Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-22 ng Marso 2025
Larawan ng una kong birthday, sigisty years ago; nakaalalay sa akin si mommy (SLN) habang masayang nagsindi ng kandila ang kanyang Ditse, ang Tita Connie na nasa Amerika at buhay pa kasama ng kanyang mga anak na sina Alexis na ka-birthday ko katabi ng mommy at si RAF katabi ko; si Kuya Edgar pinakamatangkad at matanda sa mga pinsan ay nasa Amerika din. Di ko matiyak sinu-sino mga kasama sa party na mga pinsan ko lahat.
Sigisty years old na ako. Sa isang taon sigisty one Sa susunod sigisty two tapos sigisty three sigisty four sigisty five sigisty six sigisty seven sigisty eight at ewan, kung aabutin ko pa mag(ing) sigisty-nine.
Salamuch sa lahat ng mga nakasama at nakasabay sa paglalakbay sa buhay nitong anim na dekada, sa mga naniwala at ayaw pa ring maniwala; ang lahat ay pagpapala ng Mabuting Bathala na sa atin ay lumikha itinakda tayong maging ganap sa piling Niyang Banal.
Maraming dapat ipagpasalamat sa aking mga biyayang natanggap bagaman kulang na kulang at tiyak kakapusin aking mabubuting gawain kaya sana ako ay inyong patawarin lalo ng Panginoong butihin; wala akong panghihinayang sa aking mga nakaraan na kung aking babalikan ay hindi ko na babaguhin bagkus lahat ay uulitin pa rin!
Hindi man pansin ako ay mahiyain, alinlangan sa aking husay at galing, napipigilan palagi lumarga at magsapalaran sa maraming hamon ng buhay kaya't nitong mga nagdaan akin nang pinag-iisipan magpahingalay tigilan nang pakikibaka manahimik na lang, umiwas sa ingay at gulo ng buhay.
Bukod sa 20-percent discount
ng pagiging senior sixty-cent
pinakamasarap sa pagiging sigisty
ang napakaraming ala-alang masarap
balikan maski na marami ring
masasakit at mapapait na di malilimutan
na sadyang sakbibi nating palagi
dapat pa ring ipagpasalamat
sa maraming aral sa atin nagmulat
masarap pa rin ang mabuhay
kaya't sabik ko nang hinihintay
walang hanggang kinabukasan
maaring malasap
ano man ating edad
kung mamumuhay nang ganap.
2004 sa Parokya ng Santisima Trinidad, Malolos City.
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-27 ng Pebrero 2025
Larawan kuha ni G. Lorenzo Atienza, detalye ng dulong kaliwa na bahagi ng stained glass sa National Shrine ng Fatima, Valenzuela City na nagsasaad ng EDSA People Power, 25 Pebrero 2025.
Hinding hindi mabubura ninuman ang makasaysayang People Power Revolution ng Pebrero 1986. Ito ay kung hindi natin malilimutan at higit sa lahat kung ating lilinangin mga aral ng kauna-unahang mapayapang pag-aaklas sa buong mundo.
Katulad ng kalsadang EDSA na sagisag ngayon ng nabubulok nating bayan, malaki pa rin ang pag-asa na maaayos at mapatatatag ang diwa ng People Power 1986.
Kaya sa diwa nito, tama lamang at ipinag-adya na rin siguro ng Diyos na mayroong pasok ang mga tanggapan at paaralan tuwing Pebrero 25 mula noong isang taon sa ilalim ng Administrasyong BBM.
Bagaman ako ay nalungkot na hindi ito ginawang piyesta upisyal ng Pangulo, higit kong naunawaan kahapon ang magandang pagkakataon ibinigay pa nga ni BBM sa atin para sa EDSA 1986.
Nasobrahan tayo ng mga pagdiriwang noong sariwa pa ang EDSA 1986 hanggang sa naging palasak na lamang ito dahil sa pangingibabaw ng mga kasiyahan at mga kaartehan ng mga sumunod na taon. Sa isang banda, ang sarap ng EDSA Anniversary noong nakaupo pa si Tita Cory – yugyugan magdamag doon sa kanto ng EDSA at Ortigas.
At pagkatapos, lawa na.Logtu ng konti, sokpadoodle na sa otra kinabukasan.
Ano nangyari? Wala.
At ganun na lang ang EDSA Anniversaries nang mga sumunod na taon na mismo tayong mga beterano ay napagod na rin sa kawalan ng saysay ng mga programa at higit sa lahat, ng pagtataksil ng maraming pinuno noon na ipinaglaban, ipinagtanggol natin noon na iyon pala ay katulad lang din ng mga pinatalsik noong 1986.
Larawan kuha ni Pete Reyes kina Sr. Porfiria “Pingping” Ocariza (+) at Sr. Teresita Burias nananalangin upang pigilan mga kawal sasalakay sana noon sa mga rebelde sa Kampo Crame noong People Power 1986.
Pebrero 22 ng gabi ay nasa Aristocrat Restaurant kami sa kanto ng Quezon Ave. at EDSA para sa final deliberation ng mga hurado sa kauna-unahang USTetika Literary Contest ng Varsitarian ng UST.
Proyekto ng co-staffer namin at kaibigan na si G. Vim Nadera ang USTetika na mula sa salitang “aesthetic”. Bantog na guro at makata ngayon si Vim. Tuwang-tuwa ako noon na sinama niya ako hindi lamang para kumain at gumimik pagkatapos kungdi makadaupang-palad mga bigating pangalan sa panitikan tulad ng mga makata na sina Cirilo Bautista, Bienvenido Lumbrera, Alfredo Navarro Salanga na tunay ngang heavyweight, ang propesora naming si Ophelia Dimalanta na pangunahing babaeng-makata sa wikang Ingles at marami pang iba.
Nang malapit nang matapos ang pulong, binulungan kami ni Gng. Jesselyn Dela Cruz na umuwi na raw kami kaagad sabi ni Sir Felix Bautista na aming Publications Director sa Varsitarian at tagapagsalita noon ni Cardinal Sin. Malabo ang mga kuwento maliban sa kumalas na raw noon sina Enrile at Ramos kay Marcos. Yun lang. Baka raw magkagulo.
Siyempre, mga kabataang typical, wala kaming balak sumunod sa utos sa amin hanggang sa magulat kami nang aming baybayin ang Timog at Morato naghahanap ng club na sarado halos lahat habang dagsa mga sasakyan sa mga gasolinahan.
Hindi kami nabagabag kasi full tank ang kotse ng tatay ko noon kaya uminom pa rin kami nina Vim kina Dwight sa Sampaloc at saka umuwi. Kinabukasan pagkagising ko, araw ng Linggo, February 23, di ko malaman kung ako ay lasing sa mga balitang pinag-uusapan at napapakinggan sa radyo. Pagkaraan ng tanghalian, sumama kami ng kapatid ko si Meg na nooy second year college din sa UST sa mga kababaryo namin sakay ng isang trak ng bato papuntang EDSA para sumama sa People Power.
Mula sa wikipedia.org.
Dumating kami ni Meg at mga kasama sa EDSA bandang hapon. Parang sasabog sa tuwa aking dibdib na tila ako ay nanlalamig, naiiyak sa tuwa sa aking nakita: sarado EDSA-Cubao ilalim at puno ng mga tao hanggang sa abot-tanaw!
Ang saya-saya!
Walang bad trip noon! Peace man ang atmosphere. Dala namin ay mga pakwan para sa mga kawal. Doon kami pumuwesto sa gate ng Crame sa Santolan na Boni Serrano ngayon dahil kulang daw ang bantay doon.
Kinagabihan, dumating ang balita na baka raw kami salakayin ng mga tangke mula Malakanyang via Sta. Mesa direcho pa-Santolan. Tinipon kami ng mga law students ng UP at kinausap, binigyan ng numero sa telepono na maari naming tawagan kapag daw nagkadamputan.
Hala! Hinila ko sa tabi ko si Meg. Wag ka kako lalayo sa akin at naisip ko agad Daddy ko sa bahay. Mas takot ako sa kanyang galit kesa sa mga tangke ni Macoy!
Larawan kuha ni G. Boy Cabrido, pagkakamayan ng mga kawal at mga madre at pari sa EDSA noong People Power Revolution ng 1986.
Sa pagkaka-alala ko, walang natakot sa amin. Walang umatras habang pasa pasa kami ng bolpen at papel para nga sa mga numero na tatawagang mga abogado kapag kami nakulong.
