Sino ang baliw?

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-26 ng Marso 2025
Larawan mula sa Pixabay on Pexels.com
Minsan daw
sa isang perya 
natanawan ng payaso 
sunog sa kabayanan
ngunit siya ay pinagtawanan
nang sabihan niya mga tao
dahil sa kanyang anyo 
at kasuotan;
paano nga ba
paniniwalaan ang katotohanan
kung ang katibayan 
ay sarili lamang?
Mabuti pa ang payaso
may katinuan
sa kanyang isipan
tanggap ang kanyang katayuan
sa anyo at kasuotan
ay katatawanan
ngunit sa kalooban
kanyang nalalaman
ang buong katotohanan
hindi tulad ng karamihan
mas paniniwalaan
kasinungalingan.
Inyong subukang
kausapin mga baliw
at wala sa kanilang aamin
na sila ay kulang-kulang
lahat daraanin sa biruan
upang pagtakpan
kanilang kahangalan
habang ang matino ang isipan
batid kanyang kakulangan
nalalaman kanyang kahinaan
kababawan at kabaliwan
mga tanda ng karunungan!
Kay laking katatawanan
pagdagsa ng mga baliw
nitong nakaraan
kahangalan pinangangalandakan
hindi alintana kanilang
kahibangan sa paninindigang
nakasandig sa kasinungalingan
ng bulok at buktot na kaisipan;
ganyang tunay ang mga baliw
walang malay, parang patay
na namumuhay
sa guni-guni at sabi-sabi.
Maging babala:
marami na silang nahahawa
hindi batid
sila ay baliw
hangal at hunghang
hindi alam katotohanan
ipinagpipilitan sila ang
nasa katuwiran
gayong ligwak
mga kaisipan
nakalublob
sa kadiliman.

Ang Simbahan at ang EDSA ’86

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-25 ng Pebrero 2025
Larawan mula sa wikipedia.org.

Hindi maikakaila ang mahalagang papel ng Simbahang Katolika sa tagumpay ng People Power 1986 na sinasagisag ng National Shrine of Mary, Queen of Peace mismo sa kanto ng EDSA at Ortigas Avenue kung saan pinigilan ng mga madre, pari, seminarista at layko ang mga sundalong sasalakay sana noon sa mga “rebeldeng” nasa Kampo Crame.

Sa gitna ng maraming pagbabago sa pag-usbong ng maraming matatayog na gusali, nananatiling paalala ang dambanang ito ng katotohanang wala tayong magagawa sa buhay natin kung nakahiwalay tayo sa Diyos sa pamamagitan ni Kristo Hesus kasama ang kanyang Ina na si Maria (Juan 15:5).

Nguni’t ipinahihiwatig din ng simbahang ito ang malaking bugtong sa ating panahon ngayon, kung ano na ang nangyari sa diwa ng EDSA 1986 na tila sa paglipas ng panahon ay unti-unti nang nalilimutan ng marami? Tingnang kung paano sa ngayon ang EDSA ang tanda ng lahat ng magulo at mali sa ating bayan, taliwas sa dating ningning at karangalan nito. Higit sa lahat, kay laking kabalintunaan ng ating kasalukuyan na ang mga pinatalsik ng EDSA noon ay hindi lang basta nakabalik ngayon kungdi sila pang muli ang namumuno, muling nananahan mismo sa palasyo ng Malacanang!

Larawan ni Jaime Cardinal Sin sa Villa San Miguel, 23 Pebrero 1986, kuha ni Alex Bowi/Getty Images.

Anyare? Kung paanong naging mahalaga ang papel ng Simbahang Katolika noon sa tagumpay ng People Power 1986, pagkalipas ng halos apat na dekada ay masasabi ring malaki ang kinalaman ng mga pari at obispo sa pagkupas at pananamlay ng diwa ng EDSA sa ngayon.

At taliwas sa larawan ng EDSA Shrine ang ating makikita sa ngayon ay ang pagkalango ng maraming mga obispo at pari sa kapangyarihan ng pulitika mula noong Pebrero 1986.

