Sacred Heart para sa “cold heart” at “heartless world”

Lord My Chef Daily Recipe, Fr. Nicanor F. Lalog II
Solemnity of Sacred Heart, 27 June 2025
Detalye ng painting ng Sacred Heart of Jesus sa Visitation Monastery, Marclaz, France mula sa godongphoto / Shutterstock.

Nag-senior citizen ako noong Marso at masasabi ko na sa tanang buhay ko, itong 2025 ang pinaka-mainit at maalinsangang taon sa lahat. Mula pa man noong dati, gabi lang ako gumagamit ng aircon ngunit mula nitong Abril, maghapon na ako kung mag-aircon sa silid. Kung minsan nga ay pati electric fan binubuksan ko kapag gabi sa labis na init ng panahon nitong nagdaang tag-araw.

Hindi lamang minsan ko narinig ang maraming nagsabing parang “impierno” ang summer 2025 dahil para sa atin, sukdulan ang apoy sa impierno kaya napaka-init.

Subalit ayon kay Dante Alighierri, isang batikang makata ng Italya noong unang panahon na sumulat ng Divine Comedy, ang kailaliman daw ng impierno ay hindi naman pagka-init-init dahil sa apoy kungdi pagkalamig-lamig parang yelo!

Ayon sa kanyang tula na nobela, ang pinaka-masaklap aniya sa lahat ng kasalanan at kasamaan magagawa ng tao ay ang manlamig ang puso. Magkaroon ng “cold heart” sa Ingles hanggang sa mawalan na ng puso ang mga tao gaya ng sinasaad sa isa pang English expression na “heartless world.”

Larawan mula sa forbes.com 2018, fashion week sa New York.

Ang mga katagang ito na cold heart at heartless world ay mas mainam na huwag nang isalin sa ating sariling wika sapagkat mas mananamnam at mailalarawan natin ang kahulugan sa wikang Ingles kesa sabihing malamig na puso o daigdig na walang puso. Kapag sinabing cold heart o malamig na puso, ito ay patay na puso, walang buhay parang bangkay. O bato. Kapag ang mga tao ay naging ganito, mismo ang daidig ay wala na ring puso, walang pagmamahal, walang awa, walang malasakit, walang pakialam.

Gayon ang kahulugan ng puso para sa sangkatauhan – hindi lamang ito sumasagisag sa pag-ibig at pagmamahal kungdi sa buhay. Sa malasakit, sa kabutihan, maging sa kaalaman gaya ng sinasaad ng English expression na “to know by heart” na ibig sabihin ay makabisado, matandaan.

At paano natin tinatandaan ang mga bagay-bagay? Ito ay ating inire-record na mula sa dalawang kataga ng wikang Latin, re (uliting muli) at cord na mula sa cor o puso. Alalaong-baga, ang tandaan, ang memoryahin at kabisaduhin ay isapusong muli sapagkat dito sa ating puso natatago ang lahat-lahat ng ating alaala at kaalaman maging pakiramdam gaya ng kutob na nagsasaad ng pakiramdam at kaalaman na di maipaliwanag ngunit totoo.

Higit sa lahat, dito sa ating puso nananahan ang Diyos sa atin gaya ng sinasaad ng dokumento ng Vatican II sa makabagong mundo (Gaudium Spes). Kaya ngayong Dakilang Kapistahan ng Kamahal-Mahalang Puso ni Jesus, pinapaala sa atin ng pagdiriwang ito ang hiwaga ng katotohanan ng pag-ibig ng Diyos sa lahat ng tao sa lahat ng panahon.

Hindi tayo nabibigo sa ating pag-asa, sapagkat ang pag-ibig ng Diyos ay ibinuhos sa ating mga puso sa pamamagitan ng Espiritu Santo na ipinagkaloob sa atin. Sapagkat noong tayo’y mahihina pa, namatay si Cristo sa takdang panahon para sa mga makasalanan. Mahirap mangyaring ialay ninuman ang kanyang buhayn alang-alang sa isang mabuting tao. Ngunit ipinadama sa atin ng Diyos ang kanyang pag-ibig sa atin nang mamatay si Cristo para sa atin noong tayo ay makasalanan pa (Roma 5:5-8).

Gayon na lamang ang pagmamahal ng Diyos sa atin – hindi masukat gaya ng pahayag ni Jesus kay Nicodemo dahil ito ibinubuhos hindi inuunti-unti, hindi tinitingi. Binubuhos. Palaging marami ang pag-ibig na kanyang binibigay sa atin sapagkat napakalaki ng kanyang puso ni Jesus.

Lahat tayo kasya sa kanyang napakalaking Puso kaya tayo man ay inaanyayahan ni Jesus na lumusong at maglublob sa kanyang puso kung saan ang kanyang pag-ibig ay naghahanap sa nawawala at naliligaw; pag-ibig na umuunawa at umiintindi sa naguguluhan at nalilito; pag-ibig na palaging bukas at tumatanggap sa sino mang ibig manahan, tumahan kung umiiyak sa lungkot at hapis.

Ito ang Puso ni Jesus na sinasaad ng larawan ng isang Mabuting Pastol gaya ng propesiya ni Ezekiel sa Unang Pagbasa at mismong kinukuwento ni Jesus sa kanyang talinghaga sa ebanghelyo ngayon.

Makakapasok lamang tayo sa Kamahal-Mahalang Puso ni Jesus kapag atin munang pinasok ating sariling puso kung saan mismo siya nananahan sa atin. Palagi nating sinasabi ang puso ang sentro ng ating katauhan at iyan ay totoo kasi nga doon din nananahan si Jesus.

Subalit dahil sa ating mga kasalanan, sa marami nating hilig at kagustuhan at sinusundang ibang diyus-diyosan, nawawala tayo sa puso ni Jesus dahil ang totoo, nawawala na rin ating puso. Ang pinaka-simpleng paliwanag ng kasalanan na aking ginagamit palagi ay ito: sin is a refusal to love.

Ang kasalanan ay pagtanggi na magmahal. Mula sa salitang ugat na sala na ibig sabihin ay sumala o magmintis o hindi magampanan dapat gampanan, ang kasalanan ay sumala sa iisang atas ni Jesus na magmahal. Sa tuwing hindi tayo nagmamahal, tayo ay nagkakasala. Kapag tayo ay nababad sa kasalanan, nagiging manhid tayo kaya di na tayo makaramdam ng iba at kapwa. ?Dito na manlalamig ang ating puso dahil tayo ay mahihiwalay na sa iba at kapwa, wala na tayong pakialam. Tayo ay napuputol at nag-iisa, hiwalay sa Diyos at kapwa, maging sa ating sariling katauhan kaya madalas ang mga makasalanan ay hindi makapagmahal kasi nga nawawala sa sarili.

At ganyan ang takbo ng daigdig ngayon, kanya-kanya, wala sa sarili tila baga bawat isa kaya lahat na lang dinaraan sa pera-pera. Ang lahat na lamang ay sinusukat, kinukuwenta, tinatantiya katulad ng algorithm sa social media kung saan nakukuha ang marami nating pattern sa buhay gaya ng mga hilig at gusto. Nagiging “commodity” na lamang ang tao ngayon, parang produkto at kasangkapan na ginagamit, binebenta at binibili.

Huwag nating hayaang magpatuloy na lamang ito na ang mundo ay manatiling materyal lamang – malamig at manhid, walang pakiramdam. Ibalik natin ang buhay, ang ating pagkatao na pakikibahagi sa buhay ng Diyos na nanahan dito sa ating puso. Gaya ng talinghaga ni Jesus, ang Diyos ay hindi isang observer na tagamasid o spectator na manonood lamang ng takbo ng ating buhay ng mga tao. Kaya sinugo ng Ama si Jesus sa atin sapagkat mula pa man noon ibig niyang makilahok sa buhay natin dangan lamang ay lagi natin siyang pinupuwera. Lalo ngayon sa makabagong panahon na pilit inaalis na ang Diyos sa buhay ng tao!

Larawan mula sa Pinterest.com.

Sa Sacred Heart ni Jesus, muling nabubuo ang tao sa kanyang sarili at ang sangkatauhan sapagkat ang pag-ibig niya ay pag-ibig na hinahanap ang mga sira at pira-piraso nating sarili upang makumpuni at mabuong muli. Ipinapaalala sa atin ng Kamahal-Mahalang Puso ni Jesus ang pag-ibig ng Diyos ay hindi isang ideya lamang o dalumat na nakalutang sa alapaap kungdi nakatapak sa lupa – isang pag-ibig na aktibo, marubdob at matalik na nakikipag-ugnayan gaya ng ating mga naranasan noong tayo ay gulung-gulo, litong-lito, nawawala at halos wala nang saysay ang buhay. Buhaying muli ating mga puso upang maranasan tunay na kagandahan ng buhay ng tao, hindi ng robot o makina. Ating dasalin palagi:

O Jesus na mayroong
maamo at mapagkumbabang Puso,
Gawin Mong ang puso nami'y
matulad sa Puso Mo!
Amen.

Saan ka galing, saan ka pupunta?

Lord My Chef Daily Recipe, Fr. Nicanor F. Lalog II
Sacred Heart Novena Day 9, 26 June 2025
Detalye ng painting ng Sacred Heart of Jesus sa Visitation Monastery, Marclaz, France mula sa godongphoto / Shutterstock.

Huling araw ng ating pagsisiyam sa Dakilang Kapistahan ng Kamahal-Mahalang Puso ni Jesus. Pinangakuan kahapon ng Diyos si Abram na magiging ama ng lahat ng bansa, na magiging kasing dami ng mga bituin sa langit kung gabi ang kanyang mga anak subalit matanda na siya ay wala pa rin silang anak ni Sarai.

Nag-magandang loob si Sarai at sinabi kay Abram na tabihan ang alipin niyang si Agar upang magkaanak sa kanya. Hindi nga nagtagal ay nagdalantao si Agar mula kay Abram at dito nagbago ihip ng hangin. Nagmalaki at hinamak ni Agar ang kanyang amo na si Sarai kaya’t nagalit siya at nagsumbong kay Abram.

Tulad ng sino mang mister, walang nagawa si Abram sa pagkagalit ni Sarai kaya sinoli niya sa kanya ang alipin niyang si Sarai. Gumanti at pinahirapan ni Sarai ang kanyang aliping si Agar na noon ay nagdadalang-tao ng anak ni Abram hanggang sa maglayas.

Pinagmalupitan ni Sarai si Agar, kaya ito ay tumakas. Sinalubong siya ng anghel ni Yahweh sa tabi ng isang bukal na nasa ilang. Tinanong siya, “Agar, alipin ni Sarai, saan ka nanggaling at saan ka pupunta?” “Tumakas po ako sa aking panginoon,” sagot niya. “Magbalik ka at pailalim sa kanyang kapangyarihan,” wika ng anghel. At idinugtong pa: “Ang mga anak mo ay pararamihin, At sa karamiha’y di kayang bilangin” (Genesis 16:6b-10).

Larawan kuha ng may-akda, Pundaquit, San Antonio, Zambales, 15 Mayo 2025.

