Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-02 ng Disyembre 2025
Larawan kuha ng may-akda sa San Fernando, Pampanga, Nobyembre 2021.
Napansin ko lang kakaiba itong kapaskuhang darating: tahimik si Jose Mari Chan at inagawan ng eksena ng mga mandarambong sa pamahalaan at kongreso na hanggang ngayon nagtuturuan, nagtatakipan habang pinagpipilitan ng isang ginang kakasya raw ang limang-daang piso upang makapag-diwang ng noche buena sa bisperas ng Pasko ang pamilyang Pilipino.
Kaya sumagi sa aking alaala pamaskong awiting aking kinalakhan:
Kay sigla ng gabi, ang lahat ay kay saya Nagluto ang ate ng manok na tinola Sa bahay ng kuya ay mayroong litsonan pa Ang bawat tahanan, may handang iba't-iba
Tayo na, giliw, magsalo na tayo Mayroon na tayong tinapay at keso 'Di ba Noche Buena sa gabing ito? At bukas ay araw ng Pasko
Mga ginigiliw, atin nang mapagtatanto sa awiting ito diwa ng Pasko: ating pagsasalu-salo ng mga kaloob na biyaya at pagpapala na sinasagisag ng noche buena ng pagkakatawang-tao ni Jesu-Kristo noong Pasko; ngunit, paano nga kung sa halip na tulungan lalo mga maliliit tugon ng pamahalaan ay bigyan ng presyo natatanging pagsasalo-salo ng Pilipino tuwing Pasko?
Narito naman makabagong awiting pamasko naghahayag na walang tatalo sa Pasko sa Pilipinas:
May tatalo pa ba sa Pasko ng 'Pinas? Ang kaligayahan nati'y walang kupas 'Di alintana kung walang pera Basta't tayo'y magkakasama Ibang-iba talaga ang Pasko sa 'Pinas
May simpleng regalo na si Ninong at si Ninang Para sa inaanak na nag-aabang Ang buong pamilya ay magkakasama sa paggawa ng Christmas tree Ayan na ang barkada, ikaw ay niyayaya para magsimbang gabi
Muli mga ginigiliw sa saliw ng awiting ito madarama natin diwa at tuwa ng Pasko: wala naman sa handang noche buena ito kungdi sa samahan at pagbubuklod ng pamilya at magkakaibigan katulad ng pagkakatawang-tao ni Jesu-Kristo na pumarito upang tubusin tayo sa ating mga kasalanan at mapunan ating kakulangan ng kanyang kaganapan sa pagmamahalan.
Subalit kay hirap maramdaman pagmamahal ni malasakit nino man tulad ng mga nasa kapangyarihan animo mga maligno at impakto ng mga ghost project kaya Biyernes Santo hindi Pasko pakiramdam ngayon ng maraming Pilipino: wala ang mga ginigiliw na ate at kuya may handang iba't-iba dahil sila ay mga nagsipag-OFW na habang ang mga buwitre at buwaya sa Kongreso nagpapasasa sa kaban ng bayan mula sa dugo at pawis ng mga mamamayan na pinagtitiis sa limang-daang pisong noche buena na kahuluga'y "mabuting gabi" nang pahalagahan ng Diyos ang tao sa pagsusugo niya ng Kristo na patuloy sumisilang sa puso ng bawat nilalang tuwing nagmamahalan at nagbabahaginan na pinapaging-ganap sa hapag ng pakikinabang ng Banal na Misa hanggang sa mesa ng bawat pamilya.
Ngunit papaano na kung pera hindi kakasya sa noche buena? Iyan ang masaklap at nakasusuklam ng limang-daang pisong noche buena: hindi ang halaga ng pera kungdi kawalan ng pagpapahalaga nitong nasa pamahalaan sa dangal ng bawat isa lalo ng mga maliliit at aba na sa halip tulungan maka-ahon o maibsan kanilang hirap at gutom sila pa nga ay ibinaon sa presyo na pang galunggong hindi hamon!
Kaya nakakamiss sa gitna ng nakakainis na mga balita si Jose Mari Chan sa kanyang awiting pamasko na maalala nating palagi Sanggol na sumilang sa Bethlehem sa tuwing masilayan mukha ng bawat kapwa nang walang pasubali hindi sa halaga ng salapi!
Whenever I see girls and boys Selling lanterns on the streets I remember the Child In the manger, as he sleeps Wherever there are people Giving gifts, exchanging cards I believe that Christmas Is truly in their hearts
Let's light our Christmas trees For a bright tomorrow Where nations are at peace And all are one in God
Let's sing Merry Christmas And a happy holiday This season may we never forget The love we have for Jesus Let Him be the one to guide us As another new year starts And may the spirit of Christmas Be always in our hearts
Ngayong Pasko marami ang wala maski limang daang piso at marahil itutulog na lang ang noche buena; tayo nawa maging dahilan ng "mabuting gabi" nila upang tunay nilang maranasan pagsilang ng Kristo sa kumakalam nilang tiyan at sikmura.
Larawan kuha ng may-akda sa Dau, Mabalacat, Pampanga, Nobyembre 2022.
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-18 ng Nobyembre 2025
Larawan mula sa starforallseasons.com
Hindi ko po napanood ang pelikulang iyan noong 1982 pero usap-usapan dahil daw sa sobrang ganda lalo ng aming mga mommy at tita na libang na libang sa Betamax. First year college ako noon at sa sobrang sikat ng pelikulang iyan, isang drayber ang nagpinta sa jeepney niyang nasasakyan ko patungong Recto ng signage na “gaano kadulas ang minsan?”
Pero iba po ang kuwento ko sa inyo. Hindi pelikula o pakuwela kungdi sa Bibliya.
Naalala ko ang pelikulang iyan dahil sa Unang Pagbasa sa Misa ngayong araw ng Martes mula sa ikalawang aklat ng Macabeo kung saan ang isang nobenta anyos na Hudyo, si Eleazar ay hinimok ng kanyang mga kaibigan na kunwari ay kumain ng baboy upang hindi siya patayin ng mga paganong mananakop.
Mas gusto ko ang salin sa Ingles nang sabihin ni Eleazar sa kanyang mga kababayan na patayin na lang siya ngayon din kesa magkunwari pa. Aniya ano ang mabuting halimbawa ang maiiwan niya sa mga kabataan kung sa kanyang katandaan ay magtataksil siya sa Diyos sa pagkain ng ipinagbabawal.
“At our age it would be unbecoming to make such a pretense… should I thus pretend for the sake of a brief moment of life, they would be led astray by me, while I would bring shame and dishonor on my old age” (2 Maccabees 6:24, 25).
Ito yung nagustuhan kong sinabi ni Eleazar, should I thus pretend for the sake of a brief moment of life?”
Iyon yung matindi sa sinabi niya, pretend for the sake of a brief moment of life.
Magkukunwari o magsisinungaling ba ako maski minsan sandali sa buhay ko?
Hindi ba kadalasan iyan ang palusot natin mula pa noong panahon nina Eba at Adan marahil? Minsan lang naman titikim… minsan lang naman gagawin… minsan lang naman nagkamali o nagkasala.
Totoo naman minsan-minsan ay sablay ating mga desisyon at nasasabi. Hindi rin maiwasan minsan minsan ang pagkakasala at pagkakamali. Pero, iyon nga ang punto ni Eleazar marahil upang ating pagnilayan, gaano kadalas ang minsan?
