Nasa puso, hindi sa mga kamay ang pagiging bukas-palad

Lord My Chef Daily Recipe for Soul by Fr. Nicanor F. Lalog II 
Sacred Heart Novena Day 1, 18 June 2025
Detalye ng painting ng Sacred Heart of Jesus sa Visitation Monastery, Marclaz, France mula sa godongphoto / Shutterstock.

Tamang-tama ang ating mga pagbasa sa araw na ito ng Miyerkules ng ika-labing isang linggo sa Karaniwang Panahon na nagtutuon ng ating pansin sa ating puso sa unang araw ng nobena sa Kamahal-Mahalang Puso ni Jesus.

Ang mga aral ng Panginoong Jesus sa ebanghelyo na huwag maging pakitang-tao lamang ang ating mga gawa ng kabutihan kungdi magbukal mula sa kaibuturan ng ating mga puso ang siya ring nilalagom ni San Pablo sa kanyang sulat sa mga taga-Corinto at maging sa ating lahat ngayon:

Tandaan ninyo ito: ang naghahasik ng kakaunti ay mag-aani ng kakaunti, at ang naghahasik naman ng marami ay mag-aani ng marami. Ang bawat isa’y dapat magbigay ayon sa sariling pasiya, maluwag sa loob at di napipilitan lamang, sapagkat ang ibig ng Diyos ay kusang pagkakaloob. Magagawa ng Diyos na pasaganain kayo sa lahat ng bagay – higit pa sa inyong pangangailangan – upang may magamit sa pagkakawanggawa (2 Corinto 9:6-8).

Larawan kuha ng may-akda, Sacred Heart Novitiate, Novaliches, Marso 2023.

Mas mainam ang salin sa Inggles ng ika-pitong talata, “God loves a cheerful giver.” Kailan ba tayo nagiging “cheerful giver” o galak na kusang loob sa pagbibigay?

Maraming pagkakataon sa buhay natin na madali tayong magbigay at magbahagi ng ano man mayroon tayo tulad ng salapi, pagkain, damit at iba pang gamit kapag tayo ay sagana sa mga bagay na materyal. Gayon din kung tayo ay panatag ang katayuan kapag walang problema at suliraning mabigat, kapag tayo ika nga ng mga kabataan ay chill-chill lamang.

Subalit, nangyayari din naman na maramot tayo maski tayo ay sagana sa buhay at panatag ang lahat. Para bang bad trip tayong tumulong maski alam naman nating mayroon tayong sapat para sa atin o walang gaanong alalahanin.

Sa kabilang dako naman, may mga pagkakataon na kahit tayo ay hindi naman saganang-sagana sa mga bagay at iba pang uri ng kayamanan ay mapagbigay pa rin naman tayo ng tulong maging ng ngiti at pakikisama. May mga panahon na napakagaan natin sa pagtulong at pagdamay kahit naman tayo mismo ay gipit ang kalagayan. At siyempre naman, hindi rin nating maikakaila na pinakamaramot at masungit tayo kapag tayo ay kapos at salat sa ano mang magaganda sa buhay.

Pagmasdang mabuti. Meron man o wala, maari tayong maging mapagbigay o madamot. Ibig sabihin, wala sa ating mga kamay o laman ng bulsa ang pagiging mapagbigay. Ito ay naroon sa ating puso!

Ang ating puso ang pinagmumulan, hindi ang ating mga kamay ang siyang dahilan at kakayanan ng ating pagiging bukas-palad bagaman ang palad ay bahagi ng kamay; sa lahat ng bahagi ng ating katawan, itong puso ang sentro ng lahat ng ating kilos at galaw maging ng pagpapasya kung kayat nasa puso ang ating buhay at sentro ng katauhan. Kapag namatay ang puso, tayo ay mamamatay. Kaya doon din sa puso nananahan ang Diyos sa atin kung saan bumubukal ating pananampalataya at pagtitiwala sa Kanya.

Magiging cheerful giver lamang tayo at generous o bukas-palad kapag buo tiwala natin sa Diyos na hindi Niya tayo pababayaan magbigay man tayo ng magbigay. At ito ay madarama lamang doon sa puso kung saan nananahan ang Diyos sa atin. Kapag buo ang ating pagtitiwala sa Diyos doon sa puso natin, wala tayong takot magbahagi at maging mabuti, magmahal sa kapwa maski tayo ay sakbibi ng mga sakit dahil panatag ating puso at kalooban sa Diyos na pinagmumulan ng lahat ng kabutihan.

Higit sa lahat, nagiging bukas-palad tayo at cheerful giver dahil malinaw sa atin na ano mang mayroon tayo sa buhay, ito ay sa Diyos pa rin. Ano mang pera o gamit o kabutihan ibigay natin sa iba, hindi ito mauubos ni masasaid dahil sa Diyos na walang hanggan naman ang lahat ng ito. Hindi magmumula sa kaisipan kungdi sa kaibuturan ng puso ang kaalaman at katiyakang ito.

Wika nga ni Papa Leo XIII sa kanyang sulat noong 1899 sa pagtatalaga ng sangkatauhan sa Kamahal-Mahalang Puso ni Jesus, doon aniya sa Sacred Heart natatagpuan ang tanda at larawan ng walang hanggang pagmamahal sa atin ni Jesu-Kristo kaya tayo man ay nakapagmamahal. Sino mang nagmamahal na tunay, siguradong siya ay mapagbigay ng kusa. Higit sa lahat, nagagalak palagi tulad ni Jesus.

Nawa sa unang araw na ito ng ating pagsisiyam sa Dakilang Kapistahan ng Sacred Heart sa isang linggo, suriin nating mabuti ang ating mga puso kung naroon ang pagtitiwala kay Jesus. Ating pagmasdang mabuti ating mga kamay kung ang mga ito ay naka-ugnay doon sa ating puso na siyang sentro at hantungan ng pagkakadugtong-dugtong di lamang ng ating mga kamay at braso kungdi ng lahat ng bahagi ng ating katawan. Hindi tayo makapagmamahal nang tunay, pati ating mga kamay ay tiyak titiklop at sasaradong parang galit na kamao kapag ang puso natin ay tumigas at namatay. Kaya ating idalangin:

O Jesus na mayroong
maamo at mapagkumbabang Puso,
Gawin Mong ang puso nami'y
matulad sa Puso Mo!
Amen.

Eba’t Adan… wala tayong magagawa?

Lawiswis Ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-03 ng Hunyo 2025

Marahil inyo nang napakinggan ang nakakaaliw na rap music na Eba’t Adan. Kahit saan maging sa simbahan lalo na sa social media pinaguusapan, pinakikinggan, binabanggit ang hiphop na ito.

Eba't Adan
Eeba't Adan
Eba't Adan
Eeba't Adan
Alam mo ba (Alam mo ba)
Mahal mo na (Mahal mo ba)
Wala tayong magagawa
Mahal mo na
Eba't Adan
Eeba't Adan...

Nakakaaliw ang saliw ng tugtugin at mga titik na paulit-ulit lang naman. Sa aking pagsasaliksik, mayroong iba’t ibang version ang naturang rap music ngunit iisa lang ang sinasaad nitong lahat kaya marahil naging trending at viral – ang kapangyarihan ng pag-ibig. Wika nga ni Francisco Balagtas, “O pag-ibig kapag pumasok sa puso ninoman, ang lahat ay hahamakin masunod ka lamang”.

At iyon nga kasi itinakda noon pa man kina Eba at Adan. Kaya daw wala ka nang magagawa sabi ng rap.

Pero, teka… talaga bang wala nang magagawa kapag ikaw ay tuluyang nahulog na sa pag-ibig gaya ng sinasaad ng hiphop na Eba’t Adan?

Larawan kuha ng may-akda sa Nagsasa Cove, San Antonio, Zambales, Oktubre 2024.