Maraming pagkakataon sa buhay katulad tayo ni Sarai: sa pagmamagandang loob natin, madalas napapasama pa tayo. Inaabuso ng ilan kabutihang loob natin. Kasi rin naman, madalas tayo pabigla-bigla sa pagdedesiyon lalo na kung pinanginigbabawan tayo ng kapangyarihan na sa una tingin natin ginagamit natin sa kabutihan ngunit di alintana masamang epekto sa ilan.

Sa gitna ng lahat ng ito, naroon pa rin kabutihan ng Diyos. Mabuti na lang na hindi natin siya katulad dahil ang gawi natin kapag sumablay plano natin ay magsisihan.

Patas ang Diyos sa lahat. Kasi mapagmahal siya. Sa halip na sisihin tayo na dahil tayo naman palagi may kagagawan ng problema natin, humahanap siya palagi ng solusyon. Nakita ng Diyos na nakawawa si Agar bagama’t inabuso niya kagandahang loob ni Sarai. Wala siyang kapangyarihan, napakahina bilang alipin. At pagkatapos ay nagdadalantao. Kaya sa kanyang lungkot at hirap ay naglayas at nakita kanyang sariling nag-iisa, nawawala at takot na takot doon sa ilang. Parang tayo.

Ngunit hinanap pa rin siya – at tayo – ng Diyos upang pagpalain.

Tingnan kabutihan ng Diyos: hinahanap tayo at pinagpapala maski hindi tayo mabuti sa harap niya. Bagkus, higit pa nga niyang hinahanap at tila pinahahalagahan ang mga nawawala o naliligaw.

Ang ganda ng tanong ng anghel kay Agar na siya ring tanong sa atin ngayon, “Saan ka nanggaling at saan ka pupunta?”

Pagkaraan ng siyam na araw nating nobenaryo sa Sacred Heart, tingnan natin sarili nating paglalakbay sa pananampalataya, ating pinanggalingan at pinagdaanan sa buhay. Naroon ba Diyos sa oras ng ating paghihirap at pagsubok?

Tayo ba ay papalapit o papalayo sa Diyos sa ating buhay ngayon?

Pagmasdan pagkilala ng Diyos sa paghihirap ni Agar. Batid ng Diyos kanyang mga sugat. Sa sariling buhay natin marami ding pagkakataon nagpahayag ng habag at awa ang Diyos sa ating mga hirap na pinagdaraanan.

Ang pinaka-magandang bahagi nito ay ang pagbabalik ni Agar kay Sarai. Ang kanyang pagtitiwala sa Diyos na nangakong mula sa kanyang magiging anak kay Abram ay magmumula ang isa ring malaking lahi. Pati pangalan ng kanyang magiging anak ay Diyos ang nagbigay, Ishmael na ibig sabihin ay “nakikinig ang Diyos.”

Larawan mula sa Pinterest.com.

Ngayong bisperas ng Dakilang Kapistahan ng Kamahal-Mahalang Puso ni Jesus, walang duda nakikinig ang Diyos sa ating mga poanawagan at dalangin, tangis at panaghoy sa maraming sakit at hirap. Subalit, tayo ba ay nakikinig naman sa kanya?

Mismong si Jesus nagsabi hindi lahat ng tumatawag sa kanya ng “Panginoon, Panginoon” ay maliligtas dahil kung taliwas naman ang ating buhay sa ating pananampalataya. Kaya ngayong araw, balikan natin ating pinanggalingan upang maging maliwanag kung tayo nga ay malinaw pa rin sa patutunguhan, ang Diyos.

O Jesus na mayroong
maamo at mapagkumbabang Puso,
Gawin Mong ang puso nami'y
matulad sa Puso Mo!
Amen.

Kalasag. At impluwensiya.

Lord My Chef Daily Recipe, Fr. Nicanor F. Lalog II
Sacred Heart Novena Day 8, 25 June 2025
Detalye ng painting ng Sacred Heart of Jesus sa Visitation Monastery, Marclaz, France mula sa godongphoto / Shutterstock.

Habang tayo ay papalapit na sa Dakilang Kapistahan ng Kamahal-Mahalang Puso ni Jesus, ibig ko kayong anyayahang mag-imagine sa dalawang pagbasa ngayong ika-walong araw ng ating nobenaryo.

Napakaganda kasi ng mga tagpo sa Unang Pagbasa na magkausap ang Diyos at si Abram habang sa Ebanghelyo naman ay naroon ang babala ni Jesus sa mga alagad na tigib ng kanyang pagaalala o concern para sa kanila, kasama na rin tayo.

Pagkaraan ng lahat ng ito, si Abram ay nagkaroon ng isang pangitain. Narinig niyang sinabi sa kanya ni Yahweh: “Abram, huwag kang matatakot ni mangangamba man, kalasag mo ako, kita’y iingatan At ikaw ay aking gagantimpalaan” (Genesis 15:1).

Photo by Hert Niks on Pexels.com

Kalasag. Isang panangga ng mga kawal. Shield sa Ingles. Ito ang palaging tangan ng bawat sundalo kasabay ng kanyang sandata upang ipagsanggalang siya sa mga tama ng pana at sibat at kung mayroong malapitang bakbakan, ito ang panangga sa hataw ng mga itak at palakol. nang maglaon, laban na rin sa tama ng bala.

Alalaong-baga, kalasag ang proteksiyon ng kawal.

Ganoon ang Diyos kay Abram. Bilang kalasag niya, ang Diyos ang naging tagapaglaban at tagapagtanggol ni Abram tulad sa eksenang ito nang matagumpay na makipagdigma si Abram sa mga bumihag sa pamangkin niyang si Lot. Pagkatapos ng labanan, dumating ang pari ng Diyos na hari ng Salem, si Melquisidec upang pagpalain si Abram na nagbigay sa kanya ng mga nasamsam niyang kayamanan ng mga kalaban bilang pasasalamat sa tulong ng Diyos.

Kaya ang Diyos bilang kalasag ni Abram ang pangunahing impluwensiya rin sa buhay ni Abram.

Sa tagpong ito, makikipagtipan ang Diyos kay Abram sa unang pagkakataon. Nag-usap sila ng Diyos na parang magkaibigan sa isang pangitain kung saan nagpahayag ng saloobin si Abram ukol sa kayang edad na wala pa siyang anak.

Dito lalong gumanda ang eksena na nakakakilabot din: naghandog si Abram ng mga susunuging alay sa Diyos na tinupok ng apoy na ibig sabihin, tinanggap ng Diyos. Higit sa lahat, pinangako ng Diyos kay Abram na magiging kasing dami ng mga bituin ang kanyang lahi habang ang buong lupaing natatanaw niya ay magiging kanya. Iyon ang pinanghawakang parang kalasag ni Abram sa kanyang buhay. Kaya iyon ang malaking impluwensiya sa kanya.

larawan kuha ng may-akda, Pundaquit, San Antonio, Zambalaes, 14 Mayo 2025.

Imagine natin muli ang eksena ni Abram at Diyos sa gitna ng kadiliman ng gabi nang ganapin kanilang pagtitipan. At pagkatapos, ipasok natin eksena sa Ebanghelyo na katulad kung saan si ay matalik at buong giliw nakikipag-usap sa kanyang mga alagad. Kasama na tayo doon

Tila bagabag si Jesus na nagbababala sa atin sa mga huwad na propeta, sa mga manlilinlang tulad ng mga lobo o asong-gubat na nagkukunwaring tupa. Higit sa lahat, ang kahalagahan sa pagkilala at pagkilatis sa mga bunga ng mga punong kahoy.

Makikilala ninyo sila sa kanilang mga gawa. Napipitas ba ang ubas sa puno ng dawag, o ang igos sa puno ng aroma? Nagbubunga ng mabuti ang bawat mabuting punong-kahaoy, subalit nagbubunga ng masama ang masamang punongkahoy (Mateo 7:16-17).

Kalasag. Tapos bunga at punong kahoy. Anu-ano at sinu-sino nakaka-impluwensiya sa atin lalo na sa makabagong panahong ito?

Nakakalungkot isipin na ipinagmamalaki pa ng ilang kapatid natin ang kanilang pagiging makabago sa pagyakap sa mga kaisipang wokism at “liberated” sa larangan ng sexuality at pag-aasawa gayong salungat ang mga ito sa turo ni Jesus.

Ang bagong kalasag ng maraming tao ngayon ay agham at teknolohiya, pati tao minamanipula sa mga genetic engineering at test tube baby, bukod sa abortion at contraceptives. Marami tayong kinakain at iniinom sa ngayon na genetically modified, mga bunga ng eksperimento sa agham. At ang pinakamalungkot sa lahat, pera-pera na buhay ngayon. Lahat pinepresyuhan maging katotohanan at katauhan.

larawan kuha ng may-akda sa Tagaytay, Abril 2025.

Anu-ano at sinu-sino nakaka-impluwensiya sa atin sa buhay ngayon. Maituturing pa ba nating ating kalasag ang Diyos sa panahong ito na mas pinahahalagahan ang teknolohiya at materyal na bagay kesa espirituwal?

Ito ang babala ni Jesus: tingnan mga bunga nito. Naghahatid ba ng kapanatagan at kapayapaan sa ating sarili at sa mundo?

Maraming nag-aakala na ang sagot sa kadiliman ng buhay ngayon ay ang mga teknolohiya at makabagong kamalayan ngunit ang totoo, lalong naging hungkag ang buhay ng tao, lalo tayong lito at nawawala sa gitna ng maraming nakakaakit na impluwensiya sa buhay. Maraming kalasag tayong ginagamit ngayon na mahuna at hindi maaasahan sa pakikidigma sa buhay.

Walang katulad ang Diyos bilang kalasag. Kay Jesus, doon lamang tayo makapapamunga nang sagana tulad ng puno ng ubas. Maaring salat tayo sa kayamanan ngunit ganap ang ating katauhan kapag ang Diyos ang ating kalasag katulad ni Abram.

Kay sarap pagmasdan tuwing misa ng araw ng Biyernes ang mga deboto ng Kamahal-Mahalang Puso ni Jesus na mayroong suot na iskapularyo. Hindi ba’t hugis ng kalasag ang mga iskapularyo? Huwag nating ikahiyang isuot at panindigan si Jesus bilang ating kalasag, bilang impluwensiya sa buhay natin. Sa araw na ito, tinatanong tayo ni Jesus sa Kanyang Kamahal-Mahalang Puso kung ano at sino ang nakaka-mpluwensiya atin na siyang kalasag din nating laging dala-dala at pinakikinggan? Pagmasdan din natin ang ating mga bunga sa buhay at debosyon sa Sacred Heart.

O Jesus na mayroong
maamo at mapagkumbabang Puso,
Gawin Mong ang puso nami'y
matulad sa Puso Mo!
Amen.
Larawan mula sa Pinterest.com.

Resist, insist (Ang Solstice, Part 2)

Lord My Chef Daily Recipe, Fr. Nicanor F. Lalog II
Sacred Heart Novena Day 7, 24 June 2025
Solemnity of the Birth of John the Baptist
Detalye ng painting ng Sacred Heart of Jesus sa Visitation Monastery, Marclaz, France mula sa godongphoto / Shutterstock.