Wala nang nakasunod sa yapak ng karunungan at kabutihan ng yumaong Cardinal Sin na masasabi nating hindi namulitika at lalong hindi pulitiko noong 1986. Isang tunay na pastol ng kanyang mga kawan, inihatid ni Cardinal Sin tayo noon sa mayamang pastulan at malinis na batisan ika nga. Kung hindi sa kanyang panawagan sa Radyo Veritas noong gabi ng Pebrero 21, 1986, napulbos na marahil ang Kampo Aguinaldo at Krame, hindi na naging Pangulo si Tabako at umigsi buhay ng alamat na si Enrile.

Maraming pari at obispo iba nakita sa pakikibaka noon ni Cardinal Sin. Nakaligtaan nilang tularan ang buhay-panalangin (prayer life) ni Cardinal Sin na siyang bukal ng kanyang kabanalan o, kung di kayo papayag ay espiritualidad. Sa kabila ng maraming kontrobersiya sa kanyang mga sinasabi noon, isang mababanaagan palagi sa kanya ang malinaw na tanda ng buhay na pananalangin. Mayroon siyang prayer life kaya mayroon din siyang kababaang-loob at malasakit sa maliliit.

Maliban sa ilang natitira pang katulad ni Cardinal Sin, maraming obispo at pari ngayon ang sampay-bakod o amuyong sa mga pulitiko at mayayaman. Marami sa kanila mga TH na social climber nagkukunwaring “social activist” na puro burgis ang kasama pati asta at salita.

Larawan kuha ni Pete Reyes kina Sr. Porfiria “Pingping” Ocariza (+) at Sr. Teresita Burias nananalangin upang pigilan mga kawal sasalakay sana noon sa mga rebelde sa Kampo Crame noong People Power 1986.

Kung noong EDSA ay tanda ng kanilang paglilingkod at kawang-gawa ang kanilang mga sutana na sumasagisag sa kanilang kaisahan sa Panginoong Jesu-Kristo, maraming mga obispo at pari ngayon dinurungisan kanilang habito na naging pasaporte palapit sa mga mayayaman at makapangyarihan.

Nakakalungkot ang maraming obispo at pari na nagsisiksikan sa pagmimisa para sa ilang mayayaman habang napakaraming maliliit na ni hindi mabasbasan kanilang mga yumao, ni hindi madalaw para dasalan mga may sakit. Minsang magkawang-gawa, naka-Facebook naman!

Ang pinakanakakasuka sa lahat na tiyak taliwas sa diwa ng EDSA 1986 ay ang mga obispo at pari na sunud-sunuran sa mga mayayaman at makapangyarihan. Nawala na ang kredibilidad ng mga kaparian na taglay noon ni Cardinal Sin dahil alam na alam ng mga pulitiko at mayayaman ang kahinaan ng mga obispo at pari – kuwarta, kuwalta, salapi at pera. Kitang-kita ito sa mga kasalan at lamayan. Maski sa tolda, magmimisa mga obispo at maraming pari para sa anibersaryo ng gasolinahan, sisindihan mga Christmas lights ng kanilang tindahan, magtutulak ng wheelchair ng milyunaryong lumpo, at iiwanan mga parokya maski Linggo para makimisa sa libing ng yumaong donya o don. Istambayan ay Starbucks, tanghalian sa lahat ng eat-all-you-can at bakasyon sa abroad, first class pa sa eroplano sagot ng mayayaman at pulitiko. Nasaan diwa ng EDSA? Wala! Nilamon at tinabunan ng buhol buhol na trapik ang EDSA!

Noon sa EDSA 1986, humingi ng tulong sa mayayaman para sa mga kawal at mga tao pero ngayon, hindi na nahihiya mga obispo at pari ipasagot sa governor at mayor kanilang mga party at outing. Hindi lang donasyon sa mga pagawain sa parokya hinihingi nila kungdi mga sariling pagawain sa bahay at sasakyan.

Nakakahiya. Nakakapanlumo.

Larawan ni Linglong Ortiz, 23 Pebrero 1986.

Kung paanong ang mga pari at obispo ang naging malaking bahagi ng tagumpay ng EDSA People Power noong Pebrero 1986, sila ngayon ang isang malaking dahilan sa pagkawasak ng diwa nito. Hindi na madama ng mga maliliit kanilang mga pastol na nanginginain sa mga handaan, iniwanan mga maralita sa kanilang kariton.

