Huli ka!

Lawiswis Ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-8 ng Pebrero 2022
Photo by RODNAE Productions on Pexels.com
Huli ka!
Mga salitang 
kinatatakutan,
hangga't maari ay
iniiwasan, 
tinatakasan,
tinatakbuhan dahil sa
tiyak na kapahamakan.
Ngunit mayroong 
bukod tanging pagkakataon 
ang salitang "huli ka" ay
katuwa-tuwa, 
dala ay galak
hindi takot at pangamba
bagkus kaluwagan
at kasaganaan.
Larawan kuha ni G. Jim Marpa, 2018.

Pagkatapos ni Jesus magsalita ay sinabi niya kay Simon, “Pumalaot kayo at ihulog ang mga lambat upang manghuli.” Sumagot si Simon, “Guro, magdamag po kaming nagpagod at wala kaming nahuli! Ngunit dahil sa sinabi ninyo, ihuhulog ko ang mga lambat.” Gayon nga ang ginawa nila at sa dami ng kanilang huli ay halos magkansisira kanilang mga lambat.

Lucas 5:4-6
Ano nga ba nangyari
magdamag wala silang huli
nagkubli ba mga isda
sa dilim ng gabi?
Paano ang nangyari nang
si Jesus ay nagsabi,
mga isda ay dumaiti
mga bangka napuno ng huli?
Araw-araw
dumarating si Jesus
sa buhay natin
upang tayo ay hulihin:
hindi upang pagdusahin
sa mga pagkakasala natin
bagkus upang lubusin
mga pagpapala niya sa atin.
Larawan kuha ng may-akda, 2018.
Kasabihan ng matatanda
sa bibig nahuhuli ang isda,
ngunit sinabi ni Jesus
sa bibig ng Diyos nagmumula
tunay na pagkain sa atin nagpapala
lahat ng pagpapagal at pagsisikap natin
 makabuluhan mayroon mang kabiguan
hindi mahuhuli ang Diyos sa kanyang kabutihan!
Parating abangan pagdaraan ni Jesus
pakinggan kanyang panawagan
at kung siya ay ating matagpuan
sana'y ating iwanan ang lahat
upang siya ay masundan
pamamalakaya sa sanlibutan
hindi mo pagsisihan, buhay na walang hanggan 
tiyak makakamtan ngayon pa lamang!
Larawan kuha ng may-akda, 31 Disyembre 2021.

Ang santong suhi at ang multo ni Herodes

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-04 ng Pebrero 2022
Larawan mula sa Catholic News Agency.
Napag-isipan ko lang naman
hindi upang pagtawanan
kungdi upang makita iba pang 
kahulugan ng kapistahan ng ating
pinagpipitaganang San Blas, 
patron ng mga may sakit 
sa leeg at lalamunan
matapos niyang masagip 
sa kamatayan batang natinik 
ang lalamunan.
Sa aking pagkakaalam,
tinik sa lalamunan nalulunasan 
ng sino mang suhi nang isilang;
ngunit bago ninyo ako pagtawanan
ibig ko sanang inyo ring tingnan
hindi ba't tayo ay nabibilaukan,
nahihirinan, at natitinik sa lalamunan
kapag pilit nating sinusubo, nilulunok
higit sa kaya nating kainin,
pilit inaangkin maski hindi atin?
Pagmasdan at pagnilayan
leeg at lalamunan na pinapagaling
ni San Blas ang siyang bahagi 
sa pagitan ng ulo at katawan kaya 
marahil ang nalalaman ng isipan at 
ang nararamdaman ng puso at kalooban 
hindi magsalakupan dahil nababarahan 
ng kamunduhan leeg at lalamunan
kaya katotohanan at kabutihan
hindi natin masundan at mapanindigan!
Ito rin ang karanasang inilalarawan
sa Banal na Kasulatan tungkol kay
Haring Herodes nang kanyang mabalitaan
mga himala ni Hesus sa pag-aakalang
nabuhay mag-uli si Juan Bautista na
kanyang pinapugatan ng ulo
dahil lamang sa sumpang binitiwan;
nahirinan siya sa kapangyarihan
 at kapalaluan, kaya di kalaunan, gumawa
din ng sariling multong kinatakutan!
Bihag ng kasalanan
kaya si Herodes ay naguguluhan,
 nalilito at hindi magawa ang kabutihan,
naliligalig sa mga ginawang kabuktutan
nang marinig ang Mabuting Balita
 ni Hesus sa tanan;
ganyan din tayo kadalasan:
gumagawa ng sariling multo na katatakutan
nililibang sarili sa kasalanan, kunwa'y
kayang lampasan pinagdaraanan.

Tinawag ni Hesus ang Labindalawa, at sinugong dala-dalawa. Binigyan ng kapangyarihang magpalayas ng masasamang espiritu, at pinagbilinan: “Sa inyong paglalakbay, huwag kayong magdala ng anuman, maliban sa tungkod. Ni pagkain, balutan, salapi sa inyong lukbutan o bihisan, ay huwag kayong magdala. Ngunit magsuot kayo ng panyapak.”

