Deboto, debobo

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-11 ng Pebrero 2020

Larawan kuha ni G. Jay Javier, 09 Enero 2020 sa Quiapo, Maynila.
Deboto ang tawag sa isang tao
na malapit at namimintuho
Kay Kristong Nazareno o Sto. Niño
kasama na mga Santo at Santa
sa pangunguna ng Birheng Maria.
Kaya dapat bawat deboto totoo 
uliran at huwaran sa pamumuhay
taglay ay kabanalan nang sa kanya'y
mabanaagan larawan ng kabutihan
ng Diyos sa kanyang kadakilaan.
Kay laking katatawanan at kahangalan
kung ang debosyon ng sino man 
ay haggang simbahan lamang
nakikita paminsan-minsan 
tuwing kapistahan at mga prusisyon sa lansangan.
Larawan kuha ni G. Jay Javier, 09 Enero 2020 sa Quiapo, Maynila.
Anong kahulugan at saysay
ng mga pagpupugay
sa Diyos at kanyang mga banal
kung sa kapwa nama'y manhid
walang malasakit at pakialam?
Nag-aalaga ng mga Poon
binibihisan tila laruan
ngunit pag-uugali at katauhan
malayo sa katuwiran at katarungan
ganyang debosyon dapat tigilan!
Ang tunay na deboto
puso ay malapit kay Kristo
at sa kanyang Ina at mga Santo
may pagmamahal, malasakit
sa kapwa tao na kanyang nirerespeto.
Larawan kuha ni G. Jay Javier, 09 Enero 2016 sa Quiapo, Maynila.
Ano mang debosyon
iyong nakagawian o nakahiligan
araw-araw itong sinasabuhay 
pinaninindigan at tinutularan
aral at buhay ng sinusundang banal.
Sa dami ng mga deboto
bakit ganito pa rin tayo
walang pag-asenso
buhay ay kasing gulo 
ng eksena sa senakulo.
Ay naku!
Ano nga ba tayo,
mga deboto o debobo
asal demonyo, sobrang gulo
pinapako nating muli si Kristo!

Katotohanan ng bulkan

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-17 ng Enero 2020
Larawan mula sa Inquirer.net, 12 Enero 2019
Lahat ay nagimbal
nang pumutok bulkan ng Taal:
nagdarasal, nagninilay
kahulugan at mga aral 
na sa atin sana'y gumabay.
Isang katiyakang ating mapananaligan
hindi kaparusahan pagsabog ng bulkan
na batay sa kaayusang tinakda 
noon pa man nitong kalikasan
sa karunungan ng Poong Maykapal.
Gayon pa man,
mahalaga nating mapaglimi-limihan
kung ano baga mga aral
sa atin ay inuusal nitong 
pagsabog ng bulkang Taal.
Larawan ay kuha ni G. Raffy Tima ng GMA-7 News, 12 Enero 2020.
Una kong napagtanto
laganap na pagkalat ng abo
mula nang pumutok ang Taal
upang ipaala-ala sa ating mga tao
ating pinagmulan at hahantungan.
Iyon nga lang
sa inyong pakundangan
bakit nga ba yaring mga kinauukulan
pati na rin sambayanan
tila baga mga isipan walang laman kungdi abo lamang?
Kanya-kanyang bidahan kinabukasan
mayroong ibig magpaulan upang abo ay mahugasan
habang isa pang kasamahang hunghang sa batasan
nagmungkahing imbestigahan diumano'y 
kapabayaan ng mga nagbabantay sa bulkan.
Natuyot nang islang kinaroonan ng bulkang Taal. Larawan ay kuha ni G. Raffy Tima ng GMA-7 News, 15 Enero 2020.
Iyan unang aral ng bulkang Taal:
huwag nang ihalal mga upisyal na hangal
na walang ibang kayang gawin kungdi
samsamin kaban ng bayan at palitan
pangalan ng mga lansangan.
Ngayon ibig nilang pakialaman
gawain ng mga nasa agham
matapos pabayaan at bawasan
pondong kinakailangan
sakaling mayroong mga di inaasahang kalamidad.
Mas makakapal pa sila sa abo ng Taal
masangsang pa kanilang amoy sa asupre
mga salot ng lipunan, mga upisyal na walang pakialam
maliban dilaan sino mang nasa Malakanyang
na lihis din takbo ng isipan kahit may kaguluhan.
Mapayapang tanawin ng Taal bagama’t umuusok pa rin. Larawan kuha ni G. Raffy Tima ng GMA-7 News, 17 Enero 2020.
Larawan ng kagandahan at kaayusan
sa kanyang katahimikan itong bulkan
sa loob ng lawa ng Taal na ngayo'y
kay hirap na ring masilayaan 
dahil sa mga gusaling nagtataasan sa daanan ng Tagaytay.
Marahil isang hinaing
at pinag-aalburoto ng Taal
ating kawalang galang sa kanya
sampu ng buong kalikasan
na ating winawasak at sinalaula.
Gayon din mga nagkabitak-bitak
na lupa waring nagsasaad 
malaon nang mga pitak
sa ating mga kapatiran 
maging kaisahan sa Inang Kalikasan.
Kung sakali mang
puputok at sasabog ng tuluyan
yaring bulkan ng Taal
nawa'y walang mapahamak sino man
ngunit aral niya ating matutuhan at matandaan.