Yung minsan-minsan na iyan ang nakakatakot dahil madalas ang minsan katumbas ay wala ng wakas. Minsan ka lang magkamali o magkasala o magkunwari, maaring ikawasak o gumuho at maglaho lahat ng ating mga plano at pangarap na ilang taong pinagpagalan at pinagpagurang mabuti. Kadalasan, marami sa ating mga sablay sa buhay ay dahil lang sa binale-walang minsan.
Mapapatawad tayo ng Diyos sa ating mga kasalanan pati ng ating mga kapwa tao subalit, yung minsang pagkakamali o pagkakasala ay hindi na maibabalik ang dating kaayusan. Madalas yang minsang pagkakamali o pagkakasala ay mayroong tinatawag kong “irreversible consequences”.
Kapag ikaw ay nakapatay o maski nga lang masangkot sa krimen ng murder, siguradong maiiba ang takbo ng iyong buhay. Tiyak iyon, kahit na ika’y matapagtago at hindi makulong dahil habang buhay kang uusigin ng iyong konsiyensiya. Iyang minsan lang na pagkakamali dala ng init ng ulo o kalasingan ay hindi na mababago ng gaano mang kataimtim na pagsisisi dahil hindi na maibabalik ang buhay na nawala.
Ikalawang halimbawa na palagi kong sinasabi sa mga kabataan noon pa man na mayroong irreversible consequences ay ang mabuntis ng wala sa panahon. Patatawarin kayo ng Diyos maging ng inyong mga magulang ngunit kapwa ang babae at lalake maiiba na takbo ng buhay pagkatapos ng minsang pangyayari. Mapanagutan man o hindi.
LAOAG CITY, PHILIPPINES – MAY 08: A dog walks past campaign posters supporting presidential candidate Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. in a residential neighborhood on May 08, 2022 in Laoag City, Philippines. The son and namesake of ousted dictator Ferdinand Marcos Sr., who was accused and charged of amassing billions of dollars of ill-gotten wealth as well as committing tens of thousands of human rights abuses during his autocratic rule, has mounted a hugely popular campaign to return his family name to power. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. enjoys a wide lead in opinion polls against his main rival, Vice President Leni Robredo, owing to a massive disinformation campaign that has effectively rebranded the Marcos dictatorship as a “golden age.” Marcos is running alongside Davao city Mayor Sara Duterte, the daughter of outgoing President Rodrigo Duterte who is the subject of an international investigation for alleged human rights violations during his bloody war on drugs. (Photo by Lauren DeCicca/Getty Images)
Ikatlong halimbawa naisip ko ngayon lang ay ang maling pagboto sa bawat halalan.
Isang lingkod ng simbahan ang nagtanong sa akin na pagtitiisan na lang daw ba natin ang kasalukuyang pangulo gayong sinabi na ng kapatid nitong siya ay adik?
Bagamat batid kong siya ay DDS, pinagsikapan ko pa ring pagpaliwanagan. Sabi ko sa kanya, sila lang ang magtitiis, hindi kami kasi sila lang ang bumoto sa tambalang BBM at Sara noon.
Hindi sila nakinig sa sinasabi at paliwanag nating iba ang kandidato sa pagkapangulo at bise nito.
Ganyan kako ang demokrasya, parang pag-aasawa: hindi ka nakinig sa paliwanag ng iba, tapos nagkamali ka sa iyong pinili – aba, pagtiiisan mo. Minsan ka lang nga gumawa ng desisyon ngunit hindi mo sinuring mabuti ni pinagdasalan, pagdusahan mo. Ganun talaga. Kaya hindi uubra ang pagpapababa sa kasalukuyang pangulo na katulad ng sinasabi ng ilan na magdiborsiyo ang mag-asawa dahil minsan lang nagkamali.
Huwag tayong palilinlang sa minsan. May kasabihan sa Ingles na the devil is in the details: nasa mumunting bagay o detalye ang demonyo na mismong uri ng ating minsan na madalas ituring lang naman.
Pag-aralang mabuti mga bagay-bagay lahat na may kinalaman sa pagpapasya na makaka-apekto sa takbo ng buhay natin. Hindi maaring sabihin minsan lang dahil kung madalas ang minsan-minsan, bisyo na iyan!
Pagnilayan po natin yung minsan… gaano kadalas yung ating minsan na sa atin ay nagpahamak? Salamuch kaibigan. God bless!
Doon sa amin sa lalawigan ng Bulacan mayroong kasabihan "mahiya lang ay tao na."
Totoong-totoo
at napapanahon
ang kasabihang ito
sa dami ng mga tao
ang wala nang kahihiyan
sa pag-gawa ng mga
katiwalian at kasamaan,
sa pagsisinungaling
at lantarang pambabastos
sa ating pagkatao;
marahil ganoon
na nga katalamak
at kakapal ng kanilang
pagmumukha
na hindi na nila alintana
kanilang kahihiyang
kinasasadlakan
na dapat sana'y
itago kahit man lang
pagtakpan kesa
ipinangangalandakan
tila ibig pang ipamukha
sa madla na wala silang
ginagawang masama.
Ang masaklap nating kalagayan sa ngayon ay ang wala nang kahihiyan ng karamihan na higit pang masama sa mga walang-hiya.
Madaling maunawaan matanggap mga walang-hiya kesa walang kahihiyan; kalikasan ng mga walang-hiya ang hindi mahiya ni matakot sa kanilang mga gawaing masama katulad ng mga holdaper, snatcher, kidnapper kasama na mga mambubudol at manunuba sa utang at iba pang mga kriminal; mga walang-hiya sila kaya wala silang mabuting gagawin kungdi kasamaan kaya pilit nating iniiwasan bagamat mahirap silang kilalanin ni kilatisin mahirap iwasan at kapag ika'y nabiktima napapabungtung-hininga ka na lang sa pagsasabi ng "walangyang yun!"
Higit na malala at masama sa mga walangya ang walang kahihiyan: sila mga tinuturing na mararangal sa lipunan, nakaaangat sa kabuhayan, magagara ang tahanan, nagtapos ng pag-aaral sa mga sikat na pamantasan at higit sa lahat, kadalasan laman ng simbahan araw-gabi sa pananalangin ngunit kanilang loobin puno ng kasakiman kaya wala silang kahihiyan magkunwaring banal kahit asal ay gahaman sa salapi at karangalan; ang mga walangya maski papano marunong mahiya mukha ay tinatakpan upang hindi makilala sa gawang kasamaan ngunit itong mga walang kahihiyan ay talaga naman ubud ng kapal mga pagmumukha akala walang nakaaalam sa mga gawa nilang kabuktutan! Labis kanilang kasamaan kaya wala silang kahihiyan maging katawan hinuhubaran ipapakita konting laman upang hangaan kanilang kagandahan; kulay apog sa pagkahambog nasanay na sa mabaho nilang amoy na umaalingasaw habang kanilang pinangangalandakan kanilang inaakalang husay at galing parang mga matsing nakalimutang sa kanilang katalinuhan sila'y napaglalalangan din!
Matatagpuan itong mga walang kahihiyan kung saan-saan di lamang sa pamahalaan kungdi maging sa ating mga tahanan at kamag-anakan na pawang kay hirap pakisamahan dahil nga wala nang kahihiyan mga puso at kalooban namanhid na sa kasamaan at kasalanan kaya't panawagang "mahiya naman kayo" hindi sila tinatablan pakiwari'y walang dapat pagsisihan ni ihingi ng kapatawaran; mabuti pa mga walangya nakokonsiyensiya nagsisisi at humihingi ng tawad ngunit mga walang kahihiyan, wala nang pagkukunan kanilang pagkatao'y naglaho na parang mga ungguy!