Sa isang version na aking pinakinggan, binabanggit doon hindi lamang pag-ibig ng lalake sa isang babae kungdi pati pag-ibig ng lalake sa kapwa lalake at ng babae sa kapwa babae.

Ganun din ba ang ating tugon kung ikaw ay umibig sa iyong pinsan o kamag-anak? Paano kung ang iyong iniibig ay mayroon nang asawa o pareho kayong may asawa? Eba’t Adan, E-Eba’t Adan wala ka nang magagawa?

Dito makikita natin na hindi ganoon kasimple ang pag-ibig. Hindi lahat ng pag-ibig ay tama tulad nang sa mga kapwa lalake at kapwa babae, sa mga may asawa na at maging sa mga pari at relihiyoso. Mayroong disordered love na kung tawagin sa Inggles. Ito yung maling pagmamahal hindi lamang sa kapwa tao kungdi maging sa mga hayop at gamit na labis nating pinahahalagahan kesa sa Diyos.

Maliwanag ang turo ni Jesus: ang pag-ibig na tunay ay palaging naka-ugat at may kaisahan sa Diyos na siyang pag-ibig mismo! Kasabay nito, naroon ang napakagandang pagninilay at paglalahad ni San Pablo ukol sa pag-ibig na matatagpuan sa Unang Sulat sa mga Taga-Corinto, kapitulo trese.

Alalahanin din na hindi lamang damdamin ang pag-ibig kungdi isang desisyon o pagpapasya kasi, feelings are sometimes high, sometimes low. Hindi weather weather lang ang pag-ibig. Ito ay desisyon gaya ng inawit nina Ben&Ben:

Mahiwaga
Pipiliin ka sa araw-araw
Mahiwaga
Ang nadarama sa'yo'y malinaw.
Photo by Deesha Chandra on Pexels.com

Bagaman nagsisimula sa damdamin bilang attraction ang pag-ibig, kailangan itong lumago at lumalim. Kailangan mag-mature ang pag-ibig kaya ito ay nililinang sa pananalangin at wastong pag-iisip.

Mahiwaga ang pag-ibig ngunit hindi naman wala kang magagawa. Bagkus, malaki nga ang ating magagawa para sa pag-ibig ay yumabong at mamunga ayon sa turo ni Jesus tulad ng paglimot sa sarili. Ang pag-ibig ay palaging papalabas at hindi pakabig, hindi makasarili. Ang totoong sukatan ng tunay na nagmamahal ay kapag kaya mo nang ibigin ng higit sa iyong sarili ang ibang tao.

Kay sarap ugatin na ang isa pang kataga na gamit natin sa pag-ibig ay pagmamahal na mas ibig kong ginagamit lalo na sa pagkakasal. Iyon kasing pagmamahal ay paglevel up ng pag-ibig na kadalasan ay mababaw pa ang kahulugan tulad ng kapag sinabig “ano ibig mong sabihin o kainin?”

Ang pagmamahal ay nagsasaad ng pagpapahalaga kaya mahal ang presyo ng isang bilihin dahil ito ay mahalaga. Ang pag-ibig na tunay gaya ng pagmamahal ay pagpapahalaga sa minamahal na handang limutin ang sarili hanggang kamatayan.

Larawan mula sa The Valenzuela Times, 02 July 2024.

Ang taong nagmamahal ay palaging nagpapahalaga. Iyon ang masaklap at masakit na nangyari noon kina Eba’t Adan nang sila ay magkasala dahil tumanggi silang pahalagahan ang Diyos higit sa lahat.

Kaya naman sa madaling salita, ang kasalanan ay isang pagtanggi na magmahal kasi mas pinahahalagahan ng nagkakasala ang kanyang sarili kesa ibang tao lalo na ang Diyos. Iyon ang kapalaluan o kayabangan na sa Inggles ay pride.

Itinuturing na pride ang naging kasalanan nina Eba’t Adan dahil hinangad nilang maging Diyos, hindi lang makatulad ang Diyos. Ayon kay Sir Cecil B. De Mille, and direktor ng pelikulang The Ten Commandments noong 1956, ang palaging nilalabag na utos ng Diyos ng mga tao ay ang unang utos na huwag magkakaroon ng ibang Diyos maliban sa Kanya. Paliwanag ng batikang direktor, tuwing tayo ay nagkakasala, mayroon tayong ibang Diyos na sinusunod.

Kaya nakapagtataka rin naman itong mga LGBTQ na ipinagmamalaki pa ang kanilang pagdiriwang na Gay Pride ngayong buwan ng Hunyo. Bakit kailangang ipagmalaki ang “pride” gayong masama kadalasan ang kahulugan niyon?

Dalawang bagay ang sinasaad ng pride, maari itong positive na mabuti at banal o negative kaya ito ay mali at kasalanan. Yung positive pride kung tutuusin ay kapakumbabaan na kung saan kinikilala natin ng may karangalan at pagmamalaki sa tamang paraan ang ating katayuan na nilalang ng Diyos bilang lalake o babae. Ito yung wastong pride na sumasalungat sa linya at excuse parati na “ako’y tao lamang na mahina at makasalanan.” Bagaman hindi tayo perpekto, tayo ay bukod tanging pinagpala ng Diyos ng mga katangian at kakayahan upang lubos na makibahagi ng buhay ng Diyos.

Subalit hindi iyong ikalawang uri ng pride na mali at dapat iwasan dahil sa bahid at dungis ng kapalaluan at kayabangan. Ito ang dahilan kaya pride ang una sa lahat ng pitong capital sins. Ito yung pride na ipinagpipilitan ang sariling kagustuhan kahit na ito ay hindi ayon sa katotohanan, sumasalungat maski sa Diyos at lahat maipilit lamang ang sarili. Ito yung pride na kasalanan nina Eba’t Adan dahil ipinagpilitan nila kanilang sarili na maging Diyos din gayong hindi naman maaring mangyari.

Mula sa Facebook ng Ateneo De Manila University, 02
Hunyo 2025.

Kaya mahirap maunawaan at tanggapin itong laganap tuwing buwan ng Hunyo bilang Pride Month ng mga kasapi sa LGBTQ. Kailangan bang ipagmalaki at ipangalandakan kanilang sariling kagustuhan?

Hindi lamang binabago kanilang kasarian kungdi pati balarila sa wikang Inggles, mga gawi at mga pananaw sa mundo. Hindi po kasalanan maging bakla o tomboy. Nangyayari ito bunsod ng maraming kadahilanan ngunit sa kahuli-hulihan, isa ring itong pagpapasya o pagpili – choice – na ginagawa ng may katawan. Lalake pa rin o babae na mayroong homosexual tendency ayon sa Katesismo. Ang maliwanag na masama mula sa Banal na Kasulatan ay ang pagtatalik ng kapwa lalake at kapwa babae. Iyan, noong pang panahon nina Eba’t Adan ay masama at ipinagbabawal na.

Hindi mababago ang pagkatao kung papalitan ang ari at iba pang bahagi ng katawan ng tao dahil ang kasarian ay kabuuan ng pagkatao. Hindi mababago ang kabuuan kung babaguhin lang ang isang bahagi. Hindi naman gamit ang tao na maaring palitan ang piyesa tulad ng mga sasakyan at iba pang kasangkapan.

Ang maling pag-ibig kailanman ay hindi maghahatid ng kaganapan kanino man dahil malinaw na ito ay makasarili – selfish – isang pagpapahayag ng pride o kapalaluan na masama at kasalanan.

Ito ba ang ibig mangyari ng mga LGBTQ? Batay sa marami nang pag-aaral wala din namang mga nagpabago ng ari o nagpasame sex marriage ang tunay na nakatamo ng kaganapan at katuwaan sa buhay. Marami sa kanila ang malungkot at bigo batay sa mga pag-aaral.

Larawan mula sa sunstar.com.ph kung saan nag-viral noong isang taon ang pagpapatayo sa isang waiter upang turuan ng gender sensitivity matapos tawaging “Sir” ang isang celebrity na LGBTQ sa mall.

