Lawiswis Ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-03 ng Enero 2020

Ikalawa ng Enero binati ko ng "Maligayang Pasko" magandang kahera ng paradahan sa Trinoma.
Ngumiti at bumati sabi ng binibini, "Happy New Year! Tapos na po ang Pasko" kanyang nawika mula sa munti niyang bintana.
Nagpaliwanag ako habang kanyang binibilang bayad ko. "Miss, hindi pa tapos ang Pasko; kaya may bagong taon kasi sinilang si Kristo!"

Bakit nga ba tayo ganito turing sa Pasko isang petsa sa kalendaryo kaya pagsapit na Enero a-primero akala'y tapos na ito?
Sana'y ating mapagtanto na isang kuwentong nagpapatuloy sa pamumuhay nating mga Kristiyano itong Pasko nang ang Diyos ay maging tao.
Kapag ang Pasko ay tinuring nating isang bilang lamang ng mga araw at buwan maski ilang libong taon pa iyan - pagsusuma at pagtutuos lamang hahantungan.

Magkano napamaskuhan o mayroon bang Christmas bonus diyan mga katanungan pumapailanlang pagsapit ng Kapaskuhan sa karamihan.
Diwa at kahulugan ng pagsilang ni Hesus tiyak malilimutan kapag sarili lamang ating tiningnan kaya ating minamadali pati pagbati ng happy new year muli.
Hanaping muli si Kristo sa Pasko at tiyak ating matatanto di natatapos pagdiriwang na ito na kailangan nating ihatid palagi si Kristo sa ating mundo!
