Marcos 6:7-9
Iyan ang bilin ng Panginoon
na sinikap sundin ni San Blas
na siya namang tinanggihan
ni Haring Herodes at mga kagaya niya
hanggang sa kasalukuyan, di alintana
pagdarahop ng karamihan,
nagpapasasa sa kapangyarihan 
at karangyaan hanggang sa mahirinan,
nakalimutan na ang tunay na kayamanan
ay sa Diyos lamang matatagpuan!

Malapit sa Diyos, naglalapit sa Diyos

Lawiswis Ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-02 ng Pebrero 2022
Kapistahan ng Paghahandog kay Jesus sa Templo
Malakias 3:1-4 ><}}}}*> Hebreo 2:14-18 ><}}}}*> Lucas 2:22-40
Larawan mula sa crossroadinitiative.com.

Ngayon ang ika-40 araw mula ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoong Hesus sa Bethlehem, Kapistahan ng Paghahandog sa Kanya sa Templo ng kanyang mga magulang na sina Maria at Jose.

Bukod tangi lamang itong salaysay na matatagpuan sa ebanghelyo ni San Lucas sapagkat ibig niyang ipakita noon sa kanyang mga mambabasa at mga taga-sunod na pumarito si Hesus para sa lahat ng tao, hindi lamang sa mga Hudyo.

Una itong pinagdiwang ng mga Kristiyano sa Jerusalem at lumaganap sa Silangan noong taong 500 kung saan ito tinawag sa wikang Griyego na “Ypapante” na ibig sabihi’y ang “Pagtatagpo” nina Hesus at ng dalawang matanda sa templo na sina Simeon at Anna.

Mula Silangan, umabot ang pagdiriwang na ito sa Europa na nakilala bilang kapistahan din ng Paglilinis ni Maria o “Purification of Mary”. Sa France, nagkaroon ng seremonyas ang mga Kristiyano ng pagbabasbas at pagsisindi ng mga kandila bago pumasok ng simbahan bilang pagkilala kay Hesus na tanglaw ng mundo ayon sa pahayag ni Simeon sa templo, “Liwanag itong tatanglaw sa mga Hentil, At magbibigay-karangalan sa iyong bayang Israel” (Luc. 2:32).

Kaya nang makarating sa Roma ang tradisyong ito noong taong 800, ito rin ang ginawang seremonya ni Papa Sergio I kaya tinagurian itong Candelaria (kandila). Makalipas ang mahigit isang libong taon noong 1962 sa Vatican II, ibinalik sa tunay na pangalan ito bilang Kapistahan ng Paghahandog sa Templo ngunit pinanatili ng mga obispo ang tradisyon ng pagbabasbas at pagsisindi ng mga kandila upang ipakita na si Hesus ang tunay na liwanag sa mundo sa aakay sa atin pabalik sa Diyos.

Kuha ni G. Cristian Pasion, Pasko ng Pagkabuhay, 2021.

Mahalaga na ating mapagnilayang muli at makita sa panahong ito na si Hesus ang tanging liwanag sa ating buhay na tumatanglaw sa gitna ng maraming artipisyal na mga ilaw, mga ilaw na ang binibigyang liwanag ay mga tao at kung sinu-sinong ibig na maging sikat o ibig kilalanin.

Ito yaong mga artipisyal na ilaw ng mga kamera at media na ang pinakikita o ang tinatampok bilang “highlight” ay mga karangyaan, kapangyarihan, katanyagan at mga kapalaluan sa mundo.

Inaanyayahan tayo ng kapistahang ito na tularan sina Simeon at Anna na inabangan buong buhay nila si Hesus na siyang tunay na liwanag ng ating buhay na dapat din nating hanapin, lapitan at sundan.

May isang tao noon sa Jerusalem, ang pangala’y Simeon. Matapat at malapit sa Diyos ang lalaking ito at naghihintay sa katubusan ng Israel. Sumasakanya ang Espiritu Santo na nagpahayag sa kanya na hindi siya mamamatay hangga’t hindi niya nakikita ang Mesiyas na ipinangako ng Panginoon.

Lucas 2:25-26

Bukod sa tanging si San Lucas lamang ang may kuwento ng tagpong ito, mayroon din siyang ginamit na kataga na hindi ginamit ng sinumang manunulat ng Bagong Tipan o maging ng alin mang aklat sa buong Bibliya.

Ito yung salitang naglalarawan kay Simeon bilang , “malapit sa Diyos” na sa Inggles ay “devout”.

Alam na natin yung salitang “righteous” o “matapat” na ginamit din ni San Mateo upang ilarawan si San Jose bilang taong matuwid o banal na tumutupad sa mga batas at alituntunin ng kanilang relihiyon.

“Simeon’s Moment” ni American illustrator Ron DiCianni mula sa  http://www.tapestryproductions.com.

