Lord My Chef Daily Recipe, Fr. Nicanor F. Lalog II
Solemnity of Sacred Heart, 27 June 2025

Nag-senior citizen ako noong Marso at masasabi ko na sa tanang buhay ko, itong 2025 ang pinaka-mainit at maalinsangang taon sa lahat. Mula pa man noong dati, gabi lang ako gumagamit ng aircon ngunit mula nitong Abril, maghapon na ako kung mag-aircon sa silid. Kung minsan nga ay pati electric fan binubuksan ko kapag gabi sa labis na init ng panahon nitong nagdaang tag-araw.
Hindi lamang minsan ko narinig ang maraming nagsabing parang “impierno” ang summer 2025 dahil para sa atin, sukdulan ang apoy sa impierno kaya napaka-init.
Subalit ayon kay Dante Alighierri, isang batikang makata ng Italya noong unang panahon na sumulat ng Divine Comedy, ang kailaliman daw ng impierno ay hindi naman pagka-init-init dahil sa apoy kungdi pagkalamig-lamig parang yelo!
Ayon sa kanyang tula na nobela, ang pinaka-masaklap aniya sa lahat ng kasalanan at kasamaan magagawa ng tao ay ang manlamig ang puso. Magkaroon ng “cold heart” sa Ingles hanggang sa mawalan na ng puso ang mga tao gaya ng sinasaad sa isa pang English expression na “heartless world.”

Ang mga katagang ito na cold heart at heartless world ay mas mainam na huwag nang isalin sa ating sariling wika sapagkat mas mananamnam at mailalarawan natin ang kahulugan sa wikang Ingles kesa sabihing malamig na puso o daigdig na walang puso. Kapag sinabing cold heart o malamig na puso, ito ay patay na puso, walang buhay parang bangkay. O bato. Kapag ang mga tao ay naging ganito, mismo ang daidig ay wala na ring puso, walang pagmamahal, walang awa, walang malasakit, walang pakialam.
Gayon ang kahulugan ng puso para sa sangkatauhan – hindi lamang ito sumasagisag sa pag-ibig at pagmamahal kungdi sa buhay. Sa malasakit, sa kabutihan, maging sa kaalaman gaya ng sinasaad ng English expression na “to know by heart” na ibig sabihin ay makabisado, matandaan.
At paano natin tinatandaan ang mga bagay-bagay? Ito ay ating inire-record na mula sa dalawang kataga ng wikang Latin, re (uliting muli) at cord na mula sa cor o puso. Alalaong-baga, ang tandaan, ang memoryahin at kabisaduhin ay isapusong muli sapagkat dito sa ating puso natatago ang lahat-lahat ng ating alaala at kaalaman maging pakiramdam gaya ng kutob na nagsasaad ng pakiramdam at kaalaman na di maipaliwanag ngunit totoo.
Higit sa lahat, dito sa ating puso nananahan ang Diyos sa atin gaya ng sinasaad ng dokumento ng Vatican II sa makabagong mundo (Gaudium Spes). Kaya ngayong Dakilang Kapistahan ng Kamahal-Mahalang Puso ni Jesus, pinapaala sa atin ng pagdiriwang ito ang hiwaga ng katotohanan ng pag-ibig ng Diyos sa lahat ng tao sa lahat ng panahon.

Hindi tayo nabibigo sa ating pag-asa, sapagkat ang pag-ibig ng Diyos ay ibinuhos sa ating mga puso sa pamamagitan ng Espiritu Santo na ipinagkaloob sa atin. Sapagkat noong tayo’y mahihina pa, namatay si Cristo sa takdang panahon para sa mga makasalanan. Mahirap mangyaring ialay ninuman ang kanyang buhayn alang-alang sa isang mabuting tao. Ngunit ipinadama sa atin ng Diyos ang kanyang pag-ibig sa atin nang mamatay si Cristo para sa atin noong tayo ay makasalanan pa (Roma 5:5-8).
Gayon na lamang ang pagmamahal ng Diyos sa atin – hindi masukat gaya ng pahayag ni Jesus kay Nicodemo dahil ito ibinubuhos hindi inuunti-unti, hindi tinitingi. Binubuhos. Palaging marami ang pag-ibig na kanyang binibigay sa atin sapagkat napakalaki ng kanyang puso ni Jesus.
Lahat tayo kasya sa kanyang napakalaking Puso kaya tayo man ay inaanyayahan ni Jesus na lumusong at maglublob sa kanyang puso kung saan ang kanyang pag-ibig ay naghahanap sa nawawala at naliligaw; pag-ibig na umuunawa at umiintindi sa naguguluhan at nalilito; pag-ibig na palaging bukas at tumatanggap sa sino mang ibig manahan, tumahan kung umiiyak sa lungkot at hapis.