Pero mayroong magagawa. Kaya sinugo ng Diyos ang Kanyang Bugtong na Anak na si Jesus, ang Kristo. Ipanakita at ibinigay niya sa atin ang mga kinakailangang biyaya at grasya upang tayo man ay makapagmahal nang tunay katulad niya.

Nasa atin ang biyaya na magmahal ng tunay kung saan ay ating makakayang limutin ang sarili para sa mas mahalagang layunin, ang kaisahan sa Diyos (communion) na siyang paraan upang matamo natin ang kaganapan o fulfillment na higit pa sa kasiyahan at tagumpay sa buhay.

Ang pagmamahal gaya ng ating nasabi na ay hindi pakabig kungdi palaging papalabas ang tungo, mapagbigay at mapagparaya.

Mahirap talagang magmahal ng tunay ngunit hindi maaring sabihing wala tayong magagawa. Diyos na ang gumawa ng lahat upang tayo ay makapagmahal ng tunay. Makikibahagi at makikiisa o cooperate lamang tayo sa Kanyang biyaya.

Una ay tanggapin ang katayuan natin sa buhay bilang lalake o babae o bakla o tomboy; may-asawa o hiwalay; may sinumpaang pangako na hindi mag-aasawa tulad ng mga pari at madre at relihiyoso.

Huwag ipilit ang hindi naayon sa nature natin bilang tao. Marami nang mga bakla lalo sa showbiz ang nagsabing hindi kinakailangan ang mga gay pride na ito dahil tanggap nila katauhan nila. Ano mang hindi natural at tunay ay hindi makapaghahatid sa atin sa kaganapan at kagalakang tunay.

Isang biyaya na nakakaligtaan sa panahong ito na tila lahat na lang ibig ang relasyon kahit sa murang edad ay ang dalisay na pagkakaibigan o true friendship na nagpapahiwatig ng ibang mukha ng pagmamahal na nakapagpapaging-ganap at kasiya-siya ding tulad ng pag-aasawa. Ibang antas ito ng pagmamahal at ugnayan na biyaya din ng Diyos kung bukas sana ang ating puso at kalooban sa kanya at di lamang sa ating sariling kagustuhan.

Bilang pangwakas, ibig kong iwanan ang isang katotohanan hindi pansin ng karamihan ngayong panahon ng social media: mabuti pa sina Eba’t Adan nang magkasala, sila’y nahiya at nagtago sa Diyos. Bakit ang mga tao ngayon bukod sa hindi na nahihiya sa kasalanan at kasamaan, ipinagmamalaki pa lalo na sa social media? Sabi nga ng matatanda, ang mahiya pa lamang ay pagpapakatao na. Ano kaya tingin sa atin ngayon nina Eba’t Adan? Siguro, hiyang hiya na sila sa atin.

Kapatiran at sinodo sa lipatan

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-29 ng Mayo 2025
Larawan kuha ng may-akda, St. Scholantica Retreat House, Tagaytay City, Agosto 2024.

Ito ay pagsang-ayon sa ginawang pagninilay kamakalawa ni P. Ritz Darwin Resuello ukol sa nalalapit naming lipatan ng mga pari. Malaman ang kanyang mga sinulat. At nakatutuwa ang kanyang pamagat na mayroong halong salya at padyak: GUMUGULONG LANG BA ANG ROLETA? ISANG PAGNINILAY SA NALALAPIT NA LIPATAN.

At iyon nga ang punto de vista nitong ating pagninilay din: gumugulong lang ba ang roleta sa lipatan ng mga pari?

Nakakatawa. Kasi totoo lalo nitong mga lumipas na panahon. Kung minsan nga parang hindi lang roleta kungdi tila bolang kristal na rin ang ginagamit sa lipatan.

Larawan kuha ng may akda noong Misa ng Krisma, 2025.

Hindi natin kinukuwestiyon ang pagpapasiya ng Obispo na siyang may final say ngunit gaya ng nilahad ni P. Ritz, napakinggan ba ng “may pag-galang at pag-unawa ang tunay na pangangailangang pastoral” ng parokya?

a. Pakikinig nang may paggalang at pag-unawa sa tunay na pangangailangang pastoral ng parokya: Mahalaga pong lumikha ng malugod na kapaligiran para sa lahat ng boses, lalo na sa mga direktang naapektuhan ng lipatan na ito – ang mga pari, at higit sa lahat, ang mga parokyano. Ang mga hinaing, ang mga natatanging katangian ng isang komunidad, at ang kanilang kasalukuyang pastoral na sitwasyon ay lubhang mahalaga. Ang espirituwal na kapakanan ay manatili nawang pangunahing priyoridad. Gaya ng idiniin ni Papa Francisco, ang diyalogong ito ay hindi lamang tungkol sa pagdinig kundi tungkol sa pagpapatibay ng isang tunay na pagpapalitan ng mga ideya kung saan tayo ay natututo nang sama-sama at kung saan ang bawat atas ay malinaw na tumutugon sa kung ano ang tunay na kinakailangan sa parokya (P. Ritz, aka Heinrich Atmung sa FB post, 27 mayo 2025, 8:30 ng umaga).

Noong ako ay nasa ICSB Malolos, dumating ang ilang panauhin namin na mga lingkod layko ng parokya sa UP-Diliman na pawang mga propesor sa naturang pamantasan.

Hindi tungkol sa agham at edukasyon aming naging paksa sa hapunan kungdi ang kanilang tanong: paano ba kami tinuturing at tinitingnan ng mga pari sa pagbibigay ng aming mga pastol?

Pakiramdam nila kasi na tila hindi tiningnang mabuti kanilang katayuan sa buhay bilang mananampalataya nang bigyan ng pastol na palaging naroon sa mga rally kesa nasa parokya. Bagama’t anila maraming nagrarally sa UP, hindi nila kailangan ng isa pang ralliyistang pari kungdi isang nananatili doon upang kanilang masangguni sa maraming bagay sa buhay nila ng pagtuturo at pakikisalamuha sa mga mag-aaral na mayroong natatanging pangangailangang espiritwal.

Nadarama nga ba naming mga pari ang pintig ng mga tao sa parokya? Hindi tuloy nila maiwasang magtanong bakit tila sila ginagawang “tapunan” sila ng mga paring may problema.

Iba na ang mga tao ngayon. Mulat at handang makipag-usap at suriin hindi lang mga homilya kungdi mga desisyon ng kanilang pari. They deserve nothing less, ika nga dahil nga naman sa tagal ng pag-aaral at paghubog ng mga pari bago maordenahan, pagkatapos ay puro pagpalakpak at telenovela lang kuwento sa Misa? Hinubog ang mga pari upang maging mahuhusay at masisipag sa paglilingkod kaya kawalan ng katarungan na ipapasan sa mga tao lalo na kung ituring silang maliit na parokya na puwede nang pagtiyagaan mga pari na may problema sa iba’t-ibang aspekto tulad ng pananalapi, pag-uugali, at seksuwalidad.

Kuha ng may-akda, Sacred Heart Novitiate, Novaliches, QC, 20 Marso 2025.

Nasaan ang diwa ng sinodo o sama-samang paglalakbay kung saan ay nakikinig ang lahat ng panig lalo’t higit ang mga nag-aasign ng pari? Maraming parokya nasisira dahil hindi isinaalang-alang kapakanan ng mga mananampalataya kasi nga naman yung mahusay nilang kura pinalitan ng tamad at walang pakialam o makasarili. Lahat ng pagsisikap ng naunang pari ay pilit binubura at winawasak ng sumunod na kapalit dahil sarili ang inuuna at hindi ang mga kawan. At mayroong pari na hindi maka-move on, hindi maiwanan dating parokya dahil pakiwari sa sarili ay Mesiyas!

