Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-12 ng Hunyo 2024
Mula sa Colombo Plan Staff College, cpstech.org, 12 June 2020.
Tuwing sasapit petsa dose ng Hunyo problema nating mga Filipino nahahayag sa pagdiriwang na ito: alin nga ba ang wasto at totoo, Araw ng Kalayaan o Araw ng Kasarinlan?
Parehong totoo, magkahawig sinasaad ng mga ito ngunit malalim at malaki kaibahan ng mga ugat nito: kung pagbabatayan ating kasaysaysan araw ito ng kasarinlan nang magsarili tayo bilang isang bansa pinatatakbo ng sariling mamamayan, magkakababayan; ngunit totoo rin namang sabihing higit pa sa kasarinlan ating nakamtan nang lumaya ating Inang Bayan sa pang-aalipin ng mga dayuhan!
Kuha ng may akda, Camp John Hay, 2018.
Maituturing bang mayroon tayong kasarinlan kung wala namang kalayaang linangin at pakinabangan ating likas na kayamanan lalo na ang karagatan gayong tayo ay bansang binubuo ng mga kapuluan? Tayo nga ba ay mayroong kasarinlan at nagsasariling bansa kung turing sa atin ay mga dayuhan sa sariling bayan walang matirhan lalo mga maliliit at maralitang kababayan dahil sa kasakiman ng mga makapangyarihan sa pangangamkam?
Gayon din naman ating tingnan kung tunay itong ating kalayaan marami pa ring nabubulagan, ayaw kilalanin dangal ng kapwa madalas tinatapakan dahil ang tunay na kalayaan ay ang piliin at gawin ang kabutihan kaya ito man ay kasarinlan dahil kumawala at lumaya sa panunupil ng sariling pagpapasya na walang impluwensiya ng iba kundi dikta ng konsiyensiya!
Larawan kuha ni G. Jay Javier sa Luneta, 2022.
Kalayaan at kasarinlan kung pagninilayan dalawang katotohanang nagsasalapungan kung saan din matatagpuan ang kabutihan, paglago at pagyabong ng ating buhay!
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-16 ng Hunyo, 2024
Larawan kuha ng may-akda, Our Lady of Fatima University-Sta. Rosa, Laguna, 2023.
Mula pa man noong una pinuna ko na pagdiriwang ng araw ng mga ina at araw ng mga ama dahil sa katawa-tawang pagbati nila: "Happy Mother's Day" sa lahat ng Ina! "Happy Father's Day" sa lahat ng Ama! Kanino pa nga ba araw ng mga Ina kungdi sa mga nanay at ang araw ng mga Ama kungdi sa mga tatay? Kaya hindi ko mapigilang matawa sa tila dispalenghagang turing nila na mother's day sa mga Ina at father's day sa mga Ama: e para kanino pa nga ba mga araw na iyon?
Nguni't sadyang mapagbiro itong tadhana nang aming ihatid si ina sa kanyang himlayan noong Sabado, kinabukasa'y ikatlong Linggo ng Mayo, Araw ng mga Ina; hindi na ako natawa bagkus naiyak nang makita sa social media napakaraming pagbati sa kani-kanilang ina ng Happy Mother's Day; noon ko higit nadama sakit ng pagiging ulila sa ina, kalungkutan ng pangungulila sa nanay na hindi na makikita, mahahagkan at mayayakap palaging tanong kung ako'y kumain na?
Larawan kuha ng may-akda sa Benguet, 2023.
Tinakda ang Araw ng mga Ina tuwing ikatlong Linggo ng Mayo upang parangalan kadakilaan nila ngunit kung tutuusin araw-araw ay Araw ng mga Ina dahil wala nang hihigit pa sa pag-ibig nila sa atin katulad ni Jesus sarili'y sinaid at binuhos matiyak ating kaligtasan, kapayapaan at katiwasayan; hindi sasapat isang araw ng Linggo taun-taon upang mga ina ay pagpugayan, parangalan at pasalamatan dahil sa bawat araw ng kanilang buhay, sarili kanilang iniaalay; batid ng mga nanay lilipas kanilang buhay maigsi lamang kanilang panahon kapos buong maghapon walang sinasayang na pagkakataon pipilitin pamilya ay makaahon sa lahat ng paghamon.
May kasabihan mga Hudyo
nilikha daw ng Diyos ang mga ina
upang makapanatili Siya sa lahat
ng lunan at pagkakataon;
hindi ba gayon nga kung saan
naroon ang nanay, mayroong buhay
at pagmamahal, kaayusan at kagandahan
kaya naman sa Matandang Tipan
matatagpuan paglalarawan
sa Diyos katulad ng isang ina:
"malilimutan ba ng ina
ang anak na galing sa kanya,
sanngol sa kanyang sinapupunan
kailanma'y di niya pababayaan;
nguni't kahit na malimutan
ng ina ang anak niyang tangan,
hindi kita malilimutan"; iyan ang
katotohanan ng Diyos at mga ina
mapanghahawakan
hanggang kamatayan.
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-6 ng Mayo 2024
Larawan kuha ng may-akda, Anvaya Cove sa Morong, Bataan, ika-15 ng Abril 2024.