Ngunit iyong “malapit” o “devout” sa Inggles o “deboto” sa pangkaraniwang pananalita, tanging si San Lucas lamang ang gumamit niyon sa buong Bibliya. Apat na ulit niya itong ginamit: minsan sa ebanghelyo na ating napakinggan at tatlong ulit sa ikalawang aklat niyang sinulat, Gawa ng mga Apostol.

Mas maliwanag ito sa Inggles nang tawagin ni San Lukas ang mga Hudyong pumunta sa Jerusalem noong Pentecostes bilang mga “devout Jews” o “mga taong palasamba sa Diyos” (Gawa 2:5); tinawag din niyang mga “devout men” o “mga taong may takot sa Diyos” yaong mga naglibing sa ating unang Martir na si San Esteban (Gawa 8:2); at sa pagsasalaysay ni San Pablo ng kanyang pagbabalik-loob, ginamit na salita muli ni San Lucas sa kanyang kuwento upang ilarawan si Ananias bilang “a devout observer of the law” o “taong may takot sa Diyos” (Gawa 22:12).

Alalaong-baga, para kay San Lucas, ang isang “devout” na tao, o wika nga natin deboto ay isang taong malapit sa Diyos dahil siya ay mayroong takot sa Diyos kaya tumutupad sa Kanyang mga utos! Hindi lamang sila matapat o faithful kungdi mayroong malinis na puso at laging handang tumupad ng buong tapang sa kalooban ng Diyos.

Kaya nga sa ating mga Pinoy, ang deboto ay taong malapit, yaong mayroong matalik na ugnayan sa Diyos at sa kapwa!

Sila yaong mga kaibigang maaasahan, mayroong sariling kusa at hindi naghihintay na pagsabihan pa kung ano ang gagawain. Mayroong sariling-palo katulad nina Simeon at Anna na kusang naghihintay, lumalapit sa Diyos at Panginoon.

“Presentation at the Temple” painting ng Italian Renaissance artist Andrea Mantegna noong 1455; hawak ni Mari ang Banal na Sanggol habang si San Jose naman sa gitna ay nakatingin kay Simeon na mayroong balbas na puti. Larawan buhat sa wikipedia.org.

Nadadalisay ang ating pagiging malapit sa Diyos sa isang buhay-panalangin na kung saan mayroong disiplina sa pagdarasal na hindi lamang mga salitang inuusal ng bibig kungdi sinasapuso.

Masdan paanong sinabi ni San Lucas sina Simeon at Anna na palaging nasa templo nananalangin. Higit sa lahat, ang pananalangin ay kaisahan sa Diyos kaya nabatid kaagad ng dalawang matanda na dumating na si Hesus sa pag-uudyok sa kanila ng Espiritu Santo.

Katulad din yan ng pagkakaroon ng matalik na kaibigan: palagi kayong nag-uusap, nagbabahaginan at nag-uunawaan kaya mayroong kaisahan.

Ang pagiging malapit sa Diyos o deboto ay hindi lamang pagaalaga at pagkolekta ng mga imahen at aklat dasalan kungdi pumapaloob sa kalooban ng Diyos na siyang sinasabi ni propeta Malakias sa unang pagbasa na biglang darating ang Panginoon sa kanyang templo na siyang ating mga sarili.

Gayun din naman, ang taong malapit sa Diyos palaging malapit sa kapwa, lalo na sa mga maliliit at nahihirapan sa buhay gaya ng mga may-sakit at kapansanan. Pagmasdan paanong kinilala ni Simeon mga magulang ni Hesus sina Maria at Jose. Binigyan niya ng halaga kanyang mga kapwa-tao hindi lamang ang Panginoong Hesus.

Ang tunay na kaibigang matalik ay yaong naglalapit sa atin sa Diyos at kabutihan, hindi kasalanan at kapahamakan. Nakakatagpo natin si Hesus sa ating mga kapwa tao gaya ng sinasabi ng may-akda ng sulat sa mga Hebreo na ating napakinggan.

Higit sa lahat, ang taong malapit sa Diyos o isang deboto ay puno ng tuwa at kagalakan. Damang-dama ang tuwa at galak nina Simeon at Anna nang makatagpo at makalong si Hesus na sa sobrang tuwa nila sila’y handa nang mamatay.

Iyon ang tunay na palatandaan ng malapit at nakatagpo sa Diyos: puno ng tuwa na anuman ang sapitin sa buhay, hindi niya alintana ang mga takot at pangamba, maging kamatayan sapagkat ito ang maghahatid sa tunay na paglapit at pagbuklod sa Ama kay Kristo Hesus. Amen.

Larawan kuha ng may-akda, Santo Niño Exhibit sa katedral ng Malolos, Enero 2022.