Problema ito sa buong Simbahan maski sa ibang bansa dahil marahil sa isang pinag-uugatan: ang pagturing sa mga parokya bilang maliit o malaki, mayaman o mahirap. Hindi totoong may pangit na parokya; nasa uri ng pari iyon. Mayroong mga munting pamayanan na napapayabong ng ibang pari na tingin ng iba ay imposible.

Panahon na upang alisin sa talasalitaan ng mga pari ang label na maliit at malaki o mahirap at mayamang parokya dahil bawat pamayanan ay katipunan ng mga alagad ni Kristo. Higit sa lahat, bawat parokya ay pinanahanan ng Espiritu Santo bilang Katawan ni Kristo na dapat palaging pahalagahan ano man ang katayuan. Kung tutuusin batay sa turo ng Panginoong Jesus, iyon ngang hirap na parokya at tila pinagtampuhan ng panahon ang dapat bigyang halaga ng mga pari gaya ng mga nasa kabundukan at liblib na pook. Hindi ko malilimutan ang salita noon sa amin sa seminaryo ng dating naming Obispo na Arsobispo Emerito ng Naga, ang Lubhang kagalang-galang Rolando Tria-Tirona, “those who have less in life should have more of God.”

Ito ang sinasaad ng katagang sinodo, ang katagang palasak na ngayon ngunit hindi pa rin maramdaman dahil wala namang nakikinig at nagbibigay halaga sa bawat isa.

Kuha ng may-akda, Sacred Heart Novitiate, Novaliches, QC, 20 Marso 2025.

Usiginga… kailan nanaig kalooban ng mga kawan kesa sa kura? O ng karamihan ng mga pari kesa sa Obispo at iilan niyang upisyal?

Totoong walang demokrasya sa Simbahan sa larangan ng chain of command dahil ito ay isang hierarchy, na mayroong hanay ng mga upisyal sa pamumuno ng Santo Papa katuwang mga Obispo na kinakatawan ng mga Kura sa bawat Parokya.

Subalit, hindi ito nangangahulugang diktadura ang Simbahan. Kung tutuusin nga ay sa Simbahan dapat matagpuan ang tunay na diwa ng kalayaan na kung saan ay masinsinang tinatalakay ng lahat ang higit na makabubuti sa karamihan batay sa kalooban ng Diyos. Ito ang dahilan kaya nagpatawag ng sinodo ang yumaong Santo Papa Francisco.

Dito makikita din natin ang isang malinaw na problema ng Simbahan na hindi namin matanggap – na kaming mga pari mismo ang problema ng Simbahan. At sa Simbahan. Ngunit saka na natin iyan pag-usapan at balikan ang pagninilay ni P. Ritz na ating pinagtitibay. Wika niya muli sa kanyang FB post noong Mayo 27:

b. Pagyakap sa maagap na pastoral na karunungan: Mahalaga pong isaalang-alang kung paano nakatutulong ang bawat “assignment” sa paglago ng isang pari sa ministeryo at nagpapayaman ng kaniyang mga karanasan, laging naghahanap ng balanse sa pagitan ng mga pangangailangan ng mga parokya at ng paglago ng indibidwal na mga pari.

Mula sa cbcpnews.com.

Matalik na kalakip ng diwa ng sinodo ang kapatiran ng mga pari. Ngunit kapansin-pansin tuwing lipatan ang problema ng aming mga tampuhan at mga reklamo sa assignment. Totoo namang mayroong mga pari na namimili at mareklamo sa assignment ngunit hindi sila ang problema sa lahat ng pagkakataon tuwing may lipatan.

Ang problema ay ang sistema at patakaran – o kawalan ng mga ito.

Masakit sabihin ngunit aking pangangahasan sa pagkakataong ito na sa dalawamput-pitong taon ko sa pagiging pari, mas maayos ang lipatan at mga assignment noon kesa ngayon. Problema na rin naman noon din ngunit mas malala ngayon ang pananaw ng hindi pagiging patas o unfair sa pagpili ng mga assignment.

Hindi matatapos ang mga reklamo at hinaing sa bawat lipatan hanggat hindi naiibsan ang pananaw na ito. Hindi po salapi ang problema ng mga pari. Hindi rin naman babae o mga pogi. Ito palagi ang problema at daing natin – ang hindi patas sa maraming aspekto at pagkakataon.

Dito pumapasok ang maruming kahulugan ng “politika” sa Simbahan tulad ng barkadahan at favoritism. Mayroong napaparusahan, mayroong pinalalampas. Mayroong pinag-iinitan at mayroong kinukunsinti. Ang malungkot, mayroong mga pinangingilagan kaya pinagbibigyan lahat ng kagustuhan. Bato-bato sa langit, tamaan sapul!

Gayon pa man, on a positive note, dito makikita ang mabuti at malalim na kapatiran ng mga pari kung saan mayroong ilang maninindigan upang kausapin ang lahat kung kinakailangan alang-alang sa ilang bagay na nakakaligtaan o ayaw tingnan ng ilan sa mga kapatid naming naka-kahon na hindi makaahon sa kabila ng kanilang pag-amin at pag-ako ng kanilang pagkakasala at pagkakamali. Problema ng stigma.

Tanging hiling lang naman ng mga pari ay kausapin sila upang mapakinggan kanilang kalagayan at kalooban sa pagbibigay ng assignment. Ito yung pinupunto ni P. Ritz sa kanyang pitak. Sadya bang nasuring mabuti ang lahat ng paraan upang mapalago ang sino mang pari sa kanyang destino? Wala namang pari na likas na masuwayin kungdi ang ibig rin ay sariling ikapapanuto. Sa kabutihang-palad, mas marami pa rin ang mga paring masunurin at nagpapahalaga ng pangako ng obedience kaya sana ay naroon palagi ang fairness.

Hindi mawawala mga inggitan at siraan sa lipatan ngunit huwag mawawala ang “sense of fairness” dahil dito nakasalalay mabuting samahan at ugnayan. Susunod at susunod pa rin mga pari sa lipatan alang-alang sa obedience at faith in God ngunit palaging uusok ang isyu ng lipatan parang isang takore ng kumukulong tubig. Pakinggan natin ang sipol ng kumukulong tubig sa takore, yung tinatawag sa Inggles na tempest in teapot. Diyan pumapasok ang ikatlong punto ni P. Ritz:

c. Pagpapatibay ng malinaw at mapagmalasakit na komunikasyon: Kung posible po, ang pagbibigay ng napapanahon at “transparent” na impormasyon tungkol sa lipatan ay maaaring makapagpapagaan ng mga alalahanin at makapagpadali ng mas maayos na pagsasaayos para sa lahat – ang mga pari, kawani ng parokya, at ang mga mananampalataya. Ang isang maikli ngunit napag-isipang paliwanag ay maaaring lubos na makapagpatibay ng tiwala sa loob ng ating pamilya sa diyosesis.

Mula sa vaticannews.va.

Ang Simbahan ay komunikasyon. Kaya naman sa mga dokumento nito lalo mula nang Vatican II, sinasaad na sa Simbahan dapat masaksihan ang pinakamainam at pinakamataas na antas ng pagtatalastasan.

Ngunit taliwas palagi. Maraming pagkakataon sa mga pari kulang ang komunikasyon. Ni walang formal communication sa mga lipatan. Mayroong mga pari na atat nang lumipat na akala mo ay makikipagpalit lang ng tsinelas! Juice colored…! Kaluluwa ang pinag-uusapan habang ang antas ng aming usapan ay parang paglipat lang ng bahay kung saan ang pananaw ng ilan ay mag-impake lang ng mga gamit at damit. Kapirasong text o sulat hindi pa magawa kung hindi kayang tawagan o personal na kausapin sa mga balakin.