Sana'y dinggin itong aking awit tungkol sa pananahimik na higit sa pagwawalang-imik o kunwari'y pagiging bingi bagkus pakikinig na mabuti sa bawat tinig dahil ang katahimikan ay hindi kawalan kungdi kapunuan; sa katahimikan tayo ay bumabalik sa ating pinagmulan namumuhay tulad nang sa sinapupunan nakikiramdam, lahat pinakikinggan dahil nagtitiwala kaya naman sa pananahimik tayo ay nakakapakinig, nagkaka-niig, higit sa lahat ay umiibig dahil ang tunay na pag-ibig tiyak na tahimik hindi ipinaririnig sa bibig kungdi kinakabig ng dibdib maski nakapikit dama palagi ang init!
Ganyan ang katahimikan, hindi lamang napapakinggan kungdi nararamdaman nakabibinging katotohanan kaya laging kinatatakutan ayaw pakinggan iniiwasan di alintana sa kahuli-hulihan katahimikan ang tiyak nating hahantungan magpakailanman kaya ngayon pa lang ating nang kaibiganin ang katahimikan, matutunang harapin at tanggapin tulad ng sa salamin tunay na pagkatao natin upang pabutihin, dalisayin sa katahimikan pa rin.
Larawan kuha ng may-akda sa Bgy. Kaysuyo, Alfonso, Cavite, 27 Abril 2024.
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-01 ng Mayo 2024
Mga pasaherong nakasabit sa PUJ, kha ni Veejay Villafranca ng Bloomberg via Getty Images, Abril 2017.
(Isang tula aking nakatha sa inspirasyon ni Fr. Boyong sa pagninilay ng Araw ni San Jose, Manggagawa.)
Ngayong araw ng mga manggagawa ano nga ba aming ginagawa bilang halimbawa ng kabanalan at kabutihan sa paghahanap ng saysay at katuturan nitong buhay?
Kay saklap isipin walang kapagurang kayod ng karamihan habang kanilang sinusuyod alin mang landas maitaguyod lamang pamilyang walang ibang inaasahan, naghihintay masayaran mga bibig ng pagkaing kailangan di makapuno sa sikmurang kumakalam habang mga pari na nasa altar namumuwalan mga bibig sa lahat ng kainan at inuman, tila mga puso ay naging manhid sa kahirapan ng karamihan!
"Samahan mo kami, Father" sabi ng Sinodo na simula pa lamang ay ipinagkanulo nang paglaruan mga paksa sa usapan tinig at daing ng bayan ng Diyos hindi pinakinggan bagkus mga sariling interes at kapakanan, lalo na kaluguran siyang binantayan at tiniyak na mapangalagaan kaya si Father nanatili sa altar pinuntahan mayayaman silang pinakisamahan hinayaan mga kawan hanapin katuturan ng kanilang buhay.
Aba, napupuno kayo ng grasya mga pari ayaw na ng barya ibig ay puro pera at karangyaan mga pangako ay nakalimutan kahit mga kabalastugan papayagan puwedeng pag-usapan kung kaharap ay mayayaman pagbibigyan malinaw na kamalian alang-alang sa kapalit na ari-arian habang mga abang manggagawa wala nang mapagpilian kungdi pumalakpak at hangaan kaartehan at walang kabuluhang pananalita ni Father sa altar, kanyang bokasyon naging hanap-buhay.
San Jose, manggagawa ipanalangin mo aming mga pari maging tulad mo, simple at payak upang samahan aming mga manggagawa sa paghahanap ng kahulugan ng buhay kapiling nila. Amen.
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-09 ng Abril 2024
Caravaggio’s painting “The Incredulity of St. Thomas” (1602) from en.wikipedia.org.
Sa tuwing maririnig ko ang kuwento kay Santo Tomas Apostol ni Kristo, ako'y nanlulumo dahil batid ko hindi ayon turing natin sa kanya na "Doubting Thomas" gayong tanging tag-uri sa kanya ng Ebanghelista ay "Didymus" o "Kambal"; nag-alinlangan nga si Tomas sa balitang napakita si Jesus na muling nabuhay sa kanyang mga kasama nguni't kailanma'y di nabawasan kanyang paniniwala at pagtitiwala.
Malaking pagkakaiba ng hindi maniwala sa hindi makapaniwala na isang pag-aalinlangan bunsod ng kakaibang pakiramdam tulad ng pagkamangha o ng tuwang walang pagsidlan sa isang karanasang napaka-inam ngunit hindi maintindihan balot ng hiwaga at pagpapala gaya nang mabalitaan ni Tomas paanong nakapasok sa nakapinid na mga pintuan Panginoong Jesus na muling nabuhay.
Katulad ng kanyang mga kasamahan nonng kinagabihan ng Linggo ding iyon, wala ding pagsidlan tuwa at kagalakan ni Santo Tomas nang sa kanya inilarawan ipinakitang mga kamay ni Jesus taglay pa rin mga sugat natamo sa pagpapako sa Krus nagpapatunay na Siya nga ang Panginoong nagpakasakit at namatay noon, nabuhay muli ngayon!
Hindi ba
ganyan din tayo
sa gitna ng ating mga
pag-aalinlangan
bagama't damang dama
natin ang katotohanan
ng mga pagpapala at biyaya
hindi tayo makapaniwala
sa kadiliman ating natagpuan
liwanag ni Kristo habang sa
kawalan naroon Kanyang
kaganapan at kapunuan?
Sandigang ating pinananaligan
dasal na nausal ni Tomas na
banal pagkakita kay Jesus
na muling nabuhay,
"Panginoon ko
at Diyos ko!"