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-12 ng Setyembre 2025
Larawan kuha ni G. Aaron Favila ng Associated Press, Barasoain Church, Malolos City, 22 Hulyo 2025.
Hindi ko malaman kung ako ay matutuwa o maluluha sa mga larawang nalathala noong panahon ng pagbaha sa aming lalawigan ng Bulacan; kamangha-mangha aming pananampalataya nagpapatuloy mga pagdiriwang ng sakramento lalo na ang kasal kahit lumusong sa baha nagsisimba at paring nagmimisa parang eksena sa pelikula pagmamahalan ng mga magsing-ibig pananalig kailanma'y hindi padadaig sa buhos ng ulan bumaha man.
Nang sumabog na parang dam mga balita ng scam ng flood control program sa lalawigan ng Bulacan, galit at pagkainis aming naramdaman itong mga pagbaha pala ay kagagawan ng kasakiman ng mga halimaw sa kagawaran kakutsaba sa kasamaan mga pulitiko at contractor habang mga mamamayan walang mapuntahan sa araw-araw na lamang malapit nang maging aquaman kalulusong sa baha alipunga hindi na nawala.
Larawan kuha ni G. Aaron Favila ng Associated Press, Barasoain Church, Malolos City, 22 Hulyo 2025.
Isang bagay
ang aking pinagtatakhan
noon pa man
siya ko nang katanungan:
ano ang pahayag
nitong ating simbahan
sa malaswa at malawak
na sistema ng nakawan
na nasentro sa Bulacan
lalo't higit
unang naapektuhan
maraming mga simbahan?
Nasaan ating tinig
at pagtindig
laban sa katiwaliang ito
na matay mang isipin
kay hirap ilarawan
maski paniwalaan!
Mayroon bang kinalaman nakabibinging katahimikan pag-Hermano at pag-Hermana ng mga nasa pulitika dahil sila ang mapera handang gumasta sa mga kapistahan dahil kanilang pakiramdam banal na kalooban ng Diyos kanilang sinusundan kaya naman sila ay pinagpapala at pinayayaman sa patuloy na donasyon sa simbahan habang kapwa ay ginugulangan pinagsasamantalahan?
Masakit man sabihin at mahirap aminin itong mga ghost projects at korapsiyong ating kinasasadlakan ay atin din namang kasalanan at kagagawan sa patuloy na pagboto sa mga bulok na kandidato na sumasalaula sa ating lipunan; tumitindi ang kasamaang ito sa tuwing mga politiko at mga kawaning ganid ang parating nilalapitan upang hingan ng lahat ng pangangailangan sa simbahan maski libreng tanghalian na walang kinalaman para sa ating kaligtasan!
Larawan mula sa Facebook post ni Dr. Tony Leachon, “KLEPTOPIROSIS: When Corruption Becomes a Public Health Crisis”, 08 Agosto 2025.
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-02 ng Setyembre 2025
Larawan kha ng may-akda, 2024.
Tayong mga Pinoy ay mayroong nakakatawang kaugalian ng pagkahumaling masyado sa ating upuan. O silya. O kung ibig ninyo ay salumpuwit sa malalim na salin sa ating wika.
Mula sa ating mga tahanan hanggang sa simbahan at silid-aralan, sa mga sasakyan, mayroon tayong mga paboritong upuan na atin nang inangkin na sariling puwesto, hindi puwedeng upuan ng iba. Sa jeep at bus, lahat gusto sa may estribo. Ganun din sa LRT/MRT. At maski sa eroplano kaya nakakahiya sa mga paliparan sa abroad ang mga kababayan natin na nag-uunahan kapag boarding time na gayong mayroon namang ticket ang bawat isa! Sa sinehan man ay ganoon din. Hindi mo malaman kung likas na tanga o maarte lang na ayaw sundin kinuhang number ng upuan kasi gusto pala ibang puwesto.
Larawan mula sa Pexels.com
Likas marahil ito sa lahat ng tao bunsod ng sinasaad na kapangyarihanng bawat upuan na tinagurian ding luklukan o trono. Hindi man natin aminin, kapangyarihan ang dahilan bakit lahat sa atin ay ibig maupo malapit sa pintuan ng silid at ng sasakyan: hindi lamang para mabilis na makaalis kungdi upang wala ring makapigil na maliwanag na simpleng pagsasaad ng ating ambisyong maging boss na palaging nasusunod maski saan.
At siyempre, ang malalim at mabigat na dahilan ng ating pagkahumaling sa puwesto ng upuan ay ang kapangyarihan at katanyagang dala nito. Kung hindi ka man nasa kabisera na tinuturing siyang puno ng pagdiriwang, hangga’t maari ibig natin ay makadikit sa nakaluklok sa puwesto ng kapangyarihan. Kaya chairman ang pinuno ng ano mang samahan o komite, taglay ay pawang kapangyarihan. Pagmasdan gaano tiisin kanilang almoranas ng mga pulitiko at sabik sa puwesto basta manatiling naka-upo sa puwesto hindi sa paglilingkod kungdi para sa kapangyarihan at kayamanang kaakibat ng bawat posisyon. Suma total, sa upuan nararamdaman natin pagiging hari at reyna, pagiging panginoon at makapangyarihan. Wika nga sa Inggles ay “driver’s seat” – kung sino may hawak ng manibela siya masusunod kung saan pupunta.
Naalala ko lang… noong mga bata pa kami kapag sumasakay ng taxi, palaging sinasabi ng aming ama sa pagbibigay ng direksiyon sa drayber ay silya at mano. Silya kung liliko sa kaliwa dahil ang silya o upuan ng kutsero ay nasa kaliwang bahagi ng kalesa; liliko naman sa kanan kapag sinabing mano na Kastila sa “kamay” dahil hawak ng kanang kamay ng kutsero ang latigo o pamalo sa kabayo para lumakad o tumakbo at huminto. Kaya noon pa man maski sa kalesa, ang silya ay nagpapahiwatig na ng kapangyarihan!
Larawan kuha ni Sarah-Claude Lu00e9vesque St-Louis sa Pexels.com
Hindi masama ang kapangyarihan kung ito ay ginagamit sa kabutihan. Alalahanin tayo bilang tao ay binahaginan ng Diyos ng kanyang kapangyarihan upang malinang ang daigdig at matulungan ating kapwa.
Kaya nang pumarito si Jesus, palagi niyang nililiwanag ang aspektong ito ng ating buhay, ang wastong pag-gamit sa ating kapangyarihan na pakikibahagi lamang sa otoridad ng Diyos.
Doon sa kanyang Huling Hapunan ipinakita ni Jesus ang tunay na kahulugan ng ating “seating position” nang siya ay tumindig at hinubad ang kanyang panlabas na damit upang hugasan mga paa ng kanyang mga alagad. Ang gawaing iyon ay para lamang sa mga alipin ngunit ginampanan ni Jesus upang makintal sa ating mga isipan at kamalayan na ang buhay ay wala sa ating upuan kungdi nasa paninindigan.
Larawan mula sa commons.wikipedia.org, painting ng paghuhugas ng mga paa ng alagad ni Jesus doon sa Monreale Cathed, Isla ng Sicily.
Para kay Jesus, hindi mahalaga kung saan ka nakaupo, kung ano ang iyong posisyon at kapangyarihan. Ang pinakamahalaga sa Panginoon ay kung saan tayo nakatindig o nakatayo, kung tayo ba ay maninindigan katulad niya para sa kabutihan, katotohanan at katarungan.