Kaya nga babalik tayo sa tanong ng mga tao: ano nga ba turing natin sa kanila tuwing maglilipatan kasi ang sagot dito ay siyang sagot sa tanong ano nga ba turingan naming mga pari sa isa’t isa? Hangga’t walang maayos na sagot sa mga katanungang ito, mananatili ang pananaw at paghahalintulad sa roleta na gamit sa perya ang lipatan. O bolang kristal ng mga manghuhula.

Sa diwa ng sinodo at kapatiran bilang sama-samang naglalakabay na Simbahan, patuloy tayong manalangin para sa mga pastol at kawan. At huwag din mag atubiling makilahok sa mga talakayan at usapan na ang tanging mithiin ay hanapin at sundin ang kalooban ng Diyos upang higit Siyang mapaglingkuran at masalamin dito sa lupang ibabaw. Salamuch po.

Larawan kuha ng may-akda, Chapel of the Angel of Peace, Our Lady of Fatima University, Valenzuela City, Marso 2025.

Sunrise, fried rice; sunset, pancet!

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-22 ng Mayo 2025
"Sunrise, fried rice
Sunset, pancet!"
ang aking laging sambit
ngunit ang aking favorite 
ay sunrise
maski wala nang
fried rice kasi maaga
akong gumising; 
sa mga "madrugeño" 
na katulad ko (early riser
sa wikang Kastila),
mayroong kakaibang alindog
itong pagbubukang liwayway 
kung saan ang liwanag ay unti-unting
sumasagitsit na kahit hindi mo
tanaw ang araw
banaag ang buhay
saan ka man lumingon
mayroong sorpresa;
kakaiba ang dapit-hapon
na palaging inaabangan
sa makukulay na tila isang palabas,
sa pagsikat ng araw
papalaoob ang landas na
tinatahak
kayat hindi lamang
ito tinitingnan kungdi 
dinarama sa kalooban.
Kaunti lamang marahil
ang nagpapahalaga
sa pagbubukang-liwayway
bukod sa mahirap gumising
ng maaga, walang masyadong
nakikita ngunit narito ang ganda
at hiwaga ng bawat umaga:
kinikilala ito katulad ng
isang bagong kakilala,
kinakaibigan hanggang
sa hindi mo na namamalayan
iyo nang nakakapalagayan
at maya-maya
ay dadantay
ang katotohanan
kayo ay kailangan nang
maghiwalay;
kaya rin naman
mas marami ang nabibighani
at nahahalina sa dapit-hapon:
malinaw na sa iyo
ang katuturan ng maghapon
na lumipas kaya
iyo na lang inaabangan
paglisan ng mabuting kaibigan
bago balutin ng dilim ang
kapaligiran
sa pagtatakip-silim.
Sunrise,
Sunset
hangganan ng bawat araw
sa ating dumarating
bagama't magkaiba
sa pandama lalo na sa ating
paningin
nagtuturo ng katotohanan
na hindi lahat nakikita
ng mga mata;
gayon din,
naroon palagi ang dilim
sa piling natin
upang higit nating mahalin
at laging hanapin
tunay na liwanag na hindi
napaparam, si Jesu-Kristo
na dumating
sa pinaka-madilim
na gabi ng buong taon
at muling nabuhay
habang madilim-dilim pa
nang unang araw ng sanglinggo;
sa pagbubukang-liwayway
at sa dapit-hapon o takip-silim man,
palaging naroon ang Panginoon
tinitiyak sa atin sa
bawat ngayon
at dito
tuloy lang ang buhay!
*Mga larawan kuha sa aking iPhone16
sa Cabo da Roca, Pundaquit, San Antonio, Zambales
Mayo 14-15, 2025.

Halik Judas, halik ng pagkakasundo

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-16 ng Abril 2025
Larawan kuha ng may-akda, Canyon Woods Resort, Batangas, 15 Marso 2025

Tinaguriang Spy Wednesday o Gabi ng mga Taksil itong Miyerkules Santo dahil sa gabing ito nakipagkasundo si Judas Iskariote sa mga punong pari na ipagkanulo niya si Jesus kapalit ng tatlumpung piraso ng pilak.

At gayon nga ang nangyari noong Huwebes Santo pagkatapos ng Huling Hapunan, pinuntahan ni Judas ang Panginoon sa halamanan ng Gethsemane at doon hinalikan bilang hudyat ng pagkakanulo sa Kanya.

Kaya ang babala sa halik Judas.

Ang halik ni Judas kay Jesus, isang eskultura ni Ignazio Jacometti noong 1854 sa kapilya ni San Lorenzo sa Saint John Lateran Church sa Roma. Mula sa GettyImages ng iStock photos.

Marahil ay minsan o ilang ulit din tayo nakalasap ng “halik Judas” sa mga akala nating kaibigan at kakampi. Ngunit aminin din natin ang ilang pagkakataon na tayo ay nag-Judas sa mga minamahal at nagmamahal sa atin.

Ngayong Miyerkules Santo, huwag lang natin isipin mga nagkanulo sa atin kungdi mga pagkakataong nagtraydor din tayo katulad ni Judas Iscariote.

Ngayong Miyerkules Santo, aminin din natin ang maraming pagkakataon na ang ating pagka-Judas ay sadyang tunay at sagad katulad ni Judas Iscariote na kapos sa katapatan at pagtitiwala sa habag at awa ng Panginoong Jesu-Kristo.

Nang makita ni Judas na si Jesus ay hinatulang mamatay, nagsisi siya at isinauli sa mga punong saserdote at sa matatanda ng bayan ang tatlumpung salaping pilak. Sinabi niya, “Nagkasala ako! Ipinagkanulo ko ang taong walang sala.” “Ano ang pakialam namin? Bahala ka!” sagot nila. Inihagis ni Judas ang mga salaping pilak sa loob ng templo saka siya umalis at nagbigti (Mateo 27:3-5).

Mahirap sagutin kung nasaan na nga ba ngayon si Judas Iscariote. Pinatawad kaya siya ng Diyos gayong siya ay nagsisi naman? Mahirap itong sagutin kasi nga ay nagpakamatay siya sa pamamagitan ng pagbibigti kaya tila kulang o hindi taos ang kanyang pagsisisi.

At iyan ang isang nakakatakot na katotohanan sa ating lahat ngayon, lalo na sa aming mga pari ng Simbahan.

Hindi po natin hinuhusgahan ang nag-viral na video ng isang pari na nagpapalabas ng tindera ng palaspas noong Linggo.

Nakakalungkot ang pangyayari. At masakit ang kuwento na minura pala ng vendor si Father kaya siya ay uminit ang ulo at hindi nakapagpigil sa pagpapalabas ng mga nagtitinda sa patio.

Inaamin ko po na madaling magsalita ngayong tapos na pangyayari ng kung ano nga ba dapat ang dinawa ni Father. Mas malamang pa nga siguro, ilan sa amin ay ganoon din ang magiging tugon at magviviral. Ngunit hindi po ito paghuhusga o pagbabatikos kungdi pagninilay sa mga nangyari.

Ang problema sa atin – lalo na sa aming mga pari at alagad ng Simbahan – hindi rin taos ang pagsisisi sa mga kasalanan at kamalian katulad ni Judas Iscariote.

Tama ang ginawa ng parokya na naglabas kaagad ng pahayag sa pangyayari na kung saan sila ay humingi ng “paumanhin” sa pangyayaring “nagdulot ng lungkot at pagkabigla.” Tama na sana mga iyon pero ang haba ng kanilang pahayag na mayroong Inggles at Filipino.

Larawan kuha ni Lara Jameson on Pexels.com

Hindi siguro nila naunawaan ang gawi ng social media. Hindi mapipigilan ang mga tao sa pagpapalaganap ng ano mang viral video lalo na kung pari o taong mayroong sinasabi ang sangkot. Kapag lumabas na sa social media, mahirap nang habulin. Higit sa lahat, maigsi lang ang pahayag para kagat agad, wika nga.