Ito ang Puso ni Jesus na sinasaad ng larawan ng isang Mabuting Pastol gaya ng propesiya ni Ezekiel sa Unang Pagbasa at mismong kinukuwento ni Jesus sa kanyang talinghaga sa ebanghelyo ngayon.
Makakapasok lamang tayo sa Kamahal-Mahalang Puso ni Jesus kapag atin munang pinasok ating sariling puso kung saan mismo siya nananahan sa atin. Palagi nating sinasabi ang puso ang sentro ng ating katauhan at iyan ay totoo kasi nga doon din nananahan si Jesus.
Subalit dahil sa ating mga kasalanan, sa marami nating hilig at kagustuhan at sinusundang ibang diyus-diyosan, nawawala tayo sa puso ni Jesus dahil ang totoo, nawawala na rin ating puso. Ang pinaka-simpleng paliwanag ng kasalanan na aking ginagamit palagi ay ito: sin is a refusal to love.
Ang kasalanan ay pagtanggi na magmahal. Mula sa salitang ugat na sala na ibig sabihin ay sumala o magmintis o hindi magampanan dapat gampanan, ang kasalanan ay sumala sa iisang atas ni Jesus na magmahal. Sa tuwing hindi tayo nagmamahal, tayo ay nagkakasala. Kapag tayo ay nababad sa kasalanan, nagiging manhid tayo kaya di na tayo makaramdam ng iba at kapwa. ?Dito na manlalamig ang ating puso dahil tayo ay mahihiwalay na sa iba at kapwa, wala na tayong pakialam. Tayo ay napuputol at nag-iisa, hiwalay sa Diyos at kapwa, maging sa ating sariling katauhan kaya madalas ang mga makasalanan ay hindi makapagmahal kasi nga nawawala sa sarili.
At ganyan ang takbo ng daigdig ngayon, kanya-kanya, wala sa sarili tila baga bawat isa kaya lahat na lang dinaraan sa pera-pera. Ang lahat na lamang ay sinusukat, kinukuwenta, tinatantiya katulad ng algorithm sa social media kung saan nakukuha ang marami nating pattern sa buhay gaya ng mga hilig at gusto. Nagiging “commodity” na lamang ang tao ngayon, parang produkto at kasangkapan na ginagamit, binebenta at binibili.
Huwag nating hayaang magpatuloy na lamang ito na ang mundo ay manatiling materyal lamang – malamig at manhid, walang pakiramdam. Ibalik natin ang buhay, ang ating pagkatao na pakikibahagi sa buhay ng Diyos na nanahan dito sa ating puso. Gaya ng talinghaga ni Jesus, ang Diyos ay hindi isang observer na tagamasid o spectator na manonood lamang ng takbo ng ating buhay ng mga tao. Kaya sinugo ng Ama si Jesus sa atin sapagkat mula pa man noon ibig niyang makilahok sa buhay natin dangan lamang ay lagi natin siyang pinupuwera. Lalo ngayon sa makabagong panahon na pilit inaalis na ang Diyos sa buhay ng tao!

Sa Sacred Heart ni Jesus, muling nabubuo ang tao sa kanyang sarili at ang sangkatauhan sapagkat ang pag-ibig niya ay pag-ibig na hinahanap ang mga sira at pira-piraso nating sarili upang makumpuni at mabuong muli. Ipinapaalala sa atin ng Kamahal-Mahalang Puso ni Jesus ang pag-ibig ng Diyos ay hindi isang ideya lamang o dalumat na nakalutang sa alapaap kungdi nakatapak sa lupa – isang pag-ibig na aktibo, marubdob at matalik na nakikipag-ugnayan gaya ng ating mga naranasan noong tayo ay gulung-gulo, litong-lito, nawawala at halos wala nang saysay ang buhay. Buhaying muli ating mga puso upang maranasan tunay na kagandahan ng buhay ng tao, hindi ng robot o makina. Ating dasalin palagi:
O Jesus na mayroong
maamo at mapagkumbabang Puso,
Gawin Mong ang puso nami'y
matulad sa Puso Mo!
Amen.









