Huwag tayong matakot kung tayo ay mag-alinlangan at kung minsa'y hindi makapaniwala sa mga gawa ng Diyos na sadyang kahanga-hanga; sa mundong ito na ang pinanghahawakang kasabihan ay "to see is to believe", ang kabaligtaran nito ang siyang katotohanang ating mapapanaligan, "believe that you may see" dahil sa dilim at kawalan parati dumarating ang Panginoong Jesus natin!
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II Ika-pitong Huling Wika ni Jesus, 27 Marso 2024
Larawan kuha ng may-akda, 2019.
Nang mag-iikalabindalawa ng tanghali, nagdilim sa buong lupain hanggang sa ikatlo ng hapon. Nawalan ng liwanag ang araw; at ang tabing ng templo’y napunit sa gitna. Sumigaw ng malakas si Jesus, “AMA, SA MGA KAMAY MO’Y IPINAGTATAGUBILIN KO ANG AKING ESPIRITU!” At pagkasabi nito, nalagot ang Kanyang hininga.
Lukas 23:44-46
Mayroon ba kayong bucket list ng mga bagay na dapat gawain o mga lugar na puntahan o kaya ay pagkaing kainin bago mamatay? Usung-uso mga bucket list na iyan ng mga dapat magawa, marating, matikman o masubukan ng isang tao bago raw mamatay.
Ipagpaumanhin ninyo na hindi ako naniniwala sa mga bucket bucket list na iyan na pawang kaartehan. “Father, goal setting po iyon” madalas paliwanag sa akin ng mga nakakausap kong kabataan. Para daw yung mga dream car o dream house na pinapangarap mo balang araw.
Hindi ko sinasabing huwag tayong magkaroon ng mga pangarap at mithiin sa buhay. Kailangan at mahalagang mayroon tayong plano sa buhay para sa kinabukasan pero iba ang pakahulugan ng bucket list: ito ay mga dapat magawa bago mamatay. E, bakit hindi mo pa gawain na ngayon, puntahan na ngayon o tikman mo na ngayon habang may oras pa sapagkat malalaman ba natin kung kailan tayo mamamatay?
Iyon ang ayoko sa mga bucket list – isang pag-aaksaya ng oras at panahon na pinag-iisipan mga gagawin, pupuntahan o kakanin bago mamatay e kung pwede namang gawain mo na ngayon dahil baka ngayon ka na rin mamatay! Hindi po ba?
Lahat naman tayo ay tiyak na mamamatay. Ang tanong sa wari ko ay hindi ano pa ba ang dapat kong gawin bago mamatay kungdi ano ang magagawa ko sa ngayon para sa aking pagpanaw ay patuloy na magbunga ng mabuti aking naging buhay.
Siguradong mamamatay tayo nguni’t magiging maayos ba ating kamatayan? Will we die well?
Larawan kuha ng may-akda, libingan ng mga Heswita sa Sacred Heart Novitiate, Novaliches, Marso 2023.
Ewan ko ba pero napansin ko lang habang tumatanda at nagiging totoong-totoo realidad ng kamatayan di lamang sa aking sarili kungdi sa mga malalapit sa akin na ang iba ay mga nangamatay na nga na kung tutuusin, ang ating kamatayan ang pinakamaganda at pangmatagalang regalo na maihahandog natin sa ating mga mahal sa buhay kung maiiwanan nating sila ng isang ganap at mabungang buhay.
Sa halip na pag-isipan natin kung ano pa yung magagawa natin sa nalalabing taon ng buhay natin na di nga nating alam kung hanggang kailan pa, ang dapat nating itanong sa sarili ay paano ako mamumuhay ng maayos at ganap upang sa gayon sa aking pagkamatay ay magbunga pa rin aking naging buhay sa aking mga maiiwan.
Huwag nating sayangin ang panahon sa pag-iisip sa hindi pa dumarating kungdi sa ano mayroon tayo ngayon sa sandaling ito. Sabi nga ng commercial ng Sprite, “magpakatotoo ka!” Get real by living fully in the present. Coming to terms with death is coming to terms with life. The moment we realize we shall die one day, that is when we start living authentically. And joyfully. Mamuhay tayo ng totoo at ganap gaya ng ating napagnilayan sa ika-anim na wika, ang mamuhay sa pagmamahal.
Namatay nang maayos si Jesus noong Biyernes Santo dahil naisuko o naitagubilin Niya ang lahat lahat ng sa Kanyang sarili sa Ama at para sa ating lahat sapagkat namuhay nga Siya ng ganap. Wala Siyang pinanghinayangang dapat ay nagawa o nasabi dahil nagawa at nasabi Niya mga mabubuting nararapat nang Siya ay buhay pa.
Tayo kaya? Linggu-linggo kitang kita ko sa mga pasyente at kanilang pamilya ang hapis at kalungkutan sa panghihinayang na sana ay naging mapagmahal sila, mapagpatawad, lahat na. Kay raming mga pasyente nakikiusap dugtungan pa kanilang buhay para magbago at iaayos kanilang sarili.
Iyon ang malungkot. Hindi nga natin alam kailan tayo magkakasakit o mamamatay kaya ang paghahanda sa kamatayan ay pamumuhay ng ganap. Mabuhay sa pagmamahal at kagalakan, habag at kapatawaran. Ipagdiwang palagi ang buhay, kumain ng masasarap kung kaya, mamasyal habang malakas, gawin kung ano man gustong gawin basta ba makabubuti. Totoo sinasabi ng marami, maigsi lang ang buhay para sayangin ito sa mga drama at pag-iisip.
