Ano aming ginagawa?

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-01 ng Mayo 2024
Mga pasaherong nakasabit sa PUJ, kha ni Veejay Villafranca ng Bloomberg via Getty Images, Abril 2017.
(Isang tula aking nakatha 
sa inspirasyon ni Fr. Boyong
sa pagninilay ng Araw ni San Jose, Manggagawa.)
Ngayong araw ng mga manggagawa
ano nga ba aming ginagawa
bilang halimbawa ng kabanalan
at kabutihan sa paghahanap ng saysay
at katuturan nitong buhay?
Kay saklap isipin
walang kapagurang kayod
ng karamihan habang kanilang
sinusuyod alin mang landas
maitaguyod lamang pamilyang
walang ibang inaasahan,
naghihintay masayaran mga bibig
ng pagkaing kailangan
di makapuno sa sikmurang
kumakalam
habang mga pari na nasa altar
namumuwalan mga bibig sa lahat ng
kainan at inuman,
tila mga puso ay naging manhid
sa kahirapan ng karamihan!
"Samahan mo kami, Father"
sabi ng Sinodo na simula pa lamang
ay ipinagkanulo nang paglaruan
mga paksa sa usapan
tinig at daing ng bayan ng Diyos
hindi pinakinggan
bagkus mga sariling interes
at kapakanan, lalo na kaluguran
siyang binantayan
at tiniyak na mapangalagaan
kaya si Father nanatili sa altar
pinuntahan mayayaman
silang pinakisamahan
hinayaan mga kawan hanapin
katuturan ng kanilang buhay.
Aba, napupuno kayo ng grasya
mga pari ayaw na ng barya
ibig ay puro pera at karangyaan
mga pangako ay nakalimutan
kahit mga kabalastugan papayagan
puwedeng pag-usapan
kung kaharap ay mayayaman
pagbibigyan malinaw na kamalian
alang-alang sa kapalit na ari-arian
habang mga abang manggagawa
wala nang mapagpilian kungdi
pumalakpak at hangaan kaartehan
at walang kabuluhang pananalita
ni Father sa altar, kanyang bokasyon
naging hanap-buhay.
San Jose, manggagawa 
ipanalangin mo aming mga pari
maging tulad mo,
simple at payak upang
samahan aming mga manggagawa
sa paghahanap
ng kahulugan ng buhay
kapiling nila.
Amen.

Hindi makapaniwala

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-09 ng Abril 2024
Caravaggio’s painting “The Incredulity of St. Thomas” (1602) from en.wikipedia.org.
Sa tuwing maririnig ko
ang kuwento kay Santo Tomas
Apostol ni Kristo,
ako'y nanlulumo dahil
batid ko hindi ayon
turing natin sa kanya
na "Doubting Thomas"
gayong tanging tag-uri
sa kanya ng Ebanghelista
ay "Didymus" o "Kambal";
nag-alinlangan nga si Tomas
sa balitang napakita si Jesus
na muling nabuhay
sa kanyang mga kasama
nguni't kailanma'y
di nabawasan
kanyang paniniwala
at pagtitiwala.
Malaking pagkakaiba
ng hindi maniwala
sa hindi makapaniwala
na isang pag-aalinlangan
bunsod ng kakaibang pakiramdam
tulad ng pagkamangha
o ng tuwang walang pagsidlan
sa isang karanasang napaka-inam
ngunit hindi maintindihan
balot ng hiwaga
at pagpapala
gaya nang mabalitaan
ni Tomas
paanong nakapasok sa
nakapinid na mga
pintuan
Panginoong Jesus
na muling nabuhay.
Katulad ng kanyang
mga kasamahan
nonng kinagabihan ng Linggo
ding iyon,
wala ding pagsidlan
tuwa at kagalakan
ni Santo Tomas
nang sa kanya inilarawan
ipinakitang mga kamay
ni Jesus
taglay pa rin
mga sugat natamo
sa pagpapako sa Krus
nagpapatunay
na Siya nga
ang Panginoong
nagpakasakit at namatay noon,
nabuhay muli ngayon!
Hindi ba 
ganyan din tayo
sa gitna ng ating mga
pag-aalinlangan
bagama't damang dama 
natin ang katotohanan
ng mga pagpapala at biyaya
hindi tayo makapaniwala
sa kadiliman ating natagpuan
liwanag ni Kristo habang sa
kawalan naroon Kanyang
kaganapan at kapunuan?
Sandigang ating pinananaligan
dasal na nausal ni Tomas na
banal pagkakita kay Jesus 
na muling nabuhay,
"Panginoon ko 
at Diyos ko!"
Huwag tayong matakot 
kung tayo ay
mag-alinlangan
at kung minsa'y
hindi makapaniwala
sa mga gawa ng Diyos
na sadyang kahanga-hanga;
sa mundong ito
na ang pinanghahawakang
kasabihan ay
"to see is to believe",
ang kabaligtaran nito
ang siyang katotohanang
ating mapapanaligan,
"believe that you may see"
dahil sa dilim at
kawalan parati dumarating
ang Panginoong Jesus natin!

Paghahanda sa kamatayan ay pamumuhay ng ganap

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II
Ika-pitong Huling Wika ni Jesus, 27 Marso 2024
Larawan kuha ng may-akda, 2019.

Nang mag-iikalabindalawa ng tanghali, nagdilim sa buong lupain hanggang sa ikatlo ng hapon. Nawalan ng liwanag ang araw; at ang tabing ng templo’y napunit sa gitna. Sumigaw ng malakas si Jesus, “AMA, SA MGA KAMAY MO’Y IPINAGTATAGUBILIN KO ANG AKING ESPIRITU!” At pagkasabi nito, nalagot ang Kanyang hininga.

Lukas 23:44-46

Mayroon ba kayong bucket list ng mga bagay na dapat gawain o mga lugar na puntahan o kaya ay pagkaing kainin bago mamatay? Usung-uso mga bucket list na iyan ng mga dapat magawa, marating, matikman o masubukan ng isang tao bago raw mamatay.

Ipagpaumanhin ninyo na hindi ako naniniwala sa mga bucket bucket list na iyan na pawang kaartehan. “Father, goal setting po iyon” madalas paliwanag sa akin ng mga nakakausap kong kabataan. Para daw yung mga dream car o dream house na pinapangarap mo balang araw.

Hindi ko sinasabing huwag tayong magkaroon ng mga pangarap at mithiin sa buhay. Kailangan at mahalagang mayroon tayong plano sa buhay para sa kinabukasan pero iba ang pakahulugan ng bucket list: ito ay mga dapat magawa bago mamatay. E, bakit hindi mo pa gawain na ngayon, puntahan na ngayon o tikman mo na ngayon habang may oras pa sapagkat malalaman ba natin kung kailan tayo mamamatay?

Iyon ang ayoko sa mga bucket list – isang pag-aaksaya ng oras at panahon na pinag-iisipan mga gagawin, pupuntahan o kakanin bago mamatay e kung pwede namang gawain mo na ngayon dahil baka ngayon ka na rin mamatay! Hindi po ba?

Lahat naman tayo ay tiyak na mamamatay. Ang tanong sa wari ko ay hindi ano pa ba ang dapat kong gawin bago mamatay kungdi ano ang magagawa ko sa ngayon para sa aking pagpanaw ay patuloy na magbunga ng mabuti aking naging buhay.

Siguradong mamamatay tayo nguni’t magiging maayos ba ating kamatayan? Will we die well?

Larawan kuha ng may-akda, libingan ng mga Heswita sa Sacred Heart Novitiate, Novaliches, Marso 2023.

