Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-17 ng Setyembre 2019
Relasyon at ugnayan hindi emosyon at damdamin ang sabi natin na pangunahin turo sa atin ng talinhaga ng alibughang anak.
Kay gandang larawan ng Diyos ang nakintal sa ating puso't isipan nang ilahad ng mahabaging ama sa dalawang anak niya na sila ay iisang pamilya, binibigkis ng buhay na mula sa kanya.
Ano mang kasalanan ay mapapatawad maging kamatayan ay malalampasan nitong habag at awa ng Diyos na ibinuhos kay Kristo Hesus para sa ating mga alibughang anak niya.
Ganyan ang habag at awa ng Diyos bilang Ama na dumadaloy din mula sa kanyang pagiging ina nang mawika niya, "hindi kita malilimutan kailanman katulad ng isang ina sa kanyang anak na mula sa kanyang sinapupunan."
Para sa kanilang kaisipan, ang habag at awa ay "hesed" --- damdaming napaka-lalim gaya ng pag-ibig nagpapahiwatig ng maka-amang katapatan at pananalig.
Nagmumula ito sa sinapupunan o "raham" --- yaong matris ng kababaihan na siyang kanlungan ng simula ng buhay, lundo ng katuwaan pagsapit ng kagampan kapag napawi mga agam-agam, pagsilang ng bagong buhay.
Kapag umiiral habag at awa sa ating buhay doon tayo buong-buo sa pagkatao nagiging ganap at banal tulad ng Diyos puno ng buhay at pagmamahal.
Kaya't kapag mga patayan ay naglipana at pagkitil sa buhay ang nakikitang paraan upang lunasan maraming kasalanan at kasamaan nasisira ating kapatiran, di maglalaon, tayo ang mababaon.
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-16 ng Setyembre 2019
Maraming salamat, Rdo. LA Bautista sa kanyang pagninilay para sa Misa kahapon.
Ang Pagbabalik ng Alibughang Anak ni Rembrandt. Mula sa Google.
Hindi ko pa rin mapigilan pagnilayan at namnamin kahulugan ng talinhaga ng alibughang anak at ama niyang mahabagin.
Ugnayan at relasyon, hindi emosyon batayan ng Mabathalang awa at habag ang siyang tinuturo ng Panginoon dapat sana tayo ay magkaroon.
Kapag namamalas natin tanawing hindi nakagigiliw tulad ng mukhang nahahapis at tumatangis, kapansanang nakahihindik o kapalarang mapait ating damdami'y naaantig, kaya tayo ay naaawa.
Ngunit, wala naman tayong magawa kungdi lumuha at kung mayroon man maibibigay, kaunting barya ay tama na; kaya naman kung hapis sa kalooban ang tinitiis hindi natin ito pansin kaya kahirapan ng iba ating pang diniriin.
Ito ang masaklap nating nakakalimutan Katulad ng magkapatid sa talinhaga na kapwa alibugha: Dahil sa kanilang pagkagumon sa mga kayamanan Ugnayan nila sa ama at isa't-isa, nawalang tuluyan.
Masdan at namnamin, sinasabi ng Ama sa atin, "Anak, lagi kitang kapiling; lahat ng akin ay sa iyo rin. Dapat tayo magsaya at magalak kapag inyong kapatid Ay nagsisisi at nagbabalik" (Lk.15:31).
Ang Diyos ay ipinakilala sa atin bilang Ama sapagkat buhay nating lahat sa kanya buhat na tulad ng sino mang ama, sinisikap itaguyod at pangalagaan protektahan at ipaglaban kung sakaling pagbantaan.
Relasyon at hindi emosyon ang batayan at pinagmumulan ng awa at habag sa atin ng Diyos nating Ama kaya naman kahit ito ay mawala at mamatay kanyang hihintayin, hahanapin, at bubuhayin pa rin!
Lawiswis Ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-26 ng Agosto 2019
Mula sa Google.
Ano ba itong pinagsasabi ni Imee na technically wala tayong bayani kasi walang upisyal na sinasabi kung sinu-sino ating mga bayani?
Pati ba naman sa mga bayani kailangan pang gamitan ng technicality?
Kung sabagay, hindi rin masisisi si Imee sa pagsasabi at pag-iisip ng ganiri dahil ito ang nakadidiri: pamilya niya'y yaring nagpipilit kilalanin silang bayani!
