Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-08 ng Setyembre 2020Kapistahan ng Pagsilang ng Mahal na Birheng MariaRoma 8:28-30 >><)))*> + <*(((><< Mateo 1:18-23
Larawan kuha ng may-akda sa aming Parokya, Pasko 2018.
O Diyos Amang mapagmahal sa amin,
kay sarap isipin at namnamin pagdiriwang
ng pagsilang ng Mahal na Birheng Maria
na Ina ni Hesus at Ina din namin.
Sa unang tingin marahil tatanungin
bakit ang kuwento sa ebanghelyo ay pagsilang ng Kristo?
Ngunit sa dakilang karunungan po Ninyo, O Diyos Ama
dito Mo ibinalot kagandahan at kabutihan
hindi lamang ng kapistahan
kungdi ng katotohanang hatid nito:
Dumating si Hesus na Anak Mo sa pamamagitan
ng dalawang mabubuting tao ayon sa plano at kalooban Mo:
si Jose na mula sa angkan ni David
na lahi ni Abraham
naging esposo ni Maria
na siyang Ina ng tinatawag naming Kristo.
Dahil dito, hinatian Mo kami O Diyos
ng karangalan katulad ni Maria
maging tagapaghatid ni Hesus sa mundong gulung-gulo.
Hayaan po ninyo na aming mapagtanto at mapagyaman
turo sa amin ng Iyong lingkod sa San Papa Juan Pablo Ikalawa:
bawat kaarawan ay munting Pasko
dahil sa pagsilang ng bawat tao
si Jesu-Kristo ang naparito!
Huwag nawa naming malimutan karangalang ito
kaya aming hiling sa aming masintahing Ina
kami ay palaging ipanalangin,
ilapit kay Hesus na ating Panginoon
upang Siya ring maibahagi sa kapwa natin.
Amen.
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, 04 Setyembre 2020Unang Biyernes ng Setyembre, Ika-XXII Linggo sa Karaniwang Panahon1 Corinto 3:18-23 /// Lukas 5:33-39
Larawan kuha ni G. Angelo N. Carpio, Hunyo 2020.
O Kamahal-Mahalang Puso ni Hesus,
tulungan Mo kami na Ika'y matularan sa pakikinig sa kapwa.
Nawa aming mapalampas ano man ang hindi mabuting sinasabi
laban sa amin at sa halip ay aming pagyamanin aming karanasan
at palalimin aming katauhan.
Katulad ni San Pablo sa kanyang sulat sa mga taga-Corinto,
“Walang anuman sa akin ang ako’y hatulan ninyo o ng alinmang hukuman ng tao; ni ako ma’y di humahatol sa aking sarili. Walang bumabagabag sa aking budhi, ngunit hindi nangangahulugang ako’y walang kasalanan. Ang Panginoon ang humahatol sa akin." (1Cor.4:3-4)
Siya namang tunay, Panginoon!
Palaging mayroong masasabi makakating labi
laban sa amin palagi ano mang buti aming mga gawi.
Bakit nga po ba sa gitna nitong pandemya
laganap hindi lamang sakit kungdi galit at pagmamalupit
masasakit na pananalita ng ilan naming kapwa?
Tulungan mo kami, O Hesus
na dalisayin aming puso at kalooban,
maging bukas sa mga pagkakataon na magbago
gaya ng Iyong turo sa Ebanghelyo:
“Walang pumipiraso sa bagong damit upang itagpi sa luma. Kapag ginawa ito, masisira ang bagong damit at ang tagping bago ay hindi babagay sa damit na luma." (Lk.5:36)
Lagi naming panghawakan
na higit na mahalaga ang Iyong sinasabi Panginoon
kaysa sinasabi ng tao dahil Ikaw pa rin sa kahuli-hulihan
ang sa amin ay hahatol at papataw ng kapasyahan
kaya nawa Ikaw ang aming pakinggan
hindi pinagsasabi sa amin ay kumakalaban.
Amen.