Ewan ko ba pero napansin ko lang habang tumatanda at nagiging totoong-totoo realidad ng kamatayan di lamang sa aking sarili kungdi sa mga malalapit sa akin na ang iba ay mga nangamatay na nga na kung tutuusin, ang ating kamatayan ang pinakamaganda at pangmatagalang regalo na maihahandog natin sa ating mga mahal sa buhay kung maiiwanan nating sila ng isang ganap at mabungang buhay.

Sa halip na pag-isipan natin kung ano pa yung magagawa natin sa nalalabing taon ng buhay natin na di nga nating alam kung hanggang kailan pa, ang dapat nating itanong sa sarili ay paano ako mamumuhay ng maayos at ganap upang sa gayon sa aking pagkamatay ay magbunga pa rin aking naging buhay sa aking mga maiiwan.

Huwag nating sayangin ang panahon sa pag-iisip sa hindi pa dumarating kungdi sa ano mayroon tayo ngayon sa sandaling ito. Sabi nga ng commercial ng Sprite, “magpakatotoo ka!” Get real by living fully in the present. Coming to terms with death is coming to terms with life. The moment we realize we shall die one day, that is when we start living authentically. And joyfully. Mamuhay tayo ng totoo at ganap gaya ng ating napagnilayan sa ika-anim na wika, ang mamuhay sa pagmamahal.

Namatay nang maayos si Jesus noong Biyernes Santo dahil naisuko o naitagubilin Niya ang lahat lahat ng sa Kanyang sarili sa Ama at para sa ating lahat sapagkat namuhay nga Siya ng ganap. Wala Siyang pinanghinayangang dapat ay nagawa o nasabi dahil nagawa at nasabi Niya mga mabubuting nararapat nang Siya ay buhay pa.

Tayo kaya? Linggu-linggo kitang kita ko sa mga pasyente at kanilang pamilya ang hapis at kalungkutan sa panghihinayang na sana ay naging mapagmahal sila, mapagpatawad, lahat na. Kay raming mga pasyente nakikiusap dugtungan pa kanilang buhay para magbago at iaayos kanilang sarili.

Iyon ang malungkot. Hindi nga natin alam kailan tayo magkakasakit o mamamatay kaya ang paghahanda sa kamatayan ay pamumuhay ng ganap. Mabuhay sa pagmamahal at kagalakan, habag at kapatawaran. Ipagdiwang palagi ang buhay, kumain ng masasarap kung kaya, mamasyal habang malakas, gawin kung ano man gustong gawin basta ba makabubuti. Totoo sinasabi ng marami, maigsi lang ang buhay para sayangin ito sa mga drama at pag-iisip.

Sa oras ng ating pagpanaw sa lupang ibabaw tulad ni Jesus noong Biyernes Santo, maibibigay kaya natin sa Diyos at mga mahal natin sa buhay ating sarili kalakip ng lahat ng pagmamahal, tuwa at kabutihan? Masasabi ba natin sa Diyos at kanino man na “itinatagubilin ko aking espiritu?”

Larawan kuha ng may-akda, Kapilya ni San Francisco Javier, Sacred Heart Novitiate, Novaliches, 20 Marso 2024.

Manalangin tayo:

Panginoong Jesu-Kristo,
pagkalooban Ninyo ako ng biyaya
na maisabuhay ko itong buhay kong ito
sa Iyo at sa pamamagitan Mo
upang sakaling ako ay pumanaw
ano mang oras mula ngayon,
katulad Mo ay aking maitagubilin
sa Ama ang aking espiritu
ng walang sakit
panbghihinayang
maging kasalanan
bagkus puno ng
tuwa at pasasalamat
na pagyayamanin ng mga mauulila
ko hanggang sa magkasama-sama
kaming muli
kaisa Ka sa Iyong Paraiso.
Amen.

Salamuch po sa inyong pagsubaybay sa ating pagninilay sa Pitong Huling Wika ni Jesus. Maari ninyong balikan ang iba pang wika sa pagclick dito sa https://wordpress.com/view/lordmychef.com.

Nawa ay pagpalain kayong lagi ng Diyos sa ngalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo tungo sa mabiyayang Pasko ng Pagkabuhay. Amen.

Pag-ibig at kaganapan ng buhay

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-26 ng Marso 2024
Ika-anim na Huling Wika ni Jesus
Larawan kuha ni G. Chester Ocampo, kapilya ng Immaculate Conception Seminary, Guiguinto, Bulacan, 30 November 2015.

May isang mangkok doon na puno ng maasim na alak. Itinubog nila rito ang isang espongha, ikinabit sa sanga ng isopo at idiniit sa Kanyang bibig. Nang masipsip ni Jesus ang alak ay Kanyang sinabi, “NAGANAP NA!” Iniyukayok Niya ang Kanyang ulo at nalagot ang Kanyang hininga.

Juan 19:29-30

Kung minsan ako ay nalulungkot tuwing Huwebes Santo kapag natutuon ang pansin ng mga tao sa rito ng paghuhugas ng pari sa mga paa ng ilang mananampalataya. Tunay na kakaibang eksena at karanasan iyon sa mga tao ngunit ang totoo, hindi naman talagang bahagi ng Misa ng Huwebes Santo ang naturang paghuhugas ng mga paa na puwede namang hindi ganapin.

Ang tunay na lundo ng Banal na Misa ng Huwebes Santo ay naroon sa bahagi ng Ebanghelyong nagsasaad ng diwa ng paghuhugas ni Jesus sa mga paa ng kanyang mga alagad:

Bisperas na ng Paskuwa. Alam ni Jesus na dumating na ang panahon ng kanyang paglisan sa sanlibutang ito upang bumalik sa Ama. Mahal niya ang kanyang mga tagasunod na nasa sanlibutan, at ngayo’y ipakikita niya kung hanggang saan ang kanyang pag-ibig sa kanila.

Juan 13:1

Hanggang saan nga ba ang pag-ibig sa atin ni Jesus?

Hanggang sa wakas. O, end sa Inggles. Ngunit kapag sinabi nating hanggang sa wakas, parang mayroong hangganan ang pag-ibig natin kaya ang pahayag na ginamit sa pagkakasalin ay “ipakikita niya kung hanggang saan ang kanyang pag-ibig sa kanila.”

Mas mainam ang pagkakasalin sa Inggles ng huling pangungusap na nagsabing “He loved his own in the world and he loved them to the end.” Mula sa salitang Griyego na telos ang katagang wakas o end sa Inggles. Nguni’t salungat sa madalas nating isipin ang “wakas” bilang hangganan dahil ang telos ay nagpapahiwatig ng direksiyon at hahantungan na kaganapan o perfection. Hindi lang pagtigil at paghinto ang wakas o end.

Kaya naman nang sabihin ni Jesus doon sa Krus na “naganap na”, ang pakahulugan Niya ay ang kaganapan ng Kanyang misyon na mahalin tayong lahat hanggang sa wakas na siyang tinutukoy ng pahayag sa simula ng kanilang Paskuwa, “at ngayo’y ipakikita niya kung hanggang saan ang kanyang pag-ibig sa kanila” sa paghuhugas ng kanilang mga paa na ang kaganapan ay sa Kanyang kamatayan sa Krus kinabukasan ng araw ng Biyernes.

Ipinamalas sa atin ni Jesus ng buong-buo at ganap sa Kanyang pagkamatay sa Krus ang pag-ibig ng Ama para sa atin batay sa Kanyang sinabi kay Nicodemus, “Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan, kaya ibinigay niya ang kanyang bugtong na Anak” (Jn.3;16).