Bisperas ng Paskuwa. Alam ni Jesus na dumating na ang panahon ng kanyang paglisan sa sanlibutang ito upang bumalik sa Ama. Kaya’t nang sila’y naghahapunan, tumindig si Jesus, naghubad ng kanyang panlabas na kasuutan, at nagbigkis ng tuwalya. Pagkatapos, nagbuhos siya ng tubig sa palanggana, at sinimulang hugasan ang paa ng mga alagad at punasan ng tuwalyang nakabigkis sa kanya.
Nang mahugasan na ni Jesus ang kanilang mga paa, siya’y nagsuot ng damit at nagbalik sa hapag. “Nauunawaan ba ninyo ang ginawa ko sa inyo?” tanong niya sa kanila. “Tinatawag nin yo akong Guro at Panginoon, at tama kayo, sapagkat ako nga. Kung akong Panginoon ninyo at Guro ay naghugas ng inyong mga paa, dapat din kayong maghugasan ng paa. Binigyan ko kayo ng halimbawa at ito’y dapat ninyong tularan” (Juan 13:1, 4-5, 12-15).
Para kay Jesus, ano mang posisyon o katungkalan ay para sa mapagmahal na paglilingkod sa kapwa (loving service to others). Kaya naman tinagurian ding “Maundy Thrusday” ang Huwebes Santo – mula sa salitang Latin na kautusan o mandatum – dahil noong gabing iyon nang ibigay ni Jesus ang kanyang utos ng pagmamahalan sa kanyang mga alagad. Ang sino mang tunay na nagmamahal tulad ni Jesus ay palaging nakatindig at naninindigan para sa minamahal. Walang tunay na nagmamahal nang naka-upo lamang, pa sitting pretty wika nga.
Larawan ng mga upuan sa loob ng Senado, marahil malambot at komportable habang karamihan ng mga kababayan natin nagtitiis sa matigas at marahil lumang upuan nila sa bahay. Kuha ni Avito Dalan ng Philippine News Agency, Mayo 2025.
Ito ang trahedya natin sa Pilipinas. Napakaraming nakaluklok sa iba’t-ibang upuan ng kapangyarihan ngunit hanggang ngayon ay kulelat pa rin tayo bilang bansa dahil wala namang tunay na naninindigan at nagmamahal sa bayan.
Pagmamahal sa sarili ang namamayani sa halos lahat. Kaya naman ang puwesto ay hindi sa paglilingkod kungdi sa pangsariling kapakanan ng mga nakaupo na palaging panig sa mga mayayaman at makapangyarihan. Pawang pakitang-tao lamang mga pagtulong sa maliliit at mahihirap ng maraming nakaupo saan mang puwesto maging mga dating nasa media na nang matikman tamis ng pulitika, lumabas kanilang tunay na kulay.
Palaging katabi ng upuan ay pera kaya naman sa halos lahat ng mga sala ng mga hukom mula Korte Suprema hanggang sa mga munisipyo, maraming kaso inuupuan na tanging katarungang mithi ng mga inapi hindi pa makamtan. Gayon din sa mga ahensiya ng pamahalaan. Puro pasarap sa puwesto mga bossing, naghihintay lamang ng lagay at pabuya kaya kulang at kulang pa rin mga buwis na pinapataw sa mga ordinaryong mamamayan.
At siyempre, hindi magpapahuli ang mga nasa rurok ng luklukan ng kapangyarihan – ang Malacanang at ang Kongreso na alam naman ng lahat ang matagal nang siste ng talamak na korapsiyon.
Ano pa ang ating aasahan kung nakapasok na sa sistema ng pamamahala ang mga mandarambong at sinungaling na pulitiko sa palasyo, kongreso at senado, kapitolyo at munisipyo pati na rin mga munting barangay hall? Sa gara at lambot marahil ng kanilang mga upuan, wala nang upisyal ang ibig tumindig at maninindigan liban sa iilan para sa katotohanan, kaayusan, katarungan at higit sa lahat, para sa bawat mamamayan.
Kailan kaya darating ang panahon na matupad ang sinabi ng Panginoong Jesus na ang “nagpapakataas ay ibaba, at ang nagpapakababa ay itataas” (Lk. 14:11)?
Marahil kapag tumugon na rin tayong lahat sa kanyang panawagang manindigan sa pagtayo mula sa ating komportableng upuan ng kawalan ng pakialam sa lipunan, hindi nasusuhulan lalo na kung halalan. Marahil kapag tumugon na rin ang sambayanan sa panawagan ni Jesus na gumising at tumindig sa paanan ng kanyang Krus upang kasama niya tayong masaktan, masugatan, at mawalan ng lahat para sa tunay na pagpapanibago.
Hangga’t pinipili natin ang masarap na upuan ng kawalang-pakialam sa mga kasamaang umiiral, darating ang panahon hindi na rin tayo makatatayo upang manindigan dahil sa pagkabaon at hindi na tayo makaahon pa sa gulo at pagkawasak sa ating lipunan. Huwag natin iyang payagang mangyari kaya’t makiisa sa mga talakayan at higit sa lahat manalangin para sa paninindigan at kabutihan. Amen.
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-27 ng Agosto 2025
Larawan mula sa Philstar.com, 2019.
Mayroon pa bang biyaheng EDSA na patungong kalayaan karangalan kaisahan kaayusan at kaunlaran para sa sambayanan at hindi ng iilan?
Mayroon pa bang biyaheng EDSA marangal ang kalsada puno ng pangarap mabuting adhika hindi ng makakapal na usok na nakakasulasok parang bangungot hindi makagalaw ayaw nang umusad dahil sa makikitid na isipan at pananaw nabulok at nalugmok sa karumihan at kaguluhan dahil sa pagkagahaman sa salapi at kapangyarihan? Nasaan na mga kagaya nina Cory Aquino at Butz Aquino, Joker Arroyo at Rene Saguisag na laang mag-alay ng sarili sa bayan? Wala na bang an officer and a gentleman ang militar tulad ni Gen. Fidel Ramos? Wala na rin yata ang katulad ni Jaime Cardinal Sin na nanindigan bilang mabuti at matapang na pastol noon di tulad ngayon mga obispo at pari walang kibo dahil abala sa mga pista na ang mga hermano at hermana mga pulitiko sa pangunguna ng governor at mga contractor!
Larawan mula sa Philstar.com 2019.
Mayroon pa bang magbibiyahe sa EDSA dahil ibig ko pa ring sumama; higit pa sa lunan itong EDSA na kanlungan at duyan ng ating makabagong kasaysayan dapat panatilihin sa ating puso at kalooban pagsumakitan pa ring makamtan tunay na kalayaan mula sa kasamaan upang malayang magawa makabubuti sa karamihan sa sama-samang pagtutulungan hindi nang paglalamangan dahil ang higit na katotohanan ang EDSA ang sambayanan na sawimpalad ay palaging kinakalimutan, tinatalikuran nating lahat na mga mamamayan kaya magulung-magulo.
Larawan mula sa wikipedia.org.
Aming Ama sa langit ikaw ang Diyos ng kasaysayan wala kang niloloob kungdi aming kabutihan; aming dalangin ituro sa amin ang daan pabalik sa EDSA maski dahan-dahan tangan tangan Krus ni Kristo kaisa ang Mahal na Inang Maria. Amen.
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-24 ng Hulyo 2025
Larawan kuha ni Maria Tan ng ABS-CBN News, 24 Hulyo 2024 sa P. Florentino Street, Quezon City.
Pangunahing problema tuwing bumabaha ang napakaraming dala nitong “layak” o basura dala ng baha at ng dagat.