Noon ko narinig biglang nagsalita at lumapit sa isang law student kapitbahay namin na suki ng mommy ko sa tindahan, si Mr. Tiongson.
Hindi ko matandaan pangalan niya pero kaibigan siya ng lola ko. Maginoong maginoo. Respetado sa aming barangay. Negosyante na gumagawa ng mga plastic art sa mga jeep na pampasahero noon. Palagi niya ako sinasama at ng mga anak niya sa pagbibisikleta sa mga looban ng Bocaue, Sta. Maria, at Marilao sa Bulacan noon.
Makisig at matipuno si Mr. Tiongson. Six footer siguro. Naka-salamin medyo kalbo ng konti pero balbas sarado. At malaki ang boses. Sabi ng lola ko, dati raw Huk na naging NPA si Mr. Tiongson pero tumiwalag na.
Sa gitna ng dilim ng gabi sa isang kalye sa Santolan, ito ang sinabi ni Mr. Tiongson sa mga taga-UP Law na tumayong mga namumuno sa amin sa kalyeng iyon: “ako na ang lulugar sa unahan. Laban namin ito na hindi na dapat umabot pa sa ganito kung kami ay nanindigan noon.”
Humanga ako sa mama lalo noon. Pero hindi ko naunawaan sinabi niya hanggang kahapon na lamang nang pumasok ako bilang chaplain dito sa Our Lady of Fatima University sa Valenzuela.
Larawan kuha ni G. Lorenzo Atienza, ang Canonically Crowned National Pilgrim Image of Fatima na tinanghal nina Ramos noon sa EDSA 1986 na nasa pangangalaga ngayon ng National Shrine of Fatima sa Valenzuela, 25 Pebrero 2025.
Bago ako magmisa sa aming kapilya kahapon habang nagdarasal, parang kislap ng liwanag na dumatal sa aking kamalayan mga sinabi ni Mr. Tiongson noong 1986 sa Santolan: hindi pa tapos ang laban ng EDSA 1986.
Laban natin ito. Kumupas man ito, bumaligtad at nagtaksil ang ilan, laban nating lahat ito na dapat ipagpatuloy, linangin at palalimin. Higit sa lahat, dalisayin sa panalangin dahil kulang ang EDSA 1986 kung wala sina Jesu-Kristo at kanyang Mahal na Ina, ang Birhen ng Fatima. Mula sa karanasan ni Mr. Tiongson na kapitbahay namin noon, hindi ko papayagan manghinayang ako sa huli na tinalikuran ko ang EDSA 1986 kaya balang araw ay malagay sa peligro mga susunod na saling-lahi.
Kahapon din ang unang guning-taon ng pagkaka-korona sa National Pilgrim Image ng Fatima na siyang imahen na tinanghal nina Ramos noong People Power sa EDSA ng 1986! Narito sa National Shrine of Fatima sa Valenzuela ang naturang imahen mula pa noong ika-17 ng Oktubre 1999, sa loob ng isang munting kapilya na maaring puntahan ng mga deboto at peregrino.
Tama lang mayroong pasok sa upisina at mga paaralan tuwing Pebrero 25 upang higit nating mapagnilayan muli ang diwa ng EDSA 1986, maisalaysay sa mga bata upang ipaunawa sa kanila ang kahalagahan at kahulugan ng tunay na kalayaan na batay sa pagtitiwala sa Diyos.
Hindi mabubura ang EDSA 1986 sa ating kasaysayan kung ipagpapatuloy natin ang kuwento at adhikain nito hanggang sa tayo ay magkaisa muli bilang sambayanan at mga alagad ni Kristo – kasama ni Maria, ang Birhen ng Fatima.
Larawan kuha ni Ka Ruben, bagong stained glass ng National Shrine of Fatima sa Valenzuela, Oktubre 2024; makikita sa dulong bahagi sa kaliwa ilang tagpo sa EDSA 1986.
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-25 ng Pebrero 2025
Larawan mula sa wikipedia.org.
Hindi maikakaila ang mahalagang papel ng Simbahang Katolika sa tagumpay ng People Power 1986 na sinasagisag ng National Shrine of Mary, Queen of Peace mismo sa kanto ng EDSA at Ortigas Avenue kung saan pinigilan ng mga madre, pari, seminarista at layko ang mga sundalong sasalakay sana noon sa mga “rebeldeng” nasa Kampo Crame.
Sa gitna ng maraming pagbabago sa pag-usbong ng maraming matatayog na gusali, nananatiling paalala ang dambanang ito ng katotohanang wala tayong magagawa sa buhay natin kung nakahiwalay tayo sa Diyos sa pamamagitan ni Kristo Hesus kasama ang kanyang Ina na si Maria (Juan 15:5).
Nguni’t ipinahihiwatig din ng simbahang ito ang malaking bugtong sa ating panahon ngayon, kung ano na ang nangyari sa diwa ng EDSA 1986 na tila sa paglipas ng panahon ay unti-unti nang nalilimutan ng marami? Tingnang kung paano sa ngayon ang EDSA ang tanda ng lahat ng magulo at mali sa ating bayan, taliwas sa dating ningning at karangalan nito. Higit sa lahat, kay laking kabalintunaan ng ating kasalukuyan na ang mga pinatalsik ng EDSA noon ay hindi lang basta nakabalik ngayon kungdi sila pang muli ang namumuno, muling nananahan mismo sa palasyo ng Malacanang!
Larawan ni Jaime Cardinal Sin sa Villa San Miguel, 23 Pebrero 1986, kuha ni Alex Bowi/Getty Images.
Anyare? Kung paanong naging mahalaga ang papel ng Simbahang Katolika noon sa tagumpay ng People Power 1986, pagkalipas ng halos apat na dekada ay masasabi ring malaki ang kinalaman ng mga pari at obispo sa pagkupas at pananamlay ng diwa ng EDSA sa ngayon.
At taliwas sa larawan ng EDSA Shrine ang ating makikita sa ngayon ay ang pagkalango ng maraming mga obispo at pari sa kapangyarihan ng pulitika mula noong Pebrero 1986.
Wala nang nakasunod sa yapak ng karunungan at kabutihan ng yumaong Cardinal Sin na masasabi nating hindi namulitika at lalong hindi pulitiko noong 1986. Isang tunay na pastol ng kanyang mga kawan, inihatid ni Cardinal Sin tayo noon sa mayamang pastulan at malinis na batisan ika nga. Kung hindi sa kanyang panawagan sa Radyo Veritas noong gabi ng Pebrero 21, 1986, napulbos na marahil ang Kampo Aguinaldo at Krame, hindi na naging Pangulo si Tabako at umigsi buhay ng alamat na si Enrile.
Maraming pari at obispo iba nakita sa pakikibaka noon ni Cardinal Sin. Nakaligtaan nilang tularan ang buhay-panalangin (prayer life) ni Cardinal Sin na siyang bukal ng kanyang kabanalan o, kung di kayo papayag ay espiritualidad. Sa kabila ng maraming kontrobersiya sa kanyang mga sinasabi noon, isang mababanaagan palagi sa kanya ang malinaw na tanda ng buhay na pananalangin. Mayroon siyang prayer life kaya mayroon din siyang kababaang-loob at malasakit sa maliliit.
Maliban sa ilang natitira pang katulad ni Cardinal Sin, maraming obispo at pari ngayon ang sampay-bakod o amuyong sa mga pulitiko at mayayaman. Marami sa kanila mga TH na social climber nagkukunwaring “social activist” na puro burgis ang kasama pati asta at salita.
Larawan kuha ni Pete Reyes kina Sr. Porfiria “Pingping” Ocariza (+) at Sr. Teresita Burias nananalangin upang pigilan mga kawal sasalakay sana noon sa mga rebelde sa Kampo Crame noong People Power 1986.
Kung noong EDSA ay tanda ng kanilang paglilingkod at kawang-gawa ang kanilang mga sutana na sumasagisag sa kanilang kaisahan sa Panginoong Jesu-Kristo, maraming mga obispo at pari ngayon dinurungisan kanilang habito na naging pasaporte palapit sa mga mayayaman at makapangyarihan.
Nakakalungkot ang maraming obispo at pari na nagsisiksikan sa pagmimisa para sa ilang mayayaman habang napakaraming maliliit na ni hindi mabasbasan kanilang mga yumao, ni hindi madalaw para dasalan mga may sakit. Minsang magkawang-gawa, naka-Facebook naman!