Kung tutuusin ay hindi naman kailangang mamatay si Jesus sa Krus upang tayo ay maligtas ngunit pinili pa rin Niya ito bilang tanda ng Kanyang pagmamahal sa ating lahat. Kaya naman dito rin nating makikita ang magandang kahulugan ng pagmamahal na hindi lamang basta pagtupad sa mga kautusan o pagiging mabuti sa kapwa. Sa kabuuan nito, ang pagmamahal ay pagiging-ganap ng ating buhay. Love is the perfection of life, ayon kay Thomas Merton, isang mongheng Amerikano noong araw.

Kapag tayo ay nagmamahal, tayo ay nagiging ganap tulad ng Diyos! Kaya, basta magmahal lang ng magmahal hanggang masaktan dahil hindi iyan mauubos tulad ng Diyos.

Mga minamahal, yamang gayon kadakila ang pag-ibig ng Diyos sa atin, dapat din tayong mag-ibigan. Walang taong nakakita sa Diyos kailanman, ngunit kung tayo’y nag-iibigan, nasa atin siya at nagiging ganap sa atin ang kanyang pag-ibig.

1 Juan 4:11-12

Mula sa unang sulat ding iyan ni San Juan, ating matutunghayan ang pahayag niya na ang Diyos ay pag-ibig na ayon sa dating Santo papa Benedicto XVI sa kanyang unang encyclical na Deus Caritas est, ito ang pinaka-malalim na pahayag tungkol sa Diyos na hindi matatagpuan sa ibang relihiyon maliban lamang sa Kristiyanidad.

Photo by Paco Montoya on Pexels.com

Mga ginigiliw ko, Diyos lang ang makapagmamahal sa atin ng ganap. Tanging si Jesus lang ang makapagmamahal sa atin ng ganap na Kanyang pinatunayan doon sa Krus.

Palagi kong sinasabi, “human love is always imperfect” kaya hayaan nating punan ni Jesus, gawin Niyang ganap at buo ang ating pagmamahal na palaging kapos at kulang. Maari itong mangyari kapag tayo nagsimulang magparaya at magpatawad, magbigay ng walang hinihintay na kapalit, manahimik kesa kumibo at humaba pa usapan. Tanggapin natin at angkinin mga sakit at sugat natamo natin sa imperfect love ng pamilya at kaibigan o sino pa man.

Tularan natin si Jesus na nagpakasakit at naghandog ng buhay sa Krus dahil sa pag-ibig.

Manalangin tayo para sa mga minamahal natin at sa nagmamahal sa atin sa kabila ng ating mga imperfection:

Panginoong Jesu-Kristo,
sana makapagmahal din ako
tulad Mo hanggang kamatayan;
sana masabi ko rin sa wakas tulad Mo
"naganap na";
patawarin po Ninyo ako
sa maraming pagkakataon
na hindi pa rin tapos
at patuloy pa rin sa pagnanana
ng mga sugat kong natamo
sa imperfect na pagmamahal ng kapwa
kaya hindi ako maka-move on
dahil nilalamon akong buhay ng mga sugat
at alaalang ito kaya hindi ako lumago
at maging ganap sa Iyo.
O Kristo Jesus,
patawarin po Ninyo ako
at turuang magpatawad
dahil sa pagpapatawad
kami tunay na nagmamahal
ng ganap tulad Mo.
Amen.

Pinawi ni Jesus ating uhaw sa Krus

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, 25 Marso 2024
Ikalimang Huling Wika ni Jesus
Larawan kuha ni Dean Mon Macatangga ng Our Lady of Fatima University, Valenzuela, 2023.

Pagkatapos nito, alam ni Jesus na naganap na ang lahat ng bagay; at bilang katuparan ng Kasulatan ay sinabi niya, “NAUUHAW AKO!” May isang mangkok doon na puno ng maasim na alak. Itinubog nila rito ang isang espongha, ikinabit sa sanga ng isopo at idiniit sa kanyang bibig.

Juan 19:28-29

Ito ang ikalawang pagkakataon na si Jesus ay nauhaw na bukod tanging makikita lamang natin sa ikaapat na ebanghelyo. Unang nauhaw si Jesus nang Siya ay makiinom sa babaeng Samaritana sa balon ni Jacob sa bayan ng Sychar sa Samaria (Jn.4:7). Sa tagpong iyon naganap ang napaka-gandang usapan sa pagitan ng nauuhaw nating Panginoon at ng babaeng Samaritana nauuhaw sa Diyos, sa pag-ibig at habag.

Mahirap ang mauhaw. Hindi tulad ng gutom na maaring idaan sa tulog. Tiyan lang ang kumakalam kapag tayo ay gutom ngunit kapag tayo nauhaw, dama ng buong katawan ang panghihina. Ramdam na ramdam at nanunuot sa laman at buto ating pagkauhaw. Kaya naman, malalim ang kahulugan ng pagiging uhaw na maaring hindi lamang sa tubig kungdi sa iba pang mahahalagang bagay kailangan ng ating kalooban.

Pagmasdan at damang-dama pagkatao tulad natin ni Jesus nang sabihin Niyang “Ako’y nauuhaw” higit pa sa tubig kungdi ang Kanyang pagkauhaw sa ating pagmamahal at pansin.

Alalahaning sa Ebanghelyo ayon kay San Juan, ang tubig ang isa sa mga pangunahing tanda ni Jesus bilang Kristo. Doon sa kasalan sa Cana nang gawin alak ni Jesus ang mga sinalok na tubig sa banga una Siyang nakilala bilang Kristo. Pagkatapos nito ang sumunod na eksena ang pagbisita sa gabi ng Pariseong si Nicodemo kay Jesus na noon unang binanggit ang tungkol sa pagbinyag o pagsilang muli sa tubig at espiritu (Jn.3:5). Sumunod na eksena doon ang paghingi ni Jesus ng tubig sa babaeng Samaritan kung saan Siya ay nagpakilala bilang “buhay na tubig” (Jn.4:10).

Sa pagsasabi ni Jesus doon sa Krus na Siya ay nauuhaw, Kanyang ipinahahayag di lamang ang pagkauhaw sa tubig kungdi higit pa! Kay laking kahangalan nang bigyan Siya ng ordinaryong alak ng isang sundalong Romano upang mainom. At madalas ay ganoon din tayo kay Jesus na nangakong “ang uminom ng tubig na ibibigay ko ay hindi na muling mauuhaw. Ito ay magiging isang bukal sa loob niya, babalong, at magbibigay sa kanya ng buhay na walang hanggan” (Jn.4:14).

Maliwanag higit pa sa tubig kungdi pag-ibig at malasakit ang kinauuhaw ni Jesus doon sa Krus. Noon at hanggang ngayon.

Si Jesus ang nauuhaw na misis at ina sa pagmamahal at kalinga ng kanyang taksil na kabiyak at mga lapastangang anak na walang iniisip kungdi kanilang mga sarili.

Si Jesus ang nauuhaw na mister at ama na OFW nasa ibang bahagi ng mundo na walang inaasam-asam kungdi ang mga simpleng tawag at texts ng pamilya na papawi ng kanyang pagod at lungkot.

Si Jesus ang nauuhaw na lolo at lola na pakiramdam ay nag-iisa at nawawala dahil sa Alzheimer’s o sa stroke na walang pumpansin sa loob mismo ng kanilang tahanan.