Ngunit mayroong higit na marumi at masamang uri ng layak na dulot ng pagbaha. Hindi ito mga bagay na tinatapon sa kapaligiran na bumabara sa maraming kanal at daanan ng tubig kaya bumabaha. Katulad ng mga basurang nagkalat tuwing bumabaha, ang mga layak na ito ay kagagawan din nating mga tao – ito ang sobrang gamit ng cellphone at babad sa social media.
Madalas hindi natin alintana masamang dulot sa ating katauhan ng cellphone at iba pang gadgets na siyang kasangkapan natin upang malulong sa bisyo ng social media. Maraming nang pag-aaral na isinagawa sa pinsalang dulot ng sobrang gamit ng mga gadgets lalo na sa mga bata kaya ilang mauunlad na bansa sa Europa ang mayroong nang mga batas na ipinagbabawal ang mga cellphone sa paaralan.
Ayon sa mga dalubhasa, nakaka-manhid ng pagkatao ang sobrang gamit ng mga gadgets at pagkabantad sa social media. Mayroong kasabihan sa Inggles na “the medium is the message” na buhat sa yumaong Canadian communication expert na si Marshall McLuhan.
Walang tahasang salin sa ating wika ang kanyang pahayag na nagsasaad na ang tao ay nahuhubog ng kasangkapang palagi niyang ginagamit. Katulad ng cellphone kapag sobra ang paggamit nito kaya marami ngayon ang makasarili. Hindi iyang maikakaila lalo sa tahanan na kapag tinawag mga bata upang utusan, ang sagot parati ay “wait” o maghintay kasi mayroong ka-text o mayroong nilalarong game. Higit sa lahat, kitang-kita ang masamang epekto ng cellphone sa katagang selfie na hindi malayo ang tunog at kahulugan sa Inggles na selfish.
Una ko ito napansin noong 2012 habang ako ay nasa parokya at pumupunta sa mga may-sakit at naghihingalo upang magpahid ng Banal na Langis. Matay ko mang isipin – ano nasa puso at kalooban ng isang anak na sa halip na malungkot at magdasal kung naghihingalo ang kanyang ina o ama, ang unang ginagawa ay buksan ang cellphone upang irecord aming pagdarasal? Nang malipat ako bilang kapelyan ng isang pagamutan, ganoon din ang palagi kong nasasaksihan kaya naman ginawa ko nang personal na adbokasya na sabihan mga bantay ng pasyente na bawal ang cellphone tuwing sick call. Mariin kong sinasabihan, minsan ng mga kasamang nurse ang mga bantay ng pasyente malubha man o hindi ang karamdaman na samahan ako sa pagdarasal para gumaling ang may sakit kesa sila ay magkuha ng larawan o video.
Ang masakit nito, pagkatapos kong pahiran ng langis ang pasyente, sasabihan ko mga bantay na mag-rosaryo at saka sila matutulala kasi wala silang rosaryo at ni hindi marunong mag-rosaryo, kabataan man o matanda! Sa pagkakataon na iyon tinuturo ko kabutihann ng cellphone: buksan ninyo ika ko ang YouTube tapos hanapin “how to pray the rosary” at sundan nila iyon upang madasalan kanilang may-sakit o naghihingalong mahal sa buhay.
Gayon din sinasabi ko tuwing magbabasbas ako ng sasakyan o tahanan: itago ninyo inyong mga cellphone at samahan ako na magdasal sa pagbabasbas. Sa halip na magpicture o magvideo wika ko sa mga may-ari ng bahay at sasakyan, magdasal tayo para higit kayong pagpalain.
Sa sobrang cellphone, marami hindi na hababatid ang realidad, ang katotohanan ng kapwa at kapaligiran. Kaya naman hindi na rin masyadong nakapag-iisip at minsan nakakasakit ng damdamin sa mga sinasabi at ginagawa.
Katulad nitong isang vlogger kamakailan nang kasagsagan ng ulan at pagbaha nang sabihin sa kanyang post na sa mga ganitong panahon makikita ang kainaman ng paninirahan sa condominium. Wala aniyang baha at tulo sa mga kisame kaya mahimbing kang makakatulog at pagkatapos ay kakain at manonood ng Netflix. Binatikos ng mga netizens kanyang pagiging insensitive sa kanyang post na di alintana ang maraming mga stranded at lumusong sa baha habang higit pa rin maraming kababayan natin ang ni walang masilungang sariling tahanan na madalas ay puro tulo tuwing tag-ulan.
Mabuti at humingi na ng tawad ang naturang vlogger habang kanyang niliwanag na kaisa siya sa paghihirap ng marami ngayong panahon ng pagbaha dahil aniya, lumaki siya sa mga bahaing lugar ng Valenzuela at Malabon.
Maraming pagkakataon na walang masamang intention ang mga vloggers sa kanilang mga posts; manapa’y, mabuti naman talaga ang kanilang layunin sa kanilang mga inilalabas na content. Subalit hindi po sapat na dahilan ang mabuting layunin sa ano mang gawain dahil wika nga ni San Agustin, “the road to hell is paved with good intentions.”
Mula sa Facebook, 22 Hulyo 2025.
Parang ganito ang nangyari kahapon sa Calumpit, Bulacan – ang tila kawalan ng sensitivity ng kanilang lokal na pamahalaan sa pa-raffle na “E-Ayuda” na kung saan hinikayat ang mga nasalanta ng pagbaha ay magpadala ng kanilang selfie habang nasa loob ng binaha nilang tahanan.
Ano nga kayang pag-iisip nila sa pagtulong na ito? At sa kabila ng maraming pagbabatikos, itinuloy pa rin ang raffle na inere ng live sa Facebook kung saan ang background ay ang malaking imahen ng Mahal na Birheng Maria na marahil noon ay lumuluha sa kapighatian. At kahihiyan.
Hindi natin kinukuwestiyon kabutihan ng kanilang mayora. Maaring siya nga ay matulungin subalit ang kanyang pamamaraan ay sadyang nakakalungkot. Kung anong lalim ng baha sa Calumpit, tila siyang babaw yata ng kanilang pamamaraan ng pagtulong.
Ang higit na malungkot sa kanilang e-Ayuda raffle ay ang matinding pagsuporta at pagtatanggol ng mga taga-Calumpit sa mayora nila. Mababasa sa threads ng diskusyon na wala silang nakitang mali sa ginawa ng kanilang mabuting mayora. Higit sa lahat, anila, huwag makialam ang mga hindi naman taga-roon. Wala daw tayong pakialam dahil hindi natin dama kanilang kalagayan.
Mula sa Facebook, 21 Hulyo 2025.
Iyan ang sinasabi kong masamang epekto nitong sobrang cellphone at social media na nagiging manhid o insensitive tayo sa iba. Iyan ang pinakamababang uri ng isang selfie. Wala daw tayong pakialam sa kanila. Ewan ko kung mayroon pang bababa doon? Sana ay wala na at magising tayo sa katotohanan ng ating pagkatao na mayroong dangal na siyang dapat itanghal sa lahat ng pagkakataon.
Nakakalungkot na isipin na naging manhid na tayo at tila di na dama pagkatao ng kapwa sa panahong ito. Ang pinakamasaklap nito, ang buhay ng tao parang naging showbiz na lamang o isang palabas na dapat panoorin.
Hindi palabas ang buhay kungdi paloob kung saan naroroon ang kabutihang-loob kaya mayroong utang na loob na palaging tinitingnan at tinatandaan. Kapag puro tayo palabas, mawawala na saysay ng buhay at katauhan ng bawat isa. Kaya marahil ganyan nangyayari sa atin ngayon, kanya-kanyang pasikat at pasiklab para sa katanyagan at aminin natin, pera pera na nga lang ang buhay ngayon sa karamihan.