Ang pinakanakakasuka sa lahat na tiyak taliwas sa diwa ng EDSA 1986 ay ang mga obispo at pari na sunud-sunuran sa mga mayayaman at makapangyarihan. Nawala na ang kredibilidad ng mga kaparian na taglay noon ni Cardinal Sin dahil alam na alam ng mga pulitiko at mayayaman ang kahinaan ng mga obispo at pari – kuwarta, kuwalta, salapi at pera. Kitang-kita ito sa mga kasalan at lamayan. Maski sa tolda, magmimisa mga obispo at maraming pari para sa anibersaryo ng gasolinahan, sisindihan mga Christmas lights ng kanilang tindahan, magtutulak ng wheelchair ng milyunaryong lumpo, at iiwanan mga parokya maski Linggo para makimisa sa libing ng yumaong donya o don. Istambayan ay Starbucks, tanghalian sa lahat ng eat-all-you-can at bakasyon sa abroad, first class pa sa eroplano sagot ng mayayaman at pulitiko. Nasaan diwa ng EDSA? Wala! Nilamon at tinabunan ng buhol buhol na trapik ang EDSA!
Noon sa EDSA 1986, humingi ng tulong sa mayayaman para sa mga kawal at mga tao pero ngayon, hindi na nahihiya mga obispo at pari ipasagot sa governor at mayor kanilang mga party at outing. Hindi lang donasyon sa mga pagawain sa parokya hinihingi nila kungdi mga sariling pagawain sa bahay at sasakyan.
Nakakahiya. Nakakapanlumo.
Larawan ni Linglong Ortiz, 23 Pebrero 1986.
Kung paanong ang mga pari at obispo ang naging malaking bahagi ng tagumpay ng EDSA People Power noong Pebrero 1986, sila ngayon ang isang malaking dahilan sa pagkawasak ng diwa nito. Hindi na madama ng mga maliliit kanilang mga pastol na nanginginain sa mga handaan, iniwanan mga maralita sa kanilang kariton.
Nawa makita muli naming mga pari at obispo ang malaking estatwa ni Maria, ang Reyna ng Kapayapaan doon sa bubong ng simbahan sa EDSA at matanto rin paanong nanatili si Maria malapit sa Anak niyang si Jesus at sa mga tulad niyang anawim, mga maliliit. Hindi sa panig ng mga mayayaman at makapangyarihan.
Pansinin na habang tumatagal ang EDSA, tila nawawala na pagkakaisa natin sa Diyos kay Kristo kasama ang kanyang Ina na si Maria na dapat sana ay pangunahan ng mga obispo at pari. Iyon ang diwa ng EDSA noon na hindi ko makita ngayon. Pansin din ba ninyo?
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-24 ng Pebrero 2025
Mula sa Pinterest.
Kay ganda ng serye ng ating mga unang pagbasa sa Banal na Misa ngayong huling linggo bago magsimula ang Kuwaresma sa Miyerkules ng Abo ika-lima ng Marso 2025.
Napapanahon ang mga pagbasang ito mula sa Aklat ng Ecclesiastico ngayong binubura sa kamalayan natin ang mahalagang yugto ng ating kasaysayan, ang EDSA Revolution ng 1986.
Tamang-tama din ang mga naturang pagbasa sa gitna ng mga balita ng mga pagmamalabis ng maraming nasa kapangyarihan di lamang sa pamahalaan at lipunan kungdi pati na rin ng mga pari at obispo natin sa simbahan. Kung sa bagay, matagal nang usapin mga iyan sa simbahan na palaging hinahayaan nating mga Pilipino dahil na rin sa kawalan natin ng kamalayan sa pagkakaiba-iba ng marunong sa matalino at ng mabuti sa mabait na siyang paksang ibig kong talakayin ngayong bisperas ng EDSA People Power Revolution.
Tingnan muna natin ang karunungan at katalinuhan.
Larawan kuha ni Lauren DeCicca/Getty Images sa Laoag City, 08 Mayo 2022.
Ang karunungan (wisdom) ay tanda ng kabanalan dahil ito ay pagtulad sa Diyos na siyang Karunungan mismo. Ang maging marunong (to be wise) ay hindi lamang malaman ang maraming bagay-bagay sa mundo at buhay kungdi makita at mabatid pagkakaugnay-ugnay ng mga ito. Pag-ibig at pagmamahal ang hantungan palagi ng karunungan at kabutihan.
Ang maging marunong ay magkaroon ng mahusay at matalas na isipan na pinanday ng puso at kaloobang nakahilig sa Banal na Kalooban ng Diyos. Dinadalisay ng buhay pananalangin, nakikita ng karunungan ang kabuuan ng lahat ng mga bagay-bagay sa liwanag ni Kristo. Buo at ganap ang karunungan dahil mula ito sa Diyos, nagtitiwala sa Diyos at nakabatay sa Diyos ang lahat ng pagsusuri, pagtitimbang at pagpapasya sa lahat ng bagay.
Mula sa Panginoon ang lahat ng karunungan at iyon ay taglay niya magpakailanman. Sino ang makabibilang ng butil ng buhangin sa dagat, o ng patak ng ulan, o ng mga araw sa panahong walang pasimula at katapusan? Sino ang makasusukat sa taas ng langit o lawak ng lupa? Sino ang makaaarok sa kalaliman ng dagat at sino ang makasasaliksik sa Karunungan? (Sirac 1:1-3).
Sa kabilang dako naman, ang matalino ay pagkakaroon ng matalas na isipan. Magandang katangian ito ngunit hindi ito pinaka-mahalaga dahil sa ating sariling karananasan at kasaysayan, kay daming matatalinong Pilipino pero bakit ganito pa rin ang bayan natin?
Sa pamahalaan maging sa Simbahan, palaging ipinangangalandakan katalinuhan ng mga upisyal at nanunungkulan. Kaya nga sa sikat na sitcom na Bubble Gang, mayroong karakter doon na kung tawagi’y Tata Lino na puro katatawanan ang mapapakinggan.
At sa sawimpalad nating mga Pilipino, mas pinapaboran natin, mas hinahangaan palagi mga matatalino kesa marurunong. Bilib na bilib tayo sa mga tao na maraming tinapos na degree sa mga pamantasan dito sa bansa at ibayong dagat. Isa iyan sa malaking problema sa Simbahan: maraming pari at obispo ang matatalino ngunit walang puso ni Kristo, puso ng Mabuting Pastol. Sa dami ng matatalinong Pilipino, bakit ganito pa rin ang ating bayan maging Simbahan?
Bulok. Kung hindi man ay nabubulok.
Dangan kasi, mga matatalino matalas lang ang isipan ngunit walang puso o pitak man lamang doon para sa kapwa at sa Diyos kaya madalas, ginagamit kanilang katalinuhan sa kabuktutan at sariling mga interes at pangangailangan.
Kay ganda ng talinghagang gamit natin diyan – lumaki ang ulo. Yumabang at naging palalo sa sobrang katalinuhan, walang ibang pinakikinggan kungdi sarili lamang. Naku, lalo na iyan sa mga pari at obispo ng Simbahan!
Ang katawa-tawa sa malalaking ulo iyan ng maraming namumuno saan man, sa hindi maipaliwanag na kadahilanan, maraming matatalino puno ng kabag sa tiyan at hindi kataka-taka, walang ibang nagagawa sila kungdi umutot ng umutot. Kaya mabaho at mabantot sa maraming anomalya at kalabisan itong ating bayan maging Simbahan! Hindi ba?
Larawan ni Roger Buendia/Presidential Museum and Library via esquiremag.ph.
Noon pa man, sinasabi ko nang palagi magkaiba ang kabaitan at kabutihan. Madalas ang taong mabait nating tinuturing ay pleaser sa Inggles. Utu-uto, lahat puwede, lahat pinapayagan para walang kaguluhan pero ang katotohanan, lalo lamang gumugulo mga sitwasyon kapag kabaitan ang pinairal.
Alam na alam ito ng maraming mag-aaral na gusto nila mabait na guro na lahat ay puwede. Ganun din mga tao sa pari at obispong mabait. Lahat puwede para walang gulo. Akala nila…
Pero, mayroon bang natututunan sa mga maestra o maestro na mabait? Wala. Aminin natin mas marami tayong natutunan sa mga guro pati magulang at boss at pari na istrikto o mahigpit.