Si Jesus ang nauuhaw na kabataan naghahanap ng panahon at malasakit ng magulang at mga kapatid upang magkaroon ng direksiyon ang buhay, higit pa sa mga binibigay sa kanilang mga gadgets, damit at mga salapi.

Si Jesus ang nauuhaw na maaring katabi mo ngayon naghahanap ng papansin sa kanya, na ngingiti sa kanya at magpaparamdam na siya ay welcomed at, masarap mabuhay!

Huwag nating tularan ang mga sundalong Romano o ang babaeng Samaritana na naghagilap ng mineral water para kay Jesus na naroroon sa bawat taong nakakasalamuha natin.

Ang pinakamainam at masarap na tubig nating maiaalok sa sino mang nauuhaw ay nanggagaling sa kaibuturan ng ating puso at kaluluwa kung saan nanahan si Jesus sa atin na puno ng habag at pag-ibig. Mauhaw tayo kay Jesus dahil tanging Siya lamang makapapawi at makatitighaw sa ating pagka-uhaw.

Manaling tayo.

Minamahal kong Panginoong Jesus,
patawarin po Ninyo ako
kapag pinapawi ko aking pagka-uhaw
sa kung ano-anong alok ng mundo
na kadalasan lalo lamang ako
nauuhaw,
tuyot,
at hungkag;
punuin mo ako ng IYONG SARILI
upang higit KITA na maibahagi
sa kapwa ko nauuhaw
dahil IKAW lamang
ang makakapawi
sa aming pagkauhaw
sa kahulugan
at kaganapan
ng buhay.
Amen.

Hindi ka nag-iisa

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, 24 Marso 2024
Ikaapat na Huling Wika ni Jesus
Larawan kuha ng may-akda, Kapilya ni San Francisco Javier, Sacred Heart Novitiate, Novaliches, 20 Marso 2024.

Mula sa tanghaling tapat hanggang ikatlo ng hapon ay nagdilim sa buong lupain. Nang mag-iikatlo ng hapon, sumigaw si Jesus, “ELOI, ELOI, LEMA SABACHTANI?” ibig sabihi’y “DIYOS KO, DIYOS KO, BAKIT MO AKO PINABAYAAN?”

Mateo 27:45-46

Sa tagpong ito ating mababanaagan kadakilaan ng pagmamahal sa ating lahat ng Diyos, Siya na ganap, walang kapintasan at kakulangan (perefect) ay piniling maging katulad nating hindi ganap (imperfect) bilang tao sa lahat ng bagay maliban sa kasalanan kay Kristo Jesus.

Pinili at mas inibig ng Diyos kay Kristo na maging tao upang maranasan hirap at sakit natin maging ang kamatayan, lalo’t higit ang magdusa at mamatay na nag-iisa at iniwanan ng lahat doon sa Krus.

Ano mang paghihirap at pagdurusa ay nagiging napakabigat kapag ika’y nag-iisa, na walang kasama ni karamay. Ito pinakamasaklap sa panahon natin ngayon maging sa ating bansa na dati rati’y walang mga bahay ampunan para sa matatanda ngunit nagyon ay naglipana na dahil sa maraming matatanda ang iniiwan, tinatalikuran di lamang ng mga kamag-anakan kungdi pati ng lipunan. Ito ang dahilan kung bakit si Santa Mother Teresa ay bumuo noon ng samahan na mag-aalaga sa mga tinaguriang “poorest of the poor” sa India nang makita niya maraming may-sakit sa Calcutta namamatay nang mag-isa. Hindi lamang ito totoo sa mga mahihirap na lugar kungdi maging sa mga mauunlad na lupain ay maraming matatanda ngayon ang namamatay na lamang ng mag-isa sa buhay.

Larawan kuha ng may-akda, Baguio City, 2023.

Iyan man ay pinagdaanan ni Jesus lalo na noong ipinako siya sa krus na halos iwanan siya ng lahat. Sa labingdalawang alagad niya, naghudas ang isa habang ang pinuno naman nila ay ikinaila siya ng tatlong ulit kaya’t nagtago noon kasama ang iba pang mga alagad. Tanging si Juan na minamahal na alagad ang nanatili sa paanan ng krus ni Jesus kasama ang kanyang Ina na si Maria at ilan pang mga kababaihan.

Nasaan ang mahigit limang libong tao na pinakain ni Jesus sa ilang? Wala din doon ni isa sa mga pinagaling niyang mga may-sakit. Nawala at naglaho ang lahat ng tao na tuwang-tuwang sumalubong kay Jesus noong Linggo ng Palaspas.

Ngunit kailan man ay hindi naramdaman ni Jesus ang pagiging mag-isa doon sa Krus. Tulad ng sino mang mabuting Judio, dinasal ni Jesus noon ang Salmo 22, ang awit ng panaghoy, ng pagpapakasakit at buong pagtitiwala sa Diyos.

Ito ang mabuting balita ng pagkamatay ni Jesus sa Krus: mula noon tayong mga tao ay hindi na mag-iisa sa mga hirap at tiisin nitong buhay maging kamatayan dahil kasama na natin ang Diyos kay Jesus.

Ito ang ating consolation o consuelo, wika nga.

Mula sa dalawang katagang Latin na con (with) at solare (alone) na ibig sabihin ay samahan ang nag-iisa, naging pinakamalapit at tunay na kaisa tayo ng Diyos sa tuwing tayo ay nasa gitna ng mga tiisin at hirap sa buhay maging kamatayan dahil sa pagdamay sa atin ni Jesus doon sa Krus upang sa gayon sa kanyang muling pagkabuhay tayo man ay kanyang makasama at makaisa.

Sapagkat siya ma’y tinukso at nagbata, kaya ngayo’y matutulungan niya ang mga tiutukso.

Hebreo 2:18

Sa tatlong taon kong pagiging chaplain sa Our Lady of Fatima University at Fatima University Medical Center, nakita ko at naranasan sa maraming pagkakataon paano mga tao – bata man o matanda, mahirap at mayaman, may sakit o karamdaman maging mga malalakas at malusog ang pangangatawan – ay nararanasan ang pangungulila at pag-iisa sa gitna ng kanilang mga paghihirap at pagdurusa sa buhay. Marami sa kanila ang mag-isang umiiyak kasi maraming ginagawa o nasa kung saan-saan kanilang mga mahal sa buhay. Maraming pagkakataon nga naitatanong ko na lang kung mayroon pa bang umuuwi ng bahay o nakatira sa kanilang tahanan? Is anybody still home?

Larawan ng convolvulus tricolor mula BBC Gardeners World Magazine.

Halina at ipagdasal ang bawat isa, lalo na yaong mga nahihirapan, nagtitiis ng mag-isa sa buhay:

Diyos Amang mapagkalinga,
ibinigay mo sa amin
ang Iyong Anak na si Jesus
upang aming maranasan Iyong
pag-ibig at habag,
ang Iyong pagpapagaling at pagkandili,
ang Iyong kapanatilihan at kapayapaan
upang hindi na kami mag-isa pa sa buhay na ito;
maalala nawa naming palagi
na kung kami man ay dumaraan sa
napakatinding pagsubok sa buhay
na tila nag-iisa at walang karamay,
naroon si Jesus pinakamalapit sa amin
dahil Siya ang unang nagpakasakit
at namatay doon sa Krus
para sa amin.
Amen.

Ulirang alagad, Minamahal na alagad

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-22 ng Marso 2024
Ikatlong Huling Wika ni Jesus sa Krus
Larawan kuha ng may akda, 2019.