Nawa makita muli naming mga pari at obispo ang malaking estatwa ni Maria, ang Reyna ng Kapayapaan doon sa bubong ng simbahan sa EDSA at matanto rin paanong nanatili si Maria malapit sa Anak niyang si Jesus at sa mga tulad niyang anawim, mga maliliit. Hindi sa panig ng mga mayayaman at makapangyarihan.

Pansinin na habang tumatagal ang EDSA, tila nawawala na pagkakaisa natin sa Diyos kay Kristo kasama ang kanyang Ina na si Maria na dapat sana ay pangunahan ng mga obispo at pari. Iyon ang diwa ng EDSA noon na hindi ko makita ngayon. Pansin din ba ninyo?

Karunungan vs. katalinuhan, kabutihan vs. kabaitan

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-24 ng Pebrero 2025
Mula sa Pinterest.

Kay ganda ng serye ng ating mga unang pagbasa sa Banal na Misa ngayong huling linggo bago magsimula ang Kuwaresma sa Miyerkules ng Abo ika-lima ng Marso 2025.

Napapanahon ang mga pagbasang ito mula sa Aklat ng Ecclesiastico ngayong binubura sa kamalayan natin ang mahalagang yugto ng ating kasaysayan, ang EDSA Revolution ng 1986.

Tamang-tama din ang mga naturang pagbasa sa gitna ng mga balita ng mga pagmamalabis ng maraming nasa kapangyarihan di lamang sa pamahalaan at lipunan kungdi pati na rin ng mga pari at obispo natin sa simbahan. Kung sa bagay, matagal nang usapin mga iyan sa simbahan na palaging hinahayaan nating mga Pilipino dahil na rin sa kawalan natin ng kamalayan sa pagkakaiba-iba ng marunong sa matalino at ng mabuti sa mabait na siyang paksang ibig kong talakayin ngayong bisperas ng EDSA People Power Revolution.

Tingnan muna natin ang karunungan at katalinuhan.

Larawan kuha ni Lauren DeCicca/Getty Images sa Laoag City, 08 Mayo 2022.

Ang karunungan (wisdom) ay tanda ng kabanalan dahil ito ay pagtulad sa Diyos na siyang Karunungan mismo. Ang maging marunong (to be wise) ay hindi lamang malaman ang maraming bagay-bagay sa mundo at buhay kungdi makita at mabatid pagkakaugnay-ugnay ng mga ito. Pag-ibig at pagmamahal ang hantungan palagi ng karunungan at kabutihan.

Ang maging marunong ay magkaroon ng mahusay at matalas na isipan na pinanday ng puso at kaloobang nakahilig sa Banal na Kalooban ng Diyos. Dinadalisay ng buhay pananalangin, nakikita ng karunungan ang kabuuan ng lahat ng mga bagay-bagay sa liwanag ni Kristo. Buo at ganap ang karunungan dahil mula ito sa Diyos, nagtitiwala sa Diyos at nakabatay sa Diyos ang lahat ng pagsusuri, pagtitimbang at pagpapasya sa lahat ng bagay.

Mula sa Panginoon ang lahat ng karunungan at iyon ay taglay niya magpakailanman. Sino ang makabibilang ng butil ng buhangin sa dagat, o ng patak ng ulan, o ng mga araw sa panahong walang pasimula at katapusan? Sino ang makasusukat sa taas ng langit o lawak ng lupa? Sino ang makaaarok sa kalaliman ng dagat at sino ang makasasaliksik sa Karunungan? (Sirac 1:1-3).

Sa kabilang dako naman, ang matalino ay pagkakaroon ng matalas na isipan. Magandang katangian ito ngunit hindi ito pinaka-mahalaga dahil sa ating sariling karananasan at kasaysayan, kay daming matatalinong Pilipino pero bakit ganito pa rin ang bayan natin?

Sa pamahalaan maging sa Simbahan, palaging ipinangangalandakan katalinuhan ng mga upisyal at nanunungkulan. Kaya nga sa sikat na sitcom na Bubble Gang, mayroong karakter doon na kung tawagi’y Tata Lino na puro katatawanan ang mapapakinggan.