Sa halip ng mahabang paliwanag sa pangyayari, mas mainam na nagpahayag na lamang ng pagsisisi, ng pag-amin sa pagkakamali. No ifs, no buts sabi sa Inggles. Wala nang saysay ipaliwanag pa ang buong pangyayari dahil marami pa ring masasabi kung paano sana iyon naiwasan.

Hindi lamang ito ang pagkakataon na nag-viral kaming mga pari sa social media at sa kabila ng pagkakamali at pagkakasala, hindi makita ang taos pusong pagsisisi dahil palaging mayroong paliwanag.

Nasaan ang kadalisayan ng paghingi ng paumanhin kung agad namang susundan ng paliwanag? Ganyan din sa kumpisalan: palaging may paliwanag mga tao sa pagkakasala. E… ano ba talaga? Nagtitika ba tayo sa ating kasalanan kung mayroon tayong paliwanag at palusot sa tuwina?

Ipagpatawad ng mga kapatid kong pari pero aminin natin ito ang malaki nating problema lalo na sa Pilipinas: palagi na lamang mayroong paliwanag at pagtatanggol sa mga paring nagkakamali at nagkakasala. Hindi ba?

Larawan kuha ng may-akda, Sacred Heart Novitiate, Novaliches, QC, 17 Marso 2025.

Sapat-sapat na ang isang tunay at tapat na pag-amin at paghingi ng paumanhin o tawad sa kamalian at kasalanan.

Hindi ko sinasabing ipako sa krus ang nagkakasalang pari. Ang problema, wala tayong hinarap at tinapos na kaso ng pang-aabuso ng kapangyarihan maski sa atin-atin man lamang.

Bakit ang hirap sa amin na humingi lang ng tawad na sa obispo o kapwa pari, o mga parokyanong nasaktan?

Marahil hirap kaming umamin dahil ang tiwala namin ay nasa aming sarili tulad ni Judas Iscariote at hindi kay Kristo.

Hanggang sa huli tulad na Judas Iscariote, halos kami ay magbigti, hindi matanggap ang katotohanan na kulang kami sa pagtitiwala kay Jesus.

Hindi kami makapagtiwala ng lubos kay Jesus di lamang sa Kanyang hatid na kapatawaran kungdi sa kanyang liwanag at karunungan upang malampasan ano mang kasamaan at pagkakamali na aming nagawa. Duda kami kay Jesus baka hindi umamin aming nakaaway. Duda kami kay Jesus na madiriin kaming lalo e kalabaligtaran ang nangyayari kadalasan.

Tingnan paano sa mga sumunod na mga balita, maraming mga tao nagpahayag pa rin ng pag-unawa at suporta kay Father. Iyan ang biyayang nalilimutan naming mga pari palagi – higit pa rin ang tiwala at pag-galang ng mga tao sa pari.

Larawan buhat sa thesacredpage.com.

Ito ang malaking kaibahan ni Simon Pedro kay Judas Iscariote: bagaman walang sinasaad sa mga ebanghelyo ng kanyang pag-amin man lang sa kasalanang itinatwa niya si Jesus, maliwanag ang kanyang pagsisisi at pagtitiwala sa Panginoong muling nabuhay doon sa may lawa nang tatlong ulit siyang tanungin ng “Simon, anak ni Juan, iniibig mo ba ako?”.

Pagmasdan na pagkatapos umamin si San Pedro sa kanyang tatlong ulit na pagtatatwa at masabi kay Jesus na “Opo iniibig kita” saka lamang siya sinabihan ng Panginoong “sumunod ka sa akin” (Jn. 21:15-19). Marahil ay nagyakap ang Panginoon at si Simon Pedro pagkatapos noon at nagbigayan ng halik ng kapayapaan gaya ng kaugalian ng mga Judio.

Kung mayroong halik Judas, mayroong halik ng kapayapaan ni Kristo tulad sa Banal na Misa kung saan mayroong pagkakasundo ang dating nagkaalitan o nagkasamaan ng loob.

Yaong katagang pagkakasundo ay napakayaman sa kahulugan. Hindi ba kapag tayo ay susundo sa airport o saan man, kailangan nating iwanan ating kinaroroonan upang tayo ay magtagpo? Ang pagkakasundo o reconciliation sa Ingles ay ganun din: iwanan natin ang nakaraang pangyayari upang tayo ay magtagpo at magkasundo, magkaisa at muling mabalik dating mabuting samahan. Tingnan ang daloy ng pag-amin at paghingi ng tawad siyang naghahatid sa pagkakasundo at saka lamang magkakaroon ng pagsunod kay Kristo. O kanino mang ating natraydor.

Inyong subukan ngayong mga Mahal na Araw upang malubos inyong kagalakan sa Pasko ng Pagkabuhay. Amen.

Larawan kuha ng may-akda, 14 Abril 2025.

Ang Pasyon sa buhay-pananampalataya nating mga Pilipino

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-15 ng Abril 2025
Larawan kuha ng may-akda, taunang Pabasa ng Lunes Santo sa Parokya ng Pambansang Dambana ng Fatima, Valenzuela City, 14 Abril 2025.

Para sa mga tulad ko na promdi – laking probinsiya – ang mga Mahal na Araw ay pinababanal ng magdamagan at maghapong Pabasa ng Pasyon ng ating Panginoong Jesu-Kristo.

Sa katunayan, isa ito sa mga eksenang aking kinagisnan mula pagkabata kaya taun-taon, ako man ay bumabasa ng Pasyon lalo na noong buhay pa aking ina at kami man ay nagpapabasa sa aming bahay sa Bocaue, Bulacan. Tuwing ganitong panahon, hinahanap ng aking katawan ang pagbasa ng Pasyon kaya noong isang taon, dumayo ako sa dati kong parokya.

Larawan kuha ng may-akda, taunang Pabasa ng Lunes Santo sa Parokya ng Pambansang Dambana ng Fatima, Valenzuela City, 14 Abril 2025.

Anong laki at bagong kaalaman ang aking nabatid noon!

Ito palang mga salita ng ating unang Santo na si San Lorenzo Ruiz ay kanyang kinuha sa Pasyon!

Batay sa ating kaalaman, sinabi ni San Lorenzo noon sa harapan ng kanyang mga taga-usig sa Japan na “isang libong buhay man ang ibigay sa kanya, isang libong ulit niyang iaalay ang mga ito sa ating Panginoong Jesu-Kristo.”

Nguni’t, pagmasdan ninyo itong aking nabatid sa Pasyon:

Larawan kuha ng may-akda, Biyernes Santo, 2024.

Batay sa tradisyon, si Longinus na tinuturing dito sa Pasyon na Longino ang sundalong Romano na umulos ng sibat sa tagiliran ni Jesus habang nakabayubay doon sa krus; mula sa sugat na iyon dumaloy ang dugo at tubig sa Kanyang tagiliran na siyang bukal ng habag at awa ng Diyos sa sangkatauhan (fount of Divine Mercy).

Para sa akin, isang magandang katotohanan ang sinasaad ng bahaging ito ng Pasyon: maaring bukod sa bibliya at katesismo, bumabasa rin ng Pasyon noon at marahil katulad ng ilan hanggang ngayon, kabisado ito ni San Lorenzo Ruiz kayat nausal niya mga pananalitang iyon.

Dito rin nating makikita na sa kabila ng maraming kamalian at mga samo’t saring bagay na kailangang isaayos sa Pasyon, malaki rin ang papel nito sa paghubog sa ating pananampalatayang Kristiyano.

Larawan kuha ng may-akda, taunang Pabasa ng Lunes Santo sa Parokya ng Pambansang Dambana ng Fatima, Valenzuela City, 14 Abril 2025.

Maituturing ang Pasyon ay isa sa mga una at malalaking hakbang ng inculturation ng Kristiyanidad sa kalinangang Pilipino.