Sikapin nating pag-ugnayin ating Nobena sa Sacred Heart at ang Dakilang Kapistahan ng Pagsilang ni Juan Bautista sa liwanag ng ating pagninilay kahapong bisperas nito ukol sa “summer solstice”.

Sa paglalahad ng personalidad at misyon ng Panginoong Jesus, palaging naroon si Juan Bautista bilang kanyang tagapaghanda ng daraanan gaya ng ating narinig sa propesiya ni Isaias sa unang pagbasa. Kaya naman maging sa kanilang kapanganakan ay hindi maiwasan ang ugnayang ito: isinilang sa petsang ito si Juan Bautista panahon ng “summer solstice” habang ang Pasko ng Pagsilang ni Jesus ay panahon ng “winter solstice”.

Mula sa wikang Latin ang salitang solstice na pinagsamang sol o araw/sun at sistere o paghinto na sa Ingles ay to stop o to stand still. Kapag mayroong solstice, humahaba ang araw dahil tumitigil pansamantala sa pag-inog ang daigdig upang tumutokn sa araw kaya kapag summer, ito ang pinaka-maliwanag habang kung taglamig, ito pinaka-madilim.

Kaya kagabi sabi natin, pinaaalalahan tayo na tumigil din upang katagpo muli ang Diyos. Mula sa salitang sistere nagbuhat ang Ingles na desist – stop o tigil.

Ngayong Dakilang Kapistahan ng Pagsilang ni Juan Bautista, tinatawagan tayo ng ebanghelyo at maging ng Kamahal-Mahalang Puso ni Jesus na tayo ay mag-resist ,”lumaban” o “tumutol” at mag-insist, magpilit.

Nang ikawalong araw, dumalo sila sa pagtutuli ng sanggol. Zacarias sana ang ipangangalan sa kanya – gaya ng kanyang ama – nugnit sinabi ng kanyang ina, “Hindi! Juan ang ipapangalan sa kanya.” “Subalit wala isa man sa iyong mga kamag-anak ang may ganyang pangalan,” wika nila. Kaya’t hinudyatan nila ang kanyang ama at itinanong kung ano ang ibig niyang itawag sa sanggol. Humingi siya ng masusulatan at sumulat ng ganito: “Juan ang kanyang pangalan.” At namangha silang lahat (Lukas 1:59-63).

Larawan kuha ng may-akda, St. Scholastica, Tagaytay, Agosto 2024.

Hindi sapat na tayo ay tumigil sa mga gawain natin o mag-desist upang makatagpo ang Diyos. Katulad nina Elizabeth at Zacarias, kailangan nating mag-resist upang labanan ang mga salungat sa plano ng Diyos at mag-insist sa ebanghelyo at mga turo ni Jesus.

Lalo na sa ating panahon ngayon na laganap ang kasamaan at kasalanan na tila baga inaayunan na ng lahat dahil sa social media. Normal na ngayon ang magmura at magsalita ng mga kalaswaan. Hindi lamang iyon, dahil sa internet at AI, talamak na rin ang mga kabastusang usapan at larawan na madaling makita ng lahat lalo ng mga bata. Higit sa lahat, dahil sa laganap at mabilis na pagkalat ng mga larawan at impormasyon, marami ang nahahalina na tanggapin at sang-ayunan mga kaisipang banyaga na tinuturing makabago gayong malinaw na mga mali at salungat sa kabutihan at mga turo ni Jesus tulad ng abortion at diborsiyo at same sex marriage.

Pagmasdan ang mariing resistance – pagtutol – ni Elizabeth nang makialam mga tao nakisaya sa kanila na pangalanang “Zacarias” ang kanyang sanggol: “Hindi! Juan ang ipapangalan sa kanya.”

Painting ni Anton Raphael, pangangaral ni San Juan Bautista sa ilang; mula sa wikipedia.org.

Kaya ba nating sumagot nang gayon sa mga paglapastangan sa Diyos at pagbatikos sa Mahal na Birheng Maria? Isa sa mga palaging sinasambit sa nobena sa Sacred Heart ay ang paglapastangan ng marami sa Banal na Eukaristiya at sa Kamahal-Mahalang Puso ni Jesus. Naipaglalaban ba natin sa pamamagitan ng mahinahong pagtutuwid. Nakakalungkot madalas nahihiya tayong magdasal lalo na bago kumain sa mga restaurant at fastfood! Kay gandang namnamin ang conviction ni Elizabeth kaya mariin siyang tumutol sa panukalang Zacarias ipangalan kay Juan.

Ang pagtutol o resistance ay mabuti kung ang ating tinututulan ay kasamaan at kasalanan. Nang lumaki na si Juan Bautista, palagi siyang tumitigil (desist) sa ilang upang manalangin at mamuhay ng payak di tulad ng gawi ng maraming tao noon maging ngayon. Katulad ng kanyang ina, mariin ding tinutulan ni Juan Bautista mga kamalian at kasamaan noon. Kaya siya nakulong ay dahil tahasan niyang sinabihan si Herodes na mali ang ginawa nitong pag-agaw at pagsama sa dating asawa ng kapatid niyang si Felipe. Sa kanyang pangangaral, hindi natakot si Juan Bautista na tawaging mga lahi ng ulupong kanyang kababayang namumuhay sa kasalanan bilang tanda ng kanyang pagtutol at paglaban sa mga kalabisan ng lahat.

Gayon din naman, napaka-halaga na mayroon din tayong pag-insist – pagpipilit, paninindigan baga – para sa tama at mabuti katulad nina Elizabeth at Zacarias. Ito ang halimbawa ni Zacartias nang isulat niya bilang pagsang-ayon di lamang kay Elizabeth kungdi sa Diyos mismo na “Juan ang ipapangalan” sa anak nila.

Nang mangaral si Juan Bautista sa ilang, pinanindigan niya lahat ng tama at mabuti kaya naman sa siya man ang unang naghandog ng kanyang buhay sa katotohanan katulad ni Jesus nang papugutan siya ng ulo ni Herodes sa salang pagsasabi ng totoo. Sa panahon natin hindi pa umaabot sa mga pagpaparusa maliban sa panlalait ang ating hinaharap sa paninindigan sa tama at mabuti tila hirap na hirap na tayo. Bumoto lang ng tama sa pagwawaksi sa mga corrupt at mamamatay tao, hindi natin magawa. Paano pa ang manindigan sa ibang turo ni Kristo?

Larawan kuha ng may-akda, Angels HIlls Retreat House, Tagaytay, Abril 2025.

Pagmasdan natin. Sa isang simpleng pagsusulat lamang, nabago si Zacarias at muling nakapag-salita nang kanyang ipagpilitan kalooban ng Diyos na Juan ang ipangalan sa sanggol. Higit pa roon, nabago ang kasaysayan ng mundo dahil sa pagpipilit niya sa pangalang Juan sa kanyang anak, natupad lahat ng propesiya sa tagapaghanda ng darating na Kristo.

Sa tuwing tayo at nagdedesist, resist at insist ng tama at mabuti laban sa kasamaan at kasalanan, tayo ay nagiging pagpapala ng Diyos na siyang kahulugan ng pangalang Juan. Kapag nagkakagayon, tunay nga nating naihahatid sa pagdating sa mundo ngayon si Jesus na pilit binubura, inaalis ng marami sa buhay sa mundo ngayon na pinapanginoon ay salapi at kapangyarihan.

Ngayong ika-pitong araw ng nobena sa Sacred Heart at Dakilang Kapistahan ng Pagsilang ni Juan Bautista, hinahamon tayo ni Jesus na huwag maging bantilawan – indifferent – o sala sa init, sala sa lamig sa ating pagiging alagad niya. Ating i-resist ang masasama at kasalanang laganap at mag-insist di lamang sa pagtuturo kungdi sa halimbawa sa ating pamumuhay ng ebanghelyo ni Kristo.

O Jesus na mayroong
maamo at mapagkumbabang Puso,
Gawin Mong ang puso nami'y
matulad sa Puso Mo!
Amen.

*Ang ideya ng SOLSTICE ay aking hinalaw mula sa pagninilay naman sa mga panahon ni Sr. Renee Yann, RSM sa kanyang blog na aking sinusundan; napakaganda ng kanyang mga lathalain at bakas ang kanyang kabanalan at karunungan. Tingnan sa link na ito: http://lavishmercy.wordpress.com

Tag-Araw, Tag-Ulan (Ang Solstice)

Lord My Chef Daily Recipe for the Soul by Fr. Nicanor F. Lalog II
Sacred Heart Novena Day 6, 23 June 2025
Detalye ng painting ng Sacred Heart of Jesus sa Visitation Monastery, Marclaz, France mula sa godongphoto / Shutterstock.

Sigurado, sasabihin ninyo ako ay kumakanta na naman sa pagninilay dahil sa ating pamagat na “Tag-Araw, Tag-Ulan” mula sa awitin ng yumaong si Haji Alejandro noong aming kabataan ng 1977.

Bata pa lamang po ako ay mahilig na ako sa radyo at tugtugin kaya hindi ko maiwasang maugnay palagi maski sa pagdarasal ang maraming awiting aking nagisnan.

At heto na nga po ang titik ng awit ni Haji na noon ay tinaguriang “kilabot ng mga kolehiyala” di lamang sa kanyang porma kungdi sa ganda ng boses at mga tema ng pag-ibig sa kanyang musika katulad ng “Tag-Araw, Tag-Ulan”:

Tag-araw, sa may dagat namasyal
At pagdilim, sa may baybay humimlay
At nagyakap, sabay sa pagsabog ng alon
Sabay sa paghuni ng ibon, saksi ay liwanag ng buwan
'Di ba sabi mo pa, na wala pang iba
Na ako ang una sa pagmamahal mo, sinta?

At ang buhay nating dal'wa ay nagbunga
Ng makulay na pag-ibig na dakila
Ngunit, bakit ngayong umuugong ang hangi't ulan
'Sing lamig ng gabi ang mga halik mo?
Ni wala nang apoy, titig mo sa akin
Naglaho ba ang pagmamahal mo, sinta?
Larawan kuha ng may-akda, La Trinidad, Benguet, 12 Hulyo 2023.

Hanapin na lamang po ninyo sa YouTube.com ang awit ni Haji na “Tag-Araw, Tag-Ulan” dahil ngayong ika-anim na araw ng ating Nobena sa Kamahal-Mahalang Puso ni Jesus ay bisperas din ng Dakilang Kapistahan ng Pagsilang ni San Juan Bautista, ang tagapaghanda ng Kristo.

Bukod tanging siya lamang at si Jesus ang ipinagdiriwang natin ang kaarawan ng pagsilang bilang Dakilang Kapistahan o Solemnity, ang pinaka-mataas na antas ng selebrasyon sa Simbahan. Palaging pinag-ugnay ng mga ebanghelista lalo ni San Lukas ang buhay at misyon nina San Juan Bautista at Panginoong Jesus na magpinsang makalawa.