Pagmasdan itong layak at basurang lumalaganap lalo kung panahon ng kalamidad at sakuna na kung saan inuuna ng karamihan ang buksan kanilang cellphone upang kunan o i-video mga nasalanta o naaksidente sa halip na tulungan muna. Maraming nakakalimot na ang mga pinakamahahalagang bagay sa buhay natin ay hindi maaring makita at ni hindi rin kayang ipakita sapagkat ang mga ito ay nakaukit doon sa ating puso at kalooban.
Ang mga higit na mahalalaga sa atin bilang tao ay dinarama sa kalooban. Wala ito sa panlabas nating anyo kaya naman dapat higit nating pangalagaan at ingatan ang bawat tao na nalikhang kawangis at kalarawan ng Diyos na hindi nakikita. Ito ang sabi ng minamahal na alagad ni Jesus, “Walang taong nakakita sa Diyos kailanman, ngunit kung tayo’y nag-iibigan, nasa atin siya at nagiging ganap sa atin ang kanyang pag-ibig” (1 Juan 4:12). Nawa maging tunay ating pagmamahalan at malasakit sa isa’t isa maski hindi nakikita. Basta nadarama. God bless po sa inyo!
Lawiswis Ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-03 ng Hunyo 2025
Marahil inyo nang napakinggan ang nakakaaliw na rap music na Eba’t Adan. Kahit saan maging sa simbahan lalo na sa social media pinaguusapan, pinakikinggan, binabanggit ang hiphop na ito.
Eba't Adan Eeba't Adan Eba't Adan Eeba't Adan Alam mo ba (Alam mo ba) Mahal mo na (Mahal mo ba) Wala tayong magagawa Mahal mo na Eba't Adan Eeba't Adan...
Nakakaaliw ang saliw ng tugtugin at mga titik na paulit-ulit lang naman. Sa aking pagsasaliksik, mayroong iba’t ibang version ang naturang rap music ngunit iisa lang ang sinasaad nitong lahat kaya marahil naging trending at viral – ang kapangyarihan ng pag-ibig. Wika nga ni Francisco Balagtas, “O pag-ibig kapag pumasok sa puso ninoman, ang lahat ay hahamakin masunod ka lamang”.
At iyon nga kasi itinakda noon pa man kina Eba at Adan. Kaya daw wala ka nang magagawa sabi ng rap.
Pero, teka… talaga bang wala nang magagawa kapag ikaw ay tuluyang nahulog na sa pag-ibig gaya ng sinasaad ng hiphop na Eba’t Adan?
Larawan kuha ng may-akda sa Nagsasa Cove, San Antonio, Zambales, Oktubre 2024.
Sa isang version na aking pinakinggan, binabanggit doon hindi lamang pag-ibig ng lalake sa isang babae kungdi pati pag-ibig ng lalake sa kapwa lalake at ng babae sa kapwa babae.
Ganun din ba ang ating tugon kung ikaw ay umibig sa iyong pinsan o kamag-anak? Paano kung ang iyong iniibig ay mayroon nang asawa o pareho kayong may asawa? Eba’t Adan, E-Eba’t Adan wala ka nang magagawa?
Dito makikita natin na hindi ganoon kasimple ang pag-ibig. Hindi lahat ng pag-ibig ay tama tulad nang sa mga kapwa lalake at kapwa babae, sa mga may asawa na at maging sa mga pari at relihiyoso. Mayroong disordered love na kung tawagin sa Inggles. Ito yung maling pagmamahal hindi lamang sa kapwa tao kungdi maging sa mga hayop at gamit na labis nating pinahahalagahan kesa sa Diyos.
Maliwanag ang turo ni Jesus: ang pag-ibig na tunay ay palaging naka-ugat at may kaisahan sa Diyos na siyang pag-ibig mismo! Kasabay nito, naroon ang napakagandang pagninilay at paglalahad ni San Pablo ukol sa pag-ibig na matatagpuan sa Unang Sulat sa mga Taga-Corinto, kapitulo trese.
Alalahanin din na hindi lamang damdamin ang pag-ibig kungdi isang desisyon o pagpapasya kasi, feelings are sometimes high, sometimes low. Hindi weather weather lang ang pag-ibig. Ito ay desisyon gaya ng inawit nina Ben&Ben:
Mahiwaga Pipiliin ka sa araw-araw Mahiwaga Ang nadarama sa'yo'y malinaw.
Bagaman nagsisimula sa damdamin bilang attraction ang pag-ibig, kailangan itong lumago at lumalim. Kailangan mag-mature ang pag-ibig kaya ito ay nililinang sa pananalangin at wastong pag-iisip.
Mahiwaga ang pag-ibig ngunit hindi naman wala kang magagawa. Bagkus, malaki nga ang ating magagawa para sa pag-ibig ay yumabong at mamunga ayon sa turo ni Jesus tulad ng paglimot sa sarili. Ang pag-ibig ay palaging papalabas at hindi pakabig, hindi makasarili. Ang totoong sukatan ng tunay na nagmamahal ay kapag kaya mo nang ibigin ng higit sa iyong sarili ang ibang tao.
Kay sarap ugatin na ang isa pang kataga na gamit natin sa pag-ibig ay pagmamahal na mas ibig kong ginagamit lalo na sa pagkakasal. Iyon kasing pagmamahal ay paglevel up ng pag-ibig na kadalasan ay mababaw pa ang kahulugan tulad ng kapag sinabig “ano ibig mong sabihin o kainin?”
Ang pagmamahal ay nagsasaad ng pagpapahalaga kaya mahal ang presyo ng isang bilihin dahil ito ay mahalaga. Ang pag-ibig na tunay gaya ng pagmamahal ay pagpapahalaga sa minamahal na handang limutin ang sarili hanggang kamatayan.
Larawan mula sa The Valenzuela Times, 02 July 2024.
Ang taong nagmamahal ay palaging nagpapahalaga. Iyon ang masaklap at masakit na nangyari noon kina Eba’t Adan nang sila ay magkasala dahil tumanggi silang pahalagahan ang Diyos higit sa lahat.
Kaya naman sa madaling salita, ang kasalanan ay isang pagtanggi na magmahal kasi mas pinahahalagahan ng nagkakasala ang kanyang sarili kesa ibang tao lalo na ang Diyos. Iyon ang kapalaluan o kayabangan na sa Inggles ay pride.
Itinuturing na pride ang naging kasalanan nina Eba’t Adan dahil hinangad nilang maging Diyos, hindi lang makatulad ang Diyos. Ayon kay Sir Cecil B. De Mille, and direktor ng pelikulang The Ten Commandments noong 1956, ang palaging nilalabag na utos ng Diyos ng mga tao ay ang unang utos na huwag magkakaroon ng ibang Diyos maliban sa Kanya. Paliwanag ng batikang direktor, tuwing tayo ay nagkakasala, mayroon tayong ibang Diyos na sinusunod.
Kaya nakapagtataka rin naman itong mga LGBTQ na ipinagmamalaki pa ang kanilang pagdiriwang na Gay Pride ngayong buwan ng Hunyo. Bakit kailangang ipagmalaki ang “pride” gayong masama kadalasan ang kahulugan niyon?