Panatilihin ang Alab sa Diyos

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II
Miyerkules, Paggunita kina San Timoteo at San Tito, mga Obispo, 26 Enero 2022
2 Timoteo 1:1-8   ><}}}}*> + ><}}}}*> + ><}}}}*>   Lucas 10:1-9
Larawan kuha ni Irina Anastasiu sa Pexels.com

Tatlong taon bago nagsimula ang pandemya noong 2017, naanyayahan ako na pangunahan ang pananalangin sa “retirement ceremony” ng kaibigan na dati ring kasamahan sa trabaho. 

Nakatutuwa pala na makita at makausap muli mga dating kasamahan maging mga naging “bossing” namin na dati’y aming iniilagan dahil baka kami masabon.  Ganoon pala ang magka-edad, ang pumalo sa 50 anyos pataas, pare-pareho kaming nakasalamin at malalabo mga mata, mapuputi ang mga buhok at bago kumain, umiinom ng iba’t ibang mga gamot. 

At ang mga usapan, puro “noong araw”!

Kaya naman hindi maiwasan magkumparahan sa bagong henerasyon at isang nakatatanda na retiree dati naming boss ang nagsabi, “bakit kaya mga bata ngayon maski 40 anyos na, bata pa rin?”            

Napagnilay ako ng katanungang iyon at habang nagkakasiyahan kami sa mga alaala ng aming kabataan, naalala ko ang mga kuwentuhan namin noon kasi ay bihirang-bihira mapag-usapan ang Diyos at mga tungkol sa Kanya gaya ng pagsisimba at mga paksang espiritwal maliban lamang na ako ay kanilang tatanungin lalo na kapag nasa lamayan.

Kaya nawika ko sa aking sarili “marahil kaya bata pa rin mga bata ngayon maski 40 anyos na” dahil nagkulang kaming nakatatanda, ang mga magulang at mga lolo at lola ngayon sa pagdiriin ng pangangaral at pagsasabuhay ng pananampalataya. 

Pansinin po natin si San Pablo paano niya itinuring sina San Timoteo at San Tito bilang kanyang mga anak habang ipinagdiinan ang kanilang pagkamulat sa pananampalataya:  “Hindi ko malilimutan ang tapat mong pananampalataya, katulad ng pananampalataya ng iyong Lola Loida at ni Eunice na iyong ina.  Natitiyak kong taglay mo pa ngayon ang pananampalatayang iyon. Dahil dito, ipinaalala ko sa iyo na maging masigasig ka sa pagtupad sa tungkuling tinanggap mo sa Diyos nang ipatong ko ang aking mga kamay sa ulo mo. Sapagkat hindi espiritu ng kaduwagan ang ibinigay sa atin ng Diyos kundi Espiritu ng kapangyarihan, pag-ibig, at pagpipigil ng sarili” (1Tim.1:5-7).

Larawan kuha ni G. Jim Marpa, 2017.

Hindi ba nakakahiyang isipin na sa ngayon, ang mag-igib at maglinis ng bahay ay pawang mga “reality games” na lang sa telebisyon gayong ganito ang ating buhay noon? 

Hindi ba nakakabahala na parang malaking balita ngayon yung makarinig ng mga tao na nagsusumakit sa pagsisikap na maging mabuti at marangal sa buhay at gawain?

Bakit mangha-mangha mga tao ngayon sa mga kuwento ng pagmamalasakitan ng pamilya at magkakaibigan gayong dapat naman ganoon talaga tayo sa buhay?

Hindi kaya masyadong na-spoil mga henerasyon ngayon, lahat ng kanilang hilig ay ibinigay ng mga magulang at lolo at lola di alintana masamang epekto sa gawi at pag-uugali ng mga bata?  At dahil nga “napanis” o na-spoil ang mga bata, pati ang disiplina ng buhay espiritwal gaya ng pagdarasal at pagsisimba ay napabayaan. 

Opo, disiplina ang pagdarasal at pagsisimba. Kapag pinabayaan mga ito at nawala sa mga tao, wala na tayong igagalang na kapwa o lugar man lamang at pagkakataon dahil maski Diyos at simbahan hindi na kayang igalang pa. 

Nananatili hanggang ngayon lalo sa ating nakatatanda at di lamang sa mga bata ang misyon ni Hesus kaya siya humirang pa ng pitumpu’t dalawang mga alagad na kanyang sinugo na mauna sa kanya (Luc.10:1-9).

Larawan kuha ni G. Jim Marpa, 2019.

Tayo ang mga iyon sa panahong ito, tayong mga nakatatanda na dapat puno ng alab para sa Panginoon at Kanyang mabuting balita na hatid sa lahat na sa panahong ito ay litong-lito maski na sagana sa mga bagay na materyal.

Tayo ang inaasahan ni Hesus na gagabay sa maraming naliligaw ng landas, lalo na mga kabataan na ibig siluin at lapain ng mga nagkalat na “asong-gubat” sa gitna ng saganang anihin.

