Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, 07 Oktubre 2019
Larawan ay kuha ni Rdo. P. Gerry Pascual sa Basilica of the National Shrine of the Immaculate Conception, Washington, DC, 09 Setyembre 2017 .
Maraming salamat, mahal naming Ina, Birheng Maria sa iyong pagsama sa amin tuwina ngayong inaala-ala iyong himala sa pakikipag-digma ng mga Kastila sa Look ng Lepanto dinarasal iyong Santo Rosario.
Kay sarap namnamin damang-dama namin sa bawat butil ng Rosario pakikiisa mo sa amin upang higit naming sundin butihin mong anak at Panginoon namin na siyang kapanatilihan ng Diyos sa piling amin.
Dahil kay Kristo Hesus na isinilang mo sa amin, Panginoong Diyos naging kapiling namin palaging dumarating maging sa gitna ng mga unos at sigwa nitong karagatan ng buhay namin tumatawag para kami ay sagipin.
Mula sa panganib ng karagatan at latian hanggang sa katihan kailanman ay hindi kami iniwan ni Kristo Hesus na iyong isinilang upang kami ay pangunahan pabalik sa aming tahanan doon sa kalangitan ikaw ngayon nakapisan.
Maraming salamat Mahal naming Ina Birheng Maria nawa amin kang matularan si Hesus ay masundan sa nakakatakot na karagatan at kapanatagan ng kapatagan kanyang mukha sa ami'y mabanaagan kami rin mismo maging misteryo ng iyong Santo Rosario.
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, 04 Oktubre 2019
Mula sa Be Like Francis Page sa Facebook.
Minsan daw ay nagimbal kaibigang Kardinal ni San Francicso na banal nang kanyang malaman dukha nilang pamumuhay na sa kanyang palagay labis na kahirapan hindi naman dapat nilang pagdaanan.
Katuwirang ipinaliwanag ni San Francisco kay Kardinal Hugolino kay gandang pagnilayan sa malalim nitong kahulugan: "kung tayo'y maraming kayamanan," aniya ng ating banal "kakailangan din natin mga sandata upang mga ito'y ipaglaban at pangalagaan."
Sa kanyang isipan at banal na kalooban, ang pag-ibig ay namamatay kapag tao'y nagkamal maraming ari-arian; hanapin kanyang paliwanag kung masasagot kanyang mga katanungan na tila bugtong di lamang sa isipan kungdi pati na rin sa puso at kalooban:
"Mapagnanakawan mo ba na tao na walang ano man? Maari mo bang gutumin ang nag-aayuno? Mayroon ka bang sisirain sa taong namumuhi sa parangal at pagkilala? Ano nga ba magagawa sa taong aba at dukha?"
Para kay San Francisco ang mga dukha ang tunay na malaya kayang ipaubaya lahat pati sarili sa Bathala upang makagawa ng kabutihan sa kapwa na siyang simula ng ating kapatiran at ugnayan pati sa kalikasan.
Mula sa Reuters.
Sa ating panahon ngayon karukhaan ay pinag-uusapan batay sa kawalan ng ari-arian na kabaligtaran ng kung ano mayroon ang mayayaman na kadalasan mga bagay nabibilang at nabibili gaya ng kapangyarihan.
Ngunit kung ating pagninilayan ano mang mayroon ang mayaman ay wala pa rin o "NOTHING" kung Inglesin natin dahil ang higit na mahahalaga ay hindi nakikita ni nabibili o nabibilang gaya ng pera at iba pang kayamanan.
Gayun din naman hindi masasabi ng sino man na siya ay dukha at "walang wala" ika nga dahil kung tutuusin natin ang lahat ay palaging mayroon pa rin o "SOMETHING" kung Inglesin din natin.
Harinawa'y mapagtanto natin sa pagdiriwang ng kapistahan ni San Francisco na butihin ito mismong buhay natin ay dakilang kayamanan na dapat ipagpasalamat natin sa karukhaan ng loobing maialay gaya ng Panginoon Hesus natin.