Nagsimula ang Pasyon sa tradisyon ng mga katekista na sinusugo ng mga pari noon sa malalayong lugar upang samahan sa pananalangin ang mga naghihingalo. Bahagi rin ito ng tinaguriang “pa-Jesus”, mga paulit-ulit na panalangin tulad ng litanya habang ipinagdarasal ang naghihingalo. Kaya ang tagpo ay mula sa pagpapakasakit at kamatayan o Pasyon ng Panginoon ang ginagamit. Humaba ito ng isang aklat dahil naman sa kadalasan inaabot ng magdamag o maghapon ang paghihingalo bago tuluyang malagot ang hininga.

Mahalagang alisin sa isipan ng karamihan na hindi talambuhay ni Jesus ang Pasyon. Hindi rin ito lahat mula sa mga tagpo sa Bibliya habang ang ilang mga kuwento ay halaw sa tradisyon. Una itong tinipon at pinagsama-sama bilang aklat ni G. Gaspar Aquino de Belen, isang makata na tagasalin buhat sa Rosario, Batangas noong 1703 na inaprubahan ng mga kinauukulan sa Simbahan nang sumunod na taon.

Larawan kuha ng may-akda, taunang Pabasa ng Lunes Santo sa Parokya ng Pambansang Dambana ng Fatima, Valenzuela City, 14 Abril 2025.

Hindi maikakaila na maraming Pilipino noon namulat sa Krstiyanidad dahil na rin sa Pasyon dahil na magiliw na pamamaraan nito ng paglalahad ng mga aral at kuwento ng pakanta. Kaya naman nang malaunan sa paglaganap nito, isinaayos na rin ito batay sa kautusan ng mga obispo at pari habang mayroong ilang sipi na mismong gawa ng pari.

Sa sawimpalad, hindi naisaayos maraming kamalian nitong Pasyon. Kinausap ko aking kaibigan at kaklase na bumabasa rin ng Pasyon, si P. Ed Rodriguez at narito dalawang halimbawa aniya na dapat ayusin sa Pasyon:

At sa Henesis na libro,
Nalalaman ay ganito:
Nang lalangin itong mundo
Nitong Diyos na totoo,
Kaarawan ng Domingo.

Paliwanag: ang sinasabi lamang po sa Henesis ay “dumating ang kinagabihan at sumunod ang umaga, ang unang araw”. Wala pa pong pangalan ang mga araw ng sanlinggo noong isulat ang Henesis.

Gayon din naman, maraming kamalian ang sinasaad sa Pasyon ukol sa Mahal na Birheng Maria na malayo sa katotohanan katulad nito ayon kay Fr. Ed:

Sa maganap ang totoo
At araw ay mahusto
ng ipanganak na ito,
Agad dinala sa templo
Si Mariang masaklolo.

Hindi naman po inaalay sa templo ang anak na babae ng mga Hudyo; ang panganay na lalaki lamang ang inihahandog sa templo katulad ni Jesus na ating ipinagdiriwang sa Candelaria o Pebrero dos.

Larawan kuha ng may-akda, taunang Pabasa ng Lunes Santo sa Parokya ng Pambansang Dambana ng Fatima, Valenzuela City, 14 Abril 2025; imahen ng Dolorosa, ang nahahapis na Birheng Maria.

Marami pang ibang dapat itama at isaayos sa Pasyon upang higit natin itong mapangalagaan at mapanatili sapagkat isa itong buhay na patunay ng ating maganda at Kristiyanong kalinangan.

Nakatutuwa na maraming parokya ang nagpapabasa na sa ngayon upang maituro at maipagpatuloy ito ng mga bagong henerasyon. Tama ang maraming diyosesis na mayroong mga alituntuning itinakda sa pagbasa o pag-awit ng Pasyon: hangga’t maari ay huwag itong gawing biro na kung saan inilalapat ang mga makabagong tono ng tugtugin lalo na yaong mabibilis at mahaharot. Dapat palaging isaalang-alang ang kasagraduhan nitong Pasyon na tumutukoy sa pagpapakasakit at pagkamatay ni Jesus.

Gayun din naman, nagtuturo ang Pasyon ng kaisahan ng pamilya at pamayanan kaya dapat ito ipagpatuloy at palaganapin. Maraming pamilya noon maging hanggang ngayon ang nagkakaisa na basahin ng buong mag-anak ang Pasyon bilang tradisyon at panata nila.

Sakali mang mayroong pampublikong pabasa, maaring paghatian ng mga pamilya ang gastos sa pagkain kaya sa maraming bayan at barrio, hinahati ang aklat ng Pasyon sa dalawang pamilya para hindi mabigat ang pagpapakain sa mga tao.

Larawan kuha ng may-akda, taunang Pabasa ng Lunes Santo sa Parokya ng Pambansang Dambana ng Fatima, Valenzuela City, 14 Abril 2025.

Gayon din naman, ang pagkain o handa sa pabasa ay tinatawag na caridad o charity – bukod sa pagpapakain sa mga bumabasa, naghahanda ang nagpapabasa upang pakainin din yaong mga maliliit nating kapatid na dukha at kapus-palad. Nakakalungkot lamang na mayroong mga tao ang inaabuso ang caridad sa pabasa na nilulusob ng mga tinaguriang “PG”.

Hindi pa kay gandang halimbawa ito ng pagbubuklod ng mga pamilya at angkan?

Higit sa lahat, nabubuklod ang pamayanan ng pabasa ng Pasyon dahil mayroong schedule ang mga pabasa. Hindi basta-basta maaring magpabasa sa isang nayon dahil sa bawat araw, isa lang ang pabasa na maaring ganapin para isa lamang ang pupuntahan. Kaya nga noong araw sa mga nayon kay gandang balikan itong kaisahang ito ng mga kababayan natin tuwing panahon ng mga Mahal na Araw.

Bukod tangi ang pamamaraan ng pabasa ng Pasyon dahil ito ay makata o patula na inaawit, nakakaaliw lalo na kung nakasaliw sa musika.

Larawan kuha ng may-akda, taunang Pabasa ng Lunes Santo sa Parokya ng Pambansang Dambana ng Fatima, Valenzuela City, 14 Abril 2025; imahen ng Ecce Homo, si Jesus nang iharap ni Pilato sa mga tao matapos ipahagupit.

Isang kakaibang paraan ng pagtuturo o pedagogy na magaan at madaling matutunan at higit sa lahat, kaagad nadarama.

Kung baga, mayroong kurot sa puso at kalooban kaya nanunuot ang mga turo at aral. Isipin na lamang natin paanong nakatulong itong Pasyon maging sa ating unang Santo na si San Lorenzo Ruiz na sa kanyang kamatayan ang mga namutawi sa kanyang mga labi ay buhat sa Pasyon.

Sa inyong pag-uwi sa inyong mga lalawigan ngayong Mahal na Araw, sikaping bumasa ng Pasyo upang maranasan ang lalim ng ating pananampalataya at kagandahan ng ating kalinangan.

Narito dalawang video ng aming pabasa kahapon, Lunes Santo dito sa Parokya ng Pambansang Dambana ng Fatima sa lungsod ng Valenzuela. Buhat sa bayan ng Malabon ang aming nakuhang musiko sa tumugtog mula ika-pito ng gabi hanggang ika-sampu ng gabi.

Ang “masamang balita” ng Jollibee sa Visita Iglesia

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-10 ng Abril 2025
Larawan kuha ng may-akda.

Noong isang taon ko pa ito ibig ilathala nang aking makita sa harapan ng aming simbahan, ang Pambansang Dambana ng Birhen ng Fatima dito sa Valenzuela ang karatula ng pambansang bubuyog ukol sa Visita Iglesia. Sa aking panlasa, hindi bagay, hindi match ang mix na ito. Hindi ito “mabuting balita” ayon sa Jollibee.

Ako man po ay maka-Jollibee. Paborito ko ang kanilang palabok, pangalawa lamang ang Chicken Joy at pangatlo ang Champ bagaman ayoko po ng pagkaing mayroong pinya kaya inaalis ko ito sa dambuhala nilang langhap-sarap na burger.

