Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-20 ng Abril 2019

Ano nga ba ang kabuluhan
Nitong mga panata na sinasakatuparan
Kung wala namang kahulugan
Maliban sa ito'y nakagisnan?
Inyong pagmasdan itong ating mga nakagawian
Na pawang puro kaluhuan
Puro palabas wala na sa kalooban
Kaya nawala na sa atin ang kahulugan.
Pagkakataon sana upang ating masalamin
At mapaglalim mga minanang kaugalian natin
Ngunit nagiging isang malagim na tanawin
Karima-rimarim na pag-uugali ng marami sa atin.

Isang kabataan nadismaya sa nakita
Nang gawing malaking basurahan simbahan nila
Ng mga nag-visita iglesia na walang pakundangan
Nilapastangan at sinalaula tahanan ng Diyos.
Hindi lamang iyan sa Antipolo
Kungdi maging mula Aparrri hanggang Jolo
Eksenang ganyang kagulo
Ng mga Katolikong sira ang ulo.

Anong uri nga ba ng pananampalatay mayroon tayo
Mga Filipino diumano Katoliko sarado
Hindi mababago anila pagiging Kristiyano
O sarado isip at puso sa katotohanan ni Kristo?
Ngayong "nakahimlay" Panginoon natin
Suriin mga pagkukulang natin
Kung bakit mga pagdiriwang at gawain
Sa simbahan nawalan ng taginting.
Mga simbahan ba natin maituturing na bahay dalanginan pa rin
Kung punung-puno ng mga palamuti, walang katapusang mga pagawain?
Puro flat screen at tarpaulin mga dingding
Lahat na lamang naka-recording, ang Diyos wala nang dating.
Nasaan na ang marubdob na pakiramdam
Kung ang simbahan mistulang tindahan
At ang masaklap na katotohanan minsan o palagian
Kay Father walang maramdamang kabanalan.
Madalas nating mapakinggan itong kasabihan
Kung ano ang gobyerno, ganoon din ang mga tao;
Huwag nating kalilimutan ang katotohanang iyan
Sa simbahan ma'y matatagpuan una doon sa mga kaparian.