Ang ikatlong wika ni Jesus sa Krus:

Nakatayo sa tabi ng krus ni Jesus ang kanyang ina at ang kapatid na babae nitong si Maria, na asawa ni Cleopas. Naroon din si Maria Magdalena. Nang makita ni Jesus ang kanyang ina, at ang minamahal niyang alagad sa tabi nito, kanyang sinabi, “Ginang, narito ang iyong anak!” At sinabi sa alagad, “Narito ang iyong ina!” Mula noon, siya’y pinatira ng alagad na ito sa kanyang bahay.

Juan 19:25-27

Napakagandang eksena ang ating natunghayan sa ikatlong wika ni Jesus doon sa krus, sa gitna ng kanyang paghihirap at pagtitiis ilang oras bago siya mamatay. Naroon kapiling niya si Maria na kanyang Ina, ang “ulirang alagad” at si Juan, ang “minamahal na alagad.”

Kapwa tumatayo noon sa paanan ng krus ang dalawang naturang alagad para sa ating lahat ngayon: si Maria na sumasagisig sa Inang Simbahan, ang Katawan ni Kristo na ating kinabibilangan bilang kanyang mga anak, bawat isa ay minamahal na alagad ni Jesus.

Ngunit, nababatid kaya natin ang karangalang ito sa ngayon na wala nang halos nagsisimba ni nagdarasal at walang pakialam sa paghihirap ng kapwa lalo ng mga magulang?

Hindi ko po napanood (at walang balak panoorin) yaong viral na namang video diumano ng isang guro na kinunan ng kanyang mga mag-aaral habang nagbibitiw ng masasakit na salita dahil sa matinding galit. Maraming guro ang dumamay sa kanya at hiniling sa mga tao na huwag siya husgahan.

Sang ayon po ako doon. Nakakalungkot, nakakadismaya at nakakahiya maraming tao ngayon lalo mga nakababata tulad ng mga mag-aaral na wala nang kahihiyahan at pakundangan sa hirap at malasakit ng kapwa. Masyadong entitled na nga yata mga tao ngayon na tila baga umiikot at umiinog ang mundo sa kanila.

Ngayon ko lang nadama ng husto bilang chaplain ng Fatima University Medical Center ang pagkatakot at balisa, pagluha at pagtangis ng isang ina para sa kanyang iniluwal na sanggol na kailangang ipasok sa ICU dahil sa sakit at suliraning pangkalusugan. Hindi biro ang makakita ng bagong silang na sanggol na maraming nakasaksak na mga munting tubo para lang mabuhay. Pagkatapos paglaki ay lalapastanganin mga maglang at matatanda? Kung nalalaman lang sana nila pagmamal at malasakit sa kanila noong sila’y mga sanggol na may sakit!

Larawan ng “Lady of Sorrows” sa triptych ng Master of the Stauffenberg Altarpiece, Alsace c. 1455; mula sa fraangelicoinstitute.com.

Ang mga salitang binigkas ni Jesus doon sa krus para sa kanyang Inang si Maria at sa minamahal niyang alagad na si San Juan ay patuloy niyang sinasabi sa atin ngayon upang tularan ang dalawang naturang alagad niya. Araw-araw ay hinihimok tayo ni Jesus na sariwain kanyang ikatlong huling wika doon sa krus sa pagmamalasakit at pagmamahal natin sa bawat kapwa lalo na yaong mga nahihirapan at nabibigatan sa buhay.

Si Maria ang unang alagad at ulirang alagad ng Panginoong Jesus dahil siya ang unang tumanggap sa kanya at nagsabuhay ng Ebanghelyo. Si Maria ang unang nanampalataya kay Jesus kaya naganap ang una niyang himala sa kasalan sa Cana, Galilea nang mamagitan si Maria na tulungan ang mga bagong kasal na naubusan ng alak. Nanalig si Maria kay Jesus kaya inutusan niya ang mga tagapag-silbi noon na gawin ano mang sabihin ni Jesus. Higit sa lahat, si Maria ang unang nanampalataya na muling mabubuhay si Jesus kaya sa kanya rin unang nagpakita ang Panginoon noong Pasko ng Pagkabuhay.

Sa lahat ng ito, itinuturo sa atin ng Mahal na Birheng Maria ang kahalagahan ng kaisahan o union kay Jesus sa pamamagitan ng matalik na ugnayan o intimacy sa Panginoon bilang kanyang kasama o companion sa misyon. Kaya kung tutuusin, si San Juan ay katulad din ni Maria sa pagiging ulirang alagad ni Jesus kaya naman tinagurian din siyang minamahal na alagad. At iyon din tayo sa paningin ng Panginoon!

Damahin natin ang tagpo doon sa krus. Pagmasdan ang marangal pa ring itsura ng Mahal na Birheng Maria sa gitna ng matinding hapis. Nakatindig siya (nakatayo) at hindi naglulupasay o nagwawala sa lapag. Buong-buo kanyang sarili tulad ni Jesus sa kabila ng matinding hapis.

Ang “Blue Madonna” na Mater Dolorosa (1616)ni Carlo Dolci. Mula sa Wikimedia Commons.

Ito ang pinakamagandang katotohanan sa tagpong ito: mahigit pa sa mga luha at hapis sa mukha ni Maria, hindi maikakaila ang kanyang pagiging ulirang alagad ni Jesus sa kanyang taimtim na pananalangin. Pagmasdan na walang ibang ginagawa marahil doon ang Mahal na Ina maliban sa pagdarasal. Tingnan kung paanong magkaisa silang mag-ina sa hirap at dusa maging sa pag-asa at pananalangin kaya naman sila rin unang nagkita sa luwalhati ng muling pagkabuhay!

Sikapin natin ngayong panahon ng Kuwaresma at Semana Santa na muling malinang ating buhay panalangin upang katulad ng Mahal na Birheng Maria, magkaroon tayo ng kaisahan o komunyon kay Jesus na kung saan hindi lamang tayo nag-uusal ng dasal sa bibig kungdi namumuhay at nananahan kay Kristo. Tantuin nating mabuti na ang Dapat pagtayo ni Maria doon sa paanan ng krus ni Jesus ay hindi basta-basta lamang nangyari; ito ay bunga ng matalik niyang pakikipag-ugnayan at pagsunod kay Jesus na dinalisay ng buhay panalangin. Madalas tayo mga tao ngayon naisipan lang magdasal at magsimba kung mayroong problema.

Buong buhay ng Birheng Maria ay ginugol niya sa pagdarasal kaya noong bumaba ang Espiritu Santo noong Pentekostes, naroon din siyang nagdarasal kasama ng mga alagad ni Jesus. Si Maria ang pinakamagandang paalala pangalawa kay Jesus na ang pagiging alagad ay nagsisimula at nakabatay sa buhay ng panalangin, ng kaisahan sa Diyos kung kayat bawat pasya, bawat kilos natin ay bunga ng pagdarasal at kaisahan kay Kristo Jesus!

Manalangin tayo:

Panginoong Jesus,
tulungan mo kaming maging
katulad ng iyong Ina,
ang Mahal na Birheng Maria
sa pagiging iyong ulirang alagad;
O Birheng Maria,
ipanalangin mo kaming iyong mga anak
lalo na kaming mga pari na dapat
sana ay katulad ng minamahal na alagad
na nakababad, nakalublob sa
buhay panalangin;
nawa katulad mo at ni San Juan,
manindigan kami kasama ng
maraming nahaharap sa mga
pagsubok at pagdurusa;
nawa masamahan namin ang
marami pang iba nagtitiis ng mag-isa,
walang kasama.
Amen.