Subalit tuwing mga Mahal na Araw lalo na noong isang taon, ako ay nalulungkot sa Jollibee. Marahil pati ang langit at maaring lumuluha sa lungkot ang mga anghel tuwing nakikita si Jollibee masayang-masaya kung Biyernes Santo kasi masama sa panlasa ang kanilang kampanya sa Visita-Iglesia.

Hindi yata Katoliko si Jollibee tulad ng karamihan sa ating mga Pilipino bagamat mayroong ilan silang mga tinadahan na binasbasan at minimisahan ng obispo at mga pari tuwing pinasisinayangan at nagdiriwang ng anibersaryo.

Larawan mula sa Facebook.

Noong isang araw aking nakita ang post sa Facebook ng maraming taong-simbahan kasama ilang mga pari na pinupuri ang Jollibee sa kanilang advertisement ng Visita Iglesia sa mga simbahan sa buong kapuluan kasama na kanilang mga tindahan mayroong mapa ng simbahang maaring puntahan upang manalangin at mag-peregrinasyon (pilgrimage po) kasama na ang pinaka-malapit sa kainan ng Jollibee. Marami ang pumuri sa Jollibee sa naturang kampanya. Sabi ng isang uploader, “Kudos kay Jollibee ah.. very catholic.”

Sorry po. Hindi po yata tama ang inyong caption. Sa unang tingin, tila maganda pero kung susuriin natin, mali. Hindi po ito Catholic practice dahil ito ay salungat sa hiling sa atin ng Simbahan noon pa mang simula na magkaroon ng pagsasakripisyo tuwing panahon ng Kuwaresma at mga Mahal na Araw.

Sa katunayan, ang turo ng Simbahan ay mag-ayuno tuwing Miyerkules ng Abo at Biyernes Santo bilang pagninilay at pakikiisa sa pagpapakasakit at pagkamatay ni Jesu-Kristo doon sa krus mahigit dalawang libong taon na ang nakalipas. Totoo na hindi na mamatay si Jesus at hindi naman nating kailangang malungkot at malumbay sa mga panahong ito ngunit, paano tayo makapagninilay at dasal ng taos kung nasa isip natin ang pagsasaya ng pagkain ng masasarap tuwing Mahal na Araw o Biyernes Santo?

Ipagpaumanhin po ninyo lalo ng mga kaibigan ko sa Jollibee, malinaw na ang kanilang Visita-Iglesia campaign ay commercialization ng ating banal na tradisyon at gawaing Katoliko. Sa halip na makatulong ang Jollibee kasama na ang iba pang mga fastfood chain na mayroong Lenten special meals sa paggunita ng mga Mahal na Araw na maranasan man lamang nating mga Filipino muli ang tunay na diwa ng Paskuwa ng Panginoong Jesus, ito ay kanilang winawasak. Hindi nga po tayo dapat kumain bilang bahagi ng panawagang mag-ayuno o fasting tuwing Miyerkules ng Abo at Biyernes Santo. Ito ang hindi batid ng mga fastfood chain: tuwing sasapit ang Kuwaresma, palagi silang nag-aalok ng fish sandwich at iba pang pagkaing walang karne bilang bahagi ng fasting (edad 18-59) at abstinence.


Nasaan na ang panawagang mag-sakripisyo para sa mga banal na gawain ng Kuwaresma at mga Mahal na Araw tulad ng Visita Iglesia kung ang hahantungan ay Jollibee o mga fastfood?

Inuulit ko po na wala tayong layuning siraan ang Jollibee na naghatid ng maraming karangalan sa ating bayan lalo na sa larangan ng pagkain at negosyo kung saan ay inilampaso ng isang bubuyog ang dambuhalang McDonalds ng Amerika pati na sa ibang bahagi ng Asya. Sa larangang ito ng panahon ng Kuwaresma at mga Mahal na Araw, sa aking pananaw ay lumabis ang Jollibee sa kanilang gimik na Visita-Iglesia. Sa katunayan, mayroon ako nabasa sa ibang bahagi na tinatawag nila itong “Bee-sita Iglesia.” Wala po sa hulog at pokus ang kanilang kampanya na tila mayroong pagkapagano dahil malapit na itong maging idolatry. Hindi magtatagal, baka ang darasalin na ng mga bata ay “Jollibee to the Father and to the Son and the Holy Spirit…”

Ang pinakamasakit sa lahat ay makita ang mga fastfood chain tuwing Biyernes Santo na umaapaw sa mga tao – daig pa mga simbahan – na tila wala na yatang pagpapahalaga sa pagpapakasakit at pagkamatay ni Jesus para sa atin.

Batid ko po na pakaunti ng pakaunti ang mga mananampalataya na hindi na nag-aabstinensiya at ayuno tuwing Biyernes Santo. Magiging malala pa ito sa ganitong uri ng kampanya ng Jollibee tuwing Visita-Iglesia. HIndi ba sila maaring mangilin kung Biyernes Santo man lang? O, kahit mula alas-dose ng tanghali ng Biyernes Santo hanggang alas-singko ng hapon sa paglabas ng prusisyon? Hintayin man lamang sana ng mga fastfood chain at restaurant na “malibing” ang Panginoon bago sila magbukas ng tindahan nila.

Hindi ba malaking kabalintunaang makita sa araw ng ating pagninilay sa mga hirap ng Panginoong Jesu-Kristo ay naroon pa rin ang pagsasaya ng mga tao na para tayong mga pagano kumakain at nagsasaya?

Ang mga Mahal na Araw ay inilalaan upang magnilay ng taos sa ginawang pagliligtas sa atin ng Panginoon. Hindi naman natin ikamamatay ang hindi pagkain sa Jollibee ng isang raw lang tulad ng Biyernes Santo sa buong taon. At lalo namang hindi ipaghihirap at ikalulugi ng Jollibee sa sila man ay mangilin man lamang tuwing Biyernes Santo. Amen.

Larawan kuha ng may-akda, Kapilya ng Sacred Heart Novitiate, Novaliches, QC, 17 Marso 2025.

Sino ang baliw?

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-26 ng Marso 2025
Larawan mula sa Pixabay on Pexels.com
Minsan daw
sa isang perya 
natanawan ng payaso 
sunog sa kabayanan
ngunit siya ay pinagtawanan
nang sabihan niya mga tao
dahil sa kanyang anyo 
at kasuotan;
paano nga ba
paniniwalaan ang katotohanan
kung ang katibayan 
ay sarili lamang?
Mabuti pa ang payaso
may katinuan
sa kanyang isipan
tanggap ang kanyang katayuan
sa anyo at kasuotan
ay katatawanan
ngunit sa kalooban
kanyang nalalaman
ang buong katotohanan
hindi tulad ng karamihan
mas paniniwalaan
kasinungalingan.
Inyong subukang
kausapin mga baliw
at wala sa kanilang aamin
na sila ay kulang-kulang
lahat daraanin sa biruan
upang pagtakpan
kanilang kahangalan
habang ang matino ang isipan
batid kanyang kakulangan
nalalaman kanyang kahinaan
kababawan at kabaliwan
mga tanda ng karunungan!
Kay laking katatawanan
pagdagsa ng mga baliw
nitong nakaraan
kahangalan pinangangalandakan
hindi alintana kanilang
kahibangan sa paninindigang
nakasandig sa kasinungalingan
ng bulok at buktot na kaisipan;
ganyang tunay ang mga baliw
walang malay, parang patay
na namumuhay
sa guni-guni at sabi-sabi.
Maging babala:
marami na silang nahahawa
hindi batid
sila ay baliw
hangal at hunghang
hindi alam katotohanan
ipinagpipilitan sila ang
nasa katuwiran
gayong ligwak
mga kaisipan
nakalublob
sa kadiliman.