Ano hanap mo sa 2020?

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-09 ng Enero 2020

Hindi pa tapos ang Pasko
ngunit iyo na bang napagtanto
ano hanap o nais mo
sa bagong taong ito?

 

Tayong lahat ay katulad 
ng mga Pantas o Mago
na naghanap sa Kristo
nang sumilang ito noong Pasko.

 

At iyon ang tunay na karunungan
hanapin sa kaitaasan
ang kalaliman nitong buhay
na sa Diyos lamang matatagpuan.
Mula sa Silangan
tinuturing silang puno ng karunungan
kalangitan ay palaging tinitingnan
ng mga palatandaan sa buhay nagpapayaman.

 

Kaya kung mga Pantas tutularan
tatlong bagay ating kailangan
upang tala ay masundan
at si Kristo ay matagpuan:

 

Una'y huwag matakot
sa mga kadiliman ng buhay
sapagkat mga bituin ay maningning
kapag kalangita'y balot sa dilim.

 

Sa bawat kadiliman ng buhay
may pagkakataong binibigay
upang makapagdasal at magnilay
makagamay direksiyon ng patutunguhan.
Sa pananalangin dinadalisay
puso at kalooban upang sarili maialay
kapalit ng minimithing makakamit
magpapayaman sa katauhan.
Ganito ang takbo nitong ating buhay
ano man iyong gusto at hanap
hindi basta nakakamit
dapat magsumakit.
Ngayon pa lamang sa epipanya ng Panginoon
landas ng kanyang kalbaryo at krus
agad nang matatagpuan
sa siya ring landas na sinundan ng mga Pantas ng Silangan!

Tapos na ang Pasko?

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-03 ng Enero 2020

Belen sa Pambansang Dambana ng Birhen ng Carmel, Lungsod Quezon, 30 Disyembre 2019.

Ikalawa ng Enero
binati ko ng “Maligayang Pasko”
magandang kahera ng paradahan sa Trinoma.

Ngumiti at bumati
sabi ng binibini, “Happy New Year!
Tapos na po ang Pasko”
kanyang nawika mula sa munti niyang bintana.

Nagpaliwanag ako
habang binibilang niya aking bayad:
“Miss hindi pa tapos ang Pasko;
kaya may bagong taon sinilang kasi si Kristo.”

Bakita nga ba tayo ganito
turing sa Pasko isang petsa sa kalendaryo
kaya pagsapit na Enero a-primero
akala’y tapos na ito?

Sana’y ating mapagtanto
na isang kuwentong nagpapatuloy
sa pamumuhay nating mga Kristiyano
itong Pasko nang ang Diyos ay maging tao.

Kapag ang Pasko ay tinuring nating
isang bilang lamang ng mga araw at buwan
maski ilang libong taon pa iyan –
pagsusuma at pagtutuos lamang hahantungan.

Magkano napamaskuhan o
mayroon bang Christmas bonus diyan
mga katanungan pumapailanlang
pagsapit ng Kapaskuhan sa karamihan.