Sa oras ng ating pagpanaw sa lupang ibabaw tulad ni Jesus noong Biyernes Santo, maibibigay kaya natin sa Diyos at mga mahal natin sa buhay ating sarili kalakip ng lahat ng pagmamahal, tuwa at kabutihan? Masasabi ba natin sa Diyos at kanino man na “itinatagubilin ko aking espiritu?”
Larawan kuha ng may-akda, Kapilya ni San Francisco Javier, Sacred Heart Novitiate, Novaliches, 20 Marso 2024.
Manalangin tayo:
Panginoong Jesu-Kristo, pagkalooban Ninyo ako ng biyaya na maisabuhay ko itong buhay kong ito sa Iyo at sa pamamagitan Mo upang sakaling ako ay pumanaw ano mang oras mula ngayon, katulad Mo ay aking maitagubilin sa Ama ang aking espiritu ng walang sakit panbghihinayang maging kasalanan bagkus puno ng tuwa at pasasalamat na pagyayamanin ng mga mauulila ko hanggang sa magkasama-sama kaming muli kaisa Ka sa Iyong Paraiso. Amen.
Salamuch po sa inyong pagsubaybay sa ating pagninilay sa Pitong Huling Wika ni Jesus. Maari ninyong balikan ang iba pang wika sa pagclick dito sa https://wordpress.com/view/lordmychef.com.
Nawa ay pagpalain kayong lagi ng Diyos sa ngalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo tungo sa mabiyayang Pasko ng Pagkabuhay. Amen.
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-26 ng Marso 2024 Ika-anim na Huling Wika ni Jesus
Larawan kuha ni G. Chester Ocampo, kapilya ng Immaculate Conception Seminary, Guiguinto, Bulacan, 30 November 2015.
May isang mangkok doon na puno ng maasim na alak. Itinubog nila rito ang isang espongha, ikinabit sa sanga ng isopo at idiniit sa Kanyang bibig. Nang masipsip ni Jesus ang alak ay Kanyang sinabi, “NAGANAP NA!” Iniyukayok Niya ang Kanyang ulo at nalagot ang Kanyang hininga.
Juan 19:29-30
Kung minsan ako ay nalulungkot tuwing Huwebes Santo kapag natutuon ang pansin ng mga tao sa rito ng paghuhugas ng pari sa mga paa ng ilang mananampalataya. Tunay na kakaibang eksena at karanasan iyon sa mga tao ngunit ang totoo, hindi naman talagang bahagi ng Misa ng Huwebes Santo ang naturang paghuhugas ng mga paa na puwede namang hindi ganapin.
Ang tunay na lundo ng Banal na Misa ng Huwebes Santo ay naroon sa bahagi ng Ebanghelyong nagsasaad ng diwa ng paghuhugas ni Jesus sa mga paa ng kanyang mga alagad:
Bisperas na ng Paskuwa. Alam ni Jesus na dumating na ang panahon ng kanyang paglisan sa sanlibutang ito upang bumalik sa Ama. Mahal niya ang kanyang mga tagasunod na nasa sanlibutan, at ngayo’y ipakikita niya kung hanggang saan ang kanyang pag-ibig sa kanila.
Juan 13:1
Hanggang saan nga ba ang pag-ibig sa atin ni Jesus?
Hanggang sa wakas. O, end sa Inggles. Ngunit kapag sinabi nating hanggang sa wakas, parang mayroong hangganan ang pag-ibig natin kaya ang pahayag na ginamit sa pagkakasalin ay “ipakikita niya kung hanggang saan ang kanyang pag-ibig sa kanila.”
Mas mainam ang pagkakasalin sa Inggles ng huling pangungusap na nagsabing “He loved his own in the world and he loved them to the end.” Mula sa salitang Griyego na telos ang katagang wakas o end sa Inggles. Nguni’t salungat sa madalas nating isipin ang “wakas” bilang hangganan dahil ang telos ay nagpapahiwatig ng direksiyon at hahantungan na kaganapan o perfection. Hindi lang pagtigil at paghinto ang wakas o end.
Kaya naman nang sabihin ni Jesus doon sa Krus na “naganap na”, ang pakahulugan Niya ay ang kaganapan ng Kanyang misyon na mahalin tayong lahat hanggang sa wakas na siyang tinutukoy ng pahayag sa simula ng kanilang Paskuwa, “at ngayo’y ipakikita niya kung hanggang saan ang kanyang pag-ibig sa kanila” sa paghuhugas ng kanilang mga paa na ang kaganapan ay sa Kanyang kamatayan sa Krus kinabukasan ng araw ng Biyernes.
Ipinamalas sa atin ni Jesus ng buong-buo at ganap sa Kanyang pagkamatay sa Krus ang pag-ibig ng Ama para sa atin batay sa Kanyang sinabi kay Nicodemus, “Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan, kaya ibinigay niya ang kanyang bugtong na Anak” (Jn.3;16).
Kung tutuusin ay hindi naman kailangang mamatay si Jesus sa Krus upang tayo ay maligtas ngunit pinili pa rin Niya ito bilang tanda ng Kanyang pagmamahal sa ating lahat. Kaya naman dito rin nating makikita ang magandang kahulugan ng pagmamahal na hindi lamang basta pagtupad sa mga kautusan o pagiging mabuti sa kapwa. Sa kabuuan nito, ang pagmamahal ay pagiging-ganap ng ating buhay. Love is the perfection of life, ayon kay Thomas Merton, isang mongheng Amerikano noong araw.