Bagama’t ating ipinagdiriwang din ang pagsilang ng Mahal na Birheng Maria tuwing ika-walo ng Setyembre, ito ay Kapistahan lamang o Feast. Kaya kung inyong napapansin, ang kapistahan kadalasan ng mga Santo at Santa ay petsa ng kanilang kamatayan dahild doon sila pumasok sa buhay na walang hanggan.

Marahil sa bahaging ito nagtataka na kayo nasaan ang kaugnayan ng ating introduction na awitin ni Haji na “Tag-Araw, Tag-Ulan” at nina Jua Bautista at Jesu-Kristo at ng Kanyang Kamahal-Mahalang Puso? Heto po mga kaugnayang iyon:

  1. Isinilang si Juan Bautista panahon ng summer solstice, ang pinakamahaba at pinaka-maliwanag na araw sa buong taon tuwing Hunyo habang si Jesus naman ay isinilang ng winter solstice, pinaka-mahaba at pinaka-madilim na araw tuwing Disyembre upang ipakita kanilang ugnayan: dala ni Juan Bautista ang liwanag ni Kristo na siyang liwanag sa gitna ng malaking kadiliman ng mundo.
  2. Ang salitang “SOLSTICE” ay mula sa wikang Latin ng pinagsamang mga kataga na “SOL” (araw o sun) at “SISTERE” (tigil o hinto, stop o stand still gaya ng “to desist/resist” sa Ingles) na kung saan pansamantalang tumitigil o humihinto ang mundo at tumututok sa araw kaya pinaka-maliwanag din ang araw na iyon. Ayon sa PAGASA, naganap ang summer solstice ng 2025 sa bansa noong Sabado, ika-21 ng Hunyo bandang alas-10:42 ng umaga;magaganap ang winter solstice naman sa ika-21 ng Disyembre, 2025 ganap na alas-11:03 ng gabi na siyang pinakamahaba at madilim na araw naman.
  3. Yung awit ni Haji ay “summer solstice” sa Pilipinas na kung saan ating nararanasan ang tag-ulan sa tag-araw, hindi ba? Sa awit ni Haji, nagtataka siya bakit huminto ang kanilang pagmamahalan na tila lumalabo na kanilang samahan katulad ng malakas na ulan sa gitna ng sikat ng araw.
Larawan kuha ng may-akda sa St. Paul Spirituality Center, La Trinidad, Benguet, 06 Enero 2025.

Ang ganda ng larawan, hindi ba?

Subalit, hindi ba ganyan din kadalasan ugnayan natin sa Diyos, parang malabo na di maintindihan? Alalaong-baga, itinakda ng Diyos na natural na tumigil (sistere) pansamanatala ang mundo sa harap ng araw (sol) upang magkaroon ng SOLSTICE upang pahabain at paliwanagin ang araw minsan kada Hunyo at dagdagan ang dilim ng gabi minsan kapag Disyembre upang mabalanse ang init at lamig sa daigdig. Kapag walang solstice, maaring masunog at matusta siguro ang mundo! Kaya mahalaga ang solstice na siya ring panawagan ng Diyos sa ating lahat ngayon.

Dumating si Juan Bautista upang magkaroon ng sosltice kung baga upang tumigil at magisis ng mga kasalanan at magsuri ng sarili upang magbalik sa Diyos sa pamamagitan ng pagkilala at pagmamalasakit sa kapwa.

Ito rin ang kailangan natin sa buhay ngayon, ang pagtigil at pananahimik. Tingnang paanong pinatahimik ng anghel si Zacarias na ama ni Juan Bautista. Katulad niya tayong mga tao ngayon. Puro tayo mema – memasabi lang. Puro kuda ika ng mga bata. Lahat iniisip natin maski problema ng Diyos, problema ng mga kung sinu-sino.

Napansin ko sa aking pagiging chaplain dito sa unibersidad, maraming mga bata ngayon ang “over-thinker” pero hindi na man “critical-thinker”.

Senyales ng kawalan ng pagtitiwala maging ng pananampalatay ang pagiging overthinker – lahat kasi inaalala at kinatatakutan. Madalas mga overthinker ay manipulator at control freak din. Wala kasing tiwala katulad ni Zacarias na ang lakas ng loob hamunin ang angel sa tanong niya kung paano niya matitiyak na totoo ang mabuting balita sa kanya ng pagkakaroon ng anak gayong baog at matanda na si Elizabeth na kanyang may-bahay?

Sa kabilang dako naman, pagmasdan ang kusang pananahimik o pagtigil (sistere) ni Elizabeth sa loob ng kanilang tahanan ng anim na buwan nang siya ay magdalantao kay Juan Bautista. Puno siya ng tiwala at pananampalatay sa Diyos katulad ng kanyang pinsang si Maria na pagkaraan ng anim na buwan ay babalitaan din ng anghel ng pagsilang niya sa Kristo.

Katulad din niya si Jeremias na tinawag at hinirang ng Diyos sa unang pagbasa upang maging kanyang propeta. Bagaman ipinakikita ng tagpo ng unang pagbasa ang pagkakahalintulad ng misyon nina Jeremias at Juan Bautista bilang tagapagsalita ng Diyos, ipinakikita rin sa atin ang attitude niya na tumigil at tumalima sa atas ng Diyos.

Larawan kuha ng may-akda, Cabo de Roca, Pundaquit, San Antonio, Zambales, 14 Mayo 2025.

Sa kuwento ng pagsilang ni Juan Bautista, ipinakikita sa atin kung paanong ang Diyos ay pumapasok sa ating panahon at buhay upang isagawa ang kanyang pagliligtas. Subalit malinaw din sa kuwentong ito ang pakikipag-isa ng tao tulad nina Zacarias at Elizabeth maging ni Jeremias upang maganap plano ng Diyos kay Jesu-Kristo.

Ito ang misyon na ipinagpapatuloy ng Simbahan gaya ng pagninilay at paliwanag ni San Pedro sa ikalawang pagbasa. Kung titingnan natin, madalas parang malabo ang Diyos, parang tag-ulan sa tag-araw na tinatawag tayo sa misyon kay Kristo gayong kay rumi natin sa kasalanan, kay daming kapintasan. Madalas pa nga ay tumatanggi tayo o naghahamon gaya ni Zacarias.

Subalit isang bagay ang malinaw: hindi titigil ang Diyos hanggat hindi tayo napapatigil din upang makinig at sumunod sa kanya. Sa araw na ito, hiling sa ating ng Sacred Heart ay magkaroon ng solstice – huminto at tumigil pansamantala at itutok ating tuon at sarili sa alab ng apoy ng pag-ibig ni Jesus sa atin.

O Jesus na mayroong
maamo at mapagkumbabang Puso,
Gawin Mong ang puso nami'y
matulad sa Puso Mo!
Amen.

*And ideya ng SOLSTICE ay aking hinalaw mula sa pagninilay naman sa mga panahon ni Sr. Renee Yann, RSM sa kanyang blog na aking sinusundan; napakaganda ng kanyang mga lathalain at bakas ang kanyang kabanalan at karunungan. Tingnan sa link na ito: http://lavishmercy.wordpress.com

Ang tunay na kayamanan, nakikita ng mata, nakikilala ng puso

Lord My Chef Daily Recipe by Fr. Nicanor F. Lalog II
Sacred Heart Novena Day 3, 20 June 2025
Detalye ng painting ng Sacred Heart of Jesus sa Visitation Monastery, Marclaz, France mula sa godongphoto / Shutterstock.

Kamangha-mangang pakinggan mga obserbasyon ng Panginoong Jesus sa maraming bagay sa ating buhay na nagpapatunay na taong-tao nga siya katulad natin. Nakatapak siya sa lupa at dama lahat ng ating karanasan at pinagdaraanan katulad nitong pahayag niya sa ebanghelyo sa araw na ito na muling tumugma sa ating pagnonobena sa Sacred Heart.

Sinabi ni Jesus, “Huwag kayong mag-impok ng mga kayamanan dito sa lupa; dito’y may naninirang tanga at kalawang at may nakakapasok na magnanakaw. Sa halip, impukin ninyo ay mga kayamanan sa langit; doo’y walang naninirang tanga at kalawang, at walang nakakapasok na magnanakaw. Sapagkat kung saan naroon ang inyong kayamanan, naroon din naman ang inyong puso” (Mateo 6:19-21).

Higit pa sa isang obserbasyon, inaanyayahan at hinahamon din tayo ngayon ni Jesus na suriing mabuti upang matapat nating maamin sa sarili kung saan nga ba nakatuon ang puso natin. Ano o sino nga ba ang ating tanging yaman o tunay na kayamanan sa buhay?

Photo by Lara Jameson on Pexels.com

Hindi pa rin mabura sa aking isipan isang katotohanang tumambad sa akin nitong nakaraang Christmas party sa opisina kung saan noong parlor game na “bring me” ay tinanong ng emcee kung “ano ang una mong hinahanap pagkagising sa umaga?”

Sagot ko ay salamin upang mabasa ko ang oras subalit laking gulat ko na ang tumpak na sagot daw ay cellphone!

Nagsurvey ako sa elevator hanggang sa Misa noong hapon na iyon sa chapel maging noong Simbang Gabi sa parokya at ang sagot ng bayan – cellphone pa rin!

Naisip-isip ko, wala bang naghahanap ng tsinelas o kape o ng asawa o ng anak man lang pagkagising kungdi cellphone?

Paano na ang Diyos, may naghahanap pa ba sa kanya tuwing umaga? Siguro kapag mayroon na lang krisis o matinding pagsubok ang tao sa kanyang buhay. Ngunit kung sagana at maayos ang pamumuhay, mga materyal na bagay ating inaatupag marahil, lalo na ang cellphone at social media.

Pagmasdan kung paanong halos sambahin ng mga tao ngayon ang cellphone na pirming dala-dala hanggang sa loob ng simbahan o palikuran. Sa mga sasakyan at tahanan at kung saan-saan, nakakagulat makita lalo mga bata nakasubsob ang ulo sa cellphone. Ang malungkot, isa sa mga unang inaalam ng karamihan ngayon ay kung anong cellphone ang gamit mo dahil dito na sinusukat ang pagkatao lalo na kapag gamit mo ay iPhone 16 Pro-Max! May nagtatanong pa nga kung “fully paid” daw ba iyong Pro-Max?

At hindi biro ang halaga ng mga cellphone ngayon kaya nga para tayong mga baliw hindi lang sa pagbili nito kungdi sa labis na pagpapahalaga. Pagmasdan kapag nawawala ang cellphone nino man – hindi mapakali at parang kiti-kiti sa pagkapkap ng buong katawan at pag-aapuhap sa kapaligiran para matagpuan nawawalang cellphone. Kay saklap na katotohanan subalit halos lahat tayo ay guilty, your honor.

Larawan kuha ng may-akda, Sacred Heart Novitiate, Novaliches, 2015.