Technically, Imee, maski pilitin mo kami kailanma'y hindi magiging bayani iyong dadi lalo na noong kami'y inyong dinale Nobyembre 2016 nang dalhin ninyo siya sa Libingan ng mga Bayani.
Kailangan pa ba ang technicality gayong nauuna palagi pagkabayani maliban lamang kapag wala naman talagang kabayanihang nangyari!
At ito ang higit na nakakadiri sa pinagsasabi ni Imee: hindi maikakaila, huling-huli pineke ng kanyang dadi pagkabayani na hindi naman nangyari at ni walang nakasaksi maliban kanyang sarili?!
Napatunayan ng U.S. Army noon pang 1980's sa masusi nilang pagsasaliksik na isang panloloko at walang katotohanan mga pinangalandakang U.S. war medals ni Marcos noong ikalawang digmaang pandaigdig.
Higit pa sa technicality kungdi historicity ang nagsasabi sino talaga ang bayani sapagkat tiyak na mamumulaklak at hahalimuyak ano mang buti naihasik ng sino man na bayan ang inuna bago ang sarili!
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-13 ng Agosto 2019
Larawan mula sa GMA News.
Bata pa lamang ako hindi ko na gusto ang buwan ng Agosto bago pa mauso tawag nila dito na buwan ng mga multo.
Nasa grade two ako nagtataka na ako bakit tuwing Agosto mabagal takbo ang panahon?
Ito ang bumaon sa murang isipan ko noon kaya hanggang ngayon hirap ako na umahon na tila baga nilalamon at nilalason ng karanasan kahapon.
Nagkataon lang ba nitong ilang taon bakit nagkagayon takbo ng buhay ko sa ngayon tuwing Agosto nagkakapatong-patong mga hindi mabubuting sitwasyon, lihis sa mga nilalayon?
Parang katulad ng lagay ng panahon mapanglaw ang kalangitan bumubuhos malakas na ulan parang walang katapusan katulad ng aking mga luha sa mga tao na di ko malaman kung kaibigan.
Kung minsan maiisip ko hindi lang buwan ng multo ang Agosto kungdi pati ng impakto at demonyo dahil kung titingnan ko ano ba ito, matapos lunurin tayo ng ulan saka naman sisikat matinding init ng araw?!
Iyan daw ang dahilan kaya maraming sakit sa katawan hanggang kasu-kasuan lagay ng panahon hindi maintindihan sala sa init, sala sa lamig parang mga tao sa paligid walang paninindigan, kay daling mang-iwan.
Bawat araw ng ating buhay ay pagpapalang kaloob ng Diyos nating mabuting-loob ngunit kung minsa'y nakakasama ng loob kapag tila lahat ay nakataob at ika'y nakasubsob.
Aking lang inaasahan at pinanaligan pagkatapos ng tag-ulan, doon mga dahon ay luntian sa bawat unos na dumaraan, nasusubok katatagan ng halaman mabalian man ng sanga o malagasan ng bunga naiiiba na siya at lalong gumaganda sapagka't sa bawat pagkakataon at panahon, Diyos ay naroon.
Larawan ay kuha ni G. Howie Severino ng GMA News sa Taal, Batangas, Nobyembre 2018.
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-09 ng Hulyo 2019
Imahen ng Inmaculada Concepcion sa tuktok ng kampanaryo ng Katedral ng Malolos. Larawan kuha ni Lorenzo Atienza, 12 Hunyo 2019.
Nakakagulat, nakakagimbal Marami ang nagulantang Sa balitang napakinggan Lalawigan ng Bulakan Number one ngayon sa patayan.
Kadluan ng katagalugan Na siyang wika ng mga makata Dito sa Bulakan iba na yata sinasalita: Tokhang na mula sa Bisaya Nawala na ang puso sa pananalita pati sa gawa.
Nasaan mga namumuno ng pamahalaan at Simbahan Paano nagkaganyan itong duyan ng kasaysayan Naging bukirin ng patayan Nang hindi namamalayan o Dahil wala tayong pakialam?
Noon pa mang makalawang taon Pinakamaraming natokhang noong linggo ng Bulakan Natabunan lamang ng balitang pagpatay Ng mga pulis sa walang kamalay-malay na kabataan Kian kanyang pangalan doon sa Kalookan.