Kapag tayo ay nagmamahal, tayo ay nagiging ganap tulad ng Diyos! Kaya, basta magmahal lang ng magmahal hanggang masaktan dahil hindi iyan mauubos tulad ng Diyos.
Mga minamahal, yamang gayon kadakila ang pag-ibig ng Diyos sa atin, dapat din tayong mag-ibigan. Walang taong nakakita sa Diyos kailanman, ngunit kung tayo’y nag-iibigan, nasa atin siya at nagiging ganap sa atin ang kanyang pag-ibig.
1 Juan 4:11-12
Mula sa unang sulat ding iyan ni San Juan, ating matutunghayan ang pahayag niya na ang Diyos ay pag-ibig na ayon sa dating Santo papa Benedicto XVI sa kanyang unang encyclical na Deus Caritas est, ito ang pinaka-malalim na pahayag tungkol sa Diyos na hindi matatagpuan sa ibang relihiyon maliban lamang sa Kristiyanidad.
Mga ginigiliw ko, Diyos lang ang makapagmamahal sa atin ng ganap. Tanging si Jesus lang ang makapagmamahal sa atin ng ganap na Kanyang pinatunayan doon sa Krus.
Palagi kong sinasabi, “human love is always imperfect” kaya hayaan nating punan ni Jesus, gawin Niyang ganap at buo ang ating pagmamahal na palaging kapos at kulang. Maari itong mangyari kapag tayo nagsimulang magparaya at magpatawad, magbigay ng walang hinihintay na kapalit, manahimik kesa kumibo at humaba pa usapan. Tanggapin natin at angkinin mga sakit at sugat natamo natin sa imperfect love ng pamilya at kaibigan o sino pa man.
Tularan natin si Jesus na nagpakasakit at naghandog ng buhay sa Krus dahil sa pag-ibig.
Manalangin tayo para sa mga minamahal natin at sa nagmamahal sa atin sa kabila ng ating mga imperfection:
Panginoong Jesu-Kristo, sana makapagmahal din ako tulad Mo hanggang kamatayan; sana masabi ko rin sa wakas tulad Mo "naganap na"; patawarin po Ninyo ako sa maraming pagkakataon na hindi pa rin tapos at patuloy pa rin sa pagnanana ng mga sugat kong natamo sa imperfect na pagmamahal ng kapwa kaya hindi ako maka-move on dahil nilalamon akong buhay ng mga sugat at alaalang ito kaya hindi ako lumago at maging ganap sa Iyo. O Kristo Jesus, patawarin po Ninyo ako at turuang magpatawad dahil sa pagpapatawad kami tunay na nagmamahal ng ganap tulad Mo. Amen.
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, 25 Marso 2024 Ikalimang Huling Wika ni Jesus
Larawan kuha ni Dean Mon Macatangga ng Our Lady of Fatima University, Valenzuela, 2023.
Pagkatapos nito, alam ni Jesus na naganap na ang lahat ng bagay; at bilang katuparan ng Kasulatan ay sinabi niya, “NAUUHAW AKO!” May isang mangkok doon na puno ng maasim na alak. Itinubog nila rito ang isang espongha, ikinabit sa sanga ng isopo at idiniit sa kanyang bibig.
Juan 19:28-29
Ito ang ikalawang pagkakataon na si Jesus ay nauhaw na bukod tanging makikita lamang natin sa ikaapat na ebanghelyo. Unang nauhaw si Jesus nang Siya ay makiinom sa babaeng Samaritana sa balon ni Jacob sa bayan ng Sychar sa Samaria (Jn.4:7). Sa tagpong iyon naganap ang napaka-gandang usapan sa pagitan ng nauuhaw nating Panginoon at ng babaeng Samaritana nauuhaw sa Diyos, sa pag-ibig at habag.
Mahirap ang mauhaw. Hindi tulad ng gutom na maaring idaan sa tulog. Tiyan lang ang kumakalam kapag tayo ay gutom ngunit kapag tayo nauhaw, dama ng buong katawan ang panghihina. Ramdam na ramdam at nanunuot sa laman at buto ating pagkauhaw. Kaya naman, malalim ang kahulugan ng pagiging uhaw na maaring hindi lamang sa tubig kungdi sa iba pang mahahalagang bagay kailangan ng ating kalooban.
Pagmasdan at damang-dama pagkatao tulad natin ni Jesus nang sabihin Niyang “Ako’y nauuhaw” higit pa sa tubig kungdi ang Kanyang pagkauhaw sa ating pagmamahal at pansin.
Alalahaning sa Ebanghelyo ayon kay San Juan, ang tubig ang isa sa mga pangunahing tanda ni Jesus bilang Kristo. Doon sa kasalan sa Cana nang gawin alak ni Jesus ang mga sinalok na tubig sa banga una Siyang nakilala bilang Kristo. Pagkatapos nito ang sumunod na eksena ang pagbisita sa gabi ng Pariseong si Nicodemo kay Jesus na noon unang binanggit ang tungkol sa pagbinyag o pagsilang muli sa tubig at espiritu (Jn.3:5). Sumunod na eksena doon ang paghingi ni Jesus ng tubig sa babaeng Samaritan kung saan Siya ay nagpakilala bilang “buhay na tubig” (Jn.4:10).