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-02 ng Setyembre 2020Halaw sa mga pagbasa mula sa 1 Corinto 3:1-9 at Lukas 4:38-44Miyerkules sa Ikadalawampu't-Dalawang Linggo sa Karaniwang Panahon
Larawan kuha ng may-akda, Pulilan, Bulacan, Pebrero 2020.
Panginoong Hesus,
tulungan mo kaming makalaya
sa aming sakit ng pagkakanya-kanya
liwanagan aming mga puso at kalooban
upang iwanan mga hinahangaan naming sinusundan
na nagiging sanhi ng mga kampi-kampihan at labanan
mula sa tahanan hanggang paaralan,
sa pamayanan at maging sa simbahan
lalong-lalo na sa larangan ng pulitika.
Buksan mo ang aming mga isipan at kalooban,
punuin ng Iyong Espiritu Santo ng katotohanan
na kaming lahat ay pawang Iyong mga manggagawa
sa iisang bukirin na tanging Ikaw lamang
ang nagpapatubo at nagpapalago
sa pananampalataya at mabubuting gawaing
aming inihahasik at dinidiligan (1Cor.3:8-9).
Higit sa lahat,
amin sanang mapagtanto
sa tuwing kami ay mayroong iniidolo
maliban sa Iyo, Panginoong Jesu-Kristo,
lalo kaming nagiging palalo
tulad ng kuwento sa Ebanghelyo:
ayaw kang paalisin ng mga tao sa kanilang lugar
hindi lamang sa sila'y bilib na bilib sa Iyong kapangyarihan
kungdi dahil higit silang makikinabang
sa Iyong kapanatilihan.
Amen.
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog IIPaggunita sa Pagpapakasakit ni San Juan Bautista, Ika-29 ng Agosto 2020
Ama naming mahabagin,
ngayong ginugunita namin
pagpapakasakit ni San Juan Bautista,
Inyo sanang dinggin aming panalangin
para sa maraming kapatid namin na ginigipit, iniipit;
ang iba sa kanila ay nakapiit
marami ang lugmok sa pait at sakit na sinapit
mula sa mga makabagong Herodes at Herodias
na prinsipyo at pagkatao, ipinagpalit sa ginto.
Inyong patatagin paninindigan sa katotohanan
katulad ni San Juan Bautista
upang ipagpatuloy pakikipaglaban
nasaid man ang kabuhayan
at tanging pinanghahawakan
dangal ng katauhan.
Ikaw lamang Panginoon
ang nakaaalam ng higit na mainam
kami ay Iyong turuan at tulungan
katulad ni San Juan loob mo ay masundan
kami ma'y maging palatandaan
ng Iyong kapanatilihan sa gitna ng mga
pag-uusig at kahirapan.
Amen.
*Mga larawan sa itaas: una ang painting ni Caravaggio ng pagpupugot sa ulo ni Juan Bautista mula sa wikimedia.org; biktima ng tokhang mula sa Philippine Daily Inquirer; umiiyak na empleyado ng ABS-CBN mula sa Reuters.org; at mga locally stranded individuals sa ilalim ng flyover malapit sa NAIA kuha ni G. Raffy Tima ng GMA-7 News.
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-26 ng Agosto 2020
Larawan nina Sta. Monica at San Agustin mula sa Google.
O Santa Monica,
matimtimang ina ni San Agustin
tulungan mong makarating aming dalangin
sa Diyos Ama nating mahabagin
na Kanya sanang pagpalain, ibigay mga hiling
ng lahat ng ina sa Kanya dumaraing
sa araw-araw na mga pasanin at gawain;
pagaanin kanilang mga tiisin
pahirin ang mga luha sa kanilang mga mata
ibalik ang sigla at tuwa sa kanilang mga mukha
samahan sa kanilang pangungulila
lalo na mga biyuda at nawalan ng anak;
higit sa lahat, Santa Monica
iyong ipanalangin mga ina na katulad mo
mapagbago asawa at anak na barumbado
tularan iyong pananampalataya at pag-asa
kay Kristo Hesus na nagkaloob sa atin
ng Kanyang Ina si Maria
upang ating maging Ina
na siyang iyong ginaya
at tinularan hanggang kamatayan.