Ganoon ang mabuting tao (good person) – maliwanag sa kanya ang tama at mali. Hindi puwedeng payagan o pagbigyan ang mali. Mayroong diwa ng pananagutan palagi ang mga mabubuting tao na kadalasan ay istrikto rin naman. Sa mabuting tao, basta tama at kabutihan, hindi pagtatalunan o pag-aawayan samantalang mga mababait, lahat pinapayagan.
Ang mabuting tao, hindi niya iniisip ang sarili niyang kapakanan at kaluguran bagkus kabutihan ng karamahan at ng iba pang tao kesa kanyang sarili. Yung mababait, sarili lang nila iniisip. Kaya pinapayagan ang lahat ay upang magkaroon ng mga kaibigan at mga mangungutangan ng loob sa kanila. Popularity-oriented kadalasan mga matatalino at mababait.
Kaya naman, mapapansin natin na magkasama palagi ang karunungan at kabutihan at ang katalinuhan at kabaitan. Ang marunong ay tiyak na mabuti sapagkat higit sa kaalaman ang kanyang nilalayon ay kabutihan at kapakanan ng karamihan. Iyong mabait madalas ay matalino kasi sa Inggles makikita natin ito ay tumutukoy sa sanity o pagiging matinong pag-iisip o sane. Kapag sinabing “nasiraan ng bait”, ibig sabihin, nasira na ang ulo o nabaliw katulad ng maraming mga henyo na sa sobrang talino na walang iniisip kungdi sarili lamang.
Larawan mula sa en.wikipedia.org.
Noon sa EDSA, nadama ko at naranasan karunungan at kabutihan nina Cardinal Sin, Pangulong Aquino, Hen. Ramos at ng maraming mga tao na dumagsa doon hindi upang makipag-away at makipagtalo kungdi makipagkasundo at umunawa. Napaka saklap kay bilis nabaligtad ang lahat. Napalitan ng mga baliw mga marurunong at ng mga sakim ang mga mabubuti.
Sana sa mga panahong ito na ating ginugunita ang makasaysayang EDSA People Power ng 1986, muling pag-isipan at pagnilayan nating mabuti ang ating pinahahalagahan at pinaninindigan. Para sa Diyos, para sa Inang Bayan.
*Tunghayan mga dati nating nalathala sa paksang pagkakaiba ng kabutihan at kabaitan.
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-14 ng Pebrero 2025
Larawan kuha ng may-akda, Tagaytay, 17 Enero 2025.
Pansamantalang titigil sa mga kinikilig pag-inog nitong daigdig sa araw na ito ng mga pusong umiibig; tiyak bibigay din ano mang hinhin at yumi ng sinomang dilag kapag nakatanggap ng bulaklak kanino man magbuhat.
Ngunit ang masaklap tuwing katorse ng Pebrero ang maraming pag-ibig katulad na lamang ng petsang dumaraan, wala nang katapatan at kadalisayan mga magkasintahan pag-ibig dinurumihan isa't isa'y sinasaktan at dinudungisan.
Pagmasdan ating kapanahunan pilit binibigyang katuwiran kasalanan at kasamaan matutunghayan saanman mga larawan ng kataksilan wala nang kahihiyan ipinangangalandakan mga kapalaluan sa gitna ng kapangahasang magmaang-maangan na wala silang kalaswaan.
Alalahanin
at balikan tagpo sa
halamanan
nang magkasala
una nating mga magulang
sila'y nagulantang
sa kanilang kahubaran
nabuksan murang malay
at kaisipan
nang kainin bawal na bunga
ng puno ng kaalaman
ng mabuti at masama;
mabuti pa sila noon
nahiya at nagtago
habang ngayon
namamayagpag
sa yabang at kapalaluan
ang karamihan
kanya-kanyang rason
maraming palusot
puro baluktot
at paninindigan
2day
2morrow
4ever
nakalimutang
pag-ibig
ay panig
sa katotohanan
hindi kasinungalingan;
ang tunay na pag-ibig
hatid ay kaayusan
hindi kaguluhan,
kapayapaan at kapanatagan
hindi takot
at kahihiyan
ang diwa
nitong Valentine's.
Lawiswis Ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-12 ng Nobyembre 2024
Larawan kuha ng may-akda, 07 Nobyembre 2024.
Dumating kasagsagan ng iyong init, sagad sa aking anit ngUnit alinsangan ay mapagtitiyagaan Mahirap tanggihan masuyo mong alindog Aking nadama saan man ako pumunta Gumala man ako sa gabi o Umaga, kapanatagan at kapayapaan parang tahanan Ewan kung anong hiwaga iyong angkin wala sa ibang puntahin nakaanTig nitong damdamin kaya aking pangako ikaw ay babalikan Eenganyahin kapatid at kaibigan maranasan iyong kagandahan.
Kuhay ng may-akda, takip-silim mula sa Rovira Suites, 10 Nobyembre 2024
DUMAGUETE hindi man kita agad na gets, ako ang iyong nadaget kaya ako ay babalik that's a promise I shall not forget!
Larawan kuha ng may-akda sa Boulevard, 10 Nobyembre 2024.
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-7 ng Nobyembre 2024
First time ko sa Dumaguete City.
Kabilin-bilinan ng mommy ko noong bata pa ako na basta first time ko saan mang lugar, una kong pupuntahan ang simbahan.
Kaya kanina pagdatng dito sa Dumaguete, una kong hinanap ang simbahan kahit ako ay nagugutom na. Nakakatuwa may kasabay din kaming mga panauhin at iyon din ang pakay nila bagamat inuna ang sikmura bago bumaba ang sugar.
Pagdating doon sa Katedral ni Santa Catherine ng Alexandria, ito ang eksenang bumungad sa akin.
Noong bata pa ako, magkahalong takot at pagkamangha aking nadarama tuwing isasama ako ng aking lola sa Quiapo at makakita ng maraming ganito magdasal – lumalakad ng paluhod.
Sa paglipas ng panahon, unti-unti nang nawala mga eksenang ito hanggang sa makakita ako muli kanina sa katedral ng Dumaguete.
Kay sarap pagmasdan at pagnilayan yaong mama na lumakad paluhod sa kanyang pagrorosaryo.
Sa panahong ito ng social media na lahat gusto siya ang bida, nawala na itong pagluhod na tanda ng pagpapakababa sa Diyos na higit na dakila sa lahat.
Ni hindi na rin nga alam ng karamihan ang pag-genuflect o pagluhod ng isang tuhod o “one-hod” kung aking tawagin bago pumasok ng upuan ng simbahan o “pew” tanda ng pag galang at pagkilala sa kasagraduhan ng lunan.
Ilang taon na nakakalipas pinuna ni Obispo Soc Villegas ang nawawalang gawi ng pagluhod ng mga tao; sa halip aniya, tayo ay nagiging “clap generation” – dinaraan ang lahat sa palakpakan. Sabi nga sa akin kamakailan ng isang kaibigan hindi raw niya maintindihan mga pari na magsasabi lang ng amen ay magpapalakpakan nang walang humpay mga tao. “I cannot”, eka niya.
Nanalangin ako ng ilang sandali sa katedral ng Dumaguete ng nakaluhod bago tumayo upang magtanghalian. Para na kasi akong nanghihina…
Hindi ba isang kabalintunaan kung pagninilayan, ang pagluhod ay tanda rin ng lakas ng katawan at tatag ng kalooban? Bakit nga ba tayo ngayon, sa dami ng mga gamot at pagkain, tila mahina pa rin, hindi na makaluhod para manalangin? Gaya nung mama na aking nakita, tila napakalakas pa rin niya at kayang-kaya pa ring lumakad paluhod.
O, iyon ding pagluhod niya ng madalas ang sa kanya nagpalakas?
Kasabay ko siya natapos sa pagdarasal. Hindi ko na siya kinunan ng larawan taglay kanyang aral ng kababaang-loob sa Diyos. At sa kapwa. Oras nang lumuhod. Amen.
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-01 ng Nobyembre 2024
Larawan kuha ng may-akda, Sacred Heart Novitiate, Novaliches, QC, 20 Marso 2024.
Salamuch sa mainit na pagtanggap sa ating nakaraang lathalaing nagpapaliwanag sa ilang mga pamahiin sa paglalamay sa patay.
Sa ating pagsisikap na tuntunin pinagmulan ng mga pamahiin sa paglalamay, nakita rin natin ang kapangyarihan ng mga kaisipan ng tao na mahubog ang kamalayan at kaugalian ng karamihan sa pamamagitan ng mga ito.