Sa pagsasabi ni Jesus doon sa Krus na Siya ay nauuhaw, Kanyang ipinahahayag di lamang ang pagkauhaw sa tubig kungdi higit pa! Kay laking kahangalan nang bigyan Siya ng ordinaryong alak ng isang sundalong Romano upang mainom. At madalas ay ganoon din tayo kay Jesus na nangakong “ang uminom ng tubig na ibibigay ko ay hindi na muling mauuhaw. Ito ay magiging isang bukal sa loob niya, babalong, at magbibigay sa kanya ng buhay na walang hanggan” (Jn.4:14).
Maliwanag higit pa sa tubig kungdi pag-ibig at malasakit ang kinauuhaw ni Jesus doon sa Krus. Noon at hanggang ngayon.
Si Jesus ang nauuhaw na misis at ina sa pagmamahal at kalinga ng kanyang taksil na kabiyak at mga lapastangang anak na walang iniisip kungdi kanilang mga sarili.
Si Jesus ang nauuhaw na mister at ama na OFW nasa ibang bahagi ng mundo na walang inaasam-asam kungdi ang mga simpleng tawag at texts ng pamilya na papawi ng kanyang pagod at lungkot.
Si Jesus ang nauuhaw na lolo at lola na pakiramdam ay nag-iisa at nawawala dahil sa Alzheimer’s o sa stroke na walang pumpansin sa loob mismo ng kanilang tahanan.
Si Jesus ang nauuhaw na kabataan naghahanap ng panahon at malasakit ng magulang at mga kapatid upang magkaroon ng direksiyon ang buhay, higit pa sa mga binibigay sa kanilang mga gadgets, damit at mga salapi.
Si Jesus ang nauuhaw na maaring katabi mo ngayon naghahanap ng papansin sa kanya, na ngingiti sa kanya at magpaparamdam na siya ay welcomed at, masarap mabuhay!
Huwag nating tularan ang mga sundalong Romano o ang babaeng Samaritana na naghagilap ng mineral water para kay Jesus na naroroon sa bawat taong nakakasalamuha natin.
Ang pinakamainam at masarap na tubig nating maiaalok sa sino mang nauuhaw ay nanggagaling sa kaibuturan ng ating puso at kaluluwa kung saan nanahan si Jesus sa atin na puno ng habag at pag-ibig. Mauhaw tayo kay Jesus dahil tanging Siya lamang makapapawi at makatitighaw sa ating pagka-uhaw.
Manaling tayo.
Minamahal kong Panginoong Jesus, patawarin po Ninyo ako kapag pinapawi ko aking pagka-uhaw sa kung ano-anong alok ng mundo na kadalasan lalo lamang ako nauuhaw, tuyot, at hungkag; punuin mo ako ng IYONG SARILI upang higit KITA na maibahagi sa kapwa ko nauuhaw dahil IKAW lamang ang makakapawi sa aming pagkauhaw sa kahulugan at kaganapan ng buhay. Amen.
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, 24 Marso 2024 Ikaapat na Huling Wika ni Jesus
Larawan kuha ng may-akda, Kapilya ni San Francisco Javier, Sacred Heart Novitiate, Novaliches, 20 Marso 2024.
Mula sa tanghaling tapat hanggang ikatlo ng hapon ay nagdilim sa buong lupain. Nang mag-iikatlo ng hapon, sumigaw si Jesus, “ELOI, ELOI, LEMA SABACHTANI?” ibig sabihi’y “DIYOS KO, DIYOS KO, BAKIT MO AKO PINABAYAAN?”
Mateo 27:45-46
Sa tagpong ito ating mababanaagan kadakilaan ng pagmamahal sa ating lahat ng Diyos, Siya na ganap, walang kapintasan at kakulangan (perefect) ay piniling maging katulad nating hindi ganap (imperfect) bilang tao sa lahat ng bagay maliban sa kasalanan kay Kristo Jesus.
Pinili at mas inibig ng Diyos kay Kristo na maging tao upang maranasan hirap at sakit natin maging ang kamatayan, lalo’t higit ang magdusa at mamatay na nag-iisa at iniwanan ng lahat doon sa Krus.
Ano mang paghihirap at pagdurusa ay nagiging napakabigat kapag ika’y nag-iisa, na walang kasama ni karamay. Ito pinakamasaklap sa panahon natin ngayon maging sa ating bansa na dati rati’y walang mga bahay ampunan para sa matatanda ngunit nagyon ay naglipana na dahil sa maraming matatanda ang iniiwan, tinatalikuran di lamang ng mga kamag-anakan kungdi pati ng lipunan. Ito ang dahilan kung bakit si Santa Mother Teresa ay bumuo noon ng samahan na mag-aalaga sa mga tinaguriang “poorest of the poor” sa India nang makita niya maraming may-sakit sa Calcutta namamatay nang mag-isa. Hindi lamang ito totoo sa mga mahihirap na lugar kungdi maging sa mga mauunlad na lupain ay maraming matatanda ngayon ang namamatay na lamang ng mag-isa sa buhay.
Larawan kuha ng may-akda, Baguio City, 2023.
Iyan man ay pinagdaanan ni Jesus lalo na noong ipinako siya sa krus na halos iwanan siya ng lahat. Sa labingdalawang alagad niya, naghudas ang isa habang ang pinuno naman nila ay ikinaila siya ng tatlong ulit kaya’t nagtago noon kasama ang iba pang mga alagad. Tanging si Juan na minamahal na alagad ang nanatili sa paanan ng krus ni Jesus kasama ang kanyang Ina na si Maria at ilan pang mga kababaihan.