Sa ikatlong araw din na ito ng ating nobenaryo sa Kamahal-Mahalang Puso ni Jesus, tayo man ay kanyang inaanyayahan na maging malinaw at matalas ating mga mata upang makita natin higit na mahahalaga sa buhay.

“Ang mata ang pinakailaw ng katawan. Kaya’t kung malinaw ang iyong mata, maliliwanagan ang buo mong katawan. Ngunit kung malabo ang iyong mata, madirimlan ang buo mong katawan. Kaya’t kung ang liwanag na nasa iyo ay kadiliman pala, napakadilim niyan!” (Mateo 6:22-23)

Kapag malabo ating mga mata, kapag mga bagay na materyal lang pinapansin at binibigyang halaga at ayaw nang tumanaw sa malalalim na katotohanan sa buhay, iba ang kahihiligan ng ating puso.

Mananatili tayong salat at dukha sa tunay na kayamanan sa Diyos na tanging sa kanya lamang matatagpuan sa pamamagitan ng ating mga ugnayan sa ating mga kapwa lalo na sa ating pamilya at mga kamag-anak pati na mga kaibigan. Sa ating pakikipag-ugnayan, doon lumalalim at yumayaman ating katauhan sa iba’t ibang karanasan ating napagdaraanan lalo na ng mga pagsubok at dagok sa buhay tulad ng hindi mahalin, tanggihan o talikuran at pagtaksilan, masaktan at mabigo, magkasakit at maghikahos sa buhay, maging mamatayan.

Iyan ang itinuturo ni San Pablo sa unang pagbasa: para sa kanya, ang ipinagmamalaki niyang higit ay ang kanyang mga kahinaan at kabiguan dahil doon nahahayag kapangyarihan at kadakilaan ni Jesus. Taliwas at salungat sa gawi ng mundo lalo ngayon na puro payabangan, pahusayan, pasikatan mga tao lalo na sa social media.

Subalit batid din natin naman ang masaklap na katotohanan na sa kabila ng maraming karangyaan at kayamanan, kapangyarihan at katanyagan, lalo namang naliligaw at nawawala mga tao sa ngayon. Kulang at kulang pa rin ating kagalakan at kaganapan o fulfillment sa buhay.

Wika nga ni San Agustin, “Ginawa mo kami para sa Iyo, O Panginoon, at hindi mapapanatag aming puso hanggat hindi napapahingalay sa Iyo” (You have made us for yourself, O Lord, and our hearts are restless until they rest in you”).

Ngayong ikatlong araw ng ating pagsisiyam sa Kamahal-Mahalang Puso ni Jesus, buong kababaang loob tayo dumulog sa kanya at ilahad ating mga pusong dukha at salat sa tuwa at kagalakan, ang ating mga puso na taksil at puno ng kasalanan. Higit sa lahat, atin ding mga puso na sugatan sa maraming sakit at hapis na pinagdaanan. Hayaan nating linisin, hilumin at panibaguhin ni Jesus ating mga puso upang siya na ang lumuklok at manahan dito yaman rin lamang na Siya ang ating tanging yaman. Managing tayo:

O Jesus na mayroong
maamo at mapagkumbabang Puso,
Gawin Mong ang puso nami'y
matulad sa Puso Mo!
Amen.

Pangungusap ng Puso

Lord My Chef Daily Recipe by Fr. Nicanor F. Lalog II
Sacred Heart Novena Day 2, 19 June 2025
Detalye ng painting ng Sacred Heart of Jesus sa Visitation Monastery, Marclaz, France mula sa godongphoto / Shutterstock.

Nakatutuwa itong ating wika. Mabulaklak na kahit hindi ka isang makata minsa’y di sinasadya ika’y nakakatha ng kahit maigsing tula.

Madalas ating mabasa sa mga panitikan at mapakinggan saan man kuwentuhan na tila baga itong puso ay nagsasalita gayong wala naman itong bibig. Mismo ang Panginoong Jesus noon ay nagsabi na “ano man ang bukambibig, siyang laman ng dibdib” (Mt.12:34 at Lk.6:45) upang ipakita ang pagkakadugtong ng puso at bibig tulad ng kaisahan nito sa ating kamay batay sa pagninilay kahapon.

Samakatwid, nangungusap nga itong ating puso. At iyan ang ibig kong pagnilayan ngayong ikalawang araw ng ating pagsisiyam para sa Dakilang Kapistahan ng Kamahal-Mahalang Puso ni Jesus. Ito ang sinasaad sa ating napakinggan ngayong araw na bahagi ng pangangaral ni Jesus sa mga tao mula sa kanyang sermon sa bundok.

“Sa pananalangin ninyo’y huwag kayong gagamit ngn napakaraming salita, gaya ng ginagawa ng mga Hentil. Ang akala nila’y pakikinggan sila ng Diyos dahil sa dami ng kanilang salita. Huwag ninyo silang tutularan. Sapagkat alam na ng inyong Ama ang inyong kinakailangan bago pa man ninyo hingin sa kanya. Ganito kayo mananalangin: ‘Ama naming nasa langit, sambahin nawa ang pangalan mo'” (Mateo 6:7-9).

Photo by Designecologist on Pexels.com

Isa sa mga madalas na itanong sa akin ng mga mag-aaral dito sa Our Lady of Fatima University bilang kanilang chaplain ay alin daw ba ang dapat nilang pakinggan, sigaw ng puso o sigaw ng isipan?

Palagi kong tugon sa kanila ay ang pabirong paalala na unahin nilang pakinggan lagi ang sigaw ng kanilang mga magulang.

Pagkaraan ng ilang tawanan, saka ko binabalik sa kanila ang tanong sa ibang anyo naman: humihiyaw nga ba ang puso gayong ang pagtibok nito ay napakahina? Hindi kaya sa pakikipag-usap sa atin nitong ating puso, ang ibig nito ay taimtim na pakikinig dahil kung ito ay mangusap, madalas ay pabulong.

Larawan kuha ng may-akda, Atok, Benguet, 27 Disyembre 2024.

Mag-imagine tayo kunwari ay naroon tayo sa bundok sa sermon ni Jesus. Siguradong malakas ang tinig niya sa pangangaral ngunit sa aking pakiwari mayroong indayog ang kanyang pananalita na kung saan minsan-minsan marahil siya ay bumubulong katulad nitong sa pagtuturo niya kung paano tayo mananalangin. Mahigpit ang kanyang bilin na huwag tutularan mga Hentil na napakaraming sinasabi sa Diyos sa pakiwaring sila ay pakikinggan. Hindi natin kailangang maging maingay at daanin sa dami ng sinasabi ang Diyos bagkus higit na mainam ang pananahimik upang mapakinggan sinasabi sa atin ng Diyos. Sinabi na ni Jesus na alam ng Diyos ating pangangailangan bago pa man tayo dumulog sa kanya sa pagdarasal. Kaya tayo nagdarasal ay upang pakinggan kalooban ng Diyos.

Kaya gumagamit ng stethoscope mga duktor at nurse kasi nga mahina ang tinig ng puso natin. At yon ang unang kinakailangan sa pananalangin – katahimikan upang Diyos ay mapakinggan!

Kung ang puso man ay humihiyaw, marahil wala na tayong masyadong alitan at mga kaguluhan dahil tiyak ating maririnig at mapapakinggan bawat pintig ng puso na iisa ang sinasabi kungdi ang tayo ay magmahal nang tunay. Ito ang buod ng “Ama Namin” at lahat ng mga panalangin. Ang pag-ibig ng Diyos sa ating lahat na ating tinutugunan ng pagmamahal sa ating kapwa dito sa lupang ibabaw lalo na sa pagpapatawad sa kanilang pagkakasala sa atin.

Sa Kamahal-Mahalang Puso ni Jesus, doon ay malinaw na inihahayag ang dakilang pag-ibig ng Diyos sa ating lahat ngunit walang nakikinig dahil mas nahahalina ang marami sa malalakas at maiingay na tinig ng daigdig. Ito yung ikinalulungkot ni San Pablo sa mga taga-Corinto sa unang pagbasa ngayon dahil napakadali nilang nalinlang at napasunod sa mga kakaibang turo ng ibang nangangaral sa kanila. Katulad din natin ngayon na maraming nagpapaniwala at nahahalina sa mga kung anu-anong kaisipan ng mundo gaya ng new age at wokism at iba pang mga ideya na wala nang pakialam sa Diyos at moralidad gaya ng relativism na siyang sanhi ng paniniwala sa same sex marriage at abortion.

Larawan kuha ng may-akda sa Liputan, Meycauayan, Bulacan, 31 Disyembre 2022.

Imagine din natin na first time napakinggan ang panalanging “Ama Namin.” Malamang pabulong at marahang binigkas ni Jesus ang mga titik ng panalanging ito upang tumimo ng higit sa puso at kalooban ng mga tagapakinig.

Kakaibang kaisipan noon iyon sa mga Hudyo sapagkat ang Diyos sa pagkakaalam nila ay makapangyarihan at hindi maaabot doon sa langit. Ngunit kay Jesus, malapit ang Diyos tulad ng sino mang ama sa lupa. Isang personal at mapagmahal na parang tao ang Diyos na pinakilala ni Jesus sa kanila at maging sa atin ngayon kaya mas malamang ay malumanay na malumanay ang pagbigkas ni Jesus lalo ng “Ama naming nasa langit” dahil puno ng pagmamahal at pag-galang. Hindi ba noong una tayong ma-in love ay tahimik din tayo? Hindi natin pinagsasabi yung pers lab natin?

Ayon sa mga dalubhasa sa bibliya, mas mahaba ang tala ni San Mateo sa pagtuturo ni Jesus ng “Ama namin” kesa sa bersiyon ni San Lukas; layunin anila ni San Mateo na ituro ang ating disposisyon sa pananalangin habang si San Lukas naman ang tuon ay naroon sa laman ng ating dasal.

Sa madaling sabi, pagmamahal ang disposisyon nating dapat sa pananalangin di lamang ng “Ama namin” kungdi mismo sa ating pakikipag-ugnayan sa kapwa na siyang paghahayag ng ating ugnayan sa Diyos.

Ang Ama namin at lahat ng pananalangin ay paghahayag ng ugnayan kaya ang mga ito ay dinarama, nilalasap dahil ito ay isang karanasan na pinaninindigan at pinatutunayan sa mabubuting gawa.

Noong bata pa tayo at wala pang kamuwang-muwang sa mga kalokohan at kasamaan ng mundo, napakadali nating napapakinggan bulong ng puso na magmahal, makipag-bati, magsorry, magsabi ng please at thank you, at maging mabuting tao. Subalit sa ating pagtanda, atin nang tinuturuan ang puso natin ng sariling kagustuhan na dapat laging sundin at pakinggan. Magsinungaling kung kinakailangan.

Masaklap na bunga nito ang ating pagkakawatak-watak. Hindi maramdaman ang ating ugnayan dahil maraming ayaw nang magmahal, ayaw nang kilalanin bawat isa bilang kapatid at kapwa sa iisang Ama nating Diyos.

