Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-04 ng Marso 2020
Ang panunukso ng diyablo kay Hesus sa ilang, isang mosaic sa loob ng Basilika ni San Markos sa Venice, Italy. Larawan mula sa psephizo.com.
Palagi na lang kung
ating titingnan
iisa lang napapakinggan
nang tuksuhin ng diyablo si Kristo:
"Kung ika'y anak ng Diyos...
gawin mong tinapay mga batong ito!"
"Kung ika'y anak ng Diyos...
magpatihulog ka mula taluktok ng templo!"
Puro "kung ika'y anak ng Diyos"
ang tukso ng diyablo kay Kristo
pati ng mga tao nang ipako siya sa Krus
patuyang hiniyawan, "Kung ikaw ang anak ng Diyos...!"
Larawan kuha ng may akda, gayak ng altar sa unang Linggo ng Kuwaresma, 01 Marso 2020, Parokya ni San Juan Apostol at Ebanghelista.
Ano kahulugan nito
sa ating mga tao?
Hindi ba ganito rin ang takbo
ng panunukso ng diyablo?
Sinisira ating pagkatao
tulad ni Kristo
upang tumalikod tayo
sa Diyos na tanging Absoluto sa mundo?
Ginugulo, nililito tayo ng diyablo
tanong niya ay "kung ikaw ang anak ng Diyos"
gayong ang totoo at sigurado tayo
taguri sa Diyos nati'y ,"Ako'y si Ako nga"!
Kuha ng may-akda, 01 Marso 2020.
Alalahanin huling tukso pa
ng diyablo kay Kristo
garapal at tahasang binigay
buong mundo kung siya ay sasambahin nito.
Ganyan din tayo
kung hindi malilito ng diyablo
bibilhin niya tayo
sa presyo na nakagugulo.
Kung ating tutuusin
maliwanag naman lahat sa atin:
iisa lang ang Diyos na sasambahin
na tunay nagmamahal sa atin.
Larawan kuha ng may-akda, 01 Marso 2020.
Ito ang diwa ng pag-aayuno at sakripisyo
sa panahon ng Kuwaresma
sarili'y dinadalisay, ang ilang ay tinutunguhan
upang Diyos muling matagpuan at maranasan.
Sarili'y huwag nang pag-alinlanganan
tayo ay sinasamahan ni Hesus
na dumaan din at nagtagumpay sa lahat ng
pagsubok at paghihirap (Hebreo 2:18).
Sa gitna ng kawalan ay ating katiyakan
at kaseguruhan sa Diyos Anak na sa sariling dugo
ating kasalanan ay hinugasan
upang tayo ay mapabanal at malampasan mga kasamaan.
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-24 ng Pebrero 2020
Mula sa Inquirer.net
Tuwing maiisip ko pangalang EDSA
ako ay naluluha at naaalala noong una
ang tuwa ng mapayapang pagbabago
nagmula sa makasaysayang kalsada.
Naluluha pa rin ako ngayon
tuwing masasambit pangalang EDSA
ngunit mayroon na parating sumasagitsit
mula sa langit lungkot at pait sa ating sinapit.
Masakit para sa amin na noon pa ma'y
tumutol sa mga ulol at hibang na K-B-L
ngunit pagkaraan ng EDSA,
mga halimaw din pala aming nakasama!
Inuna kanilang mga hacienda
makinarya sa pulitika
reporma anila sa ekonomiya
pagkakanya-kanya lang din naman pala.
Ano nga ba talaga nangyari
noong Pebrero mil-nueve-ochenta'y-sais?
Trahedya ng EDSA o
Trahedya sa EDSA?
Kung maari sana'y pakinggan nating muli
hindi tinig ko o ng kung sinu-sinong
magkomentaryong pilosopo o lalo naman
pinagsasabi ng sino mang pulitiko at relihiyoso!
Bawat isa sana ay magtika
dahil alin mang trahedya - ng EDSA o sa EDSA -
ay iisa: Panginoong Diyos na siyang kumilos noon,
ating tinalikuran at kinalimutan ngayon!