Krus ang pintuan sa langit

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-21 ng Marso 2024
Ikalawang Huling Wika ni Jesus sa Krus
Larawan kuha ng may-akda sa Mirador Jesuit Retreat House sa Baguio City, Agosto 2023.

Ang ikalawang wika ni Jesus sa Krus:

Tinuya siya ng isa sa mga salaring nakabitin, at ang sabi, “Hindi ba ikaw ang Mesias? Iligtas mo ang iyong sarili, pati na kami!” Ngunit pinagsabihan siya ng kanyang kasama, “Hindi ka ba natatakot sa Diyos? Ikaw may pinarurusahang tulad niya! Matuwid lamang na tayo’y parusahan nang ganito dahil sa ating mga ginawa; ngunit ang taong ito’y walang ginawang masama.” At sinabi niya, “JESUS ALALAHANIN MO AKO KAPAG NAGHAHARI KA NA.” Sumagot si Jesus, “SINASABI KO SA IYO: NGAYON DI’Y ISASAMA KITA SA PARAISO.”

Lukas 23:39-43

Muli ay ating namnamin ikalawang wika ni Jesus doon sa Krus pagkapako sa kanya. Nauna niyang sinambit ay kapatawaran; ngayon naman kanya itong sinundan ng pangako ng langit o paraiso.

At iyon ay agad-agad na, ora mismo! Wika nga ng mga bata, “now na”! Hindi mamaya pagkamatay nila ni Jesus o sa Linggo sa kanyang pagkabuhay. Malinaw na sinabi ni Jesus kay Dimas, “SINASABI KO SA IYO: NGAYON DI’Y ISASAMA KITA SA PARAISO.”

Tantuin ninyo mga ginigiliw ko na sa ebanghelyo ayon kay San Lukas, namutawi lamang sa mga labi ni Jesus ang pangakong ito ng paraiso noong siya ay nakabayubay sa krus at hirap na hirap. Wala siyang pinangakuan ng langit nang siya ay malaya at malakas na nakakagalaw, naglilibot at nangangaral.

Alalaong-baga, pumapasok tayo sa langit kasama si Jesus sa sandaling kasama din niya tayong nagtitiis, nagdurusa, nagpapakasakit dahil sa pagmamahal doon sa Krus!

Ang krus ang pintuan papasok sa langit o paraiso.

Madalas naiisip natin kapag nabanggit o narinig ang katagang langit at paraiso ay kagalakan, kawalan ng hirap at dusa. Basta masarap at maayos sa pakiramdam, langit iyon sa atin. Kaya mga addict noon at ngayon kapag sila ay sabog at nasa good trip, iyon ay “heaven” dahil wala silang nadaramang problema at hirap sa buhay.

Larawan kuha ng may akda, 2023.

Kaya hindi rin kataka-taka na ang gamot nating laging binibili ay pain killer – konting sakit ng ulo o kasu-kasuan, naka-Alaxan kaagad. Noong dati ay mayroong shampoo na “no more tears” dahil walang hilam sa mata.

Gayon ang pananaw natin sa langit. At tumpak naman iyon kaya nga sa pagbabasbas ng labi ng mga yumao, dinarasal ng pari, “Sa paraiso magkikitang muli tayo. Samahan ka ng mga Santo, kahit mayroong nauuna, tayo rin ay magsasama-sama upang lagi tayong lumigaya sa piling ng Diyos Ama. Amen.”

Nagmula ang salitang paraiso sa katagang paradiso na tumutukoy sa kaloob-loobang silid ng hari ng Persia (Iran ngayon) kung saan tanging mga pinagkakatiwalaang tao lamang ang maaring makapasok kasama ang royal family. Kaya nang isalin sa wikang Griyego ang mga aklat ng Bibliya, hiniram ang katagang paradiso ng mga taga-Persia at naging paraiso upang tukuyin ang langit na tahanan ng Diyos na higit pa sa sino mang hari sa mundo.

Ngunit, katulad ng silid na paradiso ng hari ng Persia, hindi lahat ay basta-basta na lamang makakapasok ng paraiso. Alalahanin nang magkasala sina Eba at Adan, pinalayas sila ng Diyos at mula noon ay nasara ang paraiso; muli itong nabuksan kay Kristo nang sagipin niya tayo doon sa krus na nagbunga sa pagwawalang-sala sa ating mga makasalanan. Dahil sa krus ni Jesus, tayo ay naging karapat-dapat patuluyin sa paraiso. Sa tuwing ating tinatanggap ang krus ni Kristo, tayo ay nagiging tapat sa Diyos sa pamamagitan ng pagmamahal at paglilingkod sa kapwa. Noon din tayo pumapasok ng paraiso.

Sa panahong ito na wala nang hanap ang karamihan kungdi sarap at kaluguran, ipinaaalala sa atin ni Jesus sa ikalawang wika na ibig niya tayong makapiling ngayon din sa paraiso kung tayo ay mananatiling kasama niya sa pagtitiis at pagpapakasakit sa ngalan ng pag-ibig sa Diyos at kapwa.

Sa panahong ito na dinidiyos masyado ang katawan at sarili upang maging malusog, malakas at kung maari ay manatiling bata at mura ang edad, pinapaalala ni Jesus sa kanyang ikalawang huling wika sa krus na sino mang nasa banig ng karamdaman pati na yaong mayroong kapansanan ay unti-unti na ring pumapasok ng langit ngayon din sa kanilang tinitiis na hirap at sakit.

Sa panahong ito na lahat ay pinadadali at hanggat maari iniiwasan ano mang hirap at dusa, pinapaalala ni Jesus sa kanyang ikalawang huling wika na sa ating pagsusumakit sa maraming tiisin at pasanin sa buhay na ito, noon din tayo pumapasok sa paraiso kahit na kadalasan ito ay nagtatagal sa paghihintay.

Larawan kuha ng may-akda, 2018.

Noong pandemic, natutunan natin na hindi lahat ng tinuturing ng mundo na negatibo ay masama kasi noong mga panahong iyon, iisa ating dasal tuwing tayo ay sasailalim ng COVID test na sana ay “negative” tayo, hindi ba? Noon natutunan natin yung negative ay positive. At iyon mismo ang kahulugan ng krus ni Kristo!

Para sa atin, ano mang mahirap, masakit tulad ng krus ay negatibo ngunit kung tutuusin, ang krus ay hugis positibo o “plus sign” (+) at hindi minus (-); kaya, ano mang hirap at pagtitiis sinasagisag ng krus ay mabuti dahil hindi ito nakakabawas bagkus nakapagdaragdag sa ating pagkatao na naghahatid sa atin sa kaganapan at paglago. Sa suma total, eka nga, sa paraiso!

Ang mga tiisin at pagsubok sa buhay ang nagpapatibay at nagpapabuti sa atin upang maging karapat-dapat makapasok sa paraiso at makapanahan ang Haring magpakailanman – ngayon din, ora mismo, now na!

Kaya, manalangin tayo:

Panginoong Jesus,
bago pa man dumating
lahat nitong aming tiisin
at pasanin sa buhay,
nauna ka sa aming
nagtiis at nagpasan
ng krus noong Biyernes Santo;
nauna kang nagpakasakit
at namatay noon sa Krus
dahil sa pagmamahal sa amin;
kaya, patatagin mo ako sa aking
katapatan at pananampalataya
sa Iyo upang manatiling kaisa mo
sa krus ng kalbaryo ng buhay
upang ngayon din
Ikaw ay aking makapiling,
makasama sa Paraiso.
Amen.