Tayo ang mga makabagong San Timoteo at San Tito, dalawang banal na nagparubdob ng alab para sa Diyos sa pagpapahayag nila noon sa salita at gawa na “Nalalapit na ang paghahari ng Diyos sa inyo” (Luc. 10:9) dahil sila rin mismong dalawa ay naranasan ang sigasig sa pananampalataya ng kanilang mga magulang at ninuno noon.  Amen. 

Pagbabalik-loob, pagpapaloob sa kalooban ng Diyos

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II
Kapistahan ng Pagbabalik-loob ni San Pablo, Ika-25 ng Enero 2022
Gawa ng mga Apostol 22:3-16  ><}}}*> + <*{{{><  Marcos 16:15-18
Larawan mula sa en.holyordersofststephen.org ipinapakita pagkamatay ng unang martir ng Simbahan si San Esteban habang pinapanood ni Saul na noo’y taga-usig ng mga Kristiyano habang napakita naman mula sa langit ang Panginoong Jesu-Kristo.

“Kalooban ng Diyos.”  Ito ang sa tuwina palagi nating inaalam sapagkat batid nating ito ang pinakamabuti para sa atin.  Subalit kadalasan tayo ay nabibigo, naguguluhan kung ano ang kalooban ng Diyos dahil madalas akala natin para itong tanong na isang pindot ay malalaman kaagad ang sagot tulad ng sa Google.

Kauna-unahang hinihingi sa atin upang mabatid ang kalooban ng Diyos ang tayo muna ay “pumaloob sa Diyos” na ibig sabihi’y dapat nasa loob tayo ng Diyos. Kung ikaw ay nasa labas ng Diyos, tiyak ikaw ay lumayo sa Kanya dahil sa kasalanan; kaya, pagbabalik-loob sa Kanya ang kinakailangan.

Ibig kong simulan dito ang pagninilay sa Kapistahan ng Pagbabagong-buhay ni San Pablo Apostol na ating ipinagdiriwang sa araw na ito. Ito ang upisyal na salin mula sa Inggles ng “Feast of the Conversion of St. Paul the Apostle” na tila may kulang.

Ganito kasi iyon: Tama rin namang sabihing “pagbabagong-buhay” dahil bawat conversion wika nga ay pagbabago tulad ng na-convert sa ibang relihiyon o sa ibang anyo o gamit. Ngunit sa bawat pagbabago, mayroong higit na malalim na nababago na hindi namang ibig sabihin ay nag-iiba o nagiging different.

Kasi iyong sinasabing conversion ni San Pablo o ng sino pa mang tao ay hindi naman pagbabago ng pagkatao kung tutuusin; sa bawat conversion ng isang makasalanan o masamang tao, hindi naman nababago yaong tao talaga kungdi kanyang puso na siyang naroon sa kanyang kalooban.

Ibig bang sabihin ang pagbabagong buhay ay yaong dating masayahin o palatawa magiging malungkutin o iyakin? Yaong dating mapusok at malakas ang loob magiging duwag? O yaong pagbigla-bigla at padaskol-daskol ay magiging makupad at mabagal sa pagdedesisyon?

Sa pagbabagong-buhay ng sino man tulad ni San Pablo, hindi nababago ang pagkatao: mapusok pa rin si San Pablo, palaban at matapang nang tawagin at sumunod kay Kristo. Hindi naman nabago kanyang karakter pero nabago kanyang puso na nahilig sa kalooban ng Diyos pagkaraan. Iyong kanyang dating kapusukan at katapangan sa pag-uusig ng mga Kristiyano ay nalihis naman sa pagpapahayag ng Mabuting Balita ni Hesus sa mga Hentil at kapwa niya Judio.

Kaya naman higit na malalim at makahulugang isalin ang conversion ng sino man sa katagang “pagbabalik-loob”. Bawat nagkakasala ay lumalayo ang loob mula sa Diyos na ibig sabihin ay “ayaw sa Diyos” gaya ng ating pakahulugan tuwing sinasabing “malayo ang loob”.

Kapag nagsisi at tumalikod sa kasalanan ang isang tao, hindi lamang siya nagbabagong-buhay o nag-iiba ng pamumuhay kungdi higit sa lahat, siya ay “nagbabalik-loob” sa Diyos. Tatlong bagay ang itinuturo sa ating ni San Pablo sa kanyang karanasan ng pagbabalik-loob sa Diyos.  

Larawan mula sa en.wikipedia.org ni San Pablo sa harapan ng Basilica ni San Pablo sa Roma, Italya.

Una, bawat pagbabalik-loob ay isang personal na pagtawag at paanyaya mula sa Panginoong Hesus.  Batay sa salaysay ni San Pablo, “Nasubasob ako sa lupa, at narinig ko ang isang tinig sa akin, ‘Saulo, Saulo!’”(Gawa 22:7).  

Araw-araw inaanyayahan tayo ni Hesus na magbalik-loob sa Kanya. 