Ngayong ikalawang araw sa ating pagnonobena sa Sacred Heart, matuto tayong muli na manahimik at makinig sa tinig at pintig ng puso natin upang muli tayong makiniig sa Diyos na Ama natin. Kapag muli nating ninamnam ang katotohanang ito, mapagtatanto na rin natin ang ating kapatiran sa iisang Ama kay Kristong kapatid natin.

Sa ating panahong napaka-ingay at kay dami-daming nag-aagawan sa ating atensiyon upang pakinggan at sundin, marahil ay humihiyaw na nga itong puso natin ng pabulong dahil hirap na itong maiahon ang katotohanan ng pag-ibig na ating ibinaon. Pagmasdan paanong palaging kalakip ng debosyon sa Mahal na Puso ni Jesus ang pagtitika sa mga kasalanan at pagbabalik-loob sa Diyos at kapwa. Kasi nga, ang magkasala ay hayagang pagtanggi natin na magmahal. Iyon ang salita at pangungusap tuwina ng puso – magmahal, magmahal, at magmahal pa rin! Manalangin tayo:

O Jesus na mayroong
maamo at mapagkumbabang Puso,
Gawin Mong ang puso nami'y
matulad sa Puso Mo!
Amen.

Nasa puso, hindi sa mga kamay ang pagiging bukas-palad

Lord My Chef Daily Recipe for Soul by Fr. Nicanor F. Lalog II 
Sacred Heart Novena Day 1, 18 June 2025
Detalye ng painting ng Sacred Heart of Jesus sa Visitation Monastery, Marclaz, France mula sa godongphoto / Shutterstock.

Tamang-tama ang ating mga pagbasa sa araw na ito ng Miyerkules ng ika-labing isang linggo sa Karaniwang Panahon na nagtutuon ng ating pansin sa ating puso sa unang araw ng nobena sa Kamahal-Mahalang Puso ni Jesus.

Ang mga aral ng Panginoong Jesus sa ebanghelyo na huwag maging pakitang-tao lamang ang ating mga gawa ng kabutihan kungdi magbukal mula sa kaibuturan ng ating mga puso ang siya ring nilalagom ni San Pablo sa kanyang sulat sa mga taga-Corinto at maging sa ating lahat ngayon:

Tandaan ninyo ito: ang naghahasik ng kakaunti ay mag-aani ng kakaunti, at ang naghahasik naman ng marami ay mag-aani ng marami. Ang bawat isa’y dapat magbigay ayon sa sariling pasiya, maluwag sa loob at di napipilitan lamang, sapagkat ang ibig ng Diyos ay kusang pagkakaloob. Magagawa ng Diyos na pasaganain kayo sa lahat ng bagay – higit pa sa inyong pangangailangan – upang may magamit sa pagkakawanggawa (2 Corinto 9:6-8).

Larawan kuha ng may-akda, Sacred Heart Novitiate, Novaliches, Marso 2023.

Mas mainam ang salin sa Inggles ng ika-pitong talata, “God loves a cheerful giver.” Kailan ba tayo nagiging “cheerful giver” o galak na kusang loob sa pagbibigay?

Maraming pagkakataon sa buhay natin na madali tayong magbigay at magbahagi ng ano man mayroon tayo tulad ng salapi, pagkain, damit at iba pang gamit kapag tayo ay sagana sa mga bagay na materyal. Gayon din kung tayo ay panatag ang katayuan kapag walang problema at suliraning mabigat, kapag tayo ika nga ng mga kabataan ay chill-chill lamang.

Subalit, nangyayari din naman na maramot tayo maski tayo ay sagana sa buhay at panatag ang lahat. Para bang bad trip tayong tumulong maski alam naman nating mayroon tayong sapat para sa atin o walang gaanong alalahanin.

Sa kabilang dako naman, may mga pagkakataon na kahit tayo ay hindi naman saganang-sagana sa mga bagay at iba pang uri ng kayamanan ay mapagbigay pa rin naman tayo ng tulong maging ng ngiti at pakikisama. May mga panahon na napakagaan natin sa pagtulong at pagdamay kahit naman tayo mismo ay gipit ang kalagayan. At siyempre naman, hindi rin nating maikakaila na pinakamaramot at masungit tayo kapag tayo ay kapos at salat sa ano mang magaganda sa buhay.

Pagmasdang mabuti. Meron man o wala, maari tayong maging mapagbigay o madamot. Ibig sabihin, wala sa ating mga kamay o laman ng bulsa ang pagiging mapagbigay. Ito ay naroon sa ating puso!

Ang ating puso ang pinagmumulan, hindi ang ating mga kamay ang siyang dahilan at kakayanan ng ating pagiging bukas-palad bagaman ang palad ay bahagi ng kamay; sa lahat ng bahagi ng ating katawan, itong puso ang sentro ng lahat ng ating kilos at galaw maging ng pagpapasya kung kayat nasa puso ang ating buhay at sentro ng katauhan. Kapag namatay ang puso, tayo ay mamamatay. Kaya doon din sa puso nananahan ang Diyos sa atin kung saan bumubukal ating pananampalataya at pagtitiwala sa Kanya.

Magiging cheerful giver lamang tayo at generous o bukas-palad kapag buo tiwala natin sa Diyos na hindi Niya tayo pababayaan magbigay man tayo ng magbigay. At ito ay madarama lamang doon sa puso kung saan nananahan ang Diyos sa atin. Kapag buo ang ating pagtitiwala sa Diyos doon sa puso natin, wala tayong takot magbahagi at maging mabuti, magmahal sa kapwa maski tayo ay sakbibi ng mga sakit dahil panatag ating puso at kalooban sa Diyos na pinagmumulan ng lahat ng kabutihan.

Higit sa lahat, nagiging bukas-palad tayo at cheerful giver dahil malinaw sa atin na ano mang mayroon tayo sa buhay, ito ay sa Diyos pa rin. Ano mang pera o gamit o kabutihan ibigay natin sa iba, hindi ito mauubos ni masasaid dahil sa Diyos na walang hanggan naman ang lahat ng ito. Hindi magmumula sa kaisipan kungdi sa kaibuturan ng puso ang kaalaman at katiyakang ito.

Wika nga ni Papa Leo XIII sa kanyang sulat noong 1899 sa pagtatalaga ng sangkatauhan sa Kamahal-Mahalang Puso ni Jesus, doon aniya sa Sacred Heart natatagpuan ang tanda at larawan ng walang hanggang pagmamahal sa atin ni Jesu-Kristo kaya tayo man ay nakapagmamahal. Sino mang nagmamahal na tunay, siguradong siya ay mapagbigay ng kusa. Higit sa lahat, nagagalak palagi tulad ni Jesus.

Nawa sa unang araw na ito ng ating pagsisiyam sa Dakilang Kapistahan ng Sacred Heart sa isang linggo, suriin nating mabuti ang ating mga puso kung naroon ang pagtitiwala kay Jesus. Ating pagmasdang mabuti ating mga kamay kung ang mga ito ay naka-ugnay doon sa ating puso na siyang sentro at hantungan ng pagkakadugtong-dugtong di lamang ng ating mga kamay at braso kungdi ng lahat ng bahagi ng ating katawan. Hindi tayo makapagmamahal nang tunay, pati ating mga kamay ay tiyak titiklop at sasaradong parang galit na kamao kapag ang puso natin ay tumigas at namatay. Kaya ating idalangin:

O Jesus na mayroong
maamo at mapagkumbabang Puso,
Gawin Mong ang puso nami'y
matulad sa Puso Mo!
Amen.

Eba’t Adan… wala tayong magagawa?

Lawiswis Ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-03 ng Hunyo 2025

Marahil inyo nang napakinggan ang nakakaaliw na rap music na Eba’t Adan. Kahit saan maging sa simbahan lalo na sa social media pinaguusapan, pinakikinggan, binabanggit ang hiphop na ito.

Eba't Adan
Eeba't Adan
Eba't Adan
Eeba't Adan
Alam mo ba (Alam mo ba)
Mahal mo na (Mahal mo ba)
Wala tayong magagawa
Mahal mo na
Eba't Adan
Eeba't Adan...

Nakakaaliw ang saliw ng tugtugin at mga titik na paulit-ulit lang naman. Sa aking pagsasaliksik, mayroong iba’t ibang version ang naturang rap music ngunit iisa lang ang sinasaad nitong lahat kaya marahil naging trending at viral – ang kapangyarihan ng pag-ibig. Wika nga ni Francisco Balagtas, “O pag-ibig kapag pumasok sa puso ninoman, ang lahat ay hahamakin masunod ka lamang”.

At iyon nga kasi itinakda noon pa man kina Eba at Adan. Kaya daw wala ka nang magagawa sabi ng rap.

Pero, teka… talaga bang wala nang magagawa kapag ikaw ay tuluyang nahulog na sa pag-ibig gaya ng sinasaad ng hiphop na Eba’t Adan?

Larawan kuha ng may-akda sa Nagsasa Cove, San Antonio, Zambales, Oktubre 2024.

Sa isang version na aking pinakinggan, binabanggit doon hindi lamang pag-ibig ng lalake sa isang babae kungdi pati pag-ibig ng lalake sa kapwa lalake at ng babae sa kapwa babae.

Ganun din ba ang ating tugon kung ikaw ay umibig sa iyong pinsan o kamag-anak? Paano kung ang iyong iniibig ay mayroon nang asawa o pareho kayong may asawa? Eba’t Adan, E-Eba’t Adan wala ka nang magagawa?

Dito makikita natin na hindi ganoon kasimple ang pag-ibig. Hindi lahat ng pag-ibig ay tama tulad nang sa mga kapwa lalake at kapwa babae, sa mga may asawa na at maging sa mga pari at relihiyoso. Mayroong disordered love na kung tawagin sa Inggles. Ito yung maling pagmamahal hindi lamang sa kapwa tao kungdi maging sa mga hayop at gamit na labis nating pinahahalagahan kesa sa Diyos.

Maliwanag ang turo ni Jesus: ang pag-ibig na tunay ay palaging naka-ugat at may kaisahan sa Diyos na siyang pag-ibig mismo! Kasabay nito, naroon ang napakagandang pagninilay at paglalahad ni San Pablo ukol sa pag-ibig na matatagpuan sa Unang Sulat sa mga Taga-Corinto, kapitulo trese.

Alalahanin din na hindi lamang damdamin ang pag-ibig kungdi isang desisyon o pagpapasya kasi, feelings are sometimes high, sometimes low. Hindi weather weather lang ang pag-ibig. Ito ay desisyon gaya ng inawit nina Ben&Ben:

Mahiwaga
Pipiliin ka sa araw-araw
Mahiwaga
Ang nadarama sa'yo'y malinaw.
Photo by Deesha Chandra on Pexels.com

Bagaman nagsisimula sa damdamin bilang attraction ang pag-ibig, kailangan itong lumago at lumalim. Kailangan mag-mature ang pag-ibig kaya ito ay nililinang sa pananalangin at wastong pag-iisip.