Diwa at kahulugan ng pagsilang
ni Hesus tiyak malilimutan
kapag sarili lamang ating tiningnan
kaya ating minamadali pati pagbati ng happy new year muli.

Hanaping muli si Kristo sa Pasko
at tiyak ating matatanto
di natatapos pagdiriwang na ito
na kailangan nating ihatid palagi si Kristo sa ating mundo!

Trono ni Kristo, Pinto ng Paraiso

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-26 ng Nobyembre 2019

Ang Krus ni Kristo sa tuktok ng simbahan sa Birhen ng Lourdes, France. Larawan ay kuha ng dati kong estudyante si Arch. Philip Santiago noong Setyembre 2018.
Panginoong Hesu Kristo
tunay ngang kay dakila mo
nang gawin mong trono
ng pagkahari itong Krus
na pinagpakuan mo.
Kakaiba sa gawi ng mundo
pagkahari mo'y pakikiisa
sa aming abang pagkatao
upang kami'y mahango at makasama
sa luwalhati ng pagkabuhay mo.
Sa Krus ikaw ay pumasok
sa aming pagkatao;
sa Krus mo rin kami'y
pinapasok sa iyong kabanalan
nang kami'y bahaginan ng iyong pagkabuhay.
Dating sumpang dulot ng kamatayan
sa iyong Krus naging pagpapala
at ito ay nagsimula nang iyong
ipinangako ang Paraiso
sa kasamang nakapako.
Itong Krus ni Kristo
hindi lamang trono ng kanyang pagkahari
kungdi pintuan din patungo sa Paraiso;
nawa tantuin ng bawat tao
saan mayroong Krus, naroon din si Kristo!
Altar ng Parokya ng San Juan Apostol at Ebanghelista, Bagbaguin, Santa Maria, Bulacan, 17 Nobyembre 2019.

Kunwari lang?

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-19 ng Nobyembre 2019

Larawan kuha ni G. Jim Marpa sa Carigara, Leyte, Setyembre 2019.
Kunwa-kunwari lang
mga salitang madalas mapakinggan
nung tayo'y musmos pa lamang.
Walang katotohanan
sapagkat laru-laro lamang
kaya't huwag kabahan.
Sige-sige lang
parang Sputnik Gang
lahat ng kalokohan at harutan pinagbibigyan.
Ngunit hanggang sa pagtanda ba naman
tayo'y magkukunwa-kunwarian
na tila baga ang lahat ay laro lamang o biruan?
Larawan kuha pa rin ni G. Jim Marpa sa Carigara, Setyembre 2019.
Noong aking kabataan
ako'y natigilan sa aming inuman
sa paksa na di ko malimutan:
Sabi ba naman sa aming umpukan
ngayon ang buhay natin ay totohanan
at hindi na kunwa-kunwari lang.
Kampai! sabay taas ng kamay 
at tagay pero tila sablay
na totohanan lang ang buhay kapag naghahanap-buhay?
Paano mga pinagdaanan sa buhay
mga sakripisyong tiniis at inalay
walang saysay dahil hindi tunay?
Larawan kuha ni G. Jim Marpa, 2017.
Hindi ba laging totohanan itong buhay
sa oras liwanag sa atin ay sumilay
kahit wala pa tayong ka-malay malay?
Kunwa-kunwarian ba ang buhay
gayong natikman hapdi ng masaktan o masugatan
na tila di na huhupa pagluha?
Sabihin sa nagsusunog ng kilay
o maging sa istambay kunwari lang ang buhay
baka ikaw ay mapa-away!
Bawat saglit, totoo ang buhay
tigilan na malimit nating pagpipilit
ito'y kunwari upang mamuhay nang tunay.
Ang taong turing sa buhay
kunwa-kunwarian, dinadaan lahat sa biru-biruan
asahang walang pagpapahalaga sa buhay niya at ng iba.

Nasaan na mga liham ng ating samahan?

