Panalangin para sa mga tinutuligsa

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, 04 Setyembre 2020
Unang Biyernes ng Setyembre, Ika-XXII Linggo sa Karaniwang Panahon
1 Corinto 3:18-23  ///  Lukas 5:33-39
Larawan kuha ni G. Angelo N. Carpio, Hunyo 2020.
O Kamahal-Mahalang Puso ni Hesus,
tulungan Mo kami na Ika'y matularan sa pakikinig sa kapwa.
Nawa aming mapalampas ano man ang hindi mabuting sinasabi
laban sa amin at sa halip ay aming pagyamanin aming karanasan
at palalimin aming katauhan.
Katulad ni San Pablo sa kanyang sulat sa mga taga-Corinto,
“Walang anuman sa akin ang ako’y hatulan ninyo 
o ng alinmang hukuman ng tao; 
ni ako ma’y di humahatol sa aking sarili.  
Walang bumabagabag sa aking budhi, 
ngunit hindi nangangahulugang ako’y walang kasalanan.  
Ang Panginoon ang humahatol sa akin." (1Cor.4:3-4)
Siya namang tunay, Panginoon!
Palaging mayroong masasabi makakating labi
laban sa amin palagi ano mang buti aming mga gawi.
Bakit nga po ba sa gitna nitong pandemya
laganap hindi lamang sakit kungdi galit at pagmamalupit
masasakit na pananalita ng ilan naming kapwa?
Tulungan mo kami, O Hesus
 na dalisayin aming puso at kalooban, 
maging bukas sa mga pagkakataon na magbago 
gaya ng Iyong turo sa Ebanghelyo:
“Walang pumipiraso sa bagong damit 
upang itagpi sa luma.  
Kapag ginawa ito, masisira ang bagong damit 
at ang tagping bago ay hindi babagay sa damit na luma." (Lk.5:36)
Lagi naming panghawakan 
na higit na mahalaga ang Iyong sinasabi Panginoon
kaysa sinasabi ng tao dahil Ikaw pa rin sa kahuli-hulihan
ang sa amin ay hahatol at papataw ng kapasyahan 
kaya nawa Ikaw ang aming pakinggan 
hindi pinagsasabi sa amin ay kumakalaban.
Amen.
 

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s