Mahiwaga ang pag-ibig ngunit hindi naman wala kang magagawa. Bagkus, malaki nga ang ating magagawa para sa pag-ibig ay yumabong at mamunga ayon sa turo ni Jesus tulad ng paglimot sa sarili. Ang pag-ibig ay palaging papalabas at hindi pakabig, hindi makasarili. Ang totoong sukatan ng tunay na nagmamahal ay kapag kaya mo nang ibigin ng higit sa iyong sarili ang ibang tao.

Kay sarap ugatin na ang isa pang kataga na gamit natin sa pag-ibig ay pagmamahal na mas ibig kong ginagamit lalo na sa pagkakasal. Iyon kasing pagmamahal ay paglevel up ng pag-ibig na kadalasan ay mababaw pa ang kahulugan tulad ng kapag sinabig “ano ibig mong sabihin o kainin?”

Ang pagmamahal ay nagsasaad ng pagpapahalaga kaya mahal ang presyo ng isang bilihin dahil ito ay mahalaga. Ang pag-ibig na tunay gaya ng pagmamahal ay pagpapahalaga sa minamahal na handang limutin ang sarili hanggang kamatayan.

Larawan mula sa The Valenzuela Times, 02 July 2024.

Ang taong nagmamahal ay palaging nagpapahalaga. Iyon ang masaklap at masakit na nangyari noon kina Eba’t Adan nang sila ay magkasala dahil tumanggi silang pahalagahan ang Diyos higit sa lahat.

Kaya naman sa madaling salita, ang kasalanan ay isang pagtanggi na magmahal kasi mas pinahahalagahan ng nagkakasala ang kanyang sarili kesa ibang tao lalo na ang Diyos. Iyon ang kapalaluan o kayabangan na sa Inggles ay pride.

Itinuturing na pride ang naging kasalanan nina Eba’t Adan dahil hinangad nilang maging Diyos, hindi lang makatulad ang Diyos. Ayon kay Sir Cecil B. De Mille, and direktor ng pelikulang The Ten Commandments noong 1956, ang palaging nilalabag na utos ng Diyos ng mga tao ay ang unang utos na huwag magkakaroon ng ibang Diyos maliban sa Kanya. Paliwanag ng batikang direktor, tuwing tayo ay nagkakasala, mayroon tayong ibang Diyos na sinusunod.

Kaya nakapagtataka rin naman itong mga LGBTQ na ipinagmamalaki pa ang kanilang pagdiriwang na Gay Pride ngayong buwan ng Hunyo. Bakit kailangang ipagmalaki ang “pride” gayong masama kadalasan ang kahulugan niyon?

Dalawang bagay ang sinasaad ng pride, maari itong positive na mabuti at banal o negative kaya ito ay mali at kasalanan. Yung positive pride kung tutuusin ay kapakumbabaan na kung saan kinikilala natin ng may karangalan at pagmamalaki sa tamang paraan ang ating katayuan na nilalang ng Diyos bilang lalake o babae. Ito yung wastong pride na sumasalungat sa linya at excuse parati na “ako’y tao lamang na mahina at makasalanan.” Bagaman hindi tayo perpekto, tayo ay bukod tanging pinagpala ng Diyos ng mga katangian at kakayahan upang lubos na makibahagi ng buhay ng Diyos.

Subalit hindi iyong ikalawang uri ng pride na mali at dapat iwasan dahil sa bahid at dungis ng kapalaluan at kayabangan. Ito ang dahilan kaya pride ang una sa lahat ng pitong capital sins. Ito yung pride na ipinagpipilitan ang sariling kagustuhan kahit na ito ay hindi ayon sa katotohanan, sumasalungat maski sa Diyos at lahat maipilit lamang ang sarili. Ito yung pride na kasalanan nina Eba’t Adan dahil ipinagpilitan nila kanilang sarili na maging Diyos din gayong hindi naman maaring mangyari.

Mula sa Facebook ng Ateneo De Manila University, 02
Hunyo 2025.

Kaya mahirap maunawaan at tanggapin itong laganap tuwing buwan ng Hunyo bilang Pride Month ng mga kasapi sa LGBTQ. Kailangan bang ipagmalaki at ipangalandakan kanilang sariling kagustuhan?

Hindi lamang binabago kanilang kasarian kungdi pati balarila sa wikang Inggles, mga gawi at mga pananaw sa mundo. Hindi po kasalanan maging bakla o tomboy. Nangyayari ito bunsod ng maraming kadahilanan ngunit sa kahuli-hulihan, isa ring itong pagpapasya o pagpili – choice – na ginagawa ng may katawan. Lalake pa rin o babae na mayroong homosexual tendency ayon sa Katesismo. Ang maliwanag na masama mula sa Banal na Kasulatan ay ang pagtatalik ng kapwa lalake at kapwa babae. Iyan, noong pang panahon nina Eba’t Adan ay masama at ipinagbabawal na.

Hindi mababago ang pagkatao kung papalitan ang ari at iba pang bahagi ng katawan ng tao dahil ang kasarian ay kabuuan ng pagkatao. Hindi mababago ang kabuuan kung babaguhin lang ang isang bahagi. Hindi naman gamit ang tao na maaring palitan ang piyesa tulad ng mga sasakyan at iba pang kasangkapan.

Ang maling pag-ibig kailanman ay hindi maghahatid ng kaganapan kanino man dahil malinaw na ito ay makasarili – selfish – isang pagpapahayag ng pride o kapalaluan na masama at kasalanan.

Ito ba ang ibig mangyari ng mga LGBTQ? Batay sa marami nang pag-aaral wala din namang mga nagpabago ng ari o nagpasame sex marriage ang tunay na nakatamo ng kaganapan at katuwaan sa buhay. Marami sa kanila ang malungkot at bigo batay sa mga pag-aaral.

Larawan mula sa sunstar.com.ph kung saan nag-viral noong isang taon ang pagpapatayo sa isang waiter upang turuan ng gender sensitivity matapos tawaging “Sir” ang isang celebrity na LGBTQ sa mall.

Pero mayroong magagawa. Kaya sinugo ng Diyos ang Kanyang Bugtong na Anak na si Jesus, ang Kristo. Ipanakita at ibinigay niya sa atin ang mga kinakailangang biyaya at grasya upang tayo man ay makapagmahal nang tunay katulad niya.

Nasa atin ang biyaya na magmahal ng tunay kung saan ay ating makakayang limutin ang sarili para sa mas mahalagang layunin, ang kaisahan sa Diyos (communion) na siyang paraan upang matamo natin ang kaganapan o fulfillment na higit pa sa kasiyahan at tagumpay sa buhay.

Ang pagmamahal gaya ng ating nasabi na ay hindi pakabig kungdi palaging papalabas ang tungo, mapagbigay at mapagparaya.

Mahirap talagang magmahal ng tunay ngunit hindi maaring sabihing wala tayong magagawa. Diyos na ang gumawa ng lahat upang tayo ay makapagmahal ng tunay. Makikibahagi at makikiisa o cooperate lamang tayo sa Kanyang biyaya.

Una ay tanggapin ang katayuan natin sa buhay bilang lalake o babae o bakla o tomboy; may-asawa o hiwalay; may sinumpaang pangako na hindi mag-aasawa tulad ng mga pari at madre at relihiyoso.

Huwag ipilit ang hindi naayon sa nature natin bilang tao. Marami nang mga bakla lalo sa showbiz ang nagsabing hindi kinakailangan ang mga gay pride na ito dahil tanggap nila katauhan nila. Ano mang hindi natural at tunay ay hindi makapaghahatid sa atin sa kaganapan at kagalakang tunay.

Isang biyaya na nakakaligtaan sa panahong ito na tila lahat na lang ibig ang relasyon kahit sa murang edad ay ang dalisay na pagkakaibigan o true friendship na nagpapahiwatig ng ibang mukha ng pagmamahal na nakapagpapaging-ganap at kasiya-siya ding tulad ng pag-aasawa. Ibang antas ito ng pagmamahal at ugnayan na biyaya din ng Diyos kung bukas sana ang ating puso at kalooban sa kanya at di lamang sa ating sariling kagustuhan.

Bilang pangwakas, ibig kong iwanan ang isang katotohanan hindi pansin ng karamihan ngayong panahon ng social media: mabuti pa sina Eba’t Adan nang magkasala, sila’y nahiya at nagtago sa Diyos. Bakit ang mga tao ngayon bukod sa hindi na nahihiya sa kasalanan at kasamaan, ipinagmamalaki pa lalo na sa social media? Sabi nga ng matatanda, ang mahiya pa lamang ay pagpapakatao na. Ano kaya tingin sa atin ngayon nina Eba’t Adan? Siguro, hiyang hiya na sila sa atin.

Kapatiran at sinodo sa lipatan

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-29 ng Mayo 2025
Larawan kuha ng may-akda, St. Scholantica Retreat House, Tagaytay City, Agosto 2024.

Ito ay pagsang-ayon sa ginawang pagninilay kamakalawa ni P. Ritz Darwin Resuello ukol sa nalalapit naming lipatan ng mga pari. Malaman ang kanyang mga sinulat. At nakatutuwa ang kanyang pamagat na mayroong halong salya at padyak: GUMUGULONG LANG BA ANG ROLETA? ISANG PAGNINILAY SA NALALAPIT NA LIPATAN.

At iyon nga ang punto de vista nitong ating pagninilay din: gumugulong lang ba ang roleta sa lipatan ng mga pari?

Nakakatawa. Kasi totoo lalo nitong mga lumipas na panahon. Kung minsan nga parang hindi lang roleta kungdi tila bolang kristal na rin ang ginagamit sa lipatan.

Larawan kuha ng may akda noong Misa ng Krisma, 2025.

Hindi natin kinukuwestiyon ang pagpapasiya ng Obispo na siyang may final say ngunit gaya ng nilahad ni P. Ritz, napakinggan ba ng “may pag-galang at pag-unawa ang tunay na pangangailangang pastoral” ng parokya?

a. Pakikinig nang may paggalang at pag-unawa sa tunay na pangangailangang pastoral ng parokya: Mahalaga pong lumikha ng malugod na kapaligiran para sa lahat ng boses, lalo na sa mga direktang naapektuhan ng lipatan na ito – ang mga pari, at higit sa lahat, ang mga parokyano. Ang mga hinaing, ang mga natatanging katangian ng isang komunidad, at ang kanilang kasalukuyang pastoral na sitwasyon ay lubhang mahalaga. Ang espirituwal na kapakanan ay manatili nawang pangunahing priyoridad. Gaya ng idiniin ni Papa Francisco, ang diyalogong ito ay hindi lamang tungkol sa pagdinig kundi tungkol sa pagpapatibay ng isang tunay na pagpapalitan ng mga ideya kung saan tayo ay natututo nang sama-sama at kung saan ang bawat atas ay malinaw na tumutugon sa kung ano ang tunay na kinakailangan sa parokya (P. Ritz, aka Heinrich Atmung sa FB post, 27 mayo 2025, 8:30 ng umaga).

Noong ako ay nasa ICSB Malolos, dumating ang ilang panauhin namin na mga lingkod layko ng parokya sa UP-Diliman na pawang mga propesor sa naturang pamantasan.