Ang Krus ng kapilya ng San Damiano na isinaayos ni San Francisco batay sa tinig na kanyang narinig habang nananalangin doon.
Para sa henerasyon ngayon wala sa kanilang isipang puntahan ni pasyalan mga perya at karnabal ng kabukiran; katawa-tawa at walang kuwenta sa kanila ang sumakay sa tsubibo at ruweda, panoorin mga salamangkero at payaso at mas gusto maglaro ng mga video.
Mga dambuhalang kahon ng sapatos na ginawang pamilihan, tinaguriang mall naging pasyalan kung saan natatagpuan pinagtatawanang perya at karnabal ng kabukiran naging sosyal na pasyalan ng mga kabataan.
Ngunit hindi alintana, lingid sa mga mata higit katawa-tawa mga pormahan at pasiklaban masahol pa sa mga peryaan at karnabal ating kalagayan nang mismo ating buhay naging isang malaking palabas na lamang mistulang mga salamangkero at payaso na rin tayo inaasam-asam ay palakpakan at hangaan.
Saan man pumunta ay kapuna-puna tila ang lahat nang-aagaw pansin ibig sa kanya lamang nakatingin kaya anu-ano gagawin, iba-iba sasabihin pananamit at asta di mawari ngunit kung susuriin, agad mabubuking parang ampaw, wala kungdi hangin.
Hindi na ba natin napapansin nangyayari sa atin saan man tumingin tila lahat nagiging palabas na lamang walang laman ni kahulugan mga pinagtutuunan; nahan ang kadluan ng karunungan at kabutihan na pinabayaang matuyuan maubusan ng katangiang kapitag-pitagan?
Walang nasasagwaan ni kinikilabutan pangangalandakan ng kapalaluan at kawalang kabuluhan loob kinalimutan, panlabas pinahalagahan perya at karnabal di na nga pinupuntahan dahil tayo na mismo ang katatawanan! Hindi ba natin alam iyan ang malagim na katotohanan dapat tayong kabahan kung di sumasagi sa ating kalooban?
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog, 26 Setyembre 2019
Larawan kuha ni G. Jim Marpa sa Carigara, Leyte, Setyembre 2019.
Kay sarap pagmasdan at maliliman lalo na sa gitna ng kainitan ng matayog na puno may malalabay na sanga mga dahong luntian.
Mainam ding pagnilayan talinghagang nababalot nitong larawan mga kahulugan at kaugnayan ng mga kataga na puno at pinuno sa punong kahoy din naka-ugat.
Husay ng ano mang puno ng tahanan at pamayanan, tanggapan at paaralan, simbahan at pamahalaan natatagpuan sa kabuuan, walang kasiraan.
"Integrity" sa Inggles hiniram sa wikang Latin, "integer" at "integritas" na kahuluga'y "intact" o buo: nakakabit, sama-sama hindi sabog at kalat-kalat.
Ito ang tinaguriang integrity: karangalan dahil buo ang pagkatao nababakas sa kanya larawan at wangis ng Lumikha na Siyang pinagmumulan at pinag-uugatan ng ating katauhan at karangalan.
Sa isang pinuno, ito ang batayan at ugat ng kanyang pamumuno buo at hindi wasak, may kaisahan kanyang iniisip, sinasabi at ginagawa kaya siya ay buo at mayroon karangalan.
Malalaman natin kung tunay at hindi huwad ating pinuno kapag kanyang katauhan ihalintulad sa punong kahoy upang matukoy kanyang karangalan.
Malalim ba kanyang pagkakaugat sa katotohanan at kabutihan hindi pumapanig at di mabubuwal ng kasinungalingan?
Matuwid at matayog ba kanyang mga pananaw at inaasam, sinisikap matanawan, masundan kaliwanagan ng katotohanan at katuwiran?
Nagsasanga hindi ang dila kungdi mga bisig upang abutin di lamang langit kungdi iba pang sanga upang lumabay at liliman sino mang kumakanlong?
