroong pagpaplano at pag-aaral sa paglalahad ng hangad na hindi lamang maaksiyunan at solusyunan ang hinaharap na suliranin o katayuan kungdi maungkat pa ang ibang mga isyu ng nagrereklamo. Katulad lamang ito noong tayo ay mga bata pa na bubulung- bulong kapag masama ang loob kung nauutusan.

Sa pagrereklamo, naroon ang isang proseso ng kaisipan at hindi lamang bunga ng emosyon o damdamin na kapag naibulalas na ay tapos na. Naroon palagi ang paghahanap ng butas at kung anu-ano pang mga bagay na maaring isisi at ipula saan man at kanino man.

Kitang-kita ito sa karanasan ng mga Israelita doon sa ilang matapos sila ay hanguin ng Diyos sa pamumuno ni Moises mula sa pagkaalipin sa Egipto. Tingnan at suriin paanong nagreklamo mga Israelita noon kay Moises nang sila ay magutom at mahirapan sa paglalakbay.

Kaya, nagreklamo na naman sila. Ang sabi nila, “Kailan pa ba tayo makatitikim ng masarap na pagkain? Mabuti pa sa Egipto! Doon, isang hingi lamang namin ay mayroon na agad isda, pipino, pakwan, sibuyas, at bawang. Dito walang makain kundi manna.

Bilang 11:4-6
Ang eskultura ng ginawang ahas na tanso ni Moises sa tikin sa lugar kung saan mismo nangyari na ngayon nasa pangangalaga ng mga Paring Franciscano sa Jordan. Larawan kuha ng may-akda, Mayo 2019.

Pagmasdan ang masakit na bahagi ng bawat reklamo, masdan paanong magsalita mga reklamador na tila wala kang nagawang mabuti para sa kanila.

Kadalasan ang problema ng mga reklamador ay hindi lamang sa ayaw na ayaw nila ng hirap at tiisin sa buhay kungdi wala din silang tiwala sa kapwa kaya naman puno sila ng pangungutya at paghahamon. Dito natin mababakas ang malalim na kasamaan ng reklamo na isang uri ng manipulasyon at pambabraso upang maimaniobra at maipilit ang sariling kagustuhan na tanda ng kawalan ng pasensiya sa buhay at ng pagtitiwala sa iba lalo na sa Diyos.

Maraming pagkakataon ang pagrereklamo ay nagiging isang panunumbat, panunukat, at paghahamon maging sa Diyos na maaring ikabunga ng hindi maganda.

Mula sa Bundok ng Hor, nagpatuloy ang mga israelita patungong Dagat ng mga Tambo upang lihisan ang Edom. Dahil dito, nainip sila sa pasikut-sikot na paglalakbay na yaon. Nagreklamo sila kay Moises, “Inialis mo ba kami sa Egipto para patayin sa ilang na ito? Walang kaming makain ni mainom! Sawa na kami sa walang kwentang pagkaing ito.” Dahil dito, sila’y pinadalhan ni Yahweh ng makamandag na ahas at sinumang matuka nito ay nmamatay.

Bilang 21:4-6
Larawan kuha ng may-akda sa Mt. St. Paul, La Trinidad, Benguet noong 2017.

Sa kabilang dako naman, hindi masama, lalong hindi rin kasalanan ang dumaing sa Diyos. Kung tutuusin ay maituturing na isang pananalangin ang ating pagdaing sa Diyos!

Bakit?

Muli, makikita natin ang pinagmumulan ng ating pagdaing na walang iba kungdi puso natin.

Maraming pagkakataon, ang ating pagdaing ay bumubukal mula sa kaibuturan ng ating sarili dahil sa matinding hirap at pagtitiis. Wala kang mapagsabihan dahil labis na ang kawalan ng pagpapahalaga sa iyo ng ilang tao na dapat sana’y kumilala sa iyong mga pagpapagal at, hindi sa anu pa mang dahilan, ay tumanaw ng utang na loob man lamang sa iyong kagandahang-loob.

Kaya naman natural at hindi mo na rin mapigilan pag-uwal mula sa puso at kalooban mga nararamdaman lalo na sama ng loob maging pagtatampo sa ilang tao. At maski sa Diyos na tila baga walang pakialam sa iyo. Pero ganoon nga ba? Hindi!