Nasaan ang mahigit limang libong tao na pinakain ni Jesus sa ilang? Wala din doon ni isa sa mga pinagaling niyang mga may-sakit. Nawala at naglaho ang lahat ng tao na tuwang-tuwang sumalubong kay Jesus noong Linggo ng Palaspas.
Ngunit kailan man ay hindi naramdaman ni Jesus ang pagiging mag-isa doon sa Krus. Tulad ng sino mang mabuting Judio, dinasal ni Jesus noon ang Salmo 22, ang awit ng panaghoy, ng pagpapakasakit at buong pagtitiwala sa Diyos.
Ito ang mabuting balita ng pagkamatay ni Jesus sa Krus: mula noon tayong mga tao ay hindi na mag-iisa sa mga hirap at tiisin nitong buhay maging kamatayan dahil kasama na natin ang Diyos kay Jesus.
Ito ang ating consolation o consuelo, wika nga.
Mula sa dalawang katagang Latin na con (with) at solare (alone) na ibig sabihin ay samahan ang nag-iisa, naging pinakamalapit at tunay na kaisa tayo ng Diyos sa tuwing tayo ay nasa gitna ng mga tiisin at hirap sa buhay maging kamatayan dahil sa pagdamay sa atin ni Jesus doon sa Krus upang sa gayon sa kanyang muling pagkabuhay tayo man ay kanyang makasama at makaisa.
Sapagkat siya ma’y tinukso at nagbata, kaya ngayo’y matutulungan niya ang mga tiutukso.
Hebreo 2:18
Sa tatlong taon kong pagiging chaplain sa Our Lady of Fatima University at Fatima University Medical Center, nakita ko at naranasan sa maraming pagkakataon paano mga tao – bata man o matanda, mahirap at mayaman, may sakit o karamdaman maging mga malalakas at malusog ang pangangatawan – ay nararanasan ang pangungulila at pag-iisa sa gitna ng kanilang mga paghihirap at pagdurusa sa buhay. Marami sa kanila ang mag-isang umiiyak kasi maraming ginagawa o nasa kung saan-saan kanilang mga mahal sa buhay. Maraming pagkakataon nga naitatanong ko na lang kung mayroon pa bang umuuwi ng bahay o nakatira sa kanilang tahanan? Is anybody still home?
Larawan ng convolvulus tricolor mula BBC Gardeners World Magazine.
Halina at ipagdasal ang bawat isa, lalo na yaong mga nahihirapan, nagtitiis ng mag-isa sa buhay:
Diyos Amang mapagkalinga, ibinigay mo sa amin ang Iyong Anak na si Jesus upang aming maranasan Iyong pag-ibig at habag, ang Iyong pagpapagaling at pagkandili, ang Iyong kapanatilihan at kapayapaan upang hindi na kami mag-isa pa sa buhay na ito; maalala nawa naming palagi na kung kami man ay dumaraan sa napakatinding pagsubok sa buhay na tila nag-iisa at walang karamay, naroon si Jesus pinakamalapit sa amin dahil Siya ang unang nagpakasakit at namatay doon sa Krus para sa amin. Amen.
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-22 ng Marso 2024 Ikatlong Huling Wika ni Jesus sa Krus
Larawan kuha ng may akda, 2019.
Ang ikatlong wika ni Jesus sa Krus:
Nakatayo sa tabi ng krus ni Jesus ang kanyang ina at ang kapatid na babae nitong si Maria, na asawa ni Cleopas. Naroon din si Maria Magdalena. Nang makita ni Jesus ang kanyang ina, at ang minamahal niyang alagad sa tabi nito, kanyang sinabi, “Ginang, narito ang iyong anak!” At sinabi sa alagad, “Narito ang iyong ina!” Mula noon, siya’y pinatira ng alagad na ito sa kanyang bahay.
Juan 19:25-27
Napakagandang eksena ang ating natunghayan sa ikatlong wika ni Jesus doon sa krus, sa gitna ng kanyang paghihirap at pagtitiis ilang oras bago siya mamatay. Naroon kapiling niya si Maria na kanyang Ina, ang “ulirang alagad” at si Juan, ang “minamahal na alagad.”
Kapwa tumatayo noon sa paanan ng krus ang dalawang naturang alagad para sa ating lahat ngayon: si Maria na sumasagisig sa Inang Simbahan, ang Katawan ni Kristo na ating kinabibilangan bilang kanyang mga anak, bawat isa ay minamahal na alagad ni Jesus.
Ngunit, nababatid kaya natin ang karangalang ito sa ngayon na wala nang halos nagsisimba ni nagdarasal at walang pakialam sa paghihirap ng kapwa lalo ng mga magulang?
Hindi ko po napanood (at walang balak panoorin) yaong viral na namang video diumano ng isang guro na kinunan ng kanyang mga mag-aaral habang nagbibitiw ng masasakit na salita dahil sa matinding galit. Maraming guro ang dumamay sa kanya at hiniling sa mga tao na huwag siya husgahan.
Sang ayon po ako doon. Nakakalungkot, nakakadismaya at nakakahiya maraming tao ngayon lalo mga nakababata tulad ng mga mag-aaral na wala nang kahihiyahan at pakundangan sa hirap at malasakit ng kapwa. Masyadong entitled na nga yata mga tao ngayon na tila baga umiikot at umiinog ang mundo sa kanila.
