Lawiswis Ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-01 ng Disyembre 2023

Madalas kong biruin mga kaibigan at kakilala lalo na sa social media na magtanong kung ano ang “long weekend”? Mula kasi nang maging pari ako, nilimot ko na ang salitang weekend dahil sa mga araw nito – Sabado at Linggo – ang aming gawain at gampanin sa simbahan. Inaasahan kami ng mga tao na makakasama nila tuwing weekend kaya naman lahat ng pagtitipon sa pamilya at mga kaibigan ay tinatapat namin sa ordinaryong araw upang ako ay makadalo.
Ngunit kung tutuusin, wala naman talagang weekend dahil hindi naman natatapos o nagwawakas – end – ang sanlinggo. Kaisipang Amerikano ang weekend kaya meron silang bukambibig na TGIF, Thank God It’s Friday na kung kailan natatapos o nagwawakas (end) lahat ng trabaho at opisina upang maglibang ng Sabado at Linggo, weekend. Pagkatapos ng weekend, kayod muli mula Lunes hanggang Biyernes.
Sa kabilang dako para sa ating mga Kristiyano, ang Linggo ang unang araw ng sanlinggo at hindi ito nagwawakas ng Biyernes o Sabado. Tingnan ninyong mabuti: Linggo, Lunes, Martes, Miyerkules, Huwebes, Biyernes, Sabado, Linggo ulit!
Ulit lang nang ulit ang isang linggo kada araw ng Linggo, ang Araw ng Panginoon o Dies Domini sa wikang Latin kung kailan tayo obligadong magsimba bilang alaala at pagpapaging-ganap ng Misterio Pascua ng Panginoong Jesus, ang kanyang pagpapakasakit, pagkamatay at muling pagkabuhay.

Iyan ang buhay din natin na ang kaganapan ay sa Langit na wala nang wakas kungdi buhay na walang hanggan. Ito ang dahilan mayroon tayong tinatawag na octaves of Christmas at Easter, ang walong-araw ng Kapaskuhan ng Pagsilang at ng Pagkabuhay muli ni Jesus.
Oo nga at mayroong pitong araw sa isang linggo, ngunit ipinakikita sa atin lalo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay ni Jesus ang walang hanggang buhay sa ikawalong araw na pumapatak na Linggo palagi, ang Divine Mercy Sunday. Kung Pasko ng Pagsilang, papatak ito palagi ng Dakilang Kapistahan ni Maria, Ina ng Diyos ng Enero Primero na siyang ating ipinagdiriwang at hindi Bagong Taon kasi nga po Unang Linggo ng Adbiyento ang ating bagong taon sa Simbahan.
Tumpak din naman at may katotohanan ang awitin nina John, Paul, George at Ringo ng Beatles na “eight days a week, I lo—-ve you! Eight days a week, I lo—-ve you!

Kaya naman isang malaking kalokohan at kabaliwan itong naisipan noong panahon ni PGMA na ilipat mga piyesta opisyal sa Biyernes o Lunes upang magkaroon ng long weekend. Para daw sa ekonomiya. Sa madaling sabi, para sa pera.
Kuwarta. Kuwarta. At kuwarta pa rin ang usapan, hindi ba?
Nasaan na ang pagsasariwa ng diwa ng mga piyesta upisyal natin bilang isang sambayanan?
Pati ba naman kaarawan o kamatayan ng mga bayani natin na matapos maghandog ng buhay sa atin ay dadayain pa rin natin upang pagkakitaan?
Fer, fer! For real!
Bukod sa materyalismo, mayroon ding masamang implikasyon itong long weekend na ito sa ating moralidad at iyan ay ang kawalan natin ng matiyagang paghihintay – ang pagpapasensiya.
Lahat advanced sa atin. Hindi tayo makapaghintay sa araw ng suweldo. Kaya, vale dito, vale doon. Loan dito, loan doon. At hindi biro ang dami ng mga kababayan nating nasira ang buhay dahil sa pagkaubos ng kabuhayan nang malulong sa maling pag-gamit ng credit cards kung saan totoong-totoo ang kasabihang, “buy now, suffer later”. Kaya, heto ngayon, pati piyesta upisyal ina-advance natin!
Maaring nagkasiyahan tayo sa long weekend ngunit, lubos nga ba ating katuwaan at kagalakan? Napagyaman ba nito ating katauhan at mga ugnayan? O, nabaon lang tayo sa utang lalo ng kahangalan?

Katawa-tawa tayong mga Pinoy simula nang mauso long weekend. Sa haba at tagal ng ating lockdown noong pandemya, long weekend pa rin sigaw natin?
Dapat siguro baguhin na ating taguring na Juan dela Cruz at gawing Juan Tamad.
O, Juan Tanga gaya nang naranasan noong a-trenta nang isara ng mga magagaling ang Monumento. Winalanghiya mga maralita at manggagawa na ipinaglaban ni Gat. Andres Bonifacio noong himagsikan na siyang dahilan kaya ating ipinagdiriwang kanyang kapanganakan noong ika-30 ng Nobyembre 1863.
Kung baga sa Inggles, iyon ang “the short of long weekend, an exercise in futility. And stupidity.” Sana magwakas na gawaing ito na dati naman ay wala sa ating kamalayan. Salamuch po!