Dumaraing tayo sa Diyos kahit tila pakiwari natin malayo siya o walang pakialam dahil wala na tayong ibang matakbuhan kungdi siya na lamang. Hindi masama na tayo ay dumaing sa Diyos at ihayag pagtatampo sa kanya dahil pagiging totoo ito sa sariling nararamdaman.

Dito sa nararamdamang ito rin nakatago ang kagandahan nitong pagdaing na isang panalangin din sapagkat sa bawat hinaing, naroon ang pagsusumamo sa Poong Maykapal na siya lamang ang mayroong magagawa sa atin. Hindi magagalit ang Diyos sa atin dahil batid niya kung baga tayo ay “naglalambing” sa kanya katulad ni Moises sa ilang pagkakataon.

Hindi kaila kay Moises ang iyakan ng lahat ng sambahayan na nakatayo sa pintuan ng kani-kanilang tolda. Nagalit nang labis ang Diyos, kaya nabalisa si Moises. Itinanong ni Moises kay Yahweh, “Bakit ninyo ako isunuong sa ganitong kalaking pasanin? Bakit ninyo ako ginaganito? May nagawa ba akong laban sa inyo? Ako ba ang nagsilang sa kanila? Hindi ko sila kayang alagaang mag-isa. Napakalaki ng gawaing ito para sa akin! Kung ganito rin lamang ang gagawin ninyo sa akin, mabuti pa’y mamatay na ako ngayon din kaysa maghirap nang matagal.”

Bilang 11:10-12, 14-15
Larawan kuha ng may-akda sa may St. Catherine Monastery, Mt. Sinai, Egypt, Mayo 2019.

Tayo ma’y nakapagdrama na rin siguro ng kung ilang ulit tulad ni Moises sa Diyos ng ganito. E, pinansin ba tayo ng Diyos? Siyempre hindi! Bagamat hirap na hirap tayo ngunit, heto pa rin tayo, buhay na buhay!

Ganoon kaganda ang pagdaing – maihinga lang ay naaayos na ang lahat sa atin, gumagaan ating pasanin dahil ang totoo dama natin ang Diyos sa piling natin.

Kapag tayo dumaraing sa Diyos, doon niya tayo tiyak dinirinig dahil doon tayo pinakamalapit sa kanya kay Kristo Jesus doon sa Krus. Tuwing tayo ay batbat ng hirap at sakit lalo na sa mga pula at reklamo ng mga taong tinutulungan at kinakalinga natin, doon tayo nakabayubay sa krus kasama si Jesus at katulad ni Jesus.

Kapag wala tayong narinig kungdi reklamo ng maraming tao sa kabila ng ating pagsisikap para sa kanila, doon tayo nagmamahal na tunay gaya ni Jesus.

Hindi tayo makareklamo kanino man maliban sa Diyos dahil sa ating kaibuturan, batid natin siya lang ating maaasahan. Hindi labi ang nangungusap sa atin kungdi puso at kalooban sa kapangyarihan ng Espiritung Banal gaya ng sinasaad ni San Pablo (Rom. 8:26-27).

Kayo kung ikaw ay pagod na sa bigat ng mga pasanin sa buhay, nabibingi na sa mga reklamo at patutsada ng mga “magagaling” na tao sa paligid mo, chill lang. Okey lang magbuntung-hininga tulad ni Jesus (tingnan Marcos 8:11-13) nang mapuno sa kakulitan ng mga kalaban.

Ibuhos iyong daing, pati luha, sa Diyos na tanging sa ating nakauunawa. Higit sa lahat, nagmamahal at natutuwa dahil sa kabila ng maraming reklamo ng iba, gumaganap tayo sa kanyang misyon at ipinagagawa. Amen.

Larawan kuha ng may-akda sa San Juan, La Union, ika-24 ng Hulyo 2023.

Halika nga!

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-31 ng Hulyo 2023
Larawan kuha ng may akda sa Anvaya Cove, Bataan, 19 Mayo 2023.
*Ito ay tula na aking nakatha
dahil sa pagkamangha
sa mga katagang "Halika nga"
ng awiting "Habang Buhay"
ni Zack Tabudlo.
Halika nga!
Madalas sinasambit
upang tayo ay lumapit
upang makita at marinig
ng higit
tumatawag
o sumisitsit;
malimit
kapag nabanggit
hatid ay tuwa at galak
sa nakakarinig
lalo na kung
may kasabay na kaway
ng kamay at
pagngiti
ng labi!
Halika nga!
Kay sarap balikan
itong pagtawag
noon sa amin
 ng mga magulang
na puno ng lambing
at pagmamahal;
kapag ito'y tutugunin
tiyak ikaw ay pupupugin
ng halik sa pisngi
tila sinasabing
ika'y nakaaaliw
kaya sana ay inyong
dinggin
kanilang pangangaral
at habilin.
Halika nga!
Iyan din ang
tawag sa atin
ng Diyos nating butihin
ngunit hindi natin
pinapansin.