Amen.
Larawan ng painting ni Titian ng “Assumption of the Virgin” (1518) mula sa wikidata.org.
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-24 ng Agosto 2020
Larawan kuha ni Bb. Ria De Vera, takipsilim sa aming parokya, 13 Agosto 2020.
Maraming salamat po,
O Panginoon,
sa lumipas na maghapon;
nawa bukas sa aking pagbangon
Dakilang Ngalan Mo
ang unang mamutawi sa aking mga labi,
ngiti at galak sa aking puso
maibahagi upang iyong pagkandili
lalo sa mga namimighati
nawa ay mapawi.
Amen.
*Mga larawan kuha ng may-akda, takipsilim sa loob ng aming parokya, 24 Agosto 2020.
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-06 ng Agosto 2020
Larawan kuha ni Ezra Acayan ng Getty Images, Marso 2020.
Sa ating pananalangin,
turo ng Panginoong Hesus sa atin,
bago pa man kayo humiling,
batid na ito ng Diyos nating mahabagin;
at kung kayo ay mananalangin, wika Niya,
inyong sabihin: Ama namin...
Gayong batid pala ng Diyos kailangan natin,
tanong ng iba, bakit tayo mananalangin pa sa Kanya?
At ito ang hindi nalalaman ng karamihan
mahalagang katotohanang dapat tandaan:
sa pananalangin ang pinakamahalaga ay
mabatid natin ibig ng Diyos mula sa atin!
Kaya naman sa tagal nitong COVID-19
sa dami ng ating panalangin, tiyak noon pa man din
alam na ng Diyos kailangan upang wakasan
pandemyang malagim na bumabalot sa atin
kumitil at nagpatigil sa takbo ng buhay natin
dulot sa lahat ay hirap maging sa iba ay hilahil.
Marahil kailangan na nating baguhin
ating panalangin sa panahong ito ng COVID-19
sapagkat wala sa gamot at medisina
sa mga botelya at siringgilya ang sa atin magpapagaling
kungdi sa pagpapanibago nitong puso at kalooban natin
na siyang laging ibig naman ng Diyos mula sa atin.
Sa gitna nitong quarantine nabuking
masasamang pag-uugali maging mga gawi natin
na sa gitna ng kagipitan at kahirapan
marami pa rin ang nagsamantala
naging sakim at makasarili
ibig ang lahat ay kamkamin, kabigin at angkinin.
Pandaraya at panggugulang, hindi patas sa mga patakaran
marami sa pamahalaan at katungkulan naghari-harian
mga inaakalang kalaban hinigpitan
malayang pamamahayag pinigilan
mga karapatan at dangal ng mamamayan
niyurakan at tinapakan, lalo na mga walang pinanghahawakan.
Larawan kuha ni Bb. Anne Ramos, Marso 2020.
Kaya aking bayan
ating pag-isipan at pagnilayan
batid ng Diyos ating pangangailangan
ngunit hindi Niya ito kaagad pagbibigyan
dahil tanging paraan sa pagsugpo sa salot na ito
naroroon sa ating mga puso, wala sa nguso.
Harapin natin hindi ang COVID-19
kungdi ating sarili at pag-uugali na dapat gamutin
sa mga sakit na naglalayo sa Diyos at kapwa natin;
karunungang kinakailangan ibinigay na ng Diyos
noon pa man upang solusyunan virus mula Wuhan
tangi Niyang kahilingan mamuhay tayo sa kabutihan at katuwiran.
Mahigit limang buwan na tayong nagdarasal
ugali at asal nati'y makapal pa rin sa kasamaan
kaya marahil lalo pang magtatagal
pagdurusa sa pandemyang ito na nag-ugat
buhat sa puso ng tao na kung di magbabago
uulit at uulit sa iba't ibang anyo.