Ngayon ko lang nadama ng husto bilang chaplain ng Fatima University Medical Center ang pagkatakot at balisa, pagluha at pagtangis ng isang ina para sa kanyang iniluwal na sanggol na kailangang ipasok sa ICU dahil sa sakit at suliraning pangkalusugan. Hindi biro ang makakita ng bagong silang na sanggol na maraming nakasaksak na mga munting tubo para lang mabuhay. Pagkatapos paglaki ay lalapastanganin mga maglang at matatanda? Kung nalalaman lang sana nila pagmamal at malasakit sa kanila noong sila’y mga sanggol na may sakit!
Larawan ng “Lady of Sorrows” sa triptych ng Master of the Stauffenberg Altarpiece, Alsace c. 1455; mula sa fraangelicoinstitute.com.
Ang mga salitang binigkas ni Jesus doon sa krus para sa kanyang Inang si Maria at sa minamahal niyang alagad na si San Juan ay patuloy niyang sinasabi sa atin ngayon upang tularan ang dalawang naturang alagad niya. Araw-araw ay hinihimok tayo ni Jesus na sariwain kanyang ikatlong huling wika doon sa krus sa pagmamalasakit at pagmamahal natin sa bawat kapwa lalo na yaong mga nahihirapan at nabibigatan sa buhay.
Si Maria ang unang alagad at ulirang alagad ng Panginoong Jesus dahil siya ang unang tumanggap sa kanya at nagsabuhay ng Ebanghelyo. Si Maria ang unang nanampalataya kay Jesus kaya naganap ang una niyang himala sa kasalan sa Cana, Galilea nang mamagitan si Maria na tulungan ang mga bagong kasal na naubusan ng alak. Nanalig si Maria kay Jesus kaya inutusan niya ang mga tagapag-silbi noon na gawin ano mang sabihin ni Jesus. Higit sa lahat, si Maria ang unang nanampalataya na muling mabubuhay si Jesus kaya sa kanya rin unang nagpakita ang Panginoon noong Pasko ng Pagkabuhay.
Sa lahat ng ito, itinuturo sa atin ng Mahal na Birheng Maria ang kahalagahan ng kaisahan o union kay Jesus sa pamamagitan ng matalik na ugnayan o intimacy sa Panginoon bilang kanyang kasama o companion sa misyon. Kaya kung tutuusin, si San Juan ay katulad din ni Maria sa pagiging ulirang alagad ni Jesus kaya naman tinagurian din siyang minamahal na alagad. At iyon din tayo sa paningin ng Panginoon!
Damahin natin ang tagpo doon sa krus. Pagmasdan ang marangal pa ring itsura ng Mahal na Birheng Maria sa gitna ng matinding hapis. Nakatindig siya (nakatayo) at hindi naglulupasay o nagwawala sa lapag. Buong-buo kanyang sarili tulad ni Jesus sa kabila ng matinding hapis.
Ang “Blue Madonna” na Mater Dolorosa (1616)ni Carlo Dolci. Mula sa Wikimedia Commons.
Ito ang pinakamagandang katotohanan sa tagpong ito: mahigit pa sa mga luha at hapis sa mukha ni Maria, hindi maikakaila ang kanyang pagiging ulirang alagad ni Jesus sa kanyang taimtim na pananalangin. Pagmasdan na walang ibang ginagawa marahil doon ang Mahal na Ina maliban sa pagdarasal. Tingnan kung paanong magkaisa silang mag-ina sa hirap at dusa maging sa pag-asa at pananalangin kaya naman sila rin unang nagkita sa luwalhati ng muling pagkabuhay!
Sikapin natin ngayong panahon ng Kuwaresma at Semana Santa na muling malinang ating buhay panalangin upang katulad ng Mahal na Birheng Maria, magkaroon tayo ng kaisahan o komunyon kay Jesus na kung saan hindi lamang tayo nag-uusal ng dasal sa bibig kungdi namumuhay at nananahan kay Kristo. Tantuin nating mabuti na ang Dapat pagtayo ni Maria doon sa paanan ng krus ni Jesus ay hindi basta-basta lamang nangyari; ito ay bunga ng matalik niyang pakikipag-ugnayan at pagsunod kay Jesus na dinalisay ng buhay panalangin. Madalas tayo mga tao ngayon naisipan lang magdasal at magsimba kung mayroong problema.
Buong buhay ng Birheng Maria ay ginugol niya sa pagdarasal kaya noong bumaba ang Espiritu Santo noong Pentekostes, naroon din siyang nagdarasal kasama ng mga alagad ni Jesus. Si Maria ang pinakamagandang paalala pangalawa kay Jesus na ang pagiging alagad ay nagsisimula at nakabatay sa buhay ng panalangin, ng kaisahan sa Diyos kung kayat bawat pasya, bawat kilos natin ay bunga ng pagdarasal at kaisahan kay Kristo Jesus!
Manalangin tayo:
Panginoong Jesus, tulungan mo kaming maging katulad ng iyong Ina, ang Mahal na Birheng Maria sa pagiging iyong ulirang alagad; O Birheng Maria, ipanalangin mo kaming iyong mga anak lalo na kaming mga pari na dapat sana ay katulad ng minamahal na alagad na nakababad, nakalublob sa buhay panalangin; nawa katulad mo at ni San Juan, manindigan kami kasama ng maraming nahaharap sa mga pagsubok at pagdurusa; nawa masamahan namin ang marami pang iba nagtitiis ng mag-isa, walang kasama. Amen.