Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-13 ng Agosto 2019
Larawan mula sa GMA News.
Bata pa lamang ako hindi ko na gusto ang buwan ng Agosto bago pa mauso tawag nila dito na buwan ng mga multo.
Nasa grade two ako nagtataka na ako bakit tuwing Agosto mabagal takbo ang panahon?
Ito ang bumaon sa murang isipan ko noon kaya hanggang ngayon hirap ako na umahon na tila baga nilalamon at nilalason ng karanasan kahapon.
Nagkataon lang ba nitong ilang taon bakit nagkagayon takbo ng buhay ko sa ngayon tuwing Agosto nagkakapatong-patong mga hindi mabubuting sitwasyon, lihis sa mga nilalayon?
Parang katulad ng lagay ng panahon mapanglaw ang kalangitan bumubuhos malakas na ulan parang walang katapusan katulad ng aking mga luha sa mga tao na di ko malaman kung kaibigan.
Kung minsan maiisip ko hindi lang buwan ng multo ang Agosto kungdi pati ng impakto at demonyo dahil kung titingnan ko ano ba ito, matapos lunurin tayo ng ulan saka naman sisikat matinding init ng araw?!
Iyan daw ang dahilan kaya maraming sakit sa katawan hanggang kasu-kasuan lagay ng panahon hindi maintindihan sala sa init, sala sa lamig parang mga tao sa paligid walang paninindigan, kay daling mang-iwan.
Bawat araw ng ating buhay ay pagpapalang kaloob ng Diyos nating mabuting-loob ngunit kung minsa'y nakakasama ng loob kapag tila lahat ay nakataob at ika'y nakasubsob.
Aking lang inaasahan at pinanaligan pagkatapos ng tag-ulan, doon mga dahon ay luntian sa bawat unos na dumaraan, nasusubok katatagan ng halaman mabalian man ng sanga o malagasan ng bunga naiiiba na siya at lalong gumaganda sapagka't sa bawat pagkakataon at panahon, Diyos ay naroon.
Larawan ay kuha ni G. Howie Severino ng GMA News sa Taal, Batangas, Nobyembre 2018.