Pansamantalang tumigil mga patayan Kinasuhan mga berdugo ni Kian Ngunit kanilang hepe sa Kalookan Binigyan ng pabuya upang pamunuan Pulisya sa buong lalawigan ng Bulakan.
Ano na nga ba nangyari sa atin, mga kababayan? Di lamang nanunungkulan kungdi pati mga mamamayan Wala na ba tayong pakialam Mga dating luntiang sakahan ay tinambakan Upang gawing paradahan ng mga container van?
Bago pa dumating ang tokhang Pinatay na rin mga ilog at sapa natin Kaya maraming lupain naging dagat-dagatan na rin Habang hinahayaan nating gahasain Bulubundukin ng Sierra Madre upang samsamin kayamanan natin.
Nawala na yata pasintabi Pati mga simbahan ginigiba, iniiba Kabanalan hinalinhan ng kaartehan Diyos hindi ni makita o maramdaman Puro palabas, nawala na napapaloob na kahulugan.
Halina at magsuri, magmuni-muni Ating pagbulayan kahulugan nitong buhay Matatagpuan kung ano ating niyuyungyungan Madalas siya rin nating pinahahalagahan At tiyak naroon din ating kayamanan.
Mabuting Pastol, kaawaan at kalingain aming lalawigan na tila pinabayaan ng iyong mga pinagkatiwalaan! Larawan ng luklukan ng Katedral ng Malolos. Kuha ni Lorenzo Atienza, 12 Hunyo 2019.
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-21 ng Hunyo 2019
Larawan mula sa Google.
Tinanong sila ni Hesus, “Hindi pa ba ninyo nababasa ang talatang ito sa Kasulatan? ‘Ang batong itinakwil ng mga tagapagtayo ng bahay Ang siyang naging batong panulukan. Ginawa ito ng Panginoon, At ito’y kahanga-hanga!'”
Mateo 21:42
Madalas sa ating buhay Tayo'y nanamlay sa maraming Dagok at kabiguan At ating nalilimutan itong katotohanan:
Kagandahan at kabutihan Ng Diyos sa ating nagmamahal Kanya tayong sinasamahan Kung saan hindi nating siya inaasahan.
Pangunahin niyang katangia'y Magtago at magkubli sa mga tabi-tabi Na sa tingin nati'y mga walang silbi Sa pag-aakala nating Diyos ay naroon lang sa malalaki.
Kaya nang Siya ay magkatawang-tao Hindi siya dumating na malaki Kungdi sinilang na munting baby Inaruga at pinalaki.
Nang si Hesus ay magsimulang magsilbi Doon siya natagpuan sa mga tabi-tabi Humirang mga lalaki na wala namang sinabi At nakisama sa mabababang uri ng babai.
Larawan mula sa Rappler sa pamamagitan ng Google.
Kaya kung ang buhay ay isang laro Natitiyak ko paborito sa lahat ni Kristo Ang taguang pung at hindi patintero Lalo nang hindi ang tumbang preso.
Pag masdan ninyo nang matanto: Abalang-abala tayo sa paghahanap Ng kung anu-anong natatago Gayong tayo naman ang nabuburo.
Palaging taya, palaging kawawa; At kung minsan nama'y nadaraya. Kaya kung si Hesus ay iyong matagpuan at... Pung! Siya na ang taya, ikaw ang malaya.
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-19 ng Hunyo 2019
Larawan mula sa Google.
Bakit ang panahon ng tag-araw at tag-ulan Hinihintay pa ngayon deklarasyon ng PAGASA Hindi pa ba sapat nakikita Basang-basa ka na ng pawis o ng ulan?
Bakit tayo naaaligaga kapag inabuso Aso't pusa at iba pang mga alaga Pero paglapastangan sa kapwa Wala naman tayong ginagawa?
Bakit mga durugistang maralita Tanging nababalitang napapatay Habang susuray-suray, pakaway-kaway Mga nakaririwasang high na high?
Bakit ngayon tikom mga bibig nila Nasaan mga matatapang na salita Nang binangga ang bangka ng mangingisda Sa sariling karagatan at sukat iniwanan?
Bakit kapag mga maliliit nagigipit Lalo pang nalalait sa salitang masasakit Ng mga pinunong mata'y nakapikit, takot sumabit Nakakibit-balikat, dahil wala namang paki?