Ang nakakatuwa po, mayroon namang praktikal na dahilan sa likod ng maraming pamahiin katulad po ng maraming nagtatanong, bakit daw masamang magwalis kapag mayroong patay?
Larawan kuha ni Fr. Pop dela Cruz, San Miguel, Bulacan, 2022.
Sa mga katulad kong promdi o laki sa probinsiya inabutan ko pa mga kapitbahay naming nakatira sa kubo at mga sinaunang tirahan na mayroong bubong na pawid at silong sa ilalim. Tablang kahoy ang mga sahig kung mayroong kaya at masinsing kinayas na mga kawayan kung hindi naman nakakaangat sa buhay. Ang silong palagi ay lupa din, mataas lang ng kaunti sa kalsada. Bihira naka-tiles noon. Kaya, masama ring ipanhik ng bahay ang tsinelas o bakya o sapatos kasi marumi mga ito.
Masama o bawal magwalis kapag mayroong lamay sa patay kasi nakakahiya sa mga panauhin na nakikiramay – mag-aalikabok sa buong paligid! Liliparin mga lupa at buhangin kasama na mga mikrobyo.
Marumi, sa madaling salita. Kaya ang utos ng matatanda, pulutin mga kalat gaya ng balat ng kendi o butong-pakwan. Noong mamatay Daddy ko, hindi ko matandaan kung tinupad namin pamahiing ito pero hindi ko malimutan paano nilinis ng mga kapit-bahay aming bahay nang ihatid na namin sa huling hantungan aking ama. Bagaman bawal magwalis noong lamay, asahan mo naman puspusang paglilinis ng mga kapit-bahay at kaanak pagkalibing ng inyong patay.
Kapag ako po ay tinatanong kung “naniniwala” sa pamahiin, “hindi” po ang aking sagot kasi iisa lang aking pinaniniwalaan, ang Diyos nating mapagmahal. Tandaan turo ni San Pablo noon sa marami niyang mga sulat, hindi mga ritual at kaugalian nagliligtas sa atin kungdi tanging si Kristo Jesus lamang.
Bakit lamay o "wake" ang pagbabantay sa patay?
Nakakatawa at marahil mahirap paniwalaan sagot sa tanong na iyan. Ang paglalamay ay hindi pagtulog sa gabi dahil sa mga gawain at gampanin kinakailangang tuparin. Wake ang Inggles nito na ibig sabihin ay “gising” tulad ng awake.
Naglalamay ang mga tao noong unang panahon lalo na sa Europa kapag mayroong namamatay upang matiyak na talagang namatay na nga kanilang pinaglalamayan. Inihihiga ang hinihinalang namatay sa mesa habang mga naglalamay ay nagkakainan at nag-iinuman upang hindi antukin; higit sa lahat, baka sakaling magising at matauhan hinihinalang patay sa kanilang ingay.
Alalahaning wala pang mga duktor noon na maaring magdeklarang pumanaw na ngang tunay ang isang tao; kaya, hindi malayo na may pagkakataong ang mga inaakalang namatay ay nag-comatose lamang. Kapag hindi pa rin nagising sa ingay ng kainan at inuman ng mga naglamay ang patay pagsapit ng bukang-liwayway, ipinapalagay nila noon na tunay na ngang patay iyon at saka pa lamang pag-uusapan ang libing.
Nang maglaon sa paglaganap ng Kristiyanidad, ang lamay na dati ay kainan at inuman, naging panahon ng pagdarasal ngunit hindi rin nawala mga kainan at inuman sa mga lamayan upang huwag antukin. At higit sa lahat, para maraming makiramay na ibig sabihin, mabuting tao namatay.
Mga salita at kaalaman natutunan dahil sa mga patay...
Heto ngayon ang magandang kuwento mula sa kasaysayan kung paanong napagyaman ng mga tradisyon sa paglalamay ng namatay ang ating mga wika maging kaisipan. Kitang-kita ito sa kulturang banyaga tulad ng mga Inggles.
Nagtataka maraming archaeologists sa ilang mga takip ng kabaong sa Inglatera ay mayroong kalmot ng kuko ng daliri. At maraming bahid ng dugo.
Napag-alaman sa pagsasaliksik na may mga pagkakataong nalilibing mga yumao noon na hindi pa naman talagang patay! Kaya, kapag sila ay nagkamalay o natauhan habang nakalibing, pinagtutulak nila ang takip ng kabaong hanggang sa pagkakalmutin upang makalabas hanggang sa tuluyang mamatay na nga sa libingan.
Kaya naisipan ng mga tao noon na magtalaga ng bantay sa sementeryo lalo na mula alas-diyes ng gabi hanggang pagsikat ng araw na siyang pinagmulan ng katagang graveyard shift – literal na pagtatanod sa sementeryo o “graveyard” upang abangan sakaling mabuhay ang nalibing.
Larawan kuha ng may-akda, libingan ng mga pari at hermanong Heswita sa Sacred Heart Novitiate, Novaliches, QC, ika-20 ng Marso 2024.
Ganito po ang siste: tinatalian ng pisi ang daliri o kamay ng bawat namamatay kapag inilibing. Nakadugtong ang taling ito sa isang kililing o bell sa tabi ng bantay ng sementeryo, yung nasa graveyard shift.
Nakaangat ng kaunti ang takip ng kanyang kabaong at hindi lubusang tinatabunan kanyang libingan upang sakaling magkamalay, tiyak magpipiglas ito sa loob ng kabaong para makalabas… tutunog ang kililing sa gitna ng dilim ng gabi para magising o matawag pansin ng bantay na agad sasaklolo upang hanguin ang buhay na nalibing.
Isipin ninyo eksena sa sementeryo sa kalagitnaan ng dilim ng gabi… at biglang mayroong kikililing? Sinong hindi matatakot sa taong nalibing na biglang nabuhay? Doon nagmula ang salitang dead ringer na ibig sabihin ay isang taong nakakatakot o kakila-kilabot. Ikaw ba namang magtrabao ng graveyard shift sa sementeryo at kalagitnaan ng gabi ay tumunog kililing… marahil magkakaroon ka rin ng tililing sa takot!
Kaugnay din nito, alam ba ninyo na mayroong nakatutuwang kuwento rin ang paglalagay ng lapida sa libingan ng ating mga yumao?
Balikan ang Bagong Tipan ng Banal na Kasulatan na nagsasaad ng isa sa mga pangunahin nating pinananampalatayanan: ang muling pagbabalik ni Jesus o Second Coming of Christ na tinuturing end of the world.
Takot na takot mga unang Kristiyano sa paniniwalang ito na baka wala pa ang Panginoon ay magsibangon kaagad mga naunang namatay sa kanila!
Ang kanilang solusyon, lagyan ng mabigat na batong panakip ang mga libingan tulad ng lapidang marmol upang hindi agad bumangon ang patay bago ang Second Coming of Christ o Parousia.
Isa iyan sa mga dahilan kung bakit sinesemento rin mga puntod at libingan: upang huwag unahan pagbabalik ni Jesus.
Larawan kuha ng may-akda, libingan ng mga pari at hermanong Heswita sa Sacred Heart Novitiate, Novaliches, QC, ika-20 ng Marso 2024.
Kahalagahan ng pagsisimba... hanggang kamatayan... bago ilibing.
Mula sa tahanan, dumako naman tayo ngayon sa loob ng simbahan para sa pagmimisa sa mga yumao. Pagmasdan po ninyong mabuti posisyon ng mga kabaong ng mga patay kapag minimisahan.
Kapag po layko ang namatay katulad ng karamihan sa inyo na hindi pari o relihiyoso… pagmasdan ang kanilang paa ay nakaturo sa dambana o altar habang ang ulunan ay nakaturo sa mga tao o nagsisimba.
Kuha ng may-akda, 2018.
Ito ay dahil sa huling sandali ng pagpasok ng sino mang binyagan sa simbahan, siya pa rin ay nagsisimba. Pansinin na nakaturo kayang mga paa sa altar at ulo naman sa pintuan dahil kapag siya ay ibinangon, nakaharap pa rin siya sa altar, nagsisimba, nagdarasal.
Kapag pari naman ang namatay, katulad ko (punta po kayo), ang aming mga paa ay nakaturo sa pintuan ng simbahan at ulo naroon sa direksiyon ng dambana.