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-05 ng Mayo 2020
Madalas batikos sa atin
ano nga ba saysay nitong mga
debosyon at pananalanging
ginagawa natin?
Maaalis nga ba ng pananalangin
itong COVID-19?
Maraming mabibigo
at marahil magugulat
sa aking sasabihin:
hindi aalisin ng mga panalangin
itong COVID-19
o ano mang salot dumating sa atin.
Dapat nating tantuin
itong panalangin hindi binabago
kalagayan o sitwasyon natin;
hindi nito pipigilin ano mang
kalamidad at sakit na maaring dumapo sa atin
maging kamatayan di nito kayang pigilan.
Pangunahing kabutihan ng panalangin
ay pag-isahin sarili natin
sa Diyos na nagmamahal sa atin
na sa tuwina'y sinasabi
magagandang layunin para sa atin
na ni hindi natin pinapansin.
Sa pananalangin mahalaga mawala sarili natin upang sumaatin ang Diyos. Larawan kuha ni Bb. JJ JImeno ng GMA-7 News, 2019.
Higit na mahalaga sa pananalangin
mapakinggan ang Diyos sa Kanyang sasabihin
hindi ang ibig natin sa Kanya ay sabihin;
ani Jesus, bago pa man tayo humiling
batid na ng Diyos mabuti para sa atin
kaya "Ama namin" ang panalanging tinuro Niya sa atin.
Ang tunay na pananalangin
ay kilanling kapatid na dapat mahalin
bawat kapwa ng sino mang nananalangin;
ito ang binabago ng panalangin -
ang pag-uugali at katauhan natin
na siyang magpapanibago sa sitwasyon natin.
Ano mang panalangin
walang mararating
kung hindi naman nababago
puso at kalooban habang ugali
at asal malayo sa dinarasal
dahil bibig at labi lamang ang umuusal.
Sa mga nangyayari
kahit marami ang nagdarasal
tila magtatagal pa itong COVID-19
hanggat hindi natin mapananaigan
hangad nating sariling kapakanan
sa halip na ang Diyos ang tularan at paglingkuran.
Lawiswis ng Salita, Martes, Kuwaresma-IV, 24 Marso 2020
Ezekiel 47:1-9, 12 ><)))*> + <*(((>< Juan 5:1-16
Natuwa ako sa nakita kong post na ito ng isang kaibigang reporter. Na-interview pala ang lalakeng ito ng isa pang reporter na bumili ng tinda niyang saging; nagtaka yung bumibili na reporter bakit ang mura ng tinda niyang saging at iyan ang kanyang sagot.
Kay buti ng kanyang paliwanag, akmang-akma sa nakita ni Propeta Ezekiel sa kanyang pangitain nang ilibot siya ng anghel ng Panginoon sa kanyang templo na napapaligiran ng ilog kung saan lahat ng halaman at punong kahoy malapit sa pampang ay sagana ang mga bunga at luntian mga dahon.
Hindi malalanta ang mga dahon nito ni mawawalan ng bunga pagkat ang didilig dito ay ang tubig na umaagos sa buong taon. Ang bunga nito ay pagkain, at gamot naman ang mga dahon.
Ezekiel 47:12
Tubig, tanda ng buhay at ng Diyos
Tanda ng buhay ang tubig. Kaya naman maraming pagkakataon sa bibliya ito rin ang kumakatawan sa Diyos, lalo na sa ebanghelyo ayon kay San Juan sa Bagong Tipan.
Altar ng Parokya ni San Juan Apostol at Ebanghelista, Bagbaguin, Santa Maria, Kuwaresma 2020.
Pagmasdan mula pa noong kamakalawang Linggo, palaging mayroong tubig sa kuwento sa atin ni San Juan: ang babaeng Samaritana na kinausap ni Hesus sa may balon ni Jacob at noong Linggo, ang pagpapagaling niya sa lalaking ipinanganak na bulag na kanyang pinaghilamos sa deposito ng tubig sa Siloe.
