Lawiswis Ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-21 ng Nobyembre 2023
![](https://lordmychef.com/wp-content/uploads/2023/08/img_6648.jpg?w=1024)
Marami ang natuwa sa ibinahagi ko kamakailan dito na hindi tayo tatawagin ng Diyos sa kamatayan kung hindi tayo handa, biglaan man itong pagkamatay gaya ng aksidente o matagal na pagkakasakit (https://lordmychef.com/2023/11/14/bai-sa-langit-ang-ating-tagpuan/).
Sabi ko nga sa inyo, kumbinsido ako na mas maraming nasa langit kesa nasa impiyerno. Gagawa at gagawa ng paraan ang Diyos upang masagip ang isang kaluluwa kesa mapahamak sa walang hanggang apoy ng impiyerno.
Tinawag tayo ng Diyos hindi upang parusahan, kundi upang iligtas sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo.
1 Tesalonica 5:9
Maraming pagkakataon ko ito napatunayan bilang pari, lalo mula noong 2021 nang maging chaplain ako dito sa pagamutan. Hindi ko makakalimutan yung isa naming pasyente noong isang taon bago mag-Undas.
![](https://lordmychef.com/wp-content/uploads/2022/11/img_3136.jpg?w=1024)
Pagkaraan kong magmisa ng Miyerkules ng tanghali sa aming Basic Education Department, nakatanggap ako ng sick call sa aming emergency room. Kaagad ako pumunta at inabutan ko ang isang matandang lalaki na naka-oxygen at maraming mga aparatu na naka-monitor sa kanya.
Lampas 90 na kanyang edad at ang sabi sa akin ng duktor ay maaring pumanaw ang pasyente ano mang oras. Sa malakas kong tinig, sinikap kong kausapin ang pasyente, sinabihan ko siyang magsisi sa kanyang mga kasalanan habang siya ay aking dinarasalan at papahiran ng Banal na Langis. Bumalik ako sa aming university pagkatapos noon.
Laking gulat ko nang sumunod na araw ng Linggo sa aking paghahatid ng Komunyon at pagbabasbas sa mga may-sakit sa aming pagamutan: buhay pa rin iyong pasyente sa pinuntahan ko ng Miyerkules sa ER!
At nang sumunod na araw na naman ng Linggo, naroon pa rin ang naturang pasyente – buhay! Maniwala kayo, umabot pa ng ikatlong araw ng Linggo ang naturang pasyente na dinalaw ko at dinasalan. Nagtataka na rin mga duktor at nars na kung ilang ulit na rin iyon nag-delikado ngunit biglang lumalakas na di mawari.
Noong ikatlong araw ng Linggo na iyon, kinausap ako ng panganay na anak na babae na umuwi mula sa Amerika. Nalaman ko na tatlo silang magkakapatid na puro babae, pawang mga may asawa na rin sila. Filipino-Chinese sila na may-ari ng malaking negosyo sa Bulacan. Wala na ang kanilang ina na pumanaw sa sakit na cancer noon pa.
![](https://lordmychef.com/wp-content/uploads/2023/07/img_6010.jpg?w=768)
Laking gulat ko at nangilabot din ako sa kuwento ng panganay na anak na babae: mahilig ang kanilang ama sa mga occult practices gaya ng pagkausap sa kaluluwa ng mga yumao nilang kamag-anak at iba pang mga espiritu, ang pag gamit ng mga anting-anting, mga tarot cards, ouija board at marami pang iba.
Bago daw iyon maglubha, pilit na ipinapasa sa isa sa kanilang magkakapatid ang “kapangyarihan” na nakuha sa yumao nilang lola na ina ng kanilang ama. Inutusan daw silang kunin at dasalin mga aklat-dasalan ng kanilang ama na nasa tila wikang Latin. Noon lamang daw nila nakita mga iyon bagama’t naaalala nilang patagong ginagamit ng tatay nila mga iyon noon pa man.
Noon ko naisip na kaya hindi pa pumapanaw ang naturang pasyente na ibig ipasa kanyang mga occult practices sa kanyang anak. Tinanong ko magkakapatid ano kanilang saloobin at pare-pareho silang ayaw nilang tumulad sa kanilang ama. Natuwa naman ako sa kanilang desisyon kaya ipinaliwanag ko na rin sa kanila ang kahulugan at mga implikasyon ng occult practices ng tatay nila. Kailangan kako na “madeliver” siya mula sa impluwensiyang iyon ng demonyo at ikalawa, wasakin mga gamit niya kayat ipinakuha ko iyon habang ako naman ay umuwi ng parokya upang kunin ang aklat ng exorcismo ni P. Jocis Syquia.
![](https://lordmychef.com/wp-content/uploads/2023/11/img_1503.jpg?w=1024)
Pagbalik ko ng parokya, una kong ginawa ay nangumpisal ng aking mga kasalanan sa kasama naming pari. Kumain lamang ako ng kaunti at saka nanalangin sa harap ng Santisimo Sakramento. Pagkaraan ng isang oras, bumalik ako sa ospital upang ganapin ang deliverance prayer sa pasyente ayon sa aklat ni P. Syquia. Muli ko siyang pinahiran ng Banal na Langis at nanalangin kami ng kanyang pamilya pagkaraan ng deliverance session.
Pagkaraan noon ay dinasalan ko at binasbasan mga aklat-dasalan, anting-anting at iba pang mga gamit sa occult ng pasyente na pinagsama-sama ng kanilang boy sa isang black plastic bag. Hindi ko na binulatlat pa ni hawakan mga iyon. Basta, mahigpit kong pinagbilinan yung boy na sunugin lahat ng mga iyon at itapon sa ilog mga abo. Huwag na huwag ka ika ko magtatago ni kukuha ng isa kungdi ay mapapasama kanyang buhay. Hapon na nang maka-uwi ako ng parokya at ang una kong ginawa ay manalangin muli sa harapan ng Santisimo Sakramento.
Umuwi ang naturang pasyente kinabukasan araw ng Lunes. Wala pa raw isang oras sa bahay habang nakahiga sa bago niyang hospital bed, payapang pumanaw ang naturang pasyente. Ayon sa mga nars, nagbalik doon ang panganay na anak na babaeng kumausap sa akin upang magpaabot ng pasasalamat at naikuwento nga paanong pumanaw ang kanilang ama.
![](https://lordmychef.com/wp-content/uploads/2020/12/devilkirchensonaten.jpg?w=736)
Muli, mga ginigiliw ko, noon ko napatunayan ang lalim at lawak, ang di masusukat na pagmamahal sa atin ng Diyos na hindi niya tayo tatawaging mamatay nang hindi pa handa.
Pakiwari ko ay sa tatlong linggong iyon mula nang pahiran ko ng Langis sa ER ang naturang pasyente, nakipagbuno at babag sa demonyo si San Miguel Arkanghel sa utos ng Diyos upang agawin at iligtas ang kaluluwa ng taong iyon.
Isinulat ko rin ito upang tigilan na rin sana ng mga makababasa nito ang anu mang uri ng mga occult practices pati na mga tawas at pagpunta sa mga faith healer, manghuhula at espiritista. Magpatingin muna sa duktor kung mayroong karamdaman. Lakipan ito ng taimtim na pananalangin at matibay na pananalig sa Diyos nating makapangyarihan sa lahat. Amen.