Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, ika-14 ng Hunyo 2019
Mula sa Google.
Mula pagkabata hanggang pagtanda Ikaw na San Antonio aming nagisnan Tinatawagan nang matagpuan Ano mang nawawala o naiwan saan-saan.
Minamahal naming pintakasi Tulungan nawa kami sapagkat dumarami At lalong lumalaki aming mga isinasantabi Na maski mawala tila wala kaming paki!
Kami'y nagagalit kapag nawawaglit Mga mumunting gamit at anik-anik Pinalalaki para nang buong sarili inapi Ngunit kaunting buti para sa katabi kinukubli?
Hindi kami mapakali at agad bibili Kapag nawala'y gamit na kawili-wili Ano't lagi naming hanap ay aliw at kaluguran Walang pakialam sa mga tiyan na kumakalam?
Nawawala na respeto at pag-galang Pati hinhin at kahihiyan di malaman kung nasaan Kinamimihasnan kalaswaan at kasalahulaan Mas hinahanap kasamaan kaysa kabutihan?
Sana kami'y iyong tulungan Muli naming matagpuan Daang pabalik sa Kabanal-Banalan Na palagi naming tinatalikuran at iniiwanan.
Kami po ang nagkulang Ni hindi na namin Siya namamasdan Wala na kaming nilalaang panahon Upang Siya ay dasalan.
Mahal naming patron sa amin lumingon Nawawala kami sa landas ng Panginoon Unti-unting nilalamon ng aming kapalaluan Nalulunod sa kayamanan, karangyaan, at kapangyarihan.
Kami ang nawawala, di namin alintana Buhay at kapwa amin nang binabalewala Poong Maykapal amin nang tinalikuran Gayon Siya ang aming uuwian at hahantungan.