Ang kasalanang hindi natin alam

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-20 ng Marso 2024
Unang Huling Wika ni Jesus sa Krus
Larawan kuha ng may-akda, 2019.

Ang Unang Wika ni Jesus:

Nang dumating sila sa dakong tinatawag na Bungo, ipinako nila sa krus si Jesus. Ipinako rin ang dalawang salarin, isa sa gawing kanan at isa sa gawing kaliwa. Sinabi ni Jesus, “Ama, patawarin mo sila, sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa.” At nagsapalaran sila upang malaman kung alin sa kanyang kasuutan ang mapupunta sa isa’t isa.

Lukas 23:33-34

Kay sarap isipin at namnamin na ang kauna-unahang mga salita na sinabi ni Jesus nang ipako siya ay krus ay ang kapatawaran sa ating mga kasalanan. Hindi lamang doon sa mga mismong nagpako sa kanya sa krus kungdi sa ating lahat ngayon na patuloy pa rin siyang ipinapako sa krus “sapagkat hindi natin nalalaman ating ginagawa.”

Ano nga ba iyong sinasabi ni Jesus na patawarin “sapagkat hindi nila nalalaman kanilang ginagawa”?

Sa kaisipan ng mga Judio, ang “malaman” ay hindi lamang matanto ng kaisipan ano mang data o impormasyon kungdi galaw ng puso at kalooban na pumasok sa pakikipag-ugnayan. Ang malaman ay magkaroon ng ugnayan bilang kapwa-tao sa isa’t isa.

Nang sabihin ni Jesus na “Ama, patawarin mo sila, sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa”, ipinaaalala din niya sa ating lahat ang katotohanang dapat malaman natin na tayo ay magkakapatid sa kanya, iisang pamilya sa Diyos na ating Ama.

Sa tuwing sinisira natin ang ating mga ugnayan bilang magkakapatid, sa kada pagbale-wala natin sa bawat tao na tinuturing bilang kasangkapan at gamit para sa sariling kaluguran at kapakinabangan ng walang pag-galang at pagmamahal, doon tayo nagkakasala dahil pinuputol natin ating mga ugnayan.

Madalas, iyan ang hindi natin alam kapag ating inaabuso ating tungkulin at kapangyarihan na dapat ay pangalagaan kapakanan lalo ng mga maliliit at mahihina.

Nagkakasala tayo at hindi natin alam ating ginagawa kapag ating nilalapastangan ating mga magulang lalo na kapag matanda na at mahina o hindi makarinig; kapag sinasaktan ating mga kapatid sa masasakit na pananalita at ating pilit ibinababa kanilang pagkatao.

Larawan kuha nina Teresa at Luis sa Pexels.com

Hindi rin natin alam ating ginagawa sa tuwing tayo ay sumisira sa pangakong magmahal sa asawa at kasintahan, kapag tayo ay nagtataksil o nagbubunyag ng sikretong ipinagkatiwala sa atin at tayo ay nagiging plastik sa harap ng iba.

Pinakamasaklap sa mga hindi natin nalalaman ating ginagawang masama ay kapag nawalan tayo ng pag-asa at kumpiyansa sa mga mahal natin sa buhay kaya sila ay atin pinababayaan, ni hindi pinapansin o bigyang-halaga dahil sa paniwalang hindi na sila magbabago pa ng ugali o hindi na gagaling pa sa kanilang sakit at karamdaman lalo na kung matanda na at malapit nang mamatay.

Ngayong mga Mahal na Araw, isipin natin mga tao na ating nasaktan sa ating salita man o gawa dahil ating nalimutan o kinalimutan ituring kapatid at kapwa.

Sinu-sino din ang mga tao na nagpapasakit sa ating kalooban dahil hindi nalalaman kanilang ginagawa? Manalangin tayo:

Ipagpatawad po ninyo,
Panginoong Jesus
aking pagpapako sa iyo muli sa krus
sa tuwing hindi ko nalalaman
aking ginagawa,
kapag aking nililimot at tinatalikuran
itong pangunahing katotohanan
na igalang at mahalin bawat kapwa;
ipinapanalangin ko sa Iyong habag at awa
mga tao na aking sinaktan at tinalikuran
lalo na yaong mga binigay mo sa akin
tulad ng aking pamilya at kaibigan
at mga dapat pangalagaan;
ipinapanalangin ko rin sa Iyo,
O Jesus, yaong mga nanakit sa aking
damdamin, tumapak at yumurak
sa aking pagkatao na hanggang ngayon
aking pa ring ibig paghigantihan.
Panginoong Jesus,
huwag ko nawa malimutan
na kami ay magkakapatid,
magkakaugnay
sa iisang Ama
na siyang sinasagisag
ng Iyong Krus na Banal.
Amen.

Paalala ng Kuwaresma

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-06 ng Marso 2024
Larawan kuha ng may-akda, 2020.

Sa lahat ng panahon sa ating liturhiya ng Simbahan, bukod tangi ang Kuwaresma dahil ito lamang ang nagsisimula ng ordinaryong araw, ang Miyerkules ng Abo o Ash Wedensday at hindi araw ng Linggo.

Kapuna-puna ang nakaraang Ash Wednesday na pumatak ng Pebrero 14, Valentine’s Day na nangyari din noong 2018. Pinag-usapan ng marami sa social media kung alin ang pipiliing ipagdiwang, Valentine’s Day o Ash Wednesday?

Nakatutuwang isipin na marami pa rin ang sumagot sa survey na pipiliin nila ang mangilin sa araw ng pagpapahid ng abo kesa ang makipag-date sa Pebrero 14; iba ang ipinakita ng mga balita at ng social media kung saan panalo ang mga nagdiwang ng Araw ng mga Puso! At tila gayon nga ang nangyari o marahil, pinagsabay nating mga Pinoy ang dalawang pagdiriwang, di alintana mga panawagan ng Kuwaresma at Miyerkules ng Abo na manalangin, magtika ng mga sala, maglimos, at mag-ayuno.

Kaya nga taun-taon, ito ang laging tanong natin, ano nga ba ang kahalagahan ng Kuwaresma sa makabagong panahong ito na kung saan mga tao ay tila hindi na nag-aayuno, wala nang sakripisyo? Higit sa lahat, paunti nang paunti na mga nagsisimba.

Ang problema natin sa Pilipinas ay hindi pa naman katulad sa kanlurang Europa at hilagang Amerika na marami nang tao ang ayaw maniwala sa Diyos. Halos lahat pa rin ng mga tao sa ating bansa ay naniniwala sa Diyos ngunit naguguluhan marahil at hindi makita Kanyang kahalagahan at kaugnayan (relevance) sa buhay sa gitna ng makabagong panahon na wala nang hindi naiimbento at naso-solusyunan.  Bagama’t sasabihan ng marami naniniwala sila sa Diyos, mas tiwala kadalasan ang mga tao sa panahong ito sa agham at teknolohiya.

Narito tatlong bagay na binibigyang-diin sa panahon ng Kuwaresma na makatutulong sa ating matagpuan muli at maranasan katotohanan, kahalagahan at kaugnayan ng Diyos sa ating buhay sa gitna nitong makabagong panahon.

larawan kuha ni Walid Ahmad sa Pexels.com

Hindi lahat ay nakikita. Sa panahon ng Kuwaresma, pinag-aayuno din kung baga ang ating mga mata upang ituon ating pananaw at pansin sa ating kalooban at sa mga bagay na hindi nakikita, unang una na ang Diyos.