Hindi tungkol sa agham at edukasyon aming naging paksa sa hapunan kungdi ang kanilang tanong: paano ba kami tinuturing at tinitingnan ng mga pari sa pagbibigay ng aming mga pastol?

Pakiramdam nila kasi na tila hindi tiningnang mabuti kanilang katayuan sa buhay bilang mananampalataya nang bigyan ng pastol na palaging naroon sa mga rally kesa nasa parokya. Bagama’t anila maraming nagrarally sa UP, hindi nila kailangan ng isa pang ralliyistang pari kungdi isang nananatili doon upang kanilang masangguni sa maraming bagay sa buhay nila ng pagtuturo at pakikisalamuha sa mga mag-aaral na mayroong natatanging pangangailangang espiritwal.

Nadarama nga ba naming mga pari ang pintig ng mga tao sa parokya? Hindi tuloy nila maiwasang magtanong bakit tila sila ginagawang “tapunan” sila ng mga paring may problema.

Iba na ang mga tao ngayon. Mulat at handang makipag-usap at suriin hindi lang mga homilya kungdi mga desisyon ng kanilang pari. They deserve nothing less, ika nga dahil nga naman sa tagal ng pag-aaral at paghubog ng mga pari bago maordenahan, pagkatapos ay puro pagpalakpak at telenovela lang kuwento sa Misa? Hinubog ang mga pari upang maging mahuhusay at masisipag sa paglilingkod kaya kawalan ng katarungan na ipapasan sa mga tao lalo na kung ituring silang maliit na parokya na puwede nang pagtiyagaan mga pari na may problema sa iba’t-ibang aspekto tulad ng pananalapi, pag-uugali, at seksuwalidad.

Kuha ng may-akda, Sacred Heart Novitiate, Novaliches, QC, 20 Marso 2025.

Nasaan ang diwa ng sinodo o sama-samang paglalakbay kung saan ay nakikinig ang lahat ng panig lalo’t higit ang mga nag-aasign ng pari? Maraming parokya nasisira dahil hindi isinaalang-alang kapakanan ng mga mananampalataya kasi nga naman yung mahusay nilang kura pinalitan ng tamad at walang pakialam o makasarili. Lahat ng pagsisikap ng naunang pari ay pilit binubura at winawasak ng sumunod na kapalit dahil sarili ang inuuna at hindi ang mga kawan. At mayroong pari na hindi maka-move on, hindi maiwanan dating parokya dahil pakiwari sa sarili ay Mesiyas!

Problema ito sa buong Simbahan maski sa ibang bansa dahil marahil sa isang pinag-uugatan: ang pagturing sa mga parokya bilang maliit o malaki, mayaman o mahirap. Hindi totoong may pangit na parokya; nasa uri ng pari iyon. Mayroong mga munting pamayanan na napapayabong ng ibang pari na tingin ng iba ay imposible.

Panahon na upang alisin sa talasalitaan ng mga pari ang label na maliit at malaki o mahirap at mayamang parokya dahil bawat pamayanan ay katipunan ng mga alagad ni Kristo. Higit sa lahat, bawat parokya ay pinanahanan ng Espiritu Santo bilang Katawan ni Kristo na dapat palaging pahalagahan ano man ang katayuan. Kung tutuusin batay sa turo ng Panginoong Jesus, iyon ngang hirap na parokya at tila pinagtampuhan ng panahon ang dapat bigyang halaga ng mga pari gaya ng mga nasa kabundukan at liblib na pook. Hindi ko malilimutan ang salita noon sa amin sa seminaryo ng dating naming Obispo na Arsobispo Emerito ng Naga, ang Lubhang kagalang-galang Rolando Tria-Tirona, “those who have less in life should have more of God.”

Ito ang sinasaad ng katagang sinodo, ang katagang palasak na ngayon ngunit hindi pa rin maramdaman dahil wala namang nakikinig at nagbibigay halaga sa bawat isa.

Kuha ng may-akda, Sacred Heart Novitiate, Novaliches, QC, 20 Marso 2025.

Usiginga… kailan nanaig kalooban ng mga kawan kesa sa kura? O ng karamihan ng mga pari kesa sa Obispo at iilan niyang upisyal?

Totoong walang demokrasya sa Simbahan sa larangan ng chain of command dahil ito ay isang hierarchy, na mayroong hanay ng mga upisyal sa pamumuno ng Santo Papa katuwang mga Obispo na kinakatawan ng mga Kura sa bawat Parokya.

Subalit, hindi ito nangangahulugang diktadura ang Simbahan. Kung tutuusin nga ay sa Simbahan dapat matagpuan ang tunay na diwa ng kalayaan na kung saan ay masinsinang tinatalakay ng lahat ang higit na makabubuti sa karamihan batay sa kalooban ng Diyos. Ito ang dahilan kaya nagpatawag ng sinodo ang yumaong Santo Papa Francisco.

Dito makikita din natin ang isang malinaw na problema ng Simbahan na hindi namin matanggap – na kaming mga pari mismo ang problema ng Simbahan. At sa Simbahan. Ngunit saka na natin iyan pag-usapan at balikan ang pagninilay ni P. Ritz na ating pinagtitibay. Wika niya muli sa kanyang FB post noong Mayo 27:

b. Pagyakap sa maagap na pastoral na karunungan: Mahalaga pong isaalang-alang kung paano nakatutulong ang bawat “assignment” sa paglago ng isang pari sa ministeryo at nagpapayaman ng kaniyang mga karanasan, laging naghahanap ng balanse sa pagitan ng mga pangangailangan ng mga parokya at ng paglago ng indibidwal na mga pari.

Mula sa cbcpnews.com.

Matalik na kalakip ng diwa ng sinodo ang kapatiran ng mga pari. Ngunit kapansin-pansin tuwing lipatan ang problema ng aming mga tampuhan at mga reklamo sa assignment. Totoo namang mayroong mga pari na namimili at mareklamo sa assignment ngunit hindi sila ang problema sa lahat ng pagkakataon tuwing may lipatan.

Ang problema ay ang sistema at patakaran – o kawalan ng mga ito.

Masakit sabihin ngunit aking pangangahasan sa pagkakataong ito na sa dalawamput-pitong taon ko sa pagiging pari, mas maayos ang lipatan at mga assignment noon kesa ngayon. Problema na rin naman noon din ngunit mas malala ngayon ang pananaw ng hindi pagiging patas o unfair sa pagpili ng mga assignment.

Hindi matatapos ang mga reklamo at hinaing sa bawat lipatan hanggat hindi naiibsan ang pananaw na ito. Hindi po salapi ang problema ng mga pari. Hindi rin naman babae o mga pogi. Ito palagi ang problema at daing natin – ang hindi patas sa maraming aspekto at pagkakataon.

Dito pumapasok ang maruming kahulugan ng “politika” sa Simbahan tulad ng barkadahan at favoritism. Mayroong napaparusahan, mayroong pinalalampas. Mayroong pinag-iinitan at mayroong kinukunsinti. Ang malungkot, mayroong mga pinangingilagan kaya pinagbibigyan lahat ng kagustuhan. Bato-bato sa langit, tamaan sapul!

Gayon pa man, on a positive note, dito makikita ang mabuti at malalim na kapatiran ng mga pari kung saan mayroong ilang maninindigan upang kausapin ang lahat kung kinakailangan alang-alang sa ilang bagay na nakakaligtaan o ayaw tingnan ng ilan sa mga kapatid naming naka-kahon na hindi makaahon sa kabila ng kanilang pag-amin at pag-ako ng kanilang pagkakasala at pagkakamali. Problema ng stigma.

Tanging hiling lang naman ng mga pari ay kausapin sila upang mapakinggan kanilang kalagayan at kalooban sa pagbibigay ng assignment. Ito yung pinupunto ni P. Ritz sa kanyang pitak. Sadya bang nasuring mabuti ang lahat ng paraan upang mapalago ang sino mang pari sa kanyang destino? Wala namang pari na likas na masuwayin kungdi ang ibig rin ay sariling ikapapanuto. Sa kabutihang-palad, mas marami pa rin ang mga paring masunurin at nagpapahalaga ng pangako ng obedience kaya sana ay naroon palagi ang fairness.

Hindi mawawala mga inggitan at siraan sa lipatan ngunit huwag mawawala ang “sense of fairness” dahil dito nakasalalay mabuting samahan at ugnayan. Susunod at susunod pa rin mga pari sa lipatan alang-alang sa obedience at faith in God ngunit palaging uusok ang isyu ng lipatan parang isang takore ng kumukulong tubig. Pakinggan natin ang sipol ng kumukulong tubig sa takore, yung tinatawag sa Inggles na tempest in teapot. Diyan pumapasok ang ikatlong punto ni P. Ritz:

c. Pagpapatibay ng malinaw at mapagmalasakit na komunikasyon: Kung posible po, ang pagbibigay ng napapanahon at “transparent” na impormasyon tungkol sa lipatan ay maaaring makapagpapagaan ng mga alalahanin at makapagpadali ng mas maayos na pagsasaayos para sa lahat – ang mga pari, kawani ng parokya, at ang mga mananampalataya. Ang isang maikli ngunit napag-isipang paliwanag ay maaaring lubos na makapagpatibay ng tiwala sa loob ng ating pamilya sa diyosesis.

Mula sa vaticannews.va.

Ang Simbahan ay komunikasyon. Kaya naman sa mga dokumento nito lalo mula nang Vatican II, sinasaad na sa Simbahan dapat masaksihan ang pinakamainam at pinakamataas na antas ng pagtatalastasan.

Ngunit taliwas palagi. Maraming pagkakataon sa mga pari kulang ang komunikasyon. Ni walang formal communication sa mga lipatan. Mayroong mga pari na atat nang lumipat na akala mo ay makikipagpalit lang ng tsinelas! Juice colored…! Kaluluwa ang pinag-uusapan habang ang antas ng aming usapan ay parang paglipat lang ng bahay kung saan ang pananaw ng ilan ay mag-impake lang ng mga gamit at damit. Kapirasong text o sulat hindi pa magawa kung hindi kayang tawagan o personal na kausapin sa mga balakin.

Kaya nga babalik tayo sa tanong ng mga tao: ano nga ba turing natin sa kanila tuwing maglilipatan kasi ang sagot dito ay siyang sagot sa tanong ano nga ba turingan naming mga pari sa isa’t isa? Hangga’t walang maayos na sagot sa mga katanungang ito, mananatili ang pananaw at paghahalintulad sa roleta na gamit sa perya ang lipatan. O bolang kristal ng mga manghuhula.

Sa diwa ng sinodo at kapatiran bilang sama-samang naglalakabay na Simbahan, patuloy tayong manalangin para sa mga pastol at kawan. At huwag din mag atubiling makilahok sa mga talakayan at usapan na ang tanging mithiin ay hanapin at sundin ang kalooban ng Diyos upang higit Siyang mapaglingkuran at masalamin dito sa lupang ibabaw. Salamuch po.

Larawan kuha ng may-akda, Chapel of the Angel of Peace, Our Lady of Fatima University, Valenzuela City, Marso 2025.