Halika nga!
ang paanyaya
ng Diyos sa atin
upang ating pasanin
ay Kanyang pagaanin,
sa Kanya tayo pagpapahingahin.

Halika nga!
Tanging hiling
ng Diyos sa atin
huwag nang tumingin
sa iba, Siya lang
ang mahalin, sambahin 
at sundin; huwag mahumaling 
sa magaan at madaling 
pamamaraan ng mundo
na siyang tukso at pangloloko
nitong diyablo
na sinungaling
at tuso!
Larawan kuha ng may akda sa Anvaya Cove, Bataan, 19 Mayo 2023.

May birthday pa ba sa langit?

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-26 ng Hulyo 2023
Larawan kuha ng may-akda, takip-silim sa may Silang, Cavite noong Agosto 2020.

Sa araw na ito, ika-26 ng Hulyo ay ating pinararangalan ang mga nakatatanda sa atin bilang paggunita kina San Joaquin at Sta. Ana, mga magulang ng Mahal na Birheng Maria, Lolo at Lola ng Panginoong Jesus.

Sa aming pamilya, espesyal ito noon pa man dahil kaarawan ng aking yumaong ama na si Wilfredo na isinilang noong Hulyo 26, 1932. Pumanaw siya noong ika-17 ng Hunyo 2000, kaarawan ng aming Ina. Kaya mula noon hanggang ngayon ay parang drama ang aming buhay na magkakapatid tuwing sasapit ang mga buwan ng Hunyo at Hulyo dahil naroon ang magkahalong tuwa at lungkot sa birthday ng aming mga magulang gayon din ang pagpapanaw ni Daddy.

Dahil dalawang taon pa lamang ako na pari nang pumanaw aking ama, hindi pa ako nakapagmisa patungkol sa kanyang kaarawan tuwing ika-26 ng Hulyo. Gayun din sa aking ina. Dahil sa napakasakit niyang karanasan, hindi ko pa rin siya naipagmimisa nang patungkol sa kanyang birthday na death anniversary nga ng kanyang kabiyak ng puso at aming ama. Dangan din kasi ay mahigpit ang bilin ni Mommy nang mamatay si Daddy, hindi na siya magbe-birthday celebration.

Ang aking yumaong ama sa kanyang opisina, Bureau of Forestry, 1972.

Nakakatawang isipin, puwede nga bang hindi magbirthday dito sa lupang ibabaw? Bagaman palaging death anniversary ni Daddy ang aming pagdiriwang tuwing June 17 na birthday ni Mommy, mayroon pa rin kaming pansit o spaghetti, cake at ice cream para sa kanya!

Darating at darating ating birthday na parang kuliling ng tindero ng ice cream ngunit kapag tayo ay namatay, wala na tayong birthday celebration. Ang kamatayan natin sa lupa ang birthday natin sa langit kaya iyon ang higit nating dapat alalahanin!

Kaya sana po ay huwag ninyo masamain itong aking sasabihin: tigilan na po natin itong kalokohan at kahibangan ng pagbati ng “Happy Birthday in Heaven” sa mga yumao nating mahal na buhay.

Inaamin ko na ako man ay ilang ulit napatangay sa kamaliang ito ng pagbati ng happy birthday in heaven sa Facebook. Nguni’t simula ngayon na sana ay ika-91 kaarawang ng aking ama kung nabubuhay pa siya, hinding hindi na ako babati kanino man ng happy birthday in heaven.

Wala na pong birthday sa langit o kabilang-buhay dahil iyon ay kawalang hanggan na po.

Larawan kuha ng may-akda, Mt. St. Paul, La Trinidad, Benguet, Mayo 2017.

Noong mamatay ang aking ama sa kaarawan ng aking ina, iyon ang paliwanag ko sa kanya: ganyan po kayo kamahal ng Daddy; birthday niya sa langit, birthday po ninyo dito sa lupa.