At sa sawimpalad nating mga Pilipino, mas pinapaboran natin, mas hinahangaan palagi mga matatalino kesa marurunong. Bilib na bilib tayo sa mga tao na maraming tinapos na degree sa mga pamantasan dito sa bansa at ibayong dagat. Isa iyan sa malaking problema sa Simbahan: maraming pari at obispo ang matatalino ngunit walang puso ni Kristo, puso ng Mabuting Pastol. Sa dami ng matatalinong Pilipino, bakit ganito pa rin ang ating bayan maging Simbahan?

Bulok. Kung hindi man ay nabubulok.

Dangan kasi, mga matatalino matalas lang ang isipan ngunit walang puso o pitak man lamang doon para sa kapwa at sa Diyos kaya madalas, ginagamit kanilang katalinuhan sa kabuktutan at sariling mga interes at pangangailangan.

Kay ganda ng talinghagang gamit natin diyan – lumaki ang ulo. Yumabang at naging palalo sa sobrang katalinuhan, walang ibang pinakikinggan kungdi sarili lamang. Naku, lalo na iyan sa mga pari at obispo ng Simbahan!

Ang katawa-tawa sa malalaking ulo iyan ng maraming namumuno saan man, sa hindi maipaliwanag na kadahilanan, maraming matatalino puno ng kabag sa tiyan at hindi kataka-taka, walang ibang nagagawa sila kungdi umutot ng umutot. Kaya mabaho at mabantot sa maraming anomalya at kalabisan itong ating bayan maging Simbahan! Hindi ba?

Larawan ni Roger Buendia/Presidential Museum and Library via esquiremag.ph.

Noon pa man, sinasabi ko nang palagi magkaiba ang kabaitan at kabutihan. Madalas ang taong mabait nating tinuturing ay pleaser sa Inggles. Utu-uto, lahat puwede, lahat pinapayagan para walang kaguluhan pero ang katotohanan, lalo lamang gumugulo mga sitwasyon kapag kabaitan ang pinairal.

Alam na alam ito ng maraming mag-aaral na gusto nila mabait na guro na lahat ay puwede. Ganun din mga tao sa pari at obispong mabait. Lahat puwede para walang gulo. Akala nila…

Pero, mayroon bang natututunan sa mga maestra o maestro na mabait? Wala. Aminin natin mas marami tayong natutunan sa mga guro pati magulang at boss at pari na istrikto o mahigpit.

Ganoon ang mabuting tao (good person) – maliwanag sa kanya ang tama at mali. Hindi puwedeng payagan o pagbigyan ang mali. Mayroong diwa ng pananagutan palagi ang mga mabubuting tao na kadalasan ay istrikto rin naman. Sa mabuting tao, basta tama at kabutihan, hindi pagtatalunan o pag-aawayan samantalang mga mababait, lahat pinapayagan.

Ang mabuting tao, hindi niya iniisip ang sarili niyang kapakanan at kaluguran bagkus kabutihan ng karamahan at ng iba pang tao kesa kanyang sarili. Yung mababait, sarili lang nila iniisip. Kaya pinapayagan ang lahat ay upang magkaroon ng mga kaibigan at mga mangungutangan ng loob sa kanila. Popularity-oriented kadalasan mga matatalino at mababait.

Kaya naman, mapapansin natin na magkasama palagi ang karunungan at kabutihan at ang katalinuhan at kabaitan. Ang marunong ay tiyak na mabuti sapagkat higit sa kaalaman ang kanyang nilalayon ay kabutihan at kapakanan ng karamihan. Iyong mabait madalas ay matalino kasi sa Inggles makikita natin ito ay tumutukoy sa sanity o pagiging matinong pag-iisip o sane. Kapag sinabing “nasiraan ng bait”, ibig sabihin, nasira na ang ulo o nabaliw katulad ng maraming mga henyo na sa sobrang talino na walang iniisip kungdi sarili lamang.

Larawan mula sa en.wikipedia.org.