Iyong mabatid lamang natin sa ating kalooban na mali ang ating ginagawa o kaya tayo ay kabahan at matakot sa isang masamang gawain, iyon na ang tinig ni Hesus na tumatawag sa atin katulad kay San Pablo. 

Huwag na nating hintayin pa ang isang “dramatic” o “bonggang” pagkakataon wika nga upang pakinggan ang tawag ng Panginoon katulad nang mahulog sa kanyang kabayo si San Pablo.  Hindi ibig ng Diyos na sumadsad pa ang ating buhay sa kasamaan at mawala na ang lahat ng pagkakataong makabalik pa sa Kanya.            

Ikalawa, madalas kapag tayo tinawag ng Diyos na magbalik-loob sa Kanya ay hindi kaagad maliwanag ang lahat sa atin kaya kailangan natin ng taga-akay: “Nabulag ako dahil sa kaningningan ng liwanag na iyon, kaya’t ako’y inakay na lamang ng mga kasama ko papasok sa Damaso” (Gawa 22:11). 

Larawan kuha ni G. Jim Marpa, 2019.

At hindi lamang basta taga-akay ang kailangan natin sa bawat pagbabalik-loob kungdi isang mahusay na gabay katulad ni Ananias na “isang taong may takot sa Diyos, tumutupad sa Kautusan, at iginagalang ng mga Judiong naninirahan sa Damasco” (Gawa 22:12). 

Si Ananias ang ginamit ng Diyos upang mapagaling ang pagkabulag ni San Pablo at malahad sa kanya ang kalooban ng Diyos na mapalaganap ang Mabuting Balita.

Ang mahusay na gabay ay yaong pumapawi at nagpapagaling sa ating mga pagkabulag sa katotohanan ng Diyos sa buhay na ito. Wika mismo ni Hesus, maaring bang maging taga-akay ng mga bulag ang isa pang kapwa bulag?

Magkaroon ng isang mabuting taga-akay o spiritual director na hindi namang dapat pari o madre lamang kungdi yaong isang mabuting pastol na kalakbay at kaagapay sa ating spiritual journey.

Ikatlo, bawat tawag sa pagbabalik-loob sa Diyos ay palaging paanyayang pumasok sa isang komunyon o kaisahan kay Hesus at Kanyang pamayanan o komunidad.  Ito ang magandang bahagi ng pagtawag kay San Pablo:  nagpakilala si Jesus bilang kanyang inuusig na Kristiyano, “Saulo, Saulo!  Bakit mo ako pinag-uusig?  Ako’y si Jesus na taga-Nazaret na iyong pinag-uusig” (Gawa 22:7,8)

Ang totoong pagbabalik-loob o pagbabagong-buhay ay yaong hindi lamang makita ang sarili kungdi makita ang kanyang kaisahan kay Hesus at sa kapwa-tao.  Walang kabuluhan ang ano mang pagpapakabuti ng sarili na nakahiwalay sa Diyos at sa kapwa.  Hindi kabutihan kungdi kapalaluan ang walang ibang makita kungdi sarili.  


Madaling sabihin ang mga bagay na ito at sadyang mahirap gawin.  Subalit kung ating susuriin ang naging buhay ni San Pablo, hindi lamang minsanang pangyayari ang magbalik-loob sa Diyos.

Isang mahabang proseso ang kanyang pinagdaanan sa kanyang pagbabalik-loob o pagbabagong-buhay; katulad natin marahil siya ma’y nagkakasala minsan-minsan sa Panginoon. 

Larawan kuha ng may-akda, 2019.

Ang mahalaga ay ang patuloy niyang pagninilay at pananalangin, ang pagsisikap niyang “pumaloob sa Diyos” upang mabatid at maisakatuparan ang Kanyang Banal na Kalooban na “Humayo kayo sa buong sanlibutan at ipangaral ninyo sa lahat ang Mabuting Balita” (Mc.16:15).  

Kaya, huwag manghinawa sakaling mabagal ang iyong “pagbabagong-buhay”; minsa’y akala mo lamang wala namang nababago at masama ka pa rin.

Hindi totoo iyan dahil batid ni Hesus, nakikita ni Hesus ang pagsisikap natin mula sa kaloob-looban natin hindi pa man tayo pumapaloob sa Kanya.

Ang totoo kasi, palagi namang nasa loob natin si Hesus, kahit anong pilit nating lumayo sa Kanya. Amen.

Ano – o Sino – ang Inaabangan sa Pasko?