Katulad ng puno ng kahoy ikababagsak o ikatatayog ng sino mang puno ng sambahayan, pamayanan, pamahalaan, at simbahan ay nasa kayang kabuuan o karangalan bilang nilalang.
Lawiswis Ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-21 ng Setyembre 2019
Larawan kuha ni G. Chester Ocampo sa Catanduanes, Abril 2019.
Isang gabi pagkaraang magdasal at magnilay kinailangang pansinin at sagutin isang nagtext sa akin: kanyang tanong ay napakalalim bumaon din sa aking loobin.
Aniya'y, "bakit nagkaganito ang buhay namin?" isang tanong tumimo sa akin marahil ilang ulit din sa inyo dumating nakaka-praning, ang hirap sagutin bagkus maraming katanungan pa rin.
Ang hirap naman kasi sa atin kapag maganda buhay natin dinaraanang landasin ayaw suriin sa pag-aakalang kasiyahan magpapatuloy pa rin hindi alintana lahat lilipas din.
Kapag ito ang naitatanong natin mas malamang mga salarin ng suliraning kinalalagyan natin tiyak hanggang ngayon ay mga tulog at lasing pa rin hindi kayang aminin ni tanggapin kanilang pagkukulang din.
Kaya kung ikaw ay nagtatanong "bakit nagkanito buhay natin?" tiyak ikaw ay gising at higit na mapalad pa rin iyong maaapuhap balang araw dahilan nitong hantungang hindi para sa atin.
Mga taong nagpapasakit sa atin kadalasan maraming sugat at sakit na dalahin sadyang kaawa-awa kung tutuusin ni hindi nila batid bakit nagkanito buhay natin sigaw ng kanilang loobin sila'y pansinin at saklolohan natin!
Larawan kuha ni G. Chester Ocampo sa Catanduanes, Abril 2019.
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-17 ng Setyembre 2019
Relasyon at ugnayan hindi emosyon at damdamin ang sabi natin na pangunahin turo sa atin ng talinhaga ng alibughang anak.
Kay gandang larawan ng Diyos ang nakintal sa ating puso't isipan nang ilahad ng mahabaging ama sa dalawang anak niya na sila ay iisang pamilya, binibigkis ng buhay na mula sa kanya.
Ano mang kasalanan ay mapapatawad maging kamatayan ay malalampasan nitong habag at awa ng Diyos na ibinuhos kay Kristo Hesus para sa ating mga alibughang anak niya.
Ganyan ang habag at awa ng Diyos bilang Ama na dumadaloy din mula sa kanyang pagiging ina nang mawika niya, "hindi kita malilimutan kailanman katulad ng isang ina sa kanyang anak na mula sa kanyang sinapupunan."
Para sa kanilang kaisipan, ang habag at awa ay "hesed" --- damdaming napaka-lalim gaya ng pag-ibig nagpapahiwatig ng maka-amang katapatan at pananalig.
Nagmumula ito sa sinapupunan o "raham" --- yaong matris ng kababaihan na siyang kanlungan ng simula ng buhay, lundo ng katuwaan pagsapit ng kagampan kapag napawi mga agam-agam, pagsilang ng bagong buhay.
Kapag umiiral habag at awa sa ating buhay doon tayo buong-buo sa pagkatao nagiging ganap at banal tulad ng Diyos puno ng buhay at pagmamahal.
Kaya't kapag mga patayan ay naglipana at pagkitil sa buhay ang nakikitang paraan upang lunasan maraming kasalanan at kasamaan nasisira ating kapatiran, di maglalaon, tayo ang mababaon.
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-16 ng Setyembre 2019
Maraming salamat, Rdo. LA Bautista sa kanyang pagninilay para sa Misa kahapon.
Ang Pagbabalik ng Alibughang Anak ni Rembrandt. Mula sa Google.
Hindi ko pa rin mapigilan pagnilayan at namnamin kahulugan ng talinhaga ng alibughang anak at ama niyang mahabagin.