Kaya nga ang kapistahan palagi ng mga banal ay ang petsa ng kanilang kamatayan o nang paglilipat ng kanilang labi. Bukod tangi lamang sina Jesus, Birheng Maria at San Juan Bautista ang ipinagdiriwang natin ang mga kaarawan ng pagsilang sa lupang ibabaw.

Ang kamatayan natin ang ating petsa ng pagsilang sa buhay na walang hanggan. Move on na tayo…

Sa dalawamput-limang taon ko sa pagkapari, isang bagay napansin ko na madalas ang mga petsa ng kamatayan ay sadyang makahulugan kesa petsa ng kapanganakan. Palagi mga petsa ng kamatayan ng mga mahal natin sa buhay malapit o may kinalaman sa mahalalagang petsa sa buhay natin. Sabi nga ng iba, madalas namamatay ang tao malapit sa petsa ng birthday nila.

Larawan kuha ng may-akda, Anvaya Cove sa Bataan, Mayo 2023.

Sa dati kong parokya, nagrereunion ang isang angkan tuwing araw ng Pasko, Disyembre 25 dahil iyon ang kamatayan ng kanilang Lola. Nang suriin ko, ipinanganak ang Lola nila ika-24 ng Marso! Sabi ko sa kanilang angkan ay napakaganda ng petsa ng kamatayan ng Lola nila bagamat masakit kung iisipin dahil araw iyon ng kasiyahan dapat. Nguni’t wika ko sa kanila, isinilang sa lupa inyong Lola sa bisperas ng petsa ng pagkakatawang-tao ni Jesus o Annunciation (Marso 25) habang isinilang naman Lola nila sa langit nang pumanaw siya ng ika-25 ng Disyembre. Tuwang-tuwa sila sa paliwanag ko kaya tuwing Pasko, ako ay pinamamaskuhan ng magkakamag-anak!

Pagmasdan ninyo mga lapida sa sementeryo: palagi naroon ang petsa ng kapanganakan at kamatayan. At pagkatapos ay wala nang kasunod kasi nga wala nang hanggan!

Noong wala pang social media lalo na iyang Facebook na dahilan ng pagkabobo nating mga tao dahil nga puro tayo palabas, kapag dumarating petsa ng pagsilang ng yumao nating mahal sa buhay, ang palaging sinasabi ay “nobenta’y uno na sana siya kung buhay pa ngayon” (he would have been 91 years old today had he not died).

Tingnang ninyo. Mas tumpak ang kaisipan at pananalita ng matatanda kesa sa atin ngayon. Kung araw ng kapanganakan ng yumaong mahal sa buhay, magpost na lang ng simpleng “naaalala ka pa rin namin” o “buhay kang palagi sa aking alaala” o “ikaw pa rin ang aking tanging mahal” na siyang tunay at totoo kesa “happy birthday sa langit” na isang kasinungalingan.

Inuulit ko, wala na pong birthday sa langit.

Huwag na kayong babati ng happy birthday in heaven. Ang birthday ay sa lupa lamang. Mag-level up na tayo ng pananaw, kaisipan at kamalayan katulad ng mga pumanaw na nasa kabilang buhay na. “Ang mga bagay na panlangit ang isaisip ninyo, hindi ang mga bagay na panglupa sapagkat namatay na kayo at ang inyong tunay na buhay ay natatago sa Diyos, kasama ni Kristo” (Col. 3:1-2).

Maraming salamat po at maligayang kapistahan sa mga Lolo at Lola muli!

Larawan kuha ng may-akda, takip-silim sa Bagbaguin, Sta. Maria, Bulacan, Hunyo 2020.

Ang “Ama Namin” at ang mga Ama natin

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-20 ng Hulyo, 2023
Larawan kuha ng may-akda, Pater Noster Church sa Jerusalem, Israel, Mayo 2019.

Noong batang pari pa ako sa isang parokya sa Malolos, tinanong ko mga matatanda na nagrorosaryo araw-araw, “Bakit po kayo nagmamadali sa pagdarasal at kaagad-agad kayong sumasagot hindi pa tapos unang bahagi ng Ama Namin at Aba Ginoong Maria?”

Sa mga lumaki sa probinsiya na tulad ko, alam ninyo aking tinutukoy. Iyon bang papatapos pa lamang mga salitang “sunding ang loob mo dito sa lupa para nang…” biglang sasagot yung kabilang grupo ng matatanda ng “bigyan mo kami ng kakanin sa araw-araw”.