Kaya walang dekorasyon ang mga altar sa panahong ito, walang mga bulaklak at hangga’t maari wala ring mga halaman. “Bare” wika nga sa Inggles ang altar. Pagdating ng Biyernes Dolores bago mag-Linggo ng Palaspas, tinatakpan o binabalutan ng telang lila ang mga imahen at larawan sa simbahan sa gayon ding kadahilanan – upang tingnan natin mga mas malalim na katotohan ng ating buhay.

Sa panahong ito ng social media, lahat na lang ay ibig ipakita at ipangalandakan maski kasamaan, kabastusan, at kasalanan. Bakit nga ba nang magkasala sina Eba at Adan, sila ay nagtago dahil sa kahihiyan samantalang ngayon ipinagmamalaki pa ng ilan kanilang ginawang kasamaan?

Larawan kuha ni shy sol sa Pexels.com

Hindi lahat ng bagay sa buhay na ito ay nakikita at lalo din namang hindi lahat dapat ay ipakita. Wika nga ng Munting Prinsipe o Little Prince ni Antoine de St. Exupery, “What is essential is invisible to the eye; it is only with the heart that one can truly see.”

Lahat na lamang sa mundo ngayon ay palabas, showbiz na showbiz ang dating upang ipagyabang mga kayang kainin at bilhin, puntahan at gawin.  Ngunit, sadya bang nagbibigay ng kaganapan at katuwaan mga iyon?  Hindi ba mas masarap pa ring namnamin mga sandali nating kapiling ang mahal sa buhay? Kung tutuusin nga, kadalasan o palagi, yaong mga bagay na natatago at hindi nakikita ang siyang pinakamakahulugan, pinakamainam sa buhay.

Katulad ng Diyos: “Walang taong nakakita sa Diyos kailanman, ngunit kung tayo’y nag-iibigan, nasa atin siya at nagiging ganap sa atin ang kanyang pag-ibig” (1 Jn. 4:12).

Sa buhay, mas mainam pa rin yung simple at nakukubli, mayroong pa ring misteryo o hiwaga na natatago kaya ang lahat ay nagtataka. At minsan-minsan ay namamangha.

Larawan kuha ni Skyler Ewing sa Pexels.com

Hindi lahat ay minamadali. Kaya tinatawag na Kuwaresma ang panahong ito ng paghahanda sa Panahon ng Pasko ng Pagkabuhay ay dahil sa bilang na kuwarenta o apatnapung araw mula Miyerkules ng Abo haggang Sabado bisperas ng Palaspas (bagama’t di naman eksakto palagi) na kung tutuusin ay limang Linggo bago ang mga Mahal na Araw. Samakatwid, mayroong paghihintay dahil kailangang makabuo muna ng apatnapung araw o limang linggo.

Ito ang isang bagay na nawawala na sa mundo ngayon, ang paghihintay. Lahat mainipin kaya siguro maiinit ang ulo ng lahat na ultimo mga bata ay stressed out. Minamadali ang lahat na hindi malaman ano at sino nga ba ang hinahabol natin. Lahat ay instant – hindi lang kape at noodles pati pagkakaibigan, pag-aasawa at pagkakaroon ng baby!

Dahil sa teknolohiya, pilit na minamanipula ng tao ngayon ang panahon na madalas ay minamadali kaya marami ang hindi na maranasan ang Diyos pati sariling pagkatao at mga kapwa-tao sa pagmamadali. Hindi kataka-taka, nawawala na rin mga mabubuting ugali ng paghihintay, pagtitiyaga, pagtitimpi at pagpipigil.

Ang lahat na pangyayari sa daigdig ay nagaganap sa panahong itinakda ng Diyos. Ang panahon ng pagsilang at panahon ng pagkamatay; Ang panahon ng pagtatanim at panahon ng pagbunot ng tanim… Ano ang mapapala ng tao sa kanyang ginagawa? Alam ko na ang itinakda ng Diyos sa tao. Iniangkop niya ang lahat ng bagay sa kapanahunan. Ang tao’y binigyan niya ng pagnanasang alamin ang bukas ngunit hindi binigyan ng pakaunawa sa ginawa ng Diyos mula sa pasimula hanggang sa wakas.

Ang Mangangaral (Qoheleth) 3:1-2, 9-11

Minsan-minsa’y matutunan nating maghintay, magrelax o mag-chill wika nga ng mga kabataan. Masyado na tayong abala sa mga bagay-bagay kaya hindi natin napapansin, namamalayan ang Diyos na nagmamahal sa atin ay kapiling natin. Ang Diyos kabaligtaran natin: maski buong buhay natin hinihintay niya tayong lumapit sa kanyang muli sakaling magpasya tayong iwanan ating mga kasalanan at maling pamumuhay upang sa kanya maranasan ang kapanatagan at kapaypaan. Tinuturuan tayo ng panahon ng Kuwaresma na tumigil at manatili sandali sa buhay, maghintay sa Diyos at kanyang biyayang nakalaan para sa atin.

Larawan kuha ni Natalie Bond sa Pexels.com

Katahimikan. Sa lahat ng mahahalagang aspekto ng Kuwaresma, ito ang pinakamahalaga sapagkat hindi tayo makapagdarasal, makapagninilay, o magsisi sa ating mga kasalanan ng walang katahimikan. Bahagi ng paghihintay ang pananahimik.

Naalala ko noong bata kami tuwing bakasyon sa halamanan ng aming Lola. Maraming tutubi noon at lahat kaming magpipinsan ang unahan sa paghuli habang nag-aasaran sa kantang “tutubi tutubi huwag magpahuli sa batang mapanghi!”

Wala ka talagang mahuhuling tutubi kapag ika’y malikot at maingay ngunit sa sandaling ikaw ay pumirmi at manahimik, kusa pang lalapit ang mailap na tutubi.

Iyon ang buhay, iyon ang Kuwaresma. Manahimik tayo upang higit nating mapakinggan ating sariling kalooban na madalas hindi natin pinakikinggan dahil bantad na bantad tayo sa iba’t ibang tinig at ingay sa atin nagdidikta ng nararapat. Kaya madalas tayong lito kasi sarili natin di natin pinapansin. Gayon din naman, sa sobrang pakikinig sa mga sabi-sabi, nag-aaway away tayo kasi hindi nating pinakikinggan kapwa natin. Ang pananahimik ay hindi pagiging bingi kungdi pakikinig na mabuti; ang katahimikan ay hindi kawalan kungdi kapunuan na kahit pinakamahinang tinig ay sinisikap nating pakinggan.

Larawan mula Pixabay on Pexels.com

Tanging mga tao na kayang manahimik ang tunay na nagtitiwala sapagkat ang katahimikan ang tahanan at lunan ng pagtitiwala. Kaya ito rin ang tinig at wika ng Diyos. Sa ating pananahimik, tayo ay nagtitiwala, naghihintay maski wala tayong nakikita dahil batid natin kumikilos ang Diyos ng tahimik.

Kapag magulung-magulo ang ating buhay, tumigil tayo at manahimik. Pakinggan at higit sa lahat damhin ang sarili at buong kapaligiran upang maranasan kaganapan at katotohanan ng buhay mula sa Diyos na kadalasan ay tahimik na nangungusap sa atin. Madalas sa buhay natin, ang Diyos iyong pinakamahinang tinig na pilit bumubulong-bulong mula sa ating puso. Sikaping tumigil at manahimik, iyon ang pakinggan at sundin at tiyak, ikaw ay pagpapalain.

Sana ay huwag palampasin pagkakataon ng Kuwaresma upang Diyos ay maranasang muli at masimulan natin ugnayang kanyang matagal nang ibig para sa atin. Salamat po.