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-13 ng Nobyembre 2019

Photo by Noelle Otto on Pexels.com
Nasaan na mga liham
ng ating mga samahan
at pagkakaibigan
na ngayo'y napalitan
ng maramihang balanang
kaisipan at mga larawan
pati katatawanan?
Walang umiiral na ugnayan
bagkus mga palitan
at pasahan na lamang
ng sari-saring nararanasan
at nararamdaman;
mabuti kung iyong masasakyan
maski mga kababawan.
Iba pa rin 
ang karanasang
mararamdaman
na higit mapagyayaman
ng sino mang sumusulat
at tumatanggap ng liham
mula kay Mister Postman.
Maraming kabutihan
at mga kagandahan
ginagawa nating usapan
sa pamamagitan ng internet
kagaya ng e-mail,
messenger at viber
na sadya namang super ang bilis.
Photo by Roman Koval on Pexels.com
Ngunit kailanman
hindi kayang palitan
ng mga makabagong
pagsusulatan
ating kinagawiang
mga liham
na laging kinasasabikan, inaabangan.
Hindi agad binubuksan
mga kamay pinupunasan
at baka marumihan
mamantsahan
tinanggap na liham
mula sa kanino man
na turing ay isang kaibigan.
Itong pagsusulat
maging pagtanggap ng liham
maituturing nating
ritwal ng ating pagkakaibigan:
walang minamadali
bawat sandali kinakandili
pilit pinanatili sana'y kapiling kang lagi.
Nakakahinayang itong kaugalian
ng pagliham napalitan,
pati ating pagkakaibigan,
mga ugnayan tila nakalimutan;
balikan mga lumang liham nasaan
hindi ba't nakatago, iniingatan
upang basahin, sariwain, palalimin ating samahan?
Photo by Suzy Hazelwood on Pexels.com

Aral ng kapa ni San Martin ng Tours

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-11 ng Nobyembre 2019

Larawan mula sa Google.
Madalas ilarawan
itong dakilang kawal ng Diyos
si San Martin ng Tours sa France
hinahati kanyang kapa
upang bihisan dukhang matanda
nakasalubong sa daan.
Kinagabihan 
kanyang napanaginipan
Panginoong Hesus sa kanyang paanan
tangan-tangan
kapang ipinahiram
sa matandang tinulungan.
Ito ang katuparan
ng Ebanghelyong sa atin ibinalita
mismo ni Hesus na ano man
ang ating gawin sa kapwa natin
siyang ginagawa din natin
sa kanyang Panginoon natin.
Kapilya ng Santisimo Sakramento sa UP-Diliman. Kuha ni Bb. JJ Jimeno ng GMA7 News, 2019.
Kay gandang pagnilayan
isa pang aral nitong kapa
ni Martin na Banal:
lingid sa kaalaman
ng karamihan, dito rin nagmula
kataga ng pook na munting dasalan.
Sinasabi sa kasaysayan,
noong bagong Kristiyano si Martin
kanyang iniiwan mga tauhan
para manalangin sa kagubatan;
hinuhubad kanyang kapa
upang makapanalangin ng taimtiman.
Kaya tuwing siya ay hahanapin,
tanging tutuntunin
saan nakasampay o nakalagay
hinubad niyang kapa, na kanilang tinuring
sa wikang Frances na "chapelle"
na naging chapel, o kapilya sa wika natin.
Ang “Ecce Homo” ni Murillo. Larawan mula sa Google.
Hindi ba natin pansin
itong Panginoong Hesus natin
nang siya ay dumating sa atin
hinubad kanyang pagkadiyos
upang makatulad natin,
matubos sa mga pagkakasala natin?
Hari ng mga hari,
tunay na makapangyarihan
ngunit nang nilibak
sinuutan ng purpurang kapa,
pinutungan ng koronang tinik
at hindi umimik hanggang makamit kaligtasan natin.
Kay sarap pagbulaybulayan
halimbawang iniwan sa atin
nitong si San Martin:
ating kapa ng kapangyarihan at pangalan
ating hubarin upang ang Diyos
ay ating makamit at siya ay makatulad natin.