Nagsasalakupan (merge) ang wakas at simula ng dalawang bahagi ng Ama Namin at Aba Ginoong Maria kaya madalas ay nakatatawa o nakaaaliw pakinggan. Lalo naman ang kanilang dahilan – anila, iyon daw ay upang hindi makasingit ang demonyo sa kanilang pagdarasal!

Naalala ko ang kuwentong ito nang mangyari ang paglapastangan noong isang linggo sa ating panalanging Ama Namin sa isang drag concert ng mga LGBTQ+. Sa aking pakiwari ay iyon nga ang nangyari – nasingitan tayo ng demonyo sa pamamagitan ng tanging panalanging itinuro mismo ng Panginoong Jesus sa atin na kung tawagin ay “the Lord’s Prayer.”

At huwag nating hanapin ang demonyo o kasamaan doon sa iba kungdi mismo sa ating mga sarili lalo na kaming mga pari at obispo ng Simbahan, ang tinaguriang mga ama natin. Malaki ang aming pagkukulang bilang mga pari at obispo sa nangyaring paglapastangang ito sa Ama Namin.

Pagmasdan mga pangyayari na matalinghaga rin.

Unang-unang ang nakapagtataka na gawing malaking isyu naming mga pari at ng ilang Obispo kung ano dapat ang posisyon ng mga kamay ng mga mananampalataya o layko sa pagdarasal at pag-awit ng Ama Namin sa loob ng Banal na Misa.

Bakit ito naging usapin gayong mayroon namang nakasaad sa aklat ng pagmimisa na “Ilalahad ng pari ang kanyang mga kamay at ipahahayag niya kaisa ng lahat” ang Ama Namin?

Hindi ba sapat ang nakatakda sa liturhiya at mga aklat? Kaya hindi maiwasan puna ng maraming tao sa aming mga pari na para daw wala kaming natutunan ni alam sa kabila ng maraming taon sa seminaryo. Juicecolored. Sabi nga ni Shakespeare, “much ado about nothing.”

Ikalawa ay ang nakalulungkot na naging tugon ng mga Obispo natin: sa halip na panghawakan at panindigan ang sinasaad ng alituntunin, mas pinili nilang magkaroon ng interpretasyon ng batas. Naliwanagan ba mga tao? Sa palagay ko po ay hindi. Lalo silang naguluhan dahil hanggang ngayon mayroon pa ring nagtatanong.

Hindi ko kinakalaban kapasyahan ng mga Obispo natin. Sila ang mga ama natin sa Simbahan ngunit ibig kong ihayag ang aking kabiguan na hindi nila pinanindigan ang sinasaad ng batas na pari lamang ang maglalahad ng kanyang mga kamay sa Ama Namin. Walang kulang sa batas at sakto lang. Sa ginawa ng CBCP, nadagdagan ang batas ng kanilang sariling interpretasyon na kung tutuusin din naman ay malagihay. Nagtatanong ang mga tao kung ano ang dapat, sa kanilang pahayag ay para nang sinabi nilang “bahala kayo kung ano gusto ninyo kasi wala namang sinasabi ang batas na masama ang ilahad ang mga kamay.”

Diyan ako hindi mapalagay dahil ano ang susunod na isyu? Pagpalakpak na talamak na rin sa mga pagdiriwang ng Misa na nawala na ang kasagraduhan. Para nang concert, showbiz parang That’s Entertainment! Pansinin maraming pari pati na mga choir, sakristan, lektor at eucharistic lay minister na puro pasikat ginagawa sa Misa. Natabunan at nawala na si Kristo!

Totoong walang sinasabi saan man sa mga aklat, sa mga turo at tradisyon ng Simbahan na ipinagbabawal ang paglalahad ng mga kamay ng mga layko sa pagdarasal ng Ama Namin.

Ngunit hindi rin naman nangangahulugang maari o puwede at tama na rin iyong gawin dahil simple lang sinasabi ng aklat, pari ang nakalahad ang mga kamay. Tapos.

Magtiwala tayo sa salita, sa alituntunin ng liturhiya tulad ng sinasaad sa ebanghelyo noong Linggo nang ilabas ng CBCP ang paliwanag sa naturang usapin. Kay gandang balikan ang talinghaga ng maghahasik na ukol sa kapangyarihan ng salita ng Diyos at kahalagahan ng pakikinig at pagsunod dito na nangangailangan ng pagtitiwala at kababaang-loob natin natin. Lalo namin!