Ngayon naman ay sa malaking deposito ng tubig sa Betesda (ibig sabihin sa Hudyo ay “habag ng Diyos”) ang tagpo ng pagpapagaling ng Panginoon.
Para kay San Juan, si Hesus na ang tubig na titighaw sa ating pagkauhaw, lilinis sa ating mga kasalanan, magpapagaling sa ating mga sakit at kapansanan dahil siya mismo ang buhay!
Sinasabi na upang makaiwas sa COVID-19, makabubuti ang pag-inom palagi ng tubig o kaya ang pagmumumog ng maligamgam na tubig na may asin.
Gayon kabisa at kahalaga ang tubig na kapag nawala, tayo’y manghihina, magkakasakit, durumi, at higit sa lahat, mamamatay. Alalaong baga sa ating mga pagbasa ngayong Martes, ang manatili sa Diyos na kinakatawan ng tubig ang ating siguradong kaligtasan.
At iyon naman ang katotohanan: tanging ang Diyos lamang ang makapagliligtas sa atin mula sa epidemiyang ito. Subalit hindi sapat ang basta manalangin lamang o magpost sa Facebook ng mga sari-saring sitas at panawagang magdasal.
Hamon ng ebanghelyo: maging pagkain at gamot sa kapwa
Sino man sa atin ang tunay na nabubuhay sa Diyos na siyang tubig na lumilinis at nagpapagaling sa atin ang dapat rin namang maging bunga na bumubusog at dahon na nagpapagaling sa kapwa!
Sa gitna ng ating krisis ngayon, ng umiiral na lockdown sanhi ng banta ng COVID-19, makabubuti na suriing muli ang ating pananampalataya: kung totoo nga na tanging sa Diyos lamang tayo nananalig bilang ating buhay at tubig, tayo ba ay nakakapamunga ng mabubuting gawa di lamang salita para sa iba?
Naalala ba natin yung kapwa nating nagugutom?
Nakapagbibigay lunas ba tayo sa agam-agam at takot ng marami sa COVID-19 at lockdown?
Baka naman tayo ay wala nang pakialam sa iba o kaya tayo pa ang problema ng marami sa ating pagwawalang-bahala gaya ng pagtambay sa lansangan o pag-iinuman at iba pang mga gawa na bumabale-wala sa “social distancing” na pangunahing sanhi ng paglaganap ng COVID-19?
Pagnilayan natin iyong tindero ng saging na hindi nagtaas ng presyo ng kanyang tinda para huwag magutom ang kapwa: marahil mas mainam ang katayuan mo sa buhay dahil nababasa mo ito sa Facebook kesa kanya…
Manalangin tayo:
Larawan kuha ng may-akda, Baliwag, 25 Pebrero 2020.
O Diyos Ama naming mapagmahal, salamat po sa buhay na inyong kaloob sa amin lalo na po sa araw na ito. Ipinapanalangin po namin ang mga may sakit at nag-aalaga sa kanila ngayon, pati na mga duktor at nars na aming frontliner sa COVID-19.
Dugtungan pa po ninyo ang buhay ng mga may-sakit at pangalagaan ang kalusugan ng mga nag-aalaga sa kanila lalo na rin ang aming mga health frontliners.
Bigyan po ninyo kami ng biyaya na maging mabunga itong aming buhay sa pagbabahagi ng aming kayamanan tulad ng pagkain at tulong pinansiyal sa mga nangangailangan katulad ng mga aba, mga nag-iisa sa buhay, mga matatanda.
Makapagdulot nawa kami ng kagaanan sa kalooban, kagalingan sa isipan ng mga naguguluhan, nalilito, at natatakot sa pandemiyang ito na COVID-19.
Higit sa lahat, huwag nawa kaming maging pabigat pa sa marami nang pagdurusa ng aming kapwa ngayong panahon ng krisis bagkus sa amin ay madama ang pagdaloy ng iyong buhay na ganap at kasiya-siya sa pamamagitan ni Hesu-Kristong Panginoon namin, sa kapangyarian ng Espiritu Santo, magpasawalang-hanggan. Amen.