Dalawang bagay ang sinasaad ng pride, maari itong positive na mabuti at banal o negative kaya ito ay mali at kasalanan. Yung positive pride kung tutuusin ay kapakumbabaan na kung saan kinikilala natin ng may karangalan at pagmamalaki sa tamang paraan ang ating katayuan na nilalang ng Diyos bilang lalake o babae. Ito yung wastong pride na sumasalungat sa linya at excuse parati na “ako’y tao lamang na mahina at makasalanan.” Bagaman hindi tayo perpekto, tayo ay bukod tanging pinagpala ng Diyos ng mga katangian at kakayahan upang lubos na makibahagi ng buhay ng Diyos.
Subalit hindi iyong ikalawang uri ng pride na mali at dapat iwasan dahil sa bahid at dungis ng kapalaluan at kayabangan. Ito ang dahilan kaya pride ang una sa lahat ng pitong capital sins. Ito yung pride na ipinagpipilitan ang sariling kagustuhan kahit na ito ay hindi ayon sa katotohanan, sumasalungat maski sa Diyos at lahat maipilit lamang ang sarili. Ito yung pride na kasalanan nina Eba’t Adan dahil ipinagpilitan nila kanilang sarili na maging Diyos din gayong hindi naman maaring mangyari.
Mula sa Facebook ng Ateneo De Manila University, 02 Hunyo 2025.
Kaya mahirap maunawaan at tanggapin itong laganap tuwing buwan ng Hunyo bilang Pride Month ng mga kasapi sa LGBTQ. Kailangan bang ipagmalaki at ipangalandakan kanilang sariling kagustuhan?
Hindi lamang binabago kanilang kasarian kungdi pati balarila sa wikang Inggles, mga gawi at mga pananaw sa mundo. Hindi po kasalanan maging bakla o tomboy. Nangyayari ito bunsod ng maraming kadahilanan ngunit sa kahuli-hulihan, isa ring itong pagpapasya o pagpili – choice – na ginagawa ng may katawan. Lalake pa rin o babae na mayroong homosexual tendency ayon sa Katesismo. Ang maliwanag na masama mula sa Banal na Kasulatan ay ang pagtatalik ng kapwa lalake at kapwa babae. Iyan, noong pang panahon nina Eba’t Adan ay masama at ipinagbabawal na.
Hindi mababago ang pagkatao kung papalitan ang ari at iba pang bahagi ng katawan ng tao dahil ang kasarian ay kabuuan ng pagkatao. Hindi mababago ang kabuuan kung babaguhin lang ang isang bahagi. Hindi naman gamit ang tao na maaring palitan ang piyesa tulad ng mga sasakyan at iba pang kasangkapan.
Ang maling pag-ibig kailanman ay hindi maghahatid ng kaganapan kanino man dahil malinaw na ito ay makasarili – selfish – isang pagpapahayag ng pride o kapalaluan na masama at kasalanan.
Ito ba ang ibig mangyari ng mga LGBTQ? Batay sa marami nang pag-aaral wala din namang mga nagpabago ng ari o nagpasame sex marriage ang tunay na nakatamo ng kaganapan at katuwaan sa buhay. Marami sa kanila ang malungkot at bigo batay sa mga pag-aaral.
Larawan mula sa sunstar.com.ph kung saan nag-viral noong isang taon ang pagpapatayo sa isang waiter upang turuan ng gender sensitivity matapos tawaging “Sir” ang isang celebrity na LGBTQ sa mall.
Pero mayroong magagawa. Kaya sinugo ng Diyos ang Kanyang Bugtong na Anak na si Jesus, ang Kristo. Ipanakita at ibinigay niya sa atin ang mga kinakailangang biyaya at grasya upang tayo man ay makapagmahal nang tunay katulad niya.
Nasa atin ang biyaya na magmahal ng tunay kung saan ay ating makakayang limutin ang sarili para sa mas mahalagang layunin, ang kaisahan sa Diyos (communion) na siyang paraan upang matamo natin ang kaganapan o fulfillment na higit pa sa kasiyahan at tagumpay sa buhay.
Ang pagmamahal gaya ng ating nasabi na ay hindi pakabig kungdi palaging papalabas ang tungo, mapagbigay at mapagparaya.
Mahirap talagang magmahal ng tunay ngunit hindi maaring sabihing wala tayong magagawa. Diyos na ang gumawa ng lahat upang tayo ay makapagmahal ng tunay. Makikibahagi at makikiisa o cooperate lamang tayo sa Kanyang biyaya.
Una ay tanggapin ang katayuan natin sa buhay bilang lalake o babae o bakla o tomboy; may-asawa o hiwalay; may sinumpaang pangako na hindi mag-aasawa tulad ng mga pari at madre at relihiyoso.
Huwag ipilit ang hindi naayon sa nature natin bilang tao. Marami nang mga bakla lalo sa showbiz ang nagsabing hindi kinakailangan ang mga gay pride na ito dahil tanggap nila katauhan nila. Ano mang hindi natural at tunay ay hindi makapaghahatid sa atin sa kaganapan at kagalakang tunay.
Isang biyaya na nakakaligtaan sa panahong ito na tila lahat na lang ibig ang relasyon kahit sa murang edad ay ang dalisay na pagkakaibigan o true friendship na nagpapahiwatig ng ibang mukha ng pagmamahal na nakapagpapaging-ganap at kasiya-siya ding tulad ng pag-aasawa. Ibang antas ito ng pagmamahal at ugnayan na biyaya din ng Diyos kung bukas sana ang ating puso at kalooban sa kanya at di lamang sa ating sariling kagustuhan.
Bilang pangwakas, ibig kong iwanan ang isang katotohanan hindi pansin ng karamihan ngayong panahon ng social media: mabuti pa sina Eba’t Adan nang magkasala, sila’y nahiya at nagtago sa Diyos. Bakit ang mga tao ngayon bukod sa hindi na nahihiya sa kasalanan at kasamaan, ipinagmamalaki pa lalo na sa social media? Sabi nga ng matatanda, ang mahiya pa lamang ay pagpapakatao na. Ano kaya tingin sa atin ngayon nina Eba’t Adan? Siguro, hiyang hiya na sila sa atin.
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-22 ng Mayo 2025
"Sunrise, fried rice
Sunset, pancet!"
ang aking laging sambit
ngunit ang aking favorite
ay sunrise
maski wala nang
fried rice kasi maaga
akong gumising;
sa mga "madrugeño"
na katulad ko (early riser
sa wikang Kastila),
mayroong kakaibang alindog
itong pagbubukang liwayway
kung saan ang liwanag ay unti-unting
sumasagitsit na kahit hindi mo
tanaw ang araw
banaag ang buhay
saan ka man lumingon
mayroong sorpresa;
kakaiba ang dapit-hapon
na palaging inaabangan
sa makukulay na tila isang palabas,
sa pagsikat ng araw
papalaoob ang landas na
tinatahak
kayat hindi lamang
ito tinitingnan kungdi
dinarama sa kalooban.
Kaunti lamang marahil ang nagpapahalaga sa pagbubukang-liwayway bukod sa mahirap gumising ng maaga, walang masyadong nakikita ngunit narito ang ganda at hiwaga ng bawat umaga: kinikilala ito katulad ng isang bagong kakilala, kinakaibigan hanggang sa hindi mo na namamalayan iyo nang nakakapalagayan at maya-maya ay dadantay ang katotohanan kayo ay kailangan nang maghiwalay; kaya rin naman mas marami ang nabibighani at nahahalina sa dapit-hapon: malinaw na sa iyo ang katuturan ng maghapon na lumipas kaya iyo na lang inaabangan paglisan ng mabuting kaibigan bago balutin ng dilim ang kapaligiran sa pagtatakip-silim.