Noon sa EDSA, nadama ko at naranasan karunungan at kabutihan nina Cardinal Sin, Pangulong Aquino, Hen. Ramos at ng maraming mga tao na dumagsa doon hindi upang makipag-away at makipagtalo kungdi makipagkasundo at umunawa. Napaka saklap kay bilis nabaligtad ang lahat. Napalitan ng mga baliw mga marurunong at ng mga sakim ang mga mabubuti.

Sana sa mga panahong ito na ating ginugunita ang makasaysayang EDSA People Power ng 1986, muling pag-isipan at pagnilayan nating mabuti ang ating pinahahalagahan at pinaninindigan. Para sa Diyos, para sa Inang Bayan.

*Tunghayan mga dati nating nalathala sa paksang pagkakaiba ng kabutihan at kabaitan.

Tula at paalala sa araw ng mga puso

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-14 ng Pebrero 2025
Larawan kuha ng may-akda, Tagaytay, 17 Enero 2025.
Pansamantalang titigil
sa mga kinikilig
pag-inog nitong daigdig
sa araw na ito
ng mga pusong umiibig;
tiyak bibigay din
ano mang hinhin
at yumi
ng sinomang dilag
kapag nakatanggap
ng bulaklak kanino man
magbuhat.
Ngunit 
ang masaklap tuwing
katorse ng Pebrero
ang maraming pag-ibig
katulad na lamang ng
petsang dumaraan,
wala nang katapatan
at kadalisayan
mga magkasintahan
pag-ibig dinurumihan
isa't isa'y sinasaktan
at dinudungisan.
Pagmasdan
ating kapanahunan
pilit binibigyang katuwiran
kasalanan at kasamaan
matutunghayan saanman
mga larawan ng kataksilan
wala nang kahihiyan
ipinangangalandakan
mga kapalaluan
sa gitna ng kapangahasang
magmaang-maangan
na wala silang kalaswaan.
Photo by Designecologist on Pexels.com
Alalahanin
at balikan tagpo sa
halamanan 
nang magkasala
una nating mga magulang
sila'y nagulantang
sa kanilang kahubaran
nabuksan murang malay
at kaisipan
nang kainin bawal na bunga
ng puno ng kaalaman 
ng mabuti at masama;
mabuti pa sila noon
nahiya at nagtago
habang ngayon
namamayagpag
sa yabang at kapalaluan
ang karamihan
kanya-kanyang rason
maraming palusot
puro baluktot
at paninindigan
2day
2morrow
4ever
nakalimutang
pag-ibig 
ay panig
sa katotohanan
hindi kasinungalingan;
ang tunay na pag-ibig
hatid ay kaayusan
hindi kaguluhan,
kapayapaan at kapanatagan
hindi takot
at kahihiyan
ang diwa
nitong Valentine's.

Shiminet

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-30 ng Agosto 2024
Larawan mula sa Facebook, 29 Agosto 2024.
Tayong mga Pinoy
hindi mauunahan sa katatawanan
mga biru-biruang makatotohanan
sadya namang makahulugan
sumasalamin sa kasalukuyang
kabulukang umiiral
sakit na kumakalat
lumalason sa lipunan.

Pagmamaang-maangan
ng matataas nating upisyal
sa kanilang mga kasinungalingan
kapalaluang pilit pinagtatakpan
sa kahuli-hulihan kanila ring bibitiwan
sa pananalitang akala'y maanghang
kanilang unang matitikman pain sa simang
silang sumasakmal hanggang masakal; 
nguni't kakaibang tunay si Inday 
hindi nga siya isda, walang hasang
kungdi pusit hatid ay pusikit na kadiliman
tintang itim ikinakalat 
upang kalaban ay marumihan
di alintana kanyang kasamaan
di kayang pagtakpan.
Sa pagtatapos 
nitong buwan ng wika
English pa more
asar pa more
kanyang binitiwan
hanggang maging pambansang
katatawanan nang siya ay mag-slang
"shiminet" na tanging kahuluga'y
"she-may-not-like-my-answer" lamang
ngayon sana kanyang malaman
hindi rin namin gusto
kanyang answer
mga pangangatuwiran
sana'y manahimik na lang
at maghintay sa halalan.
Bago man pandinig ang "shiminet"
matagal na nating ginagamit
upang pagtakpan katotohanan;
mag-isip, laging tandaan
kasinungalingan at kasamaan
ay iisang "puwersa ng kadiliman" at
"puwersa rin ng karahasan"
ng magkakaibigang hangal!