Bakit nga ba sa ating panahon ngayon Na wala nang hindi nalalaman Lahat puro salitaang walang pinatutungahan Katulad ay balde, maingay at walang laman kasi!
Bakit lahat puro sagot at paliwanag Walang nagtatanong Gayong nakikilala ang tunay na marunong Sa kanyang uri ng pagtatanong.
Larawan kuha ni Dra. Mai Dela Pena sa Tokyo, Japan noong Marso 2018.
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, ika-14 ng Hunyo 2019
Mula sa Google.
Mula pagkabata hanggang pagtanda Ikaw na San Antonio aming nagisnan Tinatawagan nang matagpuan Ano mang nawawala o naiwan saan-saan.
Minamahal naming pintakasi Tulungan nawa kami sapagkat dumarami At lalong lumalaki aming mga isinasantabi Na maski mawala tila wala kaming paki!
Kami'y nagagalit kapag nawawaglit Mga mumunting gamit at anik-anik Pinalalaki para nang buong sarili inapi Ngunit kaunting buti para sa katabi kinukubli?
Hindi kami mapakali at agad bibili Kapag nawala'y gamit na kawili-wili Ano't lagi naming hanap ay aliw at kaluguran Walang pakialam sa mga tiyan na kumakalam?
Nawawala na respeto at pag-galang Pati hinhin at kahihiyan di malaman kung nasaan Kinamimihasnan kalaswaan at kasalahulaan Mas hinahanap kasamaan kaysa kabutihan?
Sana kami'y iyong tulungan Muli naming matagpuan Daang pabalik sa Kabanal-Banalan Na palagi naming tinatalikuran at iniiwanan.
Kami po ang nagkulang Ni hindi na namin Siya namamasdan Wala na kaming nilalaang panahon Upang Siya ay dasalan.
Mahal naming patron sa amin lumingon Nawawala kami sa landas ng Panginoon Unti-unting nilalamon ng aming kapalaluan Nalulunod sa kayamanan, karangyaan, at kapangyarihan.
Kami ang nawawala, di namin alintana Buhay at kapwa amin nang binabalewala Poong Maykapal amin nang tinalikuran Gayon Siya ang aming uuwian at hahantungan.
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-20 ng Abril 2019
Larawan mula sa Google.
Ano nga ba ang kabuluhan Nitong mga panata na sinasakatuparan Kung wala namang kahulugan Maliban sa ito'y nakagisnan?
Inyong pagmasdan itong ating mga nakagawian Na pawang puro kaluhuan Puro palabas wala na sa kalooban Kaya nawala na sa atin ang kahulugan.
Pagkakataon sana upang ating masalamin At mapaglalim mga minanang kaugalian natin Ngunit nagiging isang malagim na tanawin Karima-rimarim na pag-uugali ng marami sa atin.
Larawan mula sa GMA News.
Isang kabataan nadismaya sa nakita Nang gawing malaking basurahan simbahan nila Ng mga nag-visita iglesia na walang pakundangan Nilapastangan at sinalaula tahanan ng Diyos.
Hindi lamang iyan sa Antipolo Kungdi maging mula Aparrri hanggang Jolo Eksenang ganyang kagulo Ng mga Katolikong sira ang ulo.
Larawan mula sa Google.
Anong uri nga ba ng pananampalatay mayroon tayo Mga Filipino diumano Katoliko sarado Hindi mababago anila pagiging Kristiyano O sarado isip at puso sa katotohanan ni Kristo?
Ngayong "nakahimlay" Panginoon natin Suriin mga pagkukulang natin Kung bakit mga pagdiriwang at gawain Sa simbahan nawalan ng taginting.
Mga simbahan ba natin maituturing na bahay dalanginan pa rin Kung punung-puno ng mga palamuti, walang katapusang mga pagawain? Puro flat screen at tarpaulin mga dingding Lahat na lamang naka-recording, ang Diyos wala nang dating.
Nasaan na ang marubdob na pakiramdam Kung ang simbahan mistulang tindahan At ang masaklap na katotohanan minsan o palagian Kay Father walang maramdamang kabanalan.
Madalas nating mapakinggan itong kasabihan Kung ano ang gobyerno, ganoon din ang mga tao; Huwag nating kalilimutan ang katotohanang iyan Sa simbahan ma'y matatagpuan una doon sa mga kaparian.