Sunrise, Sunset hangganan ng bawat araw sa ating dumarating bagama't magkaiba sa pandama lalo na sa ating paningin nagtuturo ng katotohanan na hindi lahat nakikita ng mga mata; gayon din, naroon palagi ang dilim sa piling natin upang higit nating mahalin at laging hanapin tunay na liwanag na hindi napaparam, si Jesu-Kristo na dumating sa pinaka-madilim na gabi ng buong taon at muling nabuhay habang madilim-dilim pa nang unang araw ng sanglinggo; sa pagbubukang-liwayway at sa dapit-hapon o takip-silim man, palaging naroon ang Panginoon tinitiyak sa atin sa bawat ngayon at dito tuloy lang ang buhay!
*Mga larawan kuha sa aking iPhone16 sa Cabo da Roca, Pundaquit, San Antonio, Zambales Mayo 14-15, 2025.
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-10 ng Abril 2025
Larawan kuha ng may-akda.
Noong isang taon ko pa ito ibig ilathala nang aking makita sa harapan ng aming simbahan, ang Pambansang Dambana ng Birhen ng Fatima dito sa Valenzuela ang karatula ng pambansang bubuyog ukol sa Visita Iglesia. Sa aking panlasa, hindi bagay, hindi match ang mix na ito. Hindi ito “mabuting balita” ayon sa Jollibee.
Ako man po ay maka-Jollibee. Paborito ko ang kanilang palabok, pangalawa lamang ang Chicken Joy at pangatlo ang Champ bagaman ayoko po ng pagkaing mayroong pinya kaya inaalis ko ito sa dambuhala nilang langhap-sarap na burger.
Subalit tuwing mga Mahal na Araw lalo na noong isang taon, ako ay nalulungkot sa Jollibee. Marahil pati ang langit at maaring lumuluha sa lungkot ang mga anghel tuwing nakikita si Jollibee masayang-masaya kung Biyernes Santo kasi masama sa panlasa ang kanilang kampanya sa Visita-Iglesia.
Hindi yata Katoliko si Jollibee tulad ng karamihan sa ating mga Pilipino bagamat mayroong ilan silang mga tinadahan na binasbasan at minimisahan ng obispo at mga pari tuwing pinasisinayangan at nagdiriwang ng anibersaryo.
Larawan mula sa Facebook.
Noong isang araw aking nakita ang post sa Facebook ng maraming taong-simbahan kasama ilang mga pari na pinupuri ang Jollibee sa kanilang advertisement ng Visita Iglesia sa mga simbahan sa buong kapuluan kasama na kanilang mga tindahan mayroong mapa ng simbahang maaring puntahan upang manalangin at mag-peregrinasyon (pilgrimage po) kasama na ang pinaka-malapit sa kainan ng Jollibee. Marami ang pumuri sa Jollibee sa naturang kampanya. Sabi ng isang uploader, “Kudos kay Jollibee ah.. very catholic.”
Sorry po. Hindi po yata tama ang inyong caption. Sa unang tingin, tila maganda pero kung susuriin natin, mali. Hindi po ito Catholic practice dahil ito ay salungat sa hiling sa atin ng Simbahan noon pa mang simula na magkaroon ng pagsasakripisyo tuwing panahon ng Kuwaresma at mga Mahal na Araw.
Sa katunayan, ang turo ng Simbahan ay mag-ayuno tuwing Miyerkules ng Abo at Biyernes Santo bilang pagninilay at pakikiisa sa pagpapakasakit at pagkamatay ni Jesu-Kristo doon sa krus mahigit dalawang libong taon na ang nakalipas. Totoo na hindi na mamatay si Jesus at hindi naman nating kailangang malungkot at malumbay sa mga panahong ito ngunit, paano tayo makapagninilay at dasal ng taos kung nasa isip natin ang pagsasaya ng pagkain ng masasarap tuwing Mahal na Araw o Biyernes Santo?
Ipagpaumanhin po ninyo lalo ng mga kaibigan ko sa Jollibee, malinaw na ang kanilang Visita-Iglesia campaign ay commercialization ng ating banal na tradisyon at gawaing Katoliko. Sa halip na makatulong ang Jollibee kasama na ang iba pang mga fastfood chain na mayroong Lenten special meals sa paggunita ng mga Mahal na Araw na maranasan man lamang nating mga Filipino muli ang tunay na diwa ng Paskuwa ng Panginoong Jesus, ito ay kanilang winawasak. Hindi nga po tayo dapat kumain bilang bahagi ng panawagang mag-ayuno o fasting tuwing Miyerkules ng Abo at Biyernes Santo. Ito ang hindi batid ng mga fastfood chain: tuwing sasapit ang Kuwaresma, palagi silang nag-aalok ng fish sandwich at iba pang pagkaing walang karne bilang bahagi ng fasting (edad 18-59) at abstinence.
Nasaan na ang panawagang mag-sakripisyo para sa mga banal na gawain ng Kuwaresma at mga Mahal na Araw tulad ng Visita Iglesia kung ang hahantungan ay Jollibee o mga fastfood?
Inuulit ko po na wala tayong layuning siraan ang Jollibee na naghatid ng maraming karangalan sa ating bayan lalo na sa larangan ng pagkain at negosyo kung saan ay inilampaso ng isang bubuyog ang dambuhalang McDonalds ng Amerika pati na sa ibang bahagi ng Asya. Sa larangang ito ng panahon ng Kuwaresma at mga Mahal na Araw, sa aking pananaw ay lumabis ang Jollibee sa kanilang gimik na Visita-Iglesia. Sa katunayan, mayroon ako nabasa sa ibang bahagi na tinatawag nila itong “Bee-sita Iglesia.” Wala po sa hulog at pokus ang kanilang kampanya na tila mayroong pagkapagano dahil malapit na itong maging idolatry. Hindi magtatagal, baka ang darasalin na ng mga bata ay “Jollibee to the Father and to the Son and the Holy Spirit…”
Ang pinakamasakit sa lahat ay makita ang mga fastfood chain tuwing Biyernes Santo na umaapaw sa mga tao – daig pa mga simbahan – na tila wala na yatang pagpapahalaga sa pagpapakasakit at pagkamatay ni Jesus para sa atin.
Batid ko po na pakaunti ng pakaunti ang mga mananampalataya na hindi na nag-aabstinensiya at ayuno tuwing Biyernes Santo. Magiging malala pa ito sa ganitong uri ng kampanya ng Jollibee tuwing Visita-Iglesia. HIndi ba sila maaring mangilin kung Biyernes Santo man lang? O, kahit mula alas-dose ng tanghali ng Biyernes Santo hanggang alas-singko ng hapon sa paglabas ng prusisyon? Hintayin man lamang sana ng mga fastfood chain at restaurant na “malibing” ang Panginoon bago sila magbukas ng tindahan nila.
Hindi ba malaking kabalintunaang makita sa araw ng ating pagninilay sa mga hirap ng Panginoong Jesu-Kristo ay naroon pa rin ang pagsasaya ng mga tao na para tayong mga pagano kumakain at nagsasaya?
Ang mga Mahal na Araw ay inilalaan upang magnilay ng taos sa ginawang pagliligtas sa atin ng Panginoon. Hindi naman natin ikamamatay ang hindi pagkain sa Jollibee ng isang raw lang tulad ng Biyernes Santo sa buong taon. At lalo namang hindi ipaghihirap at ikalulugi ng Jollibee sa sila man ay mangilin man lamang tuwing Biyernes Santo. Amen.
Larawan kuha ng may-akda, Kapilya ng Sacred Heart Novitiate, Novaliches, QC, 17 Marso 2025.