Pahingalay

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-22 ng Agosto 2024
Larawan kuha ng may-akda, Sacred heart Novitiate, Novaliches, QC, 20 Marso 2024.
Halina't magpahingalay
hindi lamang upang mapawi
pagod at hirap
kungdi sarili ay mabawi
sa kawalang kabuluhan
at mga kaguluhan,
pagkawindang mapigilan
kaayusan ng buhay
ay mabalikan;
limang tanong
sana makatulong
upang landas ng
makatuturang buhay
ating masundan:
Larawan kuha ng may-akda sa Alfonso, Cavite, Abril 2024.
"Nasaan ka?"

Kay gandang balikan
nang ang Diyos ay unang
mangusap sa tao,
ito ang kanyang tanong
sa lalaking nagkasala
at nagtago, "nasaan ka?"
Nang maganap unang krimen,
Diyos ay nagtanong din
kay Cain, "nasaan
kapatid mong si Abel?"

"Nasaan" lagi nating tanong
lalo na't sarili ang nawawala
tumutukoy di lamang sa lunan
kungdi sa kalagayan
at katayuan ng sarili
madalas ay sablay
at mabuway;
magpahingalay
upang tumatag at maging
matiwasay.
Larawan kuha ng may-akda sa Camp John Hay, Baguio City, 12 Hulyo 2023.
Susunod na dalawang tanong
ay magkadugtong:
"Saan ka pupunta?" at
"Paano ka makakarating doon?"

Walang mararating
at kahihinatnan
sino mang hindi alam
kanyang pupuntahan
maski na moon na tinitingala
hindi matingnan, magroadtrip
broom broom man lamang!
Muling mangarap
libre at masarap
higit sa lahat
magkaroon ng layon
na inaasam-asam!
Larawan kuha ni Bb. Ria De Vera sa Banff, Alberta, Canada, 07 Agosto 2024.
Nasaan ka?
Saan ka pupunta?
Paano ka makakarating doon?
Ang mga unang tatlong tanong
sa ating pamamahingalay nitong
paglalakbay ng buhay;
ika-apat na tanong naman dapat
nating pagnilayan ay
"Ano aking dadalhin sa paglalakbay?"

Marahil pinakamahalagang
dalhin ang ating sarili
hindi mga gamit
o kasangkapan
dahil kaalinsabay
ng mga dalahin
ay ating mga iiwanan din;
huwag nang magkalat ng gamit
bagkus iwanan ay bakas
ng mabuting katauhan
pagmamalasakit sa iba pang
naglalakbay sa landas nitong buhay!
Larawan kuha ng may-akda, St. Scholastica Spiritual Center, Tagaytay, 21 Agosto 2024.
Ngayo'y dumako tayo
sa huling tanong nitong
pagpapahingalay upang
mabawi ating sarii
di lamang pagod ay mapawi:
"Sino iyong kasama sa paglalakbay
sa buhay?"

Ito marahil pinakamahirap
sagutin maski harapin
dahil problema natin
hindi naman mga nabigong
pangarap at adhikain
kungdi nasira at nawasak
nating mga ugnayan
bilang pamilya
at magkakaibigan;
may kasabihan mga African,
kung ibig mong maglakbay
ng mabilis, lumakad kang mag-isa
ngunit kung ibig mong malayo marating,
magsama ka ng kasabay sa paglalakbay.
Dito ating makikita
diwa at buod ng tunay
na pagpapahingalay
o pagpapahinga:
mula sa salitang "hinga"
ang magpahinga
ay mahingahan ng iba,
mapuno ng iba;
mauubos tayo parang upos
sa dami ng ibig nating
maabot at marating,
huwag mag-atubiling
tumigil,
mamahinga,
magpahingalay
sa Panginoong Diyos
na Siya nating buhay
at kaganapan
na tiyak din nating
hahantungan
sa walang hanggang
pahingalay.
Hayaang Siya
sa ating umalalay
at pumuno ng hininga ng buhay!