Sa ganang akin, pinanghawakan at pinanindigan sana ng mga Obispo ang sinasaad sa aklat upang lalo itong mag-ugat at lumago.

Larawan kuha ni Emre Kuzu sa Pexels.com

Ikatlo, ang talinghaga at laro ng tadhana. Tingnan habang abala – at aligaga ilang mga pari at obispo na pangunahan pati paglathala na nakatakda pa sa ika-16 ng Hulyo 2023 ng kalatas sa simpleng bagay ng posisyon ng kamay ng mga tao sa pagdarasal ng Ama Namin ay saka nangyari ang drag concert.

Ang masakit sa lahat, walang diyosesis at obispo kaagad naglabas ng opisyal na pahayag sa nangyaring paglapastangan sa Ama Namin maliban makaraan ang ilang araw na lamang na pawang mga bantilawan din, kasi nga, mas pinahalagahan nila kanilang paliwanag sa posisyon ng kamay ng mga tao sa pagdarasal nito.

Pagmasdan na tayo sa simbahan ay naroon pa rin sa posisyon ng kamay ang usapin habang yaong mga lumapastangan sa Ama Namin ay nasa kanta at sayaw na? Paurong ang asenso, eka nga. Hindi nila binago ang titik pero kanilang pamamaraan ng pagdarasal ay sadyang mali at hindi tama ngunit, gahibla na lamang ng buhok ang pagkakaiba ng drag qeen na si Pura at ng mga tao na ibig ilahad ang kamay sa pagdarasal ng Ama Namin – parehong nasa larangan ng interpretasyon! Sasabihin ng iba na malayong-malayo iyon pero, paka-ingat tayo dahil baka doon mapadpad ang pagbibigay-laya sa mga tao na ilahad mga kamay sa Ama Namin. Hindi ba ito rin ay binhi na maaring lumago sa higit na malaking pagkakaligaw at pagkakamali balang araw? Gaya ng nasabi ko na, hindi magtatagal isasabatas na rin pagpalakpak sa loob ng Misa na talamak na ngang nangyayari.

Totoo na mayroong higit na mahalagang mga bagay dapat talakayin at pagnilayan kesa sa ginawang drag performance ng Ama Namin tulad ng mga palalang sitwasyon ng kawalan natin ng moralidad sa bansa tulad ng pikit-mata nating paghaya sa EJK noon, ang patuloy na paghahalal sa mga bugok at bulok na pulitiko at marami pang iba.

Subalit, gayon din sana naging pamantayan ng CBCP sa pagtalakay ng posisyon ng kamay sa pagdarasal ng Ama Namin. Ito ang mabigat sa mga lumabas na paliwanag at pagninilay na sadyang tama at magaganda: isang bahagi lang ng kuwento ating sinaysay.

Aminin natin malaking pagkukulang nating mga pari at obispo ng Simbahan bilang mga ama ng sambayanan.

Aminin natin sadyang nagkulang tayo sa ating mga tungkulin at naging abala sa maraming bagay at nakalimutan pinakamahalaga, ang Diyos mismo na hanggang ngayon siyang hangad ng lahat. Hindi pa ba tumitimo sa atin ang bigat ng tunay na isyu, ang panalanging Ama Namin na saklaw at tungkulin nating mga pari at Obispo? Malayo na nga siguro tayo sa paghahayag, pagtuturo at pagsasabuhay ng salita ng Diyos.

Bukod sa mga oras na ginugugol sa mga maliliit na bagay gaya ng posisyon ng kamay sa Ama Namin, matagal nang maraming interpretasyon mga ama natin sa Simbahan sa mga nangyayari sa ating kapaligiran. Ang mga tahasang pamumulitika sa mga nagdaang halalan na kahit mga kandidatong umaayon sa diborsiyo, abortion at contraceptives, at same sex union ay inendorso. Higit sa lahat, ang pagbubulag-bulagan ng maraming obispo at pari sa kalabisan ng ilang sa amin na namumuhay taliwas sa halimbawa ni Kristo. Marami sa aming mga pari at obispo ang hindi kapulutan ng halimbawa ng karukhaan at kababaang-loob, langong-lango sa kapangyarihan at katanyagan, malayong-malayo sa mga tao maliban sa mga makapangyarihan, mayayaman, at mababango. Wala na kaming pinag-usapan maski sa loob ng Misa kungdi kolekta, pinagandang pangalan ng pera, kwarta at salapi!