Syllabus ng cactus

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-06 ng Nobyembre 2019

Photo by Matthew T Rader on Pexels.com
Yaman rin lang
naumpisahan ko nang
balikan natutunan sa pagdidilig
ng mga halaman,
narito naman aking kinamumuhian
sa nilalang na luntian.
Hindi ko malilimutan
noon sa aking kabataan
nang ako'y mapagalitan ni inay
nang pagmuntikanan ko nang
maluray alaga niyang halaman
kailan ko lamang nagustuhan.
Tuwing aking dinidiligan 
aming mga halaman
palagi kong iniiwasan
maski mawiligan
mga cactus dahil aming napag-aralan
namumuhay mga ito sa disyerto kahit walang ulan.
Photo by jami jari on Pexels.com
Hindi ako nahiwagaan 
sa naturang katangian
bagkus aking pinagtakhan
bakit ang cactus inalagaan
di naman pala kailangang diligan
bukod sa di kakitaan ng kagandahan?
Doon nagsimula itong aking kalokohan
o kademonyuhan, wika ng aking ina
nang unti-unti kong hiwaan berdeng laman
iniiwasan mga tinik na nakatirik
gamit bago kong laseta
na nabili sa bangketa pagkagaling sa eskuwela.
"Ano ngayon iyong laban?",
pahibang kong binulungan
itong cactus na aking sinaktan
habang pinagmamasdan
mga dagta tila baga luha
ng halamang nasugatan.
Nang ako'y kinagalitan 
ng aking inang,
iisa lamang kanyang tanong
at wala akong naitugon:
"Inaano ka nitong halaman,
bakit mo ginawan ng ganyan?"
Photo by Min An on Pexels.com
Pagkaraan ng mahabang panahon
akala ko'y nakalimutan ko na 'yon
ilang pagkakataon kalooban marahil ng Panginoon
sa aking pagdarasal at pagninilay
sumasagi sa aking atensiyon
halamang wala akong pakialam noon.
Katulad ng kanyang mumunting tinik
nakasalubsob na tumitirik, sumasagitsit ang sakit
sa aki'y cactus nagtatanong, ibig makasumpong
maliwanag kong tugon:
"Hindi mo ba ako kayang tanggapin,
kilalanin at mahalin sa ganang aking sarili?"
Sa cactus din nasasalamin
karunungan at kabutihan ng Diyos natin
lahat ng nilikha niya sadyang mabuti
magkakaiba man ng uri at itsura
lahat tumanggap ng kanyang hininga
nakikibahagi sa buhay niyang nakabibighani.
Paalala ng cactus sa atin
tanggapin bawat isa sa atin
hindi sagwil pagkakaiba-iba natin
bagkus marahil ito magpapabuti sa atin
upang buksan kalooban natin
sa maraming inihahaing pagkakataon itong buhay natin.
Photo by Juhasz Imre on Pexels.com

Paalala ng Lumot

Lawiswis Ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-04 ng Nobyembre 2019

Mga lumot sa Malagos Gardens, Davao City, Agosto 2017.
Mula pa sa aking pagkabata
naroon na aking pagkabighani
sa mga lumot na tila baga may naghahabi
mumunting alpombra sa mga gilid at tabi-tabi.
Hindi gaanong naabot ng liwanag
mga mumunting halaman ang lumot
mahiwagang sumusulpot maski sa mga sulok
madaling lumalaganap waring sila'y mga nalimot.
Kay lamig sa paningin
itong mga lumot kung susuriin
tila baga nagpapahiwatig
himig ng lilim at dilim, tinig ng mahalumigmig.
Mga lumot sa St. Paul Spirituality Center, Alfonso, Cavite. Setyembre 25, 2019.
Kamakailan ko lamang napagtanto
aral na ibig ipaabot marahil ng mga lumot
sa atin na laging nalulungkot, nakasimangot
lalo na't kung ating buhay ay masalimuot.
Paalala marahil sa atin ng mga lumot
hindi man maabot at mabaanaagang lubos
ng sikat ng araw, sa lilim ng kadiliman
maaaninag pa rin busilak na luntian.
Katotohanan at ganda nitong ating buhay
bumubukal saan man ilagay ng Maykapal
pahalagahan, pangalagaan dahil walang kapantay
paalala ng lumot huwag sanang malimot.
Patak-dugo at lumot, St. Paul Spiritality Center, Alfonso, Cavite. Setyembre 25, 2019.