Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-19 ng Hunyo 2019
Larawan mula sa Google.
Bakit ang panahon ng tag-araw at tag-ulan Hinihintay pa ngayon deklarasyon ng PAGASA Hindi pa ba sapat nakikita Basang-basa ka na ng pawis o ng ulan?
Bakit tayo naaaligaga kapag inabuso Aso't pusa at iba pang mga alaga Pero paglapastangan sa kapwa Wala naman tayong ginagawa?
Bakit mga durugistang maralita Tanging nababalitang napapatay Habang susuray-suray, pakaway-kaway Mga nakaririwasang high na high?
Bakit ngayon tikom mga bibig nila Nasaan mga matatapang na salita Nang binangga ang bangka ng mangingisda Sa sariling karagatan at sukat iniwanan?
Bakit kapag mga maliliit nagigipit Lalo pang nalalait sa salitang masasakit Ng mga pinunong mata'y nakapikit, takot sumabit Nakakibit-balikat, dahil wala namang paki?
Bakit nga ba sa ating panahon ngayon Na wala nang hindi nalalaman Lahat puro salitaang walang pinatutungahan Katulad ay balde, maingay at walang laman kasi!
Bakit lahat puro sagot at paliwanag Walang nagtatanong Gayong nakikilala ang tunay na marunong Sa kanyang uri ng pagtatanong.
Larawan kuha ni Dra. Mai Dela Pena sa Tokyo, Japan noong Marso 2018.