Masakit po sabihin na kung ang isang pangungusap sa Aklat ng Pagmimisa na “Ilalahad ng pari ang kanyang mga kamay at ipahahayag niya kaisa ng lahat” ang Ama Namin ay hindi natin napanghawakan at napanindigan, paano pa yaong mga salita sa Banal na Kasulatan? Sa mga bulto-bultong dokumento nagsasabing tayo ay Simbahan ng mga aba at maralita?

Suriin po natin ang lahat ng panig. Lalo na ating mga sarili ng buong kababaang-loob sa liwanag ni Kristo na ating Panginoon na siyang “daan at katotohanan at buhay”. Una siyang natatagpuan sa kanyang mga salita dahil siya nga ang Salita na naging tao na naroon palagi sa Santisimo Sakramento ng simbahan. Ito sana ang aming tingnan at pagnilayan bilang mga pari at obispo sa gitna ng mga pangyayaring paglapastangan sa Ama Namin ng isang drag concert at ang usapin ng paano dasalin panalanging itinuro ng Panginoon natin. Nasaan na nga ba si Kristo sa aming mga pari at obispo? Nagdarasal pa rin ba tayo na mga pari at obispo?

Salamat po sa pagbabasa. Kung sakaling nakatulong, pagyamanin; kung hindi naman, kalimutan at huwag na ninyong pansinin.

Sirit na… Eat Bulaga!

Lawiswis Ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-21 ng Hunyo 2023
Larawan kuha ni G. Jim Marpa, 2018.

Nakatutuwang isipin noong araw na isa sa mga madalas naming sabihing magpipinsan at magkakalaro ay ang mga salitang “sirit na” at “bulaga”! Sirit kapag ikaw ay suko na sa palaisipan ng bugtungan habang bulaga naman ang pang-gulat lalo na sa mga sanggol at bata.

Wala na sigurong mas-shunga pa sa akin sa showbiz na hindi alam ang mga bagay-bagay na ito bunsod ng pamamaalam nina Tito, Vic, at Joey sa producer ng “Eat Bulaga” na TAPE Productions pagkaraan ng ilang linggo ding mga usap-usapan at intrigahan. Ako man ay nagtanung-tanong sa mga pamangkin at kaibigan kung ano ba iyong mga usapan sa social media tungkol sa “Eat Bulaga” at sina TVJ.

Nakatutuwa sa mga bata. Pero kung sa takbo ng mga usapan at paksa ngayon, nakakatawa at nakakaawa – pathetic ang sabi ng mga burgis – na mula pa noong katapusan ng Mayo hanggang ngayon, mula Aparri hanggang Jolo, umiikot ang buhay sa ating bansa sa “longest running noontime show” na “Eat Bulaga.”

Nakakatawa.

Hindi nakatutuwa.

At nakakaawa nga sa ating bansa, sa ating lahat.

Juice colored, wala na ba ibang mahalaga sa ating mga Pilipino kungdi mga katatawan nina TVJ at kanilang Dabarkads?

Hindi ko kinukuwestiyon kahalagahan ng paglilibang at pag-aaliw natin subalit, araw-araw na lamang mula Lunes hanggang Sabado?

Ano nga ba naging impact ng Eat Bulaga sa lipunang Pilipino maliban sa naaliw, naiyak, at pansamantalang naibsan mga paghihirap ng ilang kababayan? Marahil marami ring nabigyan ng pagkakataon lumago sa kanilang buhay nguni’t nabago ba antas ng ating tingin at pahalaga sa sarili at kapwa habang pikit-mata at nagbibingi-bingihang pinalalampas natin ilang mga eksena, karakter at pananalita alang-alang sa kasiyahan at katatawanan.

Wala po akong TV set dahil hindi naman ako mahilig manood maliban ng mga balita at dokumentaryo. Minsan-minsan ay nakakapanood ako ng “Eat Bulaga” at iba pang mga katulad na programa. Napapahanga din naman ako sa kanilang pagmumulat sa mga kababayan nating Pilipino sa ilang bagay ngunit sa tingin ko ay mas maraming hindi mabuti at kaaya-aya.

Isa sa mga hindi ko magustuhan sa mga palabas na iyan ay ang tila pinaglalaruan ang mga tao, ang kanilang kamang-mangan, karukahaan at sa maraming pagkakataon, pagkababae ng marami nating ate. Siya nga pala…

Akalain ba ninyo na noong May 31, 2023 nang kumalas mula sa TAPE ang TVJ bilang hosts ng “Eat Bulaga” matapos silang hindi payagang umere ng live, iyon din ang ika-38 taon ng pagpapakamatay ni Pepsi Paloma, May 31, 1985? Kung inyong matatandaan, inakusahan ni Pepsi Paloma sina Vic Sotto, Joey De leon at Ritchie d’Horsie ng diumano’y pang-aabuso sa kanya sa isang hotel noong June 21, 1982.

Minsan ang buhay nga naman ay mapagbiro at matalinghaga. At ganyan ang sitwasyon nitong mga noontime at iba pang variety shows, matalinghaga tulad ng tanong na kung alin ang nauna, itlog o manok?

Tama na sumusunod lamang ang telebisyon sa pintig ng mga mamamayan, sa sitwasyon ng lipunan. Alalaong-baga, sinasalamin ng telebisyon maging ng sining ang kinalalagyan nilang lipunan sa bawat panahon. Sabi ng marami, dahil sa TVJ at “Eat Bulaga” na ginaya ng maraming iba pa, nabigyan ng pagkakilala at tinig ang masang Pilipino. Tama rin naman. Hirap maka-relate noon sa mga burgis na hosts ng “Student Canteen”.

Totoo iyon at mabuti. Kaya lang, kulang.

Larawan kuha ni G. Jim Marpa, 2018.

Sa aking pananaw, sinamantala nila at ng iba pang mga palabas sa telebisyon ang kahinaan ng mga tao. Hindi nahimok ang mga Pilipino ng pagmamahal sa bansa, pagpapahalaga sa kalikasan, pagsisikap mapabuti ang kanilang buhay at paghahasa ng kaisipan at karunungan sa pamamagitan ng edukasyon. Ang lahat ay dinaan sa biruan at katatawanan maging kalokohan.

At naaliw naman ang bayan. Kaya hindi rin kataka-taka ilang ulit nahalal bilang senador si G. Tito Sotto na tanging dahilan ay ang kanyang pagiging komedyante at host ng “Eat Bulaga”. Ang malala, ginaya siya ng ibang artista na sumabak na rin sa pulitika na tanging kuwalipikasyon ay sikat. Kaya hayun, naging karnabal at perya ating Kongreso na puno ng mga mambabatas na pulpolotiko, artista, at ilang mga sadyang sira ulo o basag ang pula. Lahat dinaan sa entertainment kaya ang ating bansa ay malaking showbiz ngayon. Pati na rin simbahan!

Simple lang naman ibig kong sabihin. Sana pagsikapan ng mga nasa media lumago at lumalim pagkatao ng mga manonood upang mabuksan kanilang kamalayan sa mga higit na mahahalagang bagay sa buhay.

Sinabi ni Jesus sa mga tao, “Sa halip, mag-impok kayo ng kayamanan sa langit; doo’y walang naninirang insekto at kalawang, at walang nakakapasok na magnanakaw. Sapagkat kung saan naroroon ang iyong kayamanan, naroroon din ang iyong puso.”

Mateo 6:20-21

Totoo sinasabi na mahirap ang buhay at dapat ngang pagaanin. Ngunit hindi lamang mga tawanan at sayawan, biruan at harutan. Pagkatapos maaliw at tumawa, maski manalo ng ilang halaga ng pera, naroon pa rin problema ng mga tao. At kung susuriin, dumarami pa problema ng mga tao sa halip na mabawasan dahil sa mga noontime shows na ito. Yung iba nga nagkakagalit na at nag-aaway dahil sa lipatan na iyan ng mga noontime shows at hosts.

Hindi rin totoo sinasabi ng ilan na itong nangyayaring lipatan ng mga hosts at noontime shows ay makakabuti sa mga tao dahil anila magkakaroon ng higit na mainam at magandang programa. Sa tingin ko ay hindi iyon mangyayari dahil istasyon lang ng TV ang nababago, lumilipat lang mga shows at hosts. Sila pa ring mga artista dala kanilang mga dating gimik at patawa na sa kahuli-hulihan, iisang katotohanan ang nangingibabaw sa lahat ng ito – kuwarta, salapi, at pera.

Iyan ang tunay na bugtong nitong “Eat Bulaga”, TVJ kasama kanilang Dabarkads pati na rin ang It’s Showtime ni Vice Ganda: Sino ngayon ang natatawa at katawa-tawa?

Sirit?

Bulaga!

Larawan buhat Pixabay sa Pexels.com