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-6 ng Disyembre 2021
Larawan kuha ng may-akda sa San Fernando, Pampanga, 18 Nobyembre 2021.
Taun-taon, 
halos lahat ng tao
nasasabik sa Pasko
palaging inaabangan
sa mga countdown.
Ngunit bakit nga ba
inaabangan natin ang Pasko?
Petsa lamang ba ito 
at panahon na dumarating,
lumilipas din? 
Kung gayon lang ang Pasko,
bakit hindi na lang tayo 
magbilang ng araw
Bagong Taon pa man?
Higit sa petsa 
at panahon ang Pasko
dahil ito ay ang Diyos na naging Tao;
ang Pasko ay si Hesu-Kristo 
na sumilang noon sa mundo 
at dumarating pa rin sa puso 
ng bawat tao kaya't itong Pasko 
ay isang katotohanan, isang kaganapan
nang ang Diyos ay makialam
at pumasok sa ating kaguluhan,
pinunan marami nating kakulangan,
pinawi mga kasalanan, pinalitan 
ng kanyang kabanalan upang 
buhay natin ay maging makabuluhan.
Sa panahon pa ring ito 
ng pandemya, sana atin nang 
mapagtanto ang Pasko 
ay hindi tanong ng kung ANO 
kungdi ng kung SINO inaabangan 
na tanging si Hesu-Kristo,
dumarating hindi sa sabsaban
kungdi sa ating puso at kalooban
kung saan nagmumula ating mga
gulo at kadiliman; sikaping matagpuan
Kanyang bakas sa ating mga mukha
upang tayo'y makipag-kapwa at 
maranasan Kanyang kapanatilihan
kesa tayo magbilang ng mga petsa at buwan. 
Larawan kuha ng may-akda sa San Fernando, Pampanga, 18 Nobyembre 2021.

Panalangin sa Adbiento: Ihanda daraanan ng Panginoon

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-03 ng Disyembre 2021
Larawan kuha ng may-akda, 2018.
Kay sarap namnamin,
O Diyos Ama namin
paglalarawan ni San Lukas
ng panahon noong dumating 
si San Juan Bautista sa ilang
upang ihanda daraanan ng 
Panginoong darating:

Ikalabinlimang taon noon ng paghahari ni Emperador Tiberio. Si Poncio Pilato ang gobernador sa Judea, si Herodes ang tetrarka sa Galilea at ang kapatid naman niyang si Felipe, sa lupain ng Iturea at Traconite. Si Lisanias ang tetrarka sa Abilinia. Sina Anas at Caifas naman ang mga pinakapunong saserdote noon. Nang panahong iyon, nasa ilang si Juan na anak ni Zacarias. Dumating sa kanya ang salita ng Diyos…

Lucas 3:1-2
Dumating ka na sa amin, Panginoon,
sa panahong ito sa gitna ng social media
ng mga nakabibinging ingay 
at mga sari-saring tanawin sa amin ay
umaaliw ngunit madalas ay sagwil
upang Ika'y makita at maranasan 
kay Hesus na palaging dumarating
sa gitna ng kasaysayan ng daigdig
maging sa sariling buhay namin.
Nawa matularan namin si Juan Bautista
upang ilang ay puntahan, maglaan ng
panahon ng pananahimik upang 
Iyong mga salita ay mapakinggan at
mapagnilayan, maranasan pananahan
Mo sa amin kay Kristo.
Itulot po ninyo, O Diyos,
sa liwanag ng Espiritu Santo
aming matularan si Juan doon sa ilang
aming maisigaw upang umalingawngaw 
sa mundong nagbibingi-bingihan  
sa Iyong mga panawagan na tuwirin
aming landas ng pamumuhay:
nawa'y masaid namin aming puso
at kalooban ng aming kapalaluan
at mga kasalanan upang mapunan
ng Iyong kababaang-loob, pag-ibig
at katarungan;
katulad ni Juan ay maging tinig nawa kami
ng katotohanan sa gitna ng pagpipilit ng
marami na bigyang katuwiran mga 
kasinungalingan at kasalaulaan;
tambakan nawa namin bawat lambak
ng kababawan at kawalan ng kabuluhan
ng katuturan at kahulugan kay Kristo 
lamang matatagpuan;
at higit sa lahat, nawa aming matibag
sa mabubuting gawa at halimbawa
mga bundok at burol ng aming
kayabangan at katanyagan,
maalis aming mga tarpaulin at ilawan
at tanging ikaw lamang O Diyos
ang aming matanawan, sundan,
at paglingkuran magpasawalang-
hanggan.  Amen.
Larawan kuha ng may-akda, Adbiento 2020.