Ugnayan at relasyon, hindi emosyon batayan ng Mabathalang awa at habag ang siyang tinuturo ng Panginoon dapat sana tayo ay magkaroon.
Kapag namamalas natin tanawing hindi nakagigiliw tulad ng mukhang nahahapis at tumatangis, kapansanang nakahihindik o kapalarang mapait ating damdami'y naaantig, kaya tayo ay naaawa.
Ngunit, wala naman tayong magawa kungdi lumuha at kung mayroon man maibibigay, kaunting barya ay tama na; kaya naman kung hapis sa kalooban ang tinitiis hindi natin ito pansin kaya kahirapan ng iba ating pang diniriin.
Ito ang masaklap nating nakakalimutan Katulad ng magkapatid sa talinhaga na kapwa alibugha: Dahil sa kanilang pagkagumon sa mga kayamanan Ugnayan nila sa ama at isa't-isa, nawalang tuluyan.
Masdan at namnamin, sinasabi ng Ama sa atin, "Anak, lagi kitang kapiling; lahat ng akin ay sa iyo rin. Dapat tayo magsaya at magalak kapag inyong kapatid Ay nagsisisi at nagbabalik" (Lk.15:31).
Ang Diyos ay ipinakilala sa atin bilang Ama sapagkat buhay nating lahat sa kanya buhat na tulad ng sino mang ama, sinisikap itaguyod at pangalagaan protektahan at ipaglaban kung sakaling pagbantaan.
Relasyon at hindi emosyon ang batayan at pinagmumulan ng awa at habag sa atin ng Diyos nating Ama kaya naman kahit ito ay mawala at mamatay kanyang hihintayin, hahanapin, at bubuhayin pa rin!
Lawiswis Ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-26 ng Agosto 2019
Mula sa Google.
Ano ba itong pinagsasabi ni Imee na technically wala tayong bayani kasi walang upisyal na sinasabi kung sinu-sino ating mga bayani?
Pati ba naman sa mga bayani kailangan pang gamitan ng technicality?
Kung sabagay, hindi rin masisisi si Imee sa pagsasabi at pag-iisip ng ganiri dahil ito ang nakadidiri: pamilya niya'y yaring nagpipilit kilalanin silang bayani!
Technically, Imee, maski pilitin mo kami kailanma'y hindi magiging bayani iyong dadi lalo na noong kami'y inyong dinale Nobyembre 2016 nang dalhin ninyo siya sa Libingan ng mga Bayani.
Kailangan pa ba ang technicality gayong nauuna palagi pagkabayani maliban lamang kapag wala naman talagang kabayanihang nangyari!
At ito ang higit na nakakadiri sa pinagsasabi ni Imee: hindi maikakaila, huling-huli pineke ng kanyang dadi pagkabayani na hindi naman nangyari at ni walang nakasaksi maliban kanyang sarili?!
Napatunayan ng U.S. Army noon pang 1980's sa masusi nilang pagsasaliksik na isang panloloko at walang katotohanan mga pinangalandakang U.S. war medals ni Marcos noong ikalawang digmaang pandaigdig.
Higit pa sa technicality kungdi historicity ang nagsasabi sino talaga ang bayani sapagkat tiyak na mamumulaklak at hahalimuyak ano mang buti naihasik ng sino man na bayan ang inuna bago ang sarili!
Tinuturing siyang banal at makapangyarihan Tinutulad sa Panginoong kanyang pinaglilingkuran Kaya madalas kanyang nalilimutan Siya ma'y tao na mahina at makasalanan.
Pinili mula sa karamihan Hindi dahil sa pambihirang katangian Maliban sa kabutihan ng Panginoong sinusundan Siya ay pinag-uubra lamang.
Ikaw pari ay alagad ni Kristo Hindi ikaw ang Kristo Kaya huwag kang malilito Maski ika'y naka-abito, hindi ikaw ang sasambahin ng tao!
Dumapa, nagpapakumbaba, at sumumpa Buong buhay ilalaan, puso walang ibang laman Kungdi si Kristo ang tanging yaman Hindi tawag ng laman o ng sanlibutan.
Pangakong ipagdiriwang mga sakramento Tinatalikuran kung wala o maliit matatangap na istipendo; Umoo na ipapahayag at isasabuhay salita ng Diyos Ngunit sa pulpito parang loro Mga komentaryo sa radyo at peryodiko ang kabisado.
Hindi nag-aasawa upang mamuhay kaisa si Kristo Magiging masunurin, mamumuhay ng payak Ngunit sa kanyang mga gayak agad matitiyak Maraming layak: kungdi babae, lalake na kunwa'y palaki O dili kaya'y ampon na kamukha naman paglaki!
Mula sa Google.
Ano ang nangyari at tila kaluluwa'y ipinagbili Pari naging makasarili, puri sinasantabi Sinasanto lamang kanyang sarili Bawat utos hindi nababali, bawat naisin naikakatwiran?
Itong ating pintakasi ang nagsabi Ang pari ay paalala ng Krus na siya ring ating hugis; Alin lamang sa dalawa ang maaring mangyari: Ika'y buong-buo sa Diyos o ika'y buong-buo sa sanlibutan?
Huwag nating kalilimutan, higit sa "tawag" ng pagpapari Ay ang "tumatawag" sa ating Punong Pari: Ika'y pari ni Kristo, hindi artista na kailangan ng gluta; Sapat na ang maging pari ni Kristo, hindi kailangan ng monumento; Higit sa lahat, hindi tayo ang aalalahanin ni gagayahin Kungdi si Hesus na Panginoong natin.
Kayong mga madla, huwag ninyo kaming sambahin Sapat na kami'y bigyan ng malamig na inumin, Tanggapin, at higit sa lahat, ipanalangin; Sapagkat kung tutuusin, kaming mga pari ay katulad ninyo rin Mga aliping walang kabuluhan na tumutupad lamang sa tungkulin (Lukas 17:10)!
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, ika-29 ng Hulyo 2019
Minsan sa aking pananalangin Sa Panginoon ako'y dumaing Ngunit ang sumagi sa akin Yaring tagpo nang kanyang sabihin:
"Marta, Marta naliligalig ka At abalang-abala sa maraming bagay Ngunit iisa lamang ang talagang mahalaga."
Kaya naman naglaro sa aking isipan Paano mangatwiran si Marta kung tayo sinabihan At marahil ganito kanyang tinuran: "Ako pa ba ngayon ang naliligalig Gayong batid ninyo Panginoon Pandarambong at kasakiman ng karamihan Pagkagahaman sa kayamanan ng ilan Habang kaming maliliit ang labis nahihirapan?"
At waring sumagi sa akin wika ng Panginoon, "Marta, Marta iisa lang ang mahalaga: Sa akin ay manalig ka sapagkat sinabi ko na, Mapapalad ang mga aba at dukha Na walang inaasahan kungdi ang Diyos."
Napahupa aking kalooban samandali Ngunit muli nag-alimpuyo aking galit at ngitngit Aking naisip isa pang hirit ni Marta Nang sa kanya'y nasambit: "Ako pa ba ngayon Panginoon ang nababahala At tila hindi mo alintana mga ginagawa ng masasama Na parang sila pa yata ang pinagpapala Pinapalakpakan, hinahangaan ng karamihan?"
At yaring sumagi muli ang wika ng Panginoon, "Marta, Marta isa lang ang kailangan kaya matuwa ka Kung dahil sa akin ika'y inaalimura, inuusig Pinagwiwikaan ng mga kasinungalingan: walang natatago Na di malalantad, walang lihim na hindi malalaman at mabubunyag."
Sa iyo ginigiliw kong kaibigan Nabibigatan sa maraming pinapasan Nahihirapan sa mga pinagdaraanan Laging tandaan si Kristo lamang ating kailangan.
Katulad ni Santa Martang uliran Tanging si Hesus ang asahan at abangan Ipagpatuloy gawang kabutihan Iyong pangarap tiyak makakamtan!