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-11 ng Pebrero 2020
Larawan kuha ni G. Jay Javier, 09 Enero 2020 sa Quiapo, Maynila.
Deboto ang tawag sa isang tao
na malapit at namimintuho
Kay Kristong Nazareno o Sto. Niño
kasama na mga Santo at Santa
sa pangunguna ng Birheng Maria.
Kaya dapat bawat deboto totoo
uliran at huwaran sa pamumuhay
taglay ay kabanalan nang sa kanya'y
mabanaagan larawan ng kabutihan
ng Diyos sa kanyang kadakilaan.
Kay laking katatawanan at kahangalan
kung ang debosyon ng sino man
ay haggang simbahan lamang
nakikita paminsan-minsan
tuwing kapistahan at mga prusisyon sa lansangan.
Larawan kuha ni G. Jay Javier, 09 Enero 2020 sa Quiapo, Maynila.
Anong kahulugan at saysay
ng mga pagpupugay
sa Diyos at kanyang mga banal
kung sa kapwa nama'y manhid
walang malasakit at pakialam?
Nag-aalaga ng mga Poon
binibihisan tila laruan
ngunit pag-uugali at katauhan
malayo sa katuwiran at katarungan
ganyang debosyon dapat tigilan!
Ang tunay na deboto
puso ay malapit kay Kristo
at sa kanyang Ina at mga Santo
may pagmamahal, malasakit
sa kapwa tao na kanyang nirerespeto.
Larawan kuha ni G. Jay Javier, 09 Enero 2016 sa Quiapo, Maynila.
Ano mang debosyon
iyong nakagawian o nakahiligan
araw-araw itong sinasabuhay
pinaninindigan at tinutularan
aral at buhay ng sinusundang banal.
Sa dami ng mga deboto
bakit ganito pa rin tayo
walang pag-asenso
buhay ay kasing gulo
ng eksena sa senakulo.
Ay naku!
Ano nga ba tayo,
mga deboto o debobo
asal demonyo, sobrang gulo
pinapako nating muli si Kristo!
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-17 ng Enero 2020
Larawan mula sa Inquirer.net, 12 Enero 2019
Lahat ay nagimbal
nang pumutok bulkan ng Taal:
nagdarasal, nagninilay
kahulugan at mga aral
na sa atin sana'y gumabay.
Isang katiyakang ating mapananaligan
hindi kaparusahan pagsabog ng bulkan
na batay sa kaayusang tinakda
noon pa man nitong kalikasan
sa karunungan ng Poong Maykapal.
Gayon pa man,
mahalaga nating mapaglimi-limihan
kung ano baga mga aral
sa atin ay inuusal nitong
pagsabog ng bulkang Taal.
Larawan ay kuha ni G. Raffy Tima ng GMA-7 News, 12 Enero 2020.
Una kong napagtanto
laganap na pagkalat ng abo
mula nang pumutok ang Taal
upang ipaala-ala sa ating mga tao
ating pinagmulan at hahantungan.
Iyon nga lang
sa inyong pakundangan
bakit nga ba yaring mga kinauukulan
pati na rin sambayanan
tila baga mga isipan walang laman kungdi abo lamang?
Kanya-kanyang bidahan kinabukasan
mayroong ibig magpaulan upang abo ay mahugasan
habang isa pang kasamahang hunghang sa batasan
nagmungkahing imbestigahan diumano'y
kapabayaan ng mga nagbabantay sa bulkan.
Natuyot nang islang kinaroonan ng bulkang Taal. Larawan ay kuha ni G. Raffy Tima ng GMA-7 News, 15 Enero 2020.
Iyan unang aral ng bulkang Taal:
huwag nang ihalal mga upisyal na hangal
na walang ibang kayang gawin kungdi
samsamin kaban ng bayan at palitan
pangalan ng mga lansangan.
Ngayon ibig nilang pakialaman
gawain ng mga nasa agham
matapos pabayaan at bawasan
pondong kinakailangan
sakaling mayroong mga di inaasahang kalamidad.
Mas makakapal pa sila sa abo ng Taal
masangsang pa kanilang amoy sa asupre
mga salot ng lipunan, mga upisyal na walang pakialam
maliban dilaan sino mang nasa Malakanyang
na lihis din takbo ng isipan kahit may kaguluhan.
Mapayapang tanawin ng Taal bagama’t umuusok pa rin. Larawan kuha ni G. Raffy Tima ng GMA-7 News, 17 Enero 2020.
Larawan ng kagandahan at kaayusan
sa kanyang katahimikan itong bulkan
sa loob ng lawa ng Taal na ngayo'y
kay hirap na ring masilayaan
dahil sa mga gusaling nagtataasan sa daanan ng Tagaytay.
Marahil isang hinaing
at pinag-aalburoto ng Taal
ating kawalang galang sa kanya
sampu ng buong kalikasan
na ating winawasak at sinalaula.
Gayon din mga nagkabitak-bitak
na lupa waring nagsasaad
malaon nang mga pitak
sa ating mga kapatiran
maging kaisahan sa Inang Kalikasan.
Kung sakali mang
puputok at sasabog ng tuluyan
yaring bulkan ng Taal
nawa'y walang mapahamak sino man
ngunit aral niya ating matutuhan at matandaan.
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-09 ng Enero 2020
Hindi pa tapos ang Pasko ngunit iyo na bang napagtanto ano hanap o nais mo sa bagong taong ito?
Tayong lahat ay katulad ng mga Pantas o Mago na naghanap sa Kristo nang sumilang ito noong Pasko.
At iyon ang tunay na karunungan hanapin sa kaitaasan ang kalaliman nitong buhay na sa Diyos lamang matatagpuan.
Mula sa Silangan tinuturing silang puno ng karunungan kalangitan ay palaging tinitingnan ng mga palatandaan sa buhay nagpapayaman.
Kaya kung mga Pantas tutularan tatlong bagay ating kailangan upang tala ay masundan at si Kristo ay matagpuan:
Una'y huwag matakot sa mga kadiliman ng buhay sapagkat mga bituin ay maningning kapag kalangita'y balot sa dilim.
Sa bawat kadiliman ng buhay may pagkakataong binibigay upang makapagdasal at magnilay makagamay direksiyon ng patutunguhan.
Sa pananalangin dinadalisay puso at kalooban upang sarili maialay kapalit ng minimithing makakamit magpapayaman sa katauhan.
Ganito ang takbo nitong ating buhay ano man iyong gusto at hanap hindi basta nakakamit dapat magsumakit.
Ngayon pa lamang sa epipanya ng Panginoon landas ng kanyang kalbaryo at krus agad nang matatagpuan sa siya ring landas na sinundan ng mga Pantas ng Silangan!
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-26 ng Nobyembre 2019
Ang Krus ni Kristo sa tuktok ng simbahan sa Birhen ng Lourdes, France. Larawan ay kuha ng dati kong estudyante si Arch. Philip Santiago noong Setyembre 2018.
Panginoong Hesu Kristo tunay ngang kay dakila mo nang gawin mong trono ng pagkahari itong Krus na pinagpakuan mo.
Kakaiba sa gawi ng mundo pagkahari mo'y pakikiisa sa aming abang pagkatao upang kami'y mahango at makasama sa luwalhati ng pagkabuhay mo.
Sa Krus ikaw ay pumasok sa aming pagkatao; sa Krus mo rin kami'y pinapasok sa iyong kabanalan nang kami'y bahaginan ng iyong pagkabuhay.
Dating sumpang dulot ng kamatayan sa iyong Krus naging pagpapala at ito ay nagsimula nang iyong ipinangako ang Paraiso sa kasamang nakapako.
Itong Krus ni Kristo hindi lamang trono ng kanyang pagkahari kungdi pintuan din patungo sa Paraiso; nawa tantuin ng bawat tao saan mayroong Krus, naroon din si Kristo!
Altar ng Parokya ng San Juan Apostol at Ebanghelista, Bagbaguin, Santa Maria, Bulacan, 17 Nobyembre 2019.