Lawiswis Ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-03 ng Enero 2020
Ikalawa ng Enero
binati ko ng "Maligayang Pasko"
magandang kahera
ng paradahan sa Trinoma.
Ngumiti at bumati
sabi ng binibini, "Happy New Year!
Tapos na po ang Pasko"
kanyang nawika mula sa munti niyang bintana.
Nagpaliwanag ako
habang kanyang binibilang bayad ko.
"Miss, hindi pa tapos ang Pasko;
kaya may bagong taon kasi sinilang si Kristo!"
Bakit nga ba tayo ganito
turing sa Pasko isang petsa sa kalendaryo
kaya pagsapit na Enero a-primero
akala'y tapos na ito?
Sana'y ating mapagtanto
na isang kuwentong nagpapatuloy
sa pamumuhay nating mga Kristiyano
itong Pasko nang ang Diyos ay maging tao.
Kapag ang Pasko ay tinuring nating
isang bilang lamang ng mga araw at buwan
maski ilang libong taon pa iyan -
pagsusuma at pagtutuos lamang hahantungan.
Magkano napamaskuhan o
mayroon bang Christmas bonus diyan
mga katanungan pumapailanlang
pagsapit ng Kapaskuhan sa karamihan.
Diwa at kahulugan ng pagsilang
ni Hesus tiyak malilimutan
kapag sarili lamang ating tiningnan
kaya ating minamadali pati pagbati ng happy new year muli.
Hanaping muli si Kristo sa Pasko
at tiyak ating matatanto
di natatapos pagdiriwang na ito
na kailangan nating ihatid palagi si Kristo sa ating mundo!