Hanggang sa huling pagpasok naming pari sa simbahan bago ilibing, kami ay nagmimisa pa rin ang anyo: nakaharap sa mga tao kung ibabangon mula sa pagkaposisyon ng aming ulo nakaturo sa altar at mga paa sa pintuan.
Larawan kuha ng may akda ng pinakamahal at isa sa matandang sementeryo sa mundo; mga paa ay nakaposisyon sa silangang pintuan ng Jerusalem upang makaharap kaagad ang Mesiyas na inaasahang magdaraan doon kapag dumating. Ang totoo, doon nga dumaaan si Jesus pagpasok ng Jerusalem mahigit 2000 taon na nakalipas.
Salamuch muli sa inyong pagsubaybay sa ating pagninilay at pagpapaliwanag ng ilang mga pamahiin at paniniwala kaugnay ng mga namatay. Ang mahalaga sa lahat ng ito ay patuloy tayong mamuhay sa kabanalan at kabutihan na naka-ugat palagi sa Diyos sa buhay panalangin (prayer life) na ang rurok ay ang Banal na Misa.
Huwag na nating hintayin pa kung kailan patay na tayo ay siyang huling pasok din natin sa simbahan na hindi makasalita ni makarinig o makakita. Tandaan, ang pagsisimba tuwing Linggo ay dress rehearsal natin ng pagpasok sa langit!
Kaya ngayong todos los santos, unahing puntahan ang simbahan upang magsimba. Tiyak makakatagpo natin doon ang ating yumao sa piling ng Diyos, kesa sa sementeryo napuro patay at mga kalansay. Amen.
Larawan kuha ng may-akda, bukang-liwayway sa Camp John Hay, Baguio City, Nobyembre 2018.
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-31 ng Oktubre 2024
Larawan kuha ni G. Jim Marpa, 2018.
“Say it with flowers” ang marahil isa na sa mga pinakamabisa at totoong pagpapahayag ng saloobin sa lahat ng pagkakataon. Wala ka na talagang sasabihin pa kapag ikaw ay nagbigay ng bulaklak kanino man. Ano man ang okasyon. Buhay man. O patay na.
Mababango at makukulay na bulaklak. Mas maganda at mas mahal, pinakamabuti lalo’t higit kung ibibigay sa sinisinta upang mabatid nilalaman ng dibdib ng isang mangingibig.
Larawan kuha ng may-akda sa Benguet, 12 Hulyo 2023.
Sa buong daigdig, nag-iisang wika at salita ang mga bulaklak na ginagamit upang ihatid ang tuwa at kagalakan sa sino man nagdiriwang ng buhay at tagumpay, maging ng kagalingan at lakas sa may tinitiis na sakit at hilahil. Sari-saring kulay, hugis at anyo, iisa ang pinangungusap ng bulaklak sa lahat ng pagkakataon, buhay at kagalakan at kaisahan ng magkakaibigan at magkasintahan, mag-asawa at mag-anak, magkaano-ano man.
Marahil kasunod nating mga tao, ang mga bulaklak na ang pinakamagagandang nilikha ng Diyos upang ipadama at ilarawan sa atin Kanya at maging atin ding katapatan at kadalisayan ng loobin at hangarin. Alalahanin paalala ni Jesus sa atin, “Isipin ninyo kung paano sumisibol ang mga bulaklak sa parang…maging si Solomon ay hindi nakapagsuot ng kasingganda ng isa sa mga bulaklak na ito, bagamat napakariringal ang mga damit niya” (Mt. 6:28, 29).
Larawan kuha ng may-akda sa Benguet, 12 Hulyo 2023.
Kapag ako ay nagkakasal, palagi kong ipinaaalala sa magsing-ibig ang kahulugan ng maraming gayak na bulaklak sa dambana ng simbahan na nagpapahiwatig ng larawan ng Paraiso.
Alalaong baga, bawat Sakramento ng Kasal ay “marriage made in heaven” – malayang ginawa at pinagtibay ng magsing-ibig sa harap ng Diyos at ng Kanyang Bayan sa loob ng simbahan. Kaya wika ko sa kanila, ipagpatuloy ang pagbibigay ng bulaklak sa maybahay kahit hindi anibersaryo, lalo na kapag mayroon silang “lover’s quarrel” bilang tanda ng “ceasefire”.
Kaya naman maski sa kamatayan, mayroon pa ring mga bulaklak na ibinibigay tanda hindi lamang ng pagmamahal kungdi ng pag-asa na harinawa, makapiling na ng yumao ang Diyos at Kanyang mga Banal sa langit. Gayon din naman, dapat katakutan ng sino mang buhay pa ang padalhan ng korona ng patay o bulaklak sa patay dahil babala ito ng masamang balak laban sa kanyang buhay.
Lamay ni Mommy noong Mayo 7, 2024; paborito niya ang kulay pink at bulaklak na carnation.
Dagdag kaalaman ukol sa mga bulaklak sa patay: isang dahilan kaya pinupuno ng maraming mababangong bulaklak ang pinaglalamayan ng patay ay upang matakpan masamang amoy ng yumao dahil noong unang panahon, wala pa namang maayos na sistema ng pag-eembalsamo maging ng mga gamot para ma-preserve ang labi ng yumao. Kapansin-pansin ngayon lalo sa social media kapag mayroong namamatay, ipinapahayag ng mga naulila na huwag nang magbigay o mag-alay ng mga bulaklak bagkus ay ibigay na lamang sa favorite charity ng yumao. Kundangan kasi ay malaking halaga ng pera ang magagarang bulaklak sa patay; kesa ipambili yamang malalanta rin naman, minamabuti ng mga naulila ng yumao na mag-donate na lamang sa favorite charity ng pumanaw nilang mahal sa buhay.
Marahil ay hindi ito matatanggap hindi lamang ng mga Pilipino kungdi ng karamihan ng tao sa buong mundo; higit pa ring napapahayag ang pakikiramay at pagmamahal sa namatay at mga naulila sa pamamagitan ng bulaklak dahil malalim na katotohanang taglay ng mga ito.
Larawan kuha ng may-akda, 2018.
Tuwing Sabado Santo noong nasa parokya pa ako, gustung-gusto ko palagi sa aming umagang panalangin (lauds) na ipinahahayag iyong tagpo ng paglilibing kay Hesus.
Sa pinagpakuan kay Jesus ay may isang halamanan, at dito’y may isang bagong libingang hindi pa napaglilibingan. Yamang noo’y araw ng Paghahanda ng mga Judio, at dahil sa malapit naman ang libingang ito, doon nila inilibing si Jesus (Juan 19:41-42).
Inilibing si Jesus sa may halamanan, garden sa Inggles. Nagpapahiwatig muli ng Paraiso, hindi ba.
Kay sarap namnamin ng tagpo ng Pasko ng Pagkabuhay ni Jesus doon sa “halamanan” na muli ay paalala sa atin ng “return to Paradise”, “return to Eden” ika nga. Kaya nang lapitan ni Jesus si Magdalena nang umiiyak dahil wala ang Panginoon sa libingan, napagkamalan niya si Jesus bilang hardinero.
Larawan kuha ng may-akda, halamanan sa St. Agnes Catholic Church, Jerusalem, Mayo 2017.
Noong Martes, sinabi ni Jesus sa ebanghelyo na ang paghahari ng Diyos ay “Katulad ng isang butil ng mustasa na itinamin ng isang tao sa kanyang halaman” (Lk.13:19).
Bawat isa sa atin ay halamanan ng Diyos, a garden of God. A paradise in ourselves.
Maraming pagkakataon pinababayaan natin ating mga sarili tulad ng halamanang hindi dinidilig ni nililinang. Kung minsan naman, hindi nating maintindihan sa kabila ng ating pangangalaga, tila walang nangyayari sa ating sarili, tulad ng halamanang walang tumubo o lumago, mamunga o mamulaklak sa kabila ng pagaasikaso?
Nguni’t maraming pagkakataon din naman na namumulaklak, nagbubunga tayo tulad ng halamanan dahil ang tunay na lumilinang sa atin ay ang Panginoong Diyos na mapagmahal!
Ilang araw pagkaraan ng Pasko nang kami’y magtanghalian ng barkada, 2023.
Noong Disyembre 2022, umuwi isa naming dating teacher at kaming magkakaibigan ay nagsama-sama para sa isa pang dati naming kasama sa ICSM-Malolos, si Teacher Ceh.
Umuwi siya mula Bahrain noong 2020 dahil sa cancer at sumailalim siya ng chemotherapy.
Dahil Pasko, niregaluhan ko siya ng orchid.
Enero 2023 namasyal kami sa Tagaytay at napakasaya namin noon. Gustung-gusto niyang pinupuntahan ang Caleruega tuwing umuuwi siya mula Bahrain kung saan siya nagturo matapos mag-resign sa aming diocesan school.
Ang akala namin ay papagaling na si Teacher Ceh at dadalas na aming pagkikitang magkakaibigan mula noong simula ng 2023. Pagkatapos ng huli niyang chemotherapy noong Setyembre, nabatid na mababagsik kanyang cancer cells at hindi nagtagal, pumanaw si Teacher Ceh noong ika-16 ng Oktubre 2023.
Larawan kuha ng may-akda, 16 Oktubre 2024.
Isang araw bago sumapit kanyang babang-luksa, ibinalita sa amin ng kanyang Ate na umuwi mula Amerika na buhay at namumulaklak ang bigay kong orchid kay Teacher Ceh. Dinala niya ito nang magmisa ako sa kanyang puntod kinabukasan para sa kanyang ibis luksa.
Laking tuwa namin sa gitna ng nakakikilabot na pagkamangha nang makita naming magkakaibigan ang regalo kong orchids kay Teacher Ceh.
Isa’t kalahating taon pagkaraan naming huling magsama-samang magkakaibigan, isang taon makalipas ng kanyang pagpanaw, buhay at namulaklak pa rin ang orchid kong bigay sa kanya na tila nangungusap na masayang-masaya, buhay na buhay si Teacher Ceh doon sa langit!
Sa aking silid; bigay lamang po iyang halaman na iyan at di ko alam pangalan.
Ako man ay nagtataka. Kung kailan wala na aking Mommy, saka ako nakakabuhay ng mga halaman. Green thumb kasi si Mommy.
Kahit maliit lamang aming lupain, sagana siya sa pananim mula sa mga rosas at orchids, cactus at mga mayana, mga sari-saring halaman sa paso maging papaya, atis, langka, pati kamote at sili sa gilid ng bahay namin ay mayroon siya.
Ito yung flower vase ng mga napatay kong waterplant sa dati kong assignment; ayaw ko sanang dalhin sa paglipat dito sa Valenzuela pero awa ng Diyos, buhay pa halaman mula 2021.
Nakakatawa, ako hindi makabuhay ng halaman. Muntik pa akong bumagsak ng first year high school sa gardening kasi hindi ako makabuhay ng ano mang panananim maliban sa kamote. Sabi ni Mommy sa akin noon, kapag iyong kamote hindi ko pa nabuhay, ako ang talagang kamote!
Nang magkaroon ako ng sariling parokya noong 2011, nakakadalaw pa siya at simba sa amin noon tuwing Linggo. Ipinagyabang ko sa kanya mga alaga kong water plants sa kuwarto ngunit pagkaraan ng ilang buwan, namatay mga iyon. Sabi niya ulit sa akin, “ano ka ba naman anak, water plant na lang napapatay mo pa? Masyadong mainit iyong mga kamay,” aniya.
Hoya daw ito na nakuha ko noong aking personal retreat sa Sacred Heart Novaliches noong 2022; buhay pa rin hanggang ngayon sa aking banyo.
Isang bagay nakalimutan kong sabihin kay Mommy bago siya mamatay ay nakakabuhay na ako ng water plant sa kuwarto ko sa bago kong assignment sa Fatima Valenzuela.
Ako ay nagugulat sa sarili ko ngunit ngayon ko lamang napagnilayan nang makita ko ang orchids na regalo ko kay Teacher Ceh: apat na taon nang buhay aking mga water plant sa kwarto mula nang malipat ako dito noong 2021.
Hindi ko rin alam pangalan ng halamang ito na bigay sa akin pero nakapagpatubo na ako ng isa pa niyang sanga nasa aking office sa University; yung orchids bigay sa akin noong Abril, wala nang bulaklak pero buhayn pa rin. Himala!
Parang sinasabi sa akin ng mga alagang kong water plant na marahil, buhay na buhay at tuwang tuwa na rin si Mommy at nakabuhay ako ng halaman.
Kasi sabi niya kasi sa aking noong maliit pa ako, dapat daw marunong akong mag-alaga ng halaman at hayop dahil tanda raw iyon na makakabuhay na rin ako ng tao.
Siguro nga. Kaya ko nang mabuhay maski wala na siya, paalala marahil nitong aking mga halaman. Flowers for you, kaibigan.
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-30 ng Oktubre 2024
Larawan kuha ng may-akda, St. Scholastica Retreat House, Tagaytay City, Agosto 2024.
Heto na naman ang panahon ng maraming pagtatanong at pagpapaliwanag sa ating mga pamahiin ukol sa paglalamay sa mga patay. Matagal ko nang binalak isulat mga ito nang mamatay aking ama noong taong 2000.
Biglaan ang kanyang pagpanaw noon. Katunayan, madaling araw ng kaarawan ni Mommy, ika-17 ng Hunyo 2000. Dalawang taon pa lamang akong pari. Nasunod ang aming mga kamag-anak na sa aming tahanan paglamayan si Daddy. At noon pinuna ng ilang matatanda ang aking kawalan ng kaalaman sa maraming pamahiin at kaugalian tuwing mayroong paglalamay sa patay.
Larawan kuha ng may-akda, St. Scholastica Retreat House, Tagaytay City, Agosto 2024.
Napuna noon ng nanay ng isang kaibigan na naghahatid ako ng mga panauhin matapos makiramay sa amin. Wika niya sa akin, “alam ko” aniya, “marami kayong alam at napag-aralan, Father; hiling ko lang po sana sa inyo na igalang pamahiin naming matatanda ukol sa lamay ng patay… masama ang naghahatid ng mga nakikiramay.”
Humingi ako ng paumanhin at iyon ang una kong aral sa mga pamahiin lalo sa probinsiya – pag-galang at respeto. Huwag nating pagtawanan kanilang pamahiin at kaugalian bagkus pagnilayan, pag-aralan at tuntunin pinagmulan ng mga iyon. Higit kong naunawaan ang mga ito sa aking pagtanda lalo nang pumanaw si Mommy nitong nakaraang Mayo. Ito po ay aking sariling pagsusuri, opinyon na maaring tama o mali. Kayo na ang tumimbang kung tatanggapin at paniniwalaan.
Bago po ang lahat, ibig kong bigyang pansin ang salitang ginagamit na “bawal” at “masama” tulad ng “bawal ang ganito, masama ang ganire”. Iisa lang kahulugan nito sa ating mga Pinoy. Dito ating makikita ang positibong katangian natin na magkasing-kahulugan ang bawal at masama kasi “ano mang bawal, tiyak masama”! Kaya, heto na po ang ilang mga pamahiin at aking paliwanag na marahil na dahilan o pinagmulan:
Bawal o masama magpasalamat sa mga nakikiramay ang namatayan. Ito palagi sinasabi sa akin ng mga nakiramay sa amin noong mamatay aming mga magulang. Hindi ko talaga maintindihan.
Tanging sumasagi sa aking isipan ang kasabihan na ang “paglalamay lamang ang hindi pinangungumbida.” Alalaong-baga, sa amin sa probinsiya, masusukat ang husay at kabutihan ng sino man sa kanyang pagpanaw: kung maraming makipaglamay at makiramay, siya ay mabuti; kung kakaunti, marahil hindi siya ganoong kabuti. Kaya walang dapat ipagpasalamat sa mga nakiramay dahil binabalik lamang nila kabutihan ng namatay.
Ngunit nang pumanaw si Mommy noong Mayo, noon ko higit naintindihan ito di lamang mas matanda na ako kungdi dahil marami na akong pinakiramayan bilang pari. Ayaw ng mga panauhin sila ay pasalamatan dahil ang kanilang pakikiramay ay pagbabalik ng kabutihang ginawa di lamang ng pumanaw kungdi pati ng mga naulila tulad ko na pari.
Larawan kuha ng ni G. Noli Yamsuan, Manila Cathedral, 2010.
Palaging sinasabi ng mga nakikiramay maging ng mga paring dumalaw sa amin kung paano ako noong sila’y nagdadalamhati ay akin ding sinamahan sa pagdiriwang ng Banal na Misa o maski pagbabasbas lamang. Kinuwento ng marami sa kanila kung paanong di nila malimutan mga iyon, pati na rin nang dalawin ko at dasalan kanilang mahal sa buhay habang may karamdaman.
Kay tamis maalala na di nila kinalimutan pakikiramay ko noon. At wala nang higit pang tatamis itong aking naranasan pagkamatay ni Mommy, sumunod kanyang nakatatandang kapatid. Nalaman ng ilan kong dating parokyano at kusa din silang nagtungo sa lamay ng aking Tita. Nagulat mga pinsan ko nang sila ay magpakilala at ang sabi daw sa kanila, “naku, si Father pinuntahan lahat ng aming mga patay kaya kami narito ngayon.”
Hindi naman sa sinusuklian ating kabutihan kungdi patunay ito na hindi nalilimutan ng mga tao ating pakikiramay sa pagpanaw ng mahal nila sa buhay; dala-dala nila ito palagi at kinukuwento sa mga bata kung paanong dumamay mga tao sa kanilang pighati. Sakaling mayroong kaaway o kaalitan ang pumanaw, doon din nakikilala kabutihan ng sino man. Marami akong napansin mga kamag-anakan lumalambot ang kalooban kapag nagpunta at nakiramay nakaalitan ng kanilang pumanaw subalit, kung magmatigas yaong kaaway at ni hindi man lang sumilip sa lamay lalo na kung kababaryo, itaga mo sa bato, sasabihin ng mga kaanak sadyang masama iyan.
Kaya, bukod sa hindi sinasabi ang “salamat” sa lamayan, laging pakatandaan sa ating mga Filipino, ang pakikiramay ang isa sa mga pinakamagandang paraan ng pakikipag-kapwa tao dahil hanggang kamatayan, laan tayo makipag-ugnayan.
Larawan kuha ng may-akda, Agosto 2024.
Bawal o masama maghatid ng mga nakiramay. Nakakatawa po ito nguni’t tunay na tunay lalo sa aking karanasan. Hindi na dapat maghatid sa mga nakiramay ang namatayan dahil maraming maraming iba pang dumarating na panauhin at baka ikaw lang ang nakakakilala sa kanila.
Alam naman ninyo tayong mga Pinoy: sasakay na lang o nakasakay na nga sa kotse, hindi pa matapos ang mga kuwentuhan natin! Kaya kung maraming nakikiramay at isa isang ihahatid mga nagpapaalam, wala nang makapag-eestima sa mga dumarating na iba pa. Praktikal ang pamahiing ito.
Larawan kuha ng may-akda, Sacred Heart Novitiate, Novaliches, QC, 20 Marso 2024.
Bawal o masama magbaon ng pagkain at inumin mula sa lamay. Nakakatawa din ito. Ngunit gaya ng bawal na paghahatid sa mga nakikiramay, praktikal ang pamahiing bawal mag-uwi ng pagkain at inumin mula sa lamay.
Nang mamatay si Mommy noong Mayo, dalawamput-anim na taon na akong pari, matagal na ring nagsipagtrabaho mga kapatid ko at marami na ring kaklase at kaibigan mga anak nila. Sa dami ng aming mga nakilala, lahat dumarating para makiramay. Bagamat marami ang mayroong bigay ding pagkain at inumin sa kabila ng saganang handa naming pagkain na pina-caterer pa, may isang gabing halos kinapos aming handa kaya nagpabili pa ng lechon manok kapatid ko!
Kung bawat bisita ay mag-uuwi nga naman ng mamon o magsha-Sharon Cuneta ng lumpiang shanghai at iba pang ulam, mauubos ang pagkain at baka walang maihain sa mga darating iba pa lalo na kung hating gabi na. At iyan ang tunay na masama sa paguuwi ng pagkain at inumin mula sa patay: nauubusan mga maglalamay!
Dagdag kuwento: ayaw na ayaw iyan ng aking kasambahay noon na si “Manang” sa aming kumbento. Hindi niya kinakain mga “take home” sa akin at madalas, pinamimigay pa niya sa iba. Masama daw baka ako magkasakit. Pero, kapag kakaiba at masarap mga pagkaing uwi ko mula sa lamayan lalo ng mga rich at showbiz friends ko, okey lang sa kanyang kainin mga iyon! Ano nga ba masama? Wala maliban sa ating nabanggit na dahilan.
Larawan kuha ng may-akda, Nagsasa Cove, San Antonio, Zambales, 19 Oktubre 2024.
Bawal o masama maligo kapag mayroong patay. Siyempre! Puyat kasi tayo sa paglalamay kaya dapat magpahinga muna saka maligo. Iyon lang iyon.
Noong Hunyo, isang dating kasamahan kong DJ sa GMA7 namatay ang ina. Matapos akong magmisa at nang magpapaalam na, tinanong niya ako ng seryoso: talaga daw bang hindi pa siya puwedeng maligo?
Nakupo! Kaya pala kako tumutubo na yang balbas mo at nanglalagkit ka na! At ito ang dahilan sinabi ko sa kanya ukol sa pamahiing iyon. Maligo ka na wika ko at ang baho mo na!
Larawan kuha ng may-akda, Anvaya Cove, Morong , Bataan, Abril 2024.
Bawal o masama ang umuwi kaagad ng bahay galing sa patay. Ito ang popular na kaugaliang “pagpag” bago umuwi kasi kailangan daw iligaw iyong patay na baka sumunod. Ang totoo ay kailan lang naman ito naging laganap at napa-uso. Kawawang mga convenience store, naging tambayan ng mga nagpapagpag. At kaluluwa!
Hindi po ito totoo. Una, walang gumagalang kaluluwa. Kapag namatay ang isang tao, kaagad-agad hinahatulan kanyang kaluluwa kung ito ay pupunta ng langit o purgatoryo o impierno (ibang paksa ito na mainam pag-usapan sa ibang pagkakataon).
Heto naunawaan ko lamang nitong kamakailan habang dumarami ang namamatay kong mga kamag-anak at mga kaibigan. Dahil sa lamay na lang kami nagkikita-kita, itinutuloy namin ang kuwentuhan sa labas kasi naman, nakakahiyang ubusin pagkain at inumin sa lamayan.
At saka para mas masarap din ang kuwentuhan. Iyon sa aking pananaw ang tunay na dahilan kaya nauso ang pagpag. Sabi ng iba, iyon ay galing sa mga kapatid nating Chino na naniniwalang kailangang ipagpag mga negative vibes mula sa mga lamayan ng patay.
At kung tutuusin, ano nga ba ang mga negative vibes na ito? Balikan ang aral ng COVID-19 pandemic: mga mikrobyo at virus na maaring pagmulan ng pagkakasakit. Sa halip na magpagpag kayo ng kakain pa muli sa labas, mag-disinfect palagi pagdating ng bahay pagkagaling sa lamayan nang mapuksa mga kumakapit na mikrobyo.
Larawan kuha ni Ka Ruben, stained glass sa Pambansang Dambana ng Birhen ng Fatima, Valenzuela City, 10 Oktubre 2024.
Bawal o masamang maglibing tuwing araw ng Lunes. Ipagpaumanhin po ninyo mga naunang pari noong araw. Sila po nagpalaganap nitong “pamahiing” ito. Hindi naman talaga masama o bawa kasi kadalasan, Lunes ang araw ng libing ng mga yumaong pari pati kamag-anak namin.
Tanging dahilan ng pamahiing iyan ay pagod ang mga pari ng araw ng Linggo sa pagmimisa kaya, Lunes ang kanilang day-off. At pinakamabisang paraan upang matandaan ito ng mga tao, sabihing “masama” ang paglilibing ng Lunes na siyang unang araw ng trabaho.
Larawan kuha ni G. Jay Javier, Hulyo 2024.
Kaya po ako mula noon pa, ang day off ko ay Huwebes kasi Lunes ang pagpupulong naming mga pari!
Kayo ano pa alam ninyong pamahiin sa mga patay at lamay?
Hanapin ang praktikal na dahilan at higit sa lahat, igalang pa rin natin paniniwala ng ating mga kababayan kesa pagtawanan.
Tandaan, sa kamatayan palagi nagkakasukatan ng ating pagkakaibigan at pagsasamahan.
Ang pakikiramay ay tanda ng pakikibahagi sa pagluluksa at pighati ng namatayan.
At iyan ang pinakamainam na dahilan sa likod nitong mga pamahiin natin tuwing mayroong lamay at patay.