Parol ating pastol

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-16 ng Nobyembre 2021
Larawan kuha ng may-akda, 11 Nobyembre 2021.
Hindi ko maiwasang umindak
sa awiting "kumukuti-kutitap,
bumubusi-busilak" tuwing 
makakakita ng mga parol 
nakasabit sa mga binatana,
binebenta sa kalsada
kahit malayo pa ang Pasko.
Ang mga parol ay tulad ng pastol
umaakay sa atin sa gitna ng dilim
hatid ay liwanag at galak
upang matunton at marating
Sanggol na sumilang sa sabsaban
habang mundo ay balot sa kasamaan
upang tayo ay tubusin sa ating mga kasalanan.
Larawan kuha ng may-akda, 11 Nobyembre 2021.
Makukulay, puno ng sigla
alalaong-baga, buhay na buhay
itong mga parol at iba pang mga palamuti
hatid ay hindi lamang ngiti sa labi
kungdi tuwa at kagalakan sa puso at kalooban
isang taon na naman matatagpusan
kahit COVID-19 kayang lampasan!
Katulad ng mga bituin at tala
mga parol at palamuti ng Kapaskuhan
matutunghayan lamang sa gitna
ng malaking kadiliman kagaya sa ating buhay
kung kailan mayroong kapighatian 
at lahat ay nalalabuan, doon naman
nagiging maliwanag at makulay ang lahat!
Larawan kuha ng may-akda, 11 Nobyembre 2021.
Isang kabalintunaang tunay
ganda at busilak ng mga parol
sa atin nagpapastol tungo sa
liwanag ng kinabukasan;
sana manatiling nagningning 
liwanag ni Kristo sa puso at 
kalooban natin. 
Aking dasal at hiling
ngayong Paskong darating
sana matapos na itong COVID-19;
matularan sana natin mga parol
magpastol sa kawan, huwag silang maligaw
sa kadiliman  ng mga mapanlinlang 
tanging Diyos ang maging sandigan.
Larawan kuha ng may-akda, 11 Nobyembre 2021.

Kung Ikaw si Bartimeo?

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-23 ng Oktubre 2021
“Jesus healing the Blind Man”, painting ni G. Brian Jekel noong 2008; mula sa http://www.Christian.Art.com.
*Una ko itong nilathala
noong ika-30 ng Oktubre 2018;
isinaayos ngayon kaugnay
ng ebanghelyo sa Linggo.
Anong buti na ating pagnilayan
kuwento ng bulag na si Bartimeo
sa gilid ng daan nananahan
inaasam na siya ay limusan
dahil sa kanyang kapansanan;
ngunit nang kanyang marinig
at mabalitaan pagdaraan ng Panginoon,
dumalangin siya nang pasigaw:
"Hesus, Anak ni David, mahabag po kayo sa akin!"
Nang siya ay pagsabihang manahimik,
lalo pa niyang ipinilit kanyang giit,
"Anak ni David, mahabag po kayo sa akin!"
Kaya't napatingin at napatigil si Hesus
upang siya ay tawagin at tanungin:
"Ano ang ibig mong aking gawin?"
Ang agad niyang mariing hiniling,
"Panginoon, ibalit po ninyo
aking paningin."
Kung ikaw si Bartimeo at ngayon
ay tatanungin ng Panginoon natin,
"Ano ang ibig mong aking gawin?"
Ano kaya ang iyong hihilingin?
Mga palagiang alalahanin tulad ng 
salapit at pagkain?  Mga lugar
na minimithing marating?
O marahil ay alisin pasanin
at dalahin sa balikat natin?
Sadyang marami tayong naisin
at ibig hilingin sa Panginoon natin
ngunit kung ating lilimiin bulong
 nitong saloobin at damdamin natin,
isa lang naman kung tutuusin 
kailangan natin:  mapalalim
pananampalataya natin
at maliwanagan sa buhay natin
upang matahak landasin patungong langit.
Aanhin mga malinaw na mata
na sa kinang ng ginto at pilak nahahalina
ngunit hindi makita ni makilala 
mga taong tunay at tapat nagmamahal 
 mga sumasalamin sa Diyos nating butihin!
Kaya kung ikaw ay hihiling, si Bartimeo ang gayahin
hiniling kaliwanagan sa puso't loobin
upang Diyos ang makita at kamtin
at Siyang maghari sa atin!

	

Si San Francisco at ang Mabuting Samaritano

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-04 ng Oktubre 2021
Photo from FB/Be Like Francis, 2019.
Ngayong ating ginugunita
dakila nating pintakasi
San Francisco ng Assisi
huwaran ng kaisahan
sa kapwa at sangnilikha
nang kanyang tularan
Panginoong Hesus sa kabutihan
 Mabuting Samaritano sa nangangailangan. 

Sa buhay ni San Francisco
ating mababanaagan
paano niyang pinakisamahan 
mga may sakit at nahihirapan
maging sarili niya kanyang tinalikuran
iniwan kayamanan, karangyaan
at karangalan upang ituring
kanyang pinsan ang kamatayan.

Malinaw kay San Francisco
 "brother sun" at "sister moon"
ang tanong ay hindi kung
"sino ang aking kapwa?"
kungdi "ako ba ay nakikipag-kapwa?"
dahil tayong lahat ay iisa
at magkakaugnay sa Diyos ating Ama 
sa pamamagitan ni Kristo na ating Kuya.
Kaya sana bago natin dasalin
kanyang panalangin na maging
daan ng kapayapaan
pabasbasan ating mga alagang
hayop at halaman,
ating munang tingnan at suriin
kaisahan natin sa Krus ni Hesus 
na siyang nagligtas at nagpalaya sa atin!
San Francisco ng Assisi,
Ipanalangin mo kami.
